Feeds:
Posts
Comments

(Editoryal)

DAHIL sa kahihiyang inaani ngayon ng Amerika sa hindi makatuwirang pananakop nito sa Iraq, bukod pa sa patuloy nitong pakikialam sa Afghanistan, hindi tuloy namumutiktik sa mayabang na retorika tungkol sa pakikidigma ang mga talumpati ni Presidente Barrack Obama ng Estados Unidos ng Amerika — di gaya noon ni dating Presidente George W. Bush na hitik sa mga pagbabantang kaya nitong salakayin at pagharian ang mga bansang sumasalungat sa imperyalista nitong mga patakaran.

Sa kabila ng modernong mga armas at superyor na tropang militar nito, libu-libong sundalong Amerikano na ang nagbuwis — at patuloy na nagbubuwis — ng buhay dahil sa ganting-salakay ng makabayang mga Iraqi sa pamamagitan ng mabisang taktikang-gerilya. Higit sa lahat, tandisan nang hinihingi ng milyun-milyong mga mamamayan ng Iraq ang agarang paglayas doon ng tropang Amerikano sapagkat sila mismo — kaysa sinumang lahi — ang may lehitimo at sagradong karapatang pamahalaan ang kanilang bansa at, gayundin, hawanin ang landas tungo sa kanilang hinaharap.

Maliwanag na dagdag problema ito ngayon kay Obama, lalo na nga’t lumalawak at tumitindi na rin ang protesta ng mismong mga mamamayang Amerikano sa patuloy pang pananatili, at panghihimasok, ng tropang Amerikano sa Iraq at Afghanistan. Sapagkat lumalaki ang kakulangan sa badyet ng Estados Unidos, lumalaganap ang disempleyo at tanggalan sa trabaho, dahil sa lumagabog nitong ekonomiya bunga ng labis na kasuwapangan ng kapitalismo, makatuwiran lamang na magdalawang-isip si Obama bago magbunsod ng anumang giyera nito saanmang panig ng mundo.

Bilyun-bilyong dolyar na nga ang ginasta — at patuloy pang ginagasta — ng Amerika sa Iraq para lamang mapanatili ang mga tropa nito doon kaya, lumilitaw ngayon, na iiwasan nitong maglunsad pa ng panibagong agresyon sa alinmang bansang gusto nitong makontrol, pagsamantalahan at pagharian. Niluwagan na nga ni Obama ang mapanikil o mapanggipit na polisiya ng Amerika sa Cuba at hindi na basta-basta pinagbabantaan ang Hilagang Korea. Ipinahiwatig pa nga niya sa ilan niyang pahayag na, sa malapit na hinaharap, baka tuluyan nang lisanin ng tropang Amerikano ang Iraq, gayundin marahil ang Afghanistan.

Sakit pa ng ulo ni Obama ang hindi mapapasubaliang katotohanan na nagiging inspirasyon pa ng makabayang mga mamamayan ng ibang mga bansang pinanghihimasukan at kinokontrol ng Amerika ang magiting at rebolusyonaryong pakikibaka ng mulat na mga Iraqi laban sa hindi makatuwiran, malupit at marahas na pananakop ng puwersang Amerikano sa kanilang bansa. Dahil dito, hindi malayong lumaganap ang paglaban sa imperyalismong Amerikano sa iba pang panig ng mundo at, natural, maglalagablab nang husto ang apoy ng paglayang tutupok sa mapambusabos na mga patakaran nito.

Higit sa lahat, idagdag pa nga sa mga problemang ito ni Obama na sa mismong kuta ng mapambusabos na kapitalismo, sumisigla’t sumusulong ang mga nagtataguyod ngayon sa sosyalismo. Katunayan, sa Abril 25, sa Los Angeles City College, nakatakdang idaos ang isang seminar-talakayan na may temang “Sosyalismo: Panahon na Ngayon — Wakasan ang Digmaan at Militarismo.” Nakalinyang tumalakay sa naturang isyu ang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor tulad nina Richard Becker, Muna Coobtee, Juan Jose Gutierrez, Michael Prysner, Jacqueline Villagomez, Arturo Garcia, Lucille Esguerra, Pete Lindsay, Preston Wood, Marylou Cabral at Stevie Merino.

Batay sa mga nabanggit, maaaring itinatanong ngayon sa sarili ni Obama: hanggang kailan mapananatili at mapaghahari ang mapandambong na kapitalismo at imperyalistang mga patakaran ng Amerika sa mundo? — #

(Kolum)

KUNG MAYROON mang batas na tandisang nagbabawal sa dinastiyang pampulitika (mayroon na nga ba?), waring imposible nang mahadlangan ang talamak nitong pag-iral sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Hindi na kailangan ang malinaw na mata upang makita ang pami-pamilyang namamayagpag sa poder. Nakasusukang tradisyon na yata — noon at ngayon — na magrigodon sa kapangyarihan ang ilang maimpluwensiya’t mayamang pamilya.

Monopolyo na nga ng mga pamilyang ito, mula pa sa panahon ng kanilang mga lolo hanggang sa mga apo ngayon, ang nakasusugapang pulitika sa kani-kanilang lugar at maging sa buong bansa. Nariyan sila, parang mga buwayang nakaabang sa anumang halal na puwestong puwedeng sakmalin ng mga miyembro ng pamilya — asawa man o anak o apo o maging mga bayaw at hipag — at kulang na lamang na magpatibay sila ng batas na maaari nang ipamana sa kanilang kadugo ang kanilang poder sa gobyerno: presidente man o senador, kongresista man o gobernador, alkalde man o konsehal o maging kapitan de barangay. Kung maaari nga lamang, baka ikandidato pa nila ang kanilang mga pusa at aso at iba pang alagang mga hayop.

Sa kampo man ng Administrasyon o ng Oposisyon — at sapagkat pamunas lamang nila ng puwit ang prinsipyo’t karangalan — madali sa kanilang magsatipaklong o magsahunyango sa pagpapalipat-lipat ng bakod-pampulitika (sa Liberal man o Nasyonalista, sa Kampi man o Laban, sa Partido ng Masang Pilipino o anuman) masunod lamang ang makasariling ambisyong makapanatili sa kapangyarihang balon yata ng kayamanan, impluwensiya’t pribilehiyo. Walang mahalaga kundi muling maibandila ang apelyido ng pamilya sa tanghalan ng sarsuwelang pulitika kahit magtaling-pusod at mag-amuyan ng kilikili ang dating magkalaban o sukdulang magsaksakan sa sikmura’t magputulan ng bituka ang dating magkaibigan.

Sa pambansang tanghalan, nariyan ang mga Roxas at Osmena at Magsaysay o Marcos, Aquino, Recto, Estrada at Enrile at, higit sa lahat, nakabalandra’t namamayagpag ngayon ang mga Macapagal-Arroyo. Nadagdag pa ang mga Angara,Villar, Biazon, Pimentel, Cayetano at bagong kapipisang itlog tulad ng mga Zubiri at Escudero. Sino ang hindi makakakilala sa Kamaynilaan sa mga Asistio, Atienza at Binay? Sino ang hindi pamilyar sa kani-kanilang lugar sa mga Remulla, Revilla at Maliksi ng Kabite, sa mga Joson ng Nueva Ecija, sa mga Villafuerte, Lagman, Imperial at Escudero ng Bikol, sa mga Lapid at Macapagal ng Pampanga, o sa iba pang pawang nabibilang sa Kamag-anak Inkorporada?

Marami na ngang patunay na ang mga dinastiyang pampulitika — sapagkat pare-parehong ayaw magpatalo — ang pinagmumulan ng mga dayaan o hokus pokus at mga karahasan o patayan sa bawat eleksiyon sa bansa. Nakatatawa tuloy na parang hindi pa naranasan ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo ang katotohanang dugo’t terorismo, pera at dayaan ang namamayaning batas ng mga halalan sa bansa, lokal man o nasyonal. Kung naging bahagi nga siya nito,o promotor pa, ano kung gayon ang kanyang karapatan, maging ng kanyang mga basalyos, na paulit-ulit na manawagan para sa isang “maayos, mapayapa, malinis at kapanipaniwalang eleksiyon” kung matutuloy nga ito sa Mayo 2010, at hindi maigigilgil o mamamaniobra ng kasalukuyang rehimen ang pagbabago sa Konstitusyon upang maging parlamentaryo-pederal-may isang kapulungan ang sistema ng gobyerno bago matapos ang termino ng Reyna ng Malakanyang?

Kailan nga ba naging kapanipaniwala, malinis at mapayapa ang eleksiyon sa bansa? Tiyak, bago o mismong sa 2010, madaragdagan ang mga biktima ng karahasan kaugnay ng halalan. Ngayon pa lamang, malinaw na ang pagbabalyahan at pagbabatikusan ng putik ng mga posibleng magbanggaan, lalo na sa pagka-presidente na, di nga kasi, ay mauuwi sa tuso’t maruming mga pakanang baka magbunga ng terorismo’t mga patayan.

Kailan nga ba walang dayaan sa eleksiyon? Maging ang muling pagkakahalal nga ni La Gloria noong 2004 ay nakulapulan ng eskandalong ibinunga ng napabantog na “Hello, Garci” kaya lumagabog ang kanyang kredibilidad. Tumibay ang paniniwala ng maraming mamamayan na talagang may garapalang dayaang naganap noon sa pamamagitan diumano ng pagmamaniobra ng isang Garcellano at ilang nasangkot na opisyal ng militar na waring ginantimpalaan pa ngang itaas ng ranggo o pagkalooban ng sensitibong mga puwesto sa gobyerno matapos ang lahat-lahat.

At, sa kabilang banda, sino pa nga ba ang naniniwala sa kredibilidad din ng Komisyon sa Halalan o Comelec palitan man ang mga komisyoner nito araw-araw? Gawin mang de makina (automated) ang darating na eleksiyon, masusugpo nga ba, kundi man tuluyang mawala, ang dayaan lalo’t mapera, maimpluwensiya’t makapangyarihan ang mga kandidatong marami ang nabibilang sa mga dinastiyang pampulitika? Alam na alam ng mga nanalo sa bawat eleksiyon, noon pa man — bagaman hindi nila aaminin — na nabibili at nasasalamangka sa tamang presyo sa Comelec ang resulta ng mga halalan. Hindi na nga tuloy katakataka kung bakit namumutiktik sa kabi-kabilang protestang-elektoral ang mga eleksiyong ito.

Sa pagkontrol na ito ng iilang pamilya hindi lamang sa pambansang pulitika, kundi maging sa ekonomiya, hindi maikakailang maruming papel ang ginagampanan ng mga dinastiyang pampulitika kaya patuloy na nasisikil ang tunay na tinig ng sambayanan sa bawat halalan at, higit na masama, walang habas pa ngang nasasalaula ang sagradong demokratikong mga proseso.

Kahinahinala tuloy kung bakit kahit malinaw na itinadhana ng Konstitusyon (Artikulo VI, Seksiyon 5) na dapat hindi lumampas ng 250 ang bilang ng mga kongresista, nagkukumahog ngayon ang Kongreso na lumikha ng bagong mga distrito-kongresiyonal at paabutin ng 300 ang kinauukulang mga kinatawan o representante. Ito ba’y para palawakin pa ang kanilang mga dinastiyang pampulitikang mandarambong sa pera ng bayan sa pamamagitan ng “pork barrel” (P70-M bawat kongresista at P200-M bawat senador taun-taon)? Tiyak, kung magigi pang 300 ang mga kongresista, lalo pang madaragdagan at titindi ang katiwalian sa burukrasya sa pamamagitan ng kung anu-anong pagsalamangka sa buwis ng sambayanan.

Totoo na nga marahil, kaugnay nito, ang sinabi ni Padre Jose Burgos (isa sa tatlong paring martir na ipinabitay ng mga Kastila noong 1872) sa kanyang obrang LA LOBA NEGRA (1869) na sa bansang ito, “ipinanganganak na parang lumot ang mga pulitiko” (pami-pamilya na nga) “sa kahihiyan at kapinsalaan ng bayan.”

Opo, Virginia, huwag asahang magkakaroon ng tunay at makabuluhang panlipunang mga pagbabago para sa kapakanan ng bansa’t masang sambayanan magka-eleksiyon man oras-oras, lalo’t parang lumot na nakakapit — at sumisibol pa — sa katawan ng bayan ang mga dinastiyang pampulitika. –#

(Kolum)

NAAALAALA namin, nang dumalaw sa Pilipinas sa panahon ng rehimeng Marcos ang ekonomistang taga-Sweden na si Gunnar Myrdal at makita’t masuri niya ang umiiral noong mga sakit na panlipunan ng bansa, nasabi niya: “Isang paliligo na lamang ng dugo ang maaaring makalinis sa mga sakit na panlipunan” ng bansang ito. Sa pahayag na iyon ni Myrdal, maliwanag na isang marahas na pagbabagong panlipunan ang tinutukoy niya.

Hitik nga ng karahasan ang maraming bansa sa mundo bago nakamit ang minimithing mga pagbabago sa kanilang katayuang pangkabuhayan, pampulitika, pangkultura o panlipunan. Natural, sa pagsulong ng sibilisasyon at kamulatan, hindi naiiwasang mauwi sa karahasan ang mga tunggalian na nagdulot naman ng mga reporma’t pag-unlad sa gustong baguhing masama’t balintunang sistema ng umiiral noong mga lipunan.

Halimbawa na lamang, umunlad ang Rusya matapos maibagsak ng Rebolusyong Bolshevik ang mapang-aliping Tsaristang rehimen ng mga Romanov. Nakamit ng Amerika ang sinasabing demokrasya at progreso matapos ang mga karahasan ng kanilang giyera sibil. Narating ng Pransiya ang katayuan nito ngayon sa daigdig makaraang pabagsakin ang Bastille dahil sa Rebolusyong Pranses. Nakamit ng Tsina ang maunlad na katayuan nito ngayon matapos wakasan ang mga dinastiya dahil naman sa rebolusyong pinamunuan ni Mao Tse-Tung. Nariyan din ang kasaysayan ng Vietnam na batbat ng karahasan bago nakalaya sa dayuhang pang-aalipin sa pamamagitan ng liderato noon ni Ho Chi Minh. Isama na rin ang Cuba na naligo ng dugo sa pamamagitan ng rebolusyong pinamunuan ni Fidel Castro bago napatalsik ang malupit at mapanikil na rehimen ng diktador na si Fulgencio Batista.

Hindi mapapasubalian, iniluwal naman ang Republika ng Pilipinas dahil din sa mga karahasan ng Rebolusyong 1896 na pinamunuan ni Andres Bonifacio at, nang malaon, ni Hen. Emilio Aguinaldo at ng iba pang magigiting na Pilipino, laban sa kolonyalismong Kastila. Sa kasamaang- palad nga lamang o bunga ng gahamang interes, inagaw naman ng mga Amerikano ang tagumpay ng naturang rebolusyon na nagbunga rin ng matinding mga karahasan sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano.

Matapos ibalik ng mga Amerikano ang palsipikado pa ring kalayaan at kasarinlan ng bansa noong Hulyo 4, 1946, kapalit ang di makatarungan at mapagsamantalang mga tratado at pagiging papet ng pambansang liderato, bakit nagrebelde at naging marahas ang mga Huk sa kasagsagan ng dekada ‘50 na maituturing na nawakasan lamang sa rehimen ni Magsaysay? Bakit pagkatapos ng mga Huk, tuluy-tuloy naman, hanggang ngayon, ang may apat na dekada nang rebolusyonaryong pakikibaka ng CPP-NPA? Bakit matapos noon ang madugong rebelyon ng MNLF (Moro National Liberation Front) sa Mindanaw sa ilalim ng liderato ni Nur Misuari, tuloy pa rin hanggang ngayon ang rebelyon ng humaliling MILF (Moro Islamic Liberation Front) kaya nagaganap ang marahas na pakikipagsagupa nito sa mga puwersa ng gobyerno?

Maaaring banggitin, sa kabilang banda, na naibagsak ang halos 14 na taong paghahari sa bansa ng malupit, mapanikil at mapandambong na diktadurang Marcos sa pamamagitan ng mapayapang pagkilos ng iba’t ibang sektor ng lipunan na naglundo sa tinatawag ngayong EDSA 1 — hindi angkop na tawaging rebolusyon sa aba naming palagay — pero hindi naman nito nabago ang tiwaling balangkas ng lipunan at lalong hindi nga nito nagamot ang umiiral na, noon pa man, na malubha nang mga sakit na panlipunan mulang matinding mga inhustisya at katiwalian, mulang malaganap na disempleyo at karalitaan, mulang pag-abuso sa kapangyarihan ng mga nasa poder at paglabag at pagsalaula sa sagradong mga karapatang sibil ng sambayanan, mulang dinastiyang pampulitika at pagkontrol ng iilang piling grupo sa ekonomiya ng bansa, hanggang sa palsipikadong demokrasya’t kasarinlan at pangangayupapa at pagpapakasangkapan ng pambansang liderato sa mapandambong na dayuhang mga interes.

Bakit nga ba tuloy pa rin ang mga karahasan, halimbawa’y sa pagitan ng mga puwersa ng CPP-NPA o ng MILF at ng gobyerno sa kabilang banda? Nauuwi pa rin nga sa mga karahasan, kalimitan, sa pagitan ng mga demonstrador at pulisya o militar ang sa simula’y mapayapang demonstrasyon o protesta ng mga kabataan at estudyante laban sa umiiral na nakasusulukasok na pambansang kalagayan?

Malinaw na nailahad ni Camilo Torres, isang paring taga-Colombia na umanib sa mga gerilya sa kanilang bansa, ang kasagutan kung bakit may mga karahasan sa iba’t ibang panig ng mundo. Kung susuriin ang kanyang mga pahayag, masasabing angkop na angkop sa Pilipinas ang kanyang mga obserbasyon at binigyang-diing mga punto na makabubuting pag-aralan ngayon ng pambansang liderato.

Ayon sa kanya, magpapatuloy ang mga karahasan hanggang lumalaganap ang karalitaan at inhustisya, hanggang nagmamalabis sa kapangyarihan, naglulublob sa mga pribilehiyo at walang pakundangang kinokontrol ng naghaharing-uri ang pambansang ekonomiya at pulitika sa kapinsalaan ng masang sambayanan.

Magpapatuloy ang mga karahasan hanggang inutil ang Estado na maipagkaloob sa mga mamamayan ang pangunahing mga pangangailangan, gaya ng pagkain, pabahay, mga ospital at paaralan.

Magpapatuloy ang mga karahasan hanggang nagbibingi-bingihan at usad-pagong ang katarungan at, kung kumilos man, ay nagiging padalus-dalos at kalimitang pumapabor sa mga maimpluwensiya’t makapangyarihan.

Hindi masasawata ang mga karahasan hanggang itinatanikala sa lupa ang mga magsasaka mabundat lamang ang mga propiyetaryo’t asendero at, sa kabilang banda, natutulog ang gobyerno at ayaw ipatupad ang tunay na reporma sa lupa.

Hindi mapipigil ang mga karahasan hanggang ginagatasan ng Estado ang sambayanan sa pamamagitan ng pagpapataw ng di makatuwiran at sobrang mga buwis para mapalamon ang mga mayayaman at may madambong ang mga opisyal ng pamahalaan.

Iiral at iiral ang mga karahasan, binigyang-diin pa ni Camilo Torres, hanggang napakasasangkapan ang Estado sa dayuhang mga interes at patuloy na ibinibenta ang pambansang kasarinlan at kapakanan at kinabukasan ng susunod na mga henerasyon.

Katakataka pa ba, kung gayon, kung bakit patuloy at patuloy ang mga karahasan sa bansa? Malinaw na ngang sinagot ni Camilo Torres ang lahat-lahat.

(Kolum)

SA NAGDAANG regular na mga sesyon ng diumano’y marangal na Kongreso — ngayon at sa nagdaan mang mga rehimen — karaniwan nang napapanood ng sambayanan sa bulwagan nito ang sarsuwela’t moro-moro ng mga payaso’t sirkero ng bulok at nakasusulukasok na “status quo” at, bagaman dito binabalangkas ang mga batas na makagagamot diumano sa grabeng mga sakit ng bansa kagaya na lamang ng paglaganap ng disempleyo at karalitaan at pagbagsak ng pambansang ekonomiya, sa bulwagan din nito malimit itanghal –sa Kamara man o sa Senado — ang mga palabas at buladas at karnabal ng walang kawawaang mga debate o balitaktakan, pataasan ng ihi, patalsikan ng laway, insultuhan, at pagpapel na bida sa mga imbestigasyong walang malinaw na wakas at labis lamang pinag-aaksayahan ng salapi ng bayan.

