Feeds:
Posts
Comments

Archive for April, 2008

IMORAL NA LIPUNAN


KAGABI, parang ayaw na naming magsulat ni isang letra tungkol sa umiiral na nakasusulukasok na pambansang kalagayan habang, sa kabilang banda, taingang-kawali ang mga nasa poder at ayaw dinggin ang matagal nang idinaraing ng dayukdok na masang sambayanan.

Bagaman mali, at isang karuwagan o pagtakas sa katotohanan, naisip naming matulog na lamang at huwag nang dalirutin ang nilulumot nang mga problemang panlipunan sapagkat, sa dispalinghado naming pananaw, hindi na iyon magagamot ng mga paglalahad, o matindi mang mga panunuligsa sa uring mapagsamantala at naghahari-harian sa bansa.

Pinilit naming pumikit, ngunit ayaw haplusin ng antok ang aming kamalayan, at umuukilkil pa rin sa kaisipan ang maraming bagay na nagpapasulak ng dugo at nagtutulak sa sariling makisangkot — sa anumang paraan — sa mga proseso tungo sa tunay na pambansang pagbabago.

Naisip naming bulatlatin, kahit nabasa na noon, ang dalawang libro sa pilosopiya: ang “Tao Te Ching” ni Lao Tsu at ang “From Socrates to Sartre” ni T.Z. Lavine, ngunit waring lalong naligaw sa kagubatan ng mga ideya ang lumulutang at nalilito naming kaisipan.

Upang maaliw at mapayapa ang damdamin, minabuti naming muling pahapyaw na basahin ang “Gospel Fictions” ni Randel Helms at napagtuunan namin ng pansin ang mga kontradiksiyon sa mga ulat ni San Mateo at ni San Lukas tungkol sa pagkakapanganak kay Jesus. Kay Mateo, naninirahan na sa Bethlehem sina Jose at Maria hanggang ipanganak si Jesus at naglakbay nang malaon patungong Nazareth. Kay Lukas naman, nasa Nazareth na sina Jose at Maria at nagpunta lamang sa Bethlehem nang malapit nang manganak si Maria.

Matapos naming suriin ang ilang pahina, lalo na ang tungkol sa mga milagro, lalo kaming naguluhan at hindi matiyak kung alin ang paniniwalaan, tulad din ng ipinangangalandakang mga programa at plataporma ng estado tungo diumano sa pambansang kaunlaran at katubusan.

Lalo kaming hindi inantok nang muli naming pasadahan ang “X-Rated Bible” ni Ben Edward Akerley, isang masusing pag-aaral tungkol sa mga bahagi ng Bibliya na hitik sa mga tagpong seksuwal na itinuturing na kalaswaan at imoral ng nagbanal-banalang lipunan, gayong may higit na imoral na mga bagay, tulad ng patuloy na pambubusabos ng iilang tao sa malawak na sektor ng sambayanan at patuloy namang pandarambong ng mga makapangyarihan sa salapi ng bayan.

Sa Genesis 19:26-38, matapos gunawin ang Sodom at Gomorrah, nanirahan sa isang kuweba si Lot kasama ang dalawa niyang anak na babae sa takot na magahasa ang mga iyon ng mga kalalakihan ng Zoar. Sa kagustuhang mapanatili ang kanilang lahi, napagkasunduan ng kanyang mga anak na lasingin siya at sipingan. Noong unang gabing malasing si Lot, ang panganay ang sumiping at nakipagtalik sa kanya. Sa ikalawang gabi, ang nakababata naman ang nakipagtalik kay Lot. Nabuntis ang magkapatid at ipinanganak ng panganay si Moab at ng nakababata si Ben-am’mi.

Makikita rin ang relasyong seksuwal ng magkadugo sa Samuel 13:1-19 nang gahasain ni Amnon, anak ni Haring David, ang kanyang kapatid sa ama na si Tamar. Bilang paghihigangti, pinatay ni Absalom — kapatid ni Tamar sa ama’t ina — si Amnon.

