EDITORYAL

Sinong Nanggagago sa Bayan?

NAKASUSUKA ang mga palabas at buladas ng mga diyus-diyosang naghahari-harian sa pambansang pulitika’t ekonomiya at lipunan.  Matatandaan, kamakailan lamang, buong giting na nanawagan kay Presidente Gloria Macapagal-Arroyo si Espiker Jose de Venecia ng Kamara na simulan ang pambansang  rebolusyong moral upang masugpo, kung hindi man tuluyang mapawi, ang nagbalandrang katiwalian sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

 Maaalaala rin, nang kapanayamin noong nagdaang linggo ni Ricky Carandang sa programa niya sa telebisyon (ANC) si JDV, nanggagalaiti pa nitong ipinaratang na “ginagago lamang ang bayan” ng mga nagharap ng kasong “impeachment” laban kay La Gloria.  Paulit-ulit din niyang binigyang-diin ang kahalagahan ng delikadesa na para bang ito ang tuntungan at sandigan ng mga hakbang niyang pampulitika’t mga programa para sa kapakanan ng bansa.  Si JDV nga ba ang nagsabi nito?

Sapagkat ibinunyag ng kanyang anak na si Joey de V. ng Amsterdam Holdings, Inc.    ang katiwalian sa likod ng kontratang ZTE-NBN,  at sangkot diumano sa anomalya si La Gloria at ang esposo nitong si Mike Arroyo, gayundin sina dating Tagapangulong Benjamin Abalos ng Comelec at Sekretaryo Leandro Mendoza ng Kagawaran ng Transportasyon at Komunikasyon, at iba pang gulugod-dikyang alipores ng rehimen, kaya niya ipinaubaya sa katulong na espiker – sa ngalan ng delikadesa – ang kasong iniharap ng isang Atty. Roel Pulido laban sa Presidente ng Matatag na Republika upang maisampa iyon  sa Komite sa  Hustisya ng Kamara na binubuo naman, sa isang banda,  ng masusugid na basalyos ng Malakanyang.

Natural, gaya ng dalawang naunang kasong “impeachment” noon laban kay La Gloria, ipinalamon agad  sa basurahan ang dokumento ni Pulido dahil diumano sa kakulangan ng sustansiya o nilalaman. O sinadyang pahinain ang nilalaman niyon at inunahan lamang ang makupad na oposisyon  sa pagsusumite niyon upang hindi na makapagharap ng malakas at makatotohanang  “impeachment” ang sinuman    sa loob ng kasalukuyang taon? Sabi nga, napakalakas man ng mga datos o ebidensiya, imposibleng maisampa sa Senado ang anumang “impeachment” laban kay La Gloria hanggang nananaig ang oportunismo sa Kamara – hindi ang prinsipyo’t paninindigan para sa pambansang kapakanan – at garapal pa ngang tagahimod ng pundilyo ng Palasyo ang nagmamarangal na mga miyembro nito.

Anuman ang buladas o ipinangangalandakan ni JDV, hindi na ito dapat paniwalaan, ayon naman kay Sen. Juan Ponce Enrile.  Sabi niya, “ipokrito, bolero at mapagpanggap” ito at “walang karapatang manawagan ng pambansang rebolusyong moral sapagkat siya mismo ay kasangkot sa iba’t ibang maanomalyang transaksiyon tulad ng North Luzon Railways Corp. at National Broadband Network.”  Idinagdag pa ni Enrile na “marami akong alam sa kanya mula pa noong 1995.  Di ko alam kung saan siya pupulutin kapag napilitan akong ibunyag ang mga iyon.  Kilala ko ang tunay niyang pagkatao.”  Si Enrile nga ba ang nagsabi nito?

 Sino nga ba, kung gayon, ang nanggagago sa bayan?

Sumaliw din sa awit ni JDV si La Gloria, nakitono, at bumunghalit ng panawagang “tigilan na ang pamumulitika ng walang puso’t kaluluwang mga pulitiko at grupong handang gumamit ng dahas matupad  lamang ang layunin o ambisyon.”  Sa pulong ng grupo ng gabinete para sa pambansang seguridad, madamdaming nanawagan siya  sa buong bansa, sa mga lider nito, na labanan ang pamumulitikang nagbubunga ng karahasan, katiwalian, at pagpapabaya sa mga maralita.  “Magsikap tayong bawasan ang tunggalian,” dagdag pa niya, “labanan ang katiwalian, wakasan ang karahasan, at unahin – higit sa lahat – ang kapakanan ng ordinaryong mga mamamayan.”  Maralita diumano ang mga mamamayan dahil “may mga Pilipinong inuuna ang pamumulitika at kapakanang-pansarili at ambisyon kaysa kapakanan ng bansa” at, sabi pa niya, “pagod na ang mga mamamayan sa negatibong pampulitikang mga retorika.”  Si La Gloria nga ba ang nagsabi nito?

Sino nga ba, kung gayon, ang nanggagago sa bayan?

Kung nilinaw lamang nang husto ni La Gloria sa bayan  ang kontrobersiyal na mga isyung kinasangkutan ng kanyang rehimen (tulad ng Hello Garci, jueteng payola, Piatco, Macapagal Blvd., NorthRail, Venable LLP, ZTE-NBN, edukasyong cyber, mga pagpatay na pampulitika, mga pambobomba nitong huli,  atbp.), at hindi pinipilit itago ng rehimen hanggang ngayon  ang sagradong mga katotohanan sa pamamagitan ng mapanikil na mga hakbang makapanatili lamang sa kapangyarihan (Proklamasyon 1017 noon, E.O. 464, CPR, Human Security Act at iba pang disimuladong mga hakbang), at kung hindi minamaniobra ng rehimeng maibasura ang anumang kasong “impeachment” laban sa kanya at, sa halip, siya pa mismo ang dapat magsulong na ituloy ito – tulad nang ginawa noon ni dating Presidente Elpidio Qurino upang malinawan ng sambayanan ang katotohanan at malinis ang kanyang pangalan, baka nga sakaling paniwalaan ang kanyang mga panawagan at matigil ang garapal,  makasarili’t mapandambong na pamumulitika.  Hindi sana marawal, at kahabag-habag, tulad ngayon, ang pambansang kalagayan at kinabukasan.

Sino nga ba, kung gayon, ang nanggagago sa bayan? 

Sa ano’t anuman,  sabi nga, hindi habang panahong pagagago ang sambayanan.  Katunayan, sa pinakahuling sarbey ng Pulse Asia, 54% ng mga mamamayan sa Kamaynilaan ang hindi na nagtitiwala kay La Gloria, 41% naman sa Kabisayaan, 44% sa ibang bahagi ng Luzon, at 44% sa Mindanaw.  Isinusulat na sa pader ng kasaysayan ang hatol ng bayan.

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.