Feeds:
Posts
Comments

Archive for December, 2008

LITERATURA NG URING ANAKPAWIS


(LATHALAIN)


(Iniantolohiya sa NATIONALIST LITERATURE at KILATES ng Unibersidad ng Pilipinas)

AYON kay Nadine Gordimer, isang puting babaing  manunulat sa Timog Aprika, “ang sining ay nasa panig ng mga binubusabos.” Matapos niyang mabasa ang nobelang The Jungle ni Upton Sinclair, isang nobelang naglalarawan ng marawal at nakapanlulumong kalagayan ng mga manggagawa sa industriya ng karne at mga pagkaing de lata sa Chicago noong 1906, isinulat naman ni Gordimer ang kahabaghabag at nakapaghihimagsik na katayuan ng mga obrerong Negro sa mga minahan sa Aprika, gayundin ang sarisaring inhustisya ng pamahalaan sa itim na populasyon ng naturang bansa dahil sa apartheid kaya ipinagbawal ng mga awtoridad ang kanyang nobelang Burger’s Daughter noong 1979.

“Hindi puwedeng sabihin kong ako’y isang manunulat lamang,” pahayag niya, “at mga paksang tungkol lamang sa manunulat ang tatalakayin ko.  Isa rin akong tao at kung basta na lamang inaagawan ng karapatan ang isang tao, basta na lamang ikinukulong, binibimbin sa kulungan nang walang kaukulang paglilitis at hindi pinalalaya ni ipinagsasakdal, dapat na mahigpit na tutulan ng sinuman ang bagay na ito.”

Mula noon at magpahanggang ngayon, naging mapaghimagsik na tinig si Gordimer ng uring api’t anakpawis ng kanyang bansa.

Noong mga 1920 naman sa Amerika, isang Hudyong lumaki’t nabuhay sa ghetto ng New York, si Itzok Isaac Granich, na nakilala nang malaon bilang si Mike Gold, ang nagbunsod ng tinatawag na literaturang proletaryo sa naturang bansa.  Sa kanyang sanaysay na Towards Proletarian Art na nalathala sa Liberator noong Pebrero 1921, narinig ang unang makabuluhang sigaw tungo sa paglikha ng isang malinaw at militanteng kulturang proletaryo sa isang bansang kinikilalang kuta ng mapambusabos na sistemang kapitalista.  Sapagkat lumaki siya sa ghetto ng New York sa piling ng mga kapwa maralita, sapagkat nabuhay siya bilang isang manggagawa sa mga lagarian ng troso, sa mga minahan, sa mga pabrika ng asero, sa mga kampo, sa mga bukirin at kabundukan ng Amerika, sapagkat naging biktima siya ng malupit na kapitalismo at, sa ilalim ng sistemang ito, narinig niya ang panalangin ng mga batang nagugutom at mga daing ng karalitaan, at nakita niya ang pagdurusa ng mga naghahanap ng trabaho, gayundin ang paghihirap ng mga biktima ng naturang sistema sa mga ospital, sa mga kulungan at pabrika, naghuhumiyaw ang kanyang mga akda para sa karapatan at kapakanan at dignidad ng uring api’t anakpawis, gaya ng kanyang inilarawan sa kanyang nobelang Jews Without Money at sa kanyang mga kuwentong A Damned Agitator at Love On A Garbage Dump kung kaya inihanay siya ng ilang kritiko sa mga manunulat na tinawag na “budhi ng kanilang bayan” gaya nina Theodore Dreiser ng Amerika, Maxim Gorky ng Rusya. at Romain Rolland ng Pransiya.  Pinangarap ni Gold ang pagdating ng isang panahong ang mga magsasaka’y sumusulat ng mga soneto, ang mga manggagawa’y nagtatanghal ng mga dula sa mga pabrika, nagpipinta, umaawit at isinasalin sa musika ang kanilang busabos na kalagayan at mapapait na karanasan, gayundin ang kanilang mga adhikaing makatao’t mapagpalaya.

