(Kolum)
SAPAGKAT lumilitaw na wala man lamang nakaalaala na kapanganakan noong Pebrero 9 ni Padre Jose A. Burgos, at walang parangal na idinaos para sa kanya ang kinauukulang ahensiya ng gobyerno, minabuti naming ialay sa kanyang alaala ang kolum na ito ngayon. Isinilang noong 1837 sa Vigan, Ilokos Sur, isa siya sa tatlong paring martir — sina Mariano Gomez at Jacinto Zamora ang dalawa pa — na ipinabitay ng mga Kastila dahil sadyang pinagbintangang kasapakat ng nag-alsang mga trabahador sa pagawaan ng barko o baradero sa Cavite (Cavite Mutiny, Enero 20, 1872). Hindi siya ipinabitay dahil sa pangyayaring iyon kundi kinainggitan siya ng mga prayle sapagkat siya ang kura paroko ng Katedral ng Maynila. Pinag-initan siya dahil isinulong niya ang sekularisasyon at sinikap ngang ipabitay nang malaon sapagkat ibinunyag niya at mahigpit na tinuligsa ang pangunguwarta ng Simbahan
Sa palagay namin, isa siyang pangunahing intelektuwal at eskolar ng kanyang panahon. Dahil sa kanyang mga akda, lalo na ang “La Loba Negra,” nalathala noong 1869, naimpluwensiyahan niya nang husto ang kaisipan ni Gat. Jose Rizal. Sa mga obra nga ni Rizal, may mga linya at bahaging hindi maikakailang hinango niya mula sa mga akda ni Burgos. Naging malaking inspirasyon nga ni Rizal si Burgos kaya inihandog niya ang “El Filibusterismo” sa alaala ng tatlong paring martir kaya marahil parehong mag-aalahas na hindi malaman kung saan nanggaling, nagbalik sa Pilipinas upang maghiganti sa mga prayle, sina Melgar (pangunahing tauhan sa La Loba) at Simoun (pangunahing tauhan sa Fili) at, bukod dito, malinaw din ang pagkakahawig ng wakas ng nabanggit na dalawang obra.
Nakasulat si Burgos ng mga 44 na aklat na karamiha’y naghahantad at tumututol sa pandurugas ng Simbahan noon gaya, halimbawa, ng mga sumusunod: “Es Verdad Los Milagros,” “Mare Magnum,” “Ritualets Idolatricos de la Santificacion,” “Filipinas, Estelas de Sangre,” “La Lucha de la Religion Contra La Ciencia,” “Los Conflictos de la Religion y El Estado,” at marami pang iba. Pangunahing naisalba ang “La Loba Negra” kaya may mga sipi pa ngayon, ngunit nakalulungkot na pahirapang makita sa mga aklatan ang marami niyang mga obra.
Hinangaan namin si Burgos sapagkat siya marahil ang kaunaunahang Pilipinong nagtaguyod sa sosyalismo kontra sa mapang-aliping kapitalismo (nasa La Loba) na, ayon sa kanya, “ay hawak lamang ng iilang malalaking negosyante.” Makabuluhan din, lalo na sa kasalukuyang henerasyon, ang kanyang payo: “mahalin nang higit sa lahat ang bayan at ihanda ang sarili sa higit pang madugong pakikibaka laban sa mapagpanggap na mga pulitikong ipinanganganak na parang lumot sa kapinsalaan at kahihiyan ng lipunan na ang tanging layunin sa buhay ay walang iba kundi ang kapakanang pansarili sa pawis at sakripisyo ng sambayanan.”
