Feeds:
Posts
Comments

Archive for January, 2009

Tagalikha ng Pagbabago


(Kolum)

MATAPOS ang malakarnabal na eleksiyon noong 2004 na pinamayanihan pa rin ng terorismo, bilihan ng boto, maniobra sa listahan ng mga botante at mga paglabag sa sinasabing mga batas ng Comelec maisulong lamang ang ambisyong pampulitika ng mga kinatawan ng uring mapagsamantala, luminaw nang luminaw ang paniniwala naming talagang inutil ang eleksiyon upang magkaroon ng pambansang pagbabago. Ginagamit lamang ang eleksiyon upang patuloy na makapagrigodon sa poder ang mga hari-harian sa lipunan at patuloy na mapagsamantalahan ang bayan.

Hindi tuloy naming maiwasang maaalaala ang mga nilalaman ng nobelang “The Revolutionists” ng yumaong si Dr. Nemesio E. Prudente, dating Presidente ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas at nakilala bilang makatao, makabayan at progresibong edukador na naging biktima ng Batas Militar sa ilalim ng diktadurang Marcos at ng dalawang tangkang pagpatay sa ilalim naman ng rehimen ni Cory Aquino.

Sinuman ang maluklok sa inodoro ng kapangyarihan sa Malakanyang at kung sinu-sino man ang mamayagpag sa bulwagan ng Kongreso na karaniwang tanghalan lamang ng mga buladas, pataasan ng ihi, at balitaktakang walang kawawaang labis na pinag-aaksayahan ng pera ng bayan, makabubuting isaalang-alang ng mga ito ang mga puntong binigyang-diin sa “The Revolutionists” kung nalahiran man lamang, kahit bahagya, ang kanilang mga kaisipan ng adhikaing baguhin ang napakasama at nakasusuka nang pambansang kalagayan. Ang mahirap nga lamang, sapagkat nakaugalian na nilang pangalagaan ang makasarili’t mapandambong na mga interes — bukod sa pagiging tagahimod pa ng kuyukot ng dayuhang kapakanan — mukhang imposibleng isulong nila ang mga programang nilinaw sa naturang nobela tungo sa pambansang pagbabago.

Hindi maikakaila, matagal nang kinakalawang at palsipikado ang umiiral na demokrasya sa bansa at malinaw na pumapabor lamang sa mga naghahari-harian sa lipunan kaya, unang-una, ayon sa “The Revolutionists,” panahon nang pairalin ang demokrasyang hindi elitista kundi panlahat o pambansa, sapagkat ito ang pangunahing batayan ng tunay na demokratikong gobyerno. Kailangan din ang isang pambansang Kongresong may sapat na representasyon ang masa, ang panggitnang-uri, at mga kabataan, upang balangkasin ang isang bagong Konstitusyon ng Pilipinas na magbabasura sa opresibo o mapanikil na mga batas na iginigiit ng mga elitista.

Maliwanag ding doble-kara ang kasalukuyang hustisya — iba para sa mayaman at makapangyarihan at iba rin para sa maliliit at kakaning-itik. Dapat, kung tutuusin, na higit na kinakalinga ng hustisya ang mahihina at kapos-palad, ayon sa naturang nobela, at itinataguyod at ipinagtatanggol sa lahat ng oras ang demokratikong mga karapatang sibil at pantao ng sambayanan. Bilang testamento ng lantay na hustisya sosyal, kinakailangang magkaroon ng masaklaw na programa sa pabahay, kalusugan, trabaho, edukasyon, at iba pa, upang walang mamamayang niyayapak-yapakan lamang ng mga promotor ng inhustisya’t pagsasamantala.

Binigyang-diin ng “The Revolutionists” na dapat na patuloy na pangalagaan ang pambansang soberanya at dignidad kaya kinakailangang manuntunan sa malayang patakarang panlabas, di gaya ngayon, na laging nasa ilalim ito ng dikta ng imperyalistang mga polisiya ng Amerika. Higit sa lahat, pinakamahalaga nga ang pambansang interes kaya nararapat na ring ibasura ang di makatarungang mga tratado sa pagitan ng Estados Unidos at ng Pilipinas bagaman, sa kabilang banda, kinakailangang ding makipagkaibigan sa ibang mga bansa — anuman ang ideolohiya at kredo — pero batay sa prinsipyo ng pagkakapantay-pantay at paggalang sa isa’t isa.

Ayon pa rin sa naturang akda, kung gusto rin lamang maisulong ang pag-unlad ng pambansang ekonomiya, lubhang kinakailangang paunlarin ang agrikultura at mga kanayunan. Maisasakatuparan ito kung magkakaroon ng tunay na repormang pansakahan na magpapalaya sa mga magsasaka at obrerong-bukid na matagal nang inaalipin o binubusabos sa ilalim ng mala-piyudal na sistema at, kasabay nito, kinakailangan din ang modernisasyon ng agrikultura, pangisdaan at panggugubatan. Kailangang itaguyod din at paunlarin ang mga kooperatiba. Dapat ding kilalanin at patuloy na igalang ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang kinagisnang mga lupaing minana pa sa kanilang mga ninuno.

Iminungkahi din ng “The Revolutionists” ang isang sistema ng ekonomiyang hindi kontrolado ng iilang kapitalista (monopoly capitalism) na mayayaman lamang ang nakikinabang. Isang pragmatiko at progresibong ekonomiya ang dapat diumanong pairalin sa panig man ng dayuhang kapitalista o ng mismong gobyerno. Sa pagsusulong ng pamahalaan sa ikauunlad ng ekonomiya, dapat na laging pangalagaan ang kapakanan ng bansa at masang sambayanan, at tiyakin ang ganap na trabaho o empleyo at makatarungang suweldo ng mga manggagawa upang maitaas ang kalidad ng kanilang pamumuhay. Samakatuwid, hindi dapat manaig ang kasuwapangan ng mga kapitalista sa sobra-sobrang tubo na labis na ipinaghihirap ng bansa at ng ordinaryong mga mamamayan. Natural, malaki ang papel dito ng siyensiya at teknolohiya at, gayundin, ang wastong pangangalaga sa kalikasan at mga likas na yaman.

