Feeds:
Posts
Comments

Archive for May, 2008


MATAPOS ideklara ni Hen. Emilio Aguinaldo ang sinasabing kasarinlan ng bansa noong Hunyo 12, 1898 sa balkonahe ng kanyang mansiyon sa Kawit, Kabite — makaraang makalaya sa kolonyalismong Kastila — at nang luminaw ang gahamang layunin ng Amerikang sakupin at pagsamantalahan ang Pilipinas, marami agad ang bumalimbing sa uring ilustrado’t elitista, ipinagkanulo ang kapakanan ng masa, pinagtaksilan ang pambansang soberanya at naging garapalang Amerikanista.

Pinangalagaan ang oportunistang mga interes, humimod agad sa tumbong ng Amerika ang mga ilustradong nakapaligid at nang-uto kay Aguinaldo sa Kongreso ng Malolos, gaya nina Pedro Paterno, Benito Legarda, Pardo de Tavera, Jose Luzurriaga, Cayetano Arellano, Felipe Buencamino, Florentino Torres, Victorino Mapa, Macario Adriatico, at iba pang patuloy na itinuturing na mga “makabayan” at nakabalandra pa nga magpahanggang ngayon ang mga pangalan sa mga kalye, paaralan at pampublikong mga lugar.

Sa kanilang mga pahayag sa Schurman Commission sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, sinalaula nila’t ipinampunas ng paa at puwit ang dignidad ng mga Pilipino at walanghiyang ipinahayag ang labis na pamamanginoon agad sa dayuhang mananakop. Halimbawa, nang tanungin ng Schurman Commission si Arellano kung kaya na ng mga Pilipinong magsarili at pamahalaan ang bansa, tuwirang sinabi ng Kapampangang si Arellano:

“May bahagyang kakayahan ang ilan. Sa ilang lalawigan, halimbawa ang Pampanga, ang mga mamamayan ay may sapat na kaalamang magpalakad ng kanilang pamahalaan ngunit hanggang doon lamang; hindi sila maaaring magsarili.”

Bilang pagsisipsip agad sa mga Amerikano, sinabi naman ni Tavera: “Pagkatatag ng Kapayapaan, lahat ng ating pagpupunyagi ay dapat iukol sa ating pagiging maka-Amerikano; kinakailangang palawakin at gawing panlahat ang kaalaman sa salitang Ingles upang maangkin natin ang kanilang ugali at kabihasnan sapagkat ito lamang ang ating ganap na katubusan.”

Higit na nakasusuka ang sinabi ni Buencamino: “Ako’y isang Amerikano at lahat ng salapi ng Pilipinas sampu ng hangin, liwanag ng araw ay aking ipinalalagay na Amerikano.”

Hindi nasiyahan sa mga pahayag lamang, lubusan silang nakipagsabuwatan sa Pamahalaang Amerikano, nagtatag ng mga partidong lubos na kikilala sa kapangyarihan ng mga Amerikano at, kung maaari, gawin nang isa sa mga estado ng Estados Unidos ang Pilipinas. Ito ang Partido Federal, Partido Conservador at Asociacion de Paz na pinangunahan nina Pedro Paterno, Macario Adriatico, Gregorio Singian, Justo Lukban, Enrique Barredo, Leon Ma. Guerrero, Felipe Buencamino, Rafael Palma, Pascual Poblete, Nazario Constantino, Joaquin Lara at iba pang ilustradong nagsipagtaksil sa masa ngunit, sa kabilang banda, dinakila pa rin ng mga hindi mulat sa tunay na kasaysayan ng bansa bunga ng mga aklat pangkasaysayang sinulat ng mga historyador na nakukubabawan ng utak-kolonyal.

Minana ng sumunod na pambansang liderato ang pagiging Amerikanista. Sa panahon lamang nina Quezon, Osmena at Roxas, nagkasunud-sunod ang mapaminsalang mga tratadong pabor lamang sa mga Amerikano, gaya ng Parity Rights, Bell Trade Act, Kasunduang Laurel-Langley, at iba pa. Maging sa sumunod na mga rehimen mulang kay Quirino hanggang kina Marcos, Aquino at Ramos, hitik ang kasaysayan ng bansa sa pagtatraydor ng mga lider-pulitiko sa tunay na pambansang kapakanan. Sa rehimen ni Erap, isinalaksak sa lalamunan ng sambayanan ang kontrobersiyal na VFA (Visiting Forces Agreement) na ginawang tuntungan ngayon ng mga pagsasanay-Balikatan dahil sa walang habas na suporta ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo sa bawat plataporma at teroristang pakana ni Presidente George W. Bush ng Amerika.

