Feeds:
Posts
Comments

Archive for February, 2009

Nasalaula: Diwa ng Edsa 1


(Kolum)

 

MARAMI ang nag-akala noong 1986 na ang buwan ng Pebrero ang simula ng pambansang pagbabago tungo sa isang lipunang makatao’t makabayan, mapayapa’t maunlad, malaya’t progresibo at demokratiko. Nasa paligid na diumano ang mailap na anino ng lantay na hustisya sosyal. Matapos ang halos 14 na taon ng paghahari sa bansa ng malupit, marahas, mapanikil, at mapandambong na Batas Militar, ipinagpasalamat nga ng mga madasalin at naghihilamos ng agua bendita sa sinasabing milagrosang Birhen ng Edsa ang pagbagsak, sa wakas, ng diktatoryal na rehimeng Marcos.

Hindi nga masamang gunitain, tuwing sasapit ang Pebrero 22-25, ang malabayaning pagkilos ng sambayanan noon na naglundo sa kilala ngayong Edsa 1. Nasilayan nga sa papawirin ang bahagyang liwanag matapos ang paghahari ng dilim sa isang yugto ng kasaysayan ng bansa. Maaalaala, waring lumakad tuloy sa alapaap ang marami, naghosana sa kaitaasan at masigabong nagbunyi nang malamang lumayas na ng Malakanyang ang diktador kasama ang pamilya at pangunahing matatapat na basalyos.

Natural, sa naturang mga petsa, hindi maiiwasang sariwain ng mga bida — kahit sa kanilang pag-iisa — ang mga papel na ginampanan nila sa Edsa 1 na waring isang madulang pelikulang walang kawawaang wakas. Nariyan ang mga basalyos nina Cory, Ramos, Enrile at Honasan, ang mga Lopez at Ayala, ang mga basalyos ng yumaong si Jaime Kardinal Sin, at maging ni dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo na naluklok sa kubeta ng kapangyarihan sa pamamagitan naman ng Edsa 2 na, hindi mapapasubalian, ay ibinunsod ng impluwensiya ng karanasan sa Edsa 1. Pinatunayan noon sa buong mundo na maaaring patalsikin sa poder ang sinumang abusadong lider ng bansa kung nagkakaisa sa pagkilos ang malawak na sektor ng sambayanan.

Ano nga ba ang dapat ipagpasalamat ng sambayanan sa Edsa 1?
Piknik ba lamang ito o tunay na rebolusyon? Nabago ba ang nakasusulukasok na pambansang kalagayan?

Matapos ang magiting na pagharang sa mga tangke at sundalo ng Estado habang madamdaming inaawit ang Bayan Ko, matapos ang pagsuong sa anumang panganib at manindigang handang ibuwis ang buhay kung magkaroon man ng madugong sagupaan, napatalsik nga sa poder ang diktador at naibalik sa bansa ang dati ring palsipikadong kalayaan at kasarinlan at kunwa-kunwariang demokrasya.

Ano nga ba ang diwa ng Edsa 1 na dapat gunitain at ipagbunyi taun-taon?

Matapos nga ang lahat-lahat, mula sa rehimen ni Cory hanggang sa kasalukuyan, lumitaw na ang Edsa 1 ay isang yugto lamang ng waring walang katapusang sarsuwelang patuloy na ginagampanan ng mga naghahari-harian sa lipunan, ┬átulad ng bastardo’t salabusab na mga pulitiko, ng tuso’t salanggapang na mga kapitalista’t asendero, ng mala-asong mga tagahimod ng kuyukot ng dayuhang mga interes, at ng iba pang pawang lumalaklak sa pawis at dugo ng masang sambayanan.

