Feeds:
Posts
Comments

Archive for March, 2008

Gasgas Nang Buladas



(Editoryal)

GARAPAL at matinding panlilinlang sa sambayanan ng umiiral na rehimen – at nakaugalian na ito  – ang pahayag kamakailan ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo sa Mabalacat, Pampanga na “hindi kukulangin sa bigas” ang bansa sa kabila ng pagbagsak ng pandaigdig nitong suplay at pagtaas ng presyo.  Gaya lamang ito ng paulit-ulit na pangangalandakan ni La Gloria na “patuloy na sumusulong ang ekonomiya at nababawasan ang karalitaan” sa kapuluan  kaya,  natural, sa ilalim ng kabisote  niyang liderato at  mailusyong  diwa, tuluy-tuloy diumano ang pambansang kaunlaran at  maihahatid niya sa piling ng mauunlad at industriyalisadong mga bansa sa malapit na hinaharap ang kanyang Matatag na Republika.

       Maliwanag naman, sa kabilang banda, batay sa estadistika, naging 27% mulang 24% buhat noong 2003 hanggang 2006 ang maralitang mga pamilya sa bansa at, kung sumulong man ang ekonomiya, ilang mandurugas lamang sa lipunan ang nakikinabang habang  nananatiling may bulser (kanser sa bulsa) ang nakararaming masang sambayanan.    Batay naman sa dalawang dokumentong nakuha ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas) mula sa NFA (National Food Authority) at Kagawaran ng Agrikultura, parang bagyong hindi maiiwasan ang krisis sa bigas na nakaamba sa bansa kaya, ngayon pa lamang, nananawagan na sa Malakanyang sina Sen. Mar Roxas at Loren Legarda na pag-aralan at paghandaan ito. 

          Noon pa mang Pebrero 11, 2008, humingi na ng pahintulot mula sa Lupon ng NFA ang administrador nitong si Jessup P. Lopez upang bumili sa ibang bansa ng 500,000 metriko toneladang bigas at, noong Pebrero 27, sa pamamagitan ng isang memorandum, ipinaliwanag ni Sekretaryo Arthur Yap ng Agrikultura kay La Gloria ang hinaharap na kakulangan sa bigas ng mundo.  Isang malaking kahangalang ipinayo pa nito tuloy kamakailan  sa mga mamamayan na sa halip na isang tasang kanin ang kainin, gawin na lamang itong kalahati.  Sikmura nga ng publiko ang nirerendahan gayong sa kabilang banda, walang habas naman ang pandarambong sa pera ng bayan sa napakatiwali na’t umaalingasaw na burukrasya.

              Ano ngayon ang buladas at palabas ng Malakanyang na walang krisis sa bigas na nakaamba sa bansa?

              Una, itinigil na ng Vietnam ang eksportasyon  ng bigas at  isang milyong metriko tonelada na  lamang, sabi ng mga opisyal nito,  ang kaya nitong ibenta sa Pilipinas  Tinatayang hanggang 4.5 milyong metriko tonelada ang aanihin lamang nito sa Abril, 50-M MT ang Indonesia at 6-M MT ang Thailand na, kung tutuusin, hindi kayang sumuporta sa kailangang bigas ng ibang mga bansa sa rehiyon.    Idagdag pa nga ang prediksiyon ng PAG-ASA  na, hanggang Hunyo, limang bagyo ang inaasahang mananalasa sa bansa – bukod sa mga pagbaha sa Gitnang Luson na lamang — na tiyak na pipinsala sa agrikultura. 

      Paano, kung gayon, matutugunan ang pangangailangang bigas ng bansa?  Batay sa pagsusuri, 120 kilong bigas – kung kumakain pa nang ayos at may ibibili pa  – ang kunsumo ng isang Pilipino sa loob ng isang taon.

     Hindi nga gasgas nang mga buladas ng naghaharing rehimen para lamang makapangunyapit sa kapangyarihan  ang lunas sa krisis na itong kinakaharap ng bansa.  Sikmura ng bayan – lalo na ng masang sambayanan – ang pangunahing nakataya dito.  Sabi nga, tumaas man nang tumaas ang presyo ng langis at pamasahe, kaya pang maglakad ng ordinaryong mga mamamayan; tumaas man nang tumaas ang presyo ng elektrisidad, kaya pa nilang mag-ilaw ng gasera o magtiis sa dilim ng gabi pero, kapag sikmura na nila ang pinipilipit ng gutom, baka kainin na nila maging si La Gloria at iba pang pinagpala’t   naghahari-harian sa lipunan.

         Ayon nga kay Rep. Rafael Mariano ng Anakpawis at pangulo ng KMP,  tapal-tapal lamang na parang “band-aid” ang ginagawang solusyon  ng Malakanyang sa problemang ito.  Hindi nga lubusang malulutas ang paulit-ulit na krisis sa bigas sa pamamagitan ng paulit-ulit ding importasyon nito.    Nararapat lamang, ayon sa kanya, na pag-aralang mabuti kung paano wastong magagamit ang mga lupain at, kung maaari, iukol ang malaking bahagi para pagtamnan ng palay.  Isa pa, dapat na ring ibasura ang pagpapahintulot sa dayuhang mga korporasyon na gamitin ang malalawak na lupain sa bansa, lalo na ang hawak ng China,  Japan at Amerika.  Panahon na ring buwaging ganap ang mapagsamantalang kartel ng bigas sa Binondo at, higit sa lahat, ipatupad ang tunay na reporma sa lupa para mapaunlad hindi lamang ang produksiyon ng palay kundi ang mismong miserableng buhay ng mga magsasaka at ng kani-kanilang pamilyang matagal nang itinanikala ng mga asendero’t propiyetaryo ang buhay at kinabukasan sa ilalim ng mapambusabos na sistema.

         Sa kabila ng malinaw na reyalidad, at sensitibong problema  ng bansa sa bigas – bukod sa nandudumilat,   hanggang ngayon,  na krisis pampulitika’t pang-ekonomiya – lubha ngang napakabalintunang nagkukubli pa rin ang mga makapangyarihan sa likod ng gasgas nang mga buladas o tandisang kasinungalingan sa halip na gumawa ng kongkretong mga hakbang upang puspusang makabayang  harapin at lunasan ang pambansang mga problema.  Ngayon pa nga lamang, ipinahihiwatig na ng mga senyales sa lipunan  na lubhang maselan ang kinakaharap ng bansa na krisis sa bigas. 

    Sabi nga,  batay sa mga aral ng kasaysayan,  walang kinikilalang batas ang hungkag na mga sikmura.

Advertisement

Read Full Post »



(Lathalain)

MAGPAHANGGANG NGAYON, pinagtatalunan pa ng mga eskolar kung nararapat kilalanin o hindi si Rizal bilang ating pambansang bayani. Sa ibang mga bansa, ayon sa mananalaysay na si Renato Constantino, itinanghal na pambansang bayani ang mga naging lider ng kani-kanilang rebolusyon gaya, halimbawa, ni George Washington ng Amerika, ni Lenin ng Rusya, ni Ho Chi Minh ng Vietnam, ni Simon Bolivar ng Timog Amerika, at nina Sun Yat-sen at Mao Tse-tung ng Tsina. Ngunit, sa ating bansa, ayon pa rin sa kanya, “ang ating pambansang bayani ay hindi naging puno ng rebolusyon. Sa katunayan, itinakwil niya ang rebolusyon. Walang pasubali niyang tinutulan ang kilusan nina Bonifacio at ng mga Pilipinong nakibaka upang matamo ang pambansang kalayaan.”

Maaalaala, nang hulihin si Rizal noong Hulyo 6, 1892 at ipatapon sa Dapitan dahil sa pagkakatatag niya ng La Liga Filipina, at nang sadyain siya doon nang malaon ni Dr. Pio Valenzuela upang himuking maging pandangal na tagapangulo ng Katipunan, mahigpit na tinanggihan ni Rizal ang alok na iyon. Hindi ba sang-ayon si Rizal na kailangang makamit ang pambansang kalayaan sa pamamagitan ng himagsikan? O naniniwala kaya siya na hindi pa handa noon ang sambayanan?

Nang sumiklab noong Agosto 23, 1896 ang himagsikan ng Katipunan sa pamumuno ni Andres Bonifacio, maaalaala rin na nagboluntaryo si Rizal na maging doktor ng hukbong Kastilang nakikidigma noon sa Cuba. Ngunit nang papunta na siya roon, muling ipinadakip ng mga prayle at ng mga awtoridad na Kastila si Rizal. Batay sa manipestong ipinalabas niya noong Disyembre 15, 1896, tinuligsa niya ang himagsikan at ang Katipunan.

Ipinahayag niya:

“Sa simula pa lamang nang mapansin ko ang binabalak, tinutulan ko ito, kinalaban ko ito, at ipinakita ko na ang kilusang ito ay tiyak na hindi magtatagumpay. At higit pa rito, nang ilunsad pa rin ang kilusang salungat sa aking payo, kusa kong inihandog hindi lamang ang aking mabuting pakikitungo kundi ang aking buhay at pati na rin ang aking pangalan upang ito’y magamit sa anumang paraang makasusugpo sa paghihimagsik. Dahil sa ako’y naniniwala na magdudulot lamang ito ng maraming kahirapan, ipinalagay ko na isang kapalaran ko kung sa kabila ng anumang pagpapakasakit ay mahadlangan ko naman itong mga walang kabuluhang kapahamakan. Sumulat din ako, at inuulit ko ito, na ang mga reporma ay dapat magmula sa itaas, at ang mga repormang magmumula sa ibaba ay nakakamit nang pabaluktot, di maaasahan, at walang katiyakan.

“Sa ganitong paniniwala, hindi ko maiiwasan ang sumpain at isinusumpa ko itong himagsikang ito na itinuturing kong baligho, malupit at binalak na lingid sa aking kaalaman, isang paninirang-puri sa ating mga Pilipino at inilalagay sa alinlangan ang lahat ng maaaring magtanggol sa ating layunin. Kinasusuklaman ko ang salaring pamamaraang ito at itinatatwa ko ang anumang pakikisali rito. Buong pusong kinahahabagan ko ang mga walang kabatiran na nalinlang upang sumanib sa kilusang ito.”