Bagaman namamayani pa rin sa ating bansa, lalo na sa komersiyal na mga babasahin sa sariling wika, gayundin sa mga pelikula at programa sa telebisyon, ang literatura ng kababalaghan at kahangalan na nagbabandila ng kagulatgulat na pakikipagsapalaran ng mga may agimat, ng mga kalabaw at kabayong nagsasalita’t lumilipad, ng mga bibing nangingitlog ng ginto, ng mga biyenang engkantada at mga nobyong mamaw, habang nagtatampisaw sa nagahasa nang tema ng mautog na paglalambingan at pag-iibigan, upang patuloy na aliwin at lunurin sa balon ng mga pangarap ang busabos na sambayanan sa ilalim ng isang sistemang mapang-alipin at mapanikil para makalimutan ng mga ito ang kanilang gutom at mga dahilan ng kanilang pagkabusabos nang, sa gayon, di sila mamulat at maghimagsik, hindi rin naman maitatatwa na noon pang kalagitnaan ng dekada ‘50, makabuluhang nailunsad ng dalawang manunulat na nabibilang sa matandang henerasyon ang literatura ng uring anakpawis.  Sa mga nobelang Maganda Pa Ang Daigdig (1955) at Daluyong (1962), nailarawan ni Lazaro Francisco bilang tagapagsalita ng mga magbubukid sa Gitnang Luzon, ang reyalidad ng isang sistemang piyudal — ang pagkakatanikala sa lupa ng uring magsasaka at ang patuloy na pambubusabos ng mga propiyetaryo sa mga ito.  Bilang tagapagsalita naman ng mga anakpawis, hinalukay ni Amado V. Hernandez sa kanyang mga nobelang Mga Ibong Mandaragit (1959) at Luha ng Buwaya (1960) at kalipunan ng mga tulang Isang Dipang Langit at Bayang Malaya ang katotohanang naghahantad sa piyudal at neokolonyal na kalagayan ng bansa sa ilalim ng pagmamaniobra ng mga imperyalistang Amerikano at ng lokal na burukratang mga kapitalista, gayundin ang patuloy na paninikil o opresyon ng naghaharing-uri laban sa uring anakpawis.  Malinaw na gusto ni Hernandez na itaas ang dignidad at palayain ang uring manggagawa tulad ng ipinahihiwatig ng kanyang tulang Bayani:

“Sa wakas, dapat na ngayo’y mabandila

ang karapatan kong laong iniluha

ang aking katwiran ay bigyan ng laya

ako ma’y anak din ng isang Bathala

at bayaning higit sa lalong dakila…

Taong walang saysay ang di Manggagawa!”

Sa larangan ng maikling kuwento na nabibilang sa naturang henerasyon, ipinakita ni Brigido C. Batungbakal sa kanyang kuwentong Aklasan, kagaya ng inilarawan ni John Steinbeck na patuloy na pagtutunggali ng obrero at kapitalista sa kanyang mga nobelang In Dubious Battle at Cannery Row, ang di makatarungang mga patakaran sa paggawa sa isang pabrika ng tabako kaya nagwelga ang mga manggagawa at ginamit pang instrumento ng kapitalista ang peryodismo sa pambubusabos sa mga trabahador.  Sa kuwentong Gutom ni Clodualdo del Mundo, inilarawan niya ang inutil na katarungang panlipunan at ang palsipikadong batas tungkol sa minimong pasahod.

Pagpasok ng dekada ‘60 hanggang mga huling taon ng dekada ‘70, pinasigla’t pinayabong ng sumunod na henerasyon ng mga manunulat ang literatura ng uring anakpawis.  Sa kanilang mga nobela, dula, tula, kuwento at mga sanaysay, ibinandila nila ang kabusabusan ng uring maralita, hindi upang panatilihin, kundi upang imulat ang mga ito sa mga dahilan ng kanilang kaapiha’t pagkaalipin sa isang balangkas ng lipunang pinaghaharian ng iilan lamang na mapribilehiyo, maimpluwensiya’t makapangyarihan, isang lipunang ang hustisya’y doble-kara at ilusyon lamang ang demokrasya.

Sa mga nobelang Dilim sa Umaga at Mga Kaluluwa sa Kumunoy ni Efren R. Abueg, Dugo sa Bukang-Liwayway ni Rogelio R. Sikat, Sa Mga Kuko ng Liwanag at Sa Kagubatan ng Lungsod ni Edgardo M. Reyes, Mga Halik sa Alabok ni Dominador B. Mirasol, at Apoy sa Madaling-Araw nina Mirasol at R. L. Ordonez, inilarawan at pinaghimagsikan ang patuloy na kaapiha’t kabusabusan ng masa na ang maliliit at kakaning-itik ay palagi nang biktima ng inhustisya’t kasibaan ng naghaharing-uri.