Nakalulungkot, di nga kasi, sa aklat ng kasaysayan ng Edsa 1, nanatiling ekstra lamang ang libu-libong ordinaryong mga mamamayang buong giting na sumuporta sa mga bida. Nanatili nga silang mga anino lamang, walang mukha ni pangalan, hindi napasama sa aklat ng mga tula “ng mga intelektuwal na walang pakialam sa pulitika ng aking bansa,” sabi nga ng makatang si Otto Rene Castillo. Higit pa ngang masama, at nakasusulak ng damdamin, kinalimutan o ibinasura ng uring mapagsamantalang nagrigodon sa kubeta ng kapangyarihan ang lehitimong mga karapatan at kapakanan ng mismong karaniwang mga mamamayang sinikil at sinalaula sa panahon ng diktadura; ipinampunas nga ng paa at puwit ng mga diyus-diyosan ang dignidad ng bayan at ng masang sambayanan.

Maaaring nagising ng Edsa 1 ang matagal na nakatulog na damdaming makabayan at naisulong ang kamulatan at pagiging militante ng maraming mamamayan laban sa anumang uri ng inhustisya at pag-abuso sa kapangyarihan ng mapanikil at mapandambong na rehimen. Naibagsak nga ang diktadura ngunit, magpahanggang ngayon, sa kabila ng mga rehimeng humalili sa diktatoryal na rehimeng Marcos, paulit-ulit pa ring itinatanong: Naisulong ba ang tunay na pambansang kapakanan?

Maliwanag na nagkaisa lamang ang mga bida sa Edsa 1 na ibagsak sa poder si Marcos para sila naman ang umugit o mamahala sa bansa ngunit, kung susuriin, wala naman sila noong malinaw na mga programa o patakarang pampulitika, panlipunan at pang-ekonomiyang ganap na magsusulong sa kapakanan ng bansa at ng masang sambayanan upang makalaya, sa wakas, sa tanikala ng kabusabusan o karalitaan at makaamoy man lamang — kahit bahagya — ng lantay na hustisya sosyal.

Kung maituturing ngang rebolusyon ang Edsa 1 — hindi waring isang madulang pelikula lamang — mahalaga tuloy ang sinabi ng rebolusyonaryong si Fidel Castro ng Cuba: “Ang mahalaga sa isang rebolusyon ay hindi ang mismong PAGKAKAISA LAMANG, kundi ANG MGA BATAYAN NG PAGKAKAISA.”

At sa Edsa 1, maliwanag nga na nagkaisa lamang ang lumitaw na mga bida na wakasan ang diktadura, at sila naman ang namayagpag sa kapangyarihan kaakibat ang mga grasya’t nakalalasing na mga pribilehiyo habang, sa kabilang banda, nanatiling titiguk-tigok ang lalamunan ng dayukdok na masang sambayanan. Naiwan sa kangkungan ang kapakanan ng nakararaming karaniwang mamamayan mula noon hanggang ngayon. Ang pinabagsak na masamang rehimen ay napalitan lamang ng masama rin, o higit pang masamang mga rehimen.

Kung tutuusin, at malalim na susuriin, baka hindi agad napatalsik ang diktador at kailanganin pa ang talagang madugong rebolusyon kung hindi minaniobra ng mga diyus-diyosan sa Washington — hindi ng Birhen ng Edsa — ang umiiral na kalagayan noon. Nakita ng Amerika na hindi na epektibo si Marcos bilang tuta nito para pangalagaan pa ang kapakanan ni Uncle Sam sa Pilipinas sapagkat galit na galit na hindi lamang ang masang sambayanan, kundi maging ang mga elitista’t mayayamang sinagasaan ni Marcos ang makasariling mga interes.

Hinog na hinog na noon ang rebolusyonaryong mga kondisyon sa bansa para sa isang tunay na himagsikan. Ikinatakot ng Amerika na kung magkaroon ng giyera sibil at manalo ang malakas nang puwersa noon ng mga makabayan at progresibo at kung ang mga ito na ang hahawak sa renda ng pambansang kapangyarihan, tiyak na mawawasak ang lahat ng mapandambong na interes ng Amerika dito. Samakatuwid, kailangan nang ibasura si Marcos at palitan ng isang personaheng katanggap-tanggap sa mga mamamayan — si Tita Cory nga na madasalin at mahinhin — ngunit, sa kabilang banda, kayang-kayang diktahan, pilipitin ang leeg, o paikuting parang trumpo upang maging masunurin sa imperyalistang mga kagustuhan ni Uncle Sam. Kaya, sa kasagsagan ng Edsa 1, tinawagan nga ng Amerika si Marcos, binalaang hindi dapat dumanak ng dugo at makabubuting iwan na ang puwesto; sinundo nga ng helikopter ni Uncle Sam sa Malakanyang si Marcos at ang buo niyang pamilya, kasama ang ilang piling basalyos, at dinala sa Hawaii, hindi sa Paoay.