Bakit ganoon ang pahayag ni Rizal? Bakit hindi niya ikinatuwa na nagising na rin ang sambayanan, kagaya ng gusto niyang mangyari sa kanyang mga nobelang Noli at Fili, at naghimagsik na sa wakas upang putulin ang tanikala ng pagka-alipin sa ilalim ng kolonyalismong Kastila? O naniniwala kaya si Rizal, sa pamamagitan ng nabanggit na manipesto, na maililigtas niya ang kanyang sarili sa mga Kastila? Higit na maituturing natin siyang bayani kung inihandog niya ang kanyang sarili na maging doktor ng mga Katipunero kaysa maging manggagamot ng mga sundalong Kastilang nakikidigma noon sa Cuba.

Ano nga kaya ang ideya ni Rizal tungkol sa pambansang kalayaan? Kung tinutulan niya ang pagkakamit ng kalayaan sa pamamagitan ng rebolusyon, ano kaya ang ipinalalagay niyang tamang pamamaraan upang makamit noon ng Pilipinas ang kalayaan? Ang mga ideya kaya niya hinggil sa kalayaan ay angkop pa sa ating panahon?

Kung hindi nga naging lider ng rebolusyon si Rizal, bakit siya itinanghal na pambansang bayani?

BAGAMAN hindi mapapasubalian ang mga dakilang katangian ni Rizal, gayundin ang marubdob niyang pagmamahal sa kanyang bayan at ang pagiging martir dahil sa pagmamahal na ito, lumilitaw na ang mga Amerikano ang nagproklama sa kanya upang maging pambansang bayani ng Pilipinas.

Batay sa kasaysayan, nang sakupin tayo ng mga Amerikano, iminungkahi noong 1901 ni Gobernador Heneral William Howard Taft sa Philippine Commission na kailangang humirang ng pambansang bayani ang ating bansa. Kinabibilangan ng tatlong ilustradong Pilipino ang naturang komisyon – sina Pardo de Tavera, Benito Legarda, at Jose Luzurriaga.

Sa librong “Between Two Empires” ni Theodore Friend, sinabi ni Taft: “Kasama ang ilang pinunong Amerikano at ilang reaksiyonaryong Pilipino, pinili si Rizal bilang huwarang bayani higit sa ibang katimpalak.” Hindi pinili ng naturang komisyon si Hen. Emilio Aguinaldo sapagkat lubha raw mapanlaban; masyado daw namang radikal si Andres Bonifacio; at lubha daw namang suwail si Apolinario Mabini. Matapos ngang mapili si Rizal, ipinalabas ng Philippine Commission ang Batas Blg. 137 na nagtadhanang ang Morong ay panganlang lalawigan ng Rizal; sinundan ito ng Batas Blg. 243 na nagpahintulot na magkaroon ng pambansang abuluyan upang maipatayo ang monumento ni Rizal sa Luneta; at ang Batas Blg. 345 na nagtadhanang maging pista opisyal ang Disyembre 30, araw ng kamatayan ni Rizal.

Sa aklat namang “The Philippine Island” ni W. Cameron Forbes, malinaw na isinulong nang husto ng mga Amerikano ang pagiging pambansang bayani ni Rizal. Sinabi ni Forbes: “Tunay na karapatdapat na kilanlin si Rizal bilang pambansang bayani ng bayang Pilipino. Idinulot lahat ng pamahalaang Amerikano ang maaaring itulong sa pagpaparangal na ito. Ipinagdiriwang ang araw ng kanyang kamatayan, inilagay ang kanyang larawan sa selyong karaniwang ginagamit sa kapuluan, at sa salapi… at itinuturo sa mga bata sa pambayang paaralan sa lahat ng dako ng kapuluan na igalang siya na pinakadakila sa lahat ng mga bayaning Pilipino. Idinagdag pa ni Forbes na “si Rizal ay di kailanman nagtaguyod sa kasarinlan at hindi rin niya sinang-ayunan ang armadong pakikipaglaban sa pamahalaan. Iginiit niya ang pagbabago mula sa loob sa pamamagitan ng propaganda, pangmadlang edukasyon at pagpukaw sa budhi ng bayan.”

Malinaw, kung gayon, na gusto ng mga Amerikano na hindi marahas at kontra rebolusyon ang ating maging pambansang bayani, hindi kagaya nina Bonifacio at Mabini na ang mga ideyang rebolusyonaryo ay salungat sa patakarang kolonyal ng Amerika. Sapagkat binibigyang-diin ni Rizal sa kanyang mga akda ang kahalagahan ng edukasyon tungo sa ikapagkakaroon ng isang bansang malaya, ang ideyang ito ni Rizal ang ginamit ng mga mananakop na Amerikano sa kanilang mga layuning kolonyal.

Batay sa naturang mga punto, maitatanong natin ngayon:

Angkop pa kaya sa ating kasalukuyang panahon o lipunan ang mga ideya ni Rizal tungo sa kalayaan at kasarinlan? Kung susundan natin ang kanyang mga ideya, magiging ganap na malaya kaya at nagsasarili ang ating bansa? At kung hindi na angkop ang kanyang mga ideya, ano ang nararapat namang gawin kaya ng sambayanang Pilipino? Ano nga ba ang ideya ni Rizal tungkol sa kalayaan? Ito ba’y nangangahulugang isang bansang may kasarinlan?

SA PANAHON ng Kilusang Propaganda na kinatawan nina Rizal, Lopez Jaena, Marcelo H. del Pilar at ilan pang Pilipinong nasa Espanya noon, makikitang hindi ang paghiwalay ng Pilipinas sa kandungan ng Espanya ang kanilang hinihingi kundi mga reporma lamang sa pamamahala ng gobyernong Kastila sa Pilipinas. Hiniling nila na pagkalooban ng pantay na karapatan ang mga Pilipino kagaya ng mga karapatang pampulitika at pangkabuhayang tinatamasa noon ng mga Kastila sa Pilipinas. Hiniling nila na bigyang pagkakataong humawak ng mataas na puwesto sa gobyernong Kastila ang mga Pilipino, kagaya ng pagiging kinatawan sa Cortes o Kongreso ng Espanya. Higit sa lahat, kung maaari, maging probinsiya, hindi kolonya, ng Espanya ang Pilipinas.

Nang hindi maibigay ang mga repormang nabanggit, marahil si Marcelo H. del Pilar lamang ang ganap na naniwala, batay sa isa niyang liham kay Andres Bonifacio, na talagang kailangan nang maghimagsik ang sambayanan upang putulin ang tanikala ng pagkaalipin ngunit, ayon kay Renato Constantino, “isinumpa ni Rizal ang Rebolusyon sapagkat bilang isang ilustrado, likas niyang minaliit ang lakas at katalinuhan ng masa. Naniniwala siya na ang kalayaan ay hindi isang pambansang karapatan kundi isang bagay na ipinagkakaloob sa karapat-dapat tulad ng medalya para sa mahusay na ugali.” Ang kalayaan diumanong hinihingi ni Rizal, ayon pa rin kay Constantino, ay “yaong kalayaan lamang na kailangan ng piling uri upang umunlad ang kanilang kabuhayan at hindi inakala ni Rizal na ang pampulitikang kasarinlan ang siyang pangunahing kailangan bago natin makamit ang kalayaan.”

Sa kabanata 50 ng nobela niyang Noli Me Tangere, sa usapan nina Elias at Ibarra, maaaring ipinahiwatig ni Rizal ang pagtutol niya sa rebolusyon at pagbibigay-diin sa edukasyon para makamit ang kalayaan. Sinabi ni Ibarra: “At kung ang madlang taong iyan ay makikita kong may sandata ay pipiling ako sa pamahalaan at sila’y aking kakalabanin, sapagkat di ko aariing bayan ang madlang taong iyan. Ibig ko ang kanilang kabutihan, kaya’t nagtayo ako ng paaralan; hinahanap ko ang kabutihan niya sa pamamagitan ng pagdunong, sa unti-unting pagkakasulong; kapag walang liwanag ay walang landas.” Ngunit, ayon kay Elias, “kung walang kalayaan ay walang liwanag.”

Ganap na nilinaw ni Rizal ang tunggaliang ito ng paniniwala nina Elias at Ibarra tungkol sa kalayaan sa sinulat niyang manipesto noong Disyembre 15, 1896. Batay sa aklat na “Pride of the Malay Race” ni Ramon Ozaeta, sinabi ni Rizal: “Mga kababayan, nagbigay ako ng mga patunay higit kaninuman na pinakananasa ko ang kalayaan ng ating bansa, at ninanasa ko pa rin ito. Ngunit ipinalalagay kong pangunahing batayan ang edukasyon ng mga mamamayan upang sa pamamagitan ng edukasyon at pagsisikap, magkakaroon sila ng sariling personalidad at magiging karapat-dapat silang maging malaya.”

Samakatuwid, gusto ni Rizal na magkaroon muna ng edukasyon ang mga mamamayan bago maging malaya at naniniwala siyang ang edukasyon at kalayaan ay dapat na laging magkaugnay kagaya ng kanyang sinabi sa sanaysay niyang “Sobre la Indolencia de los Filipinos” na “kung walang edukasyon at kalayaan na siyang lupa at araw ng isang tao, walang repormang posibleng maganap, walang hakbang na magbubunga ng ninanasang resulta.”

Sa usapan naman nina Padre Florentino at Simoun sa huling kabanata ng El Filibusterismo, inamin ni Simoun na nagkamali siyang udyukan ang bayang maghimagsik, gayundin sa kanyang mga pamamaraan upang ilunsad ang rebolusyon, gaya ng pagpapalaganap ng katiwalian, kasakiman, kasamaan, at pagbulok sa lipunan. Lumilitaw tuloy na, sa punto ni Rizal, ang tamang paraan upang makalaya ang bansa ay ang mga binigyang-diin ni Padre Florentino:

“Hindi ko sinasabi na ang ating kalayaan ay matatamo sa pamamagitan ng dulo ng espada sapagkat hindi makabuluhan ang papel na ginagampanan ng sandata sa pangkasalukuyang pangyayari, kundi dapat muna tayong maging karapat-dapat sa pamamagitan ng pagdakila sa katalinuhan ng tao, sa pamamagitan ng pagmamahal sa katarungan, katuwiran at kadakilaan sukdulang ibuwis ang ating buhay – at kung marating na ng bayan ang tugatog na ito, ipagkakaloob ng Diyos ang sandata, mawawasak ang mga diyus-diyosan, madudurog ang paniniil, at sisikat ang kalayaan tulad ng unang bukang-liwayway.”

