(Malayang salin ng inyong lingkod sa tula ng makatang Rusong si Vera Ibner na ipinadala ni Ka Dan Borjal bilang alay-parangal kina Ka Alexander Martin Remollino at Ka Medardo Roda na kapwa namayapa kamakailan lamang)
Bago siya tuluyang ibinilanggo
sa kanyang mausoleo
at ulilahin ng sikat ng araw
limang araw at gabing singkad
siyang nakaburol
sa Bulwagan ng mga Columna.
Humugos ang mga tao, pumila
parang treng walang katapusan
hawak ang nakababa
namamahingang mga bandila
upang muling masilayan
ang naninilaw niyang mukha
at medalyang pula
sa ibabaw ng dibdib.
At sa kalupaan
nananalasa’t sumisikdo
ang nagyeyelong kapaligiran
waring tuluyan niyang tinangay
ang isang bahagi ng init
ng aming mga katawan.
Limang gabing walang natulog
sa Moscow
dahil sa pagtulog siya lumisan
buong kabanalang nagbabantay
ang maputlang buwan.
Wala akong ibang masasabi kundi napakagaling ng salin. Sapul na sapul ang “mood” at emosyon. Mabuhay ka, Ka Roger!