Feeds:
Posts
Comments

Archive for May, 2009

Pakana Ng CIA


(Kolum)

TIYAK, ngayon pa lamang, nakatutok na ang mata ni Uncle Sam sa mga ambisyosong maging Presidente ng bansa kung matutuloy nga ang eleksiyong pampanguluhan sa Mayo 2010. Kung hindi nga maisalaksak sa lalamunan ng sambayanan ang Cha-Cha o pagbabago sa umiiral na Konstitusyon dahil sa tumitinding mga protesta at tuluyang mabigo ngayon ang layuning gawing parlamentaryo/pederal/may isang kapulungan — hindi na presidensiyal — ang porma ng gobyerno upang maging Punong Ministro o Presidente na naman si La Gloria, wala nang dahilan pang kapunin o patayin ang nakatakdang eleksiyon, maliban na lamang kung sadyaing lumaganap ang mga karahasan at kaguluhan sa bansa upang mapangatuwiranang kailangang ideklara ang Batas Militar gaya nang ginawa noon ng yumaong diktador na si Ferdinand E. Marcos.

Natural, at lagi naman itong ginagawa, sinusuri na ng Amerika kung sino ang mamanuking susunod na Presidente ng Republikang Mamon upang maging tagapagtaguyod ng imperyalista nitong mga patakaran sa Pilipinas. Si Bise-Presidente Noli de Castro ba? Isa ba kina Sen. Manuel Villar, Panfilo Lacson, Dick Gordon, Mar Roxas, Loren Legarda at
Chiz Escudero?.Si Sekretaryo Gilbert Teodoro ba ng DND (Dept. of National Defense)? Si Gobernador Ed “Among” Panlilio ba ng Pampanga? O si Alkalde Jojo Binay ng Makati? Si Tagapangulong Bayani Fernando ba ng MMDA (Metro Manila Development Authority)? O si Bro. Eddie Villanueva ba ng JIL (Jesus is Lord) o si Bro. Mike Velarde ng El Shaddai? O sinumang impaktong handang maging masugid na tagahimod ng kuyukot ni Uncle Sam?

Hindi na tuloy katakataka, hanggang ngayon, kung bakit wala ni isa sa mga nabanggit ang bumabatikos sa mapambusabos at mapanggahasang imperyalistang mga patakaran ng Amerika sa Pilipinas — pangkultura man, pang-ekonomiya man o pampulitika. Nang magharap sa programa ni Tina Monzon Palma sa telebisyon kamakailan sina Roxas, Gordon, Escudero, Panlilio at Teodoro, naging mababaw ang kanilang mga pahayag. Hindi nila sinaling man lamang ang isyu tungkol sa ganap na kasarinlan o soberanya ng bansa na ipinampupunas lamang ng puwit ng Amerika, gayundin ang isyu sa tunay na reporma sa lupa, at wala silang pinagtuunang lamutakin kundi ang pagsugpo sa katiwalian lalo na sa burukrasya.

Sapagkat walang sinuman sa kanila ang bobo, tiyak na alam nilang pangunahing dahilan ng paglaganap ng karalitaan sa bansa ang mga galamay ng imperyalismong Amerikano at, dahil sa mapambusabos nitong mga patakaran, imposible tuloy na maisulong ang pambansang kapakanan at kaunlarang minimithi ng dayukdok na sambayanan. Pero, sa kabilang banda, dahil alam nilang kailangan nila ang bendisyon at suporta ni Uncle Sam upang maisakatuparan ang nakababaliw nilang ambisyong pampulitika, natural nga lamang na huwag nilang salingin man lamang ang gayong usapin o sadyain nilang embalsamuhin ang sariling utak, kandaduhan ang bibig, o putulin ang dila para ibenta ang sarili sa mga diyus-diyosan sa Washington.