Lubusan mang mapinsala ang kapakanan ng bayan at ibenta man ang kinabukasan ng susunod pang mga henerasyon, agad na ipinalulunok sa sambayanan ng pambansang lideratong nakaugaliang maging palagiang tagahimod ng tumbong ng Estados Unidos ang mapandambong at mapang-aliping globalisasyon, liberalisasyon, pribatisasyon, kontraktuwalisasyon, at iba pang maka-Amerikanong programang tuluyang lalamon sa pambansang ekonomiya at tuluyang maglulubog sa bansa sa malaganap na karalitaan.

Hindi na tuloy katakataka, at lohikal na isipin, na iaangkop lamang sa interes ng Amerika ang isinusulong na muling pagbabago sa Konstitusyon ng bansa o Cha-Cha. Malamang kaysa hindi, tuluyan nang ibenta ng mga Amerikanista ang pambansang soberanya at ipagahasang lubusan ang kabuhayang-bansa at, gaya nang iginigiit na noong panahon pa ni Erap, pahihintulutan ang kapitalistang mga Amerikano na makapagmay-ari dito ng mga lupain, makapagpatakbo ng mga serbisyo publiko gaya ng tubig at kuryente, transportasyon at telekomunikasyon, at makapagmay-ari din ng media, mga kolehiyo at unibersidad. Sa maikling salita, buung-buong ipalalamon ng mga Amerikanista ang bansa sa mapambusabos na dayuhang interes.

Pero, sa aba naming palagay, hindi natutulog ang kasaysayan at patuloy na isusumpa ng mulat, makabayan at progresibong mga mamamayan ang mga Amerikanistang taksil sa bayan.

 

 

 

 

 

 

Kolum,Hunyo 11, 2003

Advertisement

Read Full Post »

Bahag Ang Buntot Sa Sabah



(Editoryal)

INIULAT ng Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur, Malaysia, noong nagdaang Biyernes (Mayo 15) na 24 na mangingisdang Pilipino ang dinakip ng mga awtoridad sa Kudat, Sabah, dahil diumano sa ilegal na pangingisda sa sakop ng karagatan ng Malaysia. Abril 2008 pa nang sila’y hulihin doon sakay ng F/V Princess na pag-aari ng isang Janet Policarpio ngunit, hanggang ngayon, hindi pa malaman kung ano na ang nangyari sa kanila sa kamay ng mga Malaysian.

Maaalaala, noong 2002, parang mga hayop na pinagmalupitan ang mga Pilipinong ikinulong sa Malaysia at pinababalik sa Pilipinas bilang ilegal na mga dayuhan. Sa kulungan doon, batay sa mga ulat, pinaghahagupit sila ng yantok ng mga pulis, binuhusan ng kumukulong tubig, pinagulong sa kubeta, ginutom, at ginahasa pa ang ilang kababaihan. Sa kabila ng kasuklam-suklam na pangyayaring iyon, nanggalaiti lamang ang pambansang liderato, umastang nagpoprotesta, pero hindi man lamang nagharap ng kaso laban sa Malaysia sa ICCJ (International Criminal Court of Justice) si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa Sabah naninirahan ang karamihan sa mga Pilipinong nandayuhan sa Malaysia. Sa kabila ng mga kalupitang dinaranas nila, higit pa nilang ninanais na manatili doon kaysa sa sariling bansang napakailap ang oportunidad na matugunan nila ang pangunahing mga pangangailangan ng pamilya dahil na rin sa kainutilan, kapabayaan, katiwalian at balintunang mga patakarang pangkabuhayan at panlipunan ng kasalukuyang rehimen, gayundin ng mga nauna pa.

Kung tutuusin, sa kabilang banda, hindi sila nandayuhan doon dahil, batay sa malinaw na mga datos, sa Republika ng Pilipinas naman talaga ang teritoryo ng Sabah na tuluyang inangkin na ng Malaysia matapos itong lumaya sa mga Ingles. Lubhang napapanahon na tuloy na seryosong harapin ng gobyerno ang paghahabol sa Sabah ngunit waring bahag ang buntot ng pambansang liderato na gawin ito.