Maging si Moises, dakilang lider diumano ng Israel, ay bunga rin ng relasyong seksuwal ng magkapamilya. Sa Exodus 6:20, sinipingan at binuntis ni Amram ang kanyang tiyang si Joch’ebed — kapatid ng kanyang ama — at naging mga anak nila sina Aaron at Moises.

Higit kaming nanatiling gising nang mabasa namin kung paano nakiapid si Haring David at ipinapatay pa niya nang malaon — sa pamamagitan ng isang napakatusong pakana — ang asawa ng kanyang kalunya. Sa II Samuel 11:2-27, nakita niya mula sa bubong ng kanyang palasyo ang naliligong si Bathsheba. Labis niya itong pinagnasaan hanggang sa makasiping at nang mabuntis, pinauwi niya mula sa digmaan ang asawa nitong si Uriah upang mapagtakpan ang kanyang ginawa. Sa halip na umuwi sa sariling bahay si Uriah upang makipagtalik kay Bathsheba, nanatili ito sa palasyo bilang isang matapat na mandirigma.

Napilitan si Haring David na pabalikin sa digmaan si Uriah, ngunit inatasan niya ang kumander nito na italaga si Uriah sa unahan ng hukbo nang mapatay agad. Nang mapatay ito, tuluyan nang kinasama ni David si Bathsheba. Namatay ang una nilang anak, ngunit nabuhay ang pangalawa — si Solomon na naging hari nang malaon at nagkaroon ng 700 asawa at 300 pang kabit.

Nakatutuwa naman ang I Samuel 18:6-27 nang mandirigma pa si David sa panahon ni Haring Saul. Lihim na kinainggitan ni Saul si David sapagkat higit na napabantog kaysa kanya sa buong Israel kaya hinangad niyang mapatay si David sa digmaan. Nang makursunadahan ni David ang isang anak na dalaga ni Saul — si Michal — hininging dote ni Saul ang 100 balat ng titi ng mga Philistinong kalaban nila sa digmaan. Ngunit hindi napatay si David at nagawa pa nitong tuliin ang 200 kalaban, ibinigay kay Saul ang balat ng mga titi, kaya nakuha naman niya si Michal.

Kung puno man ang Bibliya ng mga tagpong seksuwal — batay sa pagsusuri ni Akerley– mulang pangangalunya at pakikipagtalik sa hayop o kadugo, mulang onanismo o pagsasalsal, mulang panggagahasa at prostitusyon, hanggang eksibisyonismo o pagpapakita ng ari sa publiko, maituturing namang higit na imoral ang paglaganap ng karalitaan dahil sa walang patumanggang pagsasamantala at inhustisya ng iilang diyus-diyosan sa umiiral na lipunan.

Lalo kami tuloy hindi nakatulog nang muling umukilkil sa isipan ang walang gulugod na pambansang liderato at mga bentador ng soberanya at ng kapakanang-bayan at ng kinabukasan ng susunod na henerasyon. Muntik na kaming mabaliw nang mabasa namin ang magulong ulat at mala-sarsuwelang imbestigasyon ng Senado tungkol sa multi-milyong pisong deposito ng isang Jose Pidal.

Inisip na lamang naming kami’y nasa ibang planeta upang makalimot at makatulog. #

Kolum, Setyembre 10, 2003

Advertisements

Read Full Post »

HUWAD NA KABANALAN


HINDI na nakagugulat sa kasaysayan ng Simbahan at gaya na lamang ng paghihilamos at pagmumumog kung umaga ang masangkot ang mga alagad nito — pari man o obispo, arsobispo man o kardinal o maging ang Papa sa Roma — sa mga eskandalong seksuwal. Sa Amerika na lamang, batay sa mga ibinunyag ng Time at Newsweek, hindi iilang pari ang lumitaw na may mga kulasisi o kabit, may mga anak sa labas, nanggahasa o nagmolestiya ng lalaki man o babae.

