Feeds:
Posts
Comments

Archive for October, 2008



(Kolum)

NAKALULUNGKOT at nakasusulak ng dugo ang mga kaapihan at pambubusabos na matagal nang dinaranas ng migranteng manggagawang Pilipino sa Malaysia man o sa Taiwan o sa  Japan, sa Singapore man o sa Gitnang Silangan, sa Europa man o sa Amerika o sa Aprika.  Ilan na nga ba sa kanila ang biktima ng makahayop na kalupitan ng kanilang mga amo: walang patumanggang binugbog, pinaso ng plantsa, inginudngod sa kubeta, ginutom at ginahasa?  Ilan na ba sa kanila ang nakabilanggo ngayon dahil napilitang ipagtanggol ang sariling karapatan sukdulan ngang makapatay?  Ilan na ba sa kanila ang pinutulan ng ulo, binitay o  nakatakda nang  bitayin?  Ilan na ba sa kanila ang umuwing baliw o iniuwing bangkay na lamang?  Tingnan na lamang ang detalyadong mga datos ng grupong MIGRANTE kaugnay nito.

Nagsimula ito matapos ang digmaang Pilipino-Amerikano.  Naging kolonya tayo ng Amerika at ipinatupad ng gobyerno ang mga patakaran ng malayang kalakalan kaya naging tambakan ang bansa ng sobrang mga produkto ng Estados Unidos at, higit pang masama, dahil sa masidhing pangangailangan ng Amerika sa hilaw na mga materyales, hinuthot nito ang likas na yaman ng bansa na nagpalaganap ng karalitaan hanggang sa kanayunan at tuluyang nagbunsod sa migrasyon ng manggagawang Pilipino.

Sa kasaysayan ng pandarayuhan ng manggagawang Pilipino — na kilala ngayon bilang OFWs (overseas filipino workers) — maaaring ang kauna-unahang napatalang migrasyon ng mga ito ay ang pagdating sa Hawaii noong Disyembre 20, 1906 ng grupo ng 15 kalalakihang Ilokano upang magtrabahong parang mga sakada sa plantasyong Olaa.  Pagsapit ng 1934, umabot ng 120,000 ang nagkakandakubang manggagawang Pilipinong  nagkalat sa mga taniman ng tubo at pinya at iba pang produktong agrikultural sa Hawaii.  Karamihan sa kanila’y mga magsasakang hindi nakapag-aral mula sa Pangasinan, Cebu at Ilokos kung kaya madaling nalinlang sa mga kontratang kanilang tinanggap, pinasuweldo nang agrabiyado, at napilitang lunukin ang hindi makatarungang mga kondisyon sa paggawa.  Pinagtrabaho sila ng 10 oras sa isang araw, 26 na araw sa isang buwan, sinigaw-sigawan at ininsulto ng mga tagapamahalang Haoles — mga Amerikanong Caucasian — at kapag nagkamali o saglit na nagpahinga, sinasaktan pa minsan ng mga katiwalang Kastila at Portuges.

Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, mula ng huling taon ng dekada ’40 hanggang dekada ’60, libu-libong manggagawang Pilipino ang dumagsa sa mga konstruksiyong militar ng Amerika sa Pasipiko, lalo na sa mga isla ng Guam, Okinawa at Wake, ngunit inagrabiyado rin sa suweldo kung ihahambing sa sahod ng mga manggagawang Amerikano sa parehong trabaho. 

Dahil bagsak nga ang ekonomiya ng bansa bunga  ng  kainutilan, katiwalian at makadayuhang patakarang pangkabuhayan ng walang gulugod na pambansang liderato, at lubhang mailap ang oportunidad para sa karaniwang manggagawang Pilipino, nandayuhan na rin sila sa Thailand at Malaysia sa mga huling taon ng 1960.  Kahit hindi tiyak ang kasasapitan, nakarating ang iba sa Alemanya, Italya at Pransiya, at iba pang mga bansa sa Europa.  Napadpad ang iba sa California at Chicago sa Amerika, sa Ontario at Winnipeg sa Canada, dahil sa pagbabakasakaling matagpuan ang hinahanap na ginto upang maiahon sa gutom at karalitaan ang iniwang nalulungkot at nangungulilang mga pamilya.

Nang pairalin pa ang Batas Militar ng diktadurang Marcos noong 1972, lalong humilahod ang pambansang ekonomiya, lalong naghirap ang ordinaryong mga mamamayan, at lalong tumaas ang halaga ng dolyar kontra sa piso kaya lalong tumindi ang migrasyon ng mga manggagawang Pilipino — babae man o lalaki — at napadpad sila sa iba’t ibang lupalop, sa Iraq man o sa Iran, sa Bahrain man o sa Kuwait o sa Dubai sa Gitnang Silangan, sa Angola man o sa Ethiopia at Nigeria sa Aprika, at maging sa Singapore, Hongkong, Taiwan, Japan at Korea sa Asya.  Ang iba, kahit salat sa kaalaman at karanasan, ay napilitang sumuot at maglingkod sa pandaigdig na industriya ng pagbabarko, naglayag saanmang sulok ng  mundo taglay ang mumunting mga pangarap na malimit namang nilalamon lamang ng dambuhalang mga alon sa malawak na karagatan.

Sa kasalukuyan nga, milyun-milyon na silang parang mga layak na nakakalat sa iba’t ibang mga lupain at kayakap nila ang pangungulila’t kalungkutan, biktima ng inhustisya’t kaalipinan, ng karahasan at kamatayan, sa kanilang mahaba’t marawal at nakahahabag na kasaysayan.  Tiniis nila ang nakapapasong init sa mga konstruksiyon at minahan ng langis sa disyerto ng Saudi Arabia;  tiniis nila ang makadurog-butong lamig sa pabrika ng salmon at sardinas sa Alaska; tiniis nila lalo na ng mga kababaihan ang pagmamalupit ng kanilang amo — ang suntok, sipa’t tadyak, bugbog at panggagahasa sa Singapore, Hongkong at mga bansang Arabo; tiniis nilang magsayaw nang hubo’t hubad, mabulid sa prostitusyon, laspagin at babuyin sa mga bahay-aliwan sa Japan; tiniis nila ang malarya at iba pang nakamamatay na sakit sa mga minahan sa Aprika ngunit, higit sa lahat, tiniis nila ang nakapanlulumong kalungkutan dahil sa matinding pangungulila sa iniwang mga mahal sa buhay.

Bagaman nasusuhayan nga nila ang bumabagsak na pambansang ekonomiya  sa pamamagitan ng bilyun-bilyong dolyar na ipinadadala nila  taun-taon sa bansa, nakapaghihimagsik na hindi naman sila ganap na pinangangalagaan o tinutulungan  ng sariling gobyerno hinggil sa mga problemang kaugnay ng kanilang mga trabaho sa iba’t ibang banyagang lupaing kinaroroonan nila ngayon.  Patuloy lamang silang binobola o inuutong “mga bagong bayani” ngunit wala namang kongkreto’t makabuluhang mga programa ang pambansang liderato upang sila’y maalalayan at sagipin sa kumunoy na kanilang kinasadlakan.

Dahil sa kontra-manggagawa at makadayuhang mga patakarang pangkabuhayan ng umiiral o naghaharing rehimen, inaasahan pa ngang lalong titindi ang pandaruhayan ng manggagawang Pilipino kahit hitik na ang kasaysayan nito ng inhustisya’t kalupitan at kaalipinan.  Hanggang inutil ang gobyernong mabigyan ng sapat na oportunidad ang kanyang mga mamamayan — desenteng trabaho, makatarungang sahod, kaukulang mga benepisyo sa paggawa tungo sa maluwag o komportableng buhay — patuloy at patuloy na ipapadpad ng hangin ng karalitaan at  kakalat na parang mga layak sa iba’t ibang panig ng mundo ang manggagawang Pilipino.  At. di nga kasi, patuloy at patuloy ding mararagdagan ang mahaba nang listahan ng mga inabuso’t ginahasa, ng mga pinatay at nagpakamatay, ng mga ikinulong, pinahirapan at binitay, ng mga umuwing baliw o bangkay na lamang, hanggang hindi maabot ng kurtadong utak ng estado ang tungkulin nitong lubos na pagmalasakitan, pangalagaan at ipagtanggol ang interes ng uring manggagawang Pilipino — narito man o nasaan mang panig ng mundo.