Sa mga kuwento naman nina Domingo Landicho, Epifanio San Juan, Jr., Wilfredo Virtusio, Edgar Maranan, Jose Rey Munsayac, Ave Perez Jacob, at iba pang kuwentista ng naturang dalawang dekada, gayundin sa antolohiyang Mga Agos Sa Disyerto, binusbos ang ninanana at inuuod na mukha ng lipunang Pilipino, dinalirot ang mga sanhi ng patuloy na pagdaralita ng sambayanan, lalo na ng uring anakpawis, at parang bombang pinasabog sa mukha  ng establisimiyento  ang natipong ngitngit at paghihimagsik ng masang sambayanang patuloy na pinagsasamantalahan ng bastardong mga pulitiko, ng suwitik na mga propiyetaryo’t asendero, at ng salanggapang na mga kapitalista.

Halimbawa, Sa Mga Aso sa Lagarian ni Mirasol, inilarawan niya ang kalunuslunos na kalagayan ng mga trabahador sa lagarian ng troso sa ilalim ng isang tusong negosyanteng Intsik; sa kanyang kuwentong Mga Bangkay sa Dalampasigan ng mga Uwak, inihantad niya ang doble-karang hustisya sa bansang ito na ang laging inilalampaso at ipinagngungudnguran sa karalitaan ay ang uring anakpawis.  Sa Senka ni Virtusio, ipinakita rin ang panggigipit at pang-aapi ng naghaharing-uri sa maliliit, ang pagbabanggaan ng mayaman at mahirap, ng mahina at maimpluwensiya.  Sa Kalampag ng mga Inuuod na Bituka ni Ely de Guzman, tinalakay ang dumating na sandali ng pagkamulat sa buhay ng isang iskirol at kung paanong ang takot na magutom ang humahadlang sa isang hindi mulat na manggagawa upang hindi umanib sa unyon habang “umaasam sa tuyong buto na ibinibitin ng kompanya, sa tuyong buto na tinatanghurang parang aso, sa tuyong buto na dapat lamang na mapasaatin.”  Hindi lamang ang paghahantad sa mga inhustisya ng naghaharing-uri laban sa uring anakpawis ang gustong isampal sa mukha ng nagbabanalbanalang lipunan ng naturang mga akda kundi ipinakita pa rin, kagaya ng kuwentong Sa Pagitan ng Dilim at Liwanag ni Munsayac ang untiunting pagkamulat ng masa sa kanilang kaapihan at ang napipintong pagbabangon ng mga ito tungo sa madugong rebolusyon.  Ang pagtalakay sa mga problemang panlipunan at sa mga puwersang mapang-alipin ay malinaw na naipinta sa kuwentong Anay ni E. San Juan, Jr.; hindi ang mga anay na sumisira sa mga kahoy at gusali ang kanyang nais ilarawan, kundi ang mga puwersa at uring mapangwasak sa “nakatayong buhay ng tao,” ayon kay Landicho, lalo na sa lipunang Pilipino.

Maging sa larangan ng tula sa loob ng naturang dalawang dekada, hindi iilang makata gaya nina Jose F. Lacaba, Lamberto Antonio, Rogelio Mangahas, E. San Juan, Jr., Gelacio Guillermo, Elynia Mabanglo, Bayani S. Abadilla, Domingo Landicho, Jess Santiago, Lilia Quindoza,  at iba pa ang tumalikod sa tema o mga paksang inuuod sa poso negro ng panitikan, gaya ng pag-awit sa simoy ng hangin, sa buwan at mga bituin, o pag-aalay kaya ng desperadong pagmamahal sa nakapanggigigil na mga dilag o mga musa ng pangarap.  Sa halip, ang mga tula nila’y tuwirang nakisangkot sa mga problemang pangkabuhayan, pampulitika’t panlipunan, at inawit nila ang alipunga at halas sa binti ng mga magsasaka, ang anghit at kalyo at ugat ng braso ng mga obrero, ang armalite sa Tarlak at Pampanga at mga kabundukan, ang laksang sapatos ng paghihimagsik, ang reyalidad ng mala-piyudal at neokolonyal na lipunan. Dinakila nila ang uring anakpawis, inawitan, at inalayan ng hosana at kamanyang, kagaya ng Ang Pasyon ng Isang Manggagawa ni San Juan, Jr. na iniukol niya sa alaala ni Crisanto Evangelista na isinaad ng isang bahagi ng tula:

“Nagngingitngit, nagpupumiglas

Ang dugo sa ugat ng damdaming hinasa

sa pagdurusa’t gutom…

Pinaglumot na ang marmol na bantayog ng mga bayaning huwad

Sa Hacienda Luisita, Canlubang at iba pang kuta

Ng mapagsamantalang klase.