Umalingasaw din sa mga parokya sa ating bansa ang gayong mga eskandalo at, katunayan nga, apat na taon lamang ang nakararaan, inamin ng CBCP (Catholic Bishops Conference of the Philippines) na sa 6,000 mga pari sa Pilipinas, mga 4,000 sa kanila ang may karelasyon at may mga anak pa nga sa labas ang iba. Ilan sa mga paring ito ang tumalikod na sa tungkulin, iniwan ang kani-kanilang parokya, at hayagang nagsipag-asawa.

Hindi na namin nasundan ang resulta, naging laman ng mga diyaryo noon ang kasong panggagahasa ni Fr. Macario Apuya ng Vigan, Ilokos Sur, at usap-usapan naman ngayon — totoo man o hindi — ang isinampang reklamo kay Papal Nuncio Antonio Franco, kinatawan ng Vatican dito, ng dating sekretarya ni Obispo Teodoro Bacani, Jr., tagapayo ni Bro. Mike Velarde ng tropang El Shaddai. Diumano, niyakap siya, pinanggigilan at pinaghahalikan ni Bacani.

Gaya ng mga basalyos ng ibang mga sektang panrelihiyon, bakit hindi pa nga pahintulutan ng Papa sa Roma na magsipag-asawa’t makipagtalik ang kanyang mga alagad gayong tao rin naman sila at sinasabing napakahirap supilin ang mga pangangailangang seksuwal? Nagiging ipokrito tuloy ang mga ito, itinatago sa loob ng abito o sutana ang makamundong pagnanasa habang nangangaral kung ano ang moral o imoral.

Sabagay, maging ang sinasabing Banal na Bibliya — lalo na ang mga aklat ng Genesis, Leviticus, Ecclesiastes, Corinthians, Exodus, Psalms, at iba pa — ay puno ng mga tagpong baka ituring na X-rated ng moralista’t nagbabanal-banalang lipunan. Naroroon ang eksena ng maramihang pagtatalik, eksibisyonismo, pangangalunya o pakikiapid, pakikipagtalik sa hayop, onanismo o pagsasalsal, at tinatawag na sodomy.

Batay naman sa pananaliksik ni James A. Haught, awtor ng “Holy Horrors,” matindi ang katiwalian, kasuwapangan at imoralidad ng Simbahan lalo na noong Edad Media. Kasangkot maging ang mga naging Papa sa kung anu-anong eskandalo. Ibinigay ni Papa Juan XII sa kanyang kabit ang ibang kayamanan ng Simbahan, kinapon ang isang karibal, binulag ang isa pa, at pinamunuan ang isang hukbo sa pakikidigma. Ibinenta naman ni Papa Benedict IX ang kanyang trono sa gustong humalili sa kanya sa halagang 1,500 libra ng ginto. Labis na pinahirapan at ipinapatay ni Papa Urban VI ang kanyang mga kardinal at ipinagyabang pa ni Papa Innocent VIII ang ilehitimo niyang mga anak na pinagpasasa sa kayamanan ng Simbahan. Pinatay ni Papa Boniface VII ang dalawang karibal sa trono at gayundin ang ginawa ni Sergius III sa dalawa niya ring kalaban. Nilaspag naman ni Papa Benedict V ang isang dalagita at itinakas ang kayamanan ng Vatican. Ipinapatay ni Papa Boniface VIII ang bawat mamamayan ng Palestrina at ipinasunog ang buong siyudad. Nang kinatawan pa lamang ng Papa si Clement VIII, ipinapatay naman nito ang 8,000 mamamayan ng Cesena, pati mga bata.

Napatanyag naman sa kasaysayan ng pornograpiya bilang “Ballet of the Chestnuts” ang ginawa ni Papa Alexander VI. Matapos suhulan ang mga kardinal upang mahalal siya bilang Papa, nagdaos ito ng piging sa loob ng Vatican kasama ang dalawang bastardong anak, sina Cesare at Lucrezia Borgia.

