(Kolum)
KUNG MAYROON mang batas na tandisang nagbabawal sa dinastiyang pampulitika (mayroon na nga ba?), waring imposible nang mahadlangan ang talamak nitong pag-iral sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Hindi na kailangan ang malinaw na mata upang makita ang pami-pamilyang namamayagpag sa poder. Nakasusukang tradisyon na yata — noon at ngayon — na magrigodon sa kapangyarihan ang ilang maimpluwensiya’t mayamang pamilya.
Monopolyo na nga ng mga pamilyang ito, mula pa sa panahon ng kanilang mga lolo hanggang sa mga apo ngayon, ang nakasusugapang pulitika sa kani-kanilang lugar at maging sa buong bansa. Nariyan sila, parang mga buwayang nakaabang sa anumang halal na puwestong puwedeng sakmalin ng mga miyembro ng pamilya — asawa man o anak o apo o maging mga bayaw at hipag — at kulang na lamang na magpatibay sila ng batas na maaari nang ipamana sa kanilang kadugo ang kanilang poder sa gobyerno: presidente man o senador, kongresista man o gobernador, alkalde man o konsehal o maging kapitan de barangay. Kung maaari nga lamang, baka ikandidato pa nila ang kanilang mga pusa at aso at iba pang alagang mga hayop.
Sa kampo man ng Administrasyon o ng Oposisyon — at sapagkat pamunas lamang nila ng puwit ang prinsipyo’t karangalan — madali sa kanilang magsatipaklong o magsahunyango sa pagpapalipat-lipat ng bakod-pampulitika (sa Liberal man o Nasyonalista, sa Kampi man o Laban, sa Partido ng Masang Pilipino o anuman) masunod lamang ang makasariling ambisyong makapanatili sa kapangyarihang balon yata ng kayamanan, impluwensiya’t pribilehiyo. Walang mahalaga kundi muling maibandila ang apelyido ng pamilya sa tanghalan ng sarsuwelang pulitika kahit magtaling-pusod at mag-amuyan ng kilikili ang dating magkalaban o sukdulang magsaksakan sa sikmura’t magputulan ng bituka ang dating magkaibigan.
Sa pambansang tanghalan, nariyan ang mga Roxas at Osmena at Magsaysay o Marcos, Aquino, Recto, Estrada at Enrile at, higit sa lahat, nakabalandra’t namamayagpag din ang mga Macapagal-Arroyo. Nadagdag pa ang mga Angara,Villar, Biazon, Pimentel, Cayetano at bagong kapipisang itlog tulad ng mga Escudero. Sino ang hindi makakakilala sa Kamaynilaan sa mga Asistio, Atienza at Binay? Sino ang hindi pamilyar sa kani-kanilang lugar sa mga Remulla, Revilla at Maliksi ng Kabite, sa mga Joson ng Nueva Ecija, sa mga Villafuerte, Lagman, Imperial at Escudero ng Bikol, sa mga Lapid at Macapagal ng Pampanga, o sa iba pang pawang nabibilang sa Kamag-anak Inkorporada?
Marami na ngang patunay na ang mga dinastiyang pampulitika — sapagkat pare-parehong ayaw magpatalo — ang pinagmumulan ng mga dayaan o hokus pokus at mga karahasan o patayan sa bawat eleksiyon sa bansa. Nakatatawa tuloy na parang hindi pa naranasan ng pambansang liderato ang katotohanang dugo’t terorismo, pera at dayaan ang namamayaning batas ng mga halalan sa bansa, lokal man o nasyonal. Kung naging bahagi nga nito, o promotor pa, ang mga lider ng bansa, ano kung gayon ang kanilang karapatan, maging ng kanilang mga basalyos, na paulit-ulit na manawagan para sa isang “maayos, mapayapa, malinis at kapanipaniwalang eleksiyon” ngayong Mayo 1
Kailan nga ba naging kapanipaniwala, malinis at mapayapa ang eleksiyon sa bansa? Tiyak, madaragdagan ang mga biktima ng karahasan kaugnay ng halalan. Ngayon pa lamang, malinaw na ang pagbabalyahan at pagbabatikusan ng putik ng mga posibleng magbanggaan, lalo na sa pagka-presidente na, di nga kasi, ay mauuwi sa tuso’t maruming mga pakanang baka magbunga ng terorismo’t mga patayan.
