(Editoryal)
MATAPOS ipahayag ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo noong nagdaang Huwebes sa Lungsod ng Masbate na kinakatigan niya ang binabalak na panukalang-batas ni Rep. Jose Solis ng Sorsogon na buhayin ang kalansay nang RA 1700 o Batas Kontra-Subersiyon, pinutakti na siya ng maalab na mga pagtuligsa mula sa iba’t ibang sektor ng lipunang mapagmahal sa kalayaan at mga karapatang sibil.
Maaalaala, pinagtibay ang RA 1700 noong 1957 sa kasagsagan ng rebelyon ng mga Huk. Itinadhanang ilegal ang PKP (Partido Komunista ng Pilipinas), at isang krimen na ang maging kasapi nito, gayundin ang anumang pakikipag-ugnayan sa naturang partido. Walang habas na inabuso ito ng rehimeng diktatoryal ni Marcos, marahas at malupit na ginamit laban sa mga kalaban sa pulitika at pinaghihinalaan pa lamang na mga Komunista, kaya marami ang basta na lamang ikinulong ng pasistang rehimen, pinahirapan, pinatay, at nawawala hanggang ngayon. Nang malaon, idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang nasabing batas dahil sinisikil nito ang kalayaan sa pamamahayag at iba pang mga karapatang sibil.
Sa ilalim ng rehimeng Ramos, pinawalang-saysay ng RA 7636 ang RA 1700 noong 1992. Kinilala nang legal ang PKP, gayundin ang pagiging miyembro sa gayong organisasyon, liban sa armadong mga nakikibaka laban sa gobyerno. Gaya ng iba pang partidong pampulitika, hinikayat pang makilahok sa larangang parlamentaryo ang nasabing partido, inakit na kumandidato ang mga miyembro o kinatawan nito sa bawat eleksiyon upang maisulong – sa mapayapang paraan – ang kalayaan sa paniniwala at pinapangarap na pambansang mga pagbabago lalo na para sa kapakanan ng masang sambayanan.
Sapagkat parang nabanlian ng kumukulong tubig ang kamay ni La Gloria nang sabuyan agad ng mga protesta ang pagkatig niya sa ideya ni Rep. Solis na paghariin na naman sa bansa ang mapanikil na RA 1700, agad ngang ipinangalandakan ni Sekretaryo Ignacio Bunye, tambolero ng Malakanyang – sa pamamagitan ng dispalinghadong retorika – na “hindi personal na ninanais ni Presidente Arroyo na muling buhayin” ang naturang batas. Ayon kay Bunye, sinabi ni La Gloria na kung magpapasok si Solis ng gayong panukalang-batas para labanan ang rebelyon – lalo na ang halos apat na dekada nang rebolusyonaryong pakikibaka ng CPP-NPA – “okey iyon sa akin kung okey sa Kongreso.”
Sa anumang punto tingnan, may malabnaw na utak na lamang marahil ang maniniwalang hindi gusto ni La Gloria at ng kanyang mga basalyos at kauri – tulad unang-una ni Hen. Hermogenes Esperon, hepe ng estado mayor ng Hukbong Sandatahan – na muling paghariin sa bansa ang malupit at malagim na panahon ng diktadurang Marcos na walang patumanggang sumalaula sa sagradong kalayaan at mga karapatang sibil ng sambayanan sa layunin diumanong durugin ang anumang rebelyon nang sa gayon, sa kabilang banda, makapangunyapit naman sa nakababaliw na kapangyarihan ang mga kinauukulan. Sabagay, kung tutuusin, nariyan na nga ang patuloy na mga pagpatay na pampulitika, ang paninikil at pagsalaula sa lehitimong mga karapatang sibil ng mga mamamayan sa iba’t ibang pagkakataon kahit sagradong ginagarantiyahan iyon ng umiiral na Konstitusyon.
Kung tunay ngang ninanais ng pambansang liderato ang pambansang kapayapaan at kaunlaran, makabubuti marahil na magbalik-tanaw sila at suriin ang mga aral ng kasaysayan. Hindi nasugpo ng alinmang batas, gaano man kahigpit at kalupit, ang mga rebelyon sa maraming bansa at, malinaw na halimbawa, sa mismong Pilipinas, pinatunayan na ito ng pag-iral ng RA 1700 mulang 1957 hanggang sa ilalim ng diktadurang Marcos na nagpaalab pa, kung susuriin, sa rebolusyonaryong mga pakikibaka.
Sabi nga, magpapatuloy ang mga rebelyon hanggang laganap ang karalitaan at inhustisya sa ilalim ng anumang rehimen, hanggang abusado sa kapangyarihan at naglulublob sa pribilehiyo at kontrolado ng mga naghari-harian sa lipunan ang pambansang pulitika’t ekonomiya sa kapinsalaan ng masang sambayanan. Magpapatuloy ito hanggang itinatanikala sa lupa ng mga propiyetaryo’t asendero ang mga magsasaka, at binubusabos nang husto ng mga kapitalista ang kanilang mga manggagawa sa iba’t ibang pabrika’t empresa.
Hindi masusugpo ng RA 1700 o anumang batas ang mga rebelyon hanggang inutil ang Estado na maipagkaloob sa mga mamamayan ang pangunahing mga pangangailangan (pagkain, lupa at mga pabahay, mga ospital at mga paaralan, trabaho at makatarungang suweldo). Magpapatuloy ang mga rebelyon hanggang patuloy lamang ginagatasan ng Estado ang sambayanan sa pamamagitan ng pagpapataw ng sobra-sobrang mga buwis para mapalamon at mabundat lamang ang mayayaman at may madambong ang tiwaling mga opisyal ng gobyerno habang, sa kabilang banda, usad-pagong ang katarungan at, kung kumilos man, kalimitang pumapabor pa sa uring mapagsamantala’t makapangyarihan at, higit sa lahat, naglilingkod pa sa dayuhang interes ang pambansang liderato at, sa ngalan ng makasariling kapakanan, ibinibenta pa ang pambansang kasarinlan at kinabukasan.
Sa maikling salita, hindi mapanikil na batas, kundi hustisya sosyal o katarungang panlipunan ang mabisang sandata laban sa rebelyon kung nais din lamang ng mga kinauukulan ang isang mapayapa, makatao, demokratiko at maunlad na bansa.