Nang mabasa namin tuloy ang isang editoryal ng LA SOLIDARIDAD, may petsang Hulyo 15, 1889 na inilalathala noon ng mga propagandistang Pilipino sa Barcelona, Espanya sa panahon ng kolonyalismong Kastila sa Pilipinas (unang naging patnugot nito si Graciano Lopez Jaena at, pagkatapos, si Marcelo H, del Pilar naman), waring wala halos ipinagkaiba ang Kongreso noon sa Kongreso ngayon.

Hindi tuloy naming maiwasang isalin ngayon sa sariling wika ang naturang editoryal upang makita ng sambayanan ang maliwanag na mga pagkakatulad:

“Hindi mapag-aalinlanganan, malubha at mapanganib ang kahulugan ng mga kaguluhan at paulit-ulit na pag-aaway sa Kongreso. Katulad ng paghihingalo ng isang sambayanang malapit nang mamatay ang maiinit na mga diskursong iyon, mga palatandaan iyon ng mga kuko ng kamatayan. Ipinamamalas sa mga mamamayan ng alingasngas at eskandalo na ang kanilang mga kinatawan at ang mga namumuno sa kanila — na hindi naman nagsisikap para malutas ang pangunahing mga problema ng bansa at mapaunlad ang kalagayang pangkabuhayan — ay walang inaatupag kundi maglunoy sa kanilang pagpipintasan at walang kawawaang pagdedebate, pag-iinsultuhan at pag-iiringan na labis na ikinawawala ng dangal ng buong Kongreso.

“Saksi sa nakalulungkot na kalagayang ito ang nagdaang mga pangyayari sa Kongreso.

“Mula sa lahat ng mahahabang diskursong pampulitika ng mga lider, ng mga miyembro ng partido mayorya, ng mga rebelde sa partido, at ng mga konserbatibo, walang narating na anuman, maliban sa pagbubunyag ng mga katiwalian ng isa o ibang partido, ng isa o ibang grupo.

“Putik, labis na putik ang hinalo mula sa kailaliman ng puwit ng partido, at nananatiling nakalutang ang putik na ito para salaminin ng mga mamamayan; alam ng mga mamamayan na walang maaasahan sa isang partidong ang mga adhikain at balak ay magkamit ng kapangyarihan sa pamamagitan ng anumang paraan para mabigyang-kasiyahan ang mga ambisyong personal.

“Pagkatapos nito, pagkatapos ng labis na ingay at bahagyang kabuluhan, pinag-uusapan na magkakasundo ang mga koalisyonista at mga rebelde sa partido. Ito ang pangunahing layunin: lumikha sa mga mamamayan ng isang malaking isyung pampulitika sa pamamagitan ng mga palabas, ipangalandakan ang mga prinsipyo, ang mga dakilang adhikain, habang ipinagtatanggol sa pamamagitan ng mabulaklak na mga salita ang mga patakarang pangkabuhayang makabubuti diumano sa mga mamamayan at, pagtagal-tagal, ituring o gawing isang malaking biro lamang ang buong bagay na ito.”

Bukod sa napagtibay ng Kongreso ang mahigit na isang trilyong pisong pambansang badyet na, malamang kaysa hindi, ay mauwi lamang ang 30% sa malaimbudong bulsa ng mga mandarambong sa pamahalaan sa pamamagitan ng kung anu-anong katiwalian, anu-ano nga bang mga batas ang naisulong nito para sa tunay na pambansang kapakanan?

Sa pagsisimula ng Semana Santa, ititigil nga ang regular na sesyon ng Kongreso para mangilin at magpakabanal ang “mararangal” na mga miyembro nito. Buong ligayang magpapahinga maging ang tamad na mga mambabatas na bihirang dumalo sa sesyon, magbabakasyon kaya ang iba sa piling ng lihim nilang mga kulasisi, o magliliwaliw at magpapasarap nang husto sa ibang bansa habang nakatunganga at titiguk-tigok ang lalamunan ng matagal nang inuulol na masang sambayanang patuloy at patuloy na umaasang makatitikim din sila ng glorya sa ilalim ng liderato ni La Gloria at, sa wakas, milagro ng mga milagro, baka mahango na rin sila sa karalitaan at kabusabusan.

Ano bang talaga ang nagawa ng Kongreso?

Umusok ang buong Kongreso, noon pa man, sa kung anu-anong imbestigasyon — jueteng payola, Hello, Garci, transaksiyong ZTE na ibinulgar ni Jun Lozada, “fertilizer fund scam,” “euro generals,” walang patumanggang pagpatay ng mga awtoridad sa pinaghihinalaang mga holdaper, karnaper at “drug pushers,” pagkakasangkot diumano ni Unang Ginoo Mike Arroyo sa “lutuan” ng kontrata sa mga proyektong pinondohan ng World Bank at, nitong dakong huli, ang maanomalyang pagbagsak ng Legacy na libu-libong kliyente ang lumilitaw na naonse. Ano pa ba ang susunod?

Nariyan pa rin, di nga kasi, ang mabilis na pagbasura agad ng masusugid na basalyos ng Malakanyang sa mga kasong “impeachment” na iniharap ng mga kinauukulan laban kay La Gloria, huwag nang banggitin pa ang niluluto’t iginigilgil na Cha-Cha (pagbabago sa Konstitusyon) na minamaniobra ng mga kapit-tuko sa poder at tagahimod ng kuyukot ng dayuhang mga interes.

Sa nabanggit na litanya ng mga imbestigasyon ng Kongreso, may nalinawan ba ang bayan? Lumabas ba ang katotohanan? O pinalabo lamang ang lahat-lahat? Bagaman paulit-ulit na binibigyang-diin na para makatulong sa pagbalangkas ng mga batas — hindi pasiklab lamang sa mga mamamayan — ang naturang mga imbestigasyon, may naisulong na bang mga batas kaugnay nito upang masugpo o hindi na paulit-ulit na mangyari ang nakasusuka nang pandurugas at pandarambong sa salapi ng bayan, gayundin ang hindi masawatang paglabag sa lehitimo’t sagradong demokratikong mga karapatang sibil ng sambayanan?

Ano ba talaga ang nagawa ng Kongreso, Kuya Juan at Ate Kulasa?

Hindi tuloy namin maiwasang hinalaing marami sa “mararangal” na mambabatas ang nagbuburat lamang (naglalasing lamang ang kahulugan sa Kabikulan) o talagang dalubhasa silang magtanghal ng mga sarsuwela’t moro-moro?

(Kolum)

MARAMI ang nag-akala noong 1986 na ang buwan ng Pebrero ang simula ng pambansang pagbabago tungo sa isang lipunang makatao’t makabayan, mapayapa’t maunlad, malaya’t progresibo at demokratiko. Nasa paligid na diumano ang mailap na anino ng lantay na hustisya sosyal. Matapos ang halos 14 na taon ng paghahari sa bansa ng malupit, marahas, mapanikil, at mapandambong na Batas Militar, ipinagpasalamat nga ng mga madasalin at naghihilamos ng agua bendita sa sinasabing milagrosong Birhen ng Edsa ang pagbagsak, sa wakas, ng diktatoryal na rehimeng Marcos.

Hindi nga masamang gunitain, tuwing sasapit ang Pebrero 22-25, ang malabayaning pagkilos ng sambayanan noon na naglundo sa kilala ngayong Edsa 1. Nasilayan nga sa papawirin ang bahagyang liwanag matapos ang paghahari ng dilim sa isang yugto ng kasaysayan ng bansa. Maaalaala, waring lumakad tuloy sa alapaap ang marami, naghosana sa kaitaasan at masigabong nagbunyi nang malamang lumayas na ng Malakanyang ang diktador kasama ang pamilya at pangunahing matatapat na basalyos.

Natural, sa naturang mga petsa, hindi maiiwasang sariwain ng mga bida — kahit sa kanilang pag-iisa — ang mga papel na ginampanan nila sa Edsa 1 na waring isang madulang pelikula na walang kawawaang wakas. Nariyan ang mga Cory, Ramos, Enrile at Honasan, ang mga Lopez at Ayala, ang mga basalyos ng yumaong si Jaime Kardinal Sin, at maging si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo na naluklok sa kubeta ng kapangyarihan sa pamamagitan naman ng Edsa 2 na, hindi mapapasubalian, ay ibinunsod ng impluwensiya ng karanasan sa Edsa 1. Pinatunayan noon sa buong mundo na maaaring patalsikin sa poder ang sinumang abusadong lider ng bansa kung nagkakaisa sa pagkilos ang malawak na sektor ng sambayanan.

Ano nga ba ang dapat ipagpasalamat ng sambayanan sa Edsa 1?
Piknik ba lamang ito o tunay na rebolusyon? Nabago ba ang nakasusulukasok na pambansang kalagayan?

Matapos ang magiting na pagharang sa mga tangke at sundalo ng Estado habang madamdaming inaawit ang Bayan Ko, matapos ang pagsuong sa anumang panganib at manindigang handang ibuwis ang buhay kung magkaroon man ng madugong sagupaan, napatalsik nga sa poder ang diktador at naibalik sa bansa ang dati ring palsipikadong kalayaan at kasarinlan at kunwa-kunwariang demokrasya.

Ano nga ba ang diwa ng Edsa 1 na dapat gunitain at ipagbunyi taun-taon?

Matapos nga ang lahat-lahat, mula sa rehimen ni Cory hanggang sa administrasyon ngayon ni La Gloria, lumitaw na ang Edsa 1 ay isang yugto lamang ng waring walang katapusang sarsuwelang patuloy na ginagampanan ng mga naghahari-harian sa lipunan tulad ng bastardo’t salabusab na mga pulitiko, ng tuso’t salanggapang na mga kapitalista’t asendero, ng mala-asong mga tagahimod ng kuyukot ng dayuhang mga interes, at ng iba pang pawang lumalaklak sa pawis at dugo ng masang sambayanan.

Nakalulungkot, di nga kasi, sa aklat ng kasaysayan ng Edsa 1, nanatiling ekstra lamang ang libu-libong ordinaryong mga mamamayang buong giting na sumuporta sa mga bida. Nanatili nga silang mga anino lamang, walang mukha ni pangalan, hindi napasama sa aklat ng mga tula “ng mga intelektuwal na walang pakialam sa pulitika ng aking bansa,” sabi nga ng makatang si Otto Rene Castillo. Higit pa ngang masama, at nakasusulak ng damdamin, kinalimutan o ibinasura ng uring mapagsamantalang nagrigodon sa kubeta ng kapangyarihan ang lehitimong mga karapatan at kapakanan ng mismong karaniwang mga mamamayang sinikil at sinalaula sa panahon ng diktadura; ipinampunas nga ng paa at puwit ng mga diyus-diyosan ang dignidad ng bayan at ng masang sambayanan.

Maaaring nagising ng Edsa 1 ang matagal na nakatulog na damdaming makabayan at naisulong ang kamulatan at pagiging militante ng maraming mamamayan laban sa anumang uri ng inhustisya at pag-abuso sa kapangyarihan ng mapanikil at mapandambong na rehimen. Naibagsak nga ang diktadura ngunit, magpahanggang ngayon, sa kabila ng apat na rehimeng humalili sa diktatoryal na rehimeng Marcos, paulit-ulit pa ring itinatanong: Naisulong ba ang tunay na pambansang kapakanan?

Maliwanag na nagkaisa lamang ang mga bida sa Edsa 1 na ibagsak sa poder si Marcos para sila naman ang umugit o mamahala sa bansa ngunit, kung susuriin, wala naman sila noong malinaw na mga programa o patakarang pampulitika, panlipunan at pang-ekonomiyang ganap na magsusulong sa kapakanan ng bansa at ng masang sambayanan upang makalaya, sa wakas, sa tanikala ng kabusabusan o karalitaan at makaamoy man lamang — kahit bahagya — ng lantay na hustisya sosyal.

Kung maituturing ngang rebolusyon ang Edsa 1 — hindi waring isang madulang pelikula lamang — mahalaga tuloy ang sinabi ng rebolusyonaryong si Fidel Castro ng Cuba: “Ang mahalaga sa isang rebolusyon ay hindi ang mismong PAGKAKAISA LAMANG, kundi ANG MGA BATAYAN NG PAGKAKAISA.”

At sa Edsa 1, maliwanag nga na nagkaisa lamang ang lumitaw na mga bida na wakasan ang diktadura, at sila naman ang namayagpag sa kapangyarihan kaakibat ang mga grasya’t nakalalasing na mga pribilehiyo habang, sa kabilang banda, nanatiling titiguk-tigok ang lalamunan ng dayukdok na masang sambayanan. Naiwan sa kangkungan ang kapakanan ng nakararaming karaniwang mamamayan mula noon hanggang ngayon. Ang pinabagsak na masamang rehimen ay napalitan lamang ng masama rin, o higit pang masamang mga rehimen.

Kung tutuusin, at malalim na susuriin, baka hindi agad napatalsik ang diktador at kailanganin pa ang talagang madugong rebolusyon kung hindi minaniobra ng mga diyus-diyosan sa Washington — hindi ng Birhen ng Edsa — ang umiiral na kalagayan noon. Nakita ng Amerika na hindi na epektibo si Marcos bilang tuta nito para pangalagaan pa ang kapakanan ni Uncle Sam sa Pilipinas sapagkat galit na galit na hindi lamang ang masang sambayanan, kundi maging ang mga elitista’t mayayamang sinagasaan ni Marcos ang makasariling mga interes.

Hinog na hinog na noon ang rebolusyonaryong mga kondisyon sa bansa para sa isang tunay na himagsikan. Ikinatakot ng Amerika na kung magkaroon ng giyera sibil at manalo ang malakas nang puwersa noon ng mga makabayan at progresibo at kung ang mga ito na ang hahawak sa renda ng pambansang kapangyarihan, tiyak na mawawasak ang lahat ng mapandambong na interes ng Amerika dito. Samakatuwid, kailangan nang ibasura si Marcos at palitan ng isang personaheng katanggap-tanggap sa mga mamamayan — si Tita Cory nga na madasalin at mahinhin — ngunit, sa kabilang banda, kayang-kayang diktahan, pilipitin ang leeg, o paikuting parang trumpo upang maging masunurin sa imperyalistang mga kagustuhan ni Uncle Sam. Kaya, sa kasagsagan ng Edsa 1, tinawagan nga ng Amerika si Marcos, binalaang hindi dapat dumanak ng dugo at makabubuting iwan na ang puwesto; sinundo nga ng helikopter ni Uncle Sam sa Malakanyang si Marcos at ang buo niyang pamilya, kasama ang ilang piling basalyos, at dinala sa Hawaii, hindi sa Paoay.

Mula nga noon, hanggang ngayon, kahit nagkaroon pa ng Edsa 2 at nabigong Edsa 3, naibalik nga lamang sa bansa ang sinasabing palsipikadong kalayaan at demokrasya na, batay sa marami nang pangyayari, lagi’t lagi lamang pumapabor sa uring hari-harian at mapagsamantala sa kapinsalaan ng bansa’t masang sambayanan. Mula sa rehimen ni Tita Cory hanggang ngayon kay La Gloria, paulit-ulit na nasalaula ang diwa ng Edsa 1.

Unang-una, hindi naman nabago ang tiwaling balangkas ng lipunang kontrolado’t pinaglalaruan lamang ng iilang piling grupo ng mga tao ang pambansang pulitika’t ekonomiya, ang hustisya’t demokratikong mga proseso, lalo na nga ang buhay ng dayukdok na masang sambayanan –mga manggagawa’t magsasaka, mga ordinaryong empleyado sa gobyerno, at iba pang nabibilang sa uring api’t busabos. Mahirap mapasubalian, malinaw na namamayani pa rin, at tumindi pa nga, ang mga dinastiyang pampulitika. Lalong sumidhi ang pagkasugapa sa kapangyarihan ng mga nasa poder, gayundin ang kanilang pagkasalabusab sa pondo ng bayan. Naging higit pang garapal ang pangangayupapa ng pambansang liderato sa dayuhang mga interes na lalong ikinalulugmok ng pambansang ekonomiya tungo sa higit pang gutom at karalitaan ng ordinaryong mga mamamayan.

Higit pang masama, kahit pinatalsik sa poder ang diktador, nakabalik naman sa inodoro ng kapangyarihan — at namamayagpag ngayon sa pribilehiyo’t impluwensiya — ang ilang piling basalyos ni Marcos na lumilitaw na kinukupkop pa’t kaalyado ng kasalukuyang mga namumuno sa bansa. Sabagay, hindi na nga ito dapat ipagtaka, sapagkat magkakabalahibo naman sila, iisa ang kulay, silang bumubuo ng uring naghahari-harian at mapagsamantala.

Natural, nananatiling kahabaghabag na ekstra ang masang sambayanan sa masalimuot na sarsuwela ng mga bidang mandurugas. Habang namumuwalan sa grasya’t pribilehiyo ang bibig ng mga diyus-diyosan sa lipunan sa pamamagitan ng kung anu-anong hokus-pokus at garapal na katiwalian, habang nagririgodon lamang sa poder ang uring mapagsamantala, talagang dayukdok hanggang ngayon, api’t busabos ang nakararaming ordinaryong mga mamamayan.

Ano nga ba ang dapat na gunitain at ipagpasalamat sa Edsa 1? Ang mapalitan ang dating mapanikil at salabusab na rehimen ng bago’t mapanikil at salabusab ding mga rehimen?

Habang patuloy na sinasalaula ng mga nasa poder, ng mga diyus-diyosan at hari-harian sa lipunan ang diwa ng Edsa 1, patuloy at patuloy din lamang nilang iduruyan at lulunurin ang masang sambayanan sa ilusyon ng buladas na pambansang kaunlaran, at ipinangangalandakang demokrasya’t hustisya sosyal, gayundin ng sinasabing kalayaan at kasarinlan. Kailan nga kaya ito magwawakas para sa tunay na pambansang katubusan? #

(Kolum)

MATAPOS ang malakarnabal na eleksiyon noong 2004 na pinamayanihan pa rin ng terorismo, bilihan ng boto, maniobra sa listahan ng mga botante at mga paglabag sa sinasabing mga batas ng Comelec maisulong lamang ang ambisyong pampulitika ng mga kinatawan ng uring mapagsamantala, luminaw nang luminaw ang paniniwala naming talagang inutil ang eleksiyon upang magkaroon ng pambansang pagbabago. Ginagamit lamang ang eleksiyon upang patuloy na makapagrigodon sa poder ang mga hari-harian sa lipunan at patuloy na mapagsamantalahan ang bayan.

Hindi tuloy naming maiwasang maaalaala ang mga nilalaman ng nobelang “The Revolutionists” ng yumaong si Dr. Nemesio E. Prudente, dating Presidente ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas at nakilala bilang makatao, makabayan at progresibong edukador na naging biktima ng Batas Militar sa ilalim ng diktadurang Marcos at ng dalawang tangkang pagpatay sa ilalim naman ng rehimen ni Cory Aquino.

Sinuman ang maluklok sa inodoro ng kapangyarihan sa Malakanyang at kung sinu-sino man ang mamayagpag sa bulwagan ng Kongreso na karaniwang tanghalan lamang ng mga buladas, pataasan ng ihi, at balitaktakang walang kawawaang labis na pinag-aaksayahan ng pera ng bayan, makabubuting isaalang-alang ng mga ito ang mga puntong binigyang-diin sa “The Revolutionists” kung nalahiran man lamang, kahit bahagya, ang kanilang mga kaisipan ng adhikaing baguhin ang napakasama at nakasusuka nang pambansang kalagayan. Ang mahirap nga lamang, sapagkat nakaugalian na nilang pangalagaan ang makasarili’t mapandambong na mga interes — bukod sa pagiging tagahimod pa ng kuyukot ng dayuhang kapakanan — mukhang imposibleng isulong nila ang mga programang nilinaw sa naturang nobela tungo sa pambansang pagbabago.