Naniniwala marahil noon si Rizal na hindi pa handa ang bayan sa pagyakap sa kalayaan at hindi pa iyon ang takdang panahon para maghimagsik ang sambayanan. Parang wala pang tiwala noon si Rizal na magagampanan ng sambayanan ang mga tungkulin para sa kalayaan kaya maging sa kanyang mga akda, nagtatalong lagi ang kanyang mga tauhan – halimbawa’y sina Elias at Ibarra, sina Simoun at Basilio, o sina Simoun at Padre Florentino – tungkol sa kung paano mapalalaya ang bansa. Gayunpaman, sa kabila nito, lumilitaw na pinag-isipan din ni Rizal ang paggamit ng lakas para makamit ang kalayaan. Makikita sa Noli at Fili na pabor sina Elias at Simoun sa paghihimagsik, gayundin sina Kapitang Pablo at Kabesang Tales, at iba pang mga pinag-uusig. Katunayan, batay sa aklat na “The First Filipino” ni Leon Ma. Guerrero, sa sulat ni Rizal na may petsang Hunyo 19, 1896 sa kaibigan niyang eskolar na Austrian na si Dr. Ferdinand Blumentritt, ipinahayag niya:

“Matitiyak ko sa iyo na hindi ko ninanais na makisangkot sa anumang binabalak na paghihimagsik na sa palagay ko’y hindi pa napapanahon at lubhang mapanganib. Ngunit kung itinutulak kami ng pamahalaan tungo doon, ang ibig kong sabihin ay kung wala nang nalalabing pag-asa kundi yakapin namin ang aming pagkawasak sa pamamagitan ng digmaan, kapag mamatamisin pa ng mga Pilipino ang mamatay kaysa pagtiisan pa ang kanilang mga kasawian at paghihirap, ako man kung gayon ay magpapanukalang gumamit ng marahas na pamamaraan. Ang Espanya ang dapat mamili: kapayapaan o pagkawasak, sapagkat hindi mapapasubaliang katotohanan, gaya nang alam ng lahat, na kami’y matiisin at mapagmahal sa kapayapaan… Ngunit may wakas ang lahat sa buhay na ito; walang walanghanggan sa mundong ito, at kabilang na rito ang aming pagtitiis. Hindi ako naniniwala na ikaw bilang isang malayang mamamayan ng Europa ay magnanais na pagpayuhan ang mabuti mong kaibigan na pagtiisan na lamang ang lahat at kumilos na kagaya ng isang taong duwag, ng isang taong walang katapangan.”

Pero bakit nga nang sumiklab ang himagsikan ng Katipunan noong 1896, tinutulan at isinumpa ito ni Rizal batay nga sa manipesto niyang may petsang Disyembre 15, 1896?

Nilinaw pa nga ni Rizal sa kanyang liham na sinulat sa loob ng bilangguan, may petsang Disyembre 12, 1896, ang pagkakaiba ng kalayaan (freedom) at kasarinlan (independence) upang patunayan marahil sa mga awtoridad na Kastila na hindi ninais humiwalay at magsarili ng Pilipinas sa kandili ng Espanya sa pamamagitan ng rebolusyon. Ang nabanggit pa ngang liham ang ginamit ng kanyang tagapagtanggol at iniharap sa hukumang humatol sa kanya ng kamatayan. Ipinahayag ni Rizal:

“… ipinapakahulugan ng marami na ang aking pariralang magkaroon ng kalayaan ay katumbas ng magkaroon ng kasarinlan. Ito’y dalawang magkaibang bagay. Maaaring maging malaya ang isang bayan nang hindi nagsasarili, at maaari namang magkaroon ng kasarinlan nang hindi malaya. Lagi kong ninanais ang kalayaan ng Pilipinas at ipinahahayag ko ang aking damdamin. Ang ibang nagpapatunay na ang sinabi ko ay kasarinlan ay pinauna ang kariton sa kabayo o nagsisinungaling.”

Sa punto ng kalayaan at rebolusyon o tungkol sa pagsasalungatan ng kanyang mga tauhan sa dalawa niyang nobela ukol sa bagay na ito, mahalaga tuloy banggitin ang obserbasyon ni Miguel de Unamuno, isang eskolar na Kastila na nakasabay ni Rizal sa Universidad Central de Madrid, hinggil sa katauhan ni Rizal. Sinabi ni Unamuno:

“… sa palagay ko, siya ay kapwa si Ibarra at si Elias, at ito ay higit na totoo kapag sila’y nagtatalo. Sapagkat mismong si Rizal ay diwa ng pagsasalungatan, isang kaluluwang natatakot sa rebolusyon pero, sa kaibuturan ng kanyang sarili, ninanasa niya iyon; isa siyang taong sa isang sandali ay nagtitiwala at hindi sa kanyang mga kababayan at kalahi; na naniniwalang may ganap na kakayahan ang kanyang mga kababayan kapag tinitingnan niya ang kanyang sarili bilang isa sa kanilang kadugo, ngunit naniniwala ring wala silang sapat na kakayahan kapag iba naman ang kanyang tinitingnan. Si Rizal ay isang taong lagi nang naninimbang sa pagitan ng pangamba at pag-asa, ng pananalig at kawalang-tiwala. Ang lahat ng kontradiksiyong ito ay nagkasanib-sanib sa kanyang mapangarapin at matulaing pag-ibig sa bayan, sa kanyang pinakamamahal na lupa ng araw at Perlas ng Silangan, sa kanyang nawalang Eden.”

Makabuluhan din marahil na banggitin dito ang pananaw ni Rizal tungkol sa isang malayang Pilipinas. Sa kanyang sanaysay na “Ang Pilipinas sa Darating na 100 Taon” na paputul-putol na nalathala sa La Solidaridad mulang Setyembre 30, 1889 hanggang Pebrero 1, 1890, malinaw na nakita ni Rizal na kung hindi magbabago ng pamamahala ang gobyernong Kastila sa Pilipinas, “maghihimagsik ang mga Pilipino at balang araw ay ganap na idedeklara ng Pilipinas ang kanyang paglaya” sa kamay ng Espanya. Nakita rin niya na hindi nanaisin ng Inglatera, Alemanya, Pransiya, at lalo na ng Holland, na sakupin tayo. Manapa, “ang dakilang Amerikanong Republika” ang “maaaring mangarap sakupin tayo balang araw.” At kapag malaya na tayo, ang ating kalayaan “ay buong tapang nating ipagtatanggol kahit sa pamamagitan ng dugo at pagpapakasakit.” Sinabi pa niyang “malaya nating papasukin ang malawak na daan ng kaunlaran” at muling mabubuhay ang pagsasaka o agrikultura, muling bubuksan at pauunlarin ang mga minahan, ang kalakalan, ang pangingisda at maritima. Ipinahayag niyang “muli, magiging malaya tayong kagaya ng ibong nakawala sa hawla, kagaya ng bulaklak na bumubuka sa simoy ng hangin, at muling makakamit natin ang mga dakilang katangian na unti-unting namamatay, at muli nating tatamasahin at yayakapin ang kapayapaan.”

Bagaman hindi nakita ni Rizal na ang pampulitikang kasarinlan ang higit munang kailangan bago makamit ang kalayaan, hindi naman maitatatwang sa pamamagitan ng kanyang mga akda, malaki ang kanyang naiambag sa tinatawag ni Constantino na “pagsibol ng pambansang kamulatan.” Maituturing nga siyang dakila sapagkat “ang mga taong dakila ay yaong mga nakakaunawa ng kanilang panahon at ng tunay na pangangailangan ng madla.” Utang sa kanya ng kasalukuyang salinlahi ang pag-unlad ng pambansang pananaw at kamulatan at pagyabong ng nasyonalismo o damdaming makabayan.

“Bilang panlipunang kritiko at tagapagsiwalat ng pang-aapi, tinupad niya ang isang kahanga-hangang gawain,” sabi ni Constantino. “Ang kanyang mga sinulat ay naging bahagi ng ating tradisyon ng protesta na sa wakas ay humantong sa himagsikan… bagaman, sa kabilang banda, maituturing na ang kanyang iniwan ay isang tagumpay (lamang) sa larangan ng kamulatan, isang tagumpay sa diwang panlahi, dahil hindi lubos sapagkat itinakwil ni Rizal ang tunay na kasarinlan.”

MAGPAHANGGANG NGAYON, mula nang agawin ng mga Amerikano ang tagumpay ng Rebolusyong 1896 dahil sa panlilinlang kay Heneral Aguinaldo nina Konsul Pratt at Wildman, at Komodor George Dewey – batay sa mga ulat sa librong “Little Brown Brother” ni Leon Wolff at “In Our Image” ni Stanley Karnow, lumilitaw na hindi pa rin “ganap na nagsasarili” ang ating bansa kahit sinasabing “tayo’y malaya.” Malinaw na ang ating sistemang pangkabuhayan at pampulitika, o maging pangkultura at pang-edukasyon, ay nasa ilalim pa rin kapritso’t bendisyon ng Amerika.

Sapagkat hindi pa tayo malaya at nagsasarili noon matapos sakupin ng mga Amerikano, malinaw na sa larangan na lamang ng edukasyon, kinopya ito nang pira-piraso sa edukasyong Amerikano samantalang hindi naman angkop ang agrikultural na  ekonomiya ng Pilipinas sa industriyalisadong ekonomiya ng Amerika. Sapilitang isinaksak sa utak ng mga Pilipino ang mga pagpapahalagang maka-Amerikano kaya naniwala tayo na ang anumang mula sa Amerika ay magaling kaysa anumang mga bagay sa Pilipinas. Itinuring nating bobo at hindi edukado ang sinumang hindi marunong ng wikang Ingles at nananatiling sa dayuhang wikang ito ang sistema ng ating edukasyon, gobyerno at komersiyo. Samantalang umunlad ang ibang mga bansa hindi sa pamamagitan ng wikang Ingles kundi sa pamamagitan ng paggamit sa sarili nilang wika sa anumang larangan ng kanilang kabuhayan, nagpipilit naman tayong pilipitin ang dila’t utak araw-araw sa wikang Ingles. Nanatili tuloy na kolonyal ang kasaysayan ng Pilipinas, ayon kay Karnow, kaya maging sa kultura, lumikha tayo ng mga Pilipinong Frank Sinatra, Elvis Presley, Tom Jones, Michael Jackson, at marami pang iba. Mulang pelikula hanggang pagkain at damit, labis nating pinahahalagahan ang anumang imported, lalo na’t mula sa USA.