Dekada ’60 sa panunungkulan ng yumaong Presidente Diosdado Macapagal (ama ni La Gloria) nang isulong ng gobyerno ang paghahabol sa Sabah, at nagpulong nga sa Maynila noong Hulyo 3 – Agosto 5, 1963 sina Pres. Macapagal, Pres. Sukarno ng Indonesia at Ministrong Panlabas Tunku Abdul Rahman ng Malaysia at, gayundin, sa Phnom Penh, Cambodia noong Pebrero 5-12, 1964 sina Macapagal at Rahman at napagkasunduang isampa sa World Court ang isyu ng Sabah. Nang maluklok sa poder si Presidente Ferdinand E. Marcos, ipinagpatuloy nito ang paghahabol sa Sabah kaya, noong Enero 12, 1968, ipinalabas ni Rahman ang isang dokumentong naglalahad na ipagpapatuloy ang talakayan ng dalawang bansa tungkol dito.

Pero, bakit, sa sumunod na mga rehimen hanggang ngayon, ibinasura na – at hindi man lamang nababanggit ng waring walang gulugod na pambansang liderato – ang naturang isyu? Nabahag ba ang kanilang buntot dahil kakaning-itik na lamang ang tingin ngayon ng Malaysia sa Pilipinas?

May sukat na 29,000 milya kuwadrado ang Sabah at 18 milya lamang ang layo sa Pilipinas gayong 1,000 milya naman mula sa Kuala Lumpur. Ito ang bumubuo ng isang-ikaapat (1/4) na bahagi ng Karagatang Sulu at nag-uugnay sa mga isla pakanan mula Palawan hanggang Kanlurang Bisaya, Mindanaw at Arkipelago ng Sulu. Dati itong pinamamahalaan ng Sultan ng Brunei, pero noong 1704, ipinagkaloob ng Sultan ng Brunei sa Sultan ng Sulu ang Hilagang Borneo o Sabah bilang pagtanaw ng utang na loob nang matulungan siya ng Sultan ng Sulu na masugpo ang rebelyon sa Brunei.

Noong 1878, pinarentahan ng Sultan ng Sulu kina Baron de Overbeck at Alfred Dent ang Sabah sa halagang $5,000 (Malaysian) na itinaas sa $5,300 nang malaon. Nang itatag ng Ingles na negosyanteng si Dent ang British North Borneo Co. at mapagkalooban ng Karta Royal noong 1881, nagprotesta ang pamahalaang Espanya at gobyernong Olandes sa Bretanya ngunit binigyang-diin ng Bretanya na “MANANATILI SA SULTAN NG SULU ANG PAGMAMAY-ARI SA SABAH” at tungkuling administratibo lamang ang gagampanan ng kompanya ni Dent.

Nang inilipat naman noong 1946 ng British North Borneo Co. sa British Crown ang lahat nitong karapatan at obligasyon sa Sabah, at noong Hulyo 10, 1946 – anim na araw matapos ibalik ng Amerika ang inagaw na kalayaan ng Pilipinas – iginiit na ng British Crown ang ganap nitong mga karapatan sa soberanya ng Hilagang Borneo o Sabah. Higit pa ngang masama, matapos nitong pagkalooban ng kasarinlan ang Malaysia, ganap nang inangkin ng Malaysia – hanggang ngayon – ang Sabah. (Para sa detalyadong mga datos, basahin ang “Balik-tanaw sa Sabah,” Pinoy Weekly, Set. 25 – Okt. 1, 2002).

Batay sa nabanggit na malinaw na mga datos, mag-aasal-aso na lamang bang bahag ang buntot ng gobyerno ng Pilipinas, lalo na si La Gloria, sa isyu ng pagmamay-ari sa Sabah? Paano itatakda, sa kabilang banda, ng pambansang liderato ang hangganan ng teritoryo ng Pilipinas at aangkinin pa ang Spratlys o grupo ng mga islang tinawag na Kalayaan kung hindi man lamang ito makapagpakita ng pangil sa lehitimong isyu ng Sabah? O matapang lamang ito laban sa mulat, makabayan at progresibong mga sektor ng lipunan, gayundin laban sa mga kritiko ng rehimen?