Hindi maikakaila, matagal nang kinakalawang at palsipikado ang umiiral na demokrasya sa bansa at malinaw na pumapabor lamang sa mga naghahari-harian sa lipunan kaya, unang-una, ayon sa “The Revolutionists,” panahon nang pairalin ang demokrasyang hindi elitista kundi panlahat o pambansa, sapagkat ito ang pangunahing batayan ng tunay na demokratikong gobyerno. Kailangan din ang isang pambansang Kongresong may sapat na representasyon ang masa, ang panggitnang-uri, at mga kabataan, upang balangkasin ang isang bagong Konstitusyon ng Pilipinas na magbabasura sa opresibo o mapanikil na mga batas na iginigiit ng mga elitista.

Maliwanag ding doble-kara ang kasalukuyang hustisya — iba para sa mayaman at makapangyarihan at iba rin para sa maliliit at kakaning-itik. Dapat, kung tutuusin, na higit na kinakalinga ng hustisya ang mahihina at kapos-palad, ayon sa naturang nobela, at itinataguyod at ipinagtatanggol sa lahat ng oras ang demokratikong mga karapatang sibil at pantao ng sambayanan. Bilang testamento ng lantay na hustisya sosyal, kinakailangang magkaroon ng masaklaw na programa sa pabahay, kalusugan, trabaho, edukasyon, at iba pa, upang walang mamamayang niyayapak-yapakan lamang ng mga promotor ng inhustisya’t pagsasamantala.

Binigyang-diin ng “The Revolutionists” na dapat na patuloy na pangalagaan ang pambansang soberanya at dignidad kaya kinakailangang manuntunan sa malayang patakarang panlabas, di gaya ngayon, na laging nasa ilalim ito ng dikta ng imperyalistang mga polisiya ng Amerika. Higit sa lahat, pinakamahalaga nga ang pambansang interes kaya nararapat na ring ibasura ang di makatarungang mga tratado sa pagitan ng Estados Unidos at ng Pilipinas bagaman, sa kabilang banda, kinakailangang ding makipagkaibigan sa ibang mga bansa — anuman ang ideolohiya at kredo — pero batay sa prinsipyo ng pagkakapantay-pantay at paggalang sa isa’t isa.

Ayon pa rin sa naturang akda, kung gusto rin lamang maisulong ang pag-unlad ng pambansang ekonomiya, lubhang kinakailangang paunlarin ang agrikultura at mga kanayunan. Maisasakatuparan ito kung magkakaroon ng tunay na repormang pansakahan na magpapalaya sa mga magsasaka at obrerong-bukid na matagal nang inaalipin o binubusabos sa ilalim ng mala-piyudal na sistema at, kasabay nito, kinakailangan din ang modernisasyon ng agrikultura, pangisdaan at panggugubatan. Kailangang itaguyod din at paunlarin ang mga kooperatiba. Dapat ding kilalanin at patuloy na igalang ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang kinagisnang mga lupaing minana pa sa kanilang mga ninuno.

Iminungkahi din ng “The Revolutionists” ang isang sistema ng ekonomiyang hindi kontrolado ng iilang kapitalista (monopoly capitalism) na mayayaman lamang ang nakikinabang. Isang pragmatiko at progresibong ekonomiya ang dapat diumanong pairalin sa panig man ng dayuhang kapitalista o ng mismong gobyerno. Sa pagsusulong ng pamahalaan sa ikauunlad ng ekonomiya, dapat na laging pangalagaan ang kapakanan ng bansa at masang sambayanan, at tiyakin ang ganap na trabaho o empleyo at makatarungang suweldo ng mga manggagawa upang maitaas ang kalidad ng kanilang pamumuhay. Samakatuwid, hindi dapat manaig ang kasuwapangan ng mga kapitalista sa sobra-sobrang tubo na labis na ipinaghihirap ng bansa at ng ordinaryong mga mamamayan. Natural, malaki ang papel dito ng siyensiya at teknolohiya at, gayundin, ang wastong pangangalaga sa kalikasan at mga likas na yaman.

Ang pagkakaroon ng de kalidad na edukasyon — praktikal at teoritikal — ang ipinunto pa rin ng nobela ni Dr. Prudente. Mulang kinder hanggang unibersidad, dapat na maipagkaloob ito ng gobyerno sa lahat ng Pilipino para sa kanilang kaunlarang pangkaisipan, pangkatawan, pangmoral at espirituwal. Ito ang tinatawag na edukasyong makatao, makabayan, progresibo at siyentipiko kaya kinakailangang rebisahin at baguhin, unang-una, ang mga aklat sa kasaysayang sinulat ng mga elitista at imperyalista at patuloy ding linangin at paunlarin ang literatura, sining, sports at magkakaibang kultura. Nararapat, ayon sa “The Revolutionists,” na lubhang bigyang-diin ang siyensiya at teknolohiya at pananaliksik. Sa gawaing ito ng pagsusulong sa de kalidad na edukasyon, katuwang dapat ang pampribadong mga paaralan pero, gayunman, ginigiyahan ito at pumapailalim sa mga regulasyon ng pamahalaan.

Makabubuti tuloy ngayon na limiin ng pambansang liderato ang pitong puntong programang inilahad ng “The Revolutionists” kung talagang matapat ang adhikaing mabago ang nakasusulukasok na “status quo” at masagip ang bansa, kahit paano, sa kinalulublubang krisis na panlipunan, pampulitika’t pangkabuhayan. Pero, sa takbo ng mga pangyayari at sa uri ng mga pulitikong namamayagpag sa kapangyarihan, lumilitaw — maliban sa mangilan-ngilan na parang ginto sa tambak ng nabubulok na mga dayami — na bentador pa nga sila ng pambansang kapakanan sapagkat kinakatawan nila, unang-una, ang makasariling interes ng uring mapagsamantala. Sa kasalukuyang panahon, maituturing na imposible, o suntok sa buwan, na isaalang-alang man lamang ng mga ito ang makabuluhang mga punto ng nabanggit na akda.

Sabagay, sa kabilang banda, ang masang sambayanan naman talaga ang lumilikha ng pambansang pagbabago. #

PAGKABUSABOS

(Kolum)

DAHIL sa talamak o litanya ng kawalanghiyaan at katiwalian sa halos lahat ng tanggapan ng gobyerno — na kalimitang ang pambansang liderato pa ang pangunahing nasasangkot — dumating na ang sandali sa aming buhay na higit pa naming iginagalang ang mga puta kaysa maraming opisyal ng burukrasya. Sa mga madasalin at nagbabanal-banalan at kinakalyo na ang mga daliri sa karorosaryo maging sa loob ng kani-kanilang marmol at alpombrado at pinabangong kubeta, isang napakasamang babae ang puta, isang latak ng lipunan na nakasisira sa diumano’y kabanalan at kalinisan o moralidad ng umiiral na lipunang kontrolado lamang ng iilang ganid at salanggapang.

Sa aming abang palagay, higit na marangal at moral ang puta kaysa naglisaw na mga payaso’t sirkero sa gobyerno, sa Kongreso man o sa Malakanyang na itinuturing na santuwaryo ng diumano’y mararangal na tao na wala na yatang ginawa, noon pa man at hanggang ngayon, kundi isangkalan ang pambansang kapakanan para lamang patuloy na mapagsamantalahan ang dayukdok o busabos nang sambayanan. Mismong katawan lamang ng puta ang kanyang ibinibenta dahil sa karalitaan, dahil biktima siya ng masama’t tiwaling sistema ng lipunang ipinagkakait sa maraming maralita ang karapatang mabuhay nang marangal bilang tunay na mga tao at, kung saan, lumilitaw na para lamang sa iilang mandurugas at mandarambong sa burukrasya’t lipunan ang sinasabing sangkatutak na grasya’t pribilehiyo mula sa diumano’y mahabaging Diyos sa langit.

Sa kabilang banda, habang namamaluktot sa malamig na bangketa at mga damuhan ng parke ang mga walang bahay, habang nagkakalkal sa mga basurahan ang mga patay-gutom, habang nakabalandra ang anino ng karalitaan sa humpak na pisngi ng mga pulubi at sa pudpod na takong at suwelas ng sapatos ng mga naghahanap ng trabaho, habang binabaril pa ang mga magsasakang humihingi ng tunay na reporma sa lupa o pinuputulan ng dila ang mga tinig na humihingi ng pambansang pagbabago, habang nagtitiis sa mga barungbarong at makikipot at maruruming entresuwelo ang mga trabahador na hindi pinasusuweldo nang husto at kinakailangan pang magbuwis ng buhay sa mga demonstrasyon at welga para marinig ng mga kinauukulan ang inaamag na nilang mga karaingan, nagbibingi-bingihan naman ang “mararangal” na tao — lalo na sa Kongreso — at kinakailangan pa yatang pagbabambuhin sa ulo upang maisip ang tunay na kapakanan ng bayan.

Naghuhumindig tuloy ang katotohanang ang itinuturing na mararangal na tao sa gobyerno ang sila pang bentador ng pambansang kapakanan at ng kinabukasan ng susunod pang mga henerasyon sa pamamagitan ng kanilang pamamanginoon sa dayuhang mga interes kaya hindi man lamang nila mailabas ang kanilang dila upang tutulan ang mapaminsalang mga kahingian at patakaran ng IMF-World Bank at ng iba pang mga instrumento ng imperyalismong Amerikano. Katunayan, inamin na kamakailan ni Espiker Prospero Nograles ng Kamara sa isang panayam sa isang estasyon ng radyo na talagang aalisin nila sa iginigilgil na pagbabago sa Konstitusyon (Cha-Cha) ang mga probisyong pang-ekonomiya na naglilimita sa kapangyarihan ng dayuhang mga kapitalista upang dumagsa o ibuhos diumano sa bansa ang puhunan ng mga iyon. Pahihintulutan na silang bumili at magmay-ari ng mga lupain at gusali dito, 100% kontrol sa mga korporasyon at negosyo at, higit na masama, babayaang pasukin din maging ang pambayang mga utilidades (tubig at kuryente, telekomunikasyon at mass media, transportasyon, ospital at mga paaralan) na nararapat na nasa kamay lamang ng mga Pilipino alang-alang, unang-una, sa pambansang seguridad. Sa kabilang banda, dinagsa at patuloy na dinadagsa ng dayuhang kapital ang China at Vietnam nang hindi na kailangang iakma sa interes ng mga negosyanteng iyon ang mga probisyon ng Konstitusyon ng naturang mga bansa tulad, unang-una, ng pribilehiyong makapagmay-ari ng mga lupain at gusali doon.

Sino nga kaya ang higit na marangal? Sino nga kaya ang higit na imoral? Ang putang nagbebenta ng sarili niya lamang katawan o ang pambansang lideratong patuloy na ipinagbibili ang buong bayan at ang mismong kapakanan ng sambayanan?

Bunga marahil ng mahigit na 300 taon na pagkakakulong ng pambansang kamalayan sa loob ng kumbento ng kolonyalismong Kastila at halos 50 taon namang pagkakabartolina natin sa wika, edukasyon at kulturang Amerikano at nakapagkit na sa marami ang kaisipang kolonyal, hindi na dapat ipagtaka tuloy kung bakit tayong mga Pilipino ang lumilitaw na pinakasanay at pinakamatapat mamanginoon at magpabusabos sa sinumang dayuhan sa mismong sarili nating bayan. Higit pa nga kung tayo ang nandarayuhan sa Gitnang Silangan at Europa at Amerika o maging sa mga kanugnog-bansa natin sa Asya. Puti man o dilaw, sakang man o piki, amoy-bawang man o may anghit, o kahit dating mga bagamundo lamang sa sarili nilang bayan ang mga dayuhang ito, pinapanginoon natin sila pagdating sa ating bansa at kulang na lamang na magpatirapa tayo sa kanilang harapan, lumuhod pagkatapos, at himurin ang kanilang kuyukot.

Dahil sa kakulangan ng mailap na oportunidad sa sariling bayan bunga ng napakatiwaling balangkas ng lipunan, at lumilitaw nga na ang Pilipinas ay hindi isang bansa para sa nakararaming maralitang mga mamamayan kundi para lamang sa iilang pinagpalang grupo ng maimpluwensiya, mapribilehiyo at makapangyarihang mga tao — tulad ng mandarambong na negosyanteng mga pulitiko, ng hindi mabusug-busog na mga asendero’t kapitalista, ng mga santo-santito ng kung anu-anong relihiyon, at ng mga basalyos at tau-tauhan ng dayuhang mga interes — hindi na gaanong nakasisiklab ng damdamin at nakamamanhid ng utak kung bakit nagpapabusabos ang maraming Pilipino kapag sila’y nandarayuhan sa ibang mga bansa. Kung tagahugas man sila ng puwit ng mga pasyente sa mga ospital sa Amerika, Canada o Bretanya, kung para man silang mga kalabaw na pantrabaho sa mga minahan sa Aprika o sa minahan ng langis sa disyerto ng Gitnang Silangan, kung labis man silang pinagmamalupitan ng kanilang mga amo bilang mga katulong sa bahay sa Dubai, Hongkong, Singapore, Japan o iba pang bansa, hindi sila masisisi sapagkat, sa sarili nilang bayan, matagal nang inilibing ang kanilang pag-asang mapaunlad, kahit bahagya, ang kanilang katayuan sa buhay at patuloy pa ngang ipinagkakait sa kanila ang karapatang mabuhay na parang tao sa ilalim ng tunay na hustisya sosyal at pagkakapantay-pantay.

Higit, sa kabilang banda, na nakasusulak ng dugo ang makitang sa sariling bayan ang mga Pilipino’y alipin pa rin ng mga dayuhan. Sa halos lahat ng larangan ng ekonomiya, sa dambuhalang mga pabrika’t korporasyon hanggang sa maliliit na restawran, basar, tablerya’t tindahan ng piyesa ng mga sasakyan, dayuhan ang mga amo — Intsik, Hapon, Aleman, Bombay, Pranses, Amerikano (sangkatutak din ngayon ang mga Koreano) — at mga Pilipino ang katulong o inaalila. Hindi tuloy naming maiwasang mangarap na sana’y magkaroon kami ng tsuper na Amerikano, kusinerong Intsik o Pranses, labanderang Espanyola, masahistang Haponesa at hardinerong Arabo, para matikman naman ng isang Pilipino na amo siya ng mga dayuhan sa mismong sarili niyang bayan.

Lubhang napakalalim na nga ang pagkakabaon at napakahigpit na ang pagkakapit ng ugat ng kaisipang alipin sa pambansang kamalayan kaya, nang magsarbey ilang taon na ang nakararaan sa Unibersidad ng Pilipinas — na ipinalalagay na makabayan at progresibo ang mga estudyante — at itanong kung anong lahi ang gusto nila kung ipanganganak silang muli, iilan lamang ang sumagot na gusto pa rin nilang maging Pilipino at ang karamiha’y gustong maging Amerikano, Canadian, Australyano, Ingles, Pranses, at iba pang kilalang lahi. Malinaw kaya itong palatandaan na labis na nating ikinahihiya ang pagiging Pilipino sapagkat, sa pananaw ng daigdig, tayo’y lahi na ng mga busabos?

Hindi pa marahil huli ang lahat at higit na hinihingi ng panahon na gisingin at pag-ibayuhin ang mga puwersang makabayan. Habang pinapatay ng mga puwersang dayuhan ang ating pambansang pagkalahi, pambansang karangalan o dignidad, sa pamamagitan ng pakikipagsabuwatan at lubos na pamamanginoon ng ating walang gulugod — at masahol pa sa puta — na pambansang liderato sa kanilang mga among dayuhan sukdulan mang ibenta ang pambansang kapakanan, nararapat lamang na higit nating dinggin ang panawagan noon ng yumaong makabayang Sen. Claro M. Recto. Sinabi niya na tungkulin ng mga makabayan noong panahon ni Rizal na labanan ang ganito sapagkat alam nila na “hindi isang bansa ang isang sambayanang walang tatak ng pagkalahi” at “isang makabayang tungkuling hinihingi ng pangangailangan ang pangalagaan natin ang ating pagkalahi.”

Binigyang-diin pa ni Recto:

“Ngayon, nahaharap tayo sa ganito ring mga suliranin at dapat natin itong harapin sa pamamagitan din ng pamamaraan ng makabayan nating mga kababayan noon. Dapat nating muling buhayin ang ating makasaysayang nagdaan, hindi ang liblib na panahon ng ating mga ninunong Malay kundi ang rebolusyonaryo nitong panahon taglay ang nag-aalab at matapat nitong propaganda at ang maluningning nitong paghantong sa larangan ng labanan. Dapat nating maabot ang mga ideya at pangyayari ng mga panahong iyon, sapagkat ang mga iyon ang nagsilbing inspirasyon at nagpatibay sa isang buong lahi para hanapin at matagpuan ang paglaya mula sa tanikalang dayuhan.” #

(Maikling Kuwento — sinulat noong dekada ‘60 ngunit malaganap na nangyayari ngayon)

1. LUPA

MAAGANG TUMAKAS ang ulan sa mga ulap at ang nakangangang mga bitak ng bukiring iyon na nasa makalabas lamang ng lungsod at malapit sa daangbakal ay unti-unting nagsitikom. Tumingala sa langit ang nanginginaing mga kalabaw at ang mga kuhol na nagbaon sa buong panahon ng tag-araw sa gilid ng nangagdipang mga pilapil ay nagsimulang umahon at gumapang patungo sa mga pinitak. Nagkagulo ang mga ibon, nagliparan patungong kanluran, sapagkat sa bukiring iyon, wala ni isa mang punongkahoy. Nag-utlawan ang mga damo sa dibdib ng lupa at sa loob lamang ng ilang araw, ang dating naninilaw na bukirin ay naging luntian.

Sa mga dampa na halos nakikipagtanawan lamang sa nagsisiksikang mga barungbarong na nasa magkabilang gilid ng daangbakal, ang nalalabing mangilan-ngilang magsasaka’y nagsipaglinis na agad ng mga yugo at araro at suyod, lumubid ng mga pamitik, at ng mumunting mga pangarap. Inihanda na rin ng mga babae ang mga basket na sisidlan ng pagkain, nagsipamintana sila, nangalumbaba, at pinagmasdan nila ang masinsing mga patak ng ulan at ang luntian nang kabukiran. Natuwa at naghubad ang mga bata, naghabulan at naligo sa ulan, nagpagulung-gulong at nagtampisaw sa may tubig nang mga pinitak. Naginaw ang mga dampa, umiyak ang mga bubong na pawid, at nabasa ang mga sahig na kawayan.

Umulan, umulan nang umulan, hanggang ang kabukirang iyon ay nagmistulang isang munting karagatang hindi umaalon. Inayos na ng mga magsasaka ang kanilang mga salaan at punlaan, inihanda ang mga binhi, pinasan ang mga araro, isiningkaw ang mga kalabaw at sinimulan na nilang sugatan ang malambot at hindi na tumututol na dibdib ng lupa hanggang isang araw, bigla na lamang sumulpot sa kabukirang iyon ang katiwala ng may-ari ng mayamang lupang iyon.

“H’wag na kayong mag-araro pa,” sabi nito. “H’wag na kayong magtanim ngayon.”

“Ba’t po, Kabesa? Nakapagpunla na kami.”

“Wala tayong magagawa. Pinalalayas na kayo rito ng me-ari.”

“Ba’t po, Kabesa? Ba’t po?”

“Namahal na raw ang lupa dito at gusto na niyang ipagbili.”

“Pero, Kabesa, nakapagpunla na kami. Naararo na namin ang ilang sangkal. Saka matagal na naming sinasaka ‘to.”

“Ano’ng magagawa natin? Di naman inyo ang lupang ito, di rin naman akin.”

“Maawa kayo sa amin, Kabesa. Ipakiusap n’yong huwag muna kaming paalisin dito. ‘Ala po kaming malilipatan agad. Saka ang aanihin namin sa taong ‘to ang s’ya po lang naming inaasahan. Ma’wa po kayo sa amin, Kabesa.”

“Naaawa nga ako sa inyo, pero talagang wala akong magagawa. Me katrato na raw siyang bibili nito. Maliit daw naman ang inaani ng bukid na ito.”

“Pero h’wag po muna ngayon, Kabesa. Sabihin po n’yo sa me-ari na pagkatapos na ng anihang ito. Pakiusapan po ninyo siya, Kabesa. Parang awa n’yo na po sa amin!”

“Talagang wala na tayoing magagawa. Sa Agosto na sila magbabayaran dahil gusto noong nakabili na makapagtayo na agad dito ng pabrika. ‘Yong parteng silangan ay gagawin namang subdibisyon.”

“Di na po kami kakain sa taong ito, Kabesa. Parang awa n’yo na po. Gawin po ninyo ang inyong magagawa. Tulungan n’yo po kami, Kabesa!”