Sa larangan ng ekonomiya, nananatili pa rin tayong nakatanghod sa Amerika, namamalimos, nangungutang, kaya patuloy nila tayong nadidiktahan bago pautangin o “tulungan” at nagagawa nga ng IMF-World Bank na manduhan ang ating pamahalaan na sundin ang kanilang mga programang pangkabuhayan na nakapipinsala naman sa sambayanang Pilipino tulad, halimbawa, ng pagpapataw ng bagong mga buwis, hindi pagtataas sa suweldo ng mga manggagawa, at walang kontrol na pagpasok dito ng dayuhang mga produkto. Malinaw na gusto ng Amerika na manatiling isang bansang agrikultural ang Pilipinas, huwag maging industriyalisado, upang patuloy na maging tambakan ng kanilang produkto at patuloy pang mapagsamantalahan ang mga likas nitong kayamanan at kabuhayang-bansa.

Sapagkat nasa ilalim ng bendisyon ng Amerika ang kapalaran ng sinumang naging pambansang lider, mula kina Quezon, Roxas at Osmena hanggang kina Marcos, Cory at Ramos, hanggang kina Erap at Gloria, maliwanag na kailangan muna nilang paglingkuran ang interes ng Amerika bago ang kapakanan ng Pilipinas. Sa maikling salita, ang iniluwal nating mga lider ay tau-tauhan lamang ng Amerika, mga manyikang de susing tagahimod ng pundilyo ni Uncle Sam.

Dahil sa mga nabanggit, ang umiral na lipunan – at patuloy pang umiiral – ay para lamang sa iilang piling grupo ng mga taong mapribilehiyo, maimpluwensiya’t makapangyarihan. Ang Pilipinas, tulad ng pangarap ni Rizal, ay dapat na para sa lahat ng Pilipino, hindi para sa iilan lamang. Ayon nga kay Karnow, “isang ikalimang (1/5) bahagi ng populasyon ng Pilipinas ang tumatanggap ng kalahati (1/2) ng pambansang kita.” At batay naman sa kuwenta ni Padre John Doherty, isang Amerikanong Hesuwita, “60 pamilya lamang ang kumukontrol sa ekonomiya” ng bansa.

Bunga ng katotohanang ito, hindi katakatakang lumaganap ang disempleyo at tumindi ang karalitaan sa bansa at lalong maging busabos ang malaking bahagi ng sambayanan. Ang mapait na kalagayang ito ay nailarawan na ng yumaong Sen. Benigno Aquino, Jr. nang magtalumpati siya sa Amerika sa panahon ng paghahari sa bansa ng diktadurang Marcos:

“Ang Pilipinas ay isang lupain ng nakalilitong pagkakaiba. Narito ang isang lupaing iilan ang labis na mayaman habang nananatiling lubos na nagdaralita ang masa. Narito ang lupaing ang kalayaan at ang biyaya nito ay totoo lamang para sa iilan at isang ilusyon o pangarap naman para sa nakararami. Narito ang isang lupaing sumasampalataya sa demokrasya ngunit pinatatakbo ng isang matibay na plutokrasya. Narito ang isang lupain ng pribilehiyo at ranggo – isang Republika na diumano’y para sa pagkakapantay-pantay pero sinasalaula ng isang sistema ng pag-uuri-uri.”

Idinagdag pa niya – at halos kapareho ngayon – na halos bangkarote ang katayuan ng bansa sa pananalapi, laganap ang katiwalian sa pamahalaan, walang matinong pagpaplanong pangkabuhayan, walang pagtatangkang paunlarin ang ekonomiya, kaya nanlulupaypay ang mga Pilipino, nakakulong sa kawalang-pag-asa… “walang layunin, walang disiplina, walang pagtitiwala sa sarili.” Isinisi ni Ninoy ang lahat sa ating mga lider – tulad ng pambansang liderato ngayon – na “nangangalandakan ng pagmamahal sa bayan ngunit, sa katotohanan, ay higit ang pagmamahal sa kani-kanilang sarili.” Idinagdag pa niya na “isa tayong bansa ng mga Asyano na hindi mukhang Asyano sa mata ng mga kapwa natin Asyano, at hindi naman mukhang Kanluranin sa mata ng mga taga-Kanluran.”

BATAY sa mga nabanggit, nasaan ang Pilipinas na pinangarap ni Rizal na malaya, maunlad at mapayapa? Marahil, hanggang ngayon, hindi pa natin nakikita ang tunay nating pagkalahi, ang ating pagiging Pilipino – sa damdamin, sa kaluluwa at kaisipan, at sa pambansang adhikain. Dapat na matagal na nating naunawaan ang tunay na kahulugan ng kalayaan at kasarinlan.

Sa ganitong marawal na kalagayang pang-ekonomiya, panlipunan at pampulitika ng Pilipinas, masasabing higit na masaklaw at progresibo kaysa kay Rizal ang ipinakitang pananaw ni Padre Jose A. Burgos sa kanyang akdang “La Loba Negra” na nalathala noong 1869 nang walong taong gulang pa lamang si Rizal. Sinabi ni Burgos:

“Darating ang araw, isang araw na maaaring di ko na makita, na iiral sa bansa ang mga pinakabagong ideya, paiiralin marahil ng mga taong higit na liberal ang kaisipan; makakamit natin ang higit na katarungan at mga reporma. Maaaring masiyahan ang bansa sa ilang mga reporma. Mangingibang bansa ang iba, at sila ang uugit ng ating kinabukasan. Pero, sa kabilang banda, sapagkat nababahiran pa ng panatismo at relihiyon ang mga ito, pamumunuan nila ang tunay na sambayanang Pilipino, ang nagdaralitang masa, sa isang pamamaraang kasuklam-suklam at nakapanlulupaypay. Pagkatapos, darating ang isang higit na matinding pagbabangon – ang paghihimagsik ng masa laban sa kapangyarihan at kayamanan at pagkatapos ay magigising ang pinakadakilang ideyang natutulog sa loob ng maraming dantaon, at papatagin ng SOSYALISMO ang lahat, pagpapantayin ang mga bagay sa lahat ng dakong pinaghaharian ng panatismo at relihiyon at makikita natin ang isang tunay na digmaan; ang sambayanan laban sa palsipikadong demokrasya; makikita natin ang mga mapagpanggap na pulitiko, mga mapagmahal sa salapi, na wawasakin ng masa ang kanilang mga sikmura, uubusin sila – silang nagpapanggap na mga makabayan, silang mapanlinlang.”

Ipinayo pa ni Burgos sa susunod na henerasyon na “mahalin nang higit sa lahat ang bayan” at ihanda ang sarili sa higit pang madugong pakikibaka laban sa “mapagpanggap na mga pulitikong ipinanganganak na parang lumot sa kapinsalaan at kahihiyan ng lipunan na ang tanging layunin sa buhay ay walang iba kundi ang kapakanang pansarili sa pawis at sakripisyo ng sambayanan.” Binigyang-diin niya na ang susunod na henerasyon ay “dapat lamang paalipin sa tungkulin para sa bayan at hindi dapat pakasangkapan sa mapaghari-hariang mga pulitiko ng mapang-aliping kapitalismo na hawak lamang ng iilang malalaking negosyante.”

Sa kabila nga ng mga kapintasan ni Rizal tungkol sa kanyang pananaw sa kalayaan at kasarinlan – pangkabuhayan man o pampulitika – at kahit higit na progresibo kaysa kanya ang pananaw ni Burgos, makabuluhan pa rin marahil na palaganapin pa rin at bigyang-halaga ang kanyang mga kaisipan sapagkat, ayon nga kay Constantino, “marami sa kanyang panlipunang puna ay may bisa pa rin ng lipunang piyudal at kolonyal ng kanyang panahon… .”

“Hindi natin masasabi na lahat ng kanyang mga ideya ay dapat maging pamantayan ng lahat ng ating hangarin. Naging huwaran siya ng isang uri ng kabayanihang humantong sa pagkamartir. Maipagmamalaki natin siya bilang Pilipino at bantayog ng lahi sa kabila ng kanyang mga kakulangan. Ngunit hindi siya maaaring maging walang habas na tagapagpasiya sa ating pambansang layunin tulad ng tinatangkang gawin ng mga bulag na sumasamba sa kanya,” dagdag pa ni Constantino.

“Ang kagitingan ni Rizal ay nasa kanyang pagiging manunulat,” sabi naman ni Unamuno.

TUNGO sa ikapagkakaroon ng isang tunay na malaya at nagsasariling Pilipinas, makabubuti marahil na pag-aralan natin nang husto ang ating kasaysayan upang ganap nating makilala ang ating sarili. Makabubuting ituwid din muna ang ating kasaysayang kolonyal upang makita natin ang tunay na kaluluwang Pilipino at upang matanim sa utak natin kung paano tayo sinakop at pinagsamantalahan ng mga Kastila noong una, at ng mga imperyalistang Amerikano at mga kasabuwat na mayayamang Pilipinong negosyante’t pulitiko nitong dakong huli.

Makabubuti rin marahil na baguhin ang mala-kolonyal na sistema ng ating edukasyon at pairalin ang isang edukasyong maka-Pilipino, makatao, makabayan at siyentipiko upang mapawi sa kaisipan ng susunod na henerasyon ang pagpapahalaga sa kaisipang elitista’t makadayuhan o kolonyal. Panahon na marahil na isalin sa Filipino ang makabayang mga aklat upang higit na maunawaan ng masang sambayanan at, sa pamamagitan nito, malikha natin ang tunay na pagmamahal at pagtatanggol sa kalayaan at kasarinlan tungo sa ikapagkakaroon ng tunay ding malaya’t nagsasariling Pilipinas. Lubhang napapanahon na rin marahil na ganap na isulong ang reporma sa lupa tungo sa pambansang industriyalisasyon.

Sa larangan ng wika – bagaman nananaig pa rin ang rehiyonalismo sa ilang bahagi ng bansa – panahon na rin marahil na kilalanin ng sambayanan na Filipinong batay sa Tagalog ang ating pambansang wika. Natural lamang na sa diyalektong Tagalog ibinatay iyon sapagkat, sa kasaysayan ng mga bansa, ang diyalekto sa sentro ng sibilisasyon, gobyerno, edukasyon at komersiyo ng naturang bansa ang siyang nananaig o dominanteng wika sa bansang iyon. Sapagkat sa panahon pa ng Kastila, ang Maynila na bahagi ng Katagalugan ang sentro ng lahat, hindi katakatakang batay sa Tagalog ang kasalukuyang wikang pambansa.