Kailan nga ba walang dayaan sa eleksiyon? Maging ang muling pagkakahalal nga ni La Gloria noong 2004 ay nakulapulan ng eskandalong ibinunga ng napabantog na “Hello, Garci” kaya lumagabog ang kanyang kredibilidad. Tumibay ang paniniwala ng maraming mamamayan na talagang may garapalang dayaang naganap noon sa pamamagitan diumano ng pagmamaniobra ng isang Garcellano at ilang nasangkot na opisyal ng militar na waring ginantimpalaan pa ngang itaas ng ranggo o pagkalooban ng sensitibong mga puwesto sa gobyerno matapos ang lahat-lahat.
At, sa kabilang banda, sino pa nga ba ang naniniwala sa kredibilidad din ng Komisyon sa Halalan o Comelec palitan man ang mga komisyoner nito araw-araw? De makina (automated) ang darating na eleksiyon, masusugpo nga ba, kundi man tuluyang mawala, ang dayaan lalo’t mapera, maimpluwensiya’t makapangyarihan ang mga kandidatong marami ang nabibilang sa mga dinastiyang pampulitika? Alam na alam ng mga nanalo sa bawat eleksiyon, noon pa man — bagaman hindi nila aaminin — na nabibili at nasasalamangka sa tamang presyo sa Comelec ang resulta ng mga halalan. Hindi na nga tuloy katakataka kung bakit namumutiktik sa kabi-kabilang protestang-elektoral ang mga eleksiyong ito.
Sa pagkontrol na ito ng iilang pamilya hindi lamang sa pambansang pulitika, kundi maging sa ekonomiya, hindi maikakailang maruming papel ang ginagampanan ng mga dinastiyang pampulitika kaya patuloy na nasisikil ang tunay na tinig ng sambayanan sa bawat halalan at, higit na masama, walang habas pa ngang nasasalaula ang sagradong demokratikong mga proseso.
Kahinahinala tuloy kung bakit kahit malinaw na itinadhana ng Konstitusyon (Artikulo VI, Seksiyon 5) na dapat hindi lumampas ng 250 ang bilang ng mga kongresista, nagkumahog noon ang Kongreso na lumikha ng bagong mga distrito-kongresiyonal at paabutin ng 300 ang kinauukulang mga kinatawan o representante. Ito ba’y para palawakin pa ang kanilang mga dinastiyang pampulitikang mandarambong sa pera ng bayan sa pamamagitan ng “pork barrel” (P70-M bawat kongresista at P200-M bawat senador taun-taon)? Tiyak, kung magigi pang 300 ang mga kongresista, lalo pang madaragdagan at titindi ang katiwalian sa burukrasya sa pamamagitan ng kung anu-anong pagsalamangka sa buwis ng sambayanan.
Totoo na nga marahil, kaugnay nito, ang sinabi ni Padre Jose Burgos (isa sa tatlong paring martir na ipinabitay ng mga Kastila noong 1872) sa kanyang obrang LA LOBA NEGRA (1869) na sa bansang ito, “ipinanganganak na parang lumot ang mga pulitiko” (pami-pamilya na nga) “sa kahihiyan at kapinsalaan ng bayan.”
Opo, Virginia, huwag asahang magkakaroon ng tunay at makabuluhang panlipunang mga pagbabago para sa kapakanan ng bansa’t masang sambayanan magka-eleksiyon man oras-oras, lalo’t parang lumot na nakakapit — at sumisibol pa — sa katawan ng bayan ang mga dinastiyang pampulitika. –#