Batay sa mga pagsusuri ni Padre Burgos — sinangguni pa niya ang sumusunod na mga aklat: “Los Milagros y Sus Variados Origenes” ni Joanes Marcellious (Lieja, 1568), “Organum Milagrorum Orbis Catalicuom” ni Silvious Doane (Paris, 1570), “Los Milagros Sanctii” ni Cuatro Fois Tulien (Baslo, 1610) at “Orbis Milagrorum Act” ni Sigismund Giancourt (Leipzig, 1703) — sinabi niya, at ikinamulat namin: “ang mga milagro ay isang maliwanag na panlilinlang sa mga taong kapos sa pagmumuni at may sirang kaisipan. Subalit kailangang gamitin ito ng Simbahang Katoliko para sa kanyang kayamanan, at para sa luho, kapritso at karangyaan ng mga paring may mga tiyang nagsisitaba dahil sa kasaganaan sa mga pagkain at masasarap na alak.”
Nang makilala ni Burgos sa Maynila si Padre Miguel de Machuca na nanunungkulan sa isang otel malapit sa kuweba ng Birhen ng Monserrat, Espanya, natandaan niya na sinabi ng nabanggit na paring Kastila: “Walang napakabuting negosyo gaya ng mga milagro. Maluwag na nalilikom ang salaping ninanais na makamit nang hindi na kailangang pagurin ang isip at bibig sa pananalangin sa misa at mag-akyat-manaog pa sa mga kumbento.”
Ayon kay Burgos, batay sa aklat ni Padre Leon Taxil, nag-iimbento ng mga milagro ang Vatican: “ang mga hiwaga ng Batikano ay isang kumpol na pananalaysay ng mga laboratoryo, mga lihim na silid at iba pang pook sa loob ng palasyo ng Papa, pati ng isang lupon ng mga paring nag-aaral sa sistema ng pagpapalitaw ng mga milagro xxxxx para mapayaman ang Batikano xxxxx nagsisigamit ng isang mahabang listahan ng mga aparatong lihim na isinisilid sa loob at labas ng katawan ng mga santo, at malalaking krus na ginagamit sa pagpapalitaw ng mga bagay na kahanga-hanga gaya ng dugong artipisyal, tinig o boses, pati ng luha, at iba’t ibang artipisyal ding kilos ng katawan ng mga santo.”
Binigyang-diin pa ni Burgos na batay sa aklat ni Lifenberg Layden, “Orbis Miraclii,” 1566, na “sa Batikano sa Roma, nagkaroon ng isang kawanihang napakaayos, punung-puno ng di mabilang na katangi-tanging mga aparato. Pinamamahalaan ito ng matatalinong pari na iniuukol ang buong buhay sa pag-aaral at paglikha ng mga milagro, pati ng pamamaraan kung paano mapalalago ang kayamanan ng Simbahan at ng relihiyong Katolika Apostolika Romana. Pinag-aaralan nila araw-gabi ang pinakamahusay na paraan upang makuha ang salapi ng bayan. Ang industriya o pangangalakal, ang kimika, ang parmasya, at ang talino ng tao ay para-parang nagtutulungan sa mga laboratoryo ng Batikano.”
Sa mismong mga parokya noon sa Ilokos, natuklasan ni Burgos na labis na pinagkakakitaan ng Simbahan ang mga santo — gaya nina San Vicente at San Isidro — dahil milagroso diumano. Lumitaw na inuka ang loob ng ulo ni San Isidro, nilagyan ng asin at ilang patak na tubig saka sinakluban ng maayos na peluka na, di nga kasi, mamamawis ang mukha sa kalaunan dahil sa init ng panahon. Sa ganito ring proseso, binubutasan pa nang maliit ang gilid ng mga mata ng santo, hinahaluan ng artipisyal na dugo ang asin, kaya tiyak na luluha iyon ng dugo at sasabihing milagro. Lihim na binubuhat naman ng sakristan si San Vicente kung gabi, dinadala sa bukid at pinuputikan saka ibabalik sa altar upang makita ng mga nagsisimba kinaumagahan na nagmilagro nga ito.
Sapat na marahil ang mga nabanggit upang gunitain at papurihan si Padre Jose Apolonio Burgos. Makatuwiran lamang na patuloy siyang parangalan ng sambayanang Pilipino bilang mapagmahal sa katotohanan at huwaran ng makabayan at progresibong kaisipan.
Pebrero 11, 2007
You must be logged in to post a comment.