DUGO ANG INILULUHA NG MGA BULAKLAK
namumulaklak na ang cadena de amor
sa lapidang lata ni ka pedrong magsasaka
na pumanaw na ang plema’y
kasing pula ng gumamela
sa bawat pagdahak kung umaga
kulubot ang mukha’t maalipunga ang paa.
ilang gabi rin siyang pinaglamayan
ng mga alitaptap sa punong akasya
tinangisan ng uugud-ugod na kalabaw
sa ugat ng punong mangga
inalayan siya ng kapeng barako, ng galyetas at biskotso
beninditahan ng sampagita’t ilang-ilang
at ng mga luha ng kandila ng kaalipinan.
kupasing pantalong maong
polong pinaglaruan ng panahon
at mga alaala ng abuhing kahapon
ang kasama niyang ibinaon
sa piling ng itim na daigdig ng palotsinang kabaong.
nakaluhod ngayon ang araro
sa silong ng bahay-kubo
nagdarasal sa pilapil ang talahib at amorseko
sa tarundon at tumana
ay nalugmok ang pag-asa
sa pagyao ni ka pedrong magsasaka
agunyas sa karimlan ang awit ng mga maya
hininga ng dapithapo’y
kasing sangsang ng pulbura
mga buhay na kalansay sa bukiri’y naglipana
mga nota ng araro hinihimig ay plegarya.
dugo ang iniluluha ng mga bulaklak
sa bawat paghibik ng buong magdamag
sa mga bukiring adhika’y naglatak
kalian itititik ng talim ng tabak
sa dibdib ng lupa ang laying mailap?
kalian aanihin ng lingkaw at karit
ang laksang pangarap
upang di dugo
ang siyang iluha ng mga bulaklak?
matagal nang naglalaba’t naglalampaso
ang anak na dalaga ni ka pedro
sa mansiyon ng propiyetaryo!
Posted by plumaatpapel
Posted by plumaatpapel
Posted by plumaatpapel