Feeds:
Posts
Comments

Archive for September, 2008

Matino Ba Ang Tri-Media?


KALIMITAN, nakakaalibadbad at nakasusuka nang manood ng lokal na mga programa sa telebisyon.  Nakasasawa na ang santambak na mga kahangalan at kabalbalan.  Hindi na kailangang banggitin pa ang mga programang iyon; buksan na lamang ang lokal na mga estasyon at mapatutunayan ang tawag ni McLuhan na isang “idiot box” ang telebisyon.  Nariyan ang mga drama ng iyakan at sigawan na inaagusan ng balun-balong luha ng kapighatian; nariyan ang mga telenobela ng malalapot na paglalambingan at nanggigitatang pag-iibigan kasama na ang dayuhang mga dramang pinamamayanihan ng de kahong mga paksang pobreng lalaki at mayamang babae o maralitang dalaga at mayamang binata; nariyan ang mga pantasiya’t kababalaghan na namumutiktik sa mga drakula at aswang; nariyan din ang walang humpay na sayawan at awitan at kung anu-anong palarong ginagago ang mga kalahok na naglalaway sa premyong pera bunga ng malupit na karalitaan.  Kung wala marahil ang mga programa sa balita (puwera ang mga estasyon ng gobyerno na batbat ng propaganda’t kasinungalingan), maaari nang pagdurug-durugin at itapon sa basurahan, gaya ng naghambalang na mga babasahing komersiyal, ang bawat telebisyon sa buong bansa.

Malabong anino ang reyalidad sa nabanggit na mga palabas.  Malinaw na lantarang inilalayo sa katotohanan ang sambayanan at isinasalaksak sa kanilang kaisipan ang iba’t ibang ilusyon upang patuloy silang maaliw at makalimutan ang nagdudumilat na mga dahilan ng kanilang karalitaan, kaapihan at kabusabusan.  Sa layuning hindi mamulat, magalit at maghimagsik ang sambayanan laban sa uring mapagsamantala,  pilit na itatago ng ilang makapangyarihan, maimpluwensiya’t mayamang mga diyus-diyosan sa tri-media (radyo, telebisyon at babasahin) ang naghuhumindig na mga katotohanang magpapalaya sa mga mamamayan sa kamulalaan at, di nga kasi, maaari ding magwasak sa nakasusulukasok na pambansang kalagayan.

Sino nga ba ang kumukontrol sa tri-media?

Ilang mayamang pamilya lamang, kasama na ang tuso’t negosyanteng mga pulitiko — maliban marahil sa tagapaglathala ng PINOY WEEKLY — ang batbat ng impluwensiya’t kapangyarihan at nagmamay-ari ng pangunahing mga publikasyon at mga estasyon ng radyo’t telebisyon.  Natural, upang mapangalagaan ang mapandambong nilang mga interes — lalo na ang imperyo ng kanilang nagkalat na mga negosyo — pakikialaman at pakikialaman nila’t didiktahan ang kanilang mga publikasyon at estasyon at, higit pang masama, walang habas nilang pilit na inililigaw ang damdaming-bayan o opinyon publiko, binabaluktot  nila’t  pinaglalaruan ang katotohanan upang manatiling gago’t bulag ang sambayanan.

Ipahihintulot kaya ng isang asendero, kung gayon, na ilathala sa kanyang magasin o ibalita sa kanyang peryodiko kung paano siya nangamkam ng mga lupain o kung paano niya sinasalaula ang batas sa reporma sa lupa?  Maglalathala kaya siya ng mga kuwento o nobela, drama o tula, tungkol sa kasuwapangan at kawalanghiyaan ng mga propiyetaryo o katusuhan ng mga asendero, at kung paano nila patuloy na pinagsasamantalahan, inaalipin at binubusabos ang kanilang mga magsasaka?

Ipalalabas kaya ng ganid na kapitalista sa estasyon ng kanyang telebisyon kung paano niya kinakatas sa kanyang pabrika’t korporasyon ang pawis at dugo ng kanyang mga trabahador upang magkamal lamang siya ng limpak-limpak na tubo?  Papayagan kaya niyang ibandila sa mga programa sa kanyang estasyon na mag-organisa ang mga manggagawa, magsipagtayo ng unyon, ipaglaban ang kanilang lehitimong mga karapatan at magwelga kung nagbibingi-bingihan sa kanilang mga karaingan ang salanggapang na kapitalista?