At hanggang nasa wikang Ingles ang sistema ng ating edukasyon, mananatiling iilang Pilipino lamang ang makauunawa hindi lamang sa ating kasaysayan, kundi pati na sa lahat ng sangkap ng ating pagkalahi’t pagkabansa. Mananatili tayong may kaisipang alipin at makadayuhan at bansang mala-kolonyal.

Ano pa nga ba ang dapat gawin ng sambayanang Pilipino tungo sa ganap na paglaya at pagsasarili ng bansa?

“Ang tunggalian ay magsisimula sa larangan ng mga ideya upang pagkatapos ay dalhin sa arena na titigmakin ng dugo, “ matatandaang sinabi ni Elias kay Ibarra sa Noli.

Sinimulan nga ni Rizal ang tunggalian para sa kalayaan sa larangan ng mga ideya, “pero huminto na siya doon,” ayon sa yumaong makabayang Sen. Claro M. Recto. Si Bonifacio nga ang nagtuloy ng naturang pakikibaka sa pamamagitan ng rebolusyon sa ikatutubos at ikalalaya ng Pilipinas. Nakita ni Recto ang katotohanang ito kaya ipinapayo niya sa ating henerasyon:

“Mangarap tayong kagaya ni Bonifacio, at ipagpatuloy natin ang pakikibaka para sa ganap na kabutihan ng ating lahi mula sa kamay ng bagong pang-aalipin, at huwag tayong padala sa takot at pag-aalinlangan, bagaman maaari tayong salubungin ng dambuhalang mga alon sa ating paglalakbay. Hindi lahat ng pangarap ay natutupad, pero ang kahanga-hangang mga bagay sa mundo ay nilikha ng mga mapangaraping kagaya ng Dakilang Proletaryong si Andres Bonifacio.” #

Read Full Post »


(Maikling kuwento — iniantolohiya sa SUBVERSO ng Alliance of Concerned Teachers o ACT)

KAGABI, matapos ang halos kalahating araw na pakikipagpulong, pakikipagtawaran at pakikipagsigawan sa mga opisyales ng unyon sa pabrikang iyon ng tabakong pag-aari ng pamilya Riego de Dios, nagmumurang umuwi ang kanyang amo, hindi nagdaan sa paborito nitong mamahaling otel sa tabing dagat ni sa pangmayamang kapihan sa Malate upang maghanap ng babaing makakapiling nito sa loob ng ilang oras o sa buong magdamag. Kahit sitenta anyos na, binata pa rin ito, malakas pa rin at matikas ngunit waring takot mag-asawa, kaya parang nasisiyahan na at hindi nagsasawa sa saglit na pakikipagrelasyon sa kung sinu-sinong babae na, kalimitan, pinakamatagal na ang isang linggong pakikipagkalantarian.

Ikinatuwa niya ang pag-uwi agad nito sapagkat tiyak niyang hindi siya pipiliting magtrabaho, di gaya kung nagbubumabad ito hanggang madaling-araw sa mga lugar na palipasan ng oras at aliw at pasyalan ng mga babaing mababango, makikinis, husto sa tindig at sukat, at waring mahihiyang lapitan ni kausapin ng karaniwang mga lalaki lamang na kukulu-kulo ang tiyan at walang maipagyayabang na kayamanan at kapangyarihan. Kung maaari nga lamang, ayaw na niyang paglingkuran ang kanyang amo sapagkat mahaba-haba na ring panahon ang kanyang ipinagtrabaho anumang oras nitong magustuhan, araw man o gabi, katanghalian man o madaling-araw, o kahit dapat na muna siyang magpahinga para manumbalik ang sigla niya’t lakas na matagal nang hinuhuthot at kinakatas.

Pagpasok na pagpasok ng kanyang amo sa maluwang, alpomprado at naiilawan ng aranyang mula pa sa Paris na salas ng mansiyong iyon sa Forbes Park, agad nitong tinawag ang pandak, mataba at kikimbul-kimbol na katulong na si Bebang na dose anyos pa lamang yata nang magsimulang maglingkod sa mga Riego de Dios nang ang amo niyang si Miguelito — kilala ngayon sa daigdig ng negosyo bilang Don Miguel na — ay kinse anyos naman. Nagpakuha ito ng isang kopita, malamig na tubig at isang boteng Dom Perignon, tatlong ulit na mabilis na lumagok, at biglang nagtungayaw nang mabungaran sa napakalaking telebisyon ang panggabing balita tungkol sa naganap na demonstrasyon sa Mendiola ng libu-libong mga manggagawang idinadaing ang kahirapan ng buhay at miserable nilang kalagayan kaya humihingi ng dagdag na sahod na P125 bawat araw.

“Punyeta! Mga b’wisit!” Umalingawngaw ang mataginting na tinig ni Don Miguel sa kabuuan ng salas, naglagos hanggang sa kusina, kaya nagmamadaling bumalik ang katulong na si Bebang, nilalamulamukot ang puting uniporme sa bandang tiyan at waring bariles na mabubuwal.

“Bakit po?”

“Tonta! Di kita tinatawag,” halos sairin nito ang lamang alak ng kopita. “Ano pa ang gusto nila? Mabuti nga, may trabaho pa sila.”

“Sino pong sila?” parang naguguluhang tanong ng namumutlang si Bebang.

“Letse… di kita kinakausap.” Muli nitong sinalinan ng Dom Perignon ang kopita at parang walang anumang tinungga.

Napangalahati ng kanyang amo ang lamang alak ng bote, at bigla siyang kinabahan nang magtungo ito sa banyo, matagal na naligo, nagsabon nang husto at, pagkatapos, kinuha ang paboritong pabangong Bulgari, winisikan ang leeg, maging ang dibdib at umuusling tiyan. Naisip niyang baka siya piliting magtrabaho, gaya noong di na mabilang na araw at gabi na para siyang minerong paulit-ulit na palulusungin at paaahunin sa makipot, madilim, malalim at maalingasaw na lugar na iyon na ikinaiigting ng mga ugat ng kanyang leeg, ikinapupula ng kanyang ulo sa galit, ikinababaligtad ng kanyang sikmura hanggang sa tuluyan siyang masuka at manlupaypay sa sobrang hirap ngunit, sa kabilang banda, para namang nasa glorya si Don Miguel at siyang-siya sa ipinagawa sa kanya.

Kailan nga ba nagsimula ang kanyang kalbaryo?

Malabo at pira-piraso na ang mga gunita noong anim na taon pa lamang ang edad ni Miguelito – ngayon nga’y si Don Miguel na – ngunit malinaw niyang natatandaan ang kasaysayan ng pamilya Riego de Dios sapagkat, matapos ang marangyang hapunan habang tumutugtog sa ponograpo ang maindayog na mga awiting Kastila, nakaugalian na nilang pag-usapan ang pinagmulan ng semilya ng pamilya sa beranda ng lumang mansiyong iyon sa kalye Arlegui sa Quiapo, at waring hindi iyon pinagsasawaang sariwain noon upang ipagmalaki marahil na hindi sila karaniwang Indio lamang kundi dumadaloy sa kanilang mga ugat at puklo ang dugo ng isang taal na peninsulares.

Bantog na bantog noon diumano ang ama ni Miguelito – si Don Segismundo Manuel Riego de Dios y Echevarria – sa mataas na lipunan ng Andalucia, hindi dahil sa kagandahang lalaki sapagkat sa edad pa lamang na tatlumpong taon, bahagya na itong nakakalbo, medyo usli na ang tiyan, muntik nang matawag na pandak batay sa karaniwang taas, at bilugang parang buwan ang malamang mukha ngunit, sa kabilang banda, hinabul-habol ito at inambisyong maangkin ng naggagandahang mga senyorita dahil sa pinakaimportanteng katangian – ang labis na kayamanan.

Bago pinakasalan ni Don Segismundo ang pinakamagandang senyorita sa Andalucia – si Donya Flordeliza Luz Montealegre y Mercader na kamukhang-kamukha diumano ng inimbentong larawan ni Birheng Maria at may katawang mala-Venus de Milo – naging kaibigan pa nitong matalik ang bantog na manunulat na Amerikanong si Ernest Hemingway at nakahumalingan nilang manood ng mga corrida de toros, humanga nang husto sa mga matador, lalo na kay Antonio Ordonez na naging paborito rin ng mga artistang sina Orson Welles at Rita Hayworth, at nagsusumigaw sila at masigabong pumapalakpak kapag nalulugmok na ang sumisingasing na toro dahil sa ulos ng matalim na espada. Nalahiran diumano ng ugali ni Hemingway si Don Segismundo, naging mainitin ang ulo, naging medyo barumbado, naging lasenggo at bohemyo.

Wala pa silang isang taong kasal ni Donya Flordeliza, isang matipuno, matikas, dalawampu’t pitong taon lamang ang edad at gupit-Alponsinong binatang Pranses ang malimit nilang bisita, nag-aalok kay Don Segismundo ng kung anu-anong negosyo, ginagabi sa pakikipagkuwentuhan sa mag-asawa kahit pilipit ang gramatika sa wikang Kastila ngunit sapat naman para maunawaan ng kausap hanggang, nang malaon, nagbubumabad ito doon lalo na kung wala si Don Segismundo at kasama ni Hemingway sa mga panggabing aliwan ng mga buhay bohemyo.

Nagulat na lamang ang alta sosyedad ng Andalucia nang isang umaga, parang apoy sa talahibang kumalat ang balitang nag-alsa balutan si Don Segismundo, iniwang humahagulhol ang magandang asawa na muntik nang mahulog sa marmol na hagdan nang ipagtulakan at tadyakan niya habang yumayakap sa kaliwa niyang hita at nagmamakaawa. Saglit na nanatili sa Andalucia si Don Segismundo matapos iwan ang asawa, nagpalikwad-likwad sa mga bahay-aliwan at mamahaling mga otel at, kalimitan, kasa-kasama at kainuman si Hemingway.

Hindi naglipat-buwan, isang prayleng matagal na namalagi at yumaman nang husto sa Pilipinas ang nagbalik sa Espanya, hindi sinasadyang nakausap si Don Segismundo, ipinagyabang kung paano niya naloko ang maraming Indio habang pinalalaganap ang Katolisismo at ang mga aral ni Kristo, lalo na ang linyang “mapapalad ang maralita at mapapasakanila ang kaharian ng langit” o “madali pa para sa isang kamelyong makapasok sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman sa pinto ng langit.” At, ilang araw mula noon, tuluyang iniwan ni Don Segismundo ang Andalucia at sumakay ng barkong papuntang Pilipinas.