Marami nga sa kanila — lalaki man o babae — ang umalis ng bansa nang luhaan o humahagulhol hanggang sa loob ng eroplano at, kung hindi man bumalik na bangkay na lamang, umuuwi namang bigo’t halos masiraan ng bait, durog ang mga pangarap at pira-piraso ang kinabukasan dahil sa mapait at malagim na karanasan sa banyagang lupang pinuntahan sa paghahanap ng kahit kapirasong langit para sa mga mahal sa buhay.

Kahabag-habag na uring manggagawa!

                                                                           

Advertisement

Read Full Post »

Kabisoteng Edukasyon


(Kolum)

ISANG MALAKING kahangalan, kundi man ganap na katontonhan, ang iginigiit noon pa mang 2003 ng Kagawaran ng Edukasyon na wikang Ingles ang gawing pangunahing wikang panturo sa elementarya pa lamang bilang pag-alinsunod sa balintunang patakaran ng rehimen ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.  Naalaala tuloy namin ang isang kabanata ng Noli Me Tangere ni Rizal (Mga Suliranin ng Isang Guro).  Sa nasabing kabanata, sa wikang Kastila tinuturuan ang mga bata gayong hindi pa naman sila nakakaintindi ng wikang iyon.  Dahil hindi nila nauunawaan, minimemorya at hindi maipaliwanag  ng mga bata ang kanilang aralin.  Ganito rin nga ang karaniwang nangyayari ngayon sa mga estudyante sa hayskul, kolehiyo at unibersidad sa bansa na dahil sa Ingles nagsipag-aral, at salat sa kakayahan sa banyagang wikang ito, mabilis na nakakalimutan ang sinaulong mga leksiyon kaya nagsisipagtapos na kabisote.

Kaugnay nito,  isang sulat noong nabubuhay pa si Dr. Nemesio E. Prudente, nakilalang makabayan, makatao, progresibong intelektuwal at edukador, at naging Presidente ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, ang tinanggap namin mula sa kanya.  Ayon sa kanya, ang iginigiit na wikang Ingles agad ang gamiting wikang panturo sa elementarya pa lamang ay “sapilitan at pulitikal, hindi nakabatay sa pananaliksik, sa siyensiya ng pagtuturo, at sa mga prinsipyong sikolohikal.” 

Niliwanag at binigyang-diin ni Dr. Prudente ang pagtutol niya sa nabanggit na patakaran ng Kagawaran ng Edukasyon sa ilalim ng rehimen ni La Gloria.  Dahil wikang Ingles nga ang ginagamit na panturo sa elementarya pa lamang, napakaliit na porsiyento tuloy ng mga nagsipagtapos sa Grade VI ang pumapasa sa pambansang pagsusulit para matanggap sa mataas na paaralan.  Kinailangan tuloy ipanukala ng diumano’y henyong mga opisyal ng naturang kagawaran ang napakakontrobersiyal na “bridge program” na tandisan nang tinututulan hindi lamang ng mga estudyante kundi maging ng mga guro sa pampublikong mga paaralan.

Unang-una, sa punto ni Dr. Prudente,  “repleksiyon ng mababang kalidad ng pamumuhay sa bansa ang sistema ng edukasyon,” gayundin ng “kolonyal na mentalidad, kainutilan at katiwalian ng mga opisyal ng gobyerno at ng burukrasya.”  Natural, kapos ang badyet para sa edukasyon na niwawaldas pa nga’t kinukurakot ng mga kinauukulan kaya kulang na kulang din sa mga paaralan, mga pasilidad, at may sapat na kakayahang mga guro.  Bukod dito. binigyang-diin niya, “isa sa pinakamalaking problema nga ang wikang ginagamit sa pagtuturo sa elementarya.  Pinipilit ng mga may kaisipang kolonyal na matuto ng pagbasa, matematika at siyensiya ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng Ingles, isang dayuhang wikang nagsisimula pa lamang nilang pag-aralan.”

Batay sa mga pagsusuri sa Amerika at Canada, sabi niya, lima hanggang pitong taong ipinaiilalim sa mga programa sa pag-aaral ng wika ang mga estudyante bago maabot ang kahusayang pang-akademiko.  Tinututulan tuloy ng progresibong mga edukador doon na ipailalim sa gayong programa sa loob lamang ng tatlong taon ang migrante o dayuhang mga estudyante bago pahintulutang isabak sa iba’t ibang asignatura.  Dahil tatlong taon nga lamang, at hindi pa ganap na humuhusay sa banyagang wikang Ingles, sarisari ang nagiging problema ng dayuhang mga estudyante — pangwika man o pangkultura.

“Isang malaking kabobohan, samakatuwid, ng mga oplsyal ng edukasyon,” binigyang-diin niya, “na gamitin ang Ingles na  wikang panturo agad sa mga mag-aaral sa elementarya na tinuturuan pa lamang ng Ingles bilang ikalawang wika o ikatlong wika sa mga rehiyong di-Tagalog.”  Sa naturang antas, dapat na wikang Filipino ang gamitin kaagapay ang katutubong diyalekto bagaman,   ayon nga sa kanya, mulang Grade I hanggang Grade VI, dapat ding ituro bilang isang asignatura (subject) ang Ingles tulad din ng wikang Filipino.  Kaya, sa nabanggit na mga grado, sa Filipino dapat ituro ang siyensiya at matematika na maaaring salitan ng katutubong diyalekto sa mga rehiyong di-Tagalog.  Sa hayskul na simulan, sabi niya, ang paggamit sa Ingles bilang wikang panturo (medium of instruction).  Hindi ito nangangahulugang kakaligtaan na ang Ingles, ayon pa rin sa kanya, kaya nga dapat na isa itong asignatura sa lahat ng antas ng pag-aaral mulang elementarya hanggang kolehiyo.

Inihalimbawa ni Dr. Prudente ang sistema edukasyonal ng  Japan, China at Korea na sariling wika ang ginagamit na panturo sa lahat ng asignatura — kabilang ang matematika at siyensiya — at, bunga nito, taun-taon, laging nangunguna sa Silangan at Timogsilangang Asya sa mga pagsusulit ang kanilang mga estudyante at nangungulelat ang mga tinuruan agad sa Ingles gaya ng ating mga estudyante.  Katunayan, binigyang-diin niya,  sa nasabing mga bansa, lumikha pa sila ng mga “calculator” at “computer” na nasa sarili nilang wika bagaman ginagamit din sa kolehiyo  ang nasa wikang Ingles.

Hinahamon niya tuloy, noon pa man, ang mga opisyal ng gobyerno at mga edukador na may kolonyal na mentalidad na magbago ng mga patakaran at paninindigan at huwag igiit na Ingles ang gamiting wikang panturo agad sa elementarya, lalo na nga sa siyensiya at matematika.  Ayon sa kanya, dapat na magtayo ang Kagawaran ng Edukasyon sa ilang piling lugar sa bansa ng tinatawag na “pilot schools” na wikang Filipino — katulong ang katutubong mga diyalekto — ang gagamiting panturo sa mga mag-aaral sa elementarya, lalo na’t sa nabanggit na dalawang araling akademiko.   Batay sa kanyang pagsusuri, tinitiyak niyang magiging mahusay ang resulta nito sa kabuuan.

