# Kolum
HINDI namin maunawaan hanggang ngayon kung bakit matapos maibagsak ang diktadurang Marcos dahil nagmilagro diumano ang Birhen sa Edsa batay sa paniniwala ng mga nagmumumog ng agua bendita, nag-aalmusal ng ostiya at nag-uunan ng Bibliya, lagi’t laging nananawagan ang pambansang liderato ng isang araw na pagdarasal sa tuwing tumitindi ang mga problema ng bansa. Maaalaala, sa panahon na lamang ni dating Presidente Joseph Estrada, idineklara pang pista opisyal ang Nobiyembre 13 bilang “pambansang araw ng pagdarasal at pag-aayuno” sa paniniwalang malulutas sa pamamagitan ng mga panalangin ang naghambalang at grabeng problema ng bayan, unang-una na ang papalubha’t lumalaganap na karalitaan.
Hindi tuloy naming maiwasang maalaala si Juli ng “El Filibusterismo” ni Rizal na nangailangan ng P500 upang matubos sa kamay ng mga tulisan ang amang si Kabesang Tales. Matapos maibenta ang ilang alahas, nakalikom lamang siya ng P250 inilagay sa altar ng kanilang bahay, nagdasal nang nagdasal hanggang sa makatulog, taimtim na ipinanalanging maging P500 iyon kinaumagahan, ngunit P250 pa rin nga nang siya’y magising.
Sabagay, sa mga bansang naduran ng Katolisismo, nakaugalian na ngang idulog sa kung sinu-sinong santa at santo ang anumang mga problema, personal man o pambansa. Dinaraan sa mga ritwal at seremonyas ang lahat na yata ng bagay kaya karaniwan na ang pagnonobena, pagpapamisa, pagpuprusisyon, pagpapabendisyon at pagdaraos ng pista para sa kinikilalang mga patron sa mga bayan-bayan sa buong kapuluan.
Sa kabila ng debosyong ito sa kapangyarihan o bisa diumano ng mga dasal at ritwal ng Katolisismo, lumilitaw namang pinakamaralitang mga bansa ngayon sa mundo ang mga nahumaling sa bendisyon ng Simbahan tulad na lamang ng Pilipinas sa Asya at ng maraming bansa sa Amerika Latina. Sa kabilang banda, naging maunlad at industriyalisado ang mga bansang hindi nangunyapit sa mga teoriyang panrelihiyon ng Simbahan at, sa halip, kumilala’t nagpahalaga sa nagagawa ng siyensiya at teknolohiya.
Kung tutuusin, higit na masama, ang mga paniniwalang panrelihiyon ang nagbunsod pa ng karumaldumal na mga pagpatay at pag-iiringan ng maraming tao noon pa mang naunang mga sibilisasyon. Katunayan, nang ilunsad ni Papa Urbano II ang Unang Krusada noong 1095 para agawin ang Lupang Banal sa kamay ng mga hindi Kristiyano, isinigaw nila sa buong Europa na “kagustuhan ng Diyos” iyon kaya libu-libong Hudyo at Muslim — kabilang ang mga bata — ang walang patumanggang pinatay, pinutulan ng ulo, at iniuwi sa kanilang kampo ang mga ulong iyon at itinuring na “kalugud-lugod na tanawin para sa mga anak ng Diyos.”
Hanggang sa Ikaapat na Krusada, nagpatuloy ang kagimbal-gimbal na mga pagpatay sa mga kalaban ng paniniwala ng Simbahan. Nang mapasok ng mga Kristiyano ang Jerusalem, ayon sa mananalaysay na si Raymond ng Aguilers, “lampas tuhod ng mga kabayo ang bumahang dugo sa templo ni Solomon. Isa iyong kahanga-hangang paghuhukom ng Diyos na umapaw sa lugar na iyon ang dugo ng mga hindi nananampalataya.”
Pinakamalagim din sa kasaysayan ng Kristiyanismo ang panahon ng sinasabing Banal na Inkisisyon laban sa itinuturing na mga erehe o kalaban ng pananampalatayang Katoliko. Noong 1252, ipinahintulot ni Papa Inocencio IV ang labis na pagpapahirap sa mga erehe. Iba’t ibang pamamaraan ang isinagawa gaya ng pag-ipit ng mga daliri sa gato hanggang sa pumulandit ang dugo, ang pagdurog sa mga buto ng kasukasuan, ang pag-upo sa silyang puno ng nagbabagang mga pako, at iba pang paraang nakapangingilabot isipin. Sa panahon ng Inkisisyong Kastila noong mga huling taon ng 1400 sa ilalim nina Haring Ferdinand at Reyna Isabella, nakilala ang prayleng Dominikong si Tomas de Torquemada bilang simbulo ng kalupitang panrelihiyon sapagkat libu-libong mga biktima ang labis na pinahirapan at mga 2,000 pa ang sinilaban nang buhay.
Sa panahon naman ng Inkisisyong Romano na nagsimula noong 1542, hinangad ni Papa Pablo III na burahin ang lahat ng impluwensiya ng Protestantismo sa Italya at lalong naghari ang lagim doon nang pumalit pa sa kanya si Papa Pablo V. Libu-libong erehe ang pinatay kabilang ang pilosopong si Giordano Bruno na nagsulong at nagtaguyod ng teoriya ni Copernicus na bilog ang mundo at umiikot sa paligid ng araw ang mga planeta. Sinilaban siya nang buhay sa Roma noong 1600.
Sabagay, hindi monopolyo ng Katolisismo ang gayong mga kalupitan at hindi nagwakas sa panahon ng Lumang Tipan ang paghahandog ng buhay para masiyahan diumano ang mga diyus-diyosan. Hindi tuloy maunawaan ng makabagong kaisipan, ayon sa eskolar-manunulat na si James A. Haught, kung bakit sa mga kulturang pinagharian ng relihiyon at mga pari, nagawa ng mga taong bigtihin ang kanilang mga anak, pugutan ng ulo, lunurin, silaban, balatan at patayin bilang alay sa pinaniniwalaan nilang mga diyos. Ginawa rin ito, dahil sa paniniwalang panrelihiyon, sa mga lipunang Mayan, Incan at Aztec sa Amerika Latina, ng Ashanti sa Aprika, ng Bon sa Tibet, ng Khond sa Bengal, ng Hindu at kultong Thuggee sa India.
Dahil sa mga paniniwala’t paninindigang panrelihiyon, nagpapatayan pa rin ang mga Katoliko at Protestante sa Hilagang Ireland, ang mga Palestino at Israelitas, ang mga Kristiyano at Muslim sa maraming panig ng mundo. Sa ating bansa, hindi maikakailang patuloy ang pagsisiraan at pag-iiringan hindi lamang ng mga Katoliko at Iglesia ni Cristo, kundi maging ng iba pang mga sektang panrelihiyon.
Batay sa mga nabanggit, lumilitaw tuloy na isang kahangalang iasa sa mga relihiyon ang kalutasan ng grabe nang pambansang mga problema at isang hakbang na paurong ng pambansang liderato ang laging pananawagang magdasal at magdasal pa para diumano sa ikauunlad at ikapapayapa ng bansa.
Dasal ang solusyon, anak ng galunggong!
July 10, 2008 at 1:04 pm |
auz xa! idol..galing! grabe! wa ako maxabe! the best! woooooooohhhhh..