(Kolum)
MATAPOS ang malakarnabal na eleksiyon noong 2004 na pinamayanihan pa rin ng terorismo, bilihan ng boto, maniobra sa listahan ng mga botante at mga paglabag sa sinasabing mga batas ng Comelec maisulong lamang ang ambisyong pampulitika ng mga kinatawan ng uring mapagsamantala, luminaw nang luminaw ang paniniwala naming talagang inutil ang eleksiyon upang magkaroon ng pambansang pagbabago. Ginagamit lamang ang eleksiyon upang patuloy na makapagrigodon sa poder ang mga hari-harian sa lipunan at patuloy na mapagsamantalahan ang bayan.
Hindi tuloy naming maiwasang maaalaala ang mga nilalaman ng nobelang “The Revolutionists” ng yumaong si Dr. Nemesio E. Prudente, dating Presidente ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas at nakilala bilang makatao, makabayan at progresibong edukador na naging biktima ng Batas Militar sa ilalim ng diktadurang Marcos at ng dalawang tangkang pagpatay sa ilalim naman ng rehimen ni Cory Aquino.
Sinuman ang maluklok sa inodoro ng kapangyarihan sa Malakanyang at kung sinu-sino man ang mamayagpag sa bulwagan ng Kongreso na karaniwang tanghalan lamang ng mga buladas, pataasan ng ihi, at balitaktakang walang kawawaang labis na pinag-aaksayahan ng pera ng bayan, makabubuting isaalang-alang ng mga ito ang mga puntong binigyang-diin sa “The Revolutionists” kung nalahiran man lamang, kahit bahagya, ang kanilang mga kaisipan ng adhikaing baguhin ang napakasama at nakasusuka nang pambansang kalagayan. Ang mahirap nga lamang, sapagkat nakaugalian na nilang pangalagaan ang makasarili’t mapandambong na mga interes — bukod sa pagiging tagahimod pa ng kuyukot ng dayuhang kapakanan — mukhang imposibleng isulong nila ang mga programang nilinaw sa naturang nobela tungo sa pambansang pagbabago.
Hindi maikakaila, matagal nang kinakalawang at palsipikado ang umiiral na demokrasya sa bansa at malinaw na pumapabor lamang sa mga naghahari-harian sa lipunan kaya, unang-una, ayon sa “The Revolutionists,” panahon nang pairalin ang demokrasyang hindi elitista kundi panlahat o pambansa, sapagkat ito ang pangunahing batayan ng tunay na demokratikong gobyerno. Kailangan din ang isang pambansang Kongresong may sapat na representasyon ang masa, ang panggitnang-uri, at mga kabataan, upang balangkasin ang isang bagong Konstitusyon ng Pilipinas na magbabasura sa opresibo o mapanikil na mga batas na iginigiit ng mga elitista.
Maliwanag ding doble-kara ang kasalukuyang hustisya — iba para sa mayaman at makapangyarihan at iba rin para sa maliliit at kakaning-itik. Dapat, kung tutuusin, na higit na kinakalinga ng hustisya ang mahihina at kapos-palad, ayon sa naturang nobela, at itinataguyod at ipinagtatanggol sa lahat ng oras ang demokratikong mga karapatang sibil at pantao ng sambayanan. Bilang testamento ng lantay na hustisya sosyal, kinakailangang magkaroon ng masaklaw na programa sa pabahay, kalusugan, trabaho, edukasyon, at iba pa, upang walang mamamayang niyayapak-yapakan lamang ng mga promotor ng inhustisya’t pagsasamantala.
Binigyang-diin ng “The Revolutionists” na dapat na patuloy na pangalagaan ang pambansang soberanya at dignidad kaya kinakailangang manuntunan sa malayang patakarang panlabas, di gaya ngayon, na laging nasa ilalim ito ng dikta ng imperyalistang mga polisiya ng Amerika. Higit sa lahat, pinakamahalaga nga ang pambansang interes kaya nararapat na ring ibasura ang di makatarungang mga tratado sa pagitan ng Estados Unidos at ng Pilipinas bagaman, sa kabilang banda, kinakailangang ding makipagkaibigan sa ibang mga bansa — anuman ang ideolohiya at kredo — pero batay sa prinsipyo ng pagkakapantay-pantay at paggalang sa isa’t isa.