Habang nasa kani-kanilang sariling wika ang edukasyon ng halos lahat ng bansa sa mundo — Kastila sa Amerika Latina, Pranses sa Pransiya, Ruso sa Rusya, Nippon-Go sa Japan, Fookien at Mandarin sa Tsina, Bahasa Indonesia sa Indonesia, Aleman sa Alemanya, at marami pang halimbawang mababanggit — bukod tangi ngang nasa banyagang wikang Ingles ang sistema ng edukasyon sa ating bansa.  Nagkaroon tuloy ng nakasusukang pakahulugan ang mga elitista’t may kolonyal na kaisipan na “hindi edukado” at “bobo” ang sinumang hindi marunong o mahina sa Ingles at “nasisiraan na ng ulo.” ayon noon sa isang Max Soliven sa isang kolum niya sa Manila Times (Pilipino In, English Out: Are We That Nutty?)  kapag niyakap natin ang sariling wika at pinabayaan ang Ingles.

Ano nga ba ang narating ng edukasyon sa bansang ito sa pamamagitan ng wikang Ingles?  Lumilitaw ngang pababa nang pababa ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas.  Nang suriin ang uri ng mga kolehiyo at unibersidad sa Asya, hindi pa napabilang sa unang 40 ang pangunahing mga pamantasan sa bansa tulad ng Unibersidad ng Pilipinas, Ateneo University, De La Salle at Unibersidad ng Santo Tomas.  Higit na masama, maliwanag na bangkarote ang kasalukuyang edukasyon — sapagkat kinopya nang pira-piraso mula sa edukasyong Amerikano —  kaya, sa kabilang banda,  hindi naman nito matugunan ang pambansang mga pangangailangan at problema para pasukin ang daan ng kaunlaran tungo sa kinakailangang industriyalisasyon.

“Kung susumahin,” ayon kay Dr. Prudente, “ang problema’y nasa sistema at balangkas:  elitista, kolonyal, maka-kapitalista, maka-pribadong mga paaralan.”  Binigyang-diin pa niya na sa dispalinghadong mga patakaran ng gobyerno, “hindi na katakatakang talagang ayaw nilang paunlarin ang kalidad ng pamumuhay ng masang sambayanan kabilang na ang pagkakaloob ng de kalidad na edukasyon.  Pinaglalaruan lamang nila ang mga maralita at iliterado, pinaaasa lamang kung eleksiyon at, pagkatapos, kalilimutan na.”  Ayon tuloy sa kanya, “sa ilalim ng kasalukuyang sistema — at pababa nang pababa pa nga ang kalidad ng edukasyon — halos wala nang pag-asa ang masang makaahon sa kinalulublubang burak, nananatiling nagdaralita, habang namamayagpag sa kayamanan at glorya ang mayayaman.”

Dahil nga sa makadayuhang mga  patakarang pang-edukasyon — bukod sa iba pang larangan — na idinidikdik ng gobyerno, lumilinaw tuloy ang idinidikta noon pa man ng IMF-World Bank at ng mga instrumento ng imperyalismong Amerikano na isapribado ang mga paaralang pampubliko, lalo na ang mga SUC (State Universities and Colleges) sa bansa ngayon upang mapasok ng salanggapang na mga kapitalistang nakabalatkayong edukador na matagal nang nagsisipaglaway sa negosyong edukasyon.  Katunayan, napasok na ng kilalang malalaking negosyante ang larangang ito:  kontrolado na ni Lucio Tan ang UE (University of the East), ni Emilio Sy ang CEU (Centro Escolar University), ni Alfonso Yuchengco ang MIT (Mapua Institute of Technology), at ni Henry Sy ang Asia-Pacific College. 

Bukod sa mga nabanggit, puspusan din ang pagsisikap ng ordeng relihiyoso — lalo na mula sa kampo ng Simbahan — sa pagtatayo at pagpapalawak ng kani-kanilang mga paaralang sagad hanggang langit ang matrikula sa lahat ng antas ng edukasyon.  Mulang kindergarten hanggang kolehiyo, sabi nga, walang karapatang mag-aral doon ang anak ng isang Juanang Basa at Pedrong Tigas (ibig sabihin ang mga anak-anak ng karaniwang mga manggagawa, magsasaka’t mangingisda o nabibilang sa hukbo ng mga walang-wala).    

 Dahil sa ganitong kalakaran, batay sa obserbasyon noon ni Dr. Prudente, hindi nga malayong magsara at isapribado sa malapit na hinaharap ang maraming paaralang pinatatakbo ng gobyerno sa kapinsalaan, higit sa lahat, ng maralitang mga mamamayang walang kakayahang pag-aralin sa mandurugas na pribadong mga paaralang pag-aari ng mga santo-santito at diyus-diyosan sa lipunan.  Sapagkat balintuna’t makadayuhan  pa nga ang mga patakaran ng gobyerno hindi lamang sa larangan ng edukasyon, kundi maging sa iba pang larangan, “lubhang napapanahong sama-samang kumilos,” sabi ni Dr. Prudente, “ang lahat ng makabayan, progresibo at demokratikong mga puwersang nagmamalasakit sa pampublikong edukasyon para sa kapakanan ng masang sambayanan.”  Sa punto niya, “kinakailangang pagtuunan ng pansin at malalim na suriin ang kasalukuyan at hinaharap pang mga problema ng pambayang edukasyon.  Maaaring gawing makabuluhang gabay ang nakaraang kasaysayan nito na hitik ng kapabayaan dahil na rin sa mga elitista at may diwang kolonyal na lantarang kumukontrol sa sistemang pampulitika at pang-ekonomiya ng bansa.”

Sa kabuuan, at sa alinmang punto tingnan at suriin, lubhang napapanahon na ngang baligtarin naman ang sistema — ang wikang Filipino naman ang gawing wikang panturo sa halos lahat ng asignatura tulad nang ginawa, at patuloy na ginagawa, ng mauunlad na mga bansang nagmamahal sa sarili nilang wika at kultura.   Maliwanag, patuloy lamang ibinubulid ng umiiral na elitista at kolonyal na edukasyon ang bansa sa kumunoy ng kamangmangan at kaatrasaduhan.  Panahon na ngang buwagin ito at igiit ang isang edukasyong makabayan, makatao, mapagpalaya at siyentipiko. #

(Kolum)

                                                                             

Read Full Post »

Si Anto


(Isinalin  sa wikang Ingles at inilathala sa TENGGARA-MALAYSIA  at iniantolohiya nang malaon sa “Stories From Southeast Asia”  bilang isa sa pinakamahuhusay na kuwento sa loob ng 30 taon sa naturang rehiyon, ayon kay Muhammad Haji Salleh, editor ng nasabing antolohiya.)

 

                                                SI ANTO

NAKILALA ko si Anto sa isang panahon ng paglalagalag.

     Iyon ay isang panahong ang kaluluwa ko’y nilalagnat, nagdedeliryo’t nag-aapuhap ng mga bituin habang patuloy akong tinutugis ng karalitaang hindi ko matakasan.  Naglalagablab na dambuhalang mga kalansay ang tingin ko noon sa mga gusali ng lungsod at nanlilisik ang mga neon lights; mga nitso ang mga bangketa, mga kabaong ang mga eskinita, naghuhumindig na kandila ang bawat poste, at prusisyon ng mga robot at plastik ang nasasalubong ko sa bawat panulukan at lansangan.  Iyon ay isang panahong labis kong pinaghihimagsikan ang kawalanghiyaan ng buhay sa siyudad at ni hindi ko na makilala kung sino ang kaaway at kung sino ang kaibigan at, sa bawat gabi, sa aking pag-iisa sa inuupahan kong marumi’t makipot na kuwarto ng nakaluhod na entresuwelo sa gilid ng nangangalingasaw na estero, ang nakikita ko sa tagpi-tagping dingding ay isang matahimik na kapaligirang matagal ko nang pinangungulilahan, at patuloy akong kinakawayan ng mga punong niyog, binubulungan ng mga talahib, at inaawitan ng mga alon.