Sa “March of Folly” ni Barbara Tuchman, inilarawan niya ang sumusunod:

“Pinamunuan ng Papa ang piging na inihandog ni Cesare sa Vatican. Limampung mang-aaliw na babae ang nakipagsayaw sa panauhing mga lalaki matapos ang hapunan, sa simula’y nakadamit at hubo’t hubad na nang malaon. Pagkatapos, isinabog sa lapag ang mga kastanyas kasama ng mga kandelabra na pagapang na dinadampot ng mga babae habang nanonood ang Papa, si Cesare at ang kapatid niyang babaing si Lucrezia. Sumunod ang pakikipagtalik ng mga panauhin… may gantimpalang mamahaling sutlang tuniko o balabal ang sinumang lalaking pinakamaraming ulit na nakipagtalik sa mga babae.”

Dahil sa mga nabanggit, tumindi’t nagkasunud-sunod ang mga protesta at paghingi ng reporma sa herarkiya ng Simbahan. Noong mga taon ng 1100, nagprotesta ang paring si Arnold ng Breccia; hinubaran siya ng abito, ipinatapon, naging “excommunicado” at nang hindi tumigil, ibinitin at sinilaban siya nang buhay.

Sa Inglatera naman noong 1300, tinuligsa ni John Wycliffe, isang paring propesor, ang mga katiwalian ng Simbahan at itinakwil niya ang doktrinang dugo at katawan ni Kristo ang alak at ostiyang ginagamit sa misa. Lumaganap ang kanyang aral hanggang Czechoslavakia sa pamamagitan ng isang paring si John Hus na ipinakulong at ipinasunog ng mga awtoridad ng Simbahan.

Maging sa Italya na kuta ng Vatican, pinangunahan naman ng paring si Girolamo Savoranola ang paghingi ng reporma hanggang ikulong siya, ibitin at sunugin nang buhay noong 1498. Pumutok ang matinding paghihimagsik laban sa Simbahan noong 1517 nang ipaskel ni Martin Luther sa pinto ng simbahan ng Wittenberg ang 95 pahina niyang tesis na masasabing ganap na nagluwal sa Repormasyon at nagpasiklab ng pagpapatayan ng mga Katoliko’t Protestante hindi lamang sa Europa kundi maging sa iba pang panig ng mundo.

Sa kasalukuyan, hindi nga malayong maulit ang mga katiwalian, eskandalo’t imoralidad at kalupitan noon ng Simbahan kahit itago man sa loob ng mga abito, wisikan man ng agua bendita o tambakan ng ostiya upang hindi umalingasaw.

Ito ang huwad na kabanalan.

Hunyo 18, 2003

Read Full Post »

ALIN ANG IMORAL?


(Kolum)

Hindi namin maunawaan hanggang ngayon, o ayaw ipaunawa sa amin ng mga anghel sa kalangitan at ng mga basalyos ni San Pedro sa lupa, ang pagtutol ng mga lider ng Simbahan sa paggamit ng artipisyal na mga pamamaraan, gaya ng kondom, IUD, ineksiyon at pildoras, upang masugpo ang mabilis na pagdami ng populasyon.  Kamakailan lamang, ginamit pa itong pang-blackmail ng Simbahan sa mga pulitiko at nagbanta ang pangulo ng CBCP (Catholic Bishops Conference of the Philippines) — si Arsobispo Orlando Quevedo noon — na hindi iboboto sa darating na eleksiyon ang agresibong mga sumusuporta sa programa ng pamahalaan sa birth control.