Ang pagkakaroon ng de kalidad na edukasyon — praktikal at teoritikal — ang ipinunto pa rin ng nobela ni Dr. Prudente. Mulang kinder hanggang unibersidad, dapat na maipagkaloob ito ng gobyerno sa lahat ng Pilipino para sa kanilang kaunlarang pangkaisipan, pangkatawan, pangmoral at espirituwal. Ito ang tinatawag na edukasyong makatao, makabayan, progresibo at siyentipiko kaya kinakailangang rebisahin at baguhin, unang-una, ang mga aklat sa kasaysayang sinulat ng mga elitista at imperyalista at patuloy ding linangin at paunlarin ang literatura, sining, sports at magkakaibang kultura. Nararapat, ayon sa “The Revolutionists,” na lubhang bigyang-diin ang siyensiya at teknolohiya at pananaliksik. Sa gawaing ito ng pagsusulong sa de kalidad na edukasyon, katuwang dapat ang pampribadong mga paaralan pero, gayunman, ginigiyahan ito at pumapailalim sa mga regulasyon ng pamahalaan.

Makabubuti tuloy ngayon na limiin ng pambansang liderato ang pitong puntong programang inilahad ng “The Revolutionists” kung talagang matapat ang adhikaing mabago ang nakasusulukasok na “status quo” at masagip ang bansa, kahit paano, sa kinalulublubang krisis na panlipunan, pampulitika’t pangkabuhayan. Pero, sa takbo ng mga pangyayari at sa uri ng mga pulitikong namamayagpag sa kapangyarihan, lumilitaw — maliban sa mangilan-ngilan na parang ginto sa tambak ng nabubulok na mga dayami — na bentador pa nga sila ng pambansang kapakanan sapagkat kinakatawan nila, unang-una, ang makasariling interes ng uring mapagsamantala. Sa kasalukuyang panahon, maituturing na imposible, o suntok sa buwan, na isaalang-alang man lamang ng mga ito ang makabuluhang mga punto ng nabanggit na akda.

Sabagay, sa kabilang banda, ang masang sambayanan naman talaga ang lumilikha ng pambansang pagbabago.

Advertisement

Read Full Post »

PAGKABUSABOS


(Kolum)

DAHIL sa talamak o litanya ng kawalanghiyaan at katiwalian sa halos lahat ng tanggapan ng gobyerno — na kalimitang ang pambansang liderato pa ang pangunahing nasasangkot — dumating na ang sandali sa aming buhay na higit pa naming iginagalang ang mga puta kaysa maraming opisyal ng burukrasya. Sa mga madasalin at nagbabanal-banalan at kinakalyo na ang mga daliri sa karorosaryo maging sa loob ng kani-kanilang marmol at alpombrado at pinabangong kubeta, isang napakasamang babae ang puta, isang latak ng lipunan na nakasisira sa diumano’y kabanalan at kalinisan o moralidad ng umiiral na lipunang kontrolado lamang ng iilang ganid at salanggapang.

Sa aming abang palagay, higit na marangal at moral ang puta kaysa naglisaw na mga payaso’t sirkero sa gobyerno, sa Kongreso man o sa Malakanyang na itinuturing na santuwaryo ng diumano’y mararangal na tao na wala na yatang ginawa, noon pa man at hanggang ngayon, kundi isangkalan ang pambansang kapakanan para lamang patuloy na mapagsamantalahan ang dayukdok o busabos nang sambayanan. Mismong katawan lamang ng puta ang kanyang ibinibenta dahil sa karalitaan, dahil biktima siya ng masama’t tiwaling sistema ng lipunang ipinagkakait sa maraming maralita ang karapatang mabuhay nang marangal bilang tunay na mga tao at, sa kabilang banda, lumilitaw na para lamang sa iilang mandurugas at mandarambong sa burukrasya’t lipunan ang sinasabing sangkatutak na grasya’t pribilehiyo mula sa diumano’y mahabaging Diyos sa langit.

Sa kabilang banda, habang namamaluktot sa malamig na bangketa at mga damuhan ng parke ang mga walang bahay, habang nagkakalkal sa mga basurahan ang mga patay-gutom, habang nakabalandra ang anino ng karalitaan sa humpak na pisngi ng mga pulubi at sa pudpod na takong at suwelas ng sapatos ng mga naghahanap ng trabaho, habang binabaril pa ang mga magsasakang humihingi ng tunay na reporma sa lupa o pinuputulan ng dila ang mga tinig na humihingi ng pambansang pagbabago, habang nagtitiis sa mga barungbarong at makikipot at maruruming entresuwelo ang mga trabahador na hindi pinasusuweldo nang husto at kinakailangan pang magbuwis ng buhay sa mga demonstrasyon at welga para marinig ng mga kinauukulan ang inaamag na nilang mga karaingan, nagbibingi-bingihan naman ang “mararangal” na tao — lalo na sa Kongreso — at kinakailangan pa yatang pagbabambuhin sa ulo upang maisip ang tunay na kapakanan ng bayan.

Naghuhumindig tuloy ang katotohanang ang itinuturing na mararangal na tao sa gobyerno ang sila pang bentador ng pambansang kapakanan at ng kinabukasan ng susunod pang mga henerasyon sa pamamagitan ng kanilang pamamanginoon sa dayuhang mga interes kaya hindi man lamang nila mailabas ang kanilang dila upang tutulan ang mapaminsalang mga kahingian at patakaran ng IMF-World Bank at ng iba pang mga instrumento ng imperyalismong Amerikano. Katunayan, inamin na kamakailan ni Espiker Prospero Nograles ng Kamara sa isang panayam sa isang estasyon ng radyo na talagang aalisin nila sa iginigilgil na pagbabago sa Konstitusyon (Cha-Cha) ang mga probisyong pang-ekonomiya na naglilimita sa kapangyarihan ng dayuhang mga kapitalista upang dumagsa o ibuhos diumano sa bansa ang puhunan ng mga iyon. Pahihintulutan na silang bumili at magmay-ari ng mga lupain at gusali dito, 100% kontrol sa mga korporasyon at negosyo at, higit na masama, babayaang pasukin din maging ang pambayang mga utilidades (tubig at kuryente, telekomunikasyon at mass media, transportasyon, ospital at mga paaralan) na nararapat na nasa kamay lamang ng mga Pilipino alang-alang, unang-una, sa pambansang seguridad. Sa kabilang banda, dinagsa at patuloy na dinadagsa ng dayuhang kapital ang China at Vietnam nang hindi na kailangang iakma sa interes ng mga negosyanteng iyon ang mga probisyon ng Konstitusyon ng naturang mga bansa tulad, unang-una, ng pribilehiyong makapagmay-ari ng mga lupain at gusali doon.