     Bitbit ang aking makinilya at isang maletang damit, naisipan kong magtungo, isang mahalumigmig na madaling-araw, sa isang liblib na lugar sa Batangas na hindi abot ng atungal ng mga tambutso at ng alimura ng kuwarta at ng tinatawag na makabagong sibilisasyon.  Nakipanuluyan ako sa isang kamag-anak ng pamilya, sa isang karaniwang bahay na pawid sa tabing dagat na niyugan ang paligid.  At nadama ko, sa gayon palang matapat na kapaligiran, sa piling ng mga karaniwang taong walang pagpapanggap, mahalimuyak maging ang karalitaan.

     Doon ko nakilala si Anto, isang dapithapong umiinom kami ng tuba ng pinsan kong si Mando sa nakatiwangwang na bangka sa pasigan.  Malagihay na ako nang mapansin ko ang isang matipunong binatilyong sunog ang balat sa araw na dumaong malapit sa amin.  Parang walang anumang hinila niya ang kanyang bangka, iniahon sa tubig at sa loob ng pasan-pasan niyang lambat, nagkislut-kislot ang huli niyang mga isda na marami-rami rin sa tingin ko at baka umapaw sa isang timba kung isasalin.

     “Ala’y marami ka yatang huli ngayon, Anto?”  bati ng pinsan kong si Mando.

     “Ala’y katamtaman lamang,” malumanay na sagot ni Anto sabay lapag ng lambat sa tabi namin.  Kumuha ito ng ilang isda at inilagay sa loob ng inuupuan naming bangka.  “Pamulutan man lamang ninyo.”  Lumulundag-lundag pa ang mga isda.

     “Uminom ka muna, ‘bigan,” alok ko at pinuno ko ng tuba ang tangan kong baso at akma ko iyong iaabot sa kanya.

     Tinitigan ako ni Anto at napansin ko ang malalaking matang iyon na waring laging nagtatanong, nanunuri, na parang ibinagay sa medyo sarat niyang ilong at maluwang na bibig na nanatiling nakalapat.

    “Pinsan ko ‘yan, Anto,” sabi ni Mando.  “Si Manong Roger… nagbabakasyon dito.”

     Saka lamang binawi ni Anto ang pagkakatitig sa akin.

     “Di ako bumabarik, Manong,” halos pabulong nitong sabi.

     “Sigarilyo,” muli kong alok.

     “Ala’y di rin ako naninigarilyo, Manong.”

     “Ala’y walang bisyo ‘yan kundi mangisda at magtanim,” pakli ni Mando.

     Napatawa ako.  Ni hindi man lamang ngumiti si Anto. Dinampot nito ang lambat, pinasan, sinulyapan kami, at nagpatuloy sa paglakad.  Hindi ko siya naiwasang sundan ng tanaw hanggang sa ikubli siya ng makapal na niyugan sa di kalayuan.

     “Doon lang nakatira si Anto sa kabila ng niyugan,” parang nahulaan ni Mando ang iniisip ko.  “Ala’y nag-iisa na siya, Manong.”

     Tumungga ako ng tuba at naglaro ang mga mata ko sa kalawakan ng dagat na mapayapang-mapayapa ngayon at parang isang dibdib na hindi humihinga.  Nagulat pa ako nang kumislot sa loob ng bangka sa tabi ng paa ko ang isa sa mga isdang iniwan ni Anto.

     “Ang mabuti pa, Manong,” sabi ni Mando, “ay iuuwi ko muna ang mga ‘yan, maiihaw at nang mapulutan na natin.”

     Hindi ako umimik.  Hindi ko maipaliwanag kung bakit, kangina, sa saglit na sandaling iyon, nang titigan ako ni Anto, parang may nakita akong kung anong kahiwagaan sa likod ng malalaking mga matang iyon at sa pagkakalapat ng maluwang na bibig na waring may gustong sabihin at isigaw.

     Hindi ko namalayan ang pag-alis ni Mando at mapupulang latay na lamang ang sikat ng araw sa kalawakan nang magbalik ito.  Nakabalot sa dahon ng saging ang inihaw na mga isda, mainit na mainit pa, mamangu-mango, at naisip kong sa probinsiya nga pala ay talagang sariwa ang mga isda, gayundin ang mga tao, di gaya sa siyudad na bilasa ang lahat pati na mga kaisipan at pangarap.

     Manamis-namis ang mga isda at sana’y nakapagpasalamat man lamang ako kay Anto, naisaloob ko.

     “Sabi mo’y nag-iisa na siya?” parang wala sa sariling bigla kong naitanong kay Mando.

     “Sinong siya, Manong?”  Napatigil sa paglagok ng tuba si Mando.

      “Si Anto.”

     “Ay, oo, Manong.”

     “Ang mga magulang niya?”

     Muling lumagok ng tuba si Mando.  “Ay, Manong, masaklap ang nangyari sa pamilya nila.  Ay, putang ina, talagang masaklap, Manong.”

     “Anong masaklap?”  Nagsindi ako ng sigarilyo.

     “Nakikita mo ga ang niyugang ‘yon?” at itinuro ni Mando ang karatig na niyugang dinaanan kangina ni Anto.  “Dati, Manong, kanila ‘yon.  Ala’y may kagandahan din ang bahay nila noon… doon,” at muling itinuro ni Mando ang niyugan na nakukumutan na ngayon ng manipis na karimlan.

     “E, nasaan ngayon ang bahay?”

     Dumahak si Mando.

     “Ala’y di giniba na ng bagong may-ari.  Alam mo ga, Manong,” patuloy ni Mando, “nagisnan ko nang sa ama ni Anto ang niyugang iyon.  Ano ga’t isang araw, mga sampung taon na siguro noon si Anto, may dumating dito na taga-bayan, nakakotse pa, at pinaaalis doon sina Anto.  Kanya raw ang lupang ‘yon. Ala’y di nagalit si Ka Basilio, ‘yong ama ni Anto.  Kumuha ng gulok.  Ay, putang ina, Manong… kung hindi agad nakatakbo at nakasakay sa kotse ‘yong taga-bayan, malamang na naundayan ng taga ni Ka Basilio.”

     “Pagkatapos?” Sinaid ko ang tubang laman ng aking baso.

     “Ay ano pa ga?” patuloy ni Mando.  “Ala’y di nagdemandahan.  Natalo si Ka Basilio dahil wala raw titulo.  Mga ilang araw, muling dumating dito ‘yong taga-bayan, may kasama pang mga pulis.  Tinaningan sina Anto para umalis doon.  Ay, Manong, nag-iiyak si Ka Benita, ‘yong ina ni Anto, at sa sama ng loob ay biglang inatake sa puso… namatay noon din. Ala’y pagkalibing naman ni Ka Benita,” muling lumagok ng tuba si Mando, “ay dumating isang araw ‘yong mga tauhan ng taga-bayan, may kasama na namang mga pulis, at gigibain na ‘yong bahay nina Anto.  Ala’y di sa galit ni Ka Basilio ay binunot ang kanyang gulok.  Ay, Manong, nanghabol ng taga.  Bago siya nabaril ng mga pulis ay dalawa ang napatay niya.  ‘Yong isa, Manong, sana’y nakita mo,” parang nanghihinayang na patuloy ni Mando.  “Ay, Manong, laslas ito!” sabay turo sa kanyang tiyan.  “Inurakan nang inurakan… ala’y luwa ang bituka at ‘yong isa naman, ala’y muntik nang matanggal ang ulo.  Di mapuknat-puknat ng mga pulis si Anto sa pagkakayakap sa bangkay ni Ka Basilio at hinimatay ‘yong kapatid niyang dalaga, si Juliana.  Ay, Manong, ala’y magandang dalaga ‘yong si Juliana.  Kursunada ko pa nga sana,” napabuntong-hininga si Mando.

