Feeds:
Posts
Comments

(Maikling Kuwento — sinulat noong 1961 at ayaw ilathala ng mga komersiyal na magasin dahil brutal daw at hindi makatao ngunit malimit nang nangyayari ngayon.)

KANGINA, nang nakaupo pa si Andong sa harap ng simbahan ng Quiapo at nakalahad ang kanyang mga kamay sa naglisaw na mga taong waring nangalilito at hindi malaman ang patutunguhan, hindi niya naisip, kahit saglit, na lubhang nakahahabag ang kanyang kalagayan. Hindi dumalaw sa kanyang pang-unawa na sisimulan niya ang kinabukasan at marahil ang maraming-marami pang kinabukasang darating sa pagpapalimos sa pook ding iyon mulang umaga hanggang hapon.

Ngunit ngayong sibsib na at nagsisimula nang pumikit-dumilat ang neon lights sa mga gusali, at ang mga taong dati-rati’y huminto-lumakad sa mga bangketa, pumasok-lumabas sa mga restawran, sa mga tindahan, sa mga sinehan, ay nagmamadali nang umaagos patungo sa abangan ng mga sasakyan, saka iglap na lumatay sa diwa ni Andong ang katotohanang iyon; at bigla ang nadama niyang pagnanasa na ang gabi ay manatiling gabi magpakailanman at, kung maaari, ang kinabukasan ay huwag nang isilang.

Iniahon ni Andong sa kanang bulsa ng kanyang halos gula-gulanit nang pantalong maong ang mga baryang matagal din bago naipon doon; at wala siyang nadamang kasiyahan nang bilangin niya iyon, di tulad noon, di gaya kahapon, na kapag sumapit na ang gayong oras, ang kalansing ng mga baryang iyon ay nagdudulot sa kanya ng lakas at ng pananabik na makita agad ang magpipitong taong gulang na si Totong sa barungbarong na nakikipagsiksikan sa kapwa mga barungbarong na nangakalibing sa makalabas ng lungsod sa gilid ng kalawangin at malamig at mahabang-mahabang daangbakal na iyon.

Hindi niya malaman ngayon kung ano ang gagawin sa kanyang napagpalimusan. Dati-rati, inilalaan niya ang apat na piso sa kanilang hapunan at almusalan ni Totong kung hindi siya makahingi ng tira-tirahang pagkain ng mga nagpapakabundat sa mga restawran. Ibinibili niya ng pansit ang dalawang piso sa maliit na restawran ng Intsik na malapit sa palengke ng Quiapo at pandesal naman ang piso sa panaderyang nasa gilid ng tulay. Naitatago pa niya ang natitirang piso kung nahahabag ang konduktor ng bus na sinasasakyan niya na siya’y singilin pa. At ang labis sa kanyang napagpalimusan ay isasama niya sa mataas-taas na ring salansan ng mga barya sa loob ng munting baul na nasa pinakasulok ng kanyang barungbarong. Kung malaki-laki na ang halaga ng laman ng baul na iyon, nagtutungo siya sa Central Market at bumibili ng pinakamurang damit na itinitinda doon — para kay Totong, para kay Aling Petra na kalapit-barungbarong niya na tagapag-alaga ni Totong kung siya’y wala.

Tinungo niya ang kaliwang sulok ng simbahan; at umupo roon, at isinandal ang butuhan na niyang katawan sa makapal, marusing at malamig na pader nito. Naisip niya, laging madilim ang gabi sa daangbakal; halos anag-ag na lamang ang sinag ng pag-asa. Tinatanglawan lamang iyon ng nag-indak-indak na ningas ng mga gasera sa pusod ng mga barungbarong. Parang nais niyang sa bakuran na ng simbahan magpahatinggabi, panoorin ang unti-unting paglugmok ng gabi — ang pagkikindatan ng mga neon lights sa mukha ng mga gusali, ang pagnipis ng magulong prusisyon ng mga sasakyan sa kahabaan ng Quezon Boulevard, at ang pagdalang ng mga nilikhang lamunin-iluwa ng mga bunganga ng underpass. Mabuti pang doon na siya hamigin ng gabi, doon na siya bayaang matulog at makalimot at, kung maaari nga lamang, ang iluluwal na umaga ay huwag na niyang makita magpakailanman.

Lumalamig ang gabi, at sa kalangitan ang maiitim na ulap ay naghahabulan. Alam niyang maaaring biglang umulan, at alam din niyang masama siyang maulanan at malamigan. Mula noong sumuka siya ng dugo nang pasan-pasan niya sa palengke ng Paco ang isang malaking tablang kahon na puno ng patatas, malimit na siyang dalahitin ng ubo na naging dahilan ng pagkumpis ng dati’y bilugan at malaman niyang dibdib, ng paghumpak ng kanyang pisngi, at pagiging buto’t balat ng kanyang mga braso, at siya’y hindi na nakapagkargador. At marahil, dahil napaggugutom na si Tasya at hirap na hirap na sa paglalabada, at malimit pa silang mag-away, nilayasan siya nito isang gabi, iniwan ang noon ay mag-aanim na taong gulang lamang na si Totong. At magdadalawang buwan na, nabalitaan niya, mula sa isang kakilala, na ang kinakasama ngayon ni Tasya ay isang tsuper ng bus na nagyayao’t dito sa Maynila at Laguna.

MATAGAL na namalagi si Andong sa sulok na iyon ng simbahan, hanggang sa mapansin niyang ang sementadong bakuran nito ay inulila na ng mga paang kangina ay langkay-langkay na nagsalasalabat at nangagmamadali. Sinalat-salat niya ang mga baryang nasa bulsa ng kanyang pantalon. Malamig na malamig ang mga baryang iyon. Kasinglamig ng malapit nang pumanaw na gabi, kasinglamig ng pangungulila niya kay Tasya, at kasinglamig din ng pagdaralitang matagal nang nakayakap sa kanya. At naramdaman niyang nagiginaw ang kanyang kaluluwa, naghahanap ng timbulan, ng saglit na kaligayahan, at saglit na kapayapaan.

Humihiwa sa kanyang kamalayan ang katotohanan na mga ilang oras pa at madaling-araw na at, hindi niya maunawaan, tumitindi ang kanyang pagnanasang huwag nang makita ang umaga, at ang mga baryang nasa kanyang bulsa ay huwag nang sikatan ng araw na nasa bulsa pa rin niya. Ibig niya ngayong galugarin ang lungsod, lumakad nang lumakad, at mapadpad siya kahit saan. Ibig niyang matagpuan ang kapayapaan, kahit sa dilim ng naghihingalong gabi, kahit sa tabi ng umaalingasaw na mga basurahan, kahit sa madidilim at makikipot at mababahong mga eskinita, o kahit sa nagbabanta nang mga patak ng ulan.

Madilim na madilim na sa kalangitan, at walang maaninaw si Andong ni isa mang bituin. Lumabas siya sa bakuran ng simbahan. Parang wala sa sariling tinumbok niya ang kalye Evangelista. Saglit siyang huminto sa panulukan, at inaninaw niya ang mga mukha ng dalawang batang lalaking magkasiping sa loob ng munting kariton. At naalaala niya si Totong. Kangina pa naghihintay si Totong… natutulog na marahil si Totong.

Ginaygay niya ang bangketa, at sa suluk-sulok, hindi iilang pagal na katawan ng mga bata at matanda ang inilugmok ng gabi sa pira-pirasong karton at pinagtagni-tagning diyaryo. Lalong humihiwa sa kanyang kamalayan ang kahabag-habag niyang kalagayan. At, naisip niya, hindi na marahil magtatagal, igugupo siya ng kanyang karamdaman.

Bakit kinakailangan pa niyang mangarap nang mangarap? Masarap mangarap, ngunit mapait kung alam mong hindi na matutupad. Paano si Totong kung wala na siya?

At nang lumiko siya sa isang panulukan, isang binatilyo ang sumulpot sa dilim, lumapit sa kanya, at may inianas. At bigla ang pagbabangon ng damdaming sumuno sa kumpis nang dibdib ni Andong.

Bakit wala si Tasya?

At hindi niya maunawaan kung bakit sa kalagayan niyang iyon, nakuha pang sumuno ang damdaming iyon. Marahil, sapagkat siya’y may puso, may utak, may laman at buto at dugo. Huminto siya at inaninaw niya sa manipis na karimlan ang mukha ng binatilyo. Sinalat-salat niya ang mga baryang nasa kanyang bulsa at nang maisip niyang pinagpalimusan niya iyon, iglap na lumusob sa kanya ang di mawaring paghihimagsik.

“Magkano?”

Ngumisi ang binatilyo at itinaas ang kanang palad na nakatikom ang hinlalaki at nakaunat ang apat na daliri.

Iniahong lahat ni Andong sa bulsa ng kanyang pantalon ang mga baryang naroroon, dalawang ulit niyang dinaklot at iniabot sa binatilyo. Nagkislap-kislap ang mga baryang iyon nang bilangin ng binatilyo sa tama ng liwanag ng bombilya ng posteng malapit sa panulukan.

“Sobra ho ito,” sabi ng binatilyo.

“Iyo na.” Paos ang tinig ni Andong.

Magkasunod na nilamon ng madilim at makipot na eskinita na nasa pagitan ng dalawang lumang aksesorya ang yayat na kabuuan ni Andong at ng binatilyo. Tinalunton nila ang nagpuputik na eskinitang iyon hanggang sa sumapit sila sa kalagitnaan. Huminto ang binatilyo, at huminto rin si Andong.

Sa manipis na karimlan, nabanaagan niya ang ilang babaing magkakatabing nakaupo sa bungad ng isang pinto ng aksesorya. Pumako ang tingin ng mga iyon sa kanya at naghagikhikan.

Bakit wala si Tasya? Ibig niyang makita, himasin ang mukha ni Tasya. Ibig niyang madama ang init ng katawan ni Tasya.

Itinuro niya ang babaing nasa gilid ng pinto. Tumayo ang babaing iyon. Payat iyon, mataas, manipis ang labi, singkit, pango. Sumunod siya nang pumasok ang babae sa aksesorya at, sa ulunan ng radyo-ponograpong hindi tumutugtog, nakapako sa dinding ang karatulang tisa na may pulang mga titik na GOD BLESS OUR HOME.

At dinalahit ng ubo si Andong nang lumabas siya sa silid na iyong marusing at marumi at may kakaibang alingasaw at nakakalatan ng lukut-lukot na tissue paper ang mahina nang suwelong tabla. At sumanib sa sunud-sunod na pag-ubo ni Andong ang matinis na halakhak ng mga babaing nasa bungad ng pinto ng aksesorya.

MALAMIG at madilim at malungkot ang daangbakal at, sa langit, ang bunton ng makakapal at maiitim na ulap ay bibitin-bitin na lamang sa kalawakan. Ang madaling-araw ay nailuwal na ng gabing nagdaan, ngunit madilim na madilim pa at waring hindi na daratal pa ang umaga.

Kumislot si Totong nang pumasok si Andong sa barungbarong. Ibig pa niyang lumakad nang lumakad hanggang sumisigid sa kanyang kaluluwa ang lamig ng pagdaralitang hindi niya matakasan, at isasama niya si Totong upang hanapin nila ang kapayapaan, kahit sa malalaki at masinsing patak ng ulan na ngayon ay naglagi-lagitik sa kalawanging bubong ng mga barungbarong.

“Totong,” paos ang tinig ni Andong.

Dumilat si Totong, kinusut-kusot ang mga mata, tumingin sa malamlam at waring namamaalam na ningas ng gasera.

“Totong,” lumuhod si Andong sa tabi ng anak at hinimas ang payat na kabuuan ni Totong.

Bumangon si Totong.

“Me uwi kang pansit, ‘Tay?” Iginala ni Totong ang tingin sa kabuuan ng nagiginaw na barungbarong, lumungkot ang mukha nito nang mapansing walang nakapatong na supot sa mesitang yari sa pinagputul-putol na tabla.