Sino nga kaya ang higit na marangal? Sino nga kaya ang higit na imoral? Ang putang nagbebenta ng sarili niya lamang katawan o ang pambansang lideratong patuloy na ipinagbibili ang buong bayan at ang mismong kapakanan ng sambayanan?

Bunga marahil ng mahigit na 300 taon na pagkakakulong ng pambansang kamalayan sa loob ng kumbento ng kolonyalismong Kastila at halos 50 taon namang pagkakabartolina natin sa wika, edukasyon at kulturang Amerikano at nakapagkit na sa marami ang kaisipang kolonyal, hindi na dapat ipagtaka tuloy kung bakit tayong mga Pilipino ang lumilitaw na pinakasanay at pinakamatapat mamanginoon at magpabusabos sa sinumang dayuhan sa mismong sarili nating bayan. Higit pa nga kung tayo ang nandarayuhan sa Gitnang Silangan at Europa at Amerika o maging sa mga kanugnog-bansa natin sa Asya. Puti man o dilaw, sakang man o piki, amoy-bawang man o may anghit, o kahit dating mga bagamundo lamang sa sarili nilang bayan ang mga dayuhang ito, pinapanginoon natin sila pagdating sa ating bansa at kulang na lamang na magpatirapa tayo sa kanilang harapan, lumuhod pagkatapos, at himurin ang kanilang kuyukot.

Dahil sa kakulangan ng mailap na oportunidad sa sariling bayan bunga ng napakatiwaling balangkas ng lipunan, at lumilitaw nga na ang Pilipinas ay hindi isang bansa para sa nakararaming maralitang mga mamamayan kundi para lamang sa iilang pinagpalang grupo ng maimpluwensiya, mapribilehiyo at makapangyarihang mga tao — tulad ng mandarambong na negosyanteng mga pulitiko, ng hindi mabusug-busog na mga asendero’t kapitalista, ng mga santo-santito ng kung anu-anong relihiyon, at ng mga basalyos at tau-tauhan ng dayuhang mga interes — hindi na gaanong nakasisiklab ng damdamin at nakamamanhid ng utak kung bakit nagpapabusabos ang maraming Pilipino kapag sila’y nandarayuhan sa ibang mga bansa. Kung tagahugas man sila ng puwit ng mga pasyente sa mga ospital sa Amerika, Canada o Bretanya, kung para man silang mga kalabaw na pantrabaho sa mga minahan sa Aprika o sa minahan ng langis sa disyerto ng Gitnang Silangan, kung labis man silang pinagmamalupitan ng kanilang mga amo bilang mga katulong sa bahay sa Dubai, Hongkong, Singapore, Japan o iba pang bansa, hindi sila masisisi sapagkat, sa sarili nilang bayan, matagal nang inilibing ang kanilang pag-asang mapaunlad, kahit bahagya, ang kanilang katayuan sa buhay at patuloy pa ngang ipinagkakait sa kanila ang karapatang mabuhay na parang tao sa ilalim ng tunay na hustisya sosyal at pagkakapantay-pantay.

Higit, sa kabilang banda, na nakasusulak ng dugo ang makitang sa sariling bayan ang mga Pilipino’y alipin pa rin ng mga dayuhan. Sa halos lahat ng larangan ng ekonomiya, sa dambuhalang mga pabrika’t korporasyon hanggang sa maliliit na restawran, basar, tablerya’t tindahan ng piyesa ng mga sasakyan, dayuhan ang mga amo — Intsik, Hapon, Aleman, Bombay, Pranses, Amerikano (sangkatutak din ngayon ang mga Koreano) — at mga Pilipino ang katulong o inaalila. Hindi tuloy naming maiwasang mangarap na sana’y magkaroon kami ng tsuper na Amerikano, kusinerong Intsik o Pranses, labanderang Espanyola, masahistang Haponesa at hardinerong Arabo, para matikman naman ng isang Pilipino na amo siya ng mga dayuhan sa mismong sarili niyang bayan.

Lubhang napakalalim na nga ang pagkakabaon at napakahigpit na ang pagkakapit ng ugat ng kaisipang alipin sa pambansang kamalayan kaya, nang magsarbey ilang taon na ang nakararaan sa Unibersidad ng Pilipinas — na ipinalalagay na makabayan at progresibo ang mga estudyante — at itanong kung anong lahi ang gusto nila kung ipanganganak silang muli, iilan lamang ang sumagot na gusto pa rin nilang maging Pilipino at ang karamiha’y gustong maging Amerikano, Canadian, Australyano, Ingles, Pranses, at iba pang kilalang lahi. Malinaw kaya itong palatandaan na labis na nating ikinahihiya ang pagiging Pilipino sapagkat, sa pananaw ng daigdig, tayo’y lahi na ng mga busabos?

Hindi pa marahil huli ang lahat at higit na hinihingi ng panahon na gisingin at pag-ibayuhin ang mga puwersang makabayan. Habang pinapatay ng mga puwersang dayuhan ang ating pambansang pagkalahi, pambansang karangalan o dignidad, sa pamamagitan ng pakikipagsabuwatan at lubos na pamamanginoon ng ating walang gulugod — at masahol pa sa puta — na pambansang liderato sa kanilang mga among dayuhan sukdulan mang ibenta ang pambansang kapakanan, nararapat lamang na higit nating dinggin ang panawagan noon ng yumaong makabayang Sen. Claro M. Recto. Sinabi niya na tungkulin ng mga makabayan noong panahon ni Rizal na labanan ang ganito sapagkat alam nila na “hindi isang bansa ang isang sambayanang walang tatak ng pagkalahi” at “isang makabayang tungkuling hinihingi ng pangangailangan ang pangalagaan natin ang ating pagkalahi.”