Bagaman hindi ang pagdami ng populasyon ang pangunang dahilan ng matinding karalitaan kundi ang napakasamang balangkas ng lipunan na iilan ang kumokontrol sa pulitika at ekonomiya ng bansa, nakababahala na rin na halos 90 milyon na ang populasyon  ng bansa at ika-14 na ito sa pinakamataong mga nasyon sa buong mundo.  Mabilis pa itong nararagdagan ng 2.36% bawat taon habang, sa kabilang banda, tumitindi ang krisis pang-ekonomiya at inutil ang pamahalaang matugunan ang pangunahing mga pangangailangan ng napakaraming mamamayan, lalo na nga ang sugpuin pa ang paglaganap ng karalitaan.

Sa kabila nito, sagad hanggang langit ang pagtutol ng Simbahan sa artipisyal na birth contol at sinasang-ayunan nito ang natural na pamamaraan, gaya ng pag-iwas sa pagtatalik kung nasa panahon ng ovulation ang babae.  Tanggapin nang imoral at kasalanang mortal, gaya ng paniniwala ng Simbahan, ang aborsiyon o paglalaglag ng fetus o nabubuong sanggol sa obaryo ng ina, aborsiyon na ba ang paggamit pa lamang ng kondom at IUD at ng katulad nito upang mahadlangan ang pagbubuntis?

Lumilitaw ding doble-kara ang prinsipyo ng Simbahan sa bagay na ito.  Noong dekada ‘60 nang kainitan ng giyera sibil sa dating Belgian Congo, pinahintulutan ng Vatican na uminom ng pildoras ang mga madre doon upang hindi mabuntis kung sakaling magahasa ngunit, noong dekada ‘90, sa digmaan ng  Serbia at Kosovar, tinuligsa ni Monsignor Elio Segreccia — malapit na tagapayo ng Papa — ang pag-inom din ng kababaihang Kosovar ng mga pildoras upang hindi mabuntis dahil ginagahasa ng mga sundalong Serbian.

Ano ang pagkakaiba ng madre sa hindi madre?  O baka ang madre’y puwede lamang buntisin ng banal na espiritu, gaya nang nangyari diumano sa ina ni Noah at sa ina rin ni Jesus?

Kailan ba nagsimula ang sarado o panatikong paniniwala ng Simbahan laban sa birth control at aborsiyon?

Sa Bibliya, nabanggit lamang ang aborsiyon sa Exodus 21, bersikulo 22-25.  Sa naturang teksto, parurusahan ang sinumang lalaking nanakit ng sinumang buntis na naging dahilan upang ito’y makunan o malaglag ang ipinagbubuntis.  Sa maraming dantaon, pinaniwalaan maging ng Simbahan ang interpretasyong ito.

Sa paglipas ng mga taon, nagsimulang mabago ang gayong paniniwala at pikit-matang tinanggap na tuwirang ipinagbabawal ng Bibliya ang aborsiyon nang magkaroon ng ibang pakahulugan ang isang teologong Carthaginian sa naturang teksto ng Exodus.  Iginiit ni Quintus Septimius Florens Tertullianus (A.D. 160-230) na may kaluluwa na ang fetus makaraan ang 40 araw kung lalaki, at 80 araw naman kung babae.

Pinalubha pa ang kamalian sa bagay na ito nang isalin sa Latin mula sa orihinal na Hebrew ang tekstong iyon ni Eusebius Hieronymus, itinuring na eskolar ng Bibliya.  Nang ipahayag pa noong 1869 ni Papa Pio !X na isang kasalanang mortal ang aborsiyon at binigyang-diin pa niya ang katawatawang doktrinang “hindi nagkakamali” ang Papa, lalong tumibay ang paniniwala ng mga basalyos ng Simbahan laban sa aborsiyon, at itinuturing pa ngayon na aborsiyon na ang paggamit lamang ng kondom, IUD at pildoras upang mahadlangan ang mabilis na pagdami ng populasyon na mauuwi sa higit na malaganap na karalitaan.