     Sinunud-sunod ko ang pag-inom.  Parang wala nang lasa ang tuba.

     “E, si Juliana?”

     “Ay, putang ina… masaklap din ang nangyari, Manong,” parang maiiyak si Mando.  “Ano ga’t nanilbihan siya sa bayan, sa bahay ng isang mayaman, ‘yon gang magandang bahay malapit sa munisipyo.  Ala’y isang araw natagpuan siyang nakabitin sa silid… nagbigti raw.  Ay, putang ina, Manong, aywan ko ga… sabi’y ginahasa raw ng anak na binata noong kanyang amo.  Mabuti na lang si Anto, kinupkop ni Ka Masyong… ‘yon gang inuuwian niya ngayon.  Ay, Manong, talagang naguguluhan ako sa nangyari sa pamilyang ‘yan.  Ala’y putang ina, ‘yan ga’y kalooban ng Diyos, Manong?”

     Matagal akong napatitig sa kawalan.  Hindi na manamis-namis ang isdang iniwan ni Anto.  Hindi ko na makain.

     Nang gabing iyon, nakapako sa aking balintataw ang malalaking mata ni Anto at kahit masakit ang aking ulo, kinuha ko ang aking makinilya at sa tulong ng aandap-andap na ningas ng gasera, nakasulat ako ng dalawang linya.

     “Ikaw ang mga mata ng budhi ko…

     “Ikaw ang bibig ng mga layunin ko.”

MULA noon, lagi ko nang inaabang-abangan ang pagdaong ng bangka ni Anto sa dalampasigan at tuwing daratnan niya ang pag-iinuman namin ni Mando sa nakatiwangwang na bangkang  iyon, parang naging ugali na niya na bigyan kami ng ilang isda, at naging ugali ko naman ang magpasalamat. Manaka-naka, binibiro ko siya, sinasabi kong sa kanila na ako uuwi upang maging lubos na ang kanyang kagandahang-loob sa akin. Minsa’y tinudyo ko pa siyang baka siya tumandang binata kung pangingisda at pagtatanim ang lagi niyang inaatupag sapagkat, ayon kay Mando, hindi man lamang daw nanliligaw si Anto, hindi pinapansin at lalong hindi kinakausap ang mga kadalagahan sa lugar na iyon.  Sa kabila ng mga pagbibiro kong iyon, kahit minsa’y hindi napatawa, ni ngumiti man lamang si Anto.

     Isang hapon, nang magpunta sa bayan si Mando at maghatid ng mga gulay at niyog doon, uminom din ako, kahit nag-iisa, sa tabing dagat.  Maagang dumaong si Anto sapagkat maalon ang dagat, waring may nagbabantang sigwa.  Luminga-linga ito nang mapansing ako’y nag-iisa ngunit hindi siya nag-atubiling lumapit sa akin upang bigyan ako ng ilang isda.

     “Huwag na lang, Anto,” tanggi ko.  “Walang mag-iihaw niyan  ngayon.  Nasa bayan si Mando.”

     Hindi umimik si Anto.  Ibinalik nito sa lambat ang mga isdang ibibigay sa akin.  Kumislut-kislot ang mga isda pagsayad sa lambat, waring tuwang-tuwa at hindi ko sila mapupulutan.  Walang paalam na umalis si Anto at inisip kong baka ipinaghinanakit niya ang hindi ko pagtanggap sa ibinibigay niya.

     Dumidilim ang kalawakan at nag-iipun-ipon ang maiitim na ulap. Ang utak ko’y unti-unti nang pinamamanhid ng tuba nang gulantangin ako, sa likuran ko, ng malumanay at malamig na tinig na iyon na waring sumasanib sa ihip ng hangin at hindi kayang lupigin ng ragasa ng mga alon.

     “O, Manong… pamulutan mo.”  Nasa tabi ko na si Anto.

     “Nakakahiya sa iyo,” sabi ko.  “Ikaw pa ang nag-ihaw ng mga iyan.”

     Tinitigan lamang ako ni Anto at naupo ito sa gilid ng bangka, sumulyap sa karagatan at tumingala sa kalawakan.

     “Ala’y uulan, Manong.  Malakas na ulan ‘yan, Manong,” parang wala sa sariling sabi niya.

     Kumurot ako ng isda.  Tumatalab ang init sa mga daliri at dila ko.

     “Masarap ka palang mag-ihaw, Anto.”

     Tumingin siya sa akin na waring sinasalamin sa mga mata ko kung totoo sa loob ko ang sinabi ko, at napansin ko sa malalaking matang iyon ang bahagyang kasiyahan.  Waring ngayon lamang siya nakarinig ng papuri, ng pagpapahalaga sa nagawa niya.

     “Ala’y pagpasensiyahan mo na ‘yan, Manong.  Iilan kasi ang huli ko kangina,” parang nahihiya ngunit masiglang sabi ni Anto.

     “Aba… suwerte ko pa nga ito,” pakli ko.  “Alam mo ba, Anto, sa Maynila, laging galunggong ang kinakain ko, saka tuyo o bilasang bangos kung minsan.  Ang pulutan namin doon ay sipol… kung may kaunting pera ay inihaw na mabahong tuyong pusit na parang kuwero ng sapatos.”

     Parang hindi makapaniwala si Anto sa kanyang narinig, lalo na sa isang gaya kong alam niyang galing sa balitang marangyang lungsod.  Akma akong dudukot ng sigarilyo sa kaha ngunit wala na palang laman, at napansin niya iyon.

     “Ala’y ako na ang bibili, Manong,” at tumayo ito sa pagkakaupo sa gilid ng bangka.

     “Hindi na bale, Anto.  Pagdating ni Mando galing sa bayan, tiyak na may uwi iyong sigarilyo.”

     “Ay, gagabihin ‘yon, Manong, kapag inabot ng ulan.  Ala’y wala ka nang mahihithit,” parang nag-aalaala niyang sabi.

     “Nakakatiis nga akong di manigarilyo kahit ilang araw,” paliwanag ko.  Alam kong malayo ang tindahan, mga kalahating kilometro siguro mula kina Mando at, isa pa, wala akong pera sa bulsa.

     Hindi na nagpumilit si Anto. Muli itong tumingin sa kalawakan ng dagat na ngayo’y marahas, dumadagundong sa pagdamba ang naglalakihang alon.  Makapal na makapal na ang maiitim na ulap, nagbabantang bumagsak anumang oras.  Katunayan, umaambun-ambon na, ngunit hindi ko pa napangangalahati ang isang galong tubang iniwan sa akin kangina ni Mando bago ito nagpunta sa bayan pero iisa na ang inihaw na isda sa dahon ng saging.

     “Ala’y ang mabuti pa, Manong, ay sa bahay ka na bumarik.  Mababasa ka dito,” mungkahi ni Anto.

     “Gusto ko ngang maligo sa ulan.  Masarap uminom, Anto, sa ulanan.  Ikaw kasi, ayaw mong tumikim man lamang.  Masarap uminom, Anto, lalo na’t itinatanong mo sa sarili kung sino ka, kung ano ka, at kung para ano ka.”  Tinatangay na ako ng aking utak dahil marahil sa impluwensiya ng tuba.

     Matagal akong tinitigan ni Anto, waring inaarok ang ibig kong sabihin.  Bigla, bumuhos ang ulan, masisinsin at malalaki ang mga patak, parang mga palasong ibininit mula sa kalawakan.  Akala ko’y iiwan ako ni Anto, ngunit hindi ito tuminag sa pagkakaupo, nakamata sa akin habang sinasalinan ko ng tuba ang baso.