Ipahihintulot kaya ng bastardong pulitiko na ibalita sa estasyon ng radyong kontrolado niya kung paano siya nandaya sa eleksiyon, kung paano siya namili ng boto, kung magkano ang kinulimbat niya sa pondo ng bayan, kung magkano din ang tinanggap niya mula sa sindikato ng ilegal na sugal at droga, at kung sinu-sino din ang kanyang ipinapatay lalo na ang mga kalaban niya sa pulitika, bukod sa mahihigpit niyang kritiko?

Sabagay, hindi na dapat ipagtaka, sa prinsipyo ng mga diyus-diyosan at basalyos ng masusugid na tagapagtanggol ng bulok na status quo, makatuwiran nga lamang na baluktutin nila ang lahat mapangalagaan lamang ang kanilang impluwensiya, pribilehiyo’t kapangyarihan.  Batay sa kanilang pagmamaniobra at makasariling interpretasyon ng mga bagay-bagay, ang totoo’y puwedeng maging kasinungalingan o puwedeng maging kabulaanan ang lantay na katotohanan.

Alin nga ba ang totoo pa sa mga babasahin at sa mga programa sa radyo’t telebisyon?

Sinalakay pa nga ang tri-media ng isa pang matinding ilusyon — ang naghambalang ngayon na iba’t ibang sektang panrelihiyon. Sa telebisyon na lamang, may misa kung Linggo sa iba’t ibang estasyon.  Malaking oras ang nilalamon ng iba’t ibang grupong relihiyoso na patuloy na  nagsisiraan, nagpapaligsahan, nagpapagalingan at nang-aakit ng posibleng mga miyembro.  May pakulo ang El Shaddai, may karnabal ang JIL (Jesus Is Lord), may sarsuwela ang INC (Iglesia ni Cristo), may pasiklab ang Dating Daan.  Bukod pa ang mga nabanggit sa naghambalang na mga pastor at ministro na nagdudumakdak sa mga estasyon sa radyo man o telebisyon na para bang mga henyo sa Bibliya at tanging may karapatang mangalandakan kung ano ang tamang interpretasyon ng sinasabing “banal na mga salita” ng itinuturing nilang Diyos.  Lumilitaw tuloy na sa sinasabi nilang kalangitan — saanman iyon — may kani-kanila na silang esklusibong subdibisyon para sa nananampalataya nilang mga kampon.

Sa kasalukuyan tuloy, waring isang damong sumibol sa disyerto ang magkaroon sa tri-media ng mga babasahin at programa sa radyo’t telebisyon na matapat na tagapaglarawan ng reyalidad o tagapagbandila kaya ng mapagmulat at mapagpalayang katotohanan.  Kung mayroon man, pasaglit-saglit lamang ang buhay nito at, kalimitan, agad na naghihingalo.  Natural, wawasakin at dudurugin ng uring naghahari-harian sa lipunan at namumunini sa tiwaling establisimiyento ang anumang daluyan ng matino, makatotohanan, mapagmulat at mapagpalayang mga kaisipan.  Wala na nga yatang puwang ang katinuan sa Republika ng mga Ilusyon.

                                                                                          

Advertisement

Read Full Post »

Kolonyal at Elitistang Edukasyon


(Kolum)

SAPAGKAT KINOPYA nang pira-piraso mula sa edukasyong Amerikano ang ating edukasyon gayong hindi naman katugma ang ating ekonomiya ng industriyalisadong ekonomiya ng Estados Unidos, hindi nito matugunan hanggang ngayon ang mga pangangailangan ng bansa tungo sa kaunlaran at, sa halip, naging instrumento pa ito ng pang-aaliping pangkaisipan. Higit pang masama, mga korporasyong multi-nasyonal at dayuhang mga interes ang nakikinabang lamang sa talino at lakas-paggawa ng mga nagsisipagtapos sa kolehiyo na hindi naman tinutumbasan ng makatarungang suweldo.