Nangilid ang luha ni Andong.

“Ba’t ‘ala kang uwing pansit ngayon, ‘Tay? Kahapon, saka noon pa, lagi kang me uwi. Ba’t ‘ala kang uwi ngayon, ha, ‘Tay?

“Bibili tayo.”

“Senga, ha, ‘Tay?” Namilog ang mga mata ni Totong.

Tumango si Andong.

“Kelan?” Nangulimlim ang mukha ni Totong.

“Ngayon.”

Napalundag si Totong.

“Saka pandesal, ha, ‘Tay! Saka ‘yong tulad nang uwi mo noong ’sang gabi, ‘yon bang masarap, ‘yong me lamang keso!”

Hinawakan ni Andong ang kamay ni Totong. Inakay niya ito palabas ng barungbarong. Sa labas, ang ulan ay patuloy sa malakas na pagbuhos. Ang mga barungbarong ay nagiginaw, nagsisiksikan, at waring hindi kayang bigyang-init ng nag-indak-indak na ningas ng mga gasera. Sa diwa ni Andong, nagtutumining ang isang kapasiyahan.

Masarap mangarap, ngunit mapait kung alam mong hindi na matutupad.

“Umuulan, ‘Tay. Maliligo tayo sa ulan, ‘Tay? Tuwang-tuwa si Totong.

Dinalahit ng ubo si Andong paglabas nila ng barungbarong, sunud-sunod, mahahaba. Humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ni Totong. Nagsayaw-sayaw sa kanyang katawan ang malamig na malamig na patak ng ulan. Waring nananangis ang mga bubungang yero ng mga barungbarong, tumututol sa sunud-sunod, nagmamadaling mga patak ng hindi masawatang ulan.

Uubu-ubo, pahapay-hapay na inakay ni Andong si Totong. Sumampa sila sa daangbakal. Lumuksu-lukso pa si Totong, nalalaru-laro ang masinsing mga patak ng ulan,. Tinalunton nila ang riles na iyong hindi alam ni Andong ang puno at dulo.

“Malayo pa, ‘Tay? Sa’n me tindang pansit, ha?” mayamaya’y tanong ni Totong.

“Ma…malapit na, Totong.” Pamuling dinalahit ng ubo si Andong, at lalong humihiwa sa kanyang kamalayan ang kahabag-habag niyang kalagayan.

Nagpatuloy sila sa paglakad. Lalong lumalakas ang ulan. Lalong tumitindi ang pagnanasa ni Andong na huwag nang makita ang umaga, at ang maraming-marami pang umagang darating.

Darating na ang kapaypaan… darating na iyon.

“Malayo pa ba, ha, ‘Tay?” pamuling tanong ni Totong. “Gutom na ‘ko, ‘Tay. Pansit, ha, saka ‘yong me palamang keso.”

Hindi sumagot si Andong. Naramdaman niya na waring hinahalukay ang kanyang dibdib, nagsisikip. Nangangati ang kanyang lalamunan. Muli siyang inubo, tuyot, sunud-sunod, mahahaba, at waring hindi na niya kayang magpatuloy sa paglakad. Napaupo siya sa riles, hawak-hawak pa rin niya ang kamay ni Totong at, kahit nanlalabo ang kanyang paningin, nababanaagan niya ang malungkot nang mukha ni Totong; nagtatanong ang mga mata nito, kukurap-kurap.

Yumayanig na ang riles, naramdaman ni Andong, at humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ni Totong. Tumingin siya sa pinagmumulan ng dagundong ngunit madilim pa, kahit mag-uumaga na. Ang kalawakan ay lalong pinadidilim ng masinsin at malalaking patak ng ulan na waring galak na galak sa pagbuhos.

Sa malayo, ang dagundong ng tren ay papalapit, papalakas. Yumupyop na si Totong sa tabi ni Andong.

‘Tay, uwi na tayo! ‘Yoko na sa ulan. ‘Yoko na ng pansit,” parang maiiyak si Totong.

Rikitik…rikitik…rikitik…wooo… wooo!

Papalapit iyon, papalakas, papabilis.

Dumapa si Andong sa riles ng tren. Patuloy siyang dinadalahit ng ubo. Naramdaman niyang nagwawala si Totong sa kanyang pagkakahawak.

Rikitik…rikitik…rikitik…rikitik…woooo…woooo!

“‘Tay!”

Nilamon lamang ng malakas na malakas nang dagundong ng tren ang sigaw ni Totong. Nagdudumilat sa harapan ang dalawang ilaw ng rumaragasang tren. –#

(Kolum)

SA KABILA ng lumalawak at tumitinding mga protesta ng iba’t ibang sektor ng sambayanan — bukod pa sa mga miyembro ng Senado na malinaw ang pansariling mga interes — laban sa iginigilgil na Con-Ass (Hole) o asamblea constituyente para baguhin ang umiiral na 1987 Konstitusyon ng bansa (tulad nang ginawa ng lehislatura ng Pransiya noong 1789-1791), at kahit napakakontrobersiyal na gawin ito kung Kamara lamang ang magsasagawa at lalabagin nito ang mga probisyon ng Konstitusyon ayon sa mga dalubhasa sa Saligang-Batas, lumilitaw na igigiit at igigiit pa rin ng masusugid na basalyos ni La Gloria sa Kongreso ang bagay na ito kahit pagbabambuhin pa ang kanilang mga ulo o kasuklaman man sila nang husto ng mulat na sambayanang Pilipino.

Natural, maliwanag ang posisyong ipinangangalandakan ng masusugid na tagahimod ng kuyukot ng Malakanyang: hindi isasaksak sa babaguhing Konstitusyon ang pagpapalawig sa termino ng panunungkulan ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo o ng sinuman pero, sa kabilang banda, gagawin namang parlamentaryo/pederal/may isang kapulungan ang sistema ng gobyerno, hindi na presidensiyal tulad nang umiiral ngayon. Samakatuwid, at malinaw na ang mga senyales, hindi imposibleng kumandidato si La Gloria bilang kongresista sa kanyang distrito sa Pampanga at, sapagkat, mayorya ng mga basalyos niya ang inaasahang miyembro ng mabubuong Parlamento at sila ang maghahalal ng Punong Ministro at seremonyal na Presidente ng Republikang Mamon, imposible pa bang maging Punong Ministro naman si La Gloria lalo’t masidhi ang ambisyon niyang makapangunyapit na parang tuko sa nakababaliw na kapangyarihan, impluwensiya’t pribilehiyo hanggang siya’y humihinga?

Napakatuso nga ngayon ang taktika ng mga diyus-diyosan ng balintunang lipunan. Una, isulong nang husto ang Cha-Cha o pagbabago sa Konstitusyon sa pamamagitan ng nilalarong asamblea constituyente o kahit kombensiyon konstitusyonal (tulad nang ginawa sa Philadelphia, USA noong 1787 o noong 1970 sa Pilipinas sa ilalim ng rehimeng Marcos). Masidhi nga ang pagisisikap na gawing parlamentaryo ang sistema ng gobyerno para maging Punong Ministro si La Gloria. Ikalawa, kung mabigong maisakatuparan ito bago mag-eleksiyon sa darating na Mayo 2010, kakandidato naman siyang kongresista ng Pampanga bilang paghahanda sa malililikhang parlamento dahil, sa anumang paraan, itutuloy at itutuloy pa rin ng mga basalyos niya ang pagsusulong sa Cha-Cha lalo na’t may basbas pa ito ng Amerika. {Gusto naman ng Amerika, sa dikta ng imperyalista nitong mga patakaran, na alisin sa babaguhing Konstitusyon ang mga limitasyon sa pagmamay-ari ng mga lupain at negosyo o mga korporasyon dito upang lubusan nang magahasa ang ekonomiya ng Republikang Mamon.) Ikatlo, at nakababahala, sukdulan nilang igigilgil sa Kongreso na mag-Cha-Cha na ngayon na, tiyak, magbubunsod at magpapasiklab ng higit pang mga protesta ng iba’t ibang sektor ng sambayanan na maaaring mauwi sa mga kaguluhan at karahasan sa buong bansa na pabor pa rin kay La Gloria sapagkat may katuwiran naman siyang ideklara ang Batas Militar (tulad nang ginawa noon ng yumaong diktador na si Marcos) at, samakatuwid, garantisadong mapapalawig ang pananatili niya sa poder — maliban na lamang kung magkudeta ang militar o matagumpay na magrebolusyon ang sambayanan.

Gayunpaman, batay sa takbo ng mga pangyayari ngayon, mukhang nakatuon na ang mata ng mga diyus-diyosan sa eleksiyong pampanguluhan sa Mayo 2010 at, kung hindi magkakagulo o SADYAING palaganapin ng mga salamangkero ang karahasan sa bansa upang maideklara ang Batas Militar, tiyak na ngang idaraos ang sarsuwela o malakarnabal na pagtatanghal ng bastardong mga pulitiko mga ilang buwan na lamang mula ngayon. Katunayan, nagkakarambola na ang mga nag-aambisyong maging kahalili ni La Gloria sa poder at, sa pamamagitan ng tuso o disimuladong mga pamamaraan, tulad ng mga bayad na anunsiyo sa telebisyon — sarili mang pera o pondo ng bayan ang ginastos — ibinabandila na nila ang kanilang mga pagmumukha at adhikaing “mapaglingkuran ang bayan” kahit hindi pa sila opisyal na kandidato at labag sa reglamento ng inutil na Comelec na mangampanya na sila ngayon pa lamang.

Pero, magka-eleksiyon man taun-taon, o malimit mang baguhin ang Konstitusyon ng bansa sa bawat panahon, malulunasan ba ang grabe nang mga sakit na panlipunan mulang doble-karang hustisya hanggang palsipikadong demokrasya kung ang uri pa ring naghahari-harian at mapagsamantala ang mamamahala at uugit sa bansa, lalo’t mahigpit nilang kontrolado o monopolyo nila ang pambansang pulitika’t ekonomiya? Sabi nga, natural lamang na puspusan nilang pangalagaan ang pansarili nilang mapandambong na mga interes sa kapinsalaan ng bayan at masang sambayanan.

Sa pagpapalit ng mga rehimen sa pamamagitan ng mga eleksiyon simula pa sa panahon ni dating Presidente Elpidio Quirino hanggang sa ngayon, o pagbabago man sa Konstitusyon tulad noong 1970, o sa pamamagitan ng Edsa 1 at Edsa 2, paulit-ulit na napatunayang salonpas lamang para sa kanser ang lahat ng ito. Malinaw na kinakasangkapan lamang ng uring naghahari-harian, ng mga elitista’t kinatawan ng oligarkiya at dayuhang mga interes ang suporta ng masang sambayanan at, pagkatapos na maluklok sa poder ang mga diyus-diyosan, agad nilang inilalampaso sa kubeta ng kapangyarihan ang pambansang kapakanan, lalo na nga ang nilulumot nang adhikan ng masang sambayanan na makalaya sa kabusabusan.

Wala ngang naganap, noon hanggang ngayon, na radikal na mga pagbabagong panlipunan. Lumulubha pa nga nang lumulubha ang disempleyo at karalitaan habang sumisidhi nang sumisidhi ang talamak at garapal na katiwalian ng mga nasa poder sa salapi ng bayan. Nananatiling dayukdok at busabos o inaalipin ng gahamang mga kapitalista ang uring manggagawa habang walang sawa silang nagtatampisaw at nagpapakabundat sa pawis at dugo ng mga ito. Nakatanikala pa rin sa lupa ng mga asendero’t propiyetaryo at kumain-dili ang mga magsasaka at ni hindi man lamang mabanaagan ang tunay na repormang agraryo habang masaganang nagpipiging at nagkakamot lamang ng bayag ang mga kinauukulan sa loob ng kani-kanilang alpombradong mansiyon at palasyo. Higit pang masama, paulit-ulit na itinitihaya at ibinubukaka ang Pilipinas ng nagririgodong pambansang liderato upang ipagahasa at ipalaspag ang ekonomiya’t pambansang kapakanan sa mapandambong na dayuhang mga interes, lalo na sa masibang imperyalistang mga patakaran ng Amerika.