NANG gabing iyon, matagal na pinagmasdan ng mga magsasaka ang madilim na kalawakan ng bukid. Matagal silang namalagi sa bintana ng kanilang mga dampa, halos hindi sila kumukurap, nakatikom ang kanilang mga labi at, sa palababahan, malimit humigpit ang pagkakakapit ng lipakin nilang mga palad. Iniwasang lapitan ni kausapin ng mga babae ang kani-kanilang asawa, nakaupo lamang sila sa pinakamadilim na sulok ng kanilang dampa, nakatungo, at manakanakang sumusulyap sa nag-indak-indak at waring namamaalam nang ningas ng mga gasera. Tahimik maging ang mga bata, nakatunganga sa kanilang ama’t ina, at maagang nagsitulog nang mapansing ang katahimikan ay nakakumot sa kapaligiran.

Ngunit kinabukasan, maagaqng nagsibangon ang mga lalaki, inihasa ang kanilang mga itak, isinaksak sa takyaran, muling pinasan ang kanilang mga araro, muling isiningkaw ang mga kalabaw, at muling sinugatan ang dibdib ng lupa. Lumabas din sa bukid ang mga babae, tinalunton ang madulas na mga pilapil, hinatiran ng pagkain ang mga lalaki, at tahimik na nagsibalik sa kani-kanilang dampa. Malabong latay na lamang ang liwanag sa kanluran nang umuwi ang mga lalaki, akay-akay ang kanilang mga kalabaw.

Hindi iilang ulit na nagbalik ang Kabesa sa kabukirang iyon, hindi iilang ulit na sinabi sa mga magsasaka na ipagbibili na ng may-ari ang lupang iyon, at paulit-ulit, paulit-uilit din namang nagmakaawa ang mga magsasaka, hanggang sa sumawa na sila sa pagmamakaawa at, sa bawat araw, lalo na nang maitanim na nila ang mga palay at magsimula na iyong tumaas nang tumaas at lumunti nang lumunti, tumalim nang tumalim ang dati’y maaamo nilang mga mata at tumigas nang tumigas ang dati’y malalambot nilang mukha.

“Subukan nilang ngayon tayo palayasin! Di nila tayo mapalalayas dito hanggang di tayo nakakagapas,” sabi minsan ni Lino, isa sa ilang kasibulang magsasaka sa bukiring iyon. “Alam kong me karapatan tayo sa lupang ito, sa mga palay na iyan, dahil matagal na tayo rito, dahil matagal na nating sinasaka ito. Pero di ko nga lang alam kung ano ang karapatan nating iyon.”

“Kapag nagkamaling magpunta rito ang anak ng putang me-ari ng lupang ‘to o ang sinumang demonyong nakabili nito,” sabi naman ng isang matandang mga animnapung taong gulang na, “di ako mangingiming ibaon siya sa pinitak. Araw-araw kong inihahasa ang aking itak!”

“Ang dugo naman niya ang ipatataba ko sa palay!”

“Subukan lang nilang palayasin tayo rito. Subukan lang nila! Pagpuputulan ko sila ng bayag!”

“Basta’t huwag tayong umalis ke matapos man ang anihang ito!”

2. MAKINA

GININTUAN na ang bukirin at amoy hinog na palay na ang hangin. Kumakaway na ang mga hutok na uhay nito para anihin, at ang mga mayang umalis noong panahon ng tag-ulan at naglakbay kung saan ay langkay-langkay na nagbalik sa kabukirang iyon at umali-aligid sa papawirin. Matagal nang nagsipagbaon sa gilid ng mga pilapil ang mga kuhol, at ang mga palaka ay hindi na nagsayaw at hindi na umawit. Higit ngayong pinagmasdan ng mga magsasaka ang kabukiran at inihanda na nila ang kanilang mga lingkaw at karit.

Nasa hinog na mga butil ng palay ang mumunting mga pangarap, ngunit naroroon din ang aali-aligid na mga pangamba, hanggang isang umaga, nang malapit na nilang anihin ang mga palay, biglang-bigla, parang umaatungal na mga dambuhalang balang na sumalakay sa bukid na iyon ang ilang buldoser, kasama ang ilang armadong sundalo ng gobyerno. Kinagat nang kinagat ng matalim na ngipin ng mga buldoser ang mga puno ng palay, nilamon nang nilamon ang mga uhay, at sa harap ng kanilang mga dampa, ang mga magsasaka’y parang itinayong mga bangkay, mahigpit lamang nilang hawak ang nagkikislapang mga itak, nakatiim ang kanilang mga bagang, ang mga mata’y nakapako sa kawalan habang sa tabi nila, ang mga babae ay nagpapanangisan samantalang ang mga bata ay nakatingin lamang sa dambuhalang mga makinang iyon na patuloy sa pag-usad at pag-atungal.

Tinungkab nang tinungkab ng mga buldoser ang nangakadipang mga pilapil, kinayod nang kinayod ang bitak-bitak na dibdib ng lupa, hanggang sa maglaho ang mga damo at sariwa pang mga puno ng palay na dating sumususo sa dibdib na iyon, hanggang sa pumikit ang mga bitak at umalimbukay ang alikabok at nagmistulang isang maliit na disyerto ang dating ginintuang kabukiran.

Lumisan ang mga buldoser pagkaraan ng ilang araw, at lumisan na rin ang mga magsasaka; ang iba’y sumiksik sa nagsisiksikan nang mga barungbarong sa magkabilang gilid ng daangbakal, at ang iba nama’y tumakas patungong lalawigan at napadpad kung saan. Tanging naiwan sa dating bukiring iyon ang nagbalatay at salasalabat na bakas ng mga gulong ng buldoser, hanggang isang katanghalian, sumunod na dumating doon ang rumaragasang mga trak na may kargang eskombro at graba at buhangin, at natakpan ang mga bakas ng buldoser, at nakumutan ng bato ang buong disyertong bukid na iyon.

At isang umaga, bigla na lamang iyong sinalakay ng maraming trabahador na buhat kung saan, at nagtayo ang mga ito ng bodega doon. Sumunod na dumating ang tala-talaksang tabla at yero at bakal at semento, at nagsimula ang kalantugan at pukpukan, at halos sa araw at gabi, umaangil ang makinang lumalamon ng graba’t buhangi’t semento na isnusuka nito pagkatapos sa uhaw na mga timba’t baldeng isinasahod ng mga trabahador sa malaking bunganga nito. At makaraan lamang ang ilang buwan, nagkahugis ang isang malapad at mababa ngunit mahabang gusali na parang isang nakadapang dambuhalang nag-aabang ng anumang masisila.

Mula sa bintana ng nagsisiksikang mga barungbarong kapag parang dugo nang kumukupas ang mapupulang latay ng liwanag sa kanluran at nagsisimula nang umindak-indak ang malamlam at malungkot na ningas ng mga gasera sa pusod ng mga barungbarong, malimit mangalumbaba ang mga babae, matagal na tititig sa gusaling iyon na parang malaking kabaong na batbat ng ilaw kung gabi, saka nila manakanakang sinusulyapan ang mga lalaki. Malimit ding manaog, pagkahapunan, ang mga lalaki, umpuk-umpok na magsisiupo sa gilid ng daangbakal, tititig sa gusaling iyon at sa kadiliman ng daangbakal na tinatanglawan lamang ng naggalaw-galaw, tumaas-bumaba, pumikit-dumilat na baga ng kanilang mga sigarilyo, halos paanas silang mag-uusap.

“Pabrika daw ng tela ‘yan at Kano ang me-ari.”

“Senga?”

“Oo, Pare Malapit na raw buksan.”

“Totoo?”

“Oo! Tiyak na maraming trabahador ang tatanggapin.”

“Matanggap sana tayo kahit kargador, kahit d’yanitor, basta’t trabaho.”

“Sana nga. Putrang ‘na, sawa na ako sa pagbubungkal ng basurahan. Nag-aamoy basura na ako!”

“Ipapasok ko naman sa eskuwela ang panganay ko para di lumaking gago.”

“Saka, Pare, mataas daw magpas’weldo ang mga Kano.”

“Senga?”

“Oo. ‘Yon ngang isang pinsan ng asawa ko, nasa Amerika daw ngayon. Doon nagtatrabaho. Me kotse’t bahay na raw agad. Saka mabait daw ang mga Kano.”

“E kelan kaya magtatanggapan?”

“Ewan. Basta’t malapit na raw.”

“Di kelangan pala, magprisinta na tayo agad para di tayo maunahan ng iba?”

“Aba, oo! Kaya nga, kelangan na huwag muna nating ipamalita ito sa iba. Sa inyo ko lang sinabi ito dahil gusto kong sama-sama tayong magtrabaho doon.”

“Pag natanggap ako, makabibili rin seguro ako ng bagong sapatos. Butas-butas na ang s’welas ng anak ng putang sapatos ko!”

3. UOD

ISA si Lino Fajardo sa ilang magsasakang hindi tumakas sa kapaligirang iyon at mula sa kanilang barungbarong ng asawang si Marta at ng kanilang dalawang anak na lalaki, ilang hapon na ring malimit niyang tititigan ang kabuuan ng gusaling iyon. Waring nagkabuhay ang mumunting mga pangarap na matagal na matagal na nilang inilibing sa bukid at sa kalawanging riles ng daangbakal. Talos ni Lino, gaya rin ng iba pang mga taga-daangbakal, na madilim ang gabi sa daangbakal, di gaya sa pusod ng lungsod; madilim na madilim nga, naisip noon ni Lino, sapagkat anag-ag na lamang ang sinag ng pag-asa. Talos din nilang lagi ngang may umaga, ngunit lagi ring may gabi at, sa kanila, ang gabi at ang umaga ay iisa, sapagkat iisa ang uri ng biyayang hatid sa kanila ng bawat pagsikat at paglubog ng araw — ang gulanit na karalitaang sa kanila ay nakabalabal. At alam din nila, kalimitan, higit nilang ibig ang gabi kaysa araw, sapagkat mabait at mapagmahal ang gabi, di gaya ng araw, dahil pinahihintulutan silang matulog at makalimot.

At nang buksan ang pinto ng pabrikang iyon para tumanggap ng mga trabahador, isa si Lino sa hukbo ng mga taga-barungbarong na sumalakay doon. Nang magsimula siyang magpasan ng mga balumbon ng tela, waring namalas niya sa kabuuan ng pabrika ang katuparan ng kanilang mumunting pangarap ni Marta para sa dalawa nilang anak na lalaki. Sa wakas, nasabi niya sa sarili, makalalayio din sila ni Marta sa marusing at pangit na mukha ng daangbakal, matatakasan din nila ang nakabibinging dagundong ng tren at ang madilim na gabi sa kapaligirang iyon. Ngunit lumaki nang lumaki ang pabrikang iyon, yumaman nang yumaman ang may-ari, tumaba at lumaki ang tiyan ng tagapamahalang si Mr. White at, sa bawat taon naman, numipis nang numipis ang kanyang dibdib at unti-unting tumakas ang laman ng kanyang mga bisig.

“Putang ‘nang White ‘yan,” sabi minsan ng isa nila kapwa trtabahador isang dapithapong magkakasabay silang lumalabas sa dambuhalang pabrikang iyon. “Wala yatang kaluluwa! Matagal na tayo rito, di man lang tayo inuumentuhan. Alam niya namang pambili lang ng pandesal ang suweldo natin. Malaki naman ang kinikita ng pabrika.”

“Tagahimod kasi ng pundilyo ng me-ari ang putang ‘nang White na ‘yon!”

“At ‘ala ring konsensiya ang me-ari. At ubod pa ng s’wapang.”

“Pero pinakikinabangan naman nila tayo. Dahil sa ‘tin kaya sila nabubundat, kaya sila yumayaman.”

“Talagang gano’n. Sila’ng me-ari. ‘Ala tayong magagawa.”

“Putang ‘na! Ba’t ‘ala? Magtayo tayo ng unyon!”

“Di pinatalsik agad tayo ng mga anak ng puta? Aba!”

“E kung patayin na lang natin si White?”

“Senga. Ipalamon natin sa makina!”

“Mahirap ‘yan, mga Pare. Tayo rin ang mawawalan ng trabaho at impiyerno ang buhay sa kalaboso. Galing na ‘ko sa putang ‘nang impiyernong ‘yon!”

“Pero paloloko na lang ba tayo sa kanila?”

“‘Ala tayong magagawa kundi magtiis.”

“Magtiis?”

“Oo. Magtiis.”

“Lintik! Magtiis? Habang panahon tayong lolokohin ng mga dermonyong ‘yon! P’we! At pag namatay tayo, baka di pa tayo makabili ng kahit palotsinang kabaong sa s’weldo natin.”

“Pero sa ngayon, talagang ‘ala tayong magagawa kundi magtiis.”

“Magtiis pa rin? P’we!”

‘DITO, hindi p’wede ang tamad! Konting bilis! Konting bilis!”

Bigla, parang matalim na itak na tumaga sa utak ni Lino ang kabuuan ng maitim at pandak at mataba nilang kapatas na kung tawagin nilang mga trabahador ay Mr. Cruz. Marahas na sumugat sa kanyang pandama ang alingawngaw ng tinig na iyon, waring saglit na ngumatngat sa kanyang laman at tumupok sa kanyang kaluluwa. Kahit nakatalikod siya sa bunganga ng bodegang pinagmulan ng tinig na iyon, natitiyak niya, nakita na naman siyang nagpapahinga ni Mr. Cruz sa pagbuhat ng mga balumbon ng telang jikakarga sa naghihintay na trak ng pabrika.

Si Mr. Cruz ang mga tainga at mata ni Mr. White at ayaw na ayaw nitong makitang wala silang ginagawa kahit isang saglit. Marahil, kung maaari, huwag na silang hihinga sa paggawa, sapagkat sa loob ng limang taong ipinaglingkod niya sa pabrikang iyon, sa nakikita niya, parang mga kalabaw na pang-araro ang tingin sa kanilang mga trabahador nina Mr. White at Mr. Cruz, at hindi miminsang nasabi niya sa sarili na mabuti pa marahil kaysa kanila ang mga kalabaw, sapagkat nakapagpapahinga, gayundin ang mga makinang panghabi ng tela, sapagkat hindi panayan ang pag-andar, pinagpapahinga rin at nilinis at nilalangisan.

“Putang ‘na, dali ka, Fajardo! Masyado kang mabagal! Masyado kang tamad!”

Nasa likod na ni Lino ang tinig na iyon at, sa iglap na sandaling iyon, waring natadtad ng mga sugat ang buo niyang katawan, at nadama niyang nangapos ang kanyang paghinga at humigpit ang kanyang pagkakayapos sa balumbon ng telang akma niyang papasanin. Alam niyang nangangaloig ang kanyang tuhod — matagal-tagal na rin niyang napapansin na numinipis ang kanyang dibdib at parang may lumalamon sa laman ng kanyang mga bisig — at waring hindi na nga nya kayang magbuhat pa ng gayong kabibigat na mga bagay, ngunit laging nakatambad sa kanyang harapan ang hapis na larawan ng kanyang asawang si Marta at ng dalawa nilang anak na lalaki na magpipitong taong gulang na ang panganay.

Naramdaman niya ang paglalaban ng kanyang mga tuhod at ng bigat ng balumbon ng telang kanyang pasan nang tunguhin niya ang naghihintay na trak ng pabrika sa bunganga ng bodega at, kahit hindi siya lumilingon, alam niyang kasunod niya si Mr. Cruz , naglulumiyad ang malaking tiyan sa pahilahod na paglakad at nakapako sa kanya ang medyo singkit na mga mata.

Waring may init na humalukay sa kanyang dibdib at hindi niya napigilan ang abut-abot na paghingal matapos niyang maibaba sa maruming suwelo ng trak ang pasan niyang balumbon ng tela. Saglit na nag-apuhap ng hangin ang kanyang bibig at ilong at bahagyang nabawasan ang init na humahalukay sa kanyang dibdib. Alam niya, pagharap niya sa bunganga ng bodega, makikita niya ang pangit na kabuuan ni Mr. Cruz, at parang hindi niya magawang takasan ngayon ang nakatatakot na alalahaning gumigiyagis sa kanyang katatagan; ang kapeng walang gatas at matigas na pandesal kung umaga, ang lugaw na inuulaman ng tuyo o asin kung gabi, ang malamlam at malungkot na mga mata ni Marta na waring humihingi ng awa sa nag-indak-indak na ningas ng mga gasera sa pusod ng mga barungbarong na nangakalibing sa magkabilang gilid ng kalawangin at mahabang-mahabang daangbakal na iyon.

Pinilit niyang lupigin ang mga alalahaning iyon at, bigla, humarap siya ngunit napauntol siya sa paghakbang nang lumagom sa kanyang paningin ang naglulumiyad na tiyan ni Mr. Cruz, ang medyo singkit nitong mga matang may ibig ipahiwatig at ang pagkakangkisi nitong nagpalabas sa malalaki at naninilaw na mga ngipin. At sa saglit na iyon hinamig ng kabuuan nito ang nakataatakot na mga alalahaning iyon.

“Parang mahina ka na, Fajardo. Payat na payat ka na. Parang di mo na kayang magtrabaho.”

“Malakas pa ho ako, Mister Cruz. Malakas pa ho ako!” Alam niyang hindi iyon ang ibig niyang sabihin, ngunit iyon ang iglap na lumabas sa kanyang bibig.

“Pero bakit masyado ka nang mabagal? Isang balumbon ng tela, parang di mo na kayang buhatin.”

“Kaya ko pa ho, Mister Cruz. Malakas pa ho ako. Kaya ko pang magtrabaho. Saka… saka…” Ngunit nabilanggo lamang sa kanyang lalamunan ang iba pang mga salita nang nakangising tumalikod si Mr. Cruz at wala siyang nagawa kundi sundan ng tingin ang pahilahod nitong paglakad patungo sa plantang habihan ng tela at, ngayon, lalong naging marahas ang pagdaluhong ng mga pangamba. Sa kanyang utak, naggigitgitan ang maraming salitang hindi magkapuwang sa kanyang lalamunan. Parang ibig niyang pasukin ang opisinang air-conditioned ni Mr. White at kahit sa papilipit na Ingles na nalalaman niya, buong tapang na sabihin sa harap nito: “Go to hell! You dog! You salumbebet!”

MULING nadama ni Lino ang pangangalog ng kanyang mga tuhod nang magbalik siya sa bodega ng tela at sumisigid at humahalukay na naman sa loob ng kanyang dibdib ang hindi mawaring init na iyon na nagpapasikip sa kanyang paghinga. Warfing may matitigas na daliring unti-unting sumakal sa kanya, at nagsimulang maglandas mula sa kanyang noo at sentido ang malalamig na mga butil ng pawis, at lalo niyang nadama na higit na kailangang apuhapin ng bibig niya at ilong ang amoy-telang hangin sa loob ng bodegang iyon.

Kailangan nilang apurahin ngayon ng tatlong trabahador na kasama niya sa bodegang iyon ang pagbabalumbon at pagkakamada upang kung dumating ang trak — na natitiyak niyang darating sapagkat sinabi ni Mr. Cruz na maraming pumedido sa araw na iyon — handa na ang mga iyon para ikarga nila sa trak. Napansin niyang pinagmamasdan siya ng kanyang mga kasamahan nang damputin niya ang kahoy na pag-iikiran ng tela, at nabakas niya sa mata ng mga iyon ang isang uri ng pangamba.

“Namumutla ka, Lino.”

“Saka humihingal ka. Magpahinga ka muna. Kami na ang bahala dito. Di pa naman seguro darating ang trak.”

“Senga. Baka kung mapaanio ka pa. Aba, mahirap na ang magkasakit. Baka tanggalin ka pa ni Mr. Cruz.”

Bigla, parang may nabuhay na lakas na nagbigay-init sa kanyang dugo; pinilit niyang lumapit sa kamadahan ng tela, ngunit hindi pa siya nakatatatlong hakbang, iginupo siya ng nangangalog niyang mga tuhod at napalugmok siya sa sementadong lapag ng bodega. Naramdaman niyang parang idinuruyan siya sa hangin, waring nilalagom ang kanyang kamalayan ng manipis na karimlang lumukob sa kanyang mga mata. Ilang saglit din siyang nag-apuhap sa kawalan, sumisid sa isang kalalimang hindi niya maarok. At nang dumilat siya, nakasandal siya sa isang panig ng kamada ng mga tela at pinapaypayan siya ng kanyang mga kasamahan.