Binigyang-diin pa ni Recto:

“Ngayon, nahaharap tayo sa ganito ring mga suliranin at dapat natin itong harapin sa pamamagitan din ng pamamaraan ng makabayan nating mga kababayan noon. Dapat nating muling buhayin ang ating makasaysayang nagdaan, hindi ang liblib na panahon ng ating mga ninunong Malay kundi ang rebolusyonaryo nitong panahon taglay ang nag-aalab at matapat nitong propaganda at ang maluningning nitong paghantong sa larangan ng labanan. Dapat nating maabot ang mga ideya at pangyayari ng mga panahong iyon, sapagkat ang mga iyon ang nagsilbing inspirasyon at nagpatibay sa isang buong lahi para hanapin at matagpuan ang paglaya mula sa tanikalang dayuhan.” #

Read Full Post »


(Maikling Kuwento — sinulat noong dekada ‘60 ngunit malaganap na nangyayari ngayon)

1. LUPA

MAAGANG TUMAKAS ang ulan sa mga ulap at ang nakangangang mga bitak ng bukiring iyon na nasa makalabas lamang ng lungsod at malapit sa daangbakal ay unti-unting nagsitikom. Tumingala sa langit ang nanginginaing mga kalabaw at ang mga kuhol na nagbaon sa buong panahon ng tag-araw sa gilid ng nangagdipang mga pilapil ay nagsimulang umahon at gumapang patungo sa mga pinitak. Nagkagulo ang mga ibon, nagliparan patungong kanluran, sapagkat sa bukiring iyon, wala ni isa mang punongkahoy. Nag-utlawan ang mga damo sa dibdib ng lupa at sa loob lamang ng ilang araw, ang dating naninilaw na bukirin ay naging luntian.

Sa mga dampa na halos nakikipagtanawan lamang sa nagsisiksikang mga barungbarong na nasa magkabilang gilid ng daangbakal, ang nalalabing mangilan-ngilang magsasaka’y nagsipaglinis na agad ng mga yugo at araro at suyod, lumubid ng mga pamitik, at ng mumunting mga pangarap. Inihanda na rin ng mga babae ang mga basket na sisidlan ng pagkain, nagsipamintana sila, nangalumbaba, at pinagmasdan nila ang masinsing mga patak ng ulan at ang luntian nang kabukiran. Natuwa at naghubad ang mga bata, naghabulan at naligo sa ulan, nagpagulung-gulong at nagtampisaw sa may tubig nang mga pinitak. Naginaw ang mga dampa, umiyak ang mga bubong na pawid, at nabasa ang mga sahig na kawayan.

Umulan, umulan nang umulan, hanggang ang kabukirang iyon ay nagmistulang isang munting karagatang hindi umaalon. Inayos na ng mga magsasaka ang kanilang mga salaan at punlaan, inihanda ang mga binhi, pinasan ang mga araro, isiningkaw ang mga kalabaw at sinimulan na nilang sugatan ang malambot at hindi na tumututol na dibdib ng lupa hanggang isang araw, bigla na lamang sumulpot sa kabukirang iyon ang katiwala ng may-ari ng mayamang lupang iyon.

“H’wag na kayong mag-araro pa,” sabi nito. “H’wag na kayong magtanim ngayon.”

“Ba’t po, Kabesa? Nakapagpunla na kami.”

“Wala tayong magagawa. Pinalalayas na kayo rito ng me-ari.”

“Ba’t po, Kabesa? Ba’t po?”

“Namahal na raw ang lupa dito at gusto na niyang ipagbili.”

“Pero, Kabesa, nakapagpunla na kami. Naararo na namin ang ilang sangkal. Saka matagal na naming sinasaka ‘to.”

“Ano’ng magagawa natin? Di naman inyo ang lupang ito, di rin naman akin.”

“Maawa kayo sa amin, Kabesa. Ipakiusap n’yong huwag muna kaming paalisin dito. ‘Ala po kaming malilipatan agad. Saka ang aanihin namin sa taong ‘to ang s’ya po lang naming inaasahan. Ma’wa po kayo sa amin, Kabesa.”

“Naaawa nga ako sa inyo, pero talagang wala akong magagawa. Me katrato na raw siyang bibili nito. Maliit daw naman ang inaani ng bukid na ito.”

“Pero h’wag po muna ngayon, Kabesa. Sabihin po n’yo sa me-ari na pagkatapos na ng anihang ito. Pakiusapan po ninyo siya, Kabesa. Parang awa n’yo na po sa amin!”

“Talagang wala na tayoing magagawa. Sa Agosto na sila magbabayaran dahil gusto noong nakabili na makapagtayo na agad dito ng pabrika. ‘Yong parteng silangan ay gagawin namang subdibisyon.”

“Di na po kami kakain sa taong ito, Kabesa. Parang awa n’yo na po. Gawin po ninyo ang inyong magagawa. Tulungan n’yo po kami, Kabesa!”

NANG gabing iyon, matagal na pinagmasdan ng mga magsasaka ang madilim na kalawakan ng bukid. Matagal silang namalagi sa bintana ng kanilang mga dampa, halos hindi sila kumukurap, nakatikom ang kanilang mga labi at, sa palababahan, malimit humigpit ang pagkakakapit ng lipakin nilang mga palad. Iniwasang lapitan ni kausapin ng mga babae ang kani-kanilang asawa, nakaupo lamang sila sa pinakamadilim na sulok ng kanilang dampa, nakatungo, at manakanakang sumusulyap sa nag-indak-indak at waring namamaalam nang ningas ng mga gasera. Tahimik maging ang mga bata, nakatunganga sa kanilang ama’t ina, at maagang nagsitulog nang mapansing ang katahimikan ay nakakumot sa kapaligiran.

Ngunit kinabukasan, maagang nagsibangon ang mga lalaki, inihasa ang kanilang mga itak, isinaksak sa takyaran, muling pinasan ang kanilang mga araro, muling isiningkaw ang mga kalabaw, at muling sinugatan ang dibdib ng lupa. Lumabas din sa bukid ang mga babae, tinalunton ang madulas na mga pilapil, hinatiran ng pagkain ang mga lalaki, at tahimik na nagsibalik sa kani-kanilang dampa. Malabong latay na lamang ang liwanag sa kanluran nang umuwi ang mga lalaki, akay-akay ang kanilang mga kalabaw.

Hindi iilang ulit na nagbalik ang Kabesa sa kabukirang iyon, hindi iilang ulit na sinabi sa mga magsasaka na ipagbibili na ng may-ari ang lupang iyon, at paulit-ulit, paulit-uilit din namang nagmakaawa ang mga magsasaka, hanggang sa sumawa na sila sa pagmamakaawa at, sa bawat araw, lalo na nang maitanim na nila ang mga palay at magsimula na iyong tumaas nang tumaas at lumunti nang lumunti, tumalim nang tumalim ang dati’y maaamo nilang mga mata at tumigas nang tumigas ang dati’y malalambot nilang mukha.