Sa kabila ng mga kilusan para sa isang mapayapa, malinis at kapanipaniwalang eleksiyon, ano pa nga ba ang maaasahan ng bayan at masang sambayanan sa mga halalang tulad nito na lagi’t laging kinakatawan at pinaghaharian ng dati at dati ring mga diyus-diyosan sa umiiral na lipunan gayong lumilitaw na pasimuno pa ang mga ito ng inhustisya, bentador ng pambansang kapakanan, at masugid na mga kaaway ng lantay na katarungang panlipunan? Ano pa nga ba ang maaasahan din ng bayan at masang sambayanan sakaling baguhin man ang Konstitusyon kung ang magpapasok ng mga pagbabago ay ang naturan ding uri na dumadaloy na sa dugo at nakatanim na sa mga puson at puklo ang mapagsamantalang pribadong mga interes para sa kapakanan lamang ng kanilang uri? Sabi nga, hindi makalilikha ng banal na kasulatan ang grupo ng mga impakto!

Opo, Virginia, opo: magka-eleksiyon man araw-araw, baguhin man ang Konstitusyon oras-oras, hindi magkakaroon ng radikal na pambansang mga pagbabago — lalo na sa buhay ng masang sambayanan — hanggang hindi nababago ang napakasamang balangkas ng lipunang kontrolado lamang ng iilang naghahari-harian ang ekonomiya’t pulitika ng bansa. Hanggang hindi lantay na makabayan, makatao, makamasa, maka-Pilipino at progresibo ang hahawak sa renda ng pambansang kapangyarihan o hindi tangan ng masang sambayanan ang pampulitikang kapangyarihan, mananatiling salonpas lamang para sa kanser ang naturang mga proseso at mananatiling paghaharian ng kampon ng kadiliman ang pinakamamahal nating bayan.– #

Pakana Ng CIA

(Kolum)

TIYAK, ngayon pa lamang, nakatutok na ang mata ni Uncle Sam sa mga ambisyosong maging Presidente ng bansa kung matutuloy nga ang eleksiyong pampanguluhan sa Mayo 2010. Kung hindi nga maisalaksak sa lalamunan ng sambayanan ang Cha-Cha o pagbabago sa umiiral na Konstitusyon dahil sa tumitinding mga protesta at tuluyang mabigo ngayon ang layuning gawing parlamentaryo/pederal/may isang kapulungan — hindi na presidensiyal — ang porma ng gobyerno upang maging Punong Ministro o Presidente na naman si La Gloria, wala nang dahilan pang kapunin o patayin ang nakatakdang eleksiyon, maliban na lamang kung sadyaing lumaganap ang mga karahasan at kaguluhan sa bansa upang mapangatuwiranang kailangang ideklara ang Batas Militar gaya nang ginawa noon ng yumaong diktador na si Ferdinand E. Marcos.

Natural, at lagi naman itong ginagawa, sinusuri na ng Amerika kung sino ang mamanuking susunod na Presidente ng Republikang Mamon upang maging tagapagtaguyod ng imperyalista nitong mga patakaran sa Pilipinas. Si Bise-Presidente Noli de Castro ba? Isa ba kina Sen. Manuel Villar, Panfilo Lacson, Dick Gordon, Mar Roxas, Loren Legarda at
Chiz Escudero?.Si Sekretaryo Gilbert Teodoro ba ng DND (Dept. of National Defense)? Si Gobernador Ed “Among” Panlilio ba ng Pampanga? O si Alkalde Jojo Binay ng Makati? Si Tagapangulong Bayani Fernando ba ng MMDA (Metro Manila Development Authority)? O si Bro. Eddie Villanueva ba ng JIL (Jesus is Lord) o si Bro. Mike Velarde ng El Shaddai? O sinumang impaktong handang maging masugid na tagahimod ng kuyukot ni Uncle Sam?

Hindi na tuloy katakataka, hanggang ngayon, kung bakit wala ni isa sa mga nabanggit ang bumabatikos sa mapambusabos at mapanggahasang imperyalistang mga patakaran ng Amerika sa Pilipinas — pangkultura man, pang-ekonomiya man o pampulitika. Nang magharap sa programa ni Tina Monzon Palma sa telebisyon kamakailan sina Roxas, Gordon, Escudero, Panlilio at Teodoro, naging mababaw ang kanilang mga pahayag. Hindi nila sinaling man lamang ang isyu tungkol sa ganap na kasarinlan o soberanya ng bansa na ipinampupunas lamang ng puwit ng Amerika, gayundin ang isyu sa tunay na reporma sa lupa, at wala silang pinagtuunang lamutakin kundi ang pagsugpo sa katiwalian lalo na sa burukrasya.

Sapagkat walang sinuman sa kanila ang bobo, tiyak na alam nilang pangunahing dahilan ng paglaganap ng karalitaan sa bansa ang mga galamay ng imperyalismong Amerikano at, dahil sa mapambusabos nitong mga patakaran, imposible tuloy na maisulong ang pambansang kapakanan at kaunlarang minimithi ng dayukdok na sambayanan. Pero, sa kabilang banda, dahil alam nilang kailangan nila ang bendisyon at suporta ni Uncle Sam upang maisakatuparan ang nakababaliw nilang ambisyong pampulitika, natural nga lamang na huwag nilang salingin man lamang ang gayong usapin o sadyain nilang embalsamuhin ang sariling utak, kandaduhan ang bibig, o putulin ang dila para ibenta ang sarili sa mga diyus-diyosan sa Washington.

Sa proseso ng pagsusulong at pagpapairal sa imperyalistang mga patakaran ng Amerika sa alinmang bansa, hindi mapapasubaliang malaki ang papel na ginampanan — at patuloy na ginagampanan — ng mga ahente ng CIA (Central Intelligence Agency) nito. Malinaw na ibinunyag ang lahat-lahat sa mga aklat na “Who’s Who In The CIA” ni Jules Mader at “Rogue State” ni William Blum. Noon pa man, mga 3,000 katao na — mga sibilyan, militar, pulitiko at maging peryodista — ang sinusuwelduhan ng CIA bilang mga ahente.
Nakakalat sila sa mundo upang maniktik, mangalap ng mga impormasyon, magwasak ng unyon ng mga manggagawa at ng mga organisasyong makabayan, magbagsak ng mga rehimeng anti-Amerikano, manabotahe ng ekonomiya, at magluklok sa poder ng mga lider na kayang pilipitin ang leeg upang maging papet ni Uncle Sam. Higit sa lahat, kung kinakailangan, maaari pa silang magpakana ng mga pagpatay, mapangalagaan lamang ang mapandambong na interes ng Amerika.

Dekada ‘60 pa, mga 100 na ang ahente ng CIA sa India, 34 sa Afghanistan, 15 sa Ceylon, 86 sa China, 72 sa Indonesia, 44 sa Burma, 80 sa Hongkong, 140 sa Japan, 26 sa Cambodia, 40 sa Laos, 11 sa Malaysia, 16 sa Nepal, 90 sa Timog Korea, 100 sa Thailand, 150 sa Vietnam, 85 sa Pilipinas, bukod pa sa mga 100 ahente sa iba pang mga bansa. Natural, sa paglipas ng mga panahon, lubos na naragdagan ang naturang bilang sa masidhing ambisyon ng Amerika na makontrol at mapagharian ang buong mundo. Sa Pilipinas ngayon, tinatayang mahigit sa 200 ang naglisaw na mga aso ng CIA, lalo na’t inihahanda na ang tanghalan ng malakarnabal na eleksiyon sa 2010 at, sa anumang paraan, dapat na manyikang de susi o papet ni Uncle Sam ang susunod na maupo sa inodoro ng kapangyarihan sa Malakanyang.

Maraming pangyayari nga sa ibang mga bansa ang pinaniniwalaang minaniobra ng mahiwaga at makapangyarihang kamay ng CIA. Nariyan, halimbawa, ang pagpatay kay Patrice Lumumba, unang Punong Ministro ng Congo, noong 1961. Nariyan ang pagpapabagsak sa maka-Komunistang rehimen diumano ni Sukarno ng Indonesia noong 1962 at pagluluklok sa poder kay Suharto na nagpakatuta sa Amerika. Nariyan ang pagpapatalsik sa makabayang rehimen ni Mohammed Mossadegh ng Iran noong 1953 hanggang sa mailagay sa kapangyarihan ang papet na si Shah Reza Pahlavi. Nariyan ang pagpatay kay Ngo Dinh Diem ng Vietnam (tinulungan muna ng CIA na maging presidente saka nilikida nang ayaw nang sumunod sa kagustuhan ng Amerika noong 1963). Malinaw din ang pagmamaniobra ng CIA sa kudeta sa Guatemala noong 1954 at pagpapatalsik sa kapangyarihan kay Francois “Papa Doc” Duvalier ng Haiti noong dekada ‘60. Bukod sa mga nabanggit, hindi iilang ulit na ring pinagtangkaang patayin ng CIA sina Fidel Castro ng Cuba at Moammar Qaddafi ng Libya.

Sa mga naging lider na lamang ng Pilipinas, pinag-iisipan pa rin hanggang ngayon ng mga palasuri sa pandaigdig na pulitika na bahagi ng teroristang mga pakana ng CIA ang biglang pagkamatay ni Sen. Claro M Recto noong dekada ‘50 sa Roma. Kilalang makabayan si Recto at mahigpit na kritiko ng imperyalistang mga patakaran ng Amerika sa Pilipinas matapos ang kolonyalismong Kastila. Sa isang piging sa Roma, bigla na lamang diumanong inatake sa puso si Recto gayong sinasabing wala siyang sakit sa puso. Tumibay ang paniniwalang nilason siya ng CIA.

Makabuluhan din, marahil, na banggitin ang nangyari kay dating Presidente Ramon Magsaysay. Batay sa aklat na “The Invisible Government” nina David Wise at Thomas Ross, lumilitaw na inalagaan at pinasikat ng CIA hanggang maging Presidente ng bansa ang mekanikong si Magsaysay sa ilalim ng pagmamaniobra ni Col. Edward Landsdale, hepe noon ng CIA sa Asya-Pasipiko. Iniluklok muna siyang kalihim ng Tanggulang Bansa at ginamit nang husto laban sa rebelyon ng mga Huk. Pero, nang Presidente na siya, at nagsisimulang sumuway sa kagustuhan ni Uncle Sam, bigla ngang bumagsak sa Mt. Manunggal ang sinasakyan niyang eroplanong pampangulo gayong lagi iyong sinusuri’t tinitiyak na ligtas bago paliparin at, makatuwirang isipin, pinakamahusay na piloto rin ang inaatasang magpalipad niyon.

Mahalaga ring sariwain kung paano niwawasak ng CIA ang gulugod ng unyonismong anti-Amerikano sa bansa. Noong 1968 na lamang, walang patumanggang pinatay si Resureccion Nazareno, presidente ng Clark Field Labor Union matapos ang isang malaking kilos-protesta laban sa mga opisyal ng base militar ng Amerika sa Clark Field, Pampanga. Pagkatapos, nang nasa kainitan ang welga ng mga empleyado sa Clark, bigla ring pinatay sa isang restawran si Konsehal Jose M. Roman, Jr. ng Angeles ng naturang probinsiya makaraang pamunuan ang dalawang matagumpay na demonstrasyon laban sa mga opisyal ng Clark at interes ng Amerika sa bansa.