     “Lumagok ka nang kaunti para di ka ginawin,” sabi ko sa kanya.

     “Ala’y talagang hindi ako bumabarik, Manong.”

     Halos alipin na ako ng bisa ng tuba at ni hindi ako giniginaw sa kabila ng patuloy at malakas na ulan.  Namalayan ko na lamang, sa gitna ng ulanan, sa saliw ng dagundong ng mga alon, sa harap ng basang-basa’t nakahalukipkip na si Anto, ikinukuwento ko sa kanya ang maraming bagay — ang kalupitan at kawalanghiyaan ng buhay sa lungsod, ang mga pagsasamantalang dinanas ko sa iba’t ibang trabahong pinasukan ko, ang mga pangyayaring nagbunsod sa akin upang talikuran ko ang kursong binuno ko sa loob ng limang taon sa isang pamantasan at ganap kong harapin ang pagsusulat ng mga katha, artikulo, komentaryo at mga tula.  Naisalaysay ko marahil sa kanya ang lahat, maging ang pagkakatanggal ko bilang kagawad ng patnugutan ng isang pambansang magasin dahil natutuhan kong ipaglaban ang karapatan ng mga kapwa ko trabahador, hanggang sa malimit na ako’y napaggugutom.

     “Alam mo, Anto,” natatandaan kong nasabi ko noon sa kanya, “di ka igagalang ng gutom, ng kahirapan sa siyudad, kundi ka marunong makibagay sa tugtog at kalakaran ng kaisipan at ng lipunan doon.”

     Hindi ko alam kung gaano kami katagal noon ni Anto sa ulanan ngunit naalaala ko, matapos ang aking pagkukuwento, namumula ang malalaking mata ni Anto, kikisap-kisap.

     Kinabukasan noon, sinisipon ako at nilalagnat, at nabalitaan iyon ni Anto. Agad siyang dumating sa bahay nina Mando, may dalang isang boteng gatas ng kambing para sa akin.  At, buhat noon, hindi lamang kakilala ko si Anto — kaibigan ko na siya.

     “Ala’y nagtataka ako sa iyo, Manong,” sabi minsan ni Mando.  “Ala’y naging malapit na malapit sa iyo.  Bihira ang kinakaibigan ni Anto dito.  Ano ga’t parang mailap na manok-labuyo na napaamo mo.”

     “Ako man ay nagtataka rin,” sabi ko.

     Ngunit ang higit kong ipinagtataka, sa kabila ng mga araw ng pakikisalamuha niya sa amin ni Mando, lalo na’t kung ako’y malagihay at nagkukuwento ng mga kabalbalan at katatawanan, ni hindi man lamang tumatawa si Anto, ni hindi man lamang ngumingisi o napapangiti.  Laging mamata-mata lamang siya sa amin ni Mando,pinapanood ang aming pag-iinuman, matamang nakikinig sa aming usapan at kapag napansin niyang kailangan namin ang anumang bagay, halimbawa’y sigarilyo o inumin, agad siyang kikilos at parang tungkulin na niyang gampanan ang mga bagay na iyon.  Kung hindi namin siya kausapin ay hindi siya kumikibo, maliban na lamang kung may iniaalok siya sa akin.  At, ni minsan, hindi niya nabanggit ang mapait at malagim na nangyari sa kanilang pamilya na pinakaiwas-iwasan ko ring ungkatin sa kanya.

HALOS ISANG buwan na ako kina Mando, sa mapayapang lugar na iyon na paraiso ng mga punong niyog at kahalikan ng mga alon.  At naramdaman kong parang ako’y bagong silang, nasalinan ng bagong lakas, ng bagong mumunting pangarap, ng bagong katatagang harapin ang anumang hamon ng buhay.  Ang larawan ng iniwan kong lungsod ay malabo na, pira-piraso na lamang at tinangay na ng mga alon.  At, isang araw, sa nakatiwangwang na bangkang iyon sa pasigan, sa harap ng isang galong tuba, sa harap nina Mando at Anto, nasabi ko: “Baka sa darating na Linggo’y magpaalam na ako sa inyo.”

     Nangulimlim ang mukha ni Anto.

     “Ala’y di ka naman namin pinaaalis, Manong,” sabi ni Mando.  “O baka nalulungkot ka dito at hinahanap-hanap mo na ga ang buhay sa siyudad?”

     “Hindi naman.  Ang totoo nga, ayokong-ayoko nang manirahan sa Maynila.  Uuwi na lang ako sa probinsiya ni Itay, sa bukid.”

     Hindi na pinanood ni Anto ang pag-inom namin ni Mando.  Malimit na nakatuon ang tingin nito sa kalawakan ng dagat, at parang walang sigla ito sa pag-iihaw ng pulutan.  Mayamaya, nagpaalam si Anto, diumano’y may bibilhin sa tindahan.  Matagal bago ito nagbalik, halos ubos na ang tubang iniinom namin ni Mando.  May dalang isang kahang sigarilyo si Anto at iniabot sa akin.

     “Ito’y para sa iyo, Manong,” mahinang-mahina ang kanyang tinig.

     Pagkaabot na pagkaabot ko ng bigay niyang sigarilyo, agad siyang tumalikod, lumakad patungo sa niyugang dinaraanan niya pauwi.

     Dalawang araw na hindi ko siya nakita at naisip kong hindi siya nangisda dahil masamang-masama ang panahon, pabugsu-bugso ang hangin at gising ang mga alon sa karagatan.  Ngunit kinasabaduhan, isang araw bago ako umuwi sa kinamulatan kong probinsiya, sa Kabite, maaga pa’y biglang sumipot si Anto sa bahay ng pinsan kong si Mando.

     Bitbit ni Anto, sa kaliwang kamay, ang isang galong tuba at pasan-pasan niya ang isang bagong kapapatay na kambing na hindi pa nababalatan.  Sa may tarangkahan pa lamang ay sumisigaw na siya, at malamig ang kanyang tinig, parang may kinikimkim na kahiwagaang mahirap arukin.

     “Manong Roger!  Manong Roger!”

     “Aba’y para ano ‘yan?  Wala namang handaan dito,” bungad ko.

     “Ala’y bago ka man lang umalis bukas ay makatikim ka naman ng isa sa mga alaga ko.”  Nagniningning ang kanyang malalaking mga mata.  “Ikakaldereta namin ni Manong Mando.  Mahusay akong magluto ng kaldereta, Manong.”

     Nagpabili pa ng isang galong tuba si Mando.  Magkakasarapan ang inuman, sabi niya, at isa pa, ayon sa kanya, kailangang isagad namin ang barikan sapagkat aalis na nga ako bukas.  Abalang-abala naman si Anto sa pagkatay sa kambing, si Mando’y sa paghahanda ng mga rekado.

     Sa harap ng dalawang galong tuba at umuusuk-usok at namamangong kaldereta, hindi ko malaman kung paano ko pasasalamatan ang isang taong halos ay paglingkuran ako sa hindi ko maisip na kadahilanan.  Aywan ko kung sa mga araw na ikinalapit sa akin ni Anto ay nasalamin niya sa mga mata ko ang aking malalim na pagkaunawa sa trahedya ng kanilang pamilya.

     “Makagaganti rin ako ng utang na loob sa iyo, Anto, balang araw,” nasabi ko sa kanya.

     Hindi siya umimik, sumulyap lamang sa akin, habang nginunguya niya ang isang pirasong kaldereta, ngunit napansin kong parang may malalim siyang iniisip, patingin-tingin siya sa dalampasigan at, kalimitan, ay matagal siyang napapatitig sa niyugang iyon na dating kanila sa di kalayuan.