Sa proseso ng pagsusulong at pagpapairal sa imperyalistang mga patakaran ng Amerika sa alinmang bansa, hindi mapapasubaliang malaki ang papel na ginampanan — at patuloy na ginagampanan — ng mga ahente ng CIA (Central Intelligence Agency) nito. Malinaw na ibinunyag ang lahat-lahat sa mga aklat na “Who’s Who In The CIA” ni Jules Mader at “Rogue State” ni William Blum. Noon pa man, mga 3,000 katao na — mga sibilyan, militar, pulitiko at maging peryodista — ang sinusuwelduhan ng CIA bilang mga ahente.
Nakakalat sila sa mundo upang maniktik, mangalap ng mga impormasyon, magwasak ng unyon ng mga manggagawa at ng mga organisasyong makabayan, magbagsak ng mga rehimeng anti-Amerikano, manabotahe ng ekonomiya, at magluklok sa poder ng mga lider na kayang pilipitin ang leeg upang maging papet ni Uncle Sam. Higit sa lahat, kung kinakailangan, maaari pa silang magpakana ng mga pagpatay, mapangalagaan lamang ang mapandambong na interes ng Amerika.

Dekada ’60 pa, mga 100 na ang ahente ng CIA sa India, 34 sa Afghanistan, 15 sa Ceylon, 86 sa China, 72 sa Indonesia, 44 sa Burma, 80 sa Hongkong, 140 sa Japan, 26 sa Cambodia, 40 sa Laos, 11 sa Malaysia, 16 sa Nepal, 90 sa Timog Korea, 100 sa Thailand, 150 sa Vietnam, 85 sa Pilipinas, bukod pa sa mga 100 ahente sa iba pang mga bansa. Natural, sa paglipas ng mga panahon, lubos na naragdagan ang naturang bilang sa masidhing ambisyon ng Amerika na makontrol at mapagharian ang buong mundo. Sa Pilipinas ngayon, tinatayang mahigit sa 200 ang naglisaw na mga aso ng CIA, lalo na’t inihahanda na ang tanghalan ng malakarnabal na eleksiyon sa 2010 at, sa anumang paraan, dapat na manyikang de susi o papet ni Uncle Sam ang susunod na maupo sa inodoro ng kapangyarihan sa Malakanyang.

Maraming pangyayari nga sa ibang mga bansa ang pinaniniwalaang minaniobra ng mahiwaga at makapangyarihang kamay ng CIA. Nariyan, halimbawa, ang pagpatay kay Patrice Lumumba, unang Punong Ministro ng Congo, noong 1961. Nariyan ang pagpapabagsak sa maka-Komunistang rehimen diumano ni Sukarno ng Indonesia noong 1962 at pagluluklok sa poder kay Suharto na nagpakatuta sa Amerika. Nariyan ang pagpapatalsik sa makabayang rehimen ni Mohammed Mossadegh ng Iran noong 1953 hanggang sa mailagay sa kapangyarihan ang papet na si Shah Reza Pahlavi. Nariyan ang pagpatay kay Ngo Dinh Diem ng Vietnam (tinulungan muna ng CIA na maging presidente saka nilikida nang ayaw nang sumunod sa kagustuhan ng Amerika noong 1963). Malinaw din ang pagmamaniobra ng CIA sa kudeta sa Guatemala noong 1954 at pagpapatalsik sa kapangyarihan kay Francois “Papa Doc” Duvalier ng Haiti noong dekada ’60. Bukod sa mga nabanggit, hindi iilang ulit na ring pinagtangkaang patayin ng CIA sina Fidel Castro ng Cuba at Moammar Qaddafi ng Libya.

Sa mga naging lider na lamang ng Pilipinas, pinag-iisipan pa rin hanggang ngayon ng mga palasuri sa pandaigdig na pulitika na bahagi ng teroristang mga pakana ng CIA ang biglang pagkamatay ni Sen. Claro M Recto noong dekada ’50 sa Roma. Kilalang makabayan si Recto at mahigpit na kritiko ng imperyalistang mga patakaran ng Amerika sa Pilipinas matapos ang kolonyalismong Kastila. Sa isang piging sa Roma, bigla na lamang diumanong inatake sa puso si Recto gayong sinasabing wala siyang sakit sa puso. Tumibay ang paniniwalang nilason siya ng CIA.