Bukod sa mga nabanggit, malaki rin ang papel na ginampanan ng CIA, hindi ng Birhen ng Edsa, sa mapayapang pagpapatalsik sa diktadurang Marcos. Masugid na papet din ng Amerika si Marcos pero nang labis na umabuso sa kapangyarihan at tumindi na’t lumawak ang galit ng sambayanan, natakot ang Amerika na magkarebolusyon sa bansa at maluklok sa kapangyarihan ang mga makabayan, progresibo at sinasabing maka-kaliwa na, tiyak, ikawawasak ng lahat ng mapandambong na interes ng Amerika sa bansa. Ipinasiya nga ng mga diyus-diyosan sa Washington na maniobrahing patalsikin na si Marcos, palitan ng bagong papet na katanggap-tanggap sa mga mamamayan, kaya tinawagang “You better pack-up. No bloodshed!” nang nasa kasagsagan na ang Edsa 1. Helikopter nga ng Amerika ang sumundo sa Unang Pamilya at kanilang pangunahing mga basalyos sa Malakanyang at dinala sila sa Haway.

Ayon nga kay Blum, karaniwan na lamang ang tuwiran o di- tuwirang pakikialam ng Amerika — sa pamamagitan ng CIA — sa mga bansang gusto nitong kontrolin at gahasain gaya na nga lamang ng paghokus pokus sa mga eleksiyon. Kung kinakailangan pa, naglulunsad din ito ng lantarang agresyon tulad sa Iraq at Afghanistan madamay man ang inosenteng mga sibilyan sa pamamagitan ng paggamit ng mapamuksang mga sandatang kemikal at bayolohikal. Ibinunyag pa ni Blum na ang CIA ang nagmaniobrang ipakulong ng 28 taon si Nelson Mandela ng Aprika, gayundin ng dalawang tangkang pagpatay noon kay dating Presidente Jose Figueras ng Chile.

Maisulong nga lamang ang gahaman at mapang-aliping interes ng Amerika sa alinmang bansa, ginagawa ng CIA ang lahat — magpakalat ng mapanlinlang at baluktot na mga propaganda, mangidnap at pumatay, magpalaganap ng droga, magpahirap at manggipit ng itinuturing na mga kaaway, manabotahe sa makabayang pamahalaan, magsalamangka sa mga halalan, at magpakana ng kung anu-ano pang maruruming taktika para sa interes ni Uncle Sam. Katunayan, bukod sa Iraq at Afghanistan ngayon, tuluy-tuloy ang masugid na pagkilos ng CIA sa Libya at Iran, sa Syria at Hilagang Korea at iba pang mga bansang hindi nito basta mapilipit ang leeg para mangayupapa sa altar ng imperyalismong Amerikano.

Sapagkat lumalakas ngayon sa Pilipinas ang mga puwersang makabayan at progresibo, at tumitindi ang mga protesta kontra sa imperyalistang mga patakaran ng Amerika dito, makatuwiran nga lamang asahang mag-iibayo rin ang pagkilos, pagmamaniobra, mga pakana at pakikialam ng mga ahente ng CIA sa bansa. Asahan nang sasalamangkahin nito ang eleksiyon sa 2010 — kung hindi matagumpay na mailulunsad ang Cha-Cha sa Kongreso ng mga sirkero’t payaso — matiyak lamang na tuta ni Uncle Sam ang susunod na Presidente ng Republikang Mamon.

Opo, Virginia, opo, ngayon pa lamang ay paniwalaan mo na ito! Huwag mo nang sangguniin ang iyong horoscope araw-araw. #

Republikang Mamon

(Kolum)

HINDI na dapat ikagulat pa kung bakit napawalang-sala sa CA (Court of Appeals) ang marinong Amerikanong si Daniel Smith at walang kaabug-abog na nakauwi na sa Estados Unidos ng Amerika. Sa RTC (Regional Trial Court) ng Makati, puspusang nilitis si Smith ni Hukom Benjamin Pozon sa kasong panggagahasa sa isang Suzette “Nicole” Nicolas na nangyari noong malibog na gabi ng 2005. Napatunayan siyang nagkasala at nasentensiyahang mabilanggo ng mga 40 taon.

Habang nakaapela sa CA ang kanyang kaso, mga dalawang taon nga siyang ikinulong noon sa Embahada ng Amerika dito na, maliwanag, hindi sakop ng mga batas at hurisdiksiyon ng Pilipinas. Matapos magdesisyon ang Korte Suprema na dapat nang ilipat ng kulungan si Smith sa sakop ng teritoryo ng bansa — halimbawa’y sa Pambansang Bilangguan sa Muntinlupa — hindi naman iyon naipatupad kahit isang minuto dahil kailangan pa diumanong “linawin” ang ilang teknikalidad sa mga probisyon ng nakasusukang VFA (Visiting Forces Agreement) na sumalaula na naman sa soberanya o kasarinlan ng bansa. Sadyang binimbin ang pagpapatupad ng naturang kautusan, ibinitin at pinatawing-tawing sa hangin kaya, sa wakas, namaniobra o nasalamangka ng makapangyarihang mga kamay ang lahat-lahat at nagmukhang tanga ang Republikang Mamon.

Maaalaala, kahit parang dumaraan sa butas ng karayom ang sinumang aplikante para mapagkalooban ng visa sa Embahada ng Amerika dito, biglang-bigla na lamang pumutok ang balitang nasa Amerika na si Nicole, kasama ang Nanay, upang doon na magsimula ng panibagong buhay matapos ang madamdamin niyang pagsasalaysay noon kung paano nilaspag ni Smith ang kanyang puri. Pagkatapos, bigla rin ang ipinalabas niyang bagong pahayag na hindi na niya tiyak kung ginahasa nga siya o hindi ni Smith dahil “lasing na lasing” siya noong gabing iyon. Maliwanag, ang nabaligtad na pahayag ni Nicole ang isa sa mga matibay na batayan ng tatlong babaing mahistrado ng CA — bukod sa iba pa marahil na mahiwagang mga kadahilanan, kasama diumano ang konsensiya — kaya, sa wakas, mabilis pa sa alas kuwatrong napawalang-sala si Smith at parang ipu-ipong nakauwi agad sa Amerika.

Dumaan, diumano, sa tamang proseso ang lahat, ayon kay Embahador Kristie Anne Kenny, at gayundin ang opinyon ng ilang opisyal ng pamahalaan natin, lalo na si Sekretaryo Raul Gonzalez ng Katarungan kaya, sabi nila, walang dapat hinalaing iregularidad o hokus pokus sa mga bagay na ito. “Tell it to the marines,” sabi nga sa wika ng mga Yankee. Sa paniniwala ng mga mulat at progresibo, diniktahan ng mga diyus-diyosan sa Washington ang diyosa ng Malakanyang para aregluhin ang lahat pabor kay Smith.

Batay sa kasaysayan ng Republikang Mamon, matagal nang nangangayupapa at tagahimod ng pundilyo ng imperyalistang mga patakaran ng Amerika ang walang gulugod na pambansang liderato ng Pilipinas. Mula pa sa panahon ng mga Quezon, Roxas at Osmena, hanggang sa mga rehimen ng mga Marcos, Aquino, Ramos, Erap at La Gloria, maliwanag na papet lamang o manyikang de susi ni Uncle Sam ang mga naging presidente ng Republika (basahin ang aklat na “In Our Image” ni Stanley Karnow) kaya kalimitang ibinebenta ang pambansang kapakanan at labis na nasasalaula ang tunay na kasarinlan o soberanya maisulong lamang ng mga kinauukulan ang makasarili’t nakasusugapang mga interes na pampulitika.

Kailan nga ba naipatupad ang mga batas ng Pilipinas laban sa mga nagkakasalang sundalong Amerikano sa sakop ng teritoryo nito? Nang namamayagpag sa bansa ang mga base militar ng Amerika dito — sa Sangley Point sa Kabite, sa Clark Field sa Pampanga, sa Subic Bay sa Olongapo — itinambak lamang sa kangkungan ang maraming kasong kinasangkutan ng mga marinong Amerikanong kagaya ni Daniel Smith. Walang kaluskos na nakalayas agad ng Pilipinas ang mga kinauukulan at lumitaw na lamang, nang malaon, na nagkakamot na ng bayag sa Estados Unidos ng Amerika.

Sariwa pa sa alaala, noong mga huling taon ng dekada ‘60,
isang mala-pistolerong marinong Amerikanong tumutugon naman sa pangalang Kenneth Smith ang hindi napitik man lamang sa ilong ng batas ng Pilipinas at agad na pinawalang-sala ng mga awtoridad na Amerikano kaugnay ng pagkakapatay sa isang pobreng Pilipinong limpiya bota na nagnanakaw diumano ng bisikleta. Ang biktima, si Rogelio Gonzales, ay basta na lamang binaril at napatay ni Smith sa tarangkahan ng Sangley Point. Bisikleta lamang ng Amerika ang katumbas ng kanyang buhay nang basta na lamang ibinasura ang naturang kaso.

Noon ding mga panahong iyon, isang Pilipinong trabahador, si Glicerio Amor na “nakatalikod at nakatalungko at umiinom” sa isang sapa na sakop ng base militar ng mga Yankee sa Subic Bay, Olongapo, ang basta din lamang binaril at napatay ng marinong si Michael Moomey. Ikinatuwiran ni Moomey na napagkamalan niyang “baboy-ramo” si Amor kaya niya binaril agad. Hindi man lamang napitpit ng batas ng Pilipinas ang kanyang mga daliri at nakauwi din agad siya ng Amerika.

Noong 1970 naman, iba’t ibang makahayop na kalupitan ang dinanas ng ilang manggagawang Pilipino sa Clark Field, Pampanga sa kamay ng binansagang Holman’s Gestapo Unit — si Col. Averill Holman ang siyang kumander ng naturang base militar na nahaharap noon sa kasong desakato sa Hukumang Unang Dulugan ng Lungsod ng Angeles kaugnay ng kaso namang tangkang pangingidnap at panggagahasa ng apat niyang sundalong sina Ronald McDaniel, Cecil Moore, Bernard Williams at Hiawatha R. Lane. Ibinaon na rin lamang sa limot ang nasabing mga kaso.

Sa isyu ng THE WHIG (Agosto-Setyembre, 1970), isang peryodikong Amerikanong lumilitaw na tutol noon sa masamang pamamalakad ng Amerika hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa ibang mga bansa, ibinunyag ang sumusunod na mga pangyayari sa Clark Field:

Isang alas kuwatro ng hapon, nilapitan ng anim na sundalo ng Holman’s Gestapo Unit ang anim ding sibilyang empleyado ng base militar na nakatayo sa tarangkahan ng terminal ng Clark at hiningan ng mga ID. Walang kaabug-abog na pinaghihipuan ang dalawang babae sa mga iyon, kinaladkad sa malapit na gusali ang apat na lalaki at basta na lamang pinaggugulpi. Marami pang obrerong Pilipino ang walang kadahidahilang binugbog ng mga sundalo ni Holman.

Ayon pa rin sa THE WHIG, muli, isang hapon, isang Pilipinong nangungumpay ng damo sa labas ng bakod ng Clark ang nilapitan ng dalawang marinong Amerikano, at basta na lamang sinipa. Sumigaw ang biktima, humingi ng saklolo, pero tinakpan ang kanyang bibig, saka muling pinagsisipa. Pagkatapos, inihagis ito sa loob ng bakod, isinakay sa dyip, tinadyakan ang bibig na ikinalagas ng tatlong ngipin. Sa tanggapan ng seguridad ng Clark, 18 pang marino ang halihaliling bumugbog sa kanya at itinapon siya, nang malaon, sa labas ng bakod ng Clark.

Isang Pilipinong nakatira sa tapat ng base, batay pa rin sa ibinunyag ng THE WHIG, ang tinalian at ipinakaladkad sa kabayo ng isa pang miyembro ng Holman’s Gestapo Unit. Isang Pilipino namang patungo sa tore ng radyo ng Clark ang hinabol at nang malapit nang abutan ng sundalong Amerikano, basta na lamang ito binaril at napatay. Nang makabalik sa Amerika ang naturang marino, ipinagyabang pa nito diumano na 15 Pilipino ang kanyang napatay sa loob ng panahong nakadestino siya sa Pilipinas.