     Marami na akong nainom at tumatalab na sa utak ko ang tuba, at naisip kong maglakad-lakad sa baybay-dagat, suyurin ng tingin ang mapayapang kapaligirang iyon na mahal ko na ngunit iiwan ko bukas.  Napansin kong sinundan ako ni Anto at nang malayu-layo na kami sa kinaroroonan ni Mando, umagapay siya sa akin.

     “Manong, ako’y may ipakikiusap sa iyo,” parang nagmamakaawa ang tinig ni Anto.

     Napatigil ako.

     “Sa akin ay di mo na kailangang makiusap,” nakangiti kong sabi.

     “Ala’y talaga ga, Manong?” lalong lumaki ang malalaki nang mga mata ni Anto.

     Tumango ako.

     “Ako ga’y puwede mong isama bukas?”

     “Iyon lang pala, aba’y oo!”

     “Ay hindi mo ako naiintindihan, Manong.”

     Napatitig ako sa kanya.  Tumungo siya.

     “Ang ibig ko gang sabihin, Manong,” parang nabubulunan si Anto, “ay ala’y sa iyo na ako makikipanirahan.”

     Napanganga ako.

KINABUKASAN, hindi pa naglalagos ang sikat ng araw sa niyugan, nasa may hagdanan na ng bahay nina Mando si Anto at bitbit ang isang bayong ng mga lumang damit.  Ang suot niyang polong puti, bagaman malinis, ay halos puputok sa kanyang katawan.  Bitin ang kupasin niyang pantalong maong at naka-sapatos na de goma siya, ngunit walang medyas.  Gayunman, maayos na maayos ang mahabang buhok ni Anto, sadyang sinuklay, hinatian sa gilid, at nalahiran ng pomada.

     Bago kami tuluyang naglakad papunta sa kabayanan, pinilit ko muna siyang dumaan sa dati niyang tinutuluyan, kina Ka Masyong, upang sabi ko ay makapagbigay-galang man lamang ako sa matanda.

     “Ala’y utoy,” sabi sa akin ni Ka Masyong, “ikaw na sana ang bahala sa batang iyan.  Ala’y hindi ko ga maintindihan kung ano ang nakain niyan at hindi ko mapigil sa pag-alis. Ala’y hindi ko naman iyan kinagagalitan.  Kung hindi iyan mawili sa iyo, utoy, ala’y ipinakikiusap kong ihatid mo man lamang dito.”

     Nangingilid ang luha ni Ka Masyong nang iwan namin.

     Napansin ko na matagal na tinitigan ni Anto ang makapal na niyugang iyon na dating kanila karatig ng niyugan ni Ka Masyong.  Waring may saglit na balasik na dumalaw sa malalaking matang iyon na parang laging nagtatanong, nanunuri.

BUHAT NOON ay hindi ko kakilala lamang si Anto, hindi lamang kaibigan, kundi kapatid ko na.  Ang totoo, ako’y talagang walang kapatid at, naisip ko, makatutulong din siya kay Itay sa paghahalaman, sa pagbubungkal ng kapirasong lupang iyon na minana pa namin kay Lolo.

     Paggising na paggising ni Anto, isang oras makaraang tumilaok ang mga manok sa madaling-araw, nakaugalian na niyang linisin ang bakuran, walisin ang nangalaglag na mga tuyong dahon ng mangga, alisin ang anumang sukal.  Pagkatapos, didiligin niya ang mga tanim na gulay ni Itay at, bago mag-almusalan, napakain na niya ang tatlo naming alagang baboy, gayundin ang mga manok.  Ako’y kalimitang sa bahay lamang nagbubumabad sa harap ng aking makinilya, habang kasama ni Itay sa bukid si Anto.  Manaka-naka, lumuluwas ako ng Maynila, nagbibigay ng mga katha o artikulo sa mga pasulatan at hindi iilang ulit na niyakag ko si Anto upang makarating man lamang ‘ka ko siya sa lungsod.

     “Ala’y dito na lamang ako, Manong.  Walang makakatulong si Itay,” lagi niyang idinadahilan sa buo, ngunit malamig na tinig na iyon.

     Sa tingin ko, parang nawiwili at nasisiyahan na rin si Anto sa paninirahan sa amin; maganda naman ang pakikitungo sa kanya ni Itay, para na ring anak.  Ngunit sa kabila niyon, hindi ko pa siya nakikitang tumawa ni ngumiti man lamang.  Ang maluwang na bibig na iyon ay waring ganap nang inulila ng kahit bahagyang pagngisi.

     “Masipag na bata ‘yang si Anto,” minsang nasabi sa akin ni Itay. “Pero di ba marunong tumawa ‘yan?”

     “Napansin din ho pala ninyo,” nasabi ko.

     “Talaga bang ganyan ‘yan?” parang hindi makapaniwala si Itay.

     Matapos kaming makapag-ani noon sa bukid at maibenta ni Itay ang ilang kabang palay, gayundin ang tatlong baboy na halos si Anto na ang nagpalaki, bumili si Itay ng ilang damit para kay Anto saka dalawang daang sisiw upang diumano ay maging aliwan ni Anto sapagkat ni hindi man lamang nakikibarkada si Anto, ni ayaw manood ng sine sa kabayanan kung Linggo, at lalong hindi nga umiinom.  Kung gabi, saglit itong makikinig ng radyo, mga awitan at tugtugan, at pagkatapos ay matutulog na.

     Alagang-alaga ni Anto ang mga sisiw, halos ayaw na ayaw niyang gagapangan man lamang ng langgam ang kulungan o bahay ng mga iyon na mismong siya ang gumawa mula sa mga kawayang siya rin ang pumutol ngunit, isang umaga, halos kagigising ko lamang, narinig ko ang tinig ni Anto, hindi mahina, kundi malakas, hindi malamig, kundi galit.

     “Ala’y putang ina!” noon ko rin lamang siya narinig magmura.  “Ala’y papatayin ko ang mga dagang ‘yon!”

     Mga limang sisiw marahil ang patay sa kulungan, kinagat ng mga daga.  At, kinagabihan, hindi natulog si Anto.  Dala-dala ang isang lente at pamalo, nakita kong nagtuloy siya sa kulungan ng mga sisiw, naupo sa madilim na sulok habang mahigpit na tangan ang isang malaki-laki rin namang piraso ng kahoy.

     Nang magising ako kinaumagahan, ang bumungad sa akin ay si Anto, halos sagad hanggang tainga ang pagkakangisi, parang gustong tumawa, habang hawak sa buntot ang dalawang malalaking dagang muntik nang malasog ang katawan sa pagkakapalo.

     “Ala’y, Manong, napatay ko ang mga putang ina!” sabi ni Anto.  “Nakikita mo ga ang mga ito?” at bahagya pa niyang iwinasiwas ang mga patay na daga.

     Napanganga ako.

     Isang hapon naman, pagkagaling ni Anto sa bukid, pinabili ko siya ng hinebra sa tindahang malapit sa amin.  Hindi ko maituluy-tuloy ang sinusulat ko noon, parang tubig na ayaw umagos ang aking utak, parang may mga bakal na dumadagan sa aking dibdib.  Ilang saglit lamang, humahangos na dumating si Anto, dala ang isang boteng hinebra, nakangisi na naman at maligayang-maligaya ang malalaking mga mata.

     “Nabalitaan mo na ga, Manong?” agad niyang tanong sa akin.

     “Ang alin?”

     “Ala’y, Manong,” halos lumitaw ang buong gilagid niya sa pagkakangisi, “ano pa ga?  Ala’y namatay si Ka Berta… iyon gang usurera sa lugar natin.  Binangungot daw at nakangiwi daw.  Ay, Manong, kagat-kagat pa raw ang dila.”