Natural, dahil mga Amerikano ang naggiit ng kasalukuyang edukasyong Pilipino, isinalaksak sa ating utak ang mga pagpapahalagang maka-Amerikano kaya dinadakila natin hindi lamang ang kanilang lahi, wika, kasaysayan at kultura kundi maging ang kanilang mga produkto.  Ikinadena pa ang pambansang liderato, pinanatiling tagahimod ng kuyukot ni Uncle Sam kaya sunud-sunuran sa dikta ng mga diyus-diyosan sa Washington — pampulitika man o pangkabuhayan o anumang mga patakarang pabor lamang sa makasariling interes ng Amerika.

Samantalang umunlad, at patuloy na umuunlad, ang maraming bansa sa daigdig — tulad ng Alemanya, Pransiya, Rusya, Tsina at Japan — hindi sa pamamagitan ng paggamit sa wikang Ingles sa kanilang edukasyon kundi ng kani-kanilang wika, banyagang wikang Ingles pa rin ang nangingibabaw sa ating edukasyon.  Umiiral tuloy, at isang malaking kahangalan, ang elitistang pananaw na “hindi edukado” at itinuturing nang bobo ang hindi mahusay sa lengguwahe ni Uncle Sam gayong ang sukatan ng katalinuhan ay wala sa wikang ginagamit kundi nasa laman ng isip.

Sa larangang pangkultura, ayon nga sa mananalaysay na si Stanley Karnow, lumikha tayo ng mga Pilipinong Elvis Presley, Frank Sinatra, Tom Jones o Michael Jackson, at iba pa.  Nagsulputan ang makabagong mga Donya Victorina ng Noli at Fili ni Rizal — nagpatangos ng ilong, nagpaputi ng kutis, nagpa-blonde ng buhok, nagpalaki ng suso at pabalbal na nagpipilit mag-Ingles kahit mga Pilipino ang kausap.  Kahit sa mga awitin at pelikula, malinaw na hinuhuwad natin ang kultura ng mga Yankee.

Sa halip na isulong ng walang gulugod na pambansang liderato ang siyensiya at teknolohiya tungo sa industriyalisasyon ng bansa, naiiwan tuloy ang Pilipinas sa larangang ito ng mga 50 taon kung ihahambing sa mauunlad na bansa sa Asya at mga 100 taon naman ng industriyalisadong mga bansa sa Kanluran.

Nakakainsulto tuloy na saranggola pa lamang ang kaya nating gawin gayong nagmamanupaktura na ng kanilang mga eroplano ang Tsina, Japan o Korea.  Rebentador lamang at dinamita ang nagagawa natin samantalang bomba atomika ang nalikha ng India.  May “ballistic missile” ang Hilagang Korea, ngunit tayo’y kuwitis pa rin magpahanggang ngayon na hindi pa sumasagitsit paitaas kung minsan.  Kung may “cosmonaut” at “astronaut” ang Rusya at Amerika na nakapaglalakbay sa kalawakan o nakararating sa buwan, mayroon daw naman tayong mga aswang at manananggal.  Samantalang gumagawa at nagbebenta ng mga sasakyan — bus man o kotse — ang Korea at Japan, tagapulot naman tayo ng basurang mga makina at piyesa ng sasakyan upang lagyan ng kaha at maging mga behikulong pamasada.

Kahit sagana ang bansa sa mina ng bakal at asero, hindi pa tayo makagawa ng simpleng pako o karayom at bumibili pa ng lagari, pait, katam at martilyo mula sa ibang mga bansa, o ng iba pang mga produktong puwede namang tayo na ang lumikha.

Ano nga ba ang naidulot sa bansa ng edukasyong Pilipinong kinopya nang pira-piraso sa edukasyong Amerikano?

Malinaw na pinatindi lamang ng edukasyong ito ang kaisipang kolonyal at elitistang pananaw, pinanatiling atrasado ang bansa, at naging pabrika lamang ang pangmayamang mga kolehiyo at unibersidad ng henerasyon ng mga lider na mandurugas, makadayuhan at may kaisipang-alipin, walang pambansang damdamin o malasakit para sa pambansang kapakanan.

