(Kolum)
NAAALAALA namin, nang dumalaw sa Pilipinas sa panahon ng rehimeng Marcos ang ekonomistang taga-Sweden na si Gunnar Myrdal at makita’t masuri niya ang umiiral noong mga sakit na panlipunan ng bansa, nasabi niya: “Isang paliligo na lamang ng dugo ang maaaring makalinis sa mga sakit na panlipunan” ng bansang ito. Sa pahayag na iyon ni Myrdal, maliwanag na isang marahas na pagbabagong panlipunan ang tinutukoy niya.
Hitik nga ng karahasan ang maraming bansa sa mundo bago nakamit ang minimithing mga pagbabago sa kanilang katayuang pangkabuhayan, pampulitika, pangkultura o panlipunan. Natural, sa pagsulong ng sibilisasyon at kamulatan, hindi naiiwasang mauwi sa karahasan ang mga tunggalian na nagdulot naman ng mga reporma’t pag-unlad sa gustong baguhing masama’t balintunang sistema ng umiiral noong mga lipunan.
Halimbawa na lamang, umunlad ang Rusya matapos maibagsak ng Rebolusyong Bolshevik ang mapang-aliping Tsaristang rehimen ng mga Romanov. Nakamit ng Amerika ang sinasabing demokrasya at progreso matapos ang mga karahasan ng kanilang giyera sibil. Narating ng Pransiya ang katayuan nito ngayon sa daigdig makaraang pabagsakin ang Bastille dahil sa Rebolusyong Pranses. Nakamit ng Tsina ang maunlad na katayuan nito ngayon matapos wakasan ang mga dinastiya dahil naman sa rebolusyong pinamunuan ni Mao Tse-Tung. Nariyan din ang kasaysayan ng Vietnam na batbat ng karahasan bago nakalaya sa dayuhang pang-aalipin sa pamamagitan ng liderato noon ni Ho Chi Minh. Isama na rin ang Cuba na naligo ng dugo sa pamamagitan ng rebolusyong pinamunuan ni Fidel Castro bago napatalsik ang malupit at mapanikil na rehimen ng diktador na si Fulgencio Batista.
Hindi mapapasubalian, iniluwal naman ang Republika ng Pilipinas dahil din sa mga karahasan ng Rebolusyong 1896 na pinamunuan ni Andres Bonifacio at, nang malaon, ni Hen. Emilio Aguinaldo at ng iba pang magigiting na Pilipino, laban sa kolonyalismong Kastila. Sa kasamaang- palad nga lamang o bunga ng gahamang interes, inagaw naman ng mga Amerikano ang tagumpay ng naturang rebolusyon na nagbunga rin ng matinding mga karahasan sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano.
Matapos ibalik ng mga Amerikano ang palsipikado pa ring kalayaan at kasarinlan ng bansa noong Hulyo 4, 1946, kapalit ang di makatarungan at mapagsamantalang mga tratado at pagiging papet ng pambansang liderato, bakit nagrebelde at naging marahas ang mga Huk sa kasagsagan ng dekada ‘50 na maituturing na nawakasan lamang sa rehimen ni Magsaysay? Bakit pagkatapos ng mga Huk, tuluy-tuloy naman, hanggang ngayon, ang may apat na dekada nang rebolusyonaryong pakikibaka ng CPP-NPA? Bakit matapos noon ang madugong rebelyon ng MNLF (Moro National Liberation Front) sa Mindanaw sa ilalim ng liderato ni Nur Misuari, tuloy pa rin hanggang ngayon ang rebelyon ng humaliling MILF (Moro Islamic Liberation Front) kaya nagaganap ang marahas na pakikipagsagupa nito sa mga puwersa ng gobyerno?
Maaaring banggitin, sa kabilang banda, na naibagsak ang halos 14 na taong paghahari sa bansa ng malupit, mapanikil at mapandambong na diktadurang Marcos sa pamamagitan ng mapayapang pagkilos ng iba’t ibang sektor ng lipunan na naglundo sa tinatawag ngayong EDSA 1 — hindi angkop na tawaging rebolusyon sa aba naming palagay — pero hindi naman nito nabago ang tiwaling balangkas ng lipunan at lalong hindi nga nito nagamot ang umiiral na, noon pa man, na malubha nang mga sakit na panlipunan mulang matinding mga inhustisya at katiwalian, mulang malaganap na disempleyo at karalitaan, mulang pag-abuso sa kapangyarihan ng mga nasa poder at paglabag at pagsalaula sa sagradong mga karapatang sibil ng sambayanan, mulang dinastiyang pampulitika at pagkontrol ng iilang piling grupo sa ekonomiya ng bansa, hanggang sa palsipikadong demokrasya’t kasarinlan at pangangayupapa at pagpapakasangkapan ng pambansang liderato sa mapandambong na dayuhang mga interes.
Bakit nga ba tuloy pa rin ang mga karahasan, halimbawa’y sa pagitan ng mga puwersa ng CPP-NPA o ng MILF at ng gobyerno sa kabilang banda? Nauuwi pa rin nga sa mga karahasan, kalimitan, sa pagitan ng mga demonstrador at pulisya o militar ang sa simula’y mapayapang demonstrasyon o protesta ng mga kabataan at estudyante laban sa umiiral na nakasusulukasok na pambansang kalagayan?
Malinaw na nailahad ni Camilo Torres, isang paring taga-Colombia na umanib sa mga gerilya sa kanilang bansa, ang kasagutan kung bakit may mga karahasan sa iba’t ibang panig ng mundo. Kung susuriin ang kanyang mga pahayag, masasabing angkop na angkop sa Pilipinas ang kanyang mga obserbasyon at binigyang-diing mga punto na makabubuting pag-aralan ngayon ng pambansang liderato.
Ayon sa kanya, magpapatuloy ang mga karahasan hanggang lumalaganap ang karalitaan at inhustisya, hanggang nagmamalabis sa kapangyarihan, naglulublob sa mga pribilehiyo at walang pakundangang kinokontrol ng naghaharing-uri ang pambansang ekonomiya at pulitika sa kapinsalaan ng masang sambayanan.
Magpapatuloy ang mga karahasan hanggang inutil ang Estado na maipagkaloob sa mga mamamayan ang pangunahing mga pangangailangan, gaya ng pagkain, pabahay, mga ospital at paaralan.
Magpapatuloy ang mga karahasan hanggang nagbibingi-bingihan at usad-pagong ang katarungan at, kung kumilos man, ay nagiging padalus-dalos at kalimitang pumapabor sa mga maimpluwensiya’t makapangyarihan.
Hindi masasawata ang mga karahasan hanggang itinatanikala sa lupa ang mga magsasaka mabundat lamang ang mga propiyetaryo’t asendero at, sa kabilang banda, natutulog ang gobyerno at ayaw ipatupad ang tunay na reporma sa lupa.
Hindi mapipigil ang mga karahasan hanggang ginagatasan ng Estado ang sambayanan sa pamamagitan ng pagpapataw ng di makatuwiran at sobrang mga buwis para mapalamon ang mga mayayaman at may madambong ang mga opisyal ng pamahalaan.
Iiral at iiral ang mga karahasan, binigyang-diin pa ni Camilo Torres, hanggang napakasasangkapan ang Estado sa dayuhang mga interes at patuloy na ibinibenta ang pambansang kasarinlan at kapakanan at kinabukasan ng susunod na mga henerasyon.
Katakataka pa ba, kung gayon, kung bakit patuloy at patuloy ang mga karahasan sa bansa? Malinaw na ngang sinagot ni Camilo Torres ang lahat-lahat.