     Lalong hindi ko naituloy ang aking sinusulat.  Uminom na lamang ako.  At nang sabay-sabay kaming kumain ng hapunan nina Itay, maganang-magana si Anto sa pagsubo, malalaki’t sunud-sunod.

     Matagal bago ako nakatulog nang gabing iyon.  Naglalaro sa utak ko ang ngisi ni Anto.

     Ang pangyayaring iyon ay naulit isang araw na galing ako sa Maynila matapos magdala ng isang katha sa isang diumano’y sikat na magasin.  Sapagkat pinalad akong makasingil, bayad sa artikulo kong nalathala, naisipan kong ibili ng sapatos de goma at dalawang medyas si Anto upang, naisip ko, kung sakaling maisipan niyang mamasyal sa kabayanan, may maisuot naman siyang maayus-ayos dahil butas-butas na ang dati niyang sapatos at parang mahihirapang magkahusto sa malalaki niyang mga paa.

     Agad akong sinalubong noon ni Anto, nakabungisngis siya, waring tumatawa pati mga mata.

     “Pasalubong ko sa iyo, Anto.”  Ngunit ni hindi man lamang niya pinansin ang iniaabot ko sa kanya.

     “Ay, Manong Roger,” parang gustong bumunghalit ng tawa si Anto.  “Ay, Manong… tiyak na hindi mo pa alam.  Ala’y nasunog kangina ang bahay ni Ka Ignacio… tupok na tupok. Ano ga’t ni damit ay walang nailigtas.  Ala’y hanggang ngayon daw ay iyak nang iyak si Ka Ignacio… para daw maloloko!”

     Ang tinutukoy ni Anto ay isa sa mayayamang propiyetaryo na may-ari ng mga dalawampung ektaryang bukid sa lugar namin na, ayon sa kanyang mga magsasaka, ay napakatuso sa partihan at iniuuwi pati tulyapis at kung maningil ng pautang, hahakutin ang ani ng kanyang mga magsasaka kahit walang matira sa mga iyon makabayad lamang agad sa kanya.

     Ni hindi binuksan man lamang ni Anto ang kahon ng sapatos.  Ni hindi man lamang niya itinanong kung ano iyon.

ANG KAMALASAN ay ipinagkaloob na yata sa amin, kakambal na namin, at ang karalitaan ay talagang mahirap matakasan, parang isang aninong laging aali-aligid saka biglang sasalakay, walang pinipiling oras ni pagkakataon, at walang iginagalang na damdamin o kaisipan.

     Biglang-bigla, isang dapithapon, akay-akay na iniuwi ni Anto buhat sa bukid si Itay, namimilipit sa sakit ng tiyan, nanlalamig ang halos buong katawan.  Sapagkat malayo ang kabayanan at ni wala namang doktor sa nayon namin, ipinasundo ko kay Anto si Ka Mentong albularyo. Nagsangag kami ng bigas, ginawang parang kape, at ipinainom kay Itay.  Nagpakuha pa si Ka Mento ng ilang dahong banaba, sinalab sa apoy, saka itinapal sa tiyan ni Itay.  Ngunit nasira ang pagka-albularyo ni Ka Mento.

     Maagang-maaga pa, kinabukasan, kinuha ko sa munting baul sa sulok ng silid ang kaunting halagang naimpok ni Itay.  Umarkila ako ng karitela at pinagtulungan namin ni Anto na maisakay doon si Itay, dinala namin sa bayan sa isang diumano’y mahusay na doktor.  Ngunit iminungkahi lamang sa amin ng doktor na dalhin agad sa ospital si Itay, diumano’y malala na ang ulser at kailangang operahin.

     Inihatid ng ambulansiya ng munisipyo sa ospital ng probinsiya si Itay.  Napilitan naming isangla kay Ka Mamerto, isa ring propiyetaryo sa bayan namin ang kapirasong lupang iyon na minana pa ni Itay mula sa kanyang ama.  Napilitan akong pumirma, sa kapahintulutan na rin ni Itay, sa isang kasulatang kung hindi namin matutubos ang lupa pagkaraan ng anihan, may karapatan si Ka Mamerto na ilitin iyon, embarguhin.

     Maayos na si Itay, nailabas na ng ospital, ngunit kailangan niyang magpahinga ng mga ilan pang buwan sa bahay kaya si Anto ang bumalikat ng lahat niyang gawain sa bukid.  Nakita ko sa mukha ni Anto ang matibay na kapasiyahang gawin ang lahat niyang magagawa, mapangalagaan nang husto ang mga pananim, alisan ng mga insekto, bunutan ng mapaminsalang mga damo. Laging sibsib na ang araw kung siya’y umuwi ng bahay.

     Mahalimuyak ang magandang ani, mabubulas ang mga palay, malulusog ang mga gulay, at matataba na ang mga manok ni Anto.  Ang pag-asa’y naroroon lamang, bibitin-bitin, at naghihintay lamang ng tamang panahon para pitasin.

     “Kung papalarin tayo,” sabi minsan ni Itay isang gabi sa harap ng hapag-kainan, “makababayad tayo kay Ka Mamerto.  Napakalaki ang utang na loob natin kay Anto.”

     Masiglang-masigla si Anto nang gabing iyon, hindi agad natulog, matagal na nakinig ng awitan at tugtugan sa munti naming radyo.

     Ngunit, mga isang buwan na lamang bago mag-anihan, ang kamalasan, parang sinasadya ng pagkakataon o kalooban diumano ng Diyos, ay waring dambuhalang buwayang nanibasib, sinakmal at nginatngat maging ang  kaliit-liitang hibla ng aming pag-asa.  Nanalasa ang isang malakas na bagyo, bumaha, at ganap na napinsala ang lahat ng mga pananim ni Itay at ang matatabang manok ni Anto ay dinapuan ng peste, isa-isang naghingalo at nangamatay.

     “Hindi bale,” matibay pa rin ang loob ni Itay.  “Makikiusap ako kay Ka Mamerto na sa susunod na anihan na tayo magbabayad. Mauunawaan niya tayo.”

BUHAT NOON, naging tamilmil na sa pagkain si Anto, sumubo-dili.  Kung umaga, hindi na niya pinagkakaabalahang walisin ang bakuran at malimit siyang natitigilan.  Sa bukid, kung kasama niya si Itay upang linisin ang mga pininsala ng baha, malimit ding nauupo lamang siya sa pilapil, tititig sa kalawakan.  Hindi na rin siya nakikinig ng radyo kung gabi, agad na hihiga at isusubsob ang mukha sa unan.

     Hindi napakiusapan ni Itay si Ka Mamerto.

     “Ala’y paano ga tayo ngayon, Manong?  Saan ga tayo lilipat?”  Hindi na malamig ang tinig ni Anto noong gabing iyon mga tatlong araw bago nakatakdang ilitin ni Ka Mamerto ang lupang iyong waring mahal na mahal na ni Anto.  Si Itay ay nasa may bintana, nakapangalumbaba, parang may inaaninaw sa madilim na kalawakan sa labas.

     “Bahala na,” parang wala sa loob kong sabi. “Ang mabuti pa’y ibili mo ako ng hinebra.”

     “Ala’y pabarikin mo ako ngayon, Manong… mga dalawang tagay lamang,” mariin ang pagsasalita ni Anto at may balasik sa malalaki niyang mga mata.

      Nakadalawang boteng hinebra ako nang gabing iyon, at hindi ko matandaan kung uminom nga o hindi si Anto.

     Kinabukasan ay kumalat ang balitang pinatay si Ka  Mamerto, ginilit ang leeg, nilaslas ang tiyan, at lumuwa, diumano, ang bituka.

     Buhat noon ay nawala na si Anto.

    May asawa na ako, at dalawang anak.

   At magpahanggang ngayon ay hinahanap ko siya. #

    

Read Full Post »