Mula nga noon, hanggang ngayon, kahit nagkaroon pa ng Edsa 2 at nabigong Edsa 3, naibalik nga lamang sa bansa ang sinasabing palsipikadong kalayaan at demokrasya na, batay sa marami nang pangyayari, lagi’t lagi lamang pumapabor sa uring hari-harian at mapagsamantala sa kapinsalaan ng bansa’t masang sambayanan. Mula sa rehimen ni Tita Cory hanggang sa kasalukuyan, paulit-ulit na nasalaula ang diwa ng Edsa 1.

Unang-una, hindi naman nabago ang tiwaling balangkas ng lipunang kontrolado’t pinaglalaruan lamang ng iilang piling grupo ng mga tao ang pambansang pulitika’t ekonomiya, ang hustisya’t demokratikong mga proseso, lalo na nga ang buhay ng dayukdok na masang sambayanan –mga manggagawa’t magsasaka, mga ordinaryong empleyado sa gobyerno, at iba pang nabibilang sa uring api’t busabos. Mahirap mapasubalian, malinaw na namamayani pa rin, at tumindi pa nga, ang mga dinastiyang pampulitika. Lalong sumidhi ang pagkasugapa sa kapangyarihan ng mga nasa poder, gayundin ang kanilang pagkasalabusab sa pondo ng bayan. Naging higit pang garapal ang pangangayupapa ng pambansang liderato sa dayuhang mga interes na lalong ikinalulugmok ng pambansang ekonomiya tungo sa higit pang gutom at karalitaan ng ordinaryong mga mamamayan.

Higit pang masama, kahit pinatalsik sa poder ang diktador, nakabalik naman sa inodoro ng kapangyarihan — at namamayagpag ngayon sa pribilehiyo’t impluwensiya — ang ilang piling basalyos ni Marcos na lumilitaw na kinukupkop pa’t kaalyado ng kasalukuyang mga namumuno sa bansa. Sabagay, hindi na nga ito dapat ipagtaka, sapagkat magkakabalahibo naman sila, iisa ang kulay, silang bumubuo ng uring naghahari-harian at mapagsamantala.

Natural, nananatiling kahabaghabag na ekstra ang masang sambayanan sa masalimuot na sarsuwela ng mga bidang mandurugas. Habang namumuwalan sa grasya’t pribilehiyo ang bibig ng mga diyus-diyosan sa lipunan sa pamamagitan ng kung anu-anong hokus-pokus at garapal na katiwalian, habang nagririgodon lamang sa poder ang uring mapagsamantala, talagang dayukdok hanggang ngayon, api’t busabos ang nakararaming ordinaryong mga mamamayan.

Ano nga ba ang dapat na gunitain at ipagpasalamat sa Edsa 1? Ang mapalitan ang dating mapanikil at salabusab na rehimen ng bago’t mapanikil at salabusab ding mga rehimen?

Habang patuloy na sinasalaula ng mga nasa poder, ng mga diyus-diyosan at hari-harian sa lipunan ang diwa ng Edsa 1, patuloy at patuloy din lamang nilang iduruyan at lulunurin ang masang sambayanan sa ilusyon ng buladas na pambansang kaunlaran, at ipinangangalandakang demokrasya’t hustisya sosyal, gayundin ng sinasabing kalayaan at kasarinlan. Kailan nga kaya ito magwawakas para sa tunay na pambansang katubusan? #

Read Full Post »