MALALAKI yata ang bituka ng mga tao sa Amerika kaya lamon kung sila’y kumain, santambak sa plato at sapat nang kainin ng tatlong tao sa nagdaralitang Pilipinas. Kalimitang mulang $8 hanggang $15 ang tanghalian o hapunan ng bawat isa sa isang “buffet” na nakadadalawa o tatlong balik sila at itinatapon lamang ang sobrang pagkain kapag bundat na bundat na.
Gayon din ang kasibaan ng Amerika sa pagsasamantala nito sa ekonomiya ng maraming bansa sa loob ng ilang dekada. Matapos ang unang bugso ng agresyon nito at pagsalaula sa soberanya ng Iraq, naglalaway na agad ito sa Syria at iba pang mga bansa sa Gitnang Silangan tulad na lamang ng Iran at Jordan. Laging isinasangkalan ang pagdurog sa nakakukulili nang WMD (weapons of mass destruction) o mga sandatang lubusang mapamuksa, samantalang wala namang makitang malinaw na mga ebidensiya hanggang ngayon sa Iraq. Tinutugis din nito diumano ang sinasabing mga terorista kahit marami ang mga makabayan lamang at tumututol at lumalaban sa mapandambong na mga patakarang pangkabuhayan at pampulitika ng Amerika kaya, sa ating bansa, puspusan nitong isinusulong ang Balikatan — sa Sulu man o Mindoro o iba pang lugar — na agad namang sinasakmal at nilulunok ng papet na rehimen ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.
Gaya rin ng naunang mga papet na rehimeng minaniobra ng Amerika sa Pilipinas, malinaw na isa ring tau-tauhang gobyerno ang gusto nitong pairalin sa Iraq upang pasunurin sa makasarili nitong mga interes — pampulitika man o pangkabuhayan — at, sa wakas, makontrol nito ang bilyun-bilyong dolyar na industriya ng langis sa Iraq.
Tiyak, hindi papayag ang makabayang mga Iraqi na kontrolin ng sinumang dayuhan ang kanilang bansa kaya, ngayon pa lamang, tumitindi na ang mga protesta upang palayasin ang mga Amerikano doon. Nang itatag ni Michel Aflaq noong 1968 ang Partido Sosyalistang Ba’ath makaraang ibagsak ang monarkiya sa pamamagitan ni Gen. Abdul Karim Kasim, ang sekularista at makabayang ideolohiya ang naging pangunahing gabay ng Iraq. Naniniwala silang ang kanilang bansa’y “isang bansang Arabong may walanghanggang misyon” batay sa ideyang isang bansa lamang ang iba’t ibang bansang Arabo sa kabila ng pagkakahati-hati ayon sa kasalukuyan nitong kasaysayan. Ninanasa rin nitong maibalik ang kadakilaan at luningning ng lumipas na mga imperyong Umayyad at Abbasid.
Kung susuriin ang naunang kasaysayan ng Iraq, tigib iyon ng maraming pagsakop ngunit muli’t muli ring pakikilaban upang mabawi sa kamay ng dayuhang puwersa. Halimbawa na lamang ang matagal na nitong pakikipag-iringan sa Persia — ngayo’y Iran — dahil sa pagtatalo sa hangganan ng teritoryo. Noong 1508, sinakop ang Iraq ni Shah Ismail ng Persia, ngunit nabawi ni Sultan Salim I matapos ang labanan sa Jaldiran noong 1514. Muling sinakop ito ng Persia noong 1529 pero nabawi noong 1543 ng Ottomang Sultan Sulaiman. Matapos ang tratado ng Amassia noong 1555 — na tumagal lamang ng 20 taon — muli itong pinagharian ng Persia at napalaya naman ni Sultan Mudrad IV noong 1638 matapos makuha ang Baghdad. Sa pamamagitan ng tratado ng Zuhab noong 1639, pansamantalang natigil ang labanan ng dalawang bansa ngunit sumiklab na naman noong 1890 hanggang ngayon. Pinalala pa ito ng CIA ng Amerika nang ibagsak sa Iran ang makabayang rehimen ni Dr. Mohammed Mossadegh at iluklok sa kapangyarihan ang tau-tauhan nitong si Shah Reza Pahlavi na pinatalsik nang malaon ng rebolusyong pinamunuan ni Ayatollah Ruhollah Khomeini.
Batay sa mga nabanggit, tiyak na mahihirapan nga ang Amerikang tuluyang pagharian ang Iraq. Nagaganap na ngayon at magpapatuloy ang paggamit ng makabayang mga Iraqi ng taktikang gerilya laban sa mapanakop na puwersang Amerikano-Ingles. Hindi pa nga nito ganap na kontrolado ang Iraq, pinupuntirya na ring lamunin ang Syria at pinagbibintangan nang nag-iingat ng WMD at kumukupkop sa diumano’y mga terorista kaya “lalong papangit ang imahen ng Amerika kapag isa-isang tinarget ang mga bansang Arabo,” ayon kay Presidente Mubarak ng Ehipto. “Lalong gugulo ang buong Gitnang Silangan,” ayon naman kay Kofi Annan, sekretaryo-heneral (dati) ng UN (United Nations).
Sa kabilang banda, mukhang talagang mahirap mahadlangan ang kasibaan ng Amerika maging ng UN (United Nations). Nang ilunsad ang UN sa Opera House sa San Francisco, California noong 1945 sa layuning maiwasan ang digmaan ng mga bansa, kontrolado naman ito ng Amerika magpahanggang ngayon dahil 25% ng trilyun-trilyong dolyar nitong pondo ang nanggagaling sa Estados Unidos. Ayon nga kay Prof. Ernest van den Haag ng Fordham University sa pakikipagdebate noong 1987 kay John P. Conrad, matagal nang inutil ang UN na mahadlangan ang anumang di-makatao, di-makatarungan at mapaminsalang agresyon ng Amerika sa alinmang bansang gusto nitong lamunin, kaya nananatili lamang na instrumento ng imperyalistang mga patakaran ng Amerika ang UN.
Sa takbo ng mga pangyayari, hindi malayong magkaisa laban sa Amerika hindi lamang ang mga bansang Arabo, kundi maging ang mga bansang nabibilang sa Third World, upang magsilbing pinakamalaking bikig sa lalamunan ng Estados Unidos na tuluyang susupil sa kasibaan nito.
Kolum, Abril 23, 2003