“Subukan nilang ngayon tayo palayasin! Di nila tayo mapalalayas dito hanggang di tayo nakakagapas,” sabi minsan ni Lino, isa sa ilang kasibulang magsasaka sa bukiring iyon. “Alam kong me karapatan tayo sa lupang ito, sa mga palay na iyan, dahil matagal na tayo rito, dahil matagal na nating sinasaka ito. Pero di ko nga lang alam kung ano ang karapatan nating iyon.”

“Kapag nagkamaling magpunta rito ang anak ng putang me-ari ng lupang ‘to o ang sinumang demonyong nakabili nito,” sabi naman ng isang matandang mga animnapung taong gulang na, “di ako mangingiming ibaon siya sa pinitak. Araw-araw kong inihahasa ang aking itak!”

“Ang dugo naman niya ang ipatataba ko sa palay!”

“Subukan lang nilang palayasin tayo rito. Subukan lang nila! Pagpuputulan ko sila ng bayag!”

“Basta’t huwag tayong umalis ke matapos man ang anihang ito!”

2. MAKINA

GININTUAN na ang bukirin at amoy hinog na palay na ang hangin. Kumakaway na ang mga hutok na uhay nito para anihin, at ang mga mayang umalis noong panahon ng tag-ulan at naglakbay kung saan ay langkay-langkay na nagbalik sa kabukirang iyon at umali-aligid sa papawirin. Matagal nang nagsipagbaon sa gilid ng mga pilapil ang mga kuhol, at ang mga palaka ay hindi na nagsayaw at hindi na umawit. Higit ngayong pinagmasdan ng mga magsasaka ang kabukiran at inihanda na nila ang kanilang mga lingkaw at karit.

Nasa hinog na mga butil ng palay ang mumunting mga pangarap, ngunit naroroon din ang aali-aligid na mga pangamba, hanggang isang umaga, nang malapit na nilang anihin ang mga palay, biglang-bigla, parang umaatungal na mga dambuhalang balang na sumalakay sa bukid na iyon ang ilang buldoser, kasama ang ilang armadong sundalo ng gobyerno. Kinagat nang kinagat ng matalim na ngipin ng mga buldoser ang mga puno ng palay, nilamon nang nilamon ang mga uhay, at sa harap ng kanilang mga dampa, ang mga magsasaka’y parang itinayong mga bangkay, mahigpit lamang nilang hawak ang nagkikislapang mga itak, nakatiim ang kanilang mga bagang, ang mga mata’y nakapako sa kawalan habang sa tabi nila, ang mga babae ay nagpapanangisan samantalang ang mga bata ay nakatingin lamang sa dambuhalang mga makinang iyon na patuloy sa pag-usad at pag-atungal.

Tinungkab nang tinungkab ng mga buldoser ang nangakadipang mga pilapil, kinayod nang kinayod ang bitak-bitak na dibdib ng lupa, hanggang sa maglaho ang mga damo at sariwa pang mga puno ng palay na dating sumususo sa dibdib na iyon, hanggang sa pumikit ang mga bitak at umalimbukay ang alikabok at nagmistulang isang maliit na disyerto ang dating ginintuang kabukiran.

Lumisan ang mga buldoser pagkaraan ng ilang araw, at lumisan na rin ang mga magsasaka; ang iba’y sumiksik sa nagsisiksikan nang mga barungbarong sa magkabilang gilid ng daangbakal, at ang iba nama’y tumakas patungong lalawigan at napadpad kung saan. Tanging naiwan sa dating bukiring iyon ang nagbalatay at salasalabat na bakas ng mga gulong ng buldoser, hanggang isang katanghalian, sumunod na dumating doon ang rumaragasang mga trak na may kargang eskombro at graba at buhangin, at natakpan ang mga bakas ng buldoser, at nakumutan ng bato ang buong disyertong bukid na iyon.

At isang umaga, bigla na lamang iyong sinalakay ng maraming trabahador na buhat kung saan, at nagtayo ang mga ito ng bodega doon. Sumunod na dumating ang tala-talaksang tabla at yero at bakal at semento, at nagsimula ang kalantugan at pukpukan, at halos sa araw at gabi, umaangil ang makinang lumalamon ng graba’t buhangi’t semento na isnusuka nito pagkatapos sa uhaw na mga timba’t baldeng isinasahod ng mga trabahador sa malaking bunganga nito. At makaraan lamang ang ilang buwan, nagkahugis ang isang malapad at mababa ngunit mahabang gusali na parang isang nakadapang dambuhalang nag-aabang ng anumang masisila.

Mula sa bintana ng nagsisiksikang mga barungbarong kapag parang dugo nang kumukupas ang mapupulang latay ng liwanag sa kanluran at nagsisimula nang umindak-indak ang malamlam at malungkot na ningas ng mga gasera sa pusod ng mga barungbarong, malimit mangalumbaba ang mga babae, matagal na tititig sa gusaling iyon na parang malaking kabaong na batbat ng ilaw kung gabi, saka nila manakanakang sinusulyapan ang mga lalaki. Malimit ding manaog, pagkahapunan, ang mga lalaki, umpuk-umpok na magsisiupo sa gilid ng daangbakal, tititig sa gusaling iyon at sa kadiliman ng daangbakal na tinatanglawan lamang ng naggalaw-galaw, tumaas-bumaba, pumikit-dumilat na baga ng kanilang mga sigarilyo, halos paanas silang mag-uusap.

“Pabrika daw ng tela ‘yan at Kano ang me-ari.”

“Senga?”

“Oo, Pare Malapit na raw buksan.”

“Totoo?”

“Oo! Tiyak na maraming trabahador ang tatanggapin.”

“Matanggap sana tayo kahit kargador, kahit d’yanitor, basta’t trabaho.”

“Sana nga. Putrang ‘na, sawa na ako sa pagbubungkal ng basurahan. Nag-aamoy basura na ako!”

“Ipapasok ko naman sa eskuwela ang panganay ko para di lumaking gago.”

“Saka, Pare, mataas daw magpas’weldo ang mga Kano.”

“Senga?”