Sabagay, gusto namang talaga ng mga bansang industriyalisado — lalo na ng Estados Unidos — na manatiling bitukang agrikultural lamang nila ang Pilipinas, huwag maging industriyalisado, upang palaging umasa sa importasyon at maging tambakan ng sobra nilang mga produkto, lason man o gamot o pagkain, punglo man o baril, eroplano man o tangke.

Kung hinahangad din lamang na umunlad ang bansa at makita kahit anino ng industriyalisasyon, makabubuti marahil na ituwid muna ang ating kasaysayang kolonyal at ganap na wasakin ang balangkas o sistema ng umiiral na edukasyon at lipunan.  Lubhang napapanahon na, sabi nga, na pagsumikapang isulong at pairalin ang isang edukasyong tunay na maka-Pilipino, makatao, makabayan at siyentipiko na makatutugon at angkop sa pambansang mga pangangailangan tungo sa tunay na kaunlaran, kalayaan at kasarinlan.

                                                                                (Kolum)

Read Full Post »

Wikang Nakabartolina


(Kolum)

 

GAYA ng pambansang kaisipang ibinartolina ng relihiyon sa doble-karang moralidad, impertinenteng kombensiyon at inaamag na tradisyon, matagal na ring nakabilanggo ang sariling wika (tawagin mang Tagalog, Pilipino o Filipino) sa selda ng ipokrisya at, sabi nga, nangingiming magmura kahit galit na galit na o hindi magamit ang eksaktong mga salita sa tinutukoy na mga bagay, lalo na’t may kinalaman sa seks at mga itinuturing na kalaswaan ng nagbabanal-banalang lipunan.  Patuloy pa nga itong binabansot ng rehiyonalismo, pinipigilan ang paglaganap at, higit na masama, ibinabasura ng mga “edukado” at elitistang patuloy na sumususo sa wikang Ingles at narerendahan pa ng kaisipang kolonyal.

Bukod-tangi tuloy, at waring isang kabalintunaan, na may Buwan ng Wika sa bansang ito na para bang ang sariling wika’y ginugunita lamang at ipinagbubunyi tuwing malapit na ang kapanganakan (Agosto 19) ni dating Presidente Manuel L. Quezon, kinikilalang Ama ng Pambansang Wika.  Natural, nang itadhana niyang ibatay sa diyalektong Tagalog ang pagbubuo, pagpapaunlad at pagpapalaganap sa wikang pambansa, tumutol at nanggalaiti ang mga kinatawan ng rehiyong di-Tagalog.  Bakit hindi Sebuwano, Hiligaynon, Ilokano o Bikolano? Maliwanag, hindi nakita ng mga tumututol ang katotohanan at aral ng kasaysayan; sa halos lahat ng bansa, kung saan ang sentro ng gobyerno at komersiyo, ng edukasyon at sibilisasyon, ang wika sa sentrong iyon ang nagiging dominanteng lengguwahe ng sambayanan.  Sapagkat ang Kamaynilaan na sakop ng Katagalugan ang sentro ng bansa mula pa sa panahon ng kolonyalismong Kastila, natural na manaig ang Tagalog kaysa ibang umiiral na mga diyalekto at maging batayan nga ng pambansang wika.

Kahit naging lengguwahe pa ng Rebolusyong 1896 ang Tagalog o itinampok na noong una ni Francisco Baltazar o Balagtas sa makabuluhan niyang obrang pampanitikan na “Florante at Laura,” gaya rin ng dating diyalektong Italyano na naging pambansang wika ng Italya (Latin dati) matapos sulatin ni Dante sa Italyano ang “Divine Comedy” at gayundin ang diyalektong Ingles na naging pambansang wika ng Inglatera (Latin din dati) matapos namang sulatin ni Chaucer sa Ingles ang “Canterbury Tales,” ipinaparatang pa hanggang ngayon ng mga kalaban ng sariling wika na puro ang Tagalog at maiintindihan lamang diumano sa Katagalugan.