Read Full Post »

Amerikanisasyon Ni Juan



(Kolum)

NAKATUTUWANG makakita ng mga Pilipino — bagaman matagal nang mga mamamayan ng ibang mga bansa saanmang panig ng mundo — na hindi pa rin nakalilimot sa ugat ng kanilang lahi, sabik na sabik na makakita at makipag-usap sa sariling wika sa sinumang kalahi at, higit sa lahat, nangungulila sa bansang napilitang layasan dahil sa napakasamang kalagayang pangkabuhayan at panlipunan bunga ng tiwaling gobyernong lumilitaw na instrumento lamang ng pagsasamantala at inhustisya ng mga kapitalista’t asendero, ng bastardong mga pulitiko, at ng ilang mga taong naglulublob sa impluwensiya, kapangyarihan at pribilehiyo.

Nakasusuka naman, sa kabilang banda, ang ilang Pilipinong mamamayang Amerikano na ngayon na nagpipilit na maging mas Amerikano kaysa tunay na mga Amerikano. Kung totoo man o pagbibiro lamang ang lumabas sa Internet, may titulong “Filipino Names = U.S. Citizens” na pinagbatayan ng artikulo ng isang Matthew Sutherland sa London Observer, nagpalit ng pangalan ang naturang mga Pilipino nang maging mga mamamayan na ng Estados Unidos bago naganap ang Setyembre 11 pagkadurog ng Twin Towers sa New York. Malinaw na tandisan na nilang ikinahihiya ang pagiging Pilipino na kahit palitan pa ang kanilang mga pangalan, hindi naman maikakaila ng kanilang mga mukha na sila’y Pilipino. Higit sa lahat, pinutol na nila ang anumang ugat na mag-uugnay sa dati nilang bansa — wika man, kultura o kaugalian.

Nagbibiro man o hindi si Sutherland, sinalaula ng naturang mga Pinoy-Amerikano hindi lamang ang kanilang buong lahi kundi maging ang buo nilang pagkatao sa sinadya nilang pagpapalit ng pangalan upang maitago ang talagang pinagmulan. Halimbawa, ayon kay Sutherland (at sinadyang gawing katawatawa), naging Frank Porter ang Francisco Portero, naging George Bush ang Gregorio Madawag, Tom Cruise ang Tomas Cruz, Tiger Woods ang Leon Mangubat, Remington Steel ang Remigio Batungbacal, Ben Hur ang Bienvenido Jurado, Johnnie Walker ang Juanito Lumacad, Roger Moore ang Rogelio Dagdagan, Victoria Secret ang Victoria Malihim. at marami pang mga pangalang lubusang ikahihiya ng isang tunay na Pilipino.

Sabagay, maging sa sariling bansa, tuloy ang Amerikanisasyon ni Juan lalo na sa antas ng mayayaman at elitista, at hindi nga lamang sa pangalan kundi maging sa wika, kultura at kaugalian bunga ng napakatinding impluwensiya ng Amerika at pagiging labis na maka-Amerikano ng pambansang liderato. Kung sa panahon ng kolonyalismong Kastila, “ikinulong ang mga Pilipino sa kumbento sa mahigit na 300 taon, 50 taon naman silang ikinulong sa Hollywood” sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, ayon na rin sa mananalaysay na si Stanley Karnow. Higit pang masama, nakakulong pa rin tayo magpahanggang ngayon sa ekonomiya man o pulitika, kalayaan man o kasarinlan ng bansa sa poder ng Amerika.

Sa obserbasyon nga ni Sutherland, maging sa sarili nating bayan, itinatakwil na rin natin ang tatak-Pilipino at pinipilit ng bagong henerasyon na maging tunog-dayuhan ang kanilang mga pangalan, gaya ng Precious, Lovely, Honey, Apple, Orange at Pepsi, Sugar, Ginger at Milky. Pinahihirapan naman ng iba ang baybay o ispeling tulad ng Jeanette o Suzette, Jay-Anne o Marie-Anne, Cathleen o Jocelyn. Ang iba’y katunog daw ng “doorbell” gaya ng Dingdong, Bingbong, Bingbing, Tingting o Bongbong. Para hindi magtunog Pinoy, nakahibangan din ang dinodobleng pangalan, halimbawa’y Jon-jon, Mai-mai, Jay-jay, Len-len, Let-let o Pek-pek.