Ayon pa rin sa naturang akda, kung gusto rin lamang maisulong ang pag-unlad ng pambansang ekonomiya, lubhang kinakailangang paunlarin ang agrikultura at mga kanayunan. Maisasakatuparan ito kung magkakaroon ng tunay na repormang pansakahan na magpapalaya sa mga magsasaka at obrerong-bukid na matagal nang inaalipin o binubusabos sa ilalim ng mala-piyudal na sistema at, kasabay nito, kinakailangan din ang modernisasyon ng agrikultura, pangisdaan at panggugubatan. Kailangang itaguyod din at paunlarin ang mga kooperatiba. Dapat ding kilalanin at patuloy na igalang ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang kinagisnang mga lupaing minana pa sa kanilang mga ninuno.
Iminungkahi din ng “The Revolutionists” ang isang sistema ng ekonomiyang hindi kontrolado ng iilang kapitalista (monopoly capitalism) na mayayaman lamang ang nakikinabang. Isang pragmatiko at progresibong ekonomiya ang dapat diumanong pairalin sa panig man ng dayuhang kapitalista o ng mismong gobyerno. Sa pagsusulong ng pamahalaan sa ikauunlad ng ekonomiya, dapat na laging pangalagaan ang kapakanan ng bansa at masang sambayanan, at tiyakin ang ganap na trabaho o empleyo at makatarungang suweldo ng mga manggagawa upang maitaas ang kalidad ng kanilang pamumuhay. Samakatuwid, hindi dapat manaig ang kasuwapangan ng mga kapitalista sa sobra-sobrang tubo na labis na ipinaghihirap ng bansa at ng ordinaryong mga mamamayan. Natural, malaki ang papel dito ng siyensiya at teknolohiya at, gayundin, ang wastong pangangalaga sa kalikasan at mga likas na yaman.
Ang pagkakaroon ng de kalidad na edukasyon — praktikal at teoritikal — ang ipinunto pa rin ng nobela ni Dr. Prudente. Mulang kinder hanggang unibersidad, dapat na maipagkaloob ito ng gobyerno sa lahat ng Pilipino para sa kanilang kaunlarang pangkaisipan, pangkatawan, pangmoral at espirituwal. Ito ang tinatawag na edukasyong makatao, makabayan, progresibo at siyentipiko kaya kinakailangang rebisahin at baguhin, unang-una, ang mga aklat sa kasaysayang sinulat ng mga elitista at imperyalista at patuloy ding linangin at paunlarin ang literatura, sining, sports at magkakaibang kultura. Nararapat, ayon sa “The Revolutionists,” na lubhang bigyang-diin ang siyensiya at teknolohiya at pananaliksik. Sa gawaing ito ng pagsusulong sa de kalidad na edukasyon, katuwang dapat ang pampribadong mga paaralan pero, gayunman, ginigiyahan ito at pumapailalim sa mga regulasyon ng pamahalaan.
Makabubuti tuloy ngayon na limiin ng pambansang liderato ang pitong puntong programang inilahad ng “The Revolutionists” kung talagang matapat ang adhikaing mabago ang nakasusulukasok na “status quo” at masagip ang bansa, kahit paano, sa kinalulublubang krisis na panlipunan, pampulitika’t pangkabuhayan. Pero, sa takbo ng mga pangyayari at sa uri ng mga pulitikong namamayagpag sa kapangyarihan, lumilitaw — maliban sa mangilan-ngilan na parang ginto sa tambak ng nabubulok na mga dayami — na bentador pa nga sila ng pambansang kapakanan sapagkat kinakatawan nila, unang-una, ang makasariling interes ng uring mapagsamantala. Sa kasalukuyang panahon, maituturing na imposible, o suntok sa buwan, na isaalang-alang man lamang ng mga ito ang makabuluhang mga punto ng nabanggit na akda.
Sabagay, sa kabilang banda, ang masang sambayanan naman talaga ang lumilikha ng pambansang pagbabago. #