Crisanto Evangelista…

Silakbo ng Indiyo!  Birtud mo’y kakulangan at katuparan

Ng mundong ito.  Sa bisig mo

Sasabog ang tagumpay ng masa.”

Hindi lamang nagmumulat sa uring anakpawis ang kanilang tula kundi minsa’y nanghihikayat pa kagaya ng isinasaad ng isang bahagi ng tulang Kasama ni Bayani S. Abadilla:

“kapag ang pithaya ng ‘Internasyonal’

ay tumitibo sa dibdib

at sa kuko ng pasismo

buhay ay handang pumuti

hihintayin kita sa krus na daan

ng kaliwa at kanan

halina sumanib sa lawa ng sulo

sa kanayunan

sa talahib-sabana ng isang dugong hanay

ating itayo daigdig ng proletaryo.”

Ang iba, dahil sa pagkapoot, ay nagbabanta kagaya ng sinasabi ng ilang linya ng tulang Sigaw ng Anakpawis sa Naghaharing-Uri ni Domingo Landicho:

“Pagdatal ng paghuhukom, dadagsa

sa iyong kristal na kaharian

ang nakabukang kamao ng masa;

ang nakangangang bungangang tuyot;

ang hungkag na tiyan ng sanggol;

ang lagablab ng mga mata;

ang ipuipo ng binaog na pangarap.

lahatlahat tatayo.

ang aklat mo ay bubuksan;

hustisya ng tinig-lahi

ang titibag ng iyong hukay!”

Sa katipunan ng mga tulang Maliwalu at Iba Pang Tula ni San Juan, Duguang Plakard at Iba Pang Tula ni Mangahas, at Hagkis ng Talahib ni Antonio, malinaw na makikita ang kamalayang sosyal na nagtatangkang itaas ang dignidad ng uring anakpawis, gayundin ang maaaring malawakang pagbabalikwas ng mga ito dahil sa kaapihan.  Maging sa dula, ang pakikisangkot at pagmumulat sa uring manggagawa ay isinatinig ni Ave Perez Jacob sa kanyang dulang Gising at Magbangon na ipinakikita na panahon na upang ipaglaban ng maliliit ang kanilang mga karapatan at kapakanan para makalaya sila sa pagkaalipin at pagkabusabos.

Sa nabanggit na dalawang dekada, napansin noon ng kritikong si Dr. Bienvenido Lumbera na “sapagkat halos lahat ng bagong manunulat sa Pilipino ay kasangkot sa kilusang makabayan, ang pinapaksa ng kanilang mga akda ay mga suliraning tulad ng paghihikahos ng marami sa pagpapasasa ng iilan, kabulukan sa pagpapatakbo ng gobyerno, kawalan ng katarungan para sa limot na mga mamamayan, at pang-aalipin ng mga negosyanteng dayuhan at ng kanilang kasabwat na burgesya.  At sapagkat mabigat na pataw ang mga ito sa puso’t isip ng mga manunulat, nagpuputok sa pagkapoot ang kanilang mga akda.”  Sa maikling salita, sapagkat isinatinig nila ang daing ng kumakalam na mga sikmura, ang hagulhol ng mga biktima ng inhustisya, ang sigaw ng mga humihingi ng katarungan, at ang mismong lehitimong karaingan ng masa, malinaw na ang kanilang mga akda’y tagapagtaguyod ng mga karapatan at kapakanan ng uring anakpawis.