Hindi kaya paulit-ulit na mangyari, o nangyayari na, ang nabanggit na mga halimbawa ng pag-abuso’t kalupitan ng mga sundalong Amerikano sa ilalim naman ngayon ng dapat nang ibasurang VFA? O mananatili lamang mga gulugod-dikya ang pambansang liderato at hahayaan na lamang manatiling ang bansa’y isang Republikang Mamon sa mata ni Uncle Sam na puwedeng basta na lamang salaulain ang mga batas at lamutakin ang soberanya o kasarinlan nito?

Sabi nga, huwag mong asahan Virginia, na maisusulong ang pambansang kapakanan — pangkultura man, pang-ekonomiya man o pampulitika — hanggang nakatali sa asintos ng imperyalistang mga patakaran ng Estados Unidos ng Amerika ang nagpapanggap na makabayang mga lider ng Republikang Mamon. Opo, Virginia, opo…maniwala ka na lamang sa mga milagro at horoscope upang maparatangan namang may hangal kang kaisipan. #

(Editoryal)

DAHIL sa kahihiyang inaani ngayon ng Amerika sa hindi makatuwirang pananakop nito sa Iraq, bukod pa sa patuloy nitong pakikialam sa Afghanistan, hindi tuloy namumutiktik sa mayabang na retorika tungkol sa pakikidigma ang mga talumpati ni Presidente Barrack Obama ng Estados Unidos ng Amerika — di gaya noon ni dating Presidente George W. Bush na hitik sa mga pagbabantang kaya nitong salakayin at pagharian ang mga bansang sumasalungat sa imperyalista nitong mga patakaran.

Sa kabila ng modernong mga armas at superyor na tropang militar nito, libu-libong sundalong Amerikano na ang nagbuwis — at patuloy na nagbubuwis — ng buhay dahil sa ganting-salakay ng makabayang mga Iraqi sa pamamagitan ng mabisang taktikang-gerilya. Higit sa lahat, tandisan nang hinihingi ng milyun-milyong mga mamamayan ng Iraq ang agarang paglayas doon ng tropang Amerikano sapagkat sila mismo — kaysa sinumang lahi — ang may lehitimo at sagradong karapatang pamahalaan ang kanilang bansa at, gayundin, hawanin ang landas tungo sa kanilang hinaharap.

Maliwanag na dagdag problema ito ngayon kay Obama, lalo na nga’t lumalawak at tumitindi na rin ang protesta ng mismong mga mamamayang Amerikano sa patuloy pang pananatili, at panghihimasok, ng tropang Amerikano sa Iraq at Afghanistan. Sapagkat lumalaki ang kakulangan sa badyet ng Estados Unidos, lumalaganap ang disempleyo at tanggalan sa trabaho, dahil sa lumagabog nitong ekonomiya bunga ng labis na kasuwapangan ng kapitalismo, makatuwiran lamang na magdalawang-isip si Obama bago magbunsod ng anumang giyera nito saanmang panig ng mundo.

Bilyun-bilyong dolyar na nga ang ginasta — at patuloy pang ginagasta — ng Amerika sa Iraq para lamang mapanatili ang mga tropa nito doon kaya, lumilitaw ngayon, na iiwasan nitong maglunsad pa ng panibagong agresyon sa alinmang bansang gusto nitong makontrol, pagsamantalahan at pagharian. Niluwagan na nga ni Obama ang mapanikil o mapanggipit na polisiya ng Amerika sa Cuba at hindi na basta-basta pinagbabantaan ang Hilagang Korea. Ipinahiwatig pa nga niya sa ilan niyang pahayag na, sa malapit na hinaharap, baka tuluyan nang lisanin ng tropang Amerikano ang Iraq, gayundin marahil ang Afghanistan.

Sakit pa ng ulo ni Obama ang hindi mapapasubaliang katotohanan na nagiging inspirasyon pa ng makabayang mga mamamayan ng ibang mga bansang pinanghihimasukan at kinokontrol ng Amerika ang magiting at rebolusyonaryong pakikibaka ng mulat na mga Iraqi laban sa hindi makatuwiran, malupit at marahas na pananakop ng puwersang Amerikano sa kanilang bansa. Dahil dito, hindi malayong lumaganap ang paglaban sa imperyalismong Amerikano sa iba pang panig ng mundo at, natural, maglalagablab nang husto ang apoy ng paglayang tutupok sa mapambusabos na mga patakaran nito.

Higit sa lahat, idagdag pa nga sa mga problemang ito ni Obama na sa mismong kuta ng mapambusabos na kapitalismo, sumisigla’t sumusulong ang mga nagtataguyod ngayon sa sosyalismo. Katunayan, sa Abril 25, sa Los Angeles City College, nakatakdang idaos ang isang seminar-talakayan na may temang “Sosyalismo: Panahon na Ngayon — Wakasan ang Digmaan at Militarismo.” Nakalinyang tumalakay sa naturang isyu ang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor tulad nina Richard Becker, Muna Coobtee, Juan Jose Gutierrez, Michael Prysner, Jacqueline Villagomez, Arturo Garcia, Lucille Esguerra, Pete Lindsay, Preston Wood, Marylou Cabral at Stevie Merino.

Batay sa mga nabanggit, maaaring itinatanong ngayon sa sarili ni Obama: hanggang kailan mapananatili at mapaghahari ang mapandambong na kapitalismo at imperyalistang mga patakaran ng Amerika sa mundo? — #

(Kolum)

KUNG MAYROON mang batas na tandisang nagbabawal sa dinastiyang pampulitika (mayroon na nga ba?), waring imposible nang mahadlangan ang talamak nitong pag-iral sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Hindi na kailangan ang malinaw na mata upang makita ang pami-pamilyang namamayagpag sa poder. Nakasusukang tradisyon na yata — noon at ngayon — na magrigodon sa kapangyarihan ang ilang maimpluwensiya’t mayamang pamilya.

Monopolyo na nga ng mga pamilyang ito, mula pa sa panahon ng kanilang mga lolo hanggang sa mga apo ngayon, ang nakasusugapang pulitika sa kani-kanilang lugar at maging sa buong bansa. Nariyan sila, parang mga buwayang nakaabang sa anumang halal na puwestong puwedeng sakmalin ng mga miyembro ng pamilya — asawa man o anak o apo o maging mga bayaw at hipag — at kulang na lamang na magpatibay sila ng batas na maaari nang ipamana sa kanilang kadugo ang kanilang poder sa gobyerno: presidente man o senador, kongresista man o gobernador, alkalde man o konsehal o maging kapitan de barangay. Kung maaari nga lamang, baka ikandidato pa nila ang kanilang mga pusa at aso at iba pang alagang mga hayop.

Sa kampo man ng Administrasyon o ng Oposisyon — at sapagkat pamunas lamang nila ng puwit ang prinsipyo’t karangalan — madali sa kanilang magsatipaklong o magsahunyango sa pagpapalipat-lipat ng bakod-pampulitika (sa Liberal man o Nasyonalista, sa Kampi man o Laban, sa Partido ng Masang Pilipino o anuman) masunod lamang ang makasariling ambisyong makapanatili sa kapangyarihang balon yata ng kayamanan, impluwensiya’t pribilehiyo. Walang mahalaga kundi muling maibandila ang apelyido ng pamilya sa tanghalan ng sarsuwelang pulitika kahit magtaling-pusod at mag-amuyan ng kilikili ang dating magkalaban o sukdulang magsaksakan sa sikmura’t magputulan ng bituka ang dating magkaibigan.

Sa pambansang tanghalan, nariyan ang mga Roxas at Osmena at Magsaysay o Marcos, Aquino, Recto, Estrada at Enrile at, higit sa lahat, nakabalandra’t namamayagpag ngayon ang mga Macapagal-Arroyo. Nadagdag pa ang mga Angara,Villar, Biazon, Pimentel, Cayetano at bagong kapipisang itlog tulad ng mga Zubiri at Escudero. Sino ang hindi makakakilala sa Kamaynilaan sa mga Asistio, Atienza at Binay? Sino ang hindi pamilyar sa kani-kanilang lugar sa mga Remulla, Revilla at Maliksi ng Kabite, sa mga Joson ng Nueva Ecija, sa mga Villafuerte, Lagman, Imperial at Escudero ng Bikol, sa mga Lapid at Macapagal ng Pampanga, o sa iba pang pawang nabibilang sa Kamag-anak Inkorporada?

Marami na ngang patunay na ang mga dinastiyang pampulitika — sapagkat pare-parehong ayaw magpatalo — ang pinagmumulan ng mga dayaan o hokus pokus at mga karahasan o patayan sa bawat eleksiyon sa bansa. Nakatatawa tuloy na parang hindi pa naranasan ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo ang katotohanang dugo’t terorismo, pera at dayaan ang namamayaning batas ng mga halalan sa bansa, lokal man o nasyonal. Kung naging bahagi nga siya nito,o promotor pa, ano kung gayon ang kanyang karapatan, maging ng kanyang mga basalyos, na paulit-ulit na manawagan para sa isang “maayos, mapayapa, malinis at kapanipaniwalang eleksiyon” kung matutuloy nga ito sa Mayo 2010, at hindi maigigilgil o mamamaniobra ng kasalukuyang rehimen ang pagbabago sa Konstitusyon upang maging parlamentaryo-pederal-may isang kapulungan ang sistema ng gobyerno bago matapos ang termino ng Reyna ng Malakanyang?

Kailan nga ba naging kapanipaniwala, malinis at mapayapa ang eleksiyon sa bansa? Tiyak, bago o mismong sa 2010, madaragdagan ang mga biktima ng karahasan kaugnay ng halalan. Ngayon pa lamang, malinaw na ang pagbabalyahan at pagbabatikusan ng putik ng mga posibleng magbanggaan, lalo na sa pagka-presidente na, di nga kasi, ay mauuwi sa tuso’t maruming mga pakanang baka magbunga ng terorismo’t mga patayan.

Kailan nga ba walang dayaan sa eleksiyon? Maging ang muling pagkakahalal nga ni La Gloria noong 2004 ay nakulapulan ng eskandalong ibinunga ng napabantog na “Hello, Garci” kaya lumagabog ang kanyang kredibilidad. Tumibay ang paniniwala ng maraming mamamayan na talagang may garapalang dayaang naganap noon sa pamamagitan diumano ng pagmamaniobra ng isang Garcellano at ilang nasangkot na opisyal ng militar na waring ginantimpalaan pa ngang itaas ng ranggo o pagkalooban ng sensitibong mga puwesto sa gobyerno matapos ang lahat-lahat.

At, sa kabilang banda, sino pa nga ba ang naniniwala sa kredibilidad din ng Komisyon sa Halalan o Comelec palitan man ang mga komisyoner nito araw-araw? Gawin mang de makina (automated) ang darating na eleksiyon, masusugpo nga ba, kundi man tuluyang mawala, ang dayaan lalo’t mapera, maimpluwensiya’t makapangyarihan ang mga kandidatong marami ang nabibilang sa mga dinastiyang pampulitika? Alam na alam ng mga nanalo sa bawat eleksiyon, noon pa man — bagaman hindi nila aaminin — na nabibili at nasasalamangka sa tamang presyo sa Comelec ang resulta ng mga halalan. Hindi na nga tuloy katakataka kung bakit namumutiktik sa kabi-kabilang protestang-elektoral ang mga eleksiyong ito.

Sa pagkontrol na ito ng iilang pamilya hindi lamang sa pambansang pulitika, kundi maging sa ekonomiya, hindi maikakailang maruming papel ang ginagampanan ng mga dinastiyang pampulitika kaya patuloy na nasisikil ang tunay na tinig ng sambayanan sa bawat halalan at, higit na masama, walang habas pa ngang nasasalaula ang sagradong demokratikong mga proseso.