Natural, hindi dapat supilin at ilaglag ang fetus sa obaryo ng ina kung bunga ng mataos na pag-iibigan ngunit kung bunga, halimbawa, ng panggagahasa, masusunod pa rin ba ang diumano’y laging tamang Papa sa Roma?  Hindi rin kaya makatuwirang hadlangan ang pagbubuntis sa pamamagitan ng artipisyal na mga pamamaraan?

Tungkol sa mga babaing Kosovar, sinabi nga noon ni Dr. Eva Sabachi ng Marie Stopes International, isang organisasyong nagtataguyod sa birth control at nagbibigay-payo sa mga nag-aborsiyon, na pinakamasamang magagawa ng Vatican sa naturang mga babae ang payagang isilang ng mga iyon ang bunga ng panggagahasa, lalo na’t ang gumahasa sa kanila’y mismong pumatay sa kanilang mga asawa at kapatid.

Sa aba naming palagay, higit na imoral ang karalitaan kaysa birth control at aborsiyon at kasalanang mortal ng mga basalyos ng Simbahan ang hadlangan ang bagay na ito.  Sabagay, kahit lumaganap nang lumaganap pa ang karalitaan dahil sa pagdami ng populasyon, yayaman at yayaman naman ang Simbahan at, katunayan nga, mga isang trilyong dolyar na ang kabuuang yaman ngayon ng Vatican.

Sabi nga, higit na dapat unahin ng Simbahan ang paglilinis nito sa sariling bakuran kaysa pagkondena sa birth control lalo na ngayong nabubulgar na nang husto ang patuloy na pagkakasangkot ng mga basalyos nito sa iba’t ibang eskandalong seksuwal.

Alin nga ba ang imoral: ang birth control at aborsiyon o ang pagsusulong ng karalitaan at pagpapayaman ng Simbahan sa pawis at dugo ng dayukdok na sambayanan?

Read Full Post »


 

namumulaklak na ang cadena de amor
sa lapidang lata ni ka pedrong magsasak

na pumanaw na ang plema’y

kasing pula ng gumamela

sa bawat pagdahak kung umaga

kulubot ang mukha’t maalipunga ang paa.

ilang gabi rin siyang pinaglamayan

ng mga alitaptap sa punong akasya

tinangisan ng uugud-ugod na kalabaw

sa ugat ng punong mangga

inalayan siya ng kapeng barako, ng galyetas at biskotso

beninditahan ng sampagita’t ilang-ilang

at ng mga luha ng kandila ng kaalipinan.

kupasing pantalong maong

polong pinaglaruan ng panahon

at mga alaala ng abuhing kahapon

ang kasama niyang ibinaon

sa piling ng itim na daigdig ng palotsinang kabaong.

nakaluhod ngayon ang araro

sa silong ng bahay-kubo

nagdarasal sa pilapil ang talahib at amorseko

sa tarundon at tumana

ay nalugmok ang pag-asa

sa pagyao ni ka pedrong magsasaka

agunyas sa karimlan ang awit ng mga maya

hininga ng dapithapo’y

kasing sangsang ng pulbura

mga buhay na kalansay sa bukiri’y naglipana

mga nota ng araro hinihimig ay plegarya.

dugo ang iniluluha ng mga bulaklak

sa bawat paghibik ng buong magdamag

sa mga bukiring adhika’y naglatak

kalian itititik ng talim ng tabak

sa dibdib ng lupa ang laying mailap?

kalian aanihin ng lingkaw at karit

ang laksang pangarap

upang di dugo

ang siyang iluha ng mga bulaklak?

matagal nang naglalaba’t naglalampaso

ang anak na dalaga ni ka pedro

sa mansiyon ng propiyetaryo!

SUNDAY INQUIRER, Mayo 14, 1989</div

Read Full Post »

Pandesal Kay Magdalena


(Tula)

nakita ko
isang makulimlim na umaga
ang anak kong si magdalena
nakaupo
sa ugat ng punong mangga
tangan-tangan
ang matigas na pandesal
na walang palaman
ni asukal.

bawat kagat
ay kanyang ninanamnam
habang nakatanghod
sa kanyang paanan
ang ilang pulang langgam.

at kami’y nagkatinginan
siya’y napangiti
ako’y napaluha
at napatadyak
sa matigas na lupa.