Pagpasok ng dekada ‘80, nakilala ang ilang kabataang manunulat na ang sigla ng panulat ay puno rin ng mithiing maimulat at mabigyan ng dangal ang uring anakpawis.  Kabilang sa mga ito ang mga kuwentistang sina  Reynaldo Duque, Ernie Yang, Chit Balmaceda Gutierrez, Tomas Agulto, Cyrus Borja, Reuel Aguila, at Jun Cruz Reyes; ang mga makatang sina Fidel Rillo, Rowena Festin, Romulo Sandoval, Mike Bigornia, Danton Remoto, Aida Maranan, Aida F. Santos, P.T. Martin, Pepito Frias, Renato Agulto at Fermin Salvador; mga mandudulang sina Jose Cruz Papa, Richie Buenaventura at Chris Millado.  Sa kanilang mga akda, masasalamin din ang kanilang simpatiya sa aping uri — ang karaniwang mga mamamayan at hukbo ng mga kumain-dili.

Halimbawa, sa kuwentong Walang Lubay na Istasyon ng Pag-asa at Paghahanap ni Tomas Agulto, naipakita ang aping kalagayan ng mga manggagawa sa palaisdaan.  Sa Sugat sa Dagat ni Cyrus Borja, naihantad ang di makatarungang nangyayari sa buhay ng mga mangingisda — ng mga busero at mangangabog na, dahil sa karalitaan, ay napipilitang sumama sa mga barotos sa pangingisda sa pamamagitan ng dinamita sa malawak na karagatan.  Sa kuwentong Kulas ni Chit Balmaceda Gutierrez, ipinakita kung paanong itinulak ng mga puwersa ng lipunan upang gumawa nang masama ang isang karaniwang taong kagaya ni Kulas na “kulang sa ulam, kulang sa damit, kulang sa kaalaman, kulang sa pera, walang yaman, walang lupa, walang-wala.”  Sa Hindi Mapigil sa Pagdami ang mga Uod Hangga’t Mayroong Pagkaagnas ni Ernie Yang, ipinamukha sa mambabasa ang marawal at nakapanlulumong buhay ng mga iskuwater o mga walang lupa sa sariling bayan, sa tabi ng nakasusulukasok na estero at tambakan ng basura, sa mga lugar na “parang bangungot ang mukha ng kahirapan xxx ng mga taong nangangamoy, nabubuhay at natutulog sa basurahan xxx na makaligtas lang sa gutom ng isang araw ang pangunahing ambisyon sa buhay.”  Ipinahiwatig ng akdang ito na magpapatuloy ang paghihimagsik hanggang “hindi maayos ang sistemang umiiral sa lipunan xxx hanggang ang demokrasya’y nakabatay hindi sa higit na nakararaming mamamayan na napagsasamantalahan ng iilang nasa kapangyarihan.”  Isinisigaw din nito na “sa ganitong sistema ng lipunan ang karapatan ay para lamang doon sa may kakayahang bumili nito at ang mga may pera ay nababalutan ng mga karapatan at kapangyarihan” pero dahil tao rin naman ang uring anakpawis, kailangan din ng mga ito ang mga karapatang iyon.

Sa mga tula naman ng nabanggit na mga makata, nakakintal ang mataos na pagpapahalaga sa uring anakpawis, kagaya ng ipinahihiwatig ng Elihiya Kay Olalia ni Fermin Salvador, o ng Tagulaylay Kay Liza Balando ni Edgar Maranan, o ng Luksang Parangal sa Isang Magbubukid ni Rowena Festin.  Sa ilan pang mga tula, iba’t ibang nakalulunos na buhay ng uring anakpawis ang inawit tulad ng Ikaw, Isang Manggagawa na tungkol sa manggagawa sa tubuhan ni Kris Montanez, Bangungot ng Lunsod na tungkol sa mga pulubi ni Aida Maranan, Basyador ni Ariel Borlongan, Pagpipinta sa Baradero ni Hernan Melencio, Ang Magbubukid, Muli ni Danton Remoto, Barungbarong sa Sampaloc ni Mat Vicencio, at Buhay Saudi ni Renato Agulto.  Marami pang halimbawang maaaring banggitin ngunit ang mensahe ng mga tulang iyon ay malinaw na naikapsula marahil ng dalawang tulang naisulat noong dekada ‘70 — ang Kung Saan Naglalagablab ang Apoy ng Paglaya ni Romulo Sandoval at Alay Kay Kumander Tangkad ni Bienvenido Lumbera.

