(tula)
lorena barros…
sa bitak ng iyong utak,
nakawakawak inuuod na bangkay ng paganismo
habang sa iyong mga mata
nagniningas kandila ng rebolusyon
dumating ka sa isang yungib sa disyerto
taglay ang ilaw ng madaling-araw
habang nagiginaw na mga anino sa dilim
ay naghahabulan tungo sa kamatayan.
sa isang magdamag ng kawalanghanggan
halikan mo, lorena,
mga sikmurang nilalangaw
dinggin mo sigaw ng batingaw
habang nagbabanyuhay sa aking paanan
ilang mumong kanin at inaamag na tinapay
rebolusyon, lorena, rebolusyon
ang parang itak na susugat
sa mga manhid na utak.
sa aking yungib sa disyerto, lorena,
dumating akong nag-iisa
at ulila akong lilisan
sa pasigan ng kaluluwa
sa isang magdamag ng kawalanghanggan.
PILIPINO FREE PRESS, Nob. 19, 1969
Leave a comment