Sa bagay na ito, hinangaan namin si Svetlana Taraskova habang ilang umagang umiinom kami ng tsang vanilla sa Russian Tea House sa gilid ng Glendale Galleria. Serbidora siya roon, tagapunas ng mesa, tagatapon ng naupos na mga sigarilyo sa sinisera. Bagaman tulad siya ng maraming migranteng Pilipinong parang layak na ipinadpad ng hangin sa Amerika, ikinararangal pa rin niya ang pagiging Ruso kahit malagim ang sinapit ng kanyang mga ninuno sa panahon ng paghahari ng mga Romanov — nina Tsar Nicholas at Tsarina Alexandra. Mga magsasaka’t manggagawa ang kanyang mga ninuno, biktima rin ng inhustisya’t pagsasamantala ng uring naghahari, ngunit nakiisa sa mga kauri at nakilahok sa 1917 Rebolusyong Bolshevik doon. Ang ilan sa kanyang angkan ay pinugutan ng ulo ng mga sundalo ng Tsar, pinagulong na parang mga bola sa maniyebeng lansangan ng Moscow, tinadtad ng mga punglo ang iba, tulad din marahil ng ginagawa ng mga militar ng Estado sa Mindanaw at Mindoro o sa iba pang panig ng nagdaralitang bansa laban sa mulat at nagpoprotestang uring maralita at kakaning-itik.

Dekada ’80 nang itaboy ng hangin sa Amerika si Svetlana Taraskova sa pamamagitan ng isang tiyo na mamamayang Amerikano na. Kahit 22 taon na sa Estados Unidos, lumalangoy pa rin sa malalim niyang mga mata ang pangungulila sa pag-ulan ng niyebe sa matulaing mga lugar sa Rusya. Hinding-hindi siya nalamon ng Amerikanisasyon at malalim pa ring nakabaon sa puso niya’t kamalayan ang kinagisnang wika, ugali, tradisyon at kultura.

Di gaya ni Svetlana Taraskova ang maraming Juan at Juana na ngayo’y mga John at Jhoanna sa bituka ng Amerika.

Mayo 14, 2003

Read Full Post »

Kasuwapangan


(Editoryal)

SA TUWING 10% ang itinataas ng presyo ng pagkain, batay sa pananaliksik kamakailan ng ADB (Asian Development Bank), mga 2.3 milyong Pilipino ang nadaragdag sa hukbo ng maralitang mga mamamayan sa Pilipinas. Sa bawat 10% pagtaas lamang sa presyo ng langis, 160,000 mamamayan na, ayon kay Hyun Son – ekonomista ng ADB – ang mapapabilang sa mga maralita. Hindi lamang sila magpipisil ng sikmura kundi, sa kabilang banda, hindi na rin nila kayang magpagamot at mapag-aral ang kanilang mga anak o matugunan man lamang, kahit papaano, ang pang-araw-araw na pangunahing mga pangangailangan.

Ilang ulit na bang itinaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa? Inaasahang muli’t muling tataas pa nga ito kung tama ang hula ng Goldman Sachs – isang kompanya sa pagbabangko – na bago matapos ang 2008, maaaring umabot ng $150 ang bawat bariles ng langis sa pandaigdigang pamilihan o baka maging $200 pa sa susunod na taon. Ilang beses na rin bang tumaas ang halaga ng bigas, gatas, sardinas, manok, isda at baboy, elektrisidad at iba pang pambayang utilidades? Natural, tataas ang lahat – maliban sa mga unano’t talagang bansot o pandak – kapag tumaas nang tumaas ang halaga ng langis.

Sa kabila ng naghuhumindig na mukha ng karalitaan sa bansa, ilang beses na bang nilimusan ng dagdag-sahod ang karaniwang mga manggagawa? Itinaas nga ng gobyerno ng 10% ang suweldo ng mga empleyado ng pamahalaan – at sa Hulyo pa diumano ibibigay – na, kung tutuusin, ay hindi na rin makahahabol sa mabilis na pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin at serbisyo at, kung susuriin, ang matataas na opisyal lamang ng burukrasya na may malalaking suweldo ang higit na makikinabang sa bagay na ito.

Bakit hindi ibigay ang inamag na’t matagal nang hinihingi ng mga kawani ng gobyerno na dagdag na P3,000 bawat buwan para sa lahat ng empleyado nito upang maiangat – kahit bahagya – ang antas ng pamumuhay ng ordinaryong mga kawani? Bakit hindi bawasan, o tuluyan nang alisin, ang maanomalyang “pork barrel” ng mga piranha sa pondo ng bayan, gayundin ang mga “kickback” o kupit o pandurugas sa mga pagawaing-bayan, upang matugunan man lamang ito?