(TRENDS, PUP, 1989)

Read Full Post »


(Editoryal)

PARANG HINIMAS saka binatukan ni Embahador Alistair MacDonald ng EU (European Union) ang administrasyon ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo sa Kapihan sa Sulo Hotel kamakailan nang purihin niya muna ang ipinagyayabang ni La Gloria na 7.3% pagsulong diumano noong 2007 ng kabuuang produkto ng bansa o GDP (gross domestic product) at, pagkatapos, tinuligsa naman niya ang paglaganap ng karalitaan dito batay sa ipinalabas na datos ng NSCB (National Statistical Coordinating Board).

Kahindik-hindik – kung totoo – na sumulong ng 7.3% ang pambansang ekonomiya noong nagdaang taon. Ayon nga kay MacDonald, “kinikilala namin na pinakamahusay itong makroekonomikong nagawa sa loob ng 50 taon.” Gayunpaman, sa kabilang banda, waring gusto naman niyang isumbat sa pambansang liderato kung bakit maraming mamamayan ang nagdaralita at nabubuhay sa wala pang $1 sa bawat araw. Sa datos ng NSCB, tumaas pa ito mulang 30% at naging 33%. Binigyang-diin pa nga niya na lalong lumalaki ang agwat na naghihiwalay sa mayaman at sa maralita.

Sa punto tuloy ni MacDonald, “kailangang pagsikapan ng gobyernong maisakatuparan ang mga layunin ng Millenium Development na ating pinagtibay para tiyak na mapagkalooban ng nararapat na serbisyo sa kalusugan at edukasyon at maging kabahagi sa pag-unlad ng ekonomiya ang pinakamahihirap na mga komunidad.” Kailangan din, sabi niya, na lutasin ng pamahalaan ang mga pagdukot at pagpatay na pampulitika sa bansa na tumindi mula nang maluklok sa kapangyarihan noong 2001 si La Gloria.

Umuunlad nga ba ang pambansang ekonomiya sa ilalim ng liderato ni La Gloria? Kung totoo ito, bakit lumalaganap pa ang karalitaan? Bakit tuluy-tuloy ang pandarayuhan – magpaalipin man – ng milyun-milyong manggagawang Pilipino kung gumaganda nga ang buhay sa Pilipinas? Bakit mga isang milyong Muslim sa Mindanaw ang umaasa sa donasyong pagkain ng ibang mga bansa (World Food Programme) upang makatawid-gutom sa araw-araw? Bakit, hanggang ngayon, milyun-milyong Pilipino ang walang bahay at lupa, walang trabaho, at hindi mapagkalooban ng kinakailangang edukasyon ang mga anak? Bakit, sa kabuuan, para sa masang sambayanan, miserable ang buhay sa sariling bayan, lalo ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis at pangunahing mga bilihin unang-una na ang bigas?

Ayon nga kay Felipe Medalla, dating direktor heneral ng NEDA (National Economic Development Authority) at propesor ngayon ng ekonomiya sa Unibersidad ng Pilipinas, “waring isang kathang-isip na estadistika” ang sinasabing 7.3% pagsulong ng GDP. Kung susuriin, binigyang-diin niya, mga 5.5% lamang ito. Sa punto nga ng Global Source na nakabase sa New York, taliwas sa takbo ng kasaysayan ang ipinagyayabang ng rehimen na 7.3% pag-unlad ng ekonomiya at, sa opinyon nito, 5.6% lamang ang mararating na GDP ng bansa sa 2008. Sa maikling salita, sa tingin ng Global Source, hindi tunay na larawan ng pambansang ekonomiya ang ipinipinta sa sambayanan ng naghaharing rehimen.