Wala namang purong wika sa mundo, maliban marahil sa halos patay nang wikang Latin  Katunayan, hanggang umuunlad ang sibilisasyon, naghihiraman ng mga salita ang mga wika — ang Arabe at Turkiya, ang Ingles at Pranses, ang Pranses at Aleman, at iba pa.  Katunayan, mga 5,000 salita sa Tagalog ang mula sa Kastila, mga 1,500 ang mula sa Intsik, Sanskrit, Arabe, Malay, at iba pa.  Marami na ring salitang hiniram sa Ingles, ngunit isinunod lamang ang baybay o ispeling sa sarili nating ortograpiya tulad ng dyip, bus, taksi, kendi, ketsap, radyo, at marami pang ibang ginagamit na’t naiintindihan hindi lamang sa Tagalog kundi maging sa Hiligaynon, Sebuwano, Ilokano, Waray, Pangasinan at Pampango.

Higit na masama, sa kabila ng paglaganap at unti-unting pag-unlad ng pambansang wika mula sa dampa’t kubeta ng mga anakpawis hanggang sa palasyo at alpombradong banyo ng naghaharing-uri, ginugulo pa ng mismong makawika diumano ang umiiral at tinatanggap nang mga salita, binabago ang katawagan at sinasangkutsa ang baybay.  Walang masama kung idagdag sa alpabeto ang mga letrang c, f, j, q, v at z, lalo na’t gagamitin nga sa mga pangalan ng tao at lugar.  Pero, sa kabilang banda, isang kaululan nang gawin pang telefono ang nakagawian nang telepono, o television ang telebisyon, gayong hindi sanay ang dilang Pilipino sa pagbigkas sa mga letrang f at v.  Tulad sa Malaysia at Thailand, isinusunod nila sa kanilang baybay o ispeling ang hiniram nilang mga salitang walang katapat sa kanilang wika.

Lalo pang gumulo ang baybay at niwawasak ang silabiko o pantig-pantig na katangian ng sariling wika nang magpakahenyo ang mga opisyal ng Komisyon ng Wika.  Kahit itinuro na sa elementarya sa mga bata ang Abakada at pantig-pantig na pagbasa (ba-be-bi-bo-bu, ka-ke-ki-ko-ku o ta-te-ti-to-tu), ginawa pang pwersa ang puwersa, ekonomya ang ekonomiya, eleksyon ang eleksiyon, lenggwahe ang lengguwahe, kwento ang kuwento, at marami pang ibang nagwasak sa tinatanggap nang alituntunin sa balarila tungkol sa paghahanay ng katinig (consonant) at patinig (vowel) kaya, sa mga babasahin, hindi maiwasang himurin ang mga itinuro ng makawikang mga henyo diumano sa pagpapalaganap ng pambansang wika. Kung tutuusin, nagmumula sa lalamunan (glottal) at hindi mula sa ilong gaya ng wikang Pranses (nasal) ang likas na katangian ng ating wika. Bakit ngayon inaalis ang ilang patinig sa mga salitang nabanggit kaya kapag binigkas, parang nagmumula na nga sa ilong? Sabagay, sa isang banda, ang sambayanan lamang ang makahahatol sa katumpakan o hindi ng mga bagay na ito at, natural, ang wikang malapit sa puso, at nauunawaan ng bayan, ang siyang wikang mananatili at gagamitin ng bayan.

Bagaman maganda ang layunin, lalo kaming naguluhan at nagdudang nasa ibang planeta nang mag-imbento ng mga salitang pansiyensiya at panteknolohiya  mga ilang dekada  na ang nakararaan ang Lupon sa Agham sa pamamagitan ni Engr. Gonzalo del Rosario o Ka Along, dekano noon ng Inhinyeriya ng Araneta University.  Isang dokumento ng MAN (Movement for the Advancement of Nationalism) ang isinalin niya mula sa Ingles at ginamit niya ang inimbentong mga salita. “Sa pagsusuri ng MAN, ang batayang sakit ng Pilipinong ulnong (society) ay may uring pang-ulnong at pangkabuhayan, at likha ng pananakop ng Kastila noong panahong wala pang kalalang (industry) at nitong ika-20 dantaon ay likha ng imperyalismong Amerikano na naghatid sa Asya ng mapagsamantalang sarilakal (monopoly) na itinaguyod ng napakamaunlad na sakalalang (industrialization)…”