Sa pribadong sektor, ilang Mayo Uno na ba ang nagdaan na paulit-ulit na isinisigaw ng uring manggagawa ang hinihinging karagdagang P125 bawat araw sa kanilang minimong sahod? Patawing-tawing pa nga hanggang ngayon ang RWB (regional wage board) para magdesisyon sa bagay na ito at, higit na masama, lumilitaw pa itong kasapakat at pumapabor sa mga kapitalista. Sapagkat kasuwapangan sa tubo, hindi ang pagka-makatao, ang laging pangunahing batayan ng mga patakaran ng mga negosyante’t kapitalista, hindi na nga katakataka kung laging idinadahilan nilang magsasara ang maraming kompanya, at lalong mawawalan diumano ng trabaho ang maraming mamamayan, kapag itinaas nila ang suweldo ng mga manggagawa.

Bakit hindi suriin ng gobyerno ang limpak-limpak na tinutubo ng mga kompanyang ito taun-taon na, kalimitan, nandaraya pa sa pagbabayad ng tunay na buwis? Magkano ang tinubo, halimbawa na lamang, bukod sa nagkalat na iba pang mga kompanya ng negosyo, ng tatlong dambuhalang korporasyon ng langis sa bansa (Caltex, Shell at Petron) nito lamang 2006?

Kasuwapangan nga sa pera ng bayan ng gobyernong pinaghaharian ng katiwalian, at kasuwapangan naman sa limpak-limpak na tubo ng pribadong mga kompanya’t korporasyon ang malinaw na nagtatakda sa buhay at kinabukasan ng uring manggagawang patuloy na inilulublob sa karalitaan. Lalo tuloy nagiging totoo ang sinabi ng pilosopo-manunulat na Pranses na si Honore de Balzac na “sa likod ng napakalalaking kayamanan, naroroon din ang napakalalaking krimen” laban sa sambayanan.

Kasuwapangan din ng mayayaman at mauunlad na mga bansang kapitalista – tulad na lamang ng Amerika at Bretanya – ang nagtutulak sa karalitaan sa mahihina’t atrasadong mga bansa, lalo na sa Aprika at Asya. Sa pamamagitan nga ng mapandambong at mapambusabos na mga instrumentong pangkabuhayan ng imperyalistang mga bansa, halimbawa na lamang ang idinikta nilang globalisasyon at liberalisasyon sa agrikultura na asal-aliping isinusulong at niyayakap pa ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo at ng masusugid niyang basalyos, hindi na balita – sa hinaharap – kung lalong mabansot ang pambansang ekonomiya at tuluyang lumubog sa kumunoy ng kahirapan at pagdaralita ang nakararaming mamamayang kumain-dili na lamang ngayon sa ilalim ng naghaharing rehimeng bentador ng pambansang kapakanan at kinabukasan.

Sa kabila ng mga kasalanan sa lipunan at masang sambayanan ng uring mapagsamantala dahil sa kanilang kasuwapangan – sa kayamanan man o kapangyarihan – nagagawa pa ng pambansang liderato, lalo na ni La Gloria, na isisi sa “media” at mga kritiko ng rehimen, gayundin sa mulat, makabayan at progresibong mga sektor ng lipunan na itinuturing pang mga “kaaway” ng Estado, ang anumang pambansang krisis, pampulitika man o pang-ekonomiya o maging pangkultura.

Ano nga ba kung maghirap nang maghirap ang bayan? Ano nga ba kung dumami nang dumami ang inginungudngod sa karalitaan? Walang mahalaga sa uring mapagsamantala, di nga kasi, kundi ang patuloy silang mamunini’t magpasasa sa anumang grasya ng kanilang kasuwapangan.

Editoryal

Read Full Post »

Walanghiya!


(Editoryal)

NANG gunitain kamakailan ang Pandaigdig na Linggo ng Kalayaan sa Pamamahayag, ibinunyag ng CPJ (Committee to Protect Journalists) na ika-6 ang Pilipinas sa mga bansang biktima ng mga pagpatay ang mga mamamahayag – komentarista man sa radyo o peryodista – ngunit, sa kabilang banda, wala halos nahuhuli at naparurusahang kriminal. Una sa listahan ang Iraq, Sierra Leone, Somalia, Colombia at Sri Lanka bago ang Pilipinas, saka sumunod ang Afghanistan, Nepal, Rusya, Mexico, Bangladesh at Pakistan. Pinakatanyag sa mga pinatay ang mga peryodistang sina Anna Politkovskaya ng Rusya, Guillermo Bravo ng Colombia at Atwar Bahjat ng Iraq.