Naging interesado si Don Segismundo sa industriya ng tabako sapagkat mahal na naibebenta sa Europa ang mga produkto nito, sigarilyo man o abano o maging maskada, at nang mabalitaan niyang sa Vigan at sa iba pang panig ng Ilokos ang malalawak na taniman, agad niyang pinuntahan ang kura paroko doon – si Padre Ramon Labrador, isa ring peninsulares na gaya niya ngunit hindi taga-Andalucia kundi mula sa Catalonia at kahit apat na taon pa lamang nanunungkulan sa Vigan, may daan-daan nang ektaryang lupain doon, may matatapat na katiwala at masisipag na magsasakang sanay na sanay magtanim ng tabako at mangalaga sa mga iyon laban sa mapaminsalang mga insekto, hanggang anihin at patuyuin ang mga dahon at iluwas sa Maynila.

“Bakit bibili ka pa ng lupa? Gamitin mo ang iyong pagka-Kastila,” nakangising sabi ni Padre Labrador nang nagpapahanap si Don Segismundo ng mga isandaang ektarya upang makapagsimula siya sa naturang industriya. “May isang dalagang India dito, debotong Katoliko, at kailan lamang, nakamana ng mga dalawang libong ektarya nang gilitin ni Kamatayan ang leeg ng kanyang ama. Pagkatapos ng agunyas, maaga tayong maghapunan. Papasyalan natin at ipakikilala kita. Alam kong gustung-gusto niyang makapag-asawa ng isang Kastila batay sa malimit niyang ikumpisal kapag mayroon siyang pinagnanasaan.” Tumaginting sa kumbento ang halakhak ng kura paroko.

Wala pang dalawang linggong nagpabalik-balik si Don Segismundo sa malaking bahay-Kastila ng pamilya Baterina sa Vigan at nang buwang ding iyon, kahit may iniwan siyang asawa sa Andalucia, magarbong ikinasal ni Padre Labrador si Don Segismundo kay Petra Baterina na beynte kuwatro anyos na noon, matingkad na kayumanggi gaya ng maraming Ilokana, mga limang piye at isang pulgada ang taas, medyo pango, matulis ang baba, at halatang tabain lalo na kapag nanganak na. Natural, si Don Segismundo na ang lubos na namahala sa dalawang libong ektaryang lupaing minana ni Petra, pinatamnan niya agad iyon ng tabakong mula pa diumano ang binhi sa Cuba hanggang makapagtayo sila ng pabrika sa Marquez de Comillas sa Maynila at mabili ang mansiyong iyon sa Arlegui na, noong 1935, sa kabila ng dalawampu’t isang taon nang pagsasama, at hindi na nga inaasahang magkaanak pa sa edad na kuwarenta’y singko na, biniyayaan sa wakas ng diumano’y mahabaging Diyos – at itinuring pa ngang milagro ng mga relihiyoso — si Donya Petra ng isang malusog na sanggol na mestiso na walang nakuha ni mata sa ina kundi sa lakas marahil ng dugong Kastila ni Don Segismundo, mahihirapang paniwalaang ang ina’y isang taal na Ilokana. Iyon nga si Miguelito, ngayo’y Don Miguel na kahalubilo ng mga Zobel de Ayala, ng mga Soriano y Cia, at kung sinu-sino pang kilala sa daigdig ng malalaking kapitalista.

Hindi na niya matandaan ngayon kung paano, mulang Andalucia, dalawang nakababatang kapatid na babae ni Don Segismundo ang biglang dumating sa mansiyon sa Arlegui, doon na nanirahan at naging katuwang sa pagpapatakbo ng negosyo ng pamilya Riego de Dios. Bago ibinalik ng Amerika noong Hulyo 4, 1946 ang inagaw nitong kasarinlan ng Pilipinas, magkasunod na namatay sina Don Segismundo at Donya Petra at naiwan sa kalinga ng dalawa niyang Espanyolang tiya ang labing-isang taong gulang pa lamang na si Miguelito, gayundin ang pagpapatakbo sa industriya ng tabako ng pamilya. Sa mga tiya nga ni Miguelito, pagkatapos ng marangyang hapunan, malimit niyang marinig ang paulit-ulit na ikinukuwento ng mga ito na kasaysayan ng semilya ng pamilya sa harap ng parang namamalikmatang si Miguelito at, sa kabilang banda, waring iniiwasan ng mga iyong banggitin man lamang ang pamilya Baterina.

Hindi na rin malinaw sa kanya nang umalis na sa mansiyon sa Arlegui ang dalawang tiya ni Miguelito nang ito na ang nagpapatakbo ng negosyo sa edad na beynte y kuwatro, kung nagsipag-asawa pa o nagpakatandang mga dalaga dahil isinusuka noon pa man ang mayayamang binatang Indio na hindi miminsang umaali-aligid sa mga ito. Hindi niya rin alam kung bumalik ang mga iyon sa Andalucia at doon na hinintay ang pagkaubos ng hininga sa piling ng mga kapwa peninsulares na mahilig magpasiklab sa alta sosyedad at waring ang dugong dumadaloy sa kanilang mga ugat, pusod at puklo ang siya lamang natatanging dugong bughaw sa daigdig ng diumano’y mga maharlika.

Kailan nga ba siya nagsimulang maglingkod kay Don Miguel?

MALIWANAG ang nakalilito niyang kabataan sa piling ni Miguelito, gayundin ang paulit-ulit at nakapanlulupaypay niyang pagtatrabaho nang magbinatilyo na ito hanggang sa kasariwaan ng sigla ng katawan at daluyong ng mainit na dugo sa singit at puson at, ngayon na lamang, dala na rin marahil ng edad at lumipas na sulak ng damdamin, malimit na siyang makapagpahinga at nagagawa na niyang tanggihan si Don Miguel kapag pinipilit siyang magtrabaho kapalit ng mga mura at insulto at, kahit sakalin pa siya nito, o ipasakal sa kasama nito, nagagawa niyang payapain ang sarili, iniwawaksi ang galit sapagkat, batay sa kanyang karanasan, tuwang-tuwa ang kanyang amo kapag siya’y galit na galit dahil agad na napagtatrabaho at napipilit pasukahin kahit namimilipit at mawalan ng ulirat sa hirap.

Ngayon niya lamang nauunawaan ang kanyang kalituhan sa panahon ng kamusmusan ni Miguelito. Noon, labis niyang ipinagtaka kung bakit kailangan pang hiwain ang kanyang balat malapit sa ulo para makapanungaw siya at makita ang munti niyang daigdig. Bumunghalit ng iyak si Miguelito nang hinihiwa siya, at tumahimik lamang nang bendahan na ang kanyang sugat. Ilang araw din siyang nakabenda noon pero, tuwing umaga, nilalanggas naman ang kanyang sugat, pinapalitan ng benda hanggang sa tuluyang mangati-ngati, matuyo at maghilom.

Nang magsimulang mag-aral si Miguelito sa elementarya ng Ateneo de Manila, malimit itong manghabol ng suntok o mambato kaya kapag tinutuksong malaki ang kanyang alaga – siya nga na hindi makahiwalay at kakambal na ng kanyang amo saanman ito magpunta. Hanggang maaari, pilit siyang itinatago ni Miguelito, ayaw ipakita kaninuman, at nasusulyapan niya lamang ang kanyang mga kauri sa loob ng mga kubeta sa Ateneo kapag halos sabay-sabay silang pinasusuka ng madilaw-dilaw na likido ng kani-kanilang amo.

Magaan lamang ang kanyang trabaho noon, iyon lamang, ang sumuka ng madilaw na tubig anumang oras magustuhan ni Miguelito ngunit, nang trese anyos na ang kanyang amo, labis niyang ikinagagalit kapag nilalaru-laro siya, hinihimas sa ulo, lalo na kapag lihim na binubuklat ni Miguelito sa loob ng nakapinid na kuwarto ang ilang de kulay na magasing itinatago nito sa ilalim ng kama. Sinasakal siya habang nilalaro nang husto, masidhing hinihilang pataas-pababa ang kanyang balat sa may leeg, hanggang maramdaman niya ang pagpupuyos ng damdamin at waring pagbaligtad ng kanyang sikmura, at bigla siyang masusuka, manlalambot na waring pagod na pagod kasabay ang impit ngunit nasisiyahang daing o halinghing ng kanyang amo.

Malimit nang gawin iyon ni Miguelito, dalawang beses, kung minsa’y tatlo sa isang araw, lalo na kapag binubuklat ang nakatagong magasin o sa mga pamamasyal, nakakakita ito ng makinis na binti’t lampas-tuhod na palda sa simbahan man kung Linggo o sa mga mamahaling restawrang paboritong kainan ng mayayaman kasama ang mga anak na dalagitang mababango’t makikinis, mahilig sa maarteng pagbungisngis, at sinasadya yatang ipakita ang maputing mga hita kapag napapansing pinagmamasdan sila ng mga binatilyong hindi mapakali sa upuan at nanlalaki ang mga mata sa katititig sa kanila. Kung noon, ikinagagalit ni Miguelito kapag tinutuksong malaki ang kanyang alaga, buong kayabangan namang ipinagmamalaki na siya nito sa mga kabarkada, sinasabing hindi siya basta-basta at tiyak na mananalo kung may paligsahan ng mga batuta.

Natiis pa niya ang gayong trabaho, ang laru-laruin at galitin siya, saka madaliang pasukahin ngunit, nang lubusang magbinata na si Miguelito at magbumabad sa mga panggabing aliwan, makisalamuha sa piging at handaan ng mga mayayaman at makahalubilo ang naggagandahang mga kababaihan, sumidhi ang daloy ng umaalimpuyo nitong dugo sa puson at, sa bawat gabi, isinasabak siya sa trabaho at, kalimitan, madaling-araw na kung siya man ay pinagpapahinga, lupaypay sa hirap at halos hindi na makagulapay at manunumbalik lamang ang kanyang lakas kapag naligo na ang kanyang amo at sabunin siya nang husto saka magana at saganang mag-aalmusal sa primera klaseng otel na naging lunduyan ng maligayang daing ng magdamag.