Kung hindi isiningit ang mga salitang Ingles, sino nga ba ang makakaintindi niyon?  Nasabi tuloy ng isang magsasakang taga-Nueva Ecija:  “Di bale nang sa Ingles, huwag lang ang Tagalog ni Ka Along!”  Tanggap na nga naman ang mga salitang lipunan, industriya, monopolyo, at industriyalisasyon — bakit kailangan pang palitan ng ulnong, kalalang, sarilakal at sakalalang?

Higit na makapalipit-dila at utak ang ilan pang inimbentong terminolohiya tulad ng mga sumusunod: sugadagitbing tambisa (photo-electric effect), kahanginaning diin (atmospheric pressure), timbuluging sukgisan (geometric interpretation), haykapnayanon (biochemist), mga salitang walang malinaw na salitang-ugat (root word) at pinagkabit-kabit mula sa mga pinagkunan.  Halimbawa, ang haykapnayanon ay mula sa sangkap (element) ang kap, mula sa hanayan (system of arrangement) ang nayan, at dinugtungan ng hulaping (suffix) na on mula sa Bisaya.  Nakakatorete pang ginawang hatidwad ang telegrama, hatinig ang telepono, salipawpaw ang eroplano, ulnokalnagin ang sosyo-kultural at ulnoagimatim ang sosyo-ekonomiko.

Ayon nga kay Direktor Ponciano Pineda ng dating Surian ng Wikang Pambansa, makabubuti pang manghiram na lamang mula sa dayuhang mga wika at iangkop sa ponolohiya at ortograpiyang Pilipino ang mga hiniram.  “Maaaring hiraming buung-buo ang tunog (sa sistema ng normalisasyon), halimbawa: mathematician–matematiko o matematisyan; psychologist–sikologo o saykolodyist; original score–orihinal na eskor; decimal fraction–praksiyong desimal, at marami pang iba.”

Sapagkat nakabartolina pa nga ang pambansang wika sa moralidad ng nagbabanal-banalang lipunan, iniiwasang tawaging alas ang alas, lalo na sa larangang seksuwal samantala, sa kabilang banda, napakalaya ng ibang mga wika sa bagay na ito.  Sa mga obrang pampanitikan na lamang, malayang nagagamit ang “talking” o “laughing cunt” sa Tropic of Cancer at Tropic of Capricorn ni Henry Miller, o gayunding mga paglalarawan sa Lady Chatterley’s Lover ni D. H. Lawrence at Lolita ni Vladimir Nabokov. Sa inimbentong mga salita ni Ka Along, tinawag pang sarigawa ang pagsasalsal, tunod ang titi, kaluban ang kiki, sariing talamitan ang hindutan o kantutan, at kung anu-ano pang mga katawagang matagal nang naiintindihan maging ng mga bata pa lamang, ngunit sinadyang binago maiangkop lamang sa diumano’y maselang na pandinig ng mga moralista’t nagpapanggap na mga banal gayong, kung tutuusin, hindi ang mga salitang iyon ang tunay na kahalayan at kalaswaan, kundi ang matindi at malaganap na karalitaan dahil sa inhustisya at walang habas na pagsasamantala ng uring naghahari-harian sa masang sambayanan o pandarambong ng imperyalistang mga bansa sa kabuhayang-bansa ng iba.

Natural, sa katatapos na Buwan ng Wika, iba’t ibang programa at pagtatanghal ang ibinandila sa maraming kolehiyo at unibersidad.  Sinariwa ang kasaysayan ng pambansang wika, at masaklaw na tinalakay ng mga akademikong makawika ang patuloy na pag-unlad nito diumano sa kung anu-anong larangan tungo sa sinasabing pambansang kaunlaran, tunay na kalayaan at kasarinlan.  Pero, kung nakabartolina ang wika, paano mapalalaya ang kaisipan — lalo na nga ang bansa? 

Tunod ng ama mo, kaluban ng ina mo, punyeta!

                                                                                                          (Kolum)

Read Full Post »