“Sabi na sa iyong magpahinga ka na muna. Putlang-putla ka, e!”

Tinig iyon ni Kardo, alam niya, kahit hindi pa niya gaanong mabanaagan ang mukha nito. Hiigit na malinaw na nakikita niya ngayon ang hapis na mukha ni Marta at ng kanilang dalawang anak na lalaki, at ang nakatatakot na larawan ng mga alalahaning gumigiyagis sa kanyang katatagan.

“Kung kaya mo na ang katawan mo, umuwi ka na muna. Bukas ka na bumalik. Kami na ang bahalang magpaliwanag kay Mister Cruz.”

“H’wag, h’wag n’yong sasabihin sa kanya ito. Walang anuman ito. Nahilo lang ako.” Hindi siya nahilo lamang; alam niyang may kung anong makapangyarihang lakas na sumasaklot sa kanyang dibdib tuwing siya’y mahahapo, at naisip niyang kapag dumating ang trak, hindi na niya kayang tagalan pa sa araw na iyon ang paghahakot sa mga balumbon ng tela. At kung makita siya ni Mr. Cruz? Maririnig na naman niya ang tinig na iyon: “Dito, hindi p’wede ang tamad! Konting bilis! Konting bilis!”

Ginagap niya ang impis na niyang dibdib, hinimas-himas niya iyon na parang ibig niyang maibalik ang tumakas na laman doon, at naidalangin niyang huwag sana munang dumating ang trak, huwag sana munang pumasoik sa bodegang iyon si Mr. Cruz, Minasdan niya ang kanyang mga bisig na parang itinatanong kung kaya pang pumigil at magbaba ng balumbon ng tela sa trak, at pilit na umiwas ang kanyang utak sa pagyakap sa katotohanang ipinaghuhumindig ng impis na niyang dibdib at ng nangangalog niyang mga tuhod.

Hindi niya malaman kung gaano katagal siyang namalagi sa pagkakasandal sa kamada ng tela hanggang sa madama niyang parang ganap nang tumakas ang matitigas na daliring sumakal sa kanyang kangina; waring tumakas na rin ang humihiwang init sa kanyang dibdib, ngunit sa kanyang utak, nakabilanggo pa rin ang kapeng walang gatas at matigas na pandesal kung umaga, ang lugaw, ang malamlam at malungkot na mga mata ni Marta, ang madilim na gabi sa pangit na mukha ng daangbakal.

Humagupit sa kanyang pandinig ang atungal ng dumarating na trak, lumakas ang atungal na iyon, sumiksik sa kanyang kamalayan, hanggang ligisin niyon at dikdikin ang kanyang utak, hanggang muling marahas na dumaluhong ang mga pangamba. Bigla, napatayo siya; tiningnan niya ang kanyang mga kasamahan na patuloy sa pag-aayos ng mga balumbon ng telang dadagan sa tumututol nilang mga balikat.

“Karga bola! Karga bola!”

Nakatayo na sa bunganga ng bodega ang tsuper ng trak na iyon, at natambad sa kanya ang nakaabang na puwit ng trak sa di kalayuan sa bungangang iyon.

“Maghintay ka! H’wag kang apurado!” Si Kardo ang sumigaw at nakita niyang nasa balikat na nito ang isang balumbon ng tela. Saglit itong tumigil sa tabi niya. “D’yan ka na lang muna hangga’t ‘ala ang demonyong si Mister Cruz.”

Tiyak, naisip niya, darating si Mr. Cruz, sapagkat ugali na niyon na gumala-gala sa buong pabrika na parang hayiop na nag-aabang ng sinumang masisila. Lagi nang mahaba ang dila niyon, lagi nang nanlilisik ang medyo singkit na mga mata kapag nakakikita ng mga trabahador na walang ginagawa. Ilan na sa kanila ang isinumbong nito kay Mr. White na agad na itinaboy at pinalayas sa pabrikang iyon.

“Karga bola! Karga bola!”

Naisip niya, siya marahil ang sinisigawan ng tsuper na iyon. Baka akalain niyon na nagtatamad-tamaran lamang siya at isumbong siya kay Mr. Cruz. Nilapitan niya ang isang balumbon ng tela sa kamada; saglit niyang minasdan iyon at hindi nya naiwasan ang mangamba. Pilit niya iyong pinasan at muli niyang nadama ang pangangalog ng kanyang mga tuhod at waring pagsuko ng kanyang mga balikat.

Dinalangan niya ang kanyang paghakbang; parang ibubuwal siya ng bigat ng kanyang pasan at biglang humiwa na naman sa loob ng kanyang dibdib ang hindi mawaring init na iyon jna nagpapasikip sa kanyang paghinga at bahagyang nagpapalabo sa kanyang paningin. Unti-unti, parang may matitigas na daliring sumasakal na naman sa kanya, at hinabol niya ang kanyang paghinga.

Tumindi ang pangangalog ng kanyang mga tuhod at, nang malapit na siya sa puwitan ng trak, bigla siyang nasungaba. Ngumudngod ang kanyang bibig sa lupa at nabitiwan niya ang balumbon ng telang kanyang pasan. Sa kanyang dibdib, nag-aalimpuyo ang init na iyon at napakagat siya sa maputik-putik na lupa. Naramdaman niyang may gumagapang na kung ano sa naputikan niyang labi. Dinilaan niya iyon at nang kanyang ibuga, nakita niya ang isang malaking uod na pakiwal-kiwal na gumagapang palayo sa kanya. Nang iangat niya ang kanyang tingin, tumambad sa kanya ang naglulumiyad na tiyan ni Mr. Cruz. Pinilit niyang tumayo, ngunit muli siyang nasungaba.

“Talagang mahina ka na, Fajardo. Talagang di mo na kayang magtrabaho.”

Malinaw na malinaw sa kanyang pandinig ang sinabing iyon ni Mr. Cruz at parang matalim na itak iyong sumugat sa buo niyang katawan at kaluluwa. Nabanaagan niyang papalayoi ang mga paa ni Mr. Cruz at gumagapang, gumagapang na pilit niyang sinundan ang mga paang iyon.

“Hintay, Mister Cruz! Malakas pa ho ako! Malakas pa ho ako! Sabihin n’yo kay Mr. White, malakas pa ho ako!”
Iyon ang pilit na isinisigaw ng kanyang utak, at pilit siyang nagpatuloy sa paggapang.

# Lathalain

LITERATURA NG URING ANAKPAWIS


(Iniantolohiya sa NATIONALIST LITERATURE at KILATES ng Unibersidad ng Pilipinas)

AYON kay Nadine Gordimer, isang puting babaing  manunulat sa Timog Aprika, “ang sining ay nasa panig ng mga binubusabos.” Matapos niyang mabasa ang nobelang The Jungle ni Upton Sinclair, isang nobelang naglalarawan ng marawal at nakapanlulumong kalagayan ng mga manggagawa sa industriya ng karne at mga pagkaing de lata sa Chicago noong 1906, isinulat naman ni Gordimer ang kahabaghabag at nakapaghihimagsik na katayuan ng mga obrerong Negro sa mga minahan sa Aprika, gayundin ang sarisaring inhustisya ng pamahalaan sa itim na populasyon ng naturang bansa dahil sa apartheid kaya ipinagbawal ng mga awtoridad ang kanyang nobelang Burger’s Daughter noong 1979.

“Hindi puwedeng sabihin kong ako’y isang manunulat lamang,” pahayag niya, “at mga paksang tungkol lamang sa manunulat ang tatalakayin ko.  Isa rin akong tao at kung basta na lamang inaagawan ng karapatan ang isang tao, basta na lamang ikinukulong, binibimbin sa kulungan nang walang kaukulang paglilitis at hindi pinalalaya ni ipinagsasakdal, dapat na mahigpit na tutulan ng sinuman ang bagay na ito.”

Mula noon at magpahanggang ngayon, naging mapaghimagsik na tinig si Gordimer ng uring api’t anakpawis ng kanyang bansa.

Noong mga 1920 naman sa Amerika, isang Hudyong lumaki’t nabuhay sa ghetto ng New York, si Itzok Isaac Granich, na nakilala nang malaon bilang si Mike Gold, ang nagbunsod ng tinatawag na literaturang proletaryo sa naturang bansa.  Sa kanyang sanaysay na Towards Proletarian Art na nalathala sa Liberator noong Pebrero 1921, narinig ang unang makabuluhang sigaw tungo sa paglikha ng isang malinaw at militanteng kulturang proletaryo sa isang bansang kinikilalang kuta ng mapambusabos na sistemang kapitalista.  Sapagkat lumaki siya sa ghetto ng New York sa piling ng mga kapwa maralita, sapagkat nabuhay siya bilang isang manggagawa sa mga lagarian ng troso, sa mga minahan, sa mga pabrika ng asero, sa mga kampo, sa mga bukirin at kabundukan ng Amerika, sapagkat naging biktima siya ng malupit na kapitalismo at, sa ilalim ng sistemang ito, narinig niya ang panalangin ng mga batang nagugutom at mga daing ng karalitaan, at nakita niya ang pagdurusa ng mga naghahanap ng trabaho, gayundin ang paghihirap ng mga biktima ng naturang sistema sa mga ospital, sa mga kulungan at pabrika, naghuhumiyaw ang kanyang mga akda para sa karapatan at kapakanan at dignidad ng uring api’t anakpawis, gaya ng kanyang inilarawan sa kanyang nobelang Jews Without Money at sa kanyang mga kuwentong A Damned Agitator at Love On A Garbage Dump kung kaya inihanay siya ng ilang kritiko sa mga manunulat na tinawag na “budhi ng kanilang bayan” gaya nina Theodore Dreiser ng Amerika, Maxim Gorky ng Rusya. at Romain Rolland ng Pransiya.  Pinangarap ni Gold ang pagdating ng isang panahong ang mga magsasaka’y sumusulat ng mga soneto, ang mga manggagawa’y nagtatanghal ng mga dula sa mga pabrika, nagpipinta, umaawit at isinasalin sa musika ang kanilang busabos na kalagayan at mapapait na karanasan, gayundin ang kanilang mga adhikaing makatao’t mapagpalaya.

Bagaman namamayani pa rin sa ating bansa, lalo na sa komersiyal na mga babasahin sa sariling wika, gayundin sa mga pelikula at programa sa telebisyon, ang literatura ng kababalaghan at kahangalan na nagbabandila ng kagulatgulat na pakikipagsapalaran ng mga may agimat, ng mga kalabaw at kabayong nagsasalita’t lumilipad, ng mga bibing nangingitlog ng ginto, ng mga biyenang engkantada at mga nobyong mamaw, habang nagtatampisaw sa nagahasa nang tema ng mautog na paglalambingan at pag-iibigan, upang patuloy na aliwin at lunurin sa balon ng mga pangarap ang busabos na sambayanan sa ilalim ng isang sistemang mapang-alipin at mapanikil para makalimutan ng mga ito ang kanilang gutom at mga dahilan ng kanilang pagkabusabos nang, sa gayon, di sila mamulat at maghimagsik, hindi rin naman maitatatwa na noon pang kalagitnaan ng dekada ‘50, makabuluhang nailunsad ng dalawang manunulat na nabibilang sa matandang henerasyon ang literatura ng uring anakpawis.  Sa mga nobelang Maganda Pa Ang Daigdig (1955) at Daluyong (1962), nailarawan ni Lazaro Francisco bilang tagapagsalita ng mga magbubukid sa Gitnang Luzon, ang reyalidad ng isang sistemang piyudal — ang pagkakatanikala sa lupa ng uring magsasaka at ang patuloy na pambubusabos ng mga propiyetaryo sa mga ito.  Bilang tagapagsalita naman ng mga anakpawis, hinalukay ni Amado V. Hernandez sa kanyang mga nobelang Mga Ibong Mandaragit (1959) at Luha ng Buwaya (1960) at kalipunan ng mga tulang Isang Dipang Langit at Bayang Malaya ang katotohanang naghahantad sa piyudal at neokolonyal na kalagayan ng bansa sa ilalim ng pagmamaniobra ng mga imperyalistang Amerikano at ng lokal na burukratang mga kapitalista, gayundin ang patuloy na paninikil o opresyon ng naghaharing-uri laban sa uring anakpawis.  Malinaw na gusto ni Hernandez na itaas ang dignidad at palayain ang uring manggagawa tulad ng ipinahihiwatig ng kanyang tulang Bayani:

“Sa wakas, dapat na ngayo’y mabandila

ang karapatan kong laong iniluha

ang aking katwiran ay bigyan ng laya

ako ma’y anak din ng isang Bathala

at bayaning higit sa lalong dakila…

Taong walang saysay ang di Manggagawa!”

Sa larangan ng maikling kuwento na nabibilang sa naturang henerasyon, ipinakita ni Brigido C. Batungbakal sa kanyang kuwentong Aklasan, kagaya ng inilarawan ni John Steinbeck na patuloy na pagtutunggali ng obrero at kapitalista sa kanyang mga nobelang In Dubious Battle at Cannery Row, ang di makatarungang mga patakaran sa paggawa sa isang pabrika ng tabako kaya nagwelga ang mga manggagawa at, kung saan, ginamit pang instrumento ng kapitalista ang peryodismo sa pambubusabos sa mga trabahador.  Sa kuwentong Gutom ni Clodualdo del Mundo, inilarawan niya ang inutil na katarungang panlipunan at ang palsipikadong batas tungkol sa minimong pasahod.

Pagpasok ng dekada ‘60 hanggang mga huling taon ng dekada ‘70, pinasigla’t pinayabong ng sumunod na henerasyon ng mga manunulat ang literatura ng uring anakpawis.  Sa kanilang mga nobela, dula, tula, kuwento at mga sanaysay, ibinandila nila ang kabusabusan ng uring maralita, hindi upang panatilihin, kundi upang imulat ang mga ito sa mga dahilan ng kanilang kaapiha’t pagkaalipin sa isang balangkas ng lipunang pinaghaharian ng iilan lamang na mapribilehiyo, maimpluwensiya’t makapangyarihan, isang lipunang ang hustisya’y doble-kara at ilusyon lamang ang demokrasya.

Sa mga nobelang Dilim sa Umaga at Mga Kaluluwa sa Kumunoy ni Efren R. Abueg, Dugo sa Bukang-Liwayway ni Rogelio R. Sikat, Sa Mga Kuko ng Liwanag at Sa Kagubatan ng Lungsod ni Edgardo M. Reyes, Mga Halik sa Alabok ni Dominador B. Mirasol, at Apoy sa Madaling-Araw nina Mirasol at R. L. Ordonez, inilarawan at pinaghimagsikan ang patuloy na kaapiha’t kabusabusan ng masa na ang maliliit at kakaning-itik ay palagi nang biktima ng inhustisya’t kasibaan ng naghaharing-uri.

Sa mga kuwento naman nina Domingo Landicho, Epifanio San Juan, Jr., Wilfredo Virtusio, Edgar Maranan, Jose Rey Munsayac, Ave Perez Jacob, at iba pang kuwentista ng naturang dalawang dekada, gayundin sa antolohiyang Mga Agos Sa Disyerto, binusbos ang ninanana at inuuod na mukha ng lipunang Pilipino, dinalirot ang mga sanhi ng patuloy na pagdaralita ng sambayanan, lalo na ng uring anakpawis, at parang bombang pinasabog sa mukha  ng establisimiyento  ang natipong ngitngit at paghihimagsik ng masang sambayanang patuloy na pinagsasamantalahan ng bastardong mga pulitiko, ng suwitik na mga propiyetaryo’t asendero, at ng salanggapang na mga kapitalista.

Halimbawa, Sa Mga Aso sa Lagarian ni Mirasol, inilarawan niya ang kalunuslunos na kalagayan ng mga trabahador sa lagarian ng troso sa ilalim ng isang tusong negosyanteng Intsik; sa kanyang kuwentong Mga Bangkay sa Dalampasigan ng mga Uwak, inihantad niya ang doble-karang hustisya sa bansang ito na ang laging inilalampaso at ipinagngungudnguran sa karalitaan ay ang uring anakpawis.  Sa Senka ni Virtusio, ipinakita rin ang panggigipit at pang-aapi ng naghaharing-uri sa maliliit, ang pagbabanggaan ng mayaman at mahirap, ng mahina at maimpluwensiya.  Sa Kalampag ng mga Inuuod na Bituka ni Ely de Guzman, tinalakay ang dumating na sandali ng pagkamulat sa buhay ng isang iskirol at kung paanong ang takot na magutom ang humahadlang sa isang hindi mulat na manggagawa upang hindi umanib sa unyon habang “umaasam sa tuyong buto na ibinibitin ng kompanya, sa tuyong buto na tinatanghurang parang aso, sa tuyong buto na dapat lamang na mapasaatin.”  Hindi lamang ang paghahantad sa mga inhustisya ng naghaharing-uri laban sa uring anakpawis ang gustong isampal sa mukha ng nagbabanalbanalang lipunan ng naturang mga akda kundi ipinakita pa rin, kagaya ng kuwentong Sa Pagitan ng Dilim at Liwanag ni Munsayac ang untiunting pagkamulat ng masa sa kanilang kaapihan at ang napipintong pagbabangon ng mga ito tungo sa madugong rebolusyon.  Ang pagtalakay sa mga problemang panlipunan at sa mga puwersang mapang-alipin ay malinaw na naipinta sa kuwentong Anay ni E. San Juan, Jr.; hindi ang mga anay na sumisira sa mga kahoy at gusali ang kanyang nais ilarawan, kundi ang mga puwersa at uring mapangwasak sa “nakatayong buhay ng tao,” ayon kay Landicho, lalo na sa lipunang Pilipino.

Maging sa larangan ng tula sa loob ng naturang dalawang dekada, hindi iilang makata gaya nina Jose F. Lacaba, Lamberto Antonio, Rogelio Mangahas, E. San Juan, Jr., Gelacio Guillermo, Elynia Mabanglo, Bayani S. Abadilla, Domingo Landicho, Jess Santiago, Lilia Quindoza,  at iba pa ang tumalikod sa tema o mga paksang inuuod sa poso negro ng panitikan, gaya ng pag-awit sa simoy ng hangin, sa buwan at mga bituin, o pag-aalay kaya ng desperadong pagmamahal sa nakapanggigigil na mga dilag o mga musa ng pangarap.  Sa halip, ang mga tula nila’y tuwirang nakisangkot sa mga problemang pangkabuhayan, pampulitika’t panlipunan, at inawit nila ang alipunga at halas sa binti ng mga magsasaka, ang anghit at kalyo at ugat ng braso ng mga obrero, ang armalite sa Tarlak at Pampanga at mga kabundukan, ang laksang sapatos ng paghihimagsik, ang reyalidad ng mala-piyudal at neokolonyal na lipunan. Dinakila nila ang uring anakpawis, inawitan, at inalayan ng hosana at kamanyang, kagaya ng Ang Pasyon ng Isang Manggagawa ni San Juan, Jr. na iniukol niya sa alaala ni Crisanto Evangelista kung saan isinaad ng isang bahagi ng tula:

“Nagngingitngit, nagpupumiglas

Ang dugo sa ugat ng damdaming hinasa

sa pagdurusa’t gutom…

Pinaglumot na ang marmol na bantayog ng mga bayaning huwad

Sa Hacienda Luisita, Canlubang at iba pang kuta

Ng mapagsamantalang klase.

Crisanto Evangelista…

Silakbo ng Indiyo!  Birtud mo’y kakulangan at katuparan

Ng mundong ito.  Sa bisig mo

Sasabog ang tagumpay ng masa.”

Hindi lamang nagmumulat sa uring anakpawis ang kanilang tula kundi minsa’y nanghihikayat pa kagaya ng isinasaad ng isang bahagi ng tulang Kasama ni Bayani S. Abadilla:

“kapag ang pithaya ng ‘Internasyonal’

ay tumitibo sa dibdib

at sa kuko ng pasismo

buhay ay handang pumuti

hihintayin kita sa krus na daan

ng kaliwa at kanan

halina sumanib sa lawa ng sulo

sa kanayunan

sa talahib-sabana ng isang dugong hanay

ating itayo daigdig ng proletaryo.”