Ayos lamang naman sana sa kanya kung pinagtatrabaho man siya ng kanyang amo pero, nang malaon, tumimo sa kanyang kamalayan ang miserable niyang kalagayan. Anumang oras na gustuhin nito, katanghalian man, hatinggabi man o madaling-araw, puwede siyang piliting sagad-sarang magtrabaho hanggang manlupaypay siya sa hirap. Masakit nga na kahit dapat na oras na ng pagtulog at pamamahinga, bigla siyang patatayuin at hindi niya maiwasang labis na magalit at maghimagsik na halos ikabalatay ng mga litid niya sa leeg, ikapula ng kanyang ulo at ikapanigas ng kanyang kalamnan. Alam niya, batay sa nakasusuklam niyang mga karanasan, waring hindi pinagmamalasakitan ng kanyang amo ang kanyang kalusugan. Para siyang minerong lusong-ahon, dahan-dahan sa simula, ngunit aapurahin kung malaon, sa madilim, makipot, malalim at maalingasaw na butas na iyon. Patitigilin nga lamang siya ng kanyang amo kapag bumaligtad na ang kanyang sikmura at tuluyan siyang masuka’t hindi na makagulapay. At ano lamang ang kanyang pabuya? Ang paliguan at sabunin nang husto matapos ang walang habas na pagtatrabaho?

Sa kabilang banda, labis niya namang ikinatatakot kapag naligo nang husto ang kanyang amo kahit hindi pa siya nakapagtatrabaho, magwiwisik ito ng pabango, magsesepilyo’t magmumumog ng pampabango din ng hininga at sa dinami-dami ng mga damit na pamporma, nakakailang sukat-palit bago makapagpasiya kung ano ang tuluyang isusuot. Paulit-ulit na kakausapin siya, ipagdidiinang huwag siyang ipapahiya sa kanyang makakasama sa magdamag kaya kailangan niyang pagbutihin ang nakagawiang ipagawa sa kanya. Kapag gayon, natitiyak niya, matagal ang oras ng kanyang trabaho. Naroroong matagal na dila-dilaan ng kasama nito ang kanyang ulo at wala siyang magawa kundi magalit kahit pilitin niyang payapain ang damdamin. Naroroong sakal-sakalin siya hanggang sa halos hindi na siya makahinga hanggang tuluyan siyang itulak papasok sa entrada ng minahan, at magsisimula na nga ang waring walang katapusan niyang kalbaryo ng pag-aahon-lusong, ang pag-igting ng kanyang mga ugat, ang panginginig ng kanyang kalamnan at, sa wakas, ang pabugso niyang pagsuka na waring saglit niyang paglaya sa buhay-busabos sapagkat matagal-tagal siyang makapagpapahinga ngunit, kung minamalas, kahit kababalik lamang ng kanyang lakas, biglang-bigla siyang pababangunin ng kanyang amo upang piliting muli na namang magtrabaho.

Sa buong panahon ng kasiglahan ng kanyang amo hanggang unti-unti na itong nakakalbo, miminsan niyang inakala na pinagmamalasakitan din siya nito nang isang gabi, mula sa isang sikat na kapihan sa Malate, pinilit isama ni Don Miguel sa silid ng isang otel – katumbas marahil ng pabuyang kinse mil pesos – ang isang babaing mestisahin, makinis, balingkinitan, may naghuhumindig na dibdib, halatang wala pang dalawampung taong gulang at maituturing nang apo ng kanyang amo kung ito’y hindi natakot mag-asawa’t magpamilya. Kung udyok ng babae o hindi, noon lamang siya maingat na sinuotan ng kapote ng kanyang amo bago pinalusong at pinagtrabaho sa maalingasaw na minahan ngunit, matapos ang paulit-ulit, paulit-ulit na paglulusong-ahon, laking gulat naman niya nang sa mismong mukha niya naman sumambulat ang gustung-gustong ipasuka sa kanya ni Don Miguel. Nasabi niya tuloy sa sarili: mabuti pang hindi na siya sinuotan ng kapote.

MATAGAL na niyang pinaghihimagsikan ang gayong buhay, ang busabos niyang kalagayan sa mahabang panahon ng paglilingkod kay Don Miguel at nang magsimula itong tumuntong sa edad na sisenta y singko hanggang ngayong sitenta na, saka niya lamang unti-unting naipadama sa kanyang amo ang tahimik niyang pagpoprotesta. May mga sandaling kahit ano ang gawin ni Don Miguel – pahiran man siya sa ulo at katawan ng kung anu-anong krema, laruin man siya o ipalaro, padila-dilaan man ang kanyang ulo, sakal-sakalin at hilahin pataas-pababa ang balat sa leeg – nananatili siyang nakayuko lamang at hindi pinapansin ang anumang pagmumura ng kanyang amo. Ilang beses na nga niyang narinig na wala na siyang silbi, inutil, at bihirang-bihira nang mapakinabangan hanggang dumating ang puntong labis na siyang ikinahihiya ng kanyang amo sa mga pumapatol pa ring makaniig ito. Sa marami nang pagkakataong iyon, malakas na punyeta at punyeta ang laging lumalabas sa bibig ng kanyang amo habang pigil na humahagikhik ang kapiling nito. Gayunpaman, bihirang-bihira na, may pagkakataong saglit siyang nagagalit ngunit mabilis din naman siyang nanlalambot kahit kalulusong lamang at hindi pa sumusuka sa maalingasaw na butas na iyon na lalong ikinaiinis at ipinanggagalaiti ni Don Miguel.

Kahit hindi na niya magawa ngayon ang dating trabaho, hindi pa rin nagsasawa si Don Miguel sa pagpapalipas ng oras sa paborito nitong primera klaseng mga lugar aliwan kung saan walang itulak-kabigin sa mga babaing nag-aagawang maupo sa tabi nito. Waring nasisiyahan na lamang ngayon si Don Miguel sa pakikipag-usap at paghimas-himas sa mga iyon at, kung isama man sa kuwarto ng isang otel, milagro ng mga milagro kung mapilit siyang saglit na magtrabaho. Uuwi tuloy si Don Miguel na mainit ang ulo at, bago mananghalian, pupunta agad sa opisina nito sa pabrika ng tabako, gagala sa planta at bubulyawan ang sinumang trabahador na tatamad-tamad diumano at hindi ayos ang ginagawa.

“Kung tinatamad kayo, umuwi na kayo! Huwag na kayong babalik. Punyeta.” Malimit nitong isalubong sa mga trabahador, lalo na nga kung noong nagdaang gabi, hindi siya nito napilit magtrabaho at mapasuka.

Sa pabrikang iyon ng tabako ng mga Riego de Dios, si Don Miguel ang Diyos at may hawak ng buhay at kapalaran ng mga manggagawa doon. Noong una, kapag napag-initan ang sinumang trabahador, lalo na ang mga umaangal sa suweldong dapat matagal nang naumentuhan dahil lumolobo ang presyo ng mga bilihin at sobra-sobra naman sa kabilang banda ang tinutubo ng kompanya, agad iyong ipatatawag ni Don Miguel sa opisina, sisinghalin at papupuntahin sa kahera upang ipakuha ang huling suweldo at anumang karampot na benipisyo. Kahit lumuha at magmakaawa, sukdulang lumuhod man, sadyang matigas ang puso ni Don Miguel at hindi na mababago ang pasyang tanggalin sa trabaho ang manggagawang matagal na ring naglilingkod sa kanyang pabrika.

“Magreklamo ka sa Dole, punyeta!” pabulyaw pang sasabihin nito.

Laking gulat na lamang ni Don Miguel nang isang araw, ilang manggagawa ang pumasok sa opisina nito, may dalang sulat at ipinatatalastas sa kompanya na may unyon na ng mga manggagawa at, katunayan, may sertipiko na at nakarehistro na sa Kagawaran ng Paggawa. Nagmura man nang nagmura si Don Miguel, sa payo na rin ng abogado ng kompanya, napilitang kilalanin nito ang unyon, nakipagtalastasan nang malaon tungkol sa mga kahilingan, hanggang kangina ngang umaga, nagharap sa opisinang pangkomperensiya ang dalawang panig at, kahit halos maghapong nag-usap at nagpaliwanagan, lumilitaw na wala pa ring malinaw na napagkasunduan. Matigas ang mga opisyales ng unyon sa kanilang mga pahayag at kahilingan, lalo na nga ang tungkol sa umento sa sahod, bayad sa sobrang oras ng paggawa, libreng gamot at pagpapagamot, kaseguruhan sa trabaho, at iba pang itinadhana na ng batas ngunit matagal nang nilalabag ng kompanya. Sa takbo nga ng usapan kangina, lumilitaw na nagmamatigas si Don Miguel at binigyang-diin pa na utang na loob ng mga manggagawa na pinagtatrabaho pa nito ang mga iyon sa kompanya ng tabako ng mga Riego de Dios.

Tuwang-tuwa naman siya sa nangyari sapagkat, sa init ng ulo, dumeretsong umuwi ang kanyang amo at waring nakalimutan ang nakagawiang aliwan sa piling ng mababango, makikinis at malalambing na babaing halatang namumulupot kay Don Miguel hindi na dahil sa husay niyang magtrabaho kundi sa lalo nitong pagiging galante. Kinabahan nga lamang siya nang matapos lumaklak ito ng Dom Perignon, naligo ito nang husto at nagpabango pa ngunit, nang humilata na ito sa kama – napagod marahil ang isip sa mga problema ngayon sa kompanya – tiyak na tiyak niyang lubos siyang makapagpapahinga hanggang umaga, at hinding-hindi siya pipiliting galitin, ni ipagalit sa sinumang kapareha, upang pagtrabahuhin pa kahit paano, kahit mabilis siyang nanlalambot gayong saglit lamang ang kanyang paglusong at pag-ahon sa dinadalaw nitong minahan. Kalimitan nga – na labis na ipinagtutungayaw ni Don Miguel kasabay ng panlalait sa kanya – ni hindi na siya makapasok man lamang sa entrada ng minahan dahil agad siyang nalulugmok sa panlalambot. Naisip tuloy niyang matagal na ngang nahuthot at nakatas ang kanyang lakas sa ilang dekada na rin namang paspasang pagtatrabaho niya para masiyahan lamang ang kanyang amo sa matapat niyang paglilingkod.