Kahinahinala tuloy kung bakit kahit malinaw na itinadhana ng Konstitusyon (Artikulo VI, Seksiyon 5) na dapat hindi lumampas ng 250 ang bilang ng mga kongresista, nagkukumahog ngayon ang Kongreso na lumikha ng bagong mga distrito-kongresiyonal at paabutin ng 300 ang kinauukulang mga kinatawan o representante. Ito ba’y para palawakin pa ang kanilang mga dinastiyang pampulitikang mandarambong sa pera ng bayan sa pamamagitan ng “pork barrel” (P70-M bawat kongresista at P200-M bawat senador taun-taon)? Tiyak, kung magigi pang 300 ang mga kongresista, lalo pang madaragdagan at titindi ang katiwalian sa burukrasya sa pamamagitan ng kung anu-anong pagsalamangka sa buwis ng sambayanan.

Totoo na nga marahil, kaugnay nito, ang sinabi ni Padre Jose Burgos (isa sa tatlong paring martir na ipinabitay ng mga Kastila noong 1872) sa kanyang obrang LA LOBA NEGRA (1869) na sa bansang ito, “ipinanganganak na parang lumot ang mga pulitiko” (pami-pamilya na nga) “sa kahihiyan at kapinsalaan ng bayan.”

Opo, Virginia, huwag asahang magkakaroon ng tunay at makabuluhang panlipunang mga pagbabago para sa kapakanan ng bansa’t masang sambayanan magka-eleksiyon man oras-oras, lalo’t parang lumot na nakakapit — at sumisibol pa — sa katawan ng bayan ang mga dinastiyang pampulitika. –#

(Kolum)

NAAALAALA namin, nang dumalaw sa Pilipinas sa panahon ng rehimeng Marcos ang ekonomistang taga-Sweden na si Gunnar Myrdal at makita’t masuri niya ang umiiral noong mga sakit na panlipunan ng bansa, nasabi niya: “Isang paliligo na lamang ng dugo ang maaaring makalinis sa mga sakit na panlipunan” ng ating bansa. Sa pahayag na ito ni Myrdal, maliwanag na isang marahas na pagbabagong panlipunan ang tinutukoy niya.

Hitik nga ng karahasan ang maraming bansa sa mundo bago nakamit ang minimithing mga pagbabago sa kanilang katayuang pangkabuhayan, pampulitika, pangkultura o panlipunan. Natural, sa pagsulong ng sibilisasyon at kamulatan, hindi naiiwasang mauwi sa karahasan ang mga tunggalian na nagdulot naman ng mga reporma’t pag-unlad sa gustong baguhing masama’t balintunang sistema ng umiiral noong mga lipunan.

Halimbawa na lamang, umunlad ang Rusya matapos maibagsak ng Rebolusyong Bolshevik ang mapang-aliping Tsaristang rehimen ng mga Romanov. Nakamit ng Amerika ang sinasabing demokrasya at progreso matapos ang mga karahasan ng kanilang giyera sibil. Narating ng Pransiya ang katayuan nito ngayon sa daigdig makaraang pabagsakin ang Bastille dahil sa Rebolusyong Pranses. Nakamit ng Tsina ang maunlad na katayuan nito ngayon matapos wakasan ang mga dinastiya dahil naman sa rebolusyong pinamunuan ni Mao Tse-Tung. Nariyan din ang kasaysayan ng Vietnam na batbat ng karahasan bago nakalaya sa dayuhang pang-aalipin sa pamamagitan ng liderato noon ni Ho Chi Minh. Isama na rin ang Cuba na naligo ng dugo sa pamamagitan ng rebolusyong pinamunuan ni Fidel Castro bago napatalsik ang malupit at mapanikil na rehimen ng diktador na si Fulgencio Batista.

Hindi mapapasubalian, iniluwal naman ang Republika ng Pilipinas dahil din sa mga karahasan ng Rebolusyong 1896 na pinamunuan ni Andres Bonifacio at, nang malaon, ni Hen. Emilio Aguinaldo at ng iba pang magigiting na Pilipino, laban sa kolonyalismong Kastila. Sa kasamaang- palad nga lamang o bunga ng gahamang interes, inagaw naman ng mga Amerikano ang tagumpay ng naturang rebolusyon na nagbunga rin ng matinding mga karahasan sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano.

Matapos ibalik ng mga Amerikano ang palsipikado pa ring kalayaan at kasarinlan ng bansa noong Hulyo 4, 1946, kapalit ang di makatarungan at mapagsamantalang mga tratado at pagiging papet ng pambansang liderato, bakit nagrebelde at naging marahas ang mga Huk sa kasagsagan ng dekada ‘50 na maituturing na nawakasan lamang sa rehimen ni Magsaysay? Bakit pagkatapos ng mga Huk, tuluy-tuloy naman, hanggang ngayon, ang may apat na dekada nang rebolusyonaryong pakikibaka ng CPP-NPA? Bakit matapos noon ang madugong rebelyon ng MNLF (Moro National Liberation Front) sa Mindanaw sa ilalim ng liderato ni Nur Misuari, tuloy pa rin hanggang ngayon ang rebelyon ng humaliling MILF (Moro Islamic Liberation Front) kaya nagaganap ang marahas na pakikipagsagupa nito sa mga puwersa ng gobyerno?

Maaaring banggitin, sa kabilang banda, na naibagsak ang halos 14 na taong paghahari sa bansa ng malupit, mapanikil at mapandambong na diktadurang Marcos sa pamamagitan ng mapayapang pagkilos ng iba’t ibang sektor ng lipunan na naglundo sa tinatawag ngayong EDSA 1 — hindi angkop na tawaging rebolusyon sa aba naming palagay — pero hindi naman nito nabago ang tiwaling balangkas ng lipunan at lalong hindi nga nito nagamot ang umiiral na, noon pa man, na malubha nang mga sakit na panlipunan mulang matinding mga inhustisya at katiwalian, mulang malaganap na disempleyo at karalitaan, mulang pag-abuso sa kapangyarihan ng mga nasa poder at paglabag at pagsalaula sa sagradong mga karapatang sibil ng sambayanan, mulang dinastiyang pampulitika at pagkontrol ng iilang piling grupo sa ekonomiya ng bansa, hanggang sa palsipikadong demokrasya’t kasarinlan at pangangayupapa at pagpapakasangkapan ng pambansang liderato sa mapandambong na dayuhang mga interes.

Bakit nga ba tuloy pa rin ang mga karahasan, halimbawa’y sa pagitan ng mga puwersa ng CPP-NPA o ng MILF at ng gobyerno sa kabilang banda? Nauuwi pa rin nga sa mga karahasan, kalimitan, sa pagitan ng mga demonstrador at pulisya o militar ang sa simula’y mapayapang demonstrasyon o protesta ng mga kabataan at estudyante laban sa umiiral na nakasusulukasok na pambansang kalagayan?

Malinaw na nailahad ni Camilo Torres, isang paring taga-Colombia na umanib sa mga gerilya sa kanilang bansa, ang kasagutan kung bakit may mga karahasan sa iba’t ibang panig ng mundo. Kung susuriin ang kanyang mga pahayag, masasabing angkop na angkop sa Pilipinas ang kanyang mga obserbasyon at binigyang-diing mga punto na makabubuting pag-aralan ngayon ng pambansang liderato.

Ayon sa kanya, magpapatuloy ang mga karahasan hanggang lumalaganap ang karalitaan at inhustisya, hanggang nagmamalabis sa kapangyarihan, naglulublob sa mga pribilehiyo at walang pakundangang kinokontrol ng naghaharing-uri ang pambansang ekonomiya at pulitika sa kapinsalaan ng masang sambayanan.

Magpapatuloy ang mga karahasan hanggang inutil ang Estado na maipagkaloob sa mga mamamayan ang pangunahing mga pangangailangan, gaya ng pagkain, pabahay, mga ospital at paaralan.

Magpapatuloy ang mga karahasan hanggang nagbibingi-bingihan at usad-pagong ang katarungan at, kung kumilos man, ay nagiging padalus-dalos at kalimitang pumapabor sa mga maimpluwensiya’t makapangyarihan.

Hindi masasawata ang mga karahasan hanggang itinatanikala sa lupa ang mga magsasaka mabundat lamang ang mga propiyetaryo’t asendero at, sa kabilang banda, natutulog ang gobyerno at ayaw ipatupad ang tunay na reporma sa lupa.

Hindi mapipigil ang mga karahasan hanggang ginagatasan ng Estado ang sambayanan sa pamamagitan ng pagpapataw ng di makatuwiran at sobrang mga buwis para mapalamon ang mga mayayaman at may madambong ang mga opisyal ng pamahalaan.

Iiral at iiral ang mga karahasan, binigyang-diin pa ni Camilo Torres, hanggang napakasasangkapan ang Estado sa dayuhang mga interes at patuloy na ibinibenta ang pambansang kasarinlan at kapakanan at kinabukasan ng susunod na mga henerasyon.

Katakataka pa ba, kung gayon, kung bakit patuloy at patuloy ang mga karahasan sa bansa? Malinaw na ngang sinagot ni Camilo Torres ang lahat-lahat. #

(Kolum)

SA NAGDAANG regular na mga sesyon ng diumano’y marangal na Kongreso — ngayon at sa nagdaan mang mga rehimen — karaniwan nang napapanood ng sambayanan sa bulwagan nito ang sarsuwela’t moro-moro ng mga payaso’t sirkero ng bulok at nakasusulukasok na “status quo” at, bagaman dito binabalangkas ang mga batas na makagagamot diumano sa grabeng mga sakit ng bansa kagaya na lamang ng paglaganap ng disempleyo at karalitaan at pagbagsak ng pambansang ekonomiya, sa bulwagan din nito malimit itanghal –sa Kamara man o sa Senado — ang mga palabas at buladas at karnabal ng walang kawawaang mga debate o balitaktakan, pataasan ng ihi, patalsikan ng laway, insultuhan, at pagpapel na bida sa mga imbestigasyong walang malinaw na wakas at labis lamang pinag-aaksayahan ng salapi ng bayan.

Nang mabasa namin tuloy ang isang editoryal ng LA SOLIDARIDAD, may petsang Hulyo 15, 1889 na inilalathala noon ng mga propagandistang Pilipino sa Barcelona, Espanya sa panahon ng kolonyalismong Kastila sa Pilipinas (unang naging patnugot nito si Graciano Lopez Jaena at, pagkatapos, si Marcelo H, del Pilar naman), waring wala halos ipinagkaiba ang Kongreso noon sa Kongreso ngayon.

Hindi tuloy naming maiwasang isalin ngayon sa sariling wika ang naturang editoryal upang makita ng sambayanan ang maliwanag na mga pagkakatulad:

“Hindi mapag-aalinlanganan, malubha at mapanganib ang kahulugan ng mga kaguluhan at paulit-ulit na pag-aaway sa Kongreso. Katulad ng paghihingalo ng isang sambayanang malapit nang mamatay ang maiinit na mga diskursong iyon, mga palatandaan iyon ng mga kuko ng kamatayan. Ipinamamalas sa mga mamamayan ng alingasngas at eskandalo na ang kanilang mga kinatawan at ang mga namumuno sa kanila — na hindi naman nagsisikap para malutas ang pangunahing mga problema ng bansa at mapaunlad ang kalagayang pangkabuhayan — ay walang inaatupag kundi maglunoy sa kanilang pagpipintasan at walang kawawaang pagdedebate, pag-iinsultuhan at pag-iiringan na labis na ikinawawala ng dangal ng buong Kongreso.

“Saksi sa nakalulungkot na kalagayang ito ang nagdaang mga pangyayari sa Kongreso.

“Mula sa lahat ng mahahabang diskursong pampulitika ng mga lider, ng mga miyembro ng partido mayorya, ng mga rebelde sa partido, at ng mga konserbatibo, walang narating na anuman, maliban sa pagbubunyag ng mga katiwalian ng isa o ibang partido, ng isa o ibang grupo.

“Putik, labis na putik ang hinalo mula sa kailaliman ng puwit ng partido, at nananatiling nakalutang ang putik na ito para salaminin ng mga mamamayan; alam ng mga mamamayan na walang maaasahan sa isang partidong ang mga adhikain at balak ay magkamit ng kapangyarihan sa pamamagitan ng anumang paraan para mabigyang-kasiyahan ang mga ambisyong personal.

