(Editoryal)
MALUPIT, walang konsensiya, at manhid ang umiiral na balintunang lipunan sa buhay at kinabukasan ng karaniwang magsasakang patuloy na umaasa sa katuparan ng tunay na reporma sa lupa. Batay sa kasaysayan, nagsimula ang lahat sa panahon pa ng kolonyalismong Kastila nang kamkamin ng mga prayle ang malalawak na lupain sa bansa kaya nagkaroon ng mga asyendang umalipin at nagtanikala sa lupa sa uring magsasaka na nagbunsod noon ng maraming rebelyon na humantong, nang malaon, sa Rebolusyong 1896.
Hindi mapapasubalian, problemang agraryo rin ang isa sa pangunahing mga dahilang nagpalakas sa rebelyon ng mga Huk sa Gitnang Luson noong dekada ’50 at, sa kasalukuyan, ito rin ang mitsa ng mga paghihimagsik sa iba’t ibang dako ng kapuluan ng mga mamamayang wala ni isang dangkal na lupang maaaring bungkalin at mapagkunan ng pantawid-gutom.
Matatandaan, nang pinatatalsik sa poder ang diktadurang Marcos, tumataginting na ipinangako ni dating Presidente Corazon C. Aquino na lubusan niyang ipatutupad ang reporma sa lupa pero, nang maluklok na siya sa Malakanyang, inilibing niya sa limot ang pangakong iyon, gayundin ang kinabukasan ng uring magsasaka. Hanggang ngayon, umaalingawngaw sa 6,000 ektaryang Hacienda Luisita ang daing at panaghoy sa pamilya Aquino ng kanilang mga magsasaka.
Ilang buwan pa nga lamang noon sa kapangyarihan si Tita Cory, mga punglo ng armalite – hindi bigas – ang ipinalamon ng kanyang rehimen sa nagdemonstrasyong mga magsasakang mula sa Timog Katagalugan. Dinilig nga ng dugo ng mga iyon ang mainit na aspalto ng Mendiola sa halip na naiukol ang kanilang pawis sa bukiring hinihingi nilang maging kanila. At ilang buhay na ba ang ibinuwis ng mga magsasaka sa asyenda nina Tita Cory marinig lamang maging ng hangin ang namamaos na nilang mga karaingan? Sabi nga, ilang supot lamang ang hinihingi nila sa tone-toneladang asukal na mula sa tubuhang dinilig ng pawis nila’t dugo.
Higit na masama, nasalamangka pa ng mga asendero ang CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program), sinalaula ang batas, at ginawang korporasyon ang kanilang mga asyenda upang hindi masakop ng reporma sa lupa. Ginawa ito sa Hacienda Luisita sa Tarlak, naunang ginawa sa libu-libong ektaryang lupain ni Danding Cojuangco sa Negros, at ganito rin yatang tusong taktika ang ginawa sa Hacienda Velez-Malaga at sa iba pang mga asyendang patuloy na nagiging libingan ng mumunting pangarap, at mismong buhay, ng mga magsasaka.
Sapagkat mga kapitalista’t asendero ang karamihan sa pambansang liderato, at sila ang naghahari-harian sa pambansang pulitika’t ekonomiya, waring imposible na ngang marinig nila ang karaingan ng uring busabos at dayukdok tungo sa ikapagkakaroon ng tunay na hustisya sosyal at lipunang maunlad at makatao. Nilumot na nga sa pintuan ng Malakanyang, noon pa mang nagdaang mga rehimen, hanggang sa kasalukuyan, ang hinaing ng mga magsasaka’t iba pang kauri nilang binubusabos ng mga diyus-diyosan sa lipunan.
Sa ilalim ng kasalukuyang rehimen, kinakailangan pang maglakad, tiisin ang pagod at gutom, noon pang Oktubre 10, mulang Sumilao, Bukidnon, papuntang Malakanyang (1,700 kilometro ang layo) ng 55 magsasaka ng tribong Higaonon – 15 ang babae – para hilingin kay Presidente Gloria Macapagal-Arroyo na maibalik sa kanila ang 144 na ektaryang lupaing katutubo na ipinagkaloob na ng Kagawaran ng Repormang Pansakahan o DAR sa 137 nilang miyembro noon pang 1997. Pero, matapos pagtibayin ng pamahalaan ang kahilingan ng pamilya ni Norberto Quisumbing, Sr. na gawing agro-industriyal ang nasabing lupain, agad na binawi iyon ng gobyerno sa mga magsasaka at ibinalik sa naturang pamilya.
Sa Disyembre 10 pa – Pandaigdig na Araw ng Karapatang Pantao – nakatakda silang dumating sa Malakanyang. “Kung di makikipagkita sa amin si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo,” sabi ni Samuel Merida, presidente ng Mapalad Cooperative, “hindi kami titigil ng pagmamartsa sa paligid ng Malakanyang. Magpapatuloy kami hanggang makamit namin ang katarungan sa aming pakikibaka. Walang makapipigil sa aming pagmamartsa. Sinimulan namin ang pagmamartsang ito bilang pakikiisa sa iba pang mga magsasakang nangangarap na magkaroon ng sariling lupang masasaka.”
Malinaw na madamdaming nailarawan ng martsang ito ng mga magsasakang Higaonon ang marawal na kalagayan ng milyun-milyong magsasaka sa buong bansa na malaon nang binabansot ng pambansang liderato’t uring asendero ang mumunti nilang mga pangarap. Sapagkat kontra-maralita ang programa’t patakaran ng naghaharing rehimen – bagaman laging ipinangangalandakan nito ang diumano’y kapakanan ng mahihirap na mamamayan – ano, kung gayon, ang naghihintay sa nagmamartsa pang 55 magsasakang Higaonon pagdating nila sa Mendiola pa lamang sa Disyembre 10?
Sana’y masaganang bigas (hindi mga punglo ng armalite), at sariling lupang masasaka (hindi aspaltadong libingan) – tulad noong nangyari sa panahon ni Tita Cory – ang naghihintay sa kanila sa pinto ng Malakanyang. Martsa ba ito ng kamatayan o pag-asa?