MAAGANG nagising kinaumagahan si Don Miguel, humingi lamang ng isang basong sariwang gatas kay Bebang, saglit na namalagi sa banyo, ipinahanda ang kulay asul na terno at, pagkabihis, habang hinihintay ang itim na Mercedes Benz at tsuper na si Mang Benito, parang hindi ito mapakaling palakad-lakad sa kabuuan ng maluwang na salas ng mansiyong iyon sa Forbes Park. Malimit kumunot ang noo nito saka biglang sisigaw ng punyeta habang nakadukot ang kaliwang kamay sa bulsa ng pantalon. Akala niya tuloy siya na naman ang minumura nito tulad sa bawat pagkakataong hindi na niya ito mapaglingkuran nang lubusan buhat nang magka-edad. Ngayon, kung tutuusin, parang ang muli niyang pinagsisilbihan ay si Miguelito sa panahon ng kamusmusan nito at wala na siyang obligasyon kundi ang magbuga na lamang ng madilaw na tubig sa naghihintay na palikuran ng mga kauri niya ngunit hindi na sumisirit na gaya noon kundi, kalimitan, matamlay na matamlay sa paglabas at pagpatak.

Wala na nga ba siyang silbi? Iyon ang malimit niya ngayong marinig na paratang ni Don Miguel. Iyon ang hindi niya matanggap at ikinasasakit ng damdamin hanggang nagsusumigaw sa kanyang isipan ang paghihimagsik sapagkat, sa abot ng kanyang pang-unawa, ni hindi man lamang minamahalaga ngayon ni isinasaalang-alang ng kanyang amo ang matagal na niyang paglilingkod na nagdulot din naman ng ibayong kaligayahan at kaluwalhatian sa sulak ng dugo ng binatang si Miguelito at, gayundin, nang si Don Miguel na ito. Kasalanan ba niya kung hinuthot ng kanyang amo ang dati niyang sigla at lakas, kung halos hindi na siya pagpahingahin sa walang oras na pagtatrabaho? At ano ngayon ang gantimpala? Ang pagbuntunan ng sisi? Ang paratangang inutil? Gusto tuloy niyang sumigaw, manawagan sa mga kauri niya, upang labanan na ang kani-kanilang amo at putulin, sa wakas, ang tanikala ng matagal nang sa kanila’y pambubusabos ng uring kanilang kinagisnang paglingkuran. Hindi niya tuloy naiwasang itanong sa sarili kung bakit ngayon lamang siya namulat sa kahabaghabag niyang kalagayan. Bakit hindi noon pa nang malakas siya at masigla?

Kabubukas lamang ng maluwang na tarangkahan ng bakuran ng pabrika nang dumating si Don Miguel at nagmamadaling pumasok sa opisina. Ilang saglit lamang, nasa kani-kanilang puwesto na ang mga manggagawa, paanas na nag-uusap at ipinagtataka marahil kung bakit gayong kaaga ng kanilang amo dahil, kalimitan, halos alas onse na o makapananghalian bago ito sumulpot sa pabrika. Makaraan ang ilang minuto, nagmamadaling pumasok sa opisina nito ang abogado ng kompanya, may dala-dalang kung anu-anong papeles na pahapyaw lamang pinagtuunan ng pansin ni Don Miguel.

“Kausapin mo ngayon ang presidente ng unyon ng mga punyeta. Bilhin mo… suhulan mo para iurong ang mga reklamo sa Dole, “ utos ni Don Miguel sa abogado.

“Matigas po, talaga. Nagbanta na nga po silang magwewelga kapag di natin naibigay ang mga hinihingi nila.”

“Mga walang utang na loob, punyeta! Mag-isip ka ng paraan kung paano sila tatanggaling isa-isa… kahit sinong opisyal nila, lalo na iyong b’wisit na presidente. Tingnan mo rin sa mga trabahador ang p’wedeng palayasin na… iyong matatanda na at di na gaanong makapagtrabaho. Iyong mga inutil na.”

Naisip niya, siya yata ang pinariringgan ng kanyang amo, pero malinaw namang mga trabahador sa pabrika ang tinutukoy nito. Padaguk-dagok sa mesa si Don Miguel, at ilang beses na tumawag sa telepono; may narinig pa siyang tinawagang kung sinong heneral, sinabing baka magkawelga sa pabrika at kailangan nito ng ayuda ng mga pulis. Huli niyang narinig ang paulit-ulit nitong salamat, salamat, salamat. May tatawagan pa sana ito, ngunit waring nagdalawang-isip, kaya tuluyan nang ibinaba ang telepono at kumunut-kunot ang lumapad nang noo dahil sa bahagyang pagkakalbo.

Ilang ulit pang nakipagnegosasyon ang unyon, ngunit ang abogado lamang ng kompanya ang humaharap, at sinabi nitong nalulugi ang pabrika kaya imposibleng maipagkaloob ang hinihinging umento at benipisyo ng mga manggagawa. Idinagdag pa nitong mapipilitang magbawas ng mga empleyado ang kompanya para hindi magsara at malamang na pagretiruhin na ang lampas na ang edad sa sisenta.

“Nalulugi? Imposible!” alsa-boses na sabi ng presidente ng unyon. “Noong nagdaang taon, ang laki nga ng binayarang buwis ng kompanya. Ibig sabihi’y malaki ang tinubo. Mali ba ang rekord sa BIR, Attorney? O talagang s’wapang si Don Miguel?”

Saglit na hindi nakakibo ang abogado, saka banayad na sumagot.

“Ipinararating ko lamang sa inyo ang panig ng kompanya. Tingnan natin, baka magawaan pa natin ng paraan. Kakausapin ko nang husto si Don Miguel.”

Sa ilang araw na iyon, ikinatuwa niyang laging mainit ang ulo ng kanyang amo. Waring nakalimutan na nito ang nakaugaliang paghahanap ng kaparehang makakausap at mahihimas man lamang habang pinipilit siyang magalit upang mapagtrabaho kahit panandalian man lamang, kahit alam nitong agad siyang manlalambot at hindi na mapilit sumuka anuman ang gawin sa kanya ni Don Miguel, murahin man at insultuhin, o pagtawanan man ng kapareha nito. Sa wakas, nasabi niya sa sarili, unti-unti na siyang nakalalaya sa matagal nang pagsasamantala sa kanyang lakas sa ilang dekada nang walang habas na pagtatrabaho, hinuthot iyon nang husto, lalo na nga noong kasiglahan ng kanyang amo at umaalimpuyong lagi ang dugo sa mga ugat hanggang puson. Noon, bihira nga siyang makapagpahinga, lupaypay na bago sabunin at paliguan, at tuluyang patulugin nang mahimbing habang naglalaro pa sa bilugang mukha ng kanyang amo ang ligaya’t kaluwalhatian. Gayunpaman, naisip niya, ano pa ang halaga ng kanyang paglaya kung ubos na ang kanyang lakas?

Isang umaga, wala pa si Don Miguel sa pabrika, biglang pumutok ang welga ng mga manggagawa doon, binarikadahan ang tarangkahan, ipinamukha sa mga nakasulat sa plakard at kartelon ang inhustisyang dinaranas ng mga manggagawa sa pabrika ng tabako ng pamilya Riego de Dios, ipinagdiinan ang pagiging tuso, ganid at makaharing pamamalakad ni Don Miguel, at magkakawit-bisig – lalaki man o babae – buong tatag nilang hinarang sa pagpasok ang ilang trak ng kompanya, gayundin ang mga kotse ng ilang opisyal nito. May mangilan-ngilan ding manggagawang hindi nakiisa sa welga, nagtangkang magsipasok, ngunit waring nangatakot at umatras nang makitang dudumugin sila ng mga welgista.

Pero bago magtanghalian, nagdatingan ang mga isandaang pulis, mga nakabatuta, armadong parang lalaban ng giyera, at agad na kinausap ng pinuno nito ang presidente ng nagwewelgang unyon, sinabihang ilegal iyon, kaya makabubuting itigil na ang piket, papasukin sa tarangkahan ang mga gustong pumasok dahil, kung hindi, mapipilitan silang buwagin iyon. Lalong nagkawit-bisig ang mga welgista, nagsigawang walang aalis at, biglang-bigla, dinaluhong ng mga pulis ang piketlayn, walang habas na binatuta ang mga welgista pati mga babae, at napilitang ipagtanggol ng mga nagwewelga ang kanilang hanay hanggang sa magkahambalusan, magpangbuno, magkabatuhan at, sa isang iglap, ilang sunud-sunod na putok ng baril ang nangibabaw sa kaguluhan.

Tatlo sa mga welgista, babae pa ang isa, ang duguang tumimbuwang. Ang iba’y nagpulasang umaagos ang dugo sa mukha dahil sa pumutok na ulo sa hambalos ng batuta, may mga nabalian ng braso, nagkapasa sa katawan, napilay at halos hindi na makalakad at, sapagkat walang kalaban-laban, walang nagawa kundi magmura at magtungayaw habang tumatakbo at napilitang iwan ang piketlayn. Ilan pa sa kanila ang puwersahang dinampot ng mga pulis at isinakay sa mobile car.

“May araw din kayo! Mga putang ina n’yo.”

Agad na nalaman iyon ni Don Miguel, at nalaman din niya, nang magkasunud-sunod ang tawag sa telepono sa mansiyon nito sa Forbes Park. “Madadala na ang mga punyetang iyan. Magdemanda sila. Tingnan ko kung mananalo sila sa akin sa korte. Aba, madali silang palitan,” nagyayabang pa nitong sabi sa kausap sa kabilang linya. Sa buong araw na iyon, namalagi sa mansiyon ang kanyang amo, lumaklak na lamang ng Dom Perignon, at waring hindi ikinatigatig ang marahas na nangyari sa pabrika.

Nang magising ang kanyang amo kinaumagahan, agad itong naligo ngunit hindi na siya gaanong sinabon at binanlawan at waring tuluyan na nga siyang nakalimutan. Pagkaalmusal, agad itong nagbihis, ipinahanda ang Mercedes Benz, sinabihan ang tsuper na dadaan muna sa pabrika saka may kakausapin sa Manila Hotel. Nang palabas na sa bukana ng Forbes Park ang kotse, tatlong lalaking nakamotorsiklo ang biglang sumulpot at agad na umagapay sa kotse, isa sa likuran at dalawa sa tagiliran, saka narinig na lamang ang sunud-sunod na mga putok. Bumulwak ang dugo sa bahagyang nakakalbong ulo ni Don Miguel hanggang tumimbuwang ito sa upuan pisil-pisil ang dumurugo ring dibdib.

Habang naghihingalo ang kanyang amo,bigla niyang naitanong sa sarili: “Malaya na ba ako? Kailan lalaya ang mga kauri ko? Kailan?”#

Read Full Post »