“Oo. ‘Yon ngang isang pinsan ng asawa ko, nasa Amerika daw ngayon. Doon nagtatrabaho. Me kotse’t bahay na raw agad. Saka mabait daw ang mga Kano.”

“E kelan kaya magtatanggapan?”

“Ewan. Basta’t malapit na raw.”

“Di kelangan pala, magprisinta na tayo agad para di tayo maunahan ng iba?”

“Aba, oo! Kaya nga, kelangan na huwag muna nating ipamalita ito sa iba. Sa inyo ko lang sinabi ito dahil gusto kong sama-sama tayong magtrabaho doon.”

“Pag natanggap ako, makabibili rin seguro ako ng bagong sapatos. Butas-butas na ang s’welas ng anak ng putang sapatos ko!”

3. UOD

ISA si Lino Fajardo sa ilang magsasakang hindi tumakas sa kapaligirang iyon at mula sa kanilang barungbarong ng asawang si Marta at ng kanilang dalawang anak na lalaki, ilang hapon na ring malimit niyang tititigan ang kabuuan ng gusaling iyon. Waring nagkabuhay ang mumunting mga pangarap na matagal na matagal na nilang inilibing sa bukid at sa kalawanging riles ng daangbakal. Talos ni Lino, gaya rin ng iba pang mga taga-daangbakal, na madilim ang gabi sa daangbakal, di gaya sa pusod ng lungsod; madilim na madilim nga, naisip noon ni Lino, sapagkat anag-ag na lamang ang sinag ng pag-asa. Talos din nilang lagi ngang may umaga, ngunit lagi ring may gabi at, sa kanila, ang gabi at ang umaga ay iisa, sapagkat iisa ang uri ng biyayang hatid sa kanila ng bawat pagsikat at paglubog ng araw — ang gulanit na karalitaang sa kanila ay nakabalabal. At alam din nila, kalimitan, higit nilang ibig ang gabi kaysa araw, sapagkat mabait at mapagmahal ang gabi, di gaya ng araw, dahil pinahihintulutan silang matulog at makalimot.

At nang buksan ang pinto ng pabrikang iyon para tumanggap ng mga trabahador, isa si Lino sa hukbo ng mga taga-barungbarong na sumalakay doon. Nang magsimula siyang magpasan ng mga balumbon ng tela, waring namalas niya sa kabuuan ng pabrika ang katuparan ng kanilang mumunting pangarap ni Marta para sa dalawa nilang anak na lalaki. Sa wakas, nasabi niya sa sarili, makalalayo din sila ni Marta sa marusing at pangit na mukha ng daangbakal, matatakasan din nila ang nakabibinging dagundong ng tren at ang madilim na gabi sa kapaligirang iyon. Ngunit lumaki nang lumaki ang pabrikang iyon, yumaman nang yumaman ang may-ari, tumaba at lumaki ang tiyan ng tagapamahalang si Mr. White at, sa bawat taon naman, numipis nang numipis ang kanyang dibdib at unti-unting tumakas ang laman ng kanyang mga bisig.

“Putang ‘nang White ‘yan,” sabi minsan ng isa nila kapwa trtabahador isang dapithapong magkakasabay silang lumalabas sa dambuhalang pabrikang iyon. “Wala yatang kaluluwa! Matagal na tayo rito, di man lang tayo inuumentuhan. Alam niya namang pambili lang ng pandesal ang suweldo natin. Malaki naman ang kinikita ng pabrika.”

“Tagahimod kasi ng pundilyo ng me-ari ang putang ‘nang White na ‘yon!”

“At ‘ala ring konsensiya ang me-ari. At ubod pa ng s’wapang.”

“Pero pinakikinabangan naman nila tayo. Dahil sa ‘tin kaya sila nabubundat, kaya sila yumayaman.”

“Talagang gano’n. Sila’ng me-ari. ‘Ala tayong magagawa.”

“Putang ‘na! Ba’t ‘ala? Magtayo tayo ng unyon!”

“Di pinatalsik agad tayo ng mga anak ng puta? Aba!”

“E kung patayin na lang natin si White?”

“Senga. Ipalamon natin sa makina!”

“Mahirap ‘yan, mga Pare. Tayo rin ang mawawalan ng trabaho at impiyerno ang buhay sa kalaboso. Galing na ‘ko sa putang ‘nang impiyernong ‘yon!”

“Pero paloloko na lang ba tayo sa kanila?”

“‘Ala tayong magagawa kundi magtiis.”

“Magtiis?”

“Oo. Magtiis.”

“Lintik! Magtiis? Habang panahon tayong lolokohin ng mga dermonyong ‘yon! P’we! At pag namatay tayo, baka di pa tayo makabili ng kahit palotsinang kabaong sa s’weldo natin.”

“Pero sa ngayon, talagang ‘ala tayong magagawa kundi magtiis.”

“Magtiis pa rin? P’we!”

‘DITO, hindi p’wede ang tamad! Konting bilis! Konting bilis!”

Bigla, parang matalim na itak na tumaga sa utak ni Lino ang kabuuan ng maitim at pandak at mataba nilang kapatas na kung tawagin nilang mga trabahador ay Mr. Cruz. Marahas na sumugat sa kanyang pandama ang alingawngaw ng tinig na iyon, waring saglit na ngumatngat sa kanyang laman at tumupok sa kanyang kaluluwa. Kahit nakatalikod siya sa bunganga ng bodegang pinagmulan ng tinig na iyon, natitiyak niya, nakita na naman siyang nagpapahinga ni Mr. Cruz sa pagbuhat ng mga balumbon ng telang ikakarga sa naghihintay na trak ng pabrika.

Si Mr. Cruz ang mga tainga at mata ni Mr. White at ayaw na ayaw nitong makitang wala silang ginagawa kahit isang saglit. Marahil, kung maaari, huwag na silang hihinga sa paggawa, sapagkat sa loob ng limang taong ipinaglingkod niya sa pabrikang iyon, sa nakikita niya, parang mga kalabaw na pang-araro ang tingin sa kanilang mga trabahador nina Mr. White at Mr. Cruz, at hindi miminsang nasabi niya sa sarili na mabuti pa marahil kaysa kanila ang mga kalabaw, sapagkat nakapagpapahinga, gayundin ang mga makinang panghabi ng tela, sapagkat hindi panayan ang pag-andar, pinagpapahinga rin at nilinis at nilalangisan.

“Putang ‘na, dali ka, Fajardo! Masyado kang mabagal! Masyado kang tamad!”