Salungat din sa reyalidad ang 7.3% GDP, ayon naman kay Cielito Habito, dati ring direktor heneral ng NEDA. “Maraming mga dahilan upang pagdudahan ang mga datos na ibinibigay ngayon sa atin,” sabi niya. Kung totoong umuunlad ang ekonomiya, tanong niya, bakit 150,000 trabaho lamang ang nalikha ng gobyerno noong 2007? Sa nakaraang mga taon, binigyang-diin niya, pinakamababa ang naturang bilang na, di nga kasi, dapat na tumaas pa kung talagang mabilis ang pagsulong ng pambansang ekonomiya.

Saan, kung gayon, napulot ni La Gloria ang ipinagyayabang na datos – hanggang Hong Kong sa tatlong araw na 11th AIC (Asian Investment Conference, Marso 31-Abril 2 ngayon) – na nakamit ng bansa ang 7.3% GDP noong nagdaang taon? O mahilig siyang magpunta sa Enchanted Kingdom sa Laguna at nakahiligan niyang sumakay sa tsubibo (ferris wheel) ng panlilinlang upang makapangunyapit lamang sa kapangyarihan?

Hindi na tuloy katakataka na sa Grand Hyatt Hotel sa Hong Kong, sinalubong agad siya ng nagpoprotestang migranteng mga manggagawa na pawang nakaputing maskara at may nandudumilat na mga titik na: “sinungaling,” “mandaraya,” at “mamamatay-tao;” may mga plakard pa ang iba na malinaw na nakasulat ang “Bigas, hindi pagwawaldas!” at “Patalsikin si Gloria.”

O talagang nasasarapan si La Gloria sa pagsakay sa tsubibo ng panlilinlang habang dayukdok naman at nagdaralita, sa kabilang banda, ang binibilog ang ulo o inuutong masang sambayanan?

Read Full Post »


  


(Tula)

sa dagat ng apoy ng mga bendita

tayo’y magmimisa…

habang iniluluwa  may lasong ostiya

sa mga simbahan at mga kapilya

ating itataas  kalis na bungo

at bubusan ng sariwang dugo

santong rebulto at mukha ni kristo. 

sa dagat ng apoy ng mga bendita

tayo’y magmimisa…

pulpito natin ang puso ng masa

bayaang magsermon tabak at pulbura

papagkumpisalin lahat ng may sala

piliting lumuhod ang pari at mongha

pahaliking lahat sa paa ng indio

himurin  sugat ng mga anino.

sa dagat ng apoy ng mga bendita

titipunin natin namuong luha ng mga kandila…

bawat estampita’t mga kandelabra

sa altar ng dusa

butil ng rosaryo sa mga sakristiya

mailbag na kalmen sa dibdib ng masa

at bibliya ng pera 

ipambabala sa nalikhang kanyon

ng pakikibaka. 

sa dagat ng apoy ng mga bendita

bayaang  bungo’y mabiyak

habang nagmimisa…

isabog  dugo at utak sa mga kalsada

sa bukid at lungsod

sa burol at bundok

sa lupang binaog

ng salot na krus ng ubaning santo

at ng mga ganid sa mga kumbento. 

sa dagat ng apoy ng mga bendita

tayo’y magmimisa…

bendisyon ng tabak at koro ng bala

himno ng pulbura’t mga dinamita

wawasaking lahat mga bartolina

ng layang kinulong ng puting demonyo

at magbabanyuhay lahing Pilipino. 

sa dagat ng apoy ng mga bendita

dadasalin natin marahas na nota ng pakikibaka…

di na tayo luluhod na muli

habang nagmimisa

upang maglagablab  mga bulaklak

upang  amiha’y humalakhak

upang  talahib ay umindak

at sa basbas ng ngitngit ng lintik

iwawagayway natin  nagdurugong bandila

sa bawat dampa ng mga inalila

bawat luha’y magiging punglo ng paglaya! 

           Sunday Inquirer, Enero 25, 1995

Read Full Post »

« Newer Posts