“Pagkatapos nito, pagkatapos ng labis na ingay at bahagyang kabuluhan, pinag-uusapan na magkakasundo ang mga koalisyonista at mga rebelde sa partido. Ito ang pangunahing layunin: lumikha sa mga mamamayan ng isang malaking isyung pampulitika sa pamamagitan ng mga palabas, ipangalandakan ang mga prinsipyo, ang mga dakilang adhikain, habang ipinagtatanggol sa pamamagitan ng mabulaklak na mga salita ang mga patakarang pangkabuhayang makabubuti diumano sa mga mamamayan at, pagtagal-tagal, ituring o gawing isang malaking biro lamang ang buong bagay na ito.”

Bukod sa napagtibay ng Kongreso ang mahigit na isang trilyong pisong pambansang badyet na, malamang kaysa hindi, ay mauwi lamang ang 30% sa malaimbudong bulsa ng mga mandarambong sa pamahalaan sa pamamagitan ng kung anu-anong katiwalian, anu-ano nga bang mga batas ang naisulong nito para sa tunay na pambansang kapakanan?

Sa pagsisimula ng Semana Santa, ititigil nga ang regular na sesyon ng Kongreso para mangilin at magpakabanal ang “mararangal” na mga miyembro nito. Buong ligayang magpapahinga maging ang tamad na mga mambabatas na bihirang dumalo sa sesyon, magbabakasyon kaya ang iba sa piling ng lihim nilang mga kulasisi, o magliliwaliw at magpapasarap nang husto sa ibang bansa habang nakatunganga at titiguk-tigok ang lalamunan ng matagal nang inuulol na masang sambayanang patuloy at patuloy na umaasang makatitikim din sila ng glorya sa ilalim ng liderato ni La Gloria at, sa wakas, milagro ng mga milagro, baka mahango na rin sila sa karalitaan at kabusabusan.

Ano bang talaga ang nagawa ng Kongreso?

Umusok ang buong Kongreso, noon pa man, sa kung anu-anong imbestigasyon — jueteng payola, Hello, Garci, transaksiyong ZTE na ibinulgar ni Jun Lozada, “fertilizer fund scam,” “euro generals,” walang patumanggang pagpatay ng mga awtoridad sa pinaghihinalaang mga holdaper, karnaper at “drug pushers,” pagkakasangkot diumano ni Unang Ginoo Mike Arroyo sa “lutuan” ng kontrata sa mga proyektong pinondohan ng World Bank at, nitong dakong huli, ang maanomalyang pagbagsak ng Legacy na libu-libong kliyente ang lumilitaw na naonse. Ano pa ba ang susunod?

Nariyan pa rin, di nga kasi, ang mabilis na pagbasura agad ng masusugid na basalyos ng Malakanyang sa mga kasong “impeachment” na iniharap ng mga kinauukulan laban kay La Gloria, huwag nang banggitin pa ang niluluto’t iginigilgil na Cha-Cha (pagbabago sa Konstitusyon) na minamaniobra ng mga kapit-tuko sa poder at tagahimod ng kuyukot ng dayuhang mga interes.

Sa nabanggit na litanya ng mga imbestigasyon ng Kongreso, may nalinawan ba ang bayan? Lumabas ba ang katotohanan? O pinalabo lamang ang lahat-lahat? Bagaman paulit-ulit na binibigyang-diin na para makatulong sa pagbalangkas ng mga batas — hindi pasiklab lamang sa mga mamamayan — ang naturang mga imbestigasyon, may naisulong na bang mga batas kaugnay nito upang masugpo o hindi na paulit-ulit na mangyari ang nakasusuka nang pandurugas at pandarambong sa salapi ng bayan, gayundin ang hindi masawatang paglabag sa lehitimo’t sagradong demokratikong mga karapatang sibil ng sambayanan?

Ano ba talaga ang nagawa ng Kongreso, Kuya Juan at Ate Kulasa?

Hindi tuloy namin maiwasang hinalaing marami sa “mararangal” na mambabatas ang nagbuburat lamang (naglalasing lamang ang kahulugan sa Kabikulan) o talagang dalubhasa silang magtanghal ng mga sarsuwela’t moro-moro? –#

(Kolum)

MARAMI ang nag-akala noong 1986 na ang buwan ng Pebrero ang simula ng pambansang pagbabago tungo sa isang lipunang makatao’t makabayan, mapayapa’t maunlad, malaya’t progresibo at demokratiko. Nasa paligid na diumano ang mailap na anino ng lantay na hustisya sosyal. Matapos ang halos 14 na taon ng paghahari sa bansa ng malupit, marahas, mapanikil, at mapandambong na Batas Militar, ipinagpasalamat nga ng mga madasalin at naghihilamos ng agua bendita sa sinasabing milagrosong Birhen ng Edsa ang pagbagsak, sa wakas, ng diktatoryal na rehimeng Marcos.

Hindi nga masamang gunitain, tuwing sasapit ang Pebrero 22-25, ang malabayaning pagkilos ng sambayanan noon na naglundo sa kilala ngayong Edsa 1. Nasilayan nga sa papawirin ang bahagyang liwanag matapos ang paghahari ng dilim sa isang yugto ng kasaysayan ng bansa. Maaalaala, waring lumakad tuloy sa alapaap ang marami, naghosana sa kaitaasan at masigabong nagbunyi nang malamang lumayas na ng Malakanyang ang diktador kasama ang pamilya at pangunahing matatapat na basalyos.

Natural, sa naturang mga petsa, hindi maiiwasang sariwain ng mga bida — kahit sa kanilang pag-iisa — ang mga papel na ginampanan nila sa Edsa 1 na waring isang madulang pelikula na walang kawawaang wakas. Nariyan ang mga Cory, Ramos, Enrile at Honasan, ang mga Lopez at Ayala, ang mga basalyos ng yumaong si Jaime Kardinal Sin, at maging si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo na naluklok sa kubeta ng kapangyarihan sa pamamagitan naman ng Edsa 2 na, hindi mapapasubalian, ay ibinunsod ng impluwensiya ng karanasan sa Edsa 1. Pinatunayan noon sa buong mundo na maaaring patalsikin sa poder ang sinumang abusadong lider ng bansa kung nagkakaisa sa pagkilos ang malawak na sektor ng sambayanan.

Ano nga ba ang dapat ipagpasalamat ng sambayanan sa Edsa 1?
Piknik ba lamang ito o tunay na rebolusyon? Nabago ba ang nakasusulukasok na pambansang kalagayan?

Matapos ang magiting na pagharang sa mga tangke at sundalo ng Estado habang madamdaming inaawit ang Bayan Ko, matapos ang pagsuong sa anumang panganib at manindigang handang ibuwis ang buhay kung magkaroon man ng madugong sagupaan, napatalsik nga sa poder ang diktador at naibalik sa bansa ang dati ring palsipikadong kalayaan at kasarinlan at kunwa-kunwariang demokrasya.

Ano nga ba ang diwa ng Edsa 1 na dapat gunitain at ipagbunyi taun-taon?

Matapos nga ang lahat-lahat, mula sa rehimen ni Cory hanggang sa administrasyon ngayon ni La Gloria, lumitaw na ang Edsa 1 ay isang yugto lamang ng waring walang katapusang sarsuwelang patuloy na ginagampanan ng mga naghahari-harian sa lipunan tulad ng bastardo’t salabusab na mga pulitiko, ng tuso’t salanggapang na mga kapitalista’t asendero, ng mala-asong mga tagahimod ng kuyukot ng dayuhang mga interes, at ng iba pang pawang lumalaklak sa pawis at dugo ng masang sambayanan.

Nakalulungkot, di nga kasi, sa aklat ng kasaysayan ng Edsa 1, nanatiling ekstra lamang ang libu-libong ordinaryong mga mamamayang buong giting na sumuporta sa mga bida. Nanatili nga silang mga anino lamang, walang mukha ni pangalan, hindi napasama sa aklat ng mga tula “ng mga intelektuwal na walang pakialam sa pulitika ng aking bansa,” sabi nga ng makatang si Otto Rene Castillo. Higit pa ngang masama, at nakasusulak ng damdamin, kinalimutan o ibinasura ng uring mapagsamantalang nagrigodon sa kubeta ng kapangyarihan ang lehitimong mga karapatan at kapakanan ng mismong karaniwang mga mamamayang sinikil at sinalaula sa panahon ng diktadura; ipinampunas nga ng paa at puwit ng mga diyus-diyosan ang dignidad ng bayan at ng masang sambayanan.

Maaaring nagising ng Edsa 1 ang matagal na nakatulog na damdaming makabayan at naisulong ang kamulatan at pagiging militante ng maraming mamamayan laban sa anumang uri ng inhustisya at pag-abuso sa kapangyarihan ng mapanikil at mapandambong na rehimen. Naibagsak nga ang diktadura ngunit, magpahanggang ngayon, sa kabila ng apat na rehimeng humalili sa diktatoryal na rehimeng Marcos, paulit-ulit pa ring itinatanong: Naisulong ba ang tunay na pambansang kapakanan?

Maliwanag na nagkaisa lamang ang mga bida sa Edsa 1 na ibagsak sa poder si Marcos para sila naman ang umugit o mamahala sa bansa ngunit, kung susuriin, wala naman sila noong malinaw na mga programa o patakarang pampulitika, panlipunan at pang-ekonomiyang ganap na magsusulong sa kapakanan ng bansa at ng masang sambayanan upang makalaya, sa wakas, sa tanikala ng kabusabusan o karalitaan at makaamoy man lamang — kahit bahagya — ng lantay na hustisya sosyal.

Kung maituturing ngang rebolusyon ang Edsa 1 — hindi waring isang madulang pelikula lamang — mahalaga tuloy ang sinabi ng rebolusyonaryong si Fidel Castro ng Cuba: “Ang mahalaga sa isang rebolusyon ay hindi ang mismong PAGKAKAISA LAMANG, kundi ANG MGA BATAYAN NG PAGKAKAISA.”

At sa Edsa 1, maliwanag nga na nagkaisa lamang ang lumitaw na mga bida na wakasan ang diktadura, at sila naman ang namayagpag sa kapangyarihan kaakibat ang mga grasya’t nakalalasing na mga pribilehiyo habang, sa kabilang banda, nanatiling titiguk-tigok ang lalamunan ng dayukdok na masang sambayanan. Naiwan sa kangkungan ang kapakanan ng nakararaming karaniwang mamamayan mula noon hanggang ngayon. Ang pinabagsak na masamang rehimen ay napalitan lamang ng masama rin, o higit pang masamang mga rehimen.

Kung tutuusin, at malalim na susuriin, baka hindi agad napatalsik ang diktador at kailanganin pa ang talagang madugong rebolusyon kung hindi minaniobra ng mga diyus-diyosan sa Washington — hindi ng Birhen ng Edsa — ang umiiral na kalagayan noon. Nakita ng Amerika na hindi na epektibo si Marcos bilang tuta nito para pangalagaan pa ang kapakanan ni Uncle Sam sa Pilipinas sapagkat galit na galit na hindi lamang ang masang sambayanan, kundi maging ang mga elitista’t mayayamang sinagasaan ni Marcos ang makasariling mga interes.

Hinog na hinog na noon ang rebolusyonaryong mga kondisyon sa bansa para sa isang tunay na himagsikan. Ikinatakot ng Amerika na kung magkaroon ng giyera sibil at manalo ang malakas nang puwersa noon ng mga makabayan at progresibo at kung ang mga ito na ang hahawak sa renda ng pambansang kapangyarihan, tiyak na mawawasak ang lahat ng mapandambong na interes ng Amerika dito. Samakatuwid, kailangan nang ibasura si Marcos at palitan ng isang personaheng katanggap-tanggap sa mga mamamayan — si Tita Cory nga na madasalin at mahinhin — ngunit, sa kabilang banda, kayang-kayang diktahan, pilipitin ang leeg, o paikuting parang trumpo upang maging masunurin sa imperyalistang mga kagustuhan ni Uncle Sam. Kaya, sa kasagsagan ng Edsa 1, tinawagan nga ng Amerika si Marcos, binalaang hindi dapat dumanak ng dugo at makabubuting iwan na ang puwesto; sinundo nga ng helikopter ni Uncle Sam sa Malakanyang si Marcos at ang buo niyang pamilya, kasama ang ilang piling basalyos, at dinala sa Hawaii, hindi sa Paoay.

