(Kolum)
NANG pasabugin noong 1898 ang bapor pandigmang USS Maine sa pantalan ng Havana, Cuba na ibinintang sa mga Kastila, hindi iilang palaaral sa pulitikang pandaigdig ang naghinalang mismong Estados Unidos ang may pakana niyon upang makatuwirang ideklara ng Amerika sa sulsol ng malalaking kapitalista ang giyera laban sa Espanya, lalo na nang mabunyag ang sulat ni Frederick Remington, reporter ng diyaryong “Journal” ni Hearst, na ipinadala sa Cuba upang kumuha ng mga retrato. Ulo noon ng balita ng “Journal” sa New York: “Sa Wakas Ang Ating Bandila Sa Havana,” at parang nahuhulaan ang mangyayari, sinabi sa balita na “handa na ang lahat para sa pangwakas na tagpo, at inaasahang mangyayari agad ito.” Nang itelegrama ni Remington kay Hearst: “Payapa ang lahat dito. Walang gulo. Hindi magkakagiyera…” agad na itinugon ni Hearst: “Basta ibigay mo ang mga retrato at ako ang magbibigay ng giyera.”
Marami tuloy ang naghihinala magpahanggang ngayon na pakana rin ng Amerika ang malagim na nangyari noong Setyembre 11, 2001 nang banggain ng dalawang eroplanong pampasahero ang Twin Towers ng World Trade Center sa New York na ikinasawi ng mga 3,000 katao. Ibinintang kay Osama bin Laden ang lahat, binansagan itong numero unong terorista, at nagkaroon ng matibay na dahilan si Presidente George W. Bush na relihiyosong ibunsod ang sinasabi nitong “giyera kontra sa pandaigdigang terorismo” kaya walang patumanggang sinalakay at sinakop ang Iraq sa hinala lamang na may WMD (weapons of mass destruction) si Saddam Hussein at banta ito diumano sa seguridad ng Estados Unidos. At, batay sa mapandigmang utak ni Bush, hindi malayong gawin din nito sa Syria, Iran, Hilagang Korea at iba pang mga bansang kasalungat ng mapandambong na interes ng Amerika ang ginawa, at ginagawa pa nito, sa Iraq at Afghanistan.
Dahil nasa negosyo ng industriya ng langis, unang-una, ang pamilya Bush at kilalang mga kaalyado nito, lalo na si Bise-Presidente Dick Cheney, lumilinaw ang katotohanang ginugulo ng Amerika ang Gitnang Silangan hindi upang iligtas ang mundo sa terorismo kundi upang mapagharian iyon at makontrol ang mayamang langis ng rehiyon. Sa kanyang aklat na “Stupid White Men,” hinihingi tuloy ni Michael Moore na ipaliwanag nang husto ni Bush ang mga sumusunod:
Na, kung talagang utak ng Setyembre 11 si Osama bin Laden, paano nito masusubaybayan ang buong operasyon niyon gayong lumilitaw na sinasalinan ito ng dugo sa isang kuweba sa Afghanistan dahil sa sakit sa bato?
Na, noong 1979, batay sa ulat ng BBC, nang gobernador pa lamang si Bush, ilang lider ng Taliban ang nagpunta sa Houston, Texas, nakipagpulong sa mga pinuno ng Unocal para sa planong paglalagay ng mga tubo ng langis sa malaking bahagi ng Afghanistan. Isa sa nagsagawa ng masusing pag-aaral tungkol sa planong iyon ang Enron, ang pinakamalaking taga-suporta ng pondo sa kampanya ni Bush sa pagka-gobernador noon at pagka-presidente nang malaon. Isa ang kompanyang Haliburton — tagapangulo nito noon si Dick Cheney na bise-presidente ngayon ni Bush — ang kontratista niyon. Bakit ipinahintulot ni Bush na makipagpulong sa Texas ang mga kinatawan ng isang diumano’y teroristang gobyerno? Ano ang nangyari sa transaksiyong iyon?
Na, makaraan ang ilang linggo matapos ang Setyembre 11, 2001, ayon sa “London Times,” ipinahintulot ni Bush na lumipad sa himpapawid ng Amerika ang isang pribadong eroplanong mula sa Saudi Arabia upang sunduin at ilabas ng Estados Unidos ang halos dalawang dosenang miyembro at kasama ng pamilya bin Laden. Ni hindi iyon hinarang at inimbestigahan ng pulisya o ng FBI para malaman kung ano ang alam ng mga ito sa naganap na trahedya. Habang maraming eroplano sa Amerika ang ayaw pahintulutan para makalipad, at magulo pa ang lahat, nagawa pa ni Bush na tiyaking ligtas ang mga bin Laden. Bakit iyon ang inuna ni Bush? Bakit espesyal na trato ang ipinagkaloob sa mga Arabo at sa mga bin Laden?
Na, mga 15 sa 19 na terorista ng Setyembre 11 ang mula sa Saudi Arabia, pero bakit ang ipinabomba ni Bush ay ang Afghanistan? O napakahirap bombahin ang isang bansang pinagkukunan ng 25% ng gasolina ng Amerika at kinaroroonan ng maraming kasosyo sa industriya ng langis ng kanyang amang si dating Pres. George Bush, Sr.? Tatlong libong buhay ba ang katumbas ng milyun-milyong galon ng gasolina? naitanong tuloy ni Moore.
Na, nang matapos ang kampanya ni Bush na makontrol na ang Afghanistan, isang dating kasangguni ng isang kompanya ng langis ang itinalaga ng Amerika na “pansamantalang lider” doon. Isa ring kasangguni ng kompanyang Unocal ang itinalaga namang bagong embahador sa Afghanistan. Sa loob lamang ng ilang buwan, isang bagong kontrata ang pinagtibay upang ibaon sa Afghanistan ang kinakailangang mga tubo ng langis. Ngayong nakuha na ni Bush ang gusto niya, panahon na, ayon kay Moore, na pauwiin na ang tropang Amerikano mula sa naturang bansa.
Ano naman kayang pakana ang gagawin ni Bush at ng Amerika sa Pilipinas ngayong lumilitaw na naglipana sa bansa ang maraming espiyang Amerikano? Ito ang dapat ding puspusang bantayan ng mga puwersang makabayan at progresibo.
Kolum, Pebrero 2, 2005
Posted by plumaatpapel
Posted by plumaatpapel
Posted by plumaatpapel