Nasa likod na ni Lino ang tinig na iyon at, sa iglap na sandaling iyon, waring natadtad ng mga sugat ang buo niyang katawan, at nadama niyang nangapos ang kanyang paghinga at humigpit ang kanyang pagkakayapos sa balumbon ng telang akma niyang papasanin. Alam niyang nangangaloig ang kanyang tuhod — matagal-tagal na rin niyang napapansin na numinipis ang kanyang dibdib at parang may lumalamon sa laman ng kanyang mga bisig — at waring hindi na nga nya kayang magbuhat pa ng gayong kabibigat na mga bagay, ngunit laging nakatambad sa kanyang harapan ang hapis na larawan ng kanyang asawang si Marta at ng dalawa nilang anak na lalaki na magpipitong taong gulang na ang panganay.

Naramdaman niya ang paglalaban ng kanyang mga tuhod at ng bigat ng balumbon ng telang kanyang pasan nang tunguhin niya ang naghihintay na trak ng pabrika sa bunganga ng bodega at, kahit hindi siya lumilingon, alam niyang kasunod niya si Mr. Cruz , naglulumiyad ang malaking tiyan sa pahilahod na paglakad at nakapako sa kanya ang medyo singkit na mga mata.

Waring may init na humalukay sa kanyang dibdib at hindi niya napigilan ang abut-abot na paghingal matapos niyang maibaba sa maruming suwelo ng trak ang pasan niyang balumbon ng tela. Saglit na nag-apuhap ng hangin ang kanyang bibig at ilong at bahagyang nabawasan ang init na humahalukay sa kanyang dibdib. Alam niya, pagharap niya sa bunganga ng bodega, makikita niya ang pangit na kabuuan ni Mr. Cruz, at parang hindi niya magawang takasan ngayon ang nakatatakot na alalahaning gumigiyagis sa kanyang katatagan; ang kapeng walang gatas at matigas na pandesal kung umaga, ang lugaw na inuulaman ng tuyo o asin kung gabi, ang malamlam at malungkot na mga mata ni Marta na waring humihingi ng awa sa nag-indak-indak na ningas ng mga gasera sa pusod ng mga barungbarong na nangakalibing sa magkabilang gilid ng kalawangin at mahabang-mahabang daangbakal na iyon.

Pinilit niyang lupigin ang mga alalahaning iyon at, bigla, humarap siya ngunit napauntol siya sa paghakbang nang lumagom sa kanyang paningin ang naglulumiyad na tiyan ni Mr. Cruz, ang medyo singkit nitong mga matang may ibig ipahiwatig at ang pagkakangkisi nitong nagpalabas sa malalaki at naninilaw na mga ngipin. At sa saglit na iyon hinamig ng kabuuan nito ang nakataatakot na mga alalahaning iyon.

“Parang mahina ka na, Fajardo. Payat na payat ka na. Parang di mo na kayang magtrabaho.”

“Malakas pa ho ako, Mister Cruz. Malakas pa ho ako!” Alam niyang hindi iyon ang ibig niyang sabihin, ngunit iyon ang iglap na lumabas sa kanyang bibig.

“Pero bakit masyado ka nang mabagal? Isang balumbon ng tela, parang di mo na kayang buhatin.”

“Kaya ko pa ho, Mister Cruz. Malakas pa ho ako. Kaya ko pang magtrabaho. Saka… saka…” Ngunit nabilanggo lamang sa kanyang lalamunan ang iba pang mga salita nang nakangising tumalikod si Mr. Cruz at wala siyang nagawa kundi sundan ng tingin ang pahilahod nitong paglakad patungo sa plantang habihan ng tela at, ngayon, lalong naging marahas ang pagdaluhong ng mga pangamba. Sa kanyang utak, naggigitgitan ang maraming salitang hindi magkapuwang sa kanyang lalamunan. Parang ibig niyang pasukin ang opisinang air-conditioned ni Mr. White at kahit sa papilipit na Ingles na nalalaman niya, buong tapang na sabihin sa harap nito: “Go to hell! You dog! You salumbebet!”

MULING nadama ni Lino ang pangangalog ng kanyang mga tuhod nang magbalik siya sa bodega ng tela at sumisigid at humahalukay na naman sa loob ng kanyang dibdib ang hindi mawaring init na iyon na nagpapasikip sa kanyang paghinga. Warfing may matitigas na daliring unti-unting sumakal sa kanya, at nagsimulang maglandas mula sa kanyang noo at sentido ang malalamig na mga butil ng pawis, at lalo niyang nadama na higit na kailangang apuhapin ng bibig niya at ilong ang amoy-telang hangin sa loob ng bodegang iyon.

Kailangan nilang apurahin ngayon ng tatlong trabahador na kasama niya sa bodegang iyon ang pagbabalumbon at pagkakamada upang kung dumating ang trak — na natitiyak niyang darating sapagkat sinabi ni Mr. Cruz na maraming pumedido sa araw na iyon — handa na ang mga iyon para ikarga nila sa trak. Napansin niyang pinagmamasdan siya ng kanyang mga kasamahan nang damputin niya ang kahoy na pag-iikiran ng tela, at nabakas niya sa mata ng mga iyon ang isang uri ng pangamba.

“Namumutla ka, Lino.”

“Saka humihingal ka. Magpahinga ka muna. Kami na ang bahala dito. Di pa naman seguro darating ang trak.”

“Senga. Baka kung mapaanio ka pa. Aba, mahirap na ang magkasakit. Baka tanggalin ka pa ni Mr. Cruz.”

Bigla, parang may nabuhay na lakas na nagbigay-init sa kanyang dugo; pinilit niyang lumapit sa kamadahan ng tela, ngunit hindi pa siya nakatatatlong hakbang, iginupo siya ng nangangalog niyang mga tuhod at napalugmok siya sa sementadong lapag ng bodega. Naramdaman niyang parang idinuruyan siya sa hangin, waring nilalagom ang kanyang kamalayan ng manipis na karimlang lumukob sa kanyang mga mata. Ilang saglit din siyang nag-apuhap sa kawalan, sumisid sa isang kalalimang hindi niya maarok. At nang dumilat siya, nakasandal siya sa isang panig ng kamada ng mga tela at pinapaypayan siya ng kanyang mga kasamahan.