Mula nga noon, hanggang ngayon, kahit nagkaroon pa ng Edsa 2 at nabigong Edsa 3, naibalik nga lamang sa bansa ang sinasabing palsipikadong kalayaan at demokrasya na, batay sa marami nang pangyayari, lagi’t lagi lamang pumapabor sa uring hari-harian at mapagsamantala sa kapinsalaan ng bansa’t masang sambayanan. Mula sa rehimen ni Tita Cory hanggang ngayon kay La Gloria, paulit-ulit na nasalaula ang diwa ng Edsa 1.

Unang-una, hindi naman nabago ang tiwaling balangkas ng lipunang kontrolado’t pinaglalaruan lamang ng iilang piling grupo ng mga tao ang pambansang pulitika’t ekonomiya, ang hustisya’t demokratikong mga proseso, lalo na nga ang buhay ng dayukdok na masang sambayanan –mga manggagawa’t magsasaka, mga ordinaryong empleyado sa gobyerno, at iba pang nabibilang sa uring api’t busabos. Mahirap mapasubalian, malinaw na namamayani pa rin, at tumindi pa nga, ang mga dinastiyang pampulitika. Lalong sumidhi ang pagkasugapa sa kapangyarihan ng mga nasa poder, gayundin ang kanilang pagkasalabusab sa pondo ng bayan. Naging higit pang garapal ang pangangayupapa ng pambansang liderato sa dayuhang mga interes na lalong ikinalulugmok ng pambansang ekonomiya tungo sa higit pang gutom at karalitaan ng ordinaryong mga mamamayan.

Higit pang masama, kahit pinatalsik sa poder ang diktador, nakabalik naman sa inodoro ng kapangyarihan — at namamayagpag ngayon sa pribilehiyo’t impluwensiya — ang ilang piling basalyos ni Marcos na lumilitaw na kinukupkop pa’t kaalyado ng kasalukuyang mga namumuno sa bansa. Sabagay, hindi na nga ito dapat ipagtaka, sapagkat magkakabalahibo naman sila, iisa ang kulay, silang bumubuo ng uring naghahari-harian at mapagsamantala.

Natural, nananatiling kahabaghabag na ekstra ang masang sambayanan sa masalimuot na sarsuwela ng mga bidang mandurugas. Habang namumuwalan sa grasya’t pribilehiyo ang bibig ng mga diyus-diyosan sa lipunan sa pamamagitan ng kung anu-anong hokus-pokus at garapal na katiwalian, habang nagririgodon lamang sa poder ang uring mapagsamantala, talagang dayukdok hanggang ngayon, api’t busabos ang nakararaming ordinaryong mga mamamayan.

Ano nga ba ang dapat na gunitain at ipagpasalamat sa Edsa 1? Ang mapalitan ang dating mapanikil at salabusab na rehimen ng bago’t mapanikil at salabusab ding mga rehimen?

Habang patuloy na sinasalaula ng mga nasa poder, ng mga diyus-diyosan at hari-harian sa lipunan ang diwa ng Edsa 1, patuloy at patuloy din lamang nilang iduruyan at lulunurin ang masang sambayanan sa ilusyon ng buladas na pambansang kaunlaran, at ipinangangalandakang demokrasya’t hustisya sosyal, gayundin ng sinasabing kalayaan at kasarinlan. Kailan nga kaya ito magwawakas para sa tunay na pambansang katubusan? #

MATAPOS ang malakarnabal na eleksiyon noong 2004 na pinamayanihan pa rin ng terorismo, bilihan ng boto, maniobra sa listahan ng mga botante at mga paglabag sa sinasabing mga batas ng Comelec maisulong lamang ang ambisyong pampulitika ng mga kinatawan ng uring mapagsamantala, luminaw nang luminaw ang paniniwala naming talagang inutil ang eleksiyon upang magkaroon ng pambansang pagbabago. Ginagamit lamang ang eleksiyon upang patuloy na makapagrigodon sa poder ang mga hari-harian sa lipunan at patuloy na mapagsamantalahan ang bayan.

Hindi tuloy naming maiwasang maaalaala ang mga nilalaman ng nobelang “The Revolutionists” ng yumaong si Dr. Nemesio E. Prudente, dating Presidente ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas at nakilala bilang makatao, makabayan at progresibong edukador na naging biktima ng Batas Militar sa ilalim ng diktadurang Marcos at ng dalawang tangkang pagpatay sa ilalim naman ng rehimen ni Cory Aquino.

Sinuman ang maluklok sa inodoro ng kapangyarihan sa Malakanyang at kung sinu-sino man ang mamayagpag sa bulwagan ng Kongreso na karaniwang tanghalan lamang ng mga buladas, pataasan ng ihi, at balitaktakang walang kawawaang labis na pinag-aaksayahan ng pera ng bayan, makabubuting isaalang-alang ng mga ito ang mga puntong binigyang-diin sa “The Revolutionists” kung nalahiran man lamang, kahit bahagya, ang kanilang mga kaisipan ng adhikaing baguhin ang napakasama at nakasusuka nang pambansang kalagayan. Ang mahirap nga lamang, sapagkat nakaugalian na nilang pangalagaan ang makasarili’t mapandambong na mga interes — bukod sa pagiging tagahimod pa ng kuyukot ng dayuhang kapakanan — mukhang imposibleng isulong nila ang mga programang nilinaw sa naturang nobela tungo sa pambansang pagbabago.

Hindi maikakaila, matagal nang kinakalawang at palsipikado ang umiiral na demokrasya sa bansa at malinaw na pumapabor lamang sa mga naghahari-harian sa lipunan kaya, unang-una, ayon sa “The Revolutionists,” panahon nang pairalin ang demokrasyang hindi elitista kundi panlahat o pambansa, sapagkat ito ang pangunahing batayan ng tunay na demokratikong gobyerno. Kailangan din ang isang pambansang Kongresong may sapat na representasyon ang masa, ang panggitnang-uri, at mga kabataan, upang balangkasin ang isang bagong Konstitusyon ng Pilipinas na magbabasura sa opresibo o mapanikil na mga batas na iginigiit ng mga elitista.

Maliwanag ding doble-kara ang kasalukuyang hustisya — iba para sa mayaman at makapangyarihan at iba rin para sa maliliit at kakaning-itik. Dapat, kung tutuusin, na higit na kinakalinga ng hustisya ang mahihina at kapos-palad, ayon sa naturang nobela, at itinataguyod at ipinagtatanggol sa lahat ng oras ang demokratikong mga karapatang sibil at pantao ng sambayanan. Bilang testamento ng lantay na hustisya sosyal, kinakailangang magkaroon ng masaklaw na programa sa pabahay, kalusugan, trabaho, edukasyon, at iba pa, upang walang mamamayang niyayapak-yapakan lamang ng mga promotor ng inhustisya’t pagsasamantala.

Binigyang-diin ng “The Revolutionists” na dapat na patuloy na pangalagaan ang pambansang soberanya at dignidad kaya kinakailangang manuntunan sa malayang patakarang panlabas, di gaya ngayon, na laging nasa ilalim ito ng dikta ng imperyalistang mga polisiya ng Amerika. Higit sa lahat, pinakamahalaga nga ang pambansang interes kaya nararapat na ring ibasura ang di makatarungang mga tratado sa pagitan ng Estados Unidos at ng Pilipinas bagaman, sa kabilang banda, kinakailangang ding makipagkaibigan sa ibang mga bansa — anuman ang ideolohiya at kredo — pero batay sa prinsipyo ng pagkakapantay-pantay at paggalang sa isa’t isa.

Ayon pa rin sa naturang akda, kung gusto rin lamang maisulong ang pag-unlad ng pambansang ekonomiya, lubhang kinakailangang paunlarin ang agrikultura at mga kanayunan. Maisasakatuparan ito kung magkakaroon ng tunay na repormang pansakahan na magpapalaya sa mga magsasaka at obrerong-bukid na matagal nang inaalipin o binubusabos sa ilalim ng mala-piyudal na sistema at, kasabay nito, kinakailangan din ang modernisasyon ng agrikultura, pangisdaan at panggugubatan. Kailangang itaguyod din at paunlarin ang mga kooperatiba. Dapat ding kilalanin at patuloy na igalang ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang kinagisnang mga lupaing minana pa sa kanilang mga ninuno.

Iminungkahi din ng “The Revolutionists” ang isang sistema ng ekonomiyang hindi kontrolado ng iilang kapitalista (monopoly capitalism) na mayayaman lamang ang nakikinabang. Isang pragmatiko at progresibong ekonomiya ang dapat diumanong pairalin sa panig man ng dayuhang kapitalista o ng mismong gobyerno. Sa pagsusulong ng pamahalaan sa ikauunlad ng ekonomiya, dapat na laging pangalagaan ang kapakanan ng bansa at masang sambayanan, at tiyakin ang ganap na trabaho o empleyo at makatarungang suweldo ng mga manggagawa upang maitaas ang kalidad ng kanilang pamumuhay. Samakatuwid, hindi dapat manaig ang kasuwapangan ng mga kapitalista sa sobra-sobrang tubo na labis na ipinaghihirap ng bansa at ng ordinaryong mga mamamayan. Natural, malaki ang papel dito ng siyensiya at teknolohiya at, gayundin, ang wastong pangangalaga sa kalikasan at mga likas na yaman.

Ang pagkakaroon ng de kalidad na edukasyon — praktikal at teoritikal — ang ipinunto pa rin ng nobela ni Dr. Prudente. Mulang kinder hanggang unibersidad, dapat na maipagkaloob ito ng gobyerno sa lahat ng Pilipino para sa kanilang kaunlarang pangkaisipan, pangkatawan, pangmoral at espirituwal. Ito ang tinatawag na edukasyong makatao, makabayan, progresibo at siyentipiko kaya kinakailangang rebisahin at baguhin, unang-una, ang mga aklat sa kasaysayang sinulat ng mga elitista at imperyalista at patuloy ding linangin at paunlarin ang literatura, sining, sports at magkakaibang kultura. Nararapat, ayon sa “The Revolutionists,” na lubhang bigyang-diin ang siyensiya at teknolohiya at pananaliksik. Sa gawaing ito ng pagsusulong sa de kalidad na edukasyon, katuwang dapat ang pampribadong mga paaralan pero, gayunman, ginigiyahan ito at pumapailalim sa mga regulasyon ng pamahalaan.

Makabubuti tuloy ngayon na limiin ng pambansang liderato ang pitong puntong programang inilahad ng “The Revolutionists” kung talagang matapat ang adhikaing mabago ang nakasusulukasok na “status quo” at masagip ang bansa, kahit paano, sa kinalulublubang krisis na panlipunan, pampulitika’t pangkabuhayan. Pero, sa takbo ng mga pangyayari at sa uri ng mga pulitikong namamayagpag sa kapangyarihan, lumilitaw — maliban sa mangilan-ngilan na parang ginto sa tambak ng nabubulok na mga dayami — na bentador pa nga sila ng pambansang kapakanan sapagkat kinakatawan nila, unang-una, ang makasariling interes ng uring mapagsamantala. Sa kasalukuyang panahon, maituturing na imposible, o suntok sa buwan, na isaalang-alang man lamang ng mga ito ang makabuluhang mga punto ng nabanggit na akda.

Sabagay, sa kabilang banda, ang masang sambayanan naman talaga ang lumilikha ng pambansang pagbabago. #

Older Posts »