Ang iba, dahil sa pagkapoot, ay nagbabanta kagaya ng sinasabi ng ilang linya ng tulang Sigaw ng Anakpawis sa Naghaharing-Uri ni Domingo Landicho:

“Pagdatal ng paghuhukom, dadagsa

sa iyong kristal na kaharian

ang nakabukang kamao ng masa;

ang nakangangang bungangang tuyot;

ang hungkag na tiyan ng sanggol;

ang lagablab ng mga mata;

ang ipuipo ng binaog na pangarap.

lahatlahat tatayo.

ang aklat mo ay bubuksan;

hustisya ng tinig-lahi

ang titibag ng iyong hukay!”

Sa katipunan ng mga tulang Maliwalu at Iba Pang Tula ni San Juan, Duguang Plakard at Iba Pang Tula ni Mangahas, at Hagkis ng Talahib ni Antonio, malinaw na makikita ang kamalayang sosyal na nagtatangkang itaas ang dignidad ng uring anakpawis, gayundin ang maaaring malawakang pagbabalikwas ng mga ito dahil sa kaapihan.  Maging sa dula, ang pakikisangkot at pagmumulat sa uring manggagawa ay isinatinig ni Ave Perez Jacob sa kanyang dulang Gising at Magbangon na ipinakikita na panahon na upang ipaglaban ng maliliit ang kanilang mga karapatan at kapakanan para makalaya sila sa pagkaalipin at pagkabusabos.

Sa nabanggit na dalawang dekada, napansin noon ng kritikong si Dr. Bienvenido Lumbera na “sapagkat halos lahat ng bagong manunulat sa Pilipino ay kasangkot sa kilusang makabayan, ang pinapaksa ng kanilang mga akda ay mga suliraning tulad ng paghihikahos ng marami sa pagpapasasa ng iilan, kabulukan sa pagpapatakbo ng gobyerno, kawalan ng katarungan para sa limot na mga mamamayan, at pang-aalipin ng mga negosyanteng dayuhan at ng kanilang kasabwat na burgesya.  At sapagkat mabigat na pataw ang mga ito sa puso’t isip ng mga manunulat, nagpuputok sa pagkapoot ang kanilang mga akda.”  Sa maikling salita, sapagkat isinatinig nila ang daing ng kumakalam na mga sikmura, ang hagulhol ng mga biktima ng inhustisya, ang sigaw ng mga humihingi ng katarungan, at ang mismong lehitimong karaingan ng masa, malinaw na ang kanilang mga akda’y tagapagtaguyod ng mga karapatan at kapakanan ng uring anakpawis.

Pagpasok ng dekada ‘80, nakilala ang ilang kabataang manunulat na ang sigla ng panulat ay puno rin ng mithiing maimulat at mabigyan ng dangal ang uring anakpawis.  Kabilang sa mga ito ang mga kuwentistang sina  Reynaldo Duque, Ernie Yang, Chit Balmaceda Gutierrez, Tomas Agulto, Cyrus Borja, Reuel Aguila, at Jun Cruz Reyes; ang mga makatang sina Fidel Rillo, Rowena Festin, Romulo Sandoval, Mike Bigornia, Danton Remoto, Aida Maranan, Aida F. Santos, P.T. Martin, Pepito Frias, Renato Agulto at Fermin Salvador; mga mandudulang sina Jose Cruz Papa, Richie Buenaventura at Chris Millado.  Sa kanilang mga akda, masasalamin din ang kanilang simpatiya sa aping uri — ang karaniwang mga mamamayan at hukbo ng mga kumain-dili.

Halimbawa, sa kuwentong Walang Lubay na Istasyon ng Pag-asa at Paghahanap ni Tomas Agulto, naipakita ang aping kalagayan ng mga manggagawa sa palaisdaan.  Sa Sugat sa Dagat ni Cyrus Borja, naihantad ang di makatarungang nangyayari sa buhay ng mga mangingisda — ng mga busero at mangangabog na, dahil sa karalitaan, ay napipilitang sumama sa mga barotos sa pangingisda sa pamamagitan ng dinamita sa malawak na karagatan.  Sa kuwentong Kulas ni Chit Balmaceda Gutierrez, ipinakita kung paanong itinulak ng mga puwersa ng lipunan upang gumawa nang masama ang isang karaniwang taong kagaya ni Kulas na “kulang sa ulam, kulang sa damit, kulang sa kaalaman, kulang sa pera, walang yaman, walang lupa, walang-wala.”  Sa Hindi Mapigil sa Pagdami ang mga Uod Hangga’t Mayroong Pagkaagnas ni Ernie Yang, ipinamukha sa mambabasa ang marawal at nakapanlulumong buhay ng mga iskuwater o mga walang lupa sa sariling bayan, sa tabi ng nakasusulukasok na estero at tambakan ng basura, sa mga lugar na “parang bangungot ang mukha ng kahirapan xxx ng mga taong nangangamoy, nabubuhay at natutulog sa basurahan xxx na makaligtas lang sa gutom ng isang araw ang pangunahing ambisyon sa buhay.”  Ipinahiwatig ng akdang ito na magpapatuloy ang paghihimagsik hanggang “hindi maayos ang sistemang umiiral sa lipunan xxx hanggang ang demokrasya’y nakabatay hindi sa higit na nakararaming mamamayan na napagsasaantalahan ng iilang nasa kapangyarihan.”  Isinisigaw din nito na “sa ganitong sistema ng lipunan ang karapatan ay para lamang doon sa may kakayahang bumili nito at ang mga may pera ay nababalutan ng mga karapatan at kapangyarihan” pero dahil tao rin naman ang uring anakpawis, kailangan din ng mga ito ang mga karapatang iyon.

Sa mga tula naman ng nabanggit na mga makata, nakakintal ang mataos na pagpapahalaga sa uring anakpawis, kagaya ng ipinahihiwatig ng Elihiya Kay Olalia ni Fermin Salvador, o ng Tagulaylay Kay Liza Balando ni Edgar Maranan, o ng Luksang Parangal sa Isang Magbubukid ni Rowena Festin.  Sa ilan pang mga tula, iba’t ibang nakalulunos na buhay ng uring anakpawis ang inawit tulad ng Ikaw, Isang Manggagawa na tungkol sa manggagawa sa tubuhan ni Kris Montanez, Bangungot ng Lunsod na tungkol sa mga pulubi ni Aida Maranan, Basyador ni Ariel Borlongan, Pagpipinta sa Baradero ni Hernan Melencio, Ang Magbubukid, Muli ni Danton Remoto, Barungbarong sa Sampaloc ni Mat Vicencio, at Buhay Saudi ni Renato Agulto.  Marami pang halimbawang maaaring banggitin ngunit ang mensahe ng mga tulang iyon ay malinaw na naikapsula marahil ng dalawang tulang naisulat noong dekada ‘70 — ang Kung Saan Naglalagablab ang Apoy ng Paglaya ni Romulo Sandoval at Alay Kay Kumander Tangkad ni Bienvenido Lumbera.

Sa Kung Saan Naglalagablab… isinigaw ni Sandoval:

“kasama ng mga kapwa api

mga magsasaka’t manggagawa

at ng iba pang mga kapanalig

sila’y lakas na babalikwas

Uusigin nila kayong sa kanila’y nandaraya:

kayong nasa inyuinyong tierra inmaculada

habang sila’y nasa gitna ng nagbuntong

mga bundok-basura,

kayong naglulunoy sa inyuinyong swimming pool

habang sila’y binabaha sa mga eskinita’t lansangan,

kayong nagpaparaos sa inyuinyong kubetang alpombrado

habang sila’y nasa piling ng nagbalatay na estero,

kayong walang ginawa

kundi ang sa masa’y magsamantala

Kanila ang pawis, inyo ang biyaya;

kanila ang pagod, inyo ang ginhawa.

At samasama, sila’y apoy

sila’y apoy ng paglaya

na sa inyo ay tutupok!”

Sa isang bahagi naman ng tula ni Lumbera, nakita niya ang maaaring babala sa hinaharap:

“Sa tisikong dibdib,

sa impis na tiyan ng mga busabos,

pigil na kamao ang kuyom na poot;

dugong naging tinig

babahid sa langit, sasabog na kulog,

at palalayain ang uring dayukdok.”

Nang itatag ang Amado V. Hernandez Resource Center at ilunsad nito noong 1986 ang taunang Gawad Ka Amado, isang timpalak pampanitikang naggagawad ng parangal sa mga obra ng uring anakpawis — tula, kuwento at sanaysay — nasabi ng manunulat na si Ave Perez Jacob:  “xxx  matitiyak na ngayon lamang sa ating panahong ito mayroong namumuong tunay at matapat na pagtatangkang makapagparami at makapagpalaganap ng mga obrang ang oryentasyon at tunguhin ay talagang proletaryo.  At sa nagaganap na ito, partikular sa larangan ng panitikan, kapansinpansin na ang mga obra’y likha ng mga manunulat at makatang mula na rin sa uring anakpawis, o kaya’y gawa ng mga taong ganap at lubos ang pakikiisa sa kilusang paggawa — sila na pawang malikhaing tagapagtaguyod ng ideolohiyang proletaryo.”

Ang pinangarap ni Mike Gold noong dekada ‘20 sa Amerika ay nagsisimulang magkahugis nga ngayon sa ating bansa.  Sapagkat ang mismong buhay at mga karanasan ng uring anakpawis ay mayamang minahan ng mga brilyanteng katotohanan, ang nalilikha nilang panitikan — bagaman kulang pa sa kinis o estetika ng sining — ay hindi matatawarang isang mapagpalayang testamento ng mga hinaing at mithiin at pagkamulat ng uring anakpawis.  Ang patuloy na paglahok na ito ng uring anakpawis sa paglikha ng panitikan ng kanyang uri ay matulaing nailarawan ng makatang si Fidel Rillo.  Sinabi niya:

“Bawat karanasan ay naiimpok na hibla sa dibdib ng manggagawa. xxx At tuwing lumilikha ang kanyang bisig, kasabay nitong pumipihit ang mga gulong at bolitas ng kanyang kamalayan at ang kanyang isip ay nalilikhang aserong palihan.  Untiunti, ang lahat na naiimpok na karanasan — may gaspang ng bakal, may kinang ng salamin, may salimuot ng kahoy, may timpi ng sinulid,  may silakbo ng krudo — ay bumubukal na kasaysayan.  Kasabay ng paglabra sa molabe’y isang titik ng pagkabatid.  Kasabay ng paghahabi ng hibla’y isang salita ng pagkamulat.  Isang pindot ng buton at isang prase ng mithi.  Isang ikot ng gulong at isang pangungusap ng pagtutol.  Isang haliging maitindig at isang talata ng paniniwala.  Hibla bawat hibla.  Bato bawat bato.  At sa kaganapan ng silya, tela, makina, gusali at salapi, isang maskuladong akda na nagbabandila ng kanyang di mapupuwing na panata at kapangyarihan sa paglikha.”

Bunga nito, sumulat ng sanaysay ang manggagawa ng San Miguel Corporation sa Polo Brewery — si Rafael Rivera — at sinuri niya ang nakaraang kasaysayan ng bansa at sinabing “ang masa ang tagalikha ng kasaysayan.”  Ang mga organisador ng BAYAN sa Pasay — ang mag-asawang Cesar at Olivia Cervantes — ay sumulat ng sanaysay, kuwento at tula.  Sa kuwentong Mga Huling Yugto sa Buhay ng Burges na Manggagawa ni Olivia, malinaw na naihayag ang lehitimong karaingan ng uring manggagawa laban sa mga kapitalista sa pamamagitan ng mga linyang ito:  “Ang hinihingi natin ay kapiraso lang sa tonetoneladang tinapay na nalikha natin, barya lang sa milyunmilyong pisong tinubo ng kapitalista upang tayo’y may makain…”  Isinatinig din nito ang nararapat gawin ng uring anakpawis: “Dapat pa tayong magpalakas.  Pag malakas na tayo, pag mulat na ang karamihan sa atin at di na kayang takutin, bilhin o bolahin, tayo na ang mananaig sa pulitika…”

Sumulat naman ng mga tula si Cesar Francisco, trabahador sa Manila Paper Mills, Inc., isinisigaw ang paglaya ng uring anakpawis sa kanyang mga tulang Tambuli ng Kalayaan, Manggagawa, at Ang Nais Kong Gantimpala, at tinuligsa rin niya ang panloloko ng mga pulitiko sa sambayanan sa kanya namang tulang Ang Tanghalan ng Halalan. Tumula rin si Tito Miralles, sekretaryo ng isang unyon, isinigaw rin ang pagnanasa ng uring anakpawis na malagot ang tanikala ng kanilang pagkaalipin sa kanyang mga tulang Anakpawis, Sipag, Tiyaga at Tapang at Demokrasya. Gayundin, isinigaw naman ni Pepito Frias sa kanyang mga tulang Sundot, Kulit Kay Pedro at Malaki na ang Sanggol ang pangangailangang patatagin at patalasin ang isip ng uring manggagawa hindi lamang para sa welgang pangkabuhayan, kundi maging sa welgang pampulitika.   Isinulat naman ng isang magsasaka — ni Virgilio Buenaflor — tagasuri ng Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Timog Katagalugan (PAMANTIK) at pangulo ng Sandigan at Tinig ng Sityo Maligaya (SANTISIMA) — ang isang kuwentong mismo niyang karanasan sa maramihang pagpatay ng mga puwersa ng gobyerno sa walang labang mga magsasakang nagsipagmartsa noon sa MendiolaInihandog niya ang kuwentong iyon sa alaala ng isa niyang kasama, si Abet Laquindanum , manggagawa sa Filsyn, na isa sa naging mga biktima ng naturang malagim at kasuklamsuklam na insidente.  Ikinuwento rin ng isa pang nabibilang sa uring anakpawis — ni Abelardo Cruz –  sa kanyang kathang Ningas ng Apoy — kung paanong pinapatay ng puwersa ng estado ang isang nagmamalasakit sa mga karapatan at kapakanan ng maliliit.

Isang nobela naman na pang-uring anakpawis  na pinagkalooban ng Gawad CCP — ang Sibol sa mga Guho ni Jacob — ang masusing dumalirot at tumalakay sa mga dahilan ng patuloy na kaapihan at pagkabusabos ng masa, kung saan ang uring anakpawis ay itinulad sa mga sibol na umuusbong, yumayabong at namumunga  sa naguguho o nabubulok na lipunan hanggang ang uring ito ay mamulat, magising, mag-organisa at, sila, bilang uring anakpawis, ang siya lamang makapagpapalaya sa kanilang sarili.

Anupa’t hanggang umiiral ang inhustisya at pagsasamantala ng naghaharing-uri laban sa nakararaming dayukdok na masa, hanggang nagpapakabundat sa pawis at dugo ng mga manggagawa ang salanggapang na mga kapitalista, hanggang itinatanikala at ipinangungudnguran sa lupa ng mga tusong propiyetaryo at asendero ang kinabukasan ng mga magsasaka, hanggang ipinahihintulot at nagpapakasangkapan pa ang estado sa pagkubabaw ng mapang-alipin at mapandambong na dayuhang mga interes, at hanggang ang dignidad ng uring anakpawis ay ginagawa lamang pamunas ng puwit at paa sa palasyo ng iilang makapangyarihan, maimpluwensiya’t mapribilehiyo, hindi mahahadlangan ng mga multo at puwersa ng reaksiyon ang paglaganap at pagsulong ng literatura ng uring anakpawis tungo sa kanilang pambansang katubusan.#&l

(Dula na sinulat noong rehimen ni dating Presidente Cory Aquino pero makatotohanan pa rin ngayon.  Pinalitan lamang ng Gloria ang Cory)

MGA TAUHAN

ADOR;     lider-estudyante, 22 taong gulang, aktibo sa mga kilusang pambayan

AIDA;      kapatid ni Ador, 19 na taong gulang, karaniwang estudyante, walang pakialam sa mga isyung pambansa

ALING ESTER;   ina nina Ador at Aida, 45 taong gulang, trabahador sa pabrika ng kape, biyuda na buhat nang mapatay sa welga ang asawang dating tsuper sa isang kompanya ng taksi

LINO;  aktibistang estudyante, 23 taong gulang, kaibigan ni Ador

GRACE;  nobya ni Ador, aktibistang estudyante rin, 21 taong gulang

LT. ABADILLA:  isang imbestigador-militar ng AFP

SUNDALO 1, 2 at 3: mga tauhan ni Lt. Abadilla

ILAN PANG MGA SUNDALO AT MAMAMAYAN

TAGPO 1

(Mangyayari ang dula sa kasalukuyang panahon na laganap ang karalitaan, inhustisya, kabulukan at katiwalian sa pamahalaan, pag-abuso sa kapangyarihan, pagpapakasangkapan ng pambansang liderato sa dayuhang mga interes, lalo na sa mga Amerikano, habang patuloy na umiinit at umiigting ang kilusan ng mulat na mga mamamayan sa hanay ng mga estudyante, manggagawa’t magsasaka, at patuloy din naman ang tumitinding pagsupil ng mga puwersa ng estado sa anumang tunay na makabayan at mapagpalayang pagkilos ng sambayanan kaya dumarami ang basta na lamang hinuhuli, ikinukulong, pinahihirapan o nagiging biktima ng makahayop na pagpatay.

Sa pagsisimula ng dula, makikitang sarado pa ang itim na telon ng tanghalan bagaman, sa likod ng telon, mababanaagan ang bahagyang liwanag.  Maririnig ang sigawan: PALAYASIN ANG MGA KANO!  IMF-WORLD BANK, BERDUGO NG SAMBAYANAN!  GLORIA, PASISTA, PAHIRAP SA MASA!  GLORIA, TUTA!  IBAGSAK… IBAGSAK!  Sa mikropono, maririnig ang isang nangingibabaw na tinig:

“Mga pasista, putang ‘na n’yo!  Pabayaan n’yo kaming maayos na magpahayag ng tunay na damdamin ng bayan.  Ang ipinaglalaban namin ay kapakanan n’yo rin bilang mga Pilipino.  Ginagamit kayo ng estado hindi upang pangalagaan ang mga mamamayan at ipagtanggol ang Konstitusyon.  Ginagamit kayo upang mapangalagaan n’yo ang interes ng mga tunay na kaaway ng bayan:  silang iilang nagpapasasa sa kayamanan ng bansa!  Silang mga pulitikong nagpapayaman sa tungkulin!  Silang nagpapakabundat sa kapangyarihan!  Silang iilang nagmamay-ari ng malalawak na lupain kaya iskuwater sa sariling bayan ang maraming maralitang Pilipino!  Silang mga suwapang na negosyante!  Silang mga mandurugas!  Silang iilan ang tunay na mga kaaway ng bayan… silang nangangamkam ng ating kinabukasan!  Pabayaan n’yo kami… huwag n’yong guluhin ang aming hanay.  Hanggang alas singko pa ang aming permiso.  Marunong ba kayong tumingin sa relo?”

Bigla, maririnig ang isang pagsabog.  Maririnig ang sigawan at tilian.  Susundan iyon ng sunud-sunod na putok ng baril.  Lalong lalakas ang tilian at daing ng mga nasaktan, ang ilang hagulhol at iyakan at pagmumura.  MGA PUTANG ‘NA N’YO… KAMI LANG ANG KAYA N’YO!  MAY ARAW DIN KAYO… MGA PUTANG ‘NA N’YO!  MAY ARAW DIN KAYO… MGA PUTANG ‘NA N’YO!

Biglang tatahimik ang tanghalan.  Mayamaya’y maririnig ang awiting BAYAN KO.  Unti-unting bubukas ang telon.  Makikita ang isang simpleng sala ng isang karaniwang bahay:  may lumang sopang yari sa yantok, may isang mesitang aralan kung saan nakaupo sa harap si Aida, tahimik na nagbabasa ng mga aralin.  May isang munting radyong nakapatong sa mesita katabi ng ilang libro, ngunit hindi ito tumutugtog. Mula sa pinto, papunta sa likod ng tanghalan, humahangos na papasok sa sala si Ador, naka-T shirt na puti, may bahid ng natuyong dugo, nakatatak ang pulang mga letra: KUNG HINDI TAYO KIKILOS, SINO ANG KIKILOS?  KUNG HINDI NGAYON, KAILAN PA?  May plaster ang kaliwang kilay ni Ador. )

AIDA: (magugulat)   Ano’ng nangyari sa ‘yo, Kuya?  Napaaway ka ba?

ADOR;  Binatuta kami ng mga pasista, parang mga asong pinagbabaril.  Aywan ko kung ilan ang tinamaan sa amin… kung ilan ang nasa morge.  Ang mga hayop na ‘yon… talagang mga hayop!  Wala bang naghahanap sa akin?  Si Lino, si Grace… di ba nagpunta rito?