Sa Kung Saan Naglalagablab… isinigaw ni Sandoval:

“kasama ng mga kapwa api

mga magsasaka’t manggagawa

at ng iba pang mga kapanalig

sila’y lakas na babalikwas

Uusigin nila kayong sa kanila’y nandaraya:

kayong nasa inyuinyong tierra inmaculada

habang sila’y nasa gitna ng nagbuntong

mga bundok-basura,

kayong naglulunoy sa inyuinyong swimming pool

habang sila’y binabaha sa mga eskinita’t lansangan,

kayong nagpaparaos sa inyuinyong kubetang alpombrado

habang sila’y nasa piling ng nagbalatay na estero,

kayong walang ginawa

kundi ang sa masa’y magsamantala

Kanila ang pawis, inyo ang biyaya;

kanila ang pagod, inyo ang ginhawa.

At samasama, sila’y apoy

sila’y apoy ng paglaya

na sa inyo ay tutupok!”

Sa isang bahagi naman ng tula ni Lumbera, nakita niya ang maaaring babala sa hinaharap:

“Sa tisikong dibdib,

sa impis na tiyan ng mga busabos,

pigil na kamao ang kuyom na poot;

dugong naging tinig

babahid sa langit, sasabog na kulog,

at palalayain ang uring dayukdok.”

Nang itatag ang Amado V. Hernandez Resource Center at ilunsad nito noong 1986 ang taunang Gawad Ka Amado, isang timpalak pampanitikang naggagawad ng parangal sa mga obra ng uring anakpawis — tula, kuwento at sanaysay — nasabi ng manunulat na si Ave Perez Jacob:  “xxx  matitiyak na ngayon lamang sa ating panahong ito mayroong namumuong tunay at matapat na pagtatangkang makapagparami at makapagpalaganap ng mga obrang ang oryentasyon at tunguhin ay talagang proletaryo.  At sa nagaganap na ito, partikular sa larangan ng panitikan, kapansinpansin na ang mga obra’y likha ng mga manunulat at makatang mula na rin sa uring anakpawis, o kaya’y gawa ng mga taong ganap at lubos ang pakikiisa sa kilusang paggawa — sila na pawang malikhaing tagapagtaguyod ng ideolohiyang proletaryo.”

Ang pinangarap ni Mike Gold noong dekada ‘20 sa Amerika ay nagsisimulang magkahugis nga ngayon sa ating bansa.  Sapagkat ang mismong buhay at mga karanasan ng uring anakpawis ay mayamang minahan ng mga brilyanteng katotohanan, ang nalilikha nilang panitikan — bagaman kulang pa sa kinis o estetika ng sining — ay hindi matatawarang isang mapagpalayang testamento ng mga hinaing at mithiin at pagkamulat ng uring anakpawis.  Ang patuloy na paglahok na ito ng uring anakpawis sa paglikha ng panitikan ng kanyang uri ay matulaing nailarawan ng makatang si Fidel Rillo.  Sinabi niya:

“Bawat karanasan ay naiimpok na hibla sa dibdib ng manggagawa. xxx At tuwing lumilikha ang kanyang bisig, kasabay nitong pumipihit ang mga gulong at bolitas ng kanyang kamalayan at ang kanyang isip ay nalilikhang aserong palihan.  Untiunti, ang lahat na naiimpok na karanasan — may gaspang ng bakal, may kinang ng salamin, may salimuot ng kahoy, may timpi ng sinulid,  may silakbo ng krudo — ay bumubukal na kasaysayan.  Kasabay ng paglabra sa molabe’y isang titik ng pagkabatid.  Kasabay ng paghahabi ng hibla’y isang salita ng pagkamulat.  Isang pindot ng buton at isang prase ng mithi.  Isang ikot ng gulong at isang pangungusap ng pagtutol.  Isang haliging maitindig at isang talata ng paniniwala.  Hibla bawat hibla.  Bato bawat bato.  At sa kaganapan ng silya, tela, makina, gusali at salapi, isang maskuladong akda na nagbabandila ng kanyang di mapupuwing na panata at kapangyarihan sa paglikha.”