Mula nang maibalik ang huwad na demokrasya sa bansa matapos maibagsak ang diktadurang Marcos noong 1986, lumilitaw na 93 na ang walang awang pinaslang, bukod pa sa mga pampulitikang pagdukot at pagpatay na, batay sa ulat ng grupong Karapatan, 901 na ang pinatay at 180 na ang dinukot sa ilalim lamang ng rehimen ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa kabila ng naturang mga pangyayari, walang kongkreto at seryosong mga hakbang na ginagawa ang naghaharing rehimen upang lutasin ang nasabing mga kaso at, sa halip, waring nasisiyahan na itong tambulin ang sariling dibdib at patuloy na ipagyabang ang palakpak na inani diumano ng ulat ni Kalihim Tagapagpaganap Eduardo Ermita kamakailan sa UNHRC (United Nations Human Rights Committee).

Sabi nga, hindi dahil pinalakpakan ang ulat ni Ermita ay nangangahulugan nang nalutas na ang mga kaso ng pampulitikang pagpatay, lalo na sa mga mamamahayag at mga miyembro ng makabayan at progresibong mga sektor ng lipunan. Lalong hindi iyon nangangahulugang seryosong sinisikap ng gobyernong lutasin at wakasan ang naturang mga karahasan. Iba ang propaganda o pambobola, sabi nga, kaysa naghuhumindig na reyalidad. Tulad lamang iyon ng sinabi ni Sen. Allan Peter Cayetano na “walang direktang ebidensiya” laban kay La Gloria at sa Unang Ginoo sa maalingasaw na $329-M nabugok na kontratang ZTE-NBN. Mabilis ngang ipinakahulugan ng mga tambolero ng Malakanyang na “wala talagang ebidensiya” ang praseng “walang direktang ebidensiya” kaya ipinangalandakan agad nila na “walang kasalanan” ang kanilang mga amo sa bagay na ito.

Bagaman, ayon sa CPJ, “may malaya’t masiglang pamamahayag (press) ang Pilipinas, patuloy at paulit-ulit na biktima ng mga karahasan ang mga mamamahayag na nag-uulat tungkol sa katiwalian, krimen at pulitika, lalo na sa mga probinsiya, at karaniwang kasangkot sa mga kasong ito ang mismong pulis at militar.” Ano, kung gayon, ang kongkretong hakbang ng gobyerno? May nahuli na ba? May naparusahan na ba? Sino sa mga biktima ang napagkalooban na ng hustisya?

“Dapat ikahiya ng anumang gobyerno,” sabi nga ni Joel Simon, tagapamahalang direktor ng CPJ, “ang gayong mga kaso,” lalo na nga’t inutil ang mga awtoridad na lutasin at wakasan ito. Pero, sa kabilang banda, kung nagagawa ng Malakanyang na susian ang bibig ng matataas pang opisyal ng gobyerno – tulad, halimbawa, ni Sekretaryo Romulo Neri – ang mga mamamahayag pa kaya ang hindi nito piliting sikilin ang kalayaan at mga karapatan, sa anumang paraan, upang hindi ibunyag ang sagradong mga katotohanan?

Kaugnay ng patuloy at inaamag nang mga kaso ng pagpatay sa mga komentarista’t peryodista – bukod pa nga sa nararagdagang mga biktima ng pampulitikang pagdukot at pagpatay sa mga miyembro at lider ng makabayan at progresibong mga sektor ng lipunan – makabuluhan tuloy na itanim sa isip ng pambansang liderato (kung matino pa ang kaisipan ng mga ito at hindi alipin ng pansariling interes lalo na ng pagkasugapa sa kapangyarihan at kayamanan), ang binigyang-diin ni Sekretaryoi-Heneral Ban Ki-moon ng UN:

“Ang anumang mga pagsalakay sa kalayaan sa pamamahayag ay mga pagsalakay sa pandaigdig na mga batas, mga pagsalakay laban sa sangkatauhan, laban sa mismong kalayaan, laban sa lahat ng prinsipyong kinakatawan ng UN.”

O talagang walanghiya na ang umiiral na rehimen?

Read Full Post »