Editoryal

Di Natutulog Ang Lahat

NANG sinusulat ito, Pebrero 4,  nagbobotohan na  ang malahunyangong mga kongresista makaraan ang  nakaugaliang pag-aaksaya ng mahabang oras sa  patalsikan ng laway at pataasan ng ihi sa  masalimuot na mga debate sa mga reglamento at proseso, bukod sa litanya ng mga paratang at ganting-paratang ng mga magkakalaban,     kung patatalsikin na sa wakas  sa puwesto  si Espiker Jose de Venecia at pauupuin sa kubeta ng kapangyarihan  si Rep. Prospero Nograles ng Davao bilang bagong lider ng Kamara.  Sa takbo ng botohan,  tapos na ang liderato ni JDV sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Gayunpaman, maliwanag naman,  tulad ng matinding sikat ng araw sa katanghalian, na ang balyahan o karambola sa kapangyarihan ng uring naghahari-harian sa pulitika at ekonomiya ng bansa ay batay lamang sa personal na mga motibo’t interes at hindi sa importanteng mga isyung magsusulong sa  pambayang kapakanan.  Hindi na nga bago ito sa kasaysayan ng nakasusukang sistema ng pulitika sa bansa na, magpahanggang ngayon, lumilitaw na pinamamayanihan hindi ng marangal at makabayang mga layunin kundi ng ganid na ambisyon ng mga Mafioso.

Kahit sinasangkalan ang mga repormang dapat ipatupad sa Kamara kaya magbabago  diumano ng liderato, ayon sa mga basalyos ng  Partidong Kampi ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo,  ipinaratang naman ni JDV ng Lakas-CMD na nagsimulang maniobrahin ng Malakanyang na patalsikin siya nang ibunyag ng kanyang anak na si Joey de V. ng Amsterdam Holdings, Inc. ang suhulan at katiwalian sa kontratang  $329-M ZTE-NBN na kasangkot pa mismo diumano si Unang Ginoo Mike Arroyo.  Tinangka pa, ayon pa rin kay JDV, na ipapatay silang mag-ama ng mga kinauukulan na hindi man lamang ipinaimbestiga ni La Gloria nang sulatan niya ito’t ireklamo iyon.

Kung hindi  nasaktan nang husto ang amor propio, tiyak na hindi pa ibubunyag ni JDV ang nalalaman niyang matinding mga katiwalian sa pamahalaan alang-alang sa pambansang kapakanan.   Isinumbat pa nga niya  ang mga naitulong niya kay La Gloria mula nang makiusap itong maging kandidatong bise-presidente niya noon hanggang ngayong namamayagpag na ito sa Malakanyang.   Hindi maikakaila, pati si Nograles,  naging “doberman pinscher” sila   ni La Gloria sa Kamara para guwardiyahan ang mga katotohanan kaugnay sa pagkakabasura agad sa dalawang kasong “impeachment” laban sa  Presidente ng Matatag na Republika. 

Bukod sa  ibinunyag niyang  katiwalian sa pagbebenta sa Transco, at  labis na pagkontrol ng Malakanyang sa “pork barrel” at “road user’s tax,”  gayundin ang hiwaga sa likod ng “Hello Garci,” mga pagpatay na pampulitika at pag-abuso sa kapangyarihan, nagbanta pa si JDV na marami pa siyang ibubunyag na katiwalian ng naghaharing rehimen sa darating na mga pagkakataong puwede siyang magtalumpati sa Kamara.  Bagaman inamin niyang isa siyang makasalanan, mariin naman siyang nananawagan sa lahat – lalo na sa pambansang liderato – na simulan ang rebolusyong moral tungo sa isang maayos at malinis na gobyerno at maunlad at mapayapang Pilipinas.

Sa kabilang banda, kung pakikinggan naman ang mga pahayag ni Rep. Dato Arroyo – anak ni La Gloria – gayundin ng himod-pundilyo nilang mga kakampi, si JDV ang sinungaling, masama at tiwali kaya nga ginilitan ng leeg ang liderato nito sa Kamara.  Nahihilo na tuloy ang bayan kung sino ang paniniwalaan at, kaugnay nito, malinaw na nailarawan ng ilang bahagi ng  isang editoryal ng La Solidaridad (Hulyo 15, 1889) ang mga nagaganap ngayon sa diumano’y marangal na bulwagan ng buong Kongreso:

“Hindi mapag-aalinlanganan, malubha at mapanganib ang kahulugan ng mga kaguluhan at paulit-ulit na pag-aaway-away sa Kongreso.  Katulad ng isang sambayanang malapit nang mamatay ang maiinit na diskusyong iyon xxxx Ipinamamalas sa mga mamamayan ng mga alingasngas at eskandalo na ang kanilang mga kinatawan  at ang mga namumuno sa kanila – na hindi naman nagsisikap na malutas ang pangunahing mga problema ng bansa at mapaunlad ang kalagayang pangkabuhayan ng mga mamamayan – ay walang inaatupag kundi maglunoy sa kanilang pagpipintasan at walang kawawaang pagbabalitaktakan, pag-iinsultuhan at pag-iiringan na labis na ikinawawala ng dangal ng buong Kongreso.”

“xxxxx Ito ang pangunahing layunin: lumikha sa mga mamamayan ng isang malaking isyung pampulitika sa pamamagitan ng mga palabas, ipangalandakan ang mga prinsipyo, ang mga dakilang adhikain, habang ipinagtatanggol sa pamamagitan ng mabulaklak na mga salita ang mga patakarang pangkabuhayan na makabubuti sa mga mamamayan, at pagtagal-tagal, ituring naman o gawing isang malaking biro lamang ang lahat ng ito.”

May pag-asa pa nga ba ang bansa sa ilalim ng lideratong kumakatawan lamang sa interes ng uring mapagsamantala?  Sabagay, sabi nga, “hindi lahat ay natutulog sa dilim ng gabi.”      

 

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.