Bunga nito, sumulat ng sanaysay ang manggagawa ng San Miguel Corporation sa Polo Brewery — si Rafael Rivera — at sinuri niya ang nakaraang kasaysayan ng bansa at sinabing “ang masa ang tagalikha ng kasaysayan.”  Ang mga organisador ng BAYAN sa Pasay — ang mag-asawang Cesar at Olivia Cervantes — ay sumulat ng sanaysay, kuwento at tula.  Sa kuwentong Mga Huling Yugto sa Buhay ng Burges na Manggagawa ni Olivia, malinaw na naihayag ang lehitimong karaingan ng uring manggagawa laban sa mga kapitalista sa pamamagitan ng mga linyang ito:  “Ang hinihingi natin ay kapiraso lang sa tonetoneladang tinapay na nalikha natin, barya lang sa milyunmilyong pisong tinubo ng kapitalista upang tayo’y may makain…”  Isinatinig din nito ang nararapat gawin ng uring anakpawis: “Dapat pa tayong magpalakas.  Pag malakas na tayo, pag mulat na ang karamihan sa atin at di na kayang takutin, bilhin o bolahin, tayo na ang mananaig sa pulitika…”

Sumulat naman ng mga tula si Cesar Francisco, trabahador sa Manila Paper Mills, Inc., isinisigaw ang paglaya ng uring anakpawis sa kanyang mga tulang Tambuli ng Kalayaan, Manggagawa, at Ang Nais Kong Gantimpala, at tinuligsa rin niya ang panloloko ng mga pulitiko sa sambayanan sa kanya namang tulang Ang Tanghalan ng Halalan. Tumula rin si Tito Miralles, sekretaryo ng isang unyon, isinigaw rin ang pagnanasa ng uring anakpawis na malagot ang tanikala ng kanilang pagkaalipin sa kanyang mga tulang Anakpawis, Sipag, Tiyaga at Tapang at Demokrasya. Gayundin, isinigaw naman ni Pepito Frias sa kanyang mga tulang Sundot, Kulit Kay Pedro at Malaki na ang Sanggol ang pangangailangang patatagin at patalasin ang isip ng uring manggagawa hindi lamang para sa welgang pangkabuhayan, kundi maging sa welgang pampulitika.   Isinulat naman ng isang magsasaka — ni Virgilio Buenaflor — tagasuri ng Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Timog Katagalugan (PAMANTIK) at pangulo ng Sandigan at Tinig ng Sityo Maligaya (SANTISIMA) — ang isang kuwentong mismo niyang karanasan sa maramihang pagpatay ng mga puwersa ng gobyerno sa walang labang mga magsasakang nagsipagmartsa noon sa MendiolaInihandog niya ang kuwentong iyon sa alaala ng isa niyang kasama, si Abet Laquindanum , manggagawa sa Filsyn, na isa sa naging mga biktima ng naturang malagim at kasuklamsuklam na insidente.  Ikinuwento rin ng isa pang nabibilang sa uring anakpawis — ni Abelardo Cruz –  sa kanyang kathang Ningas ng Apoy — kung paanong pinapatay ng puwersa ng estado ang isang nagmamalasakit sa mga karapatan at kapakanan ng maliliit.

Isang nobela naman na pang-uring anakpawis  na pinagkalooban ng Gawad CCP — ang Sibol sa mga Guho ni Jacob — ang masusing dumalirot at tumalakay sa mga dahilan ng patuloy na kaapihan at pagkabusabos ng masa, na  ang uring anakpawis ay itinulad sa mga sibol na umuusbong, yumayabong at namumunga  sa naguguho o nabubulok na lipunan hanggang ang uring ito ay mamulat, magising, mag-organisa at, sila, bilang uring anakpawis, ang siya lamang makapagpapalaya sa kanilang sarili.

Anupa’t hanggang umiiral ang inhustisya at pagsasamantala ng naghaharing-uri laban sa nakararaming dayukdok na masa, hanggang nagpapakabundat sa pawis at dugo ng mga manggagawa ang salanggapang na mga kapitalista, hanggang itinatanikala at ipinangungudnguran sa lupa ng mga tusong propiyetaryo at asendero ang kinabukasan ng mga magsasaka, hanggang ipinahihintulot at nagpapakasangkapan pa ang estado sa pagkubabaw ng mapang-alipin at mapandambong na dayuhang mga interes, at hanggang ang dignidad ng uring anakpawis ay ginagawa lamang pamunas ng puwit at paa sa palasyo ng iilang makapangyarihan, maimpluwensiya’t mapribilehiyo, hindi mahahadlangan ng mga multo at puwersa ng reaksiyon ang paglaganap at pagsulong ng literatura ng uring anakpawis tungo sa kanilang pambansang katubusan.#&

Advertisements

Read Full Post »