“Sabi na sa iyong magpahinga ka na muna. Putlang-putla ka, e!”

Tinig iyon ni Kardo, alam niya, kahit hindi pa niya gaanong mabanaagan ang mukha nito. Hiigit na malinaw na nakikita niya ngayon ang hapis na mukha ni Marta at ng kanilang dalawang anak na lalaki, at ang nakatatakot na larawan ng mga alalahaning gumigiyagis sa kanyang katatagan.

“Kung kaya mo na ang katawan mo, umuwi ka na muna. Bukas ka na bumalik. Kami na ang bahalang magpaliwanag kay Mister Cruz.”

“H’wag, h’wag n’yong sasabihin sa kanya ito. Walang anuman ito. Nahilo lang ako.” Hindi siya nahilo lamang; alam niyang may kung anong makapangyarihang lakas na sumasaklot sa kanyang dibdib tuwing siya’y mahahapo, at naisip niyang kapag dumating ang trak, hindi na niya kayang tagalan pa sa araw na iyon ang paghahakot sa mga balumbon ng tela. At kung makita siya ni Mr. Cruz? Maririnig na naman niya ang tinig na iyon: “Dito, hindi p’wede ang tamad! Konting bilis! Konting bilis!”

Ginagap niya ang impis na niyang dibdib, hinimas-himas niya iyon na parang ibig niyang maibalik ang tumakas na laman doon, at naidalangin niyang huwag sana munang dumating ang trak, huwag sana munang pumasoik sa bodegang iyon si Mr. Cruz, Minasdan niya ang kanyang mga bisig na parang itinatanong kung kaya pang pumigil at magbaba ng balumbon ng tela sa trak, at pilit na umiwas ang kanyang utak sa pagyakap sa katotohanang ipinaghuhumindig ng impis na niyang dibdib at ng nangangalog niyang mga tuhod.

Hindi niya malaman kung gaano katagal siyang namalagi sa pagkakasandal sa kamada ng tela hanggang sa madama niyang parang ganap nang tumakas ang matitigas na daliring sumakal sa kanyang kangina; waring tumakas na rin ang humihiwang init sa kanyang dibdib, ngunit sa kanyang utak, nakabilanggo pa rin ang kapeng walang gatas at matigas na pandesal kung umaga, ang lugaw, ang malamlam at malungkot na mga mata ni Marta, ang madilim na gabi sa pangit na mukha ng daangbakal.

Humagupit sa kanyang pandinig ang atungal ng dumarating na trak, lumakas ang atungal na iyon, sumiksik sa kanyang kamalayan, hanggang ligisin niyon at dikdikin ang kanyang utak, hanggang muling marahas na dumaluhong ang mga pangamba. Bigla, napatayo siya; tiningnan niya ang kanyang mga kasamahan na patuloy sa pag-aayos ng mga balumbon ng telang dadagan sa tumututol nilang mga balikat.

“Karga bola! Karga bola!”

Nakatayo na sa bunganga ng bodega ang tsuper ng trak na iyon, at natambad sa kanya ang nakaabang na puwit ng trak sa di kalayuan sa bungangang iyon.

“Maghintay ka! H’wag kang apurado!” Si Kardo ang sumigaw at nakita niyang nasa balikat na nito ang isang balumbon ng tela. Saglit itong tumigil sa tabi niya. “D’yan ka na lang muna hangga’t ‘ala ang demonyong si Mister Cruz.”

Tiyak, naisip niya, darating si Mr. Cruz, sapagkat ugali na niyon na gumala-gala sa buong pabrika na parang hayiop na nag-aabang ng sinumang masisila. Lagi nang mahaba ang dila niyon, lagi nang nanlilisik ang medyo singkit na mga mata kapag nakakikita ng mga trabahador na walang ginagawa. Ilan na sa kanila ang isinumbong nito kay Mr. White na agad na itinaboy at pinalayas sa pabrikang iyon.

“Karga bola! Karga bola!”

Naisip niya, siya marahil ang sinisigawan ng tsuper na iyon. Baka akalain niyon na nagtatamad-tamaran lamang siya at isumbong siya kay Mr. Cruz. Nilapitan niya ang isang balumbon ng tela sa kamada; saglit niyang minasdan iyon at hindi nya naiwasan ang mangamba. Pilit niya iyong pinasan at muli niyang nadama ang pangangalog ng kanyang mga tuhod at waring pagsuko ng kanyang mga balikat.

Dinalangan niya ang kanyang paghakbang; parang ibubuwal siya ng bigat ng kanyang pasan at biglang humiwa na naman sa loob ng kanyang dibdib ang hindi mawaring init na iyon jna nagpapasikip sa kanyang paghinga at bahagyang nagpapalabo sa kanyang paningin. Unti-unti, parang may matitigas na daliring sumasakal na naman sa kanya, at hinabol niya ang kanyang paghinga.

Tumindi ang pangangalog ng kanyang mga tuhod at, nang malapit na siya sa puwitan ng trak, bigla siyang nasungaba. Ngumudngod ang kanyang bibig sa lupa at nabitiwan niya ang balumbon ng telang kanyang pasan. Sa kanyang dibdib, nag-aalimpuyo ang init na iyon at napakagat siya sa maputik-putik na lupa. Naramdaman niyang may gumagapang na kung ano sa naputikan niyang labi. Dinilaan niya iyon at nang kanyang ibuga, nakita niya ang isang malaking uod na pakiwal-kiwal na gumagapang palayo sa kanya. Nang iangat niya ang kanyang tingin, tumambad sa kanya ang naglulumiyad na tiyan ni Mr. Cruz. Pinilit niyang tumayo, ngunit muli siyang nasungaba.

“Talagang mahina ka na, Fajardo. Talagang di mo na kayang magtrabaho.”

Malinaw na malinaw sa kanyang pandinig ang sinabing iyon ni Mr. Cruz at parang matalim na itak iyong sumugat sa buo niyang katawan at kaluluwa. Nabanaagan niyang papalayoi ang mga paa ni Mr. Cruz at gumagapang, gumagapang na pilit niyang sinundan ang mga paang iyon.

“Hintay, Mister Cruz! Malakas pa ho ako! Malakas pa ho ako! Sabihin n’yo kay Mr. White, malakas pa ho ako!”
Iyon ang pilit na isinisigaw ng kanyang utak, at pilit siyang nagpatuloy sa paggapang.

Read Full Post »