AIDA: (bibitiwan ang binabasang libro) Wala naman… wala.  Seguro nagdemo na naman kayo, ano?  ‘Yan ang nakukuha mo sa kadedemo.  Mabuti’t nabatuta ka lang sa kilay.  E kung nabaril ka’t namatay?  Baka pati Nanay, namatay na rin sa atake sa puso.  Tigilan mo na nga ‘yan, Kuya.

ADOR: (halatang inis) ‘Yan ang hirap sa ‘yo.  Kagaya ka ng marami nating kababayan… walang iniintindi kundi ang kanilang sarili!  Walang pakialam kung ano ang nangyayari sa bayan.  Magkaletse-letse man ang bayan, di bale sa kanila, basta kumakain sila nang tatlong beses maghapon kahit tuyo’t lugaw.

AIDA: (mapipikon) Oy, Kuya… magsisigaw man ako sa kalye kagaya n’yo kahit araw-araw, ano’ng magagawa ko?  Sino ako para baguhin ang sinasabi n’yong masamang sistema ng lipunan?

ADOR: (parang nanlalambot na uupo sa sopang yantok, iiling-iling) Talagang wala na nga yatang pag-asa ang bansang ‘to dahil maraming Pilipino na ang isip ay kagaya ng isip mo… isip-lugaw, isip-abo!

AIDA: (pasigaw) Oo… kayo lang ang matalino!  Pero, ano?  Panahon pa yata ni Matusalem, demo na kayo nang demo.  May nangyari ba?  Panay ang sigaw n’yo ng ibagsak!  Ibagsak!  Ibagsak ‘yung sinasabi n’yong imperyalismo, piyudalismo at burukrata kapitalismo at kung anu-ano pang ismo.  Naintindihan ba kayo?  Pinakinggan ba kayo? Ang hirap nga kayo ang bumabagsak.  Panay ang bagsak n’yo sa kalye kapag binatuta kayo.  Kundi sa ospital at sementeryo, sa kulungan ang bagsak n’yo.  ‘Yung iba sa inyo, kalimitang bagsak pa sa klase.  Ikaw na lang, Kuya… ilang taon ka na sa kolehiyo?  Dapat tapos ka na noong isang taon pa.  Aba, baka maunahan pa kita!

ADOR; (tatayo)  Di bale nang di ako makatapos kung magiging utak-alipin lang ako. Kayo… kayong paesko-eskolar, ano’ng natutuhan  n’yo?  Kaisipang alipin!  Kaisipang kolonyal!  Kaya mula pa ng panahon ng Kastila hanggang ngayon, alipin tayo ng mga dayuhan sa sarili nating bayan.

AIDA; Tigilan mo na nga ako, Kuya.  Kahit ano pa ang sabihin mo, wala naman talaga tayong magagawa.  Basta ngayon, kailangang may natapos kang kurso.  Tingnan mo na lang ang Nanay… si Tatay.  Parehong walang natapos kaya ano?  Si Nanay, hanggang ngayon, walang asenso, trabahador pa rin sa pabrika ng kape.  Si Tatay, ano’ng nangyari?  Tsuper ng taksi at dahil kagaya mong mahilig makialam sa isyu-isyu.. ayun, napatay sa welga!

ADOR;  H’wag mo ngang masisi-sisi ang Tatay, Aida!  Kung sa inyo lang na paesko-eskolar, mas mabuti pa ang Tatay.  Kahit tsuper lang s’ya ng taksi, mas mulat s’ya sa inyo.  Noong nabubuhay pa s’ya, noong nagtatayo pa s’ya ng unyon sa kompanya nila, sa kanya ko unang natutuhan ang kaapihan ng manggagawa sa kamay ng mga kapitalista.  Mas naiintindihan pa nga n’ya noon kaysa sa akin ang mga problema ng bansa.  Sayang at namatay agad s’ya… ipinapatay ng mga hayop! (kukuyom ang mga kamao ni Ador, parang gustong isuntok)

AIDA;  Ayun nga, ipinapatay.  Banggain ba naman si Mr. Alvarez.  Alam naman nilang bayaw ‘yon ni Congressman Santos.  May kapatid pang militar.  Major ba ‘yon o Colonel?  Sabi nga, tayong mahihirap at api, tayong mga walang koneks’yon ay nananalo lamang laban sa makapangyarihan sa mga pelikula ni Fernando Poe?

ADOR: (mapapasuntok sa mesita, babagsak ang ilang libro) Ang mga putang ‘na n’yon!  Parurusahan din sila ng bayan!  Dapat sa kanila’y ihilera sa pader… lahat sila!  Lahat ng kagaya nila!  Kapag namulat na ang sambayanan, ang mga kagaya n’yo, Aida, kapag ganap nang nagkaisa, mananalo rin ang maliliit.

AIDA; (tatawa) Nangarap ka na naman, Kuya.  Ilusyon ‘yan, Kuya… suntok sa buwan.

ADOR;  Ilusyon sa mga ayaw magising.  Suntok sa buwan sa mga ayaw sumuntok.  Pero bakit nangyari sa panahon ng Tsaristang Rusya?  Nangyari rin sa Tsina. sa Cuba.  Mangyayari rin ‘yan dito.  Kaunting panahon na lang.

AIDA;  Kuya, ang mabuti pa, maligo ka na, magpahinga ka na.  May test kami bukas at mag-aaral pa ako. (dadamputin ang libro, bubuksan)  Kung sisipagin ka naman, tutal nakasaing na ako, maghain ka muna.  Baka dumating na ang Nanay.  H’wag mong pababayaang walang takip ‘yung mga pritong isda… baka maunahan pa tayo ng pusa.

ADOR;  Mabuti pa nga.  Mahirap talagang kausap ang mga tanga… ang mga embalsamado ang utak.

(Bubulung-bulong na lalakad si Ador papunta sa pinto, lalabas na iiling-iling.  Ipagpapatuloy ni Aida ang pagbabasa.  Ilang saglit lamang, papasok si Aling Ester, halatang pagod, may pasalubong na isang balot ng pansit.  Ilalapag ang supot ng pansit sa mesita.  Simple lamang ang damit nito, nakapaldang maong at karaniwang blusa at may bitbit sa kaliwang kamay na plastic bag.  Ilalapag din sa mesita ang bag.)

ALING ESTER:  O, Aida… kumain ka na ba?  Ang Kuya Ador mo, nariyan na ba?

AIDA: (bibitiwan ang aklat, tatayo at magmamano sa ina) Mano po, Inay.

ALING ESTER;  Ang Kuya Ador mo ‘kako… nariyan na ba?

AIDA;  Opo, kararating din lang.  Baka naliligo pa.

ALING ESTER;  Salamat naman. Alalang-alala ako dahil kangina, natrapik kami nang husto sa may Liwasang Bonifacio.  May demo raw doon at nagkagulo at ilan daw ang napatay.  May mga hinuli pa raw.  Ay, salamat naman at narito na si Dominador.  Tiyak ko, kasama ang Kuya mo doon.  Alam mo naman ‘yan.

AIDA;  Seguro, Inay, makabubuting pagsabihan n’yo ang Kuya Ador. Tigilan na ang pagsama-sama sa demo at baka kung mapano pa ‘yan.  Kung nag-aaral na lang s’yang mabuti, mas magaling pa.  Dapat nga tapos na s’ya ngayon at nagtatrabaho na para makatulong naman sa inyo.

ALING ESTER;  Wala na tayong magagawa sa Kuya Ador mo, Aida.  Kuhang-kuha ‘yan sa ugali ng Tatay n’yo. (lulungkot ang mukha nang maalaala ang namatay nang asawa)  Ang Tatay n’yo noon, kahit ano’ng mangyari, paninindigan at ipaglalaban ang paniniwala.

AIDA;  Kaya naman, ayun… ipinapatay.  Kung buhay sana s’ya ngayon, di na sana kayo nahihirapang malimit na mag-obertaym.  Kung bakit nakisali-sali pa s’ya sa unyon-unyon na ‘yon.

ALING ESTER;  H’wag mong sisihin ang Tatay mo, Aida.  Dapat mo pa nga siyang ipagmalaki, ikarangal.  Para sa akin, bayani siya, marangal siya.  Kung di siya nagtayo ng unyon sa kompanyang iyon ng taksi, malamang na hanggang ngayo’y inaabuso pa rin ni Mr. Alvarez ang mga tsuper niya.  Gumanda na raw ang palakad ngayon doon, ‘yon bang kooperatiba na.  Nagkaroon na ng sariling taksi ang mga tsuper.  Tama ang Tatay mo, ang Kuya Ador mo, ‘yung sinasabi nilang tayong maliliit ay dapat mag-organisa, magsama-sama, magkaisa, para di yapak-yapakan ng iilang mayayama’t makapangyarihan.

AIDA;  O, pinakinabangan ba naman ni Itay?  Ano’ng nakuha natin?  Noong mamatay si Itay, oo, sikat nga siya sa mga manggagawa.  Sabi n’yo’y bayani.  Nakipaglibing sa kanya ang mga kilalang lider, gaya ni Beltran at iba pa.  Nabigyan tayo ng kaunting abuloy.  Iniyakan si Itay.  Pero, pagkalibing… ano?

ALING ESTER;  Buhay pa rin ang Tatay n’yo, Aida.  Buhay pa rin.  Para ko siyang nakikitang lagi sa aming pabrika.  May nagtatayo rin ng unyon sa amin  dahil pinagsasamantalahan din kami ng may-ari.  Mataas na ang lahat ng presyo, ayaw pa ring taasan ang s’weldo namin kahit malaki ang tinutubo ng pabrika.  Pati obertaym namin, kulang ang bayad.  Sabi nga noong lider namin, kailangang mag-unyon kami, kailangang lumaban kami.  Talagang para siyang Tatay mo, Aida.  Talagang buhay ang Tatay mo, Aida, buhay na buhay!

AIDA;  Ay, naku, Inay… baka nagugutom na kayo?  Baka ma-in love na naman kayo dahil parang Tatay ko ‘yong lider n’yo.  Aba, mabibiyuda na naman kayo. (hahawakan ni Aida ang supot ng pansit na uwi ni Aling Ester, bubuksan, sisilipin)  Aba… pansit!  Kumain na muna kayo ni Kuya Ador saka kayo parehong mangarap.

ALING ESTER; (uupo sa sopa, parang saglit na mag-iisip, malungkot) Buhay pa siya… buhay pa siya. (halos pabulong)

AIDA: (mapapansin ang ina) Ay, naku… sabi ko, kumain na muna kayo ni Kuya Ador.  Tamang-tama at mainit-init pa ‘tong pansit na uwi n’yo.  May prito pang isda doon.

ALING ESTER; (mapapatayo) Aba… ang Kuya Ador mo nga pala?  Dominador!  Dominador!

(Papasok si Ador. Bagong t-shirt na puti na ang suot, naka-short, nakasandalyas de goma, at halatang bagong ligo.  Lalapit agad ito sa ina, magmamano.  May plaster pa rin ang kaliwang kilay nito.  Mapapatitig si Aling Ester sa kilay ni Ador.)

ALING ESTER; (hihipuin ang kaliwang kilay ni Ador, iilag si Ador) Tanggalin mo ang plaster, Dominador.  Malinis ang sugat at mapahiran kahit gamot na pula. (babalingan si Aida) May gamot na pula pa ba tayo, ha, Aida?  Kunin mo… ‘yung ginagamit mo kapag nagmamanikyur ka.

AIDA; (lalakad papunta sa pinto ngunit biglang titigil) Wala na nga pala, Inay.  Ubos na nga pala noon pang ’sang araw. Kung gusto n’yo, bibili muna ako saka tayo kumain.

ADOR;  H’wag na… h’wag na.  Walang anuman ‘to, Inay.  Kapiraso lang naman ang putok.  Ang grabe nga’y ‘yung katabi ko kangina… talagang putok ang ulo.  Binatuta talaga nang binatuta at kahit nakahiga na sa lupa, tinadyakan pa ng mga pasista.

AIDA;  Walang k’wenta ‘yan sa Kuya Ador, Inay.  Pangkaraniwan na lang po ‘yan sa kanya.  Sanay na ‘yang mabukulan o mabali ang tadyang.  Di ba noong ’sang araw, umuwi ‘yan na akala ko’y di s’ya dahil magang-maga ang mukha.  Di titigil ‘yan.

ADOR; (paangil) Ako… mukha’t katawan ang nabubukulan dahil may ipinaglalaban para sa kapakanan ng sambayanan.  Pero ikaw, at mga kagaya n’yong walang iniintindi kundi ang kanilang sarili, ano?  Nagkakabukol ang utak n’yo, nagkakapigsa dahil sa katangahan… dahil sa inaamag na mga paniniwala!

AIDA; (dadampot ng libro at akmang ibabato kay Ador) Ang hayop na ‘to… sobra ka nang mang-insulto!  ‘Kala mo kung sino!

ALING ESTER: (aawatin ang dalawa)  Hoy,,, hoy… tama na ‘yan!  Mabuti pa’y magpahinga na kayo.  Kumain na tayo.

(Iirapan ni Aida si Ador, akmang sasampalin.  Iilag si Ador, pandidilatan si Aida.  Papagitna sa dalawa si Aling Ester at hihilahin ang mga ito papunta sa pinto.  Ngunit sunud-sunod na malalakas na katok sa pinto ang maririnig.  Bubuksan ni Ador ang pinto at humahangos na papasok sina Lino at Grace, halatang takot na takot)

LINO at GRACE: (halos magkapanabay) Magandang gabi po, Aling Ester.

ALING ESTER:  Magandang gabi naman sa inyo.  Maupo kayo.  Naghapunan na ba kayo?

LINO at GRACE: (magkakatinginan, saka titingin kay Ador na nakatayo sa tabi ng mesitang aralan ni Aida.  Mauupo si Aida sa silyang naroroon) Opo… opo.  H’wag na kayong mag-abala.

ALING ESTER: (ngingiti) Ow, mukhang gutom na gutom kayo.  Malimit kang ikuwento sa akin ni Ador, Grace. (mapapatgungo si Aida, tatawa si Ador) Pasasaan ba’t di miyembro ka na rin ng magulo naming pamilya.  O, siya… d’yan na muna kayo at aayusin ko ang pagkain nang makapaghapunan tayo bago kayo magkuwentuhan.

(Lalabas si Aling Ester, ngunit maiiwan ang pansit na nakapatong sa mesitang aralan.  Magkakatinginan sina Ador, Lino, Grace at Aida.  Biglang tatayo si Lino, lalapit kay Ador ngunit pasulyap-sulyap kay Aida)

AIDA:  O, sige… mag-usap na kayo.  Baka ayaw n’yong marinig ko dahil di naman ako m’yembro ng magigiting.  D’yan na kayo at tutulungan ko na lang si Inay sa kusina. (lalabas si Aida, tatayo si Grace at lalapit kina Lino at Ador)

LINO:  Alam mo na ba ang nangyari… ang mga balita?

ADOR:  Alin?

GRACE:  Natatakot ako, Ador.

LINO:  Oo, Ador, parang may mga susunod pa.

ADOR:  Ano ba kayong dalawa?  Para kayong mga asong di mapaihi.  Linawin n’yo nga ang mga sinasabi n’yo!

LINO:  Alam mo, noong nagkagulo kangina at magkahiwa-hiwalay tayo, tumakbo kami ni Grace papunta sa National Press Club. ‘Yung iba, nagtakbuhan papuntang Quiapo.  Sa baba ng Press Club, may nagkukuwentuhang tila mga reporter.  May mga sugatang dinala raw sa ospital.  Karamihan daw ay sa PGH.  Marami rin daw ang nadampot at isinakay sa trak ng militar.

ADOR:  O, e ano ang dapat n’yong ikatakot?  Ligtas nga tayo.

GRACE: (parang maiiyak) Masama ang nangyari sa HQ natin, Ador.  Katatawag lang namin ni Lino doon… si Mely ang sumagot sa telepono, umiiyak.  Dinampot daw sina Ave at Edwin, pinagbintangang mga Sparrow.  Isinigaw daw noong dalawang nahuli kangina sa demo.  Dadalhin din daw sana si Mely, pero sabi n’ya, nagmakaawa s’ya at napapaniwala n’ya ang mga militar na siya’y isa lang maid.  Nakahinga nga ako nang maluwag nang malaman kong di ka kasama.

LINO:  Tumawag nga kami doon para malaman kung doon ka nagtuloy.  Pagkatapos nga, pilit nang pilit ‘tong si Grace na puntahan ka namin dito.

ADOR:  O, e bakit nga kayo matatakot?  Di naman tayo Sparrow.  Di rin naman Sparrow sina Edwin at Ave.

LINO:  E kung ganoon ngang isinigaw?

ADOR:  Sino naman ‘yung dalawang kumag na sumigaw?  Baka mga kasama din natin na pinitik lang ang bayag ay kung anu-ano na ang ikinanta.

LINO:  E kung pahirapan din sina Edwin at Ave?  Si Ave, alam ko, matibay ‘yon.  Pero si Edwin, duda ako.  Mababaw ang luha noon.  Baka biglang mag-La Paloma.

ADOR:  Masyado kayong alarmista.  Di pa nga natin alam kung totoo ‘yang mga bali-balita.  Kung dinampot man sina Ave at Edwin ay baka naman tatanungin lang sila tungkol sa nangyari kangina, di dahil sila’y pinagbibintangang mga Sparrow.

LINO:  Pero, Ador, alam mo naman ang mga militar.  ‘Pag may napatay sa kanila, sasabihing Sparrow ang pumatay.  ‘Pag may nahuli sila, sasabihing Sparrow ang nahuli nila. Di ba noong minsan, nang maghabulan din sa demo sa Mendiola, ‘yung malas na ice cream vendor na nakitakbo rin dahil sa takot ang nadampot.  Ano… di ba hanggang ngayo’y nakakulong pa?  Dahil pinahirapan seguro nang husto, kahit di totoo’y napilitang umaming siya’y Sparrow.

GRACE:  Ador, talagang mabuti’y umalis ka muna.  Sa grupo natin, ikaw ang kilalang-kilala.  Magtago ka muna hanggang di pa malinaw ang lahat tungkol kina Ave at Edwin.  Kung gusto mo, sasamahan kita sa Batangas… doon sa lugar ng Tiya ko.  Di ka basta matutunton doon.

ADOR:  Ano ba kayo?  Kung magtatago ako’t di naman ako hinahanap… di nagmukha lang akong gago!  Ang hirap sa inyo, natatakot kayo sa sarili n’yong anino.

LINO:  Mabuti na rin ang nag-iingat, Ador. Alam mo naman ang hustisya ngayon.

ADOR: Hustisya?  Meron pa bang hustisya?

GRACE:  ‘Yon nga, e.  Di bale kung anak ka ni Congressman.

LINO:  O anak-mayaman ka.  Malamang na nasa d’yaryo ang retrato mo at di ka gagalawin.  Pero tayong maliliit, tayong mahihirap, Ador, di tayo tao sa kanila kaya dapat na mag-ingat na lang muna tayo.

ADOR:  Putang ‘na nila!  Tayo lang ang kaya nilang hulihin.  Ba’t di ‘yung mga nagbebenta ng ating kinabukasan?  Pero, teka, wala ba tayong mga kasama doon sa mga napatay, doon sa mga dinala sa ospital?

LINO:  Ewan… ewan.  Sana’y wala.  Alam ko, nang magtakbuhan tayo, nang magputukan, malayo ang tropa natin sa sentro ng gulo.  Pero, ikaw, ba’t nadale ka sa kilay?

ADOR:  Di ba humiwalay ako sa inyo dahil ako sana ang susunod na speaker bago nagputukan?  Nandoon ako sa tabi ng monumento ni Bonifacio.  Kami ang napuruhan ng mga putang ‘na!

(Mapapatingfin si Grace sa mesang aralan kung saan nakalagay ang munting radyo sa tabi ng supot ng pansit at mga libro.  Mapapansin ni Grace ang radyo at biglang lalapitan, hahawakan.)

GRACE:  May radyo pala.  Ba’t di tayo makinig ng balita?  Ano ba ‘to… de-baterya o de-koryente?

ADOR:  De-baterya ‘yan.  Ilagay mo sa DZRH… 666 sa dial.

