(Editoryal)
KAHIT ipinangalandakan ng Malakanyang na hindi nito ikinababahala kung muling iimbestigahan ng Senado ang maeskandalong “Hello Garci” – isang “tape” na nagbunyag sa usapan nina Presidente Gloria Macapagal-Arroyo at dating Komisyoner Virgilio Garcillano ng Comelec tungkol sa “karagdagang isang milyong boto” para kay La Gloria noong eleksiyon ng 2004, halatang-halata naman sa kanilang mga patutsada ang pagkainis ng mga kinauukulan. At bakit iginigiit na ipatupad na naman ang ibinasura ng Korte Suprema na E.O. 464, na kailangan pa ang permiso ng Presidente para makadalo sa pagdinig ng Senado ang sinumang opisyal ng sangay ehekutibo ng gobyerno?
“Pulitika ito ng pangwawasak,” paratang ni La Gloria at, samakatuwid, dapat nang tigilan – lalo na marahil ni Sen. Panfilo Lacson na pinaratangang “nagpapasiklab” lamang para sa eleksiyon sa 2010. “Pag-aaksaya lamang ito ng oras,” sabi naman ni Sen. Edgardo Angara. Sa halip na buhayin ang imbestigasyon sa “Hello Garci,” makabubuting pagtibayin na lamang ng Senado, ayon naman kina Kalihim Tagapagpaganap Eduardo Ermita at Sekretaryo Ignacio Bunye, ang 24 na panukalang-batas para diumano sa pambansang kapakanan.
Kung susundan tuloy ang lohika o takbo ng utak ng Malakanyang, dapat na ilibing na lamang sa limot ang lahat, huwag nang ungkatin at sariwain ito kahit ipagkait ang sagradong katotohanan sa uhaw na sambayanan at, higit sa lahat, patawarin na lamang ang anumang kasalanan ni La Gloria, ng mga Garcillano at Lintang Bedol, ng mga Esperon at iba pang opisyal ng militar na nabanggit sa “Hello Garci” na, batay sa nilalaman niyon, lumililitaw na pawang kasangkot sa maanomalyang eleksiyon ng 2004.
Sagrado pa rin nga ang katotohanan kahit sinasabing ilegal ang “wiretapping” na isinagawa ng grupo ni Vidal Doble, dating sarhento ng ISAFP (Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines), para madinig at mailagay sa “tape” ang usapan noon nina La Gloria at Garcillano kaugnay ng “karagdagang isang milyong boto” na, kung tutuusin, ay nagpanalo kay La Gloria laban sa yumaong si Fernando Poe, Jr. noong 2004.
Kahit nga pinakamahalaga ang katotohanan higit sa lahat, bakit, kung gayon, pinipilit ng Malakanyang na huwag nang uriratin ang “Hello Garci” at nagkukubli ito sa likod ng hungkag na retorika’t teknikalidad? Matatandaan, dahil sa naturang “tape,” sumidhi ang malawakang mga demonstrasyong humihinging umalis na sa poder si La Gloria noong 2005. Dalawa ding kasong “impeachment” ang iniharap laban sa kanya sa Kongreso (2005 at 2006) na agad na naibasura – at naikubli ang sagradong mga katotohanan – dahil sa puspusang pagmamaniobra ng himod-pundilyo niyang mga basalyos sa Kamara. Nagbunsod din ito, nang malaon, ng pagrerebelde ng grupong Magdalo. At, bunga ng mga pagdududang nandaya nga siya para lamang manalo, lumagabog tuloy nang husto ang kanyang kredibilidad.
Hanggang ngayon, itinatanong tuloy ng malawak na sektor ng sambayanan kung lehitimo ngang Presidente o hindi si La Gloria. Kung bubusisiin na naman ang “Hello Garci” at mapatutunayang nandaya nga siya noong eleksiyon ng 2004 – at tiyak na ikinababahag ito ng kanilang buntot – wala nga siyang karapatang patuloy na mamatnugot sa bansa at sabihing “may bansa akong dapat pamahalaan, may mga terorista akong dapat labanan, may kapayapaan akong dapat makamit” at lalong hindi niya dapat iduyan sa ilusyon ang sambayanan na ihahatid niya ang Pilipinas sa daigdig ng mauunlad na mga bansa o First World sa malapit na hinaharap.
Natural, sa anumang larangan – lalo na nga kung mga opisyal pa ng pamahalaan ang nasasangkot – dapat parusahan ang anumang pandaraya’t katiwalian upang masugpo’t hindi na tularan. Pero, sa takbo ng mga pangyayari, sapagkat ang kabaluktutan ng isip at kawalang-katarungan ang naghahari sa lipunan, ang mga tiwali’t kalaban pa ng katotohanan ang naglulublob sa glorya’t kapangyarihan.
“HELL-o Garci.”
“HELL-o Gloria.”