HALATANG-HALATANG natataranta si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo at kapit-tuko niyang mga basalyos nang magkakasama silang maglakad sa bakuran ng Malakanyang upang ipamalas sa publiko ang diumano’y kanilang pagkakaisa sa kabila ng umalingasaw sa katiwalian na $329-M kontratang ZTE-NBN at pagdampot ng mga ahente ng gobyerno, kaugnay nito, kay Engr. Rodolfo Noel Lozada, Jr. pagbaba pa lamang sa eroplano mulang Hongkong upang mahadlangan ang pagtestigo nito sa Senado.
Nang lumaganap at mag-alab ang matinding protesta ng iba’t ibang sektor ng lipunan hindi lamang sa Kamaynilaan, kundi maging sa halos lahat ng rehiyon ng bansa, at hinihiling na “patalsikin na si Gloria,” inorganisa naman ng Malakanyang ang kaalyado nitong mga gobernador at alkalde upang itambol sa sambayanan na “ganap ang pagsuporta” nila sa administrasyong Arroyo. Tinapatan at kinontra din ng Malakanyang ang idinaos na mga misa sa La Salle at Ateneo para kay Lozada at naglibot pa sa mga kampo-militar si Hen. Hermogenes Esperon, Jr., hepe ng estado mayor ng AFP, upang tiyakin lamang ang katapatan ng mga sundalo sa Reyna ng Malakanyang.
Bukod sa kung anu-anong panggigipit kay Lozada at asawa nito, pinalitaw pagkatapos sa estasyon ng telebisyon na pag-aari ng gobyerno ang isang Erwin Santos, OIC ng Phil. Forest Corp., para ibunyag ang mga katiwalian diumano ni Lozada sa naturang korporasyon nang ito pa ang presidente niyon. Pero, sa kabila ng pagsisikap ng mga tambolero’t propagandista ng rehimen na piringan ang mata ng publiko, lumitaw na lalong sumidhi lamang ang pagnanasa nitong makita ang maliwanag na katotohanan sa likod ng mga anomalya’t eskandalong kinasasangkutan ng naghaharing rehimen.
Hindi lamang ang katiwalian sa ZTE-NBN at pagkidnap kay Lozada ang itinatanong ngayon ng mulat at namumulat na mga mamamayan. Gusto rin nilang linawin nang husto ng rehimen ang “Hello Garci,” mga kontratang Northrail at Southrail, Mega Pacific at Piatco, gayundin ang P728-M “fertilizer scam” ng isang Joc-joc Bolante, bukod sa iba pang nangalingasaw na mga transaksiyon. Bakit, tanong nila, nagbitiw sa tungkulin bilang presidente ng PNOC si Eduardo Manalac (dahil ayaw matulad kay Bolante) nang atasan ito diumano ni dating Sekretaryo Romulo Neri ng NEDA na magpalabas ng P500-M para sa pagtatanim ng jatropha, bukod sa P500-M ding hiningi sa National Development Corp. , at inilipat pagkatapos ang P1-B iyon sa kamay ng Phil. Forest Corp. sa ilalim noon ni dating Sekretaryo Mike Defensor bago mag-eleksiyon noong 2007?
Ano na ang nangyari, tanong pa ng publiko, sa P800-M paunang-bayad ng Comelec sa Mega Pacific para sa kontrobersiyal na kontrata kaugnay ng ACM (automated counting machines)? Saan napunta ang taunang P254-M para sa mga kasangguni ng DAR (Dept. of Agrarian Reform)? Saan naroroon ang nawawalang P20-M sa nabawing ilang yaman ng mga Marcos? Saan talaga ginasta ang P5-B para sa Tanggapan ng Pangulo at may di pa nga yatang nalilikidang P77-M? Saan talaga ginugol ang P650-M pondo sa paniniktik? Nalinaw na ba ang kuwenta, halimbawa, ni Sekretaryo Norberto Gonzales, tagapayo sa pambansang seguridad, ang “cash advance” niyang P138.7-M?
Natural, isang garapal na katiwalian ang pagwawaldas sa salapi ng bayan kaya, nitong huli, ipinahayag ni La Gloria – bilang pagtatanggol-puri – na kinansela niya ang kontratang ZTE-NBN nang malaman niyang may katiwalian. Nalaman niya iyon noong sinundang gabi pero pinirmahan pa rin niya kinabukasan sa Hainan, China noong Abril 2007. Kinansela lamang niya iyon noong Oktubre 2, 2008 makaraan nga ang limang buwan, at maaaring hindi nga kinansela kung hindi ibinunyag ni Joey de Venecia ang sinasabing mga katiwalian na pinatibayan pa, nang malaon, ng mga pahayag ni Lozada.
“Patalsikin si Gloria! Pahirap sa masa!” isinisigaw nga ng mga nagpoprotesta.
Sa punto tuloy ni Presidente Manuel Villar ng Senado, matibay na batayan ng panibagong kasong “impeachment” ang pag-amin ni La Gloria na pinirmahan pa rin niya — kahit alam niyang may katiwalian – ang naturang kontrata bagaman kinansela niya iyon nang malaon. Pero, sa kabilang banda, dahil hawak sa pundilyo ng Malakanyang ang mayorya ng Kamara dahil sa kalansing ng pera, natural lamang na muling mabasura ang kaso gaya ng tatlong naunang “impeachment” na itinapon lamang sa poso negro ng pulitika. Nalusutan na rin ni La Gloria ang tatlo ring pagrerebelde ng ilang grupong militar.
Sapagkat maliwanag na ang sambayanan pa rin ang may ultimong kapangyarihang magpasiya, at lumilitaw na hindi na basta-basta mahahadlangan ng Malakanyang sa pamamagitan ng mga propaganda’t buladas o mapanikil na mga hakbang ang dumadambang mga alon ng protesta laban sa mga katiwalian ng naghaharing rehimen, sa butas na ng karayom – sabi ng mga kritikong pampulitika – lulusot si La Gloria ngayon upang manatili siya sa glorya. Makatuwiran nga lamang ang sinabi noong 1700 ni Francois Marie Arouet o Voltaire – pilosopo-manunulat na Pranses na nakilala’t napabantog bilang tagapagtanggol ng karapatang pantao – na “banal na karapatan ng mga mamamayan na ibagsak at palitan ang anumang pamahalaang hindi na makatugon sa mga pangangailangan at kapakanan ng sambayanan.”
Sa butas na nga ba ng karayom lulusot si La Gloria?