Makabuluhan din, marahil, na banggitin ang nangyari kay dating Presidente Ramon Magsaysay. Batay sa aklat na “The Invisible Government” nina David Wise at Thomas Ross, lumilitaw na inalagaan at pinasikat ng CIA hanggang maging Presidente ng bansa ang mekanikong si Magsaysay sa ilalim ng pagmamaniobra ni Col. Edward Landsdale, hepe noon ng CIA sa Asya-Pasipiko. Iniluklok muna siyang kalihim ng Tanggulang Bansa at ginamit nang husto laban sa rebelyon ng mga Huk. Pero, nang Presidente na siya, at nagsisimulang sumuway sa kagustuhan ni Uncle Sam, bigla ngang bumagsak sa Mt. Manunggal ang sinasakyan niyang eroplanong pampangulo gayong lagi iyong sinusuri’t tinitiyak na ligtas bago paliparin at, makatuwirang isipin, pinakamahusay na piloto rin ang inaatasang magpalipad niyon.

Mahalaga ring sariwain kung paano niwawasak ng CIA ang gulugod ng unyonismong anti-Amerikano sa bansa. Noong 1968 na lamang, walang patumanggang pinatay si Resureccion Nazareno, presidente ng Clark Field Labor Union matapos ang isang malaking kilos-protesta laban sa mga opisyal ng base militar ng Amerika sa Clark Field, Pampanga. Pagkatapos, nang nasa kainitan ang welga ng mga empleyado sa Clark, bigla ring pinatay sa isang restawran si Konsehal Jose M. Roman, Jr. ng Angeles ng naturang probinsiya makaraang pamunuan ang dalawang matagumpay na demonstrasyon laban sa mga opisyal ng Clark at interes ng Amerika sa bansa.

Bukod sa mga nabanggit, malaki rin ang papel na ginampanan ng CIA, hindi ng Birhen ng Edsa, sa mapayapang pagpapatalsik sa diktadurang Marcos. Masugid na papet din ng Amerika si Marcos pero nang labis na umabuso sa kapangyarihan at tumindi na’t lumawak ang galit ng sambayanan, natakot ang Amerika na magkarebolusyon sa bansa at maluklok sa kapangyarihan ang mga makabayan, progresibo at sinasabing maka-kaliwa na, tiyak, ikawawasak ng lahat ng mapandambong na interes ng Amerika sa bansa. Ipinasiya nga ng mga diyus-diyosan sa Washington na maniobrahing patalsikin na si Marcos, palitan ng bagong papet na katanggap-tanggap sa mga mamamayan, kaya tinawagang “You better pack-up. No bloodshed!” nang nasa kasagsagan na ang Edsa 1. Helikopter nga ng Amerika ang sumundo sa Unang Pamilya at kanilang pangunahing mga basalyos sa Malakanyang at dinala sila sa Haway.

Ayon nga kay Blum, karaniwan na lamang ang tuwiran o di- tuwirang pakikialam ng Amerika — sa pamamagitan ng CIA — sa mga bansang gusto nitong kontrolin at gahasain gaya na nga lamang ng paghokus pokus sa mga eleksiyon. Kung kinakailangan pa, naglulunsad din ito ng lantarang agresyon tulad sa Iraq at Afghanistan madamay man ang inosenteng mga sibilyan sa pamamagitan ng paggamit ng mapamuksang mga sandatang kemikal at bayolohikal. Ibinunyag pa ni Blum na ang CIA ang nagmaniobrang ipakulong ng 28 taon si Nelson Mandela ng Aprika, gayundin ng dalawang tangkang pagpatay noon kay dating Presidente Jose Figueras ng Chile.

Maisulong nga lamang ang gahaman at mapang-aliping interes ng Amerika sa alinmang bansa, ginagawa ng CIA ang lahat — magpakalat ng mapanlinlang at baluktot na mga propaganda, mangidnap at pumatay, magpalaganap ng droga, magpahirap at manggipit ng itinuturing na mga kaaway, manabotahe sa makabayang pamahalaan, magsalamangka sa mga halalan, at magpakana ng kung anu-ano pang maruