(Kolum)
SA NAGDAANG regular na mga sesyon ng diumano’y marangal na Kongreso — ngayon at sa nagdaan mang mga rehimen — karaniwan nang napapanood ng sambayanan sa bulwagan nito ang sarsuwela’t moro-moro ng mga payaso’t sirkero ng bulok at nakasusulukasok na “status quo” at, bagaman dito binabalangkas ang mga batas na makagagamot diumano sa grabeng mga sakit ng bansa kagaya na lamang ng paglaganap ng disempleyo at karalitaan at pagbagsak ng pambansang ekonomiya, sa bulwagan din nito malimit itanghal –sa Kamara man o sa Senado — ang mga palabas at buladas at karnabal ng walang kawawaang mga debate o balitaktakan, pataasan ng ihi, patalsikan ng laway, insultuhan, at pagpapel na bida sa mga imbestigasyong walang malinaw na wakas at labis lamang pinag-aaksayahan ng salapi ng bayan.
Nang mabasa namin tuloy ang isang editoryal ng LA SOLIDARIDAD, may petsang Hulyo 15, 1889 na inilalathala noon ng mga propagandistang Pilipino sa Barcelona, Espanya sa panahon ng kolonyalismong Kastila sa Pilipinas (unang naging patnugot nito si Graciano Lopez Jaena at, pagkatapos, si Marcelo H, del Pilar naman), waring wala halos ipinagkaiba ang Kongreso noon sa Kongreso ngayon.
Hindi tuloy naming maiwasang isalin ngayon sa sariling wika ang naturang editoryal upang makita ng sambayanan ang maliwanag na mga pagkakatulad:
“Hindi mapag-aalinlanganan, malubha at mapanganib ang kahulugan ng mga kaguluhan at paulit-ulit na pag-aaway sa Kongreso. Katulad ng paghihingalo ng isang sambayanang malapit nang mamatay ang maiinit na mga diskursong iyon, mga palatandaan iyon ng mga kuko ng kamatayan. Ipinamamalas sa mga mamamayan ng alingasngas at eskandalo na ang kanilang mga kinatawan at ang mga namumuno sa kanila — na hindi naman nagsisikap para malutas ang pangunahing mga problema ng bansa at mapaunlad ang kalagayang pangkabuhayan — ay walang inaatupag kundi maglunoy sa kanilang pagpipintasan at walang kawawaang pagdedebate, pag-iinsultuhan at pag-iiringan na labis na ikinawawala ng dangal ng buong Kongreso.
“Saksi sa nakalulungkot na kalagayang ito ang nagdaang mga pangyayari sa Kongreso.
“Mula sa lahat ng mahahabang diskursong pampulitika ng mga lider, ng mga miyembro ng partido mayorya, ng mga rebelde sa partido, at ng mga konserbatibo, walang narating na anuman, maliban sa pagbubunyag ng mga katiwalian ng isa o ibang partido, ng isa o ibang grupo.
“Putik, labis na putik ang hinalo mula sa kailaliman ng puwit ng partido, at nananatiling nakalutang ang putik na ito para salaminin ng mga mamamayan; alam ng mga mamamayan na walang maaasahan sa isang partidong ang mga adhikain at balak ay magkamit ng kapangyarihan sa pamamagitan ng anumang paraan para mabigyang-kasiyahan ang mga ambisyong personal.
“Pagkatapos nito, pagkatapos ng labis na ingay at bahagyang kabuluhan, pinag-uusapan na magkakasundo ang mga koalisyonista at mga rebelde sa partido. Ito ang pangunahing layunin: lumikha sa mga mamamayan ng isang malaking isyung pampulitika sa pamamagitan ng mga palabas, ipangalandakan ang mga prinsipyo, ang mga dakilang adhikain, habang ipinagtatanggol sa pamamagitan ng mabulaklak na mga salita ang mga patakarang pangkabuhayang makabubuti diumano sa mga mamamayan at, pagtagal-tagal, ituring o gawing isang malaking biro lamang ang buong bagay na ito.”
Bukod sa napagtibay ng Kongreso ang mahigit na isang trilyong pisong pambansang badyet na, malamang kaysa hindi, ay mauwi lamang ang 30% sa malaimbudong bulsa ng mga mandarambong sa pamahalaan sa pamamagitan ng kung anu-anong katiwalian, anu-ano nga bang mga batas ang naisulong nito para sa tunay na pambansang kapakanan?
Sa pagsisimula ng Semana Santa, ititigil nga ang regular na sesyon ng Kongreso para mangilin at magpakabanal ang “mararangal” na mga miyembro nito. Buong ligayang magpapahinga maging ang tamad na mga mambabatas na bihirang dumalo sa sesyon, magbabakasyon kaya ang iba sa piling ng lihim nilang mga kulasisi, o magliliwaliw at magpapasarap nang husto sa ibang bansa habang nakatunganga at titiguk-tigok ang lalamunan ng matagal nang inuulol na masang sambayanang patuloy at patuloy na umaasang makatitikim din sila ng glorya sa ilalim ng liderato ni La Gloria at, sa wakas, milagro ng mga milagro, baka mahango na rin sila sa karalitaan at kabusabusan.
Ano bang talaga ang nagawa ng Kongreso?
Umusok ang buong Kongreso, noon pa man, sa kung anu-anong imbestigasyon — jueteng payola, Hello, Garci, transaksiyong ZTE na ibinulgar ni Jun Lozada, “fertilizer fund scam,” “euro generals,” walang patumanggang pagpatay ng mga awtoridad sa pinaghihinalaang mga holdaper, karnaper at “drug pushers,” pagkakasangkot diumano ni Unang Ginoo Mike Arroyo sa “lutuan” ng kontrata sa mga proyektong pinondohan ng World Bank at, nitong dakong huli, ang maanomalyang pagbagsak ng Legacy na libu-libong kliyente ang lumilitaw na naonse. Ano pa ba ang susunod?
Nariyan pa rin, di nga kasi, ang mabilis na pagbasura agad ng masusugid na basalyos ng Malakanyang sa mga kasong “impeachment” na iniharap ng mga kinauukulan laban kay La Gloria, huwag nang banggitin pa ang niluluto’t iginigilgil na Cha-Cha (pagbabago sa Konstitusyon) na minamaniobra ng mga kapit-tuko sa poder at tagahimod ng kuyukot ng dayuhang mga interes.
Sa nabanggit na litanya ng mga imbestigasyon ng Kongreso, may nalinawan ba ang bayan? Lumabas ba ang katotohanan? O pinalabo lamang ang lahat-lahat? Bagaman paulit-ulit na binibigyang-diin na para makatulong sa pagbalangkas ng mga batas — hindi pasiklab lamang sa mga mamamayan — ang naturang mga imbestigasyon, may naisulong na bang mga batas kaugnay nito upang masugpo o hindi na paulit-ulit na mangyari ang nakasusuka nang pandurugas at pandarambong sa salapi ng bayan, gayundin ang hindi masawatang paglabag sa lehitimo’t sagradong demokratikong mga karapatang sibil ng sambayanan?
Ano ba talaga ang nagawa ng Kongreso, Kuya Juan at Ate Kulasa?
Hindi tuloy namin maiwasang hinalaing marami sa “mararangal” na mambabatas ang nagbuburat lamang (naglalasing lamang ang kahulugan sa Kabikulan) o talagang dalubhasa silang magtanghal ng mga sarsuwela’t moro-moro?