(Bubuksan ni Grace ang radyo, pipihitin ang dial.  Sa simula’y maririnig ang sari-saring awit at tugtog hanggang sa marinig ang tila boses ni Joe Taruc.)

LINO:  D’yan nga… d’yan!  Lak’san mo, Grace.

(Bigla silang matatahimik, matamang pakikinggan ang radyo)

“Deo… Deo.  Masama ang signal mo.  Umiba ka ng location.  Babalikan kita mamaya.  Mga kababayan, iyon po si Deo Macalma na maghahatid sa atin ng mga sariwang balita tungkol sa mga kaganapan sa madugong demonstrasyon kangina sa may Liwasang Bonifacio.  Ayon po kay  Lt. Abadilla nang makapanayam ng reporter nating si Jennifer Postigo, kasalukuyan pa nilang iniimbestigahan ang dalawang nahuli nilang naghagis diumano ng molotov bomb sa hanay ng mga pulis at sundalo kung kaya nagkagulo.  Ayon sa kanya, mga Sparrow  ang dalawang iyon, sina Conrado Torres, alyas Ka Pepe, at Juanito Perez, alyas Ka Lando, ng Alex Boncayao Brigade.  May mga kasamahan pa diumano ang dalawa na kasalukuyan ngayong tinutugaygayan ng militar at maaaring mahuli anumang sandali.  Deo… Deo… ayos ka na ba? Come in, Deo!  Come in!”

“Hello, Pareng Joe!  Hello!”

“Ok na ang signal mo, Deo.  Go ahead, Deo!  Go ahead!”

”Ito po si Deo Macalma na naghahatid sa inyo ng mga sariwang kaganapan sa nangyaring demonstrasyon kangina.  Narito po ako ngayon sa emergency room ng PGH kung saan naroroon ang mga sinamang-palad na masugatan.  Sila po’y sina Evelyn Mondragon, estudyante ng FEU, Rico Moran, estudyante ng UP, Cirilo Montanez, estudyante ng PUP, Mauro Mendoza, isang manggagawa, Pedro Ramos, manggagawa rin, at Teresita Bello, isang batang sidewalk vendor.  Ang iba pa’y di pa natin makuha ang mga pangalan, wala pang mga malay at nasa malubhang kalagayan.”

“Deo… Deo!  ‘Yung mga napatay?  Di mo ba nakuha ang mga pangalan?  Wala ba d’yan sa morge ng PGH?”

“Wala, Pareng Joe.  Wala dito.  Aalamin ko sa ibang ospital o sa mga funeral parlor.  Pansamantala, hanggang dito na lang muna ako, Pareng Joe.  Back to you, Pareng Joe.”

“Mga kababayan, iyon po si Deo Macalma.  Habang hinihintay natin ang mga sariwang balita mula sa labas, pakinggan muna natin ang awiting HELP ME MAKE IT THROUGH THE NIGHT na inihahandog namin sa mga kababayan nating manggagawa sa Middle East.”

ADOR: (biglang papatayin ang radyo) Putang ‘na!  Mga m’yembro natin sa LFS sina Conrado at Juanito.  Paano magiging Sparrow ang mga ‘yon?

LINO:  Tiyak, tinort’yur ang mga ‘yon!

GRACE:  Baka isinigaw ka rin, Ador?  Magtago ka na muna!  Magtago ka!

LINO:  Senga, Ador.  Kung ayaw mo sa Batangas, sasamahan kita sa Kabite, doon sa Alfonso.  Marami akong kakilala doon na p’wede nating matuluyan.

ADOR:  Putang ‘na!  Bakit nga ako magtatago?  Ano ba ang kasalanan ko?  Nagdedemo lang tayo para ipahayag ang mga karaingan ng bayan, ng masa!  Wala na bang karapatan ang mga mamamayan, ang mga kagaya natin, na magsalita nang totoo?  Nasa Konstitusyon ang karapatan nating ‘yan!

LINO:  Papel lang ang Konstitusyon, Ador, sa panahong ito.  May Konstitusyon pa bang kinikilala ang mga pasista?  Ikaw na nga ang nagsabi na meron pa bang hustisya ngayon.  Malimit mo ring sabihin noon na mas masahol pa sa puta ang mga nagpapatakbo ng ating gobyerno… mas marangal pa ang mga puta dahil katawan lang nila ang kanilang ibinibenta dahil sa pangangailangan, dahil sa karalitaan… pero sila, ano ang ibinibenta?  Ang buong bansa!  Ang kinabukasan ng susunod pang henerasyon!

ADOR: (parang nag-iisip, tutungo at sasapuhin ang ulo) Ang mga hayop!  Ang mga hayop!  Pero di ako magtatago.  Bakit ako magtatago?

GRACE: (parang maiiyak na lalapit kay Ador at halos yakapin ito) Ewan ko, ewan ko, Ador.  Talagang kinakabahan ako.  Paano kung hulihin ka?  Sino, sino ang tatakbuhan namin para tulungan ka?  Ang mass media?  Kanila rin ang mass media.  Mabuti kung bigyan ka man lang ng kahit kapirasong espasyo sa d’yaryo at ibalitang hinuli ka.  Baka palitawin ka pang NPA at lalo kang idiin.

ADOR:  Hulihin na nila kung huhulihin!  Putang ‘na… matatakot na lang ba tayo nang matatakot?  Tatakbo nang tatakbo?

{Bigla, magkakagulo sa likod ng tanghalan.  May magsisigawan:  “Raid!  Raid!  May mga sundalo!  May mga pulis!  May huhulihin yata!  Takbo!  Takbo!  Mahirap na!”  Hintakot na papasok sa sala sina Aida at Aling Ester.  May hawak pang sandok si Aling Ester, may hawak namang baso si Aida, may lamang tubig.)

ALING ESTER:  Dominador!  Dominador!  Mga sundalo raw ‘yung nasa labas. (parang natataranta at hindi malaman kung ilalapag o hindi ang tangang sandok; aagapayanan ito ni Aida, pilit paiinumin mula sa tangang baso)

AIDA:  Tubig, Inay.  Uminom po muna kayo at baka kung mapa’no pa kayo. (iduduldol ang baso sa bibig ni Aling Ester na iinom ng ilang lagok)

ALING ESTER: (bubuntung-hininga) Dominador, baka nga kayo ang hinahanap?  Alis muna kayo… alis na!  Doon kayo dumaan sa may kusina.  Dali!  Dali!

AIDA:  Sige na, Kuya.  Sige na!  Ako na ang bahala kay Inay.

(Itutulak palabas nina Aling Ester, Aida, Lino at Grace si Ador, ngunit magpipilit itong maupo sa sopa.)

ADOR: Bakit nga ako aalis?  Ano ba ang kasalanan ko? (muli, ipagtutulakan nina Lino, Aida, Grace at Aling Ester si Ador)

ALING ESTER: (halos patili na) Umalis ka na sabi, Dominador!  Umalis ka na!

AIDA:  Umalis ka na, Kuya!  Umalis ka na!  Papatayin mo sa nerbiyos ang Inay!

(Muling hihilahin nina Grace at Lino si Ador, ngunit magpipilit pa rin itong maupo.  Biglang may tatadyak sa pinto.  Mabilis na papasok ang tatlong sundalong nakauniporme ng fatigue, nakatutok agad ang mga baril kina Ador.)

SUNDALO 1:  Ito ang bahay ni Dominador Robles, ano?

ALING ESTER: Ito nga po.  Ito nga po… pero bakit po?

SUNDALO 2: (babalingan sina Lino at Ador) Sino sa inyo si Dominador Robles?

ADOR: (biglang tatayo) Ako… bakit?  Ano’ng kailangan n’yo?

(Bigla itong susunggaban ng Sundalo 3, pipiliting posasan.  Magwawala si Ador, sisikmuraan ito ng Sundalo 2 habang nakatutok naman ang baril ng Sundalo 1.  Yayakap si Grace kay Ador ngunit tatabigin ito ng Sundalo 2 at mapapasadsad sa sopa si Grace.  Yayakap naman si Aling Ester kay Ador at pilit itong hihilahin ng Sundalo 1.  Mapoposasan si Ador.)

ALING ESTER: (umiiyak na) Bakit n’yo hinuhuli ang anak ko?  Bakit?  Di naman ‘yan kriminal!  Di naman ‘yan magnanakaw.

SUNDALO 1:  Sabi ko na’t ang lugar na ‘to ang taguan ng mga Sparrow. (mapapatingin ito sa mesang aralan na kinaroroonan pa ng supot ng pansit, munting radyo at ilang libro; babalingan ang Sundalo 2) Tingnan mo ‘yang mga libro.  Baka subversive documents ang mga ‘yan!

AIDA: (susunggaban ang mga libro) Mga libro ko ‘to sa esk’wela! (pilit na aagawin ng Sundalo 2 ang mga libro kay Aida hanggang mabitiwan ni Aida)

SUNDALO 1:  Bulatlatin mo… baka may nakaipit na mga dokumento. (mabilis na iwawagwag ang libro, ngunit walang makikitang anumang dokumento ang Sundalo 2 at marahas na bibitiwan ang aklat)

SUNDALO 3: (habang nakatutok ang baril sa ulo ni Ador) ‘Yung supot sa mesa… ano ‘yon?  Baka molotov bomb… tingnan n’yo!

ADOR:  Pansit ‘yan… lamunin n’yo!

SUNDALO 1: (sasampalin si Ador)  Matapang ka, ha?  Talagang matapang kayong mga Sparrow.  Marami na nga kayong napapatay sa amin kahit araw na araw!

ALING ESTER: (paiyak) H’wag n’yong saktan ang anak ko… di ‘yan Sparrow! (muli nitong akmang yayakapin si Ador ngunit itutulak ito ng Sundalo 3 at maaalalayan naman ni Lino para hindi mabuwal)

ADOR:  Mga putang ‘na n’yo!  Pati ba naman babai’y di n’yo iginagalang!

SUNDALO 1: (itutulak si Ador) Sige… ibaba na ‘yan at isakay sa d’yip!

ALING ESTER:  Saan n’yo dadalhin ang anak ko?  Maawa kayo sa kanya… maawa kayo!  Dominador!  Dominador!

(Hihilahing palabas ng dalawang sundalo si Ador.  Magpapalahaw ng iyak si Aling Ester.  Umiiyak na rin sina Aida at Grace.  Parang natitigilang nakahawak sa braso ni Aling Ester si Lino.  Bago tuluyang umalis ang Sundalo 1, tatabigin nito ang supot ng pansit sa mesitang aralan.  Babagsak iyon sa sahig, tatadyakan at sisipain ng Sundalo 1, at sasabog ang pansit.  Nag-iiyakang pagtitiyagaang likumin iyon nina Aling Ester, Aida at Grace habang nakatingin si Lino.  Maririnig ang umaatungal na tunog ng tambutso ng dyip sa likod ng tanghalan.  Magdidilim ang tanghalan at isasara ang telon.)

TAGPO 2

(Sa muling pagbubukas ng telon, makikita ang isang kuwartong naiilawan ng isang maliwanag na bombilyang nakalawit.  May isang malapad na mesa doon, may dalawang karaniwang silya sa harap ng mesa, may bote ng alak at basong nakapatong sa mesa, may isa ring makinilya.  Makikita si Ador na nakaupo sa isang silya, nakaposas pa rin, nakayapak na at iyon pa ring dating short at t-shirt ang suot.  Mahahalatang may bahid na ng dugo ang t-shirt, gayundin ang labi ni Ador.  Makikita rin ang tatlong sundalo kangina.  Biglang papasok si Lt. Abadilla, nakauniporme rin ng fatigue.  Sasaluduhan siya ng tatlong sundalo.)

MGA SUNDALO:  Mission accomplished, Sir!

LT. ABADILLA:  Good… good.  At ease. (mauupo si Lt. Abadilla sa silyang nasa likod  ng mesa paharap sa manonood; magsisindi ito ng sigarilyo, sasalinan ng alak ang baso at lalagok, pagmamasdan ang mukha ni Ador)

SUNDALO 1:  Matapang, Sir.  Ayaw umamin.

LT. ABADILLA: (hihithit ng sigarilyo, ibubuga ang usok sa mukha ni Ador) A, ‘yan pala ang sinasabing si Ka Ador.  Alisan n’yo ng posas.  Mukha namang di Sparrow. (lalapit ang Sundalo 3 kay Ador, aalisin ang posas nito)

SUNDALO 3:  Panay ang mura n’yan sa amin kangina, Sir.  Kundi ako nakapagpigil kangina, Sir, tinodas ko na sana ‘yan at itinapon sa Pasig River.

LT. ABADILLA: (muling iinom ng alak) O, uminom ka muna… baka nauuhaw ka? (ilalapit ang baso kay Ador; titingnan lamang ni Ador ang baso)

SUNDALO 2: Suplado, Sir.  Chivas na ang ipinaiinom mo, Sir, ayaw pa.

LT. ABADILLA:  Ka Ador, sinu-sino pa ang mga kasama n’yo dito sa Metro Manila?  Saan-saan ang hideout n’yo?

ADOR:  Di ako Sparrow… at talagang wala akong alam sa mga pinagsasabi n’yo.  Pipiliin n’yo naman ang huhulihin n’yo!

SUNDALO 1: (dadagukan si Ador sa likod at muntik na itong mahulog sa pagkakaupo sa silya) Bastos, Sir.  Hoy, igalang mo ang Sir namin!

ADOR:  Ang Nanay ko, ang kapatid kong babae… iginalang ba ninyo kangina?

SUNDALO 2: (tututukan ng baril sa ulo si Ador) Pilosopo pa, Sir.  Ipasyal na kaya namin, Sir?

LT. ABADILLA: (muling magsasalin ng alak sa baso, lalagok) Ka Ador, sagutin mo na lang ang mga tanong ko… di ka sasaktan ng mga ‘yan.  Kung ayaw mong sabihin ang iba mo pang kasama, ‘yon na lang lider n’yo dito ng Alex Boncayao Brigade.

ADOR:  Talagang wala akong alam!  Ang hirap sa inyo, kaming maliliit, kaming mga walang kasalanan ang kaya n’yo lang hulihin.  Bakit di ‘yung mga malalaking kriminal sa gobyerno ang hulihin n’yo?  Nasa Kongreso ang iba, sa BIR, sa Customs, sa Immigration.  Mayroon din sa Malakanyang!

LT. ABADILLA: (tatayo, lalapitan si Ador, hahawakan sa balikat) Di bale.  Kung ayaw mong kumanta, papipirmahin na lang kita ng tula.  Madali lang ‘yon… pipirmahan mo lang.  Tawagin ang typist.

(Lalabas ang Sundalo 1 at makaraan ang ilang saglit, muli itong papasok kasama na ang isa pang sundalong nakasibilyan.  Hihilahin ng nakasibilyan ang silya, iaayos ang makinilya sa mesa.)

SIBILYAN:  Umpisahan ko na, Sir.  Pangalan lang at address, Sir. (magsusubo ito ng papel sa makinilya)

LT. ABADILLA:  Dominador Robles ‘yan.  Ano ang address mo, Ka Ador? (mukhang galit na titingnan lamang ni Ador si Lt. Abadilla)

SUNDALO 2:  Tinatanong ka ni Sir… hoy, sumagot ka! (akma nitong dadagukan si Ador)

ADOR: (pagalit) 124 Interior 1, Anonas St., Sta. Mesa.

(Mabilis na magmamakinilya ang sundalong nakasibilyan, bubunutin ang papel sa makinilya at iaabot kay Lt. Abadilla.  Dudukot ng ballpen sa kanyang bulsa si Lt. Abadilla, pahapyaw na babasahin ang nakamakinilya sa papel)

SIBILYAN:  Ayos ba, Sir?

LT. ABADILLA:  Good… good.  O, Ka Ador, pirmahan mo na.

ADOR:  Bakit ko pipirmahan ‘yan?  Alam kong puro kasinungalingan ‘yan!

LT. ABADILLA: Mukhang tama kayo… talagang matigas nga yata.  Lalabas lang ako’t magpapalamig ng ulo.  Alam n’yo namang masama akong magalit.  Kayo na ang bahala d’yan.  Medya-medya lang.  Pero pagbalik ko, kailangang pirmado na ‘yan. (lalabas si Lt. Abadilla at agad na lalapitan ng tatlong sundalo si Ador)

SUNDALO 1: (iduduldol ang papel at ballpen kay Ador) O, pirmahan mo na!  Masama ang matigas ang ulo… baka sumabog ‘yan.

ADOR: (tatabigin ang kamay ng sundalo, mabibitiwan nito ang ballpen) Kayo ang pumirma!

(Biglang itatayo ng dalawang sundalo si Ador.  Sisikmuraan ito ng Sundalo 1.  Mapapaigik si Ador at akmang lalaban, ngunit pigil-pigil siya ng dalawa pang sundalo.  Dalawang beses pa siyang sisikmuraan ng Sundalo 1.)

SUNDALO 1:  Ang hayop na ‘to… pahihirapan pa yata tayo!

(biglang isasalya ng dalawang sundalo sa silya si Ador, mabubuwal ito at sisipain siya ng Sundalo 1}

SUNDALO 2: Pirmahan mo na sabi, e… para di na kami mahirapan!

(Dadamputin nito ang ballpen sa lapag, kukunin ang papel at iduduldol sa mukha ni Ador.  Muling tatabigin ni Ador ang kamay ng sundalo.  Bigla siyang tatadyakan sa tagiliran ng Sundalo 1.)

SUNDALO 3:  Sige… sige, iupo n’yo sa silya at mapitpit na ang bayag.

(Itatayo ng Sundalo 1 at 2 si Ador.  Pilit na pauupuin sa silya, sasalat-salatin ang bayag nito.)

SUNDALO 1:  Aba… malaki!  Sayang naman at baka di na makaanak.

SUNDALO  2:  Kung hubaran na lang natin.  Tingnan natin.  Baka supot pa, e, mabinyagan na rin. Kundi naman, saksakan natin ng may sinding palito ng posporo ang butas,

ADOR:  Mga putang ‘na n’yo!  Mga hayop kayo!

(Bigla siyang sasampalin nang sunud-sunod ng Sundalo 2.  Halos malungayngay ang ulo ni Ador, ngunit nanlilisik siya, kuyom ang mga kamay, parang gustong isuntok)

SUNDALO 3:  Ang putang ‘nang ‘to!  Gusto pa yatang lumaban.  Ipasyal nga natin! (papasok si Lt. Abadilla, may dalang isang basong puno ng manilaw-nilaw na likido)

LT. ABADILLA:  O, ano… pinirmahan na ba?

SUNDALO 1:  Sir, talagang ayaw.

LT. ABADILLA:  Aba… mapipilitan yata akong magalit.  Pirmahan mo na, Ka Ador(matalim na tititigan lamang ni Ador si Lt. Abadilla) Sparrow talaga. Matigas, e.  Ibuka n’yo ang bibig.  (Pipigilan ng Sundalo 2 at 3 si Ador.  Lalapit si Lt. Abadilla, ibubuhos ang laman ng baso sa bibig ni Ador.  Mapapaduwal si Ador na parang masusuka.  Magtatawanan ang mga sundalo)

SUNDALO 2:  O, ano?  Di nakatikim ka ng juice ni Sir.

SUNDALO 3:  Sir, dalhin na kaya natin sa kubeta, mahilamusan at mapatikim naman ng special hamburger sandwich.  Baka nagugutom na kasi ‘yan, Sir!

LT. ABADILLA:  H’wag na… pipirma ‘yan. (kukunin ni Lt. Abadilla ang papel at ballpen, iaabot kay Ador; pahablot na aabutin iyon ni Ador, biglang pagpupunit-punitin)

ADOR: (pasigaw) Mga putang ‘na n’yo!  Mga putang ‘na n’yo!  May araw din kayo!  May araw din kayo! Mga demonyong pasista!

(Pagtutulungan siyang bugbugin ng mga sundalo.  Mahahandusay si Ador sa lapag.  May sisipa sa kanya, may tatadyak.)

LT. ABADILLA:  Tama na!  Ipasyal na ‘yan!  Ipasyal n’yo na! (Itatayo ng mga sundalo si Ador, hihilahin papunta sa pinto.  Kahit nanghihina, biglang aagawin ni Ador ang nakasukbit na baril ng isang sundalo.  Biglang isasara ang telon at maririnig ang sunud-sunod na putok.  Bigla ring tutugtugin ang PAMBANSANG AWIT ng Pilipinas.  Magtatayuan ang mga manonood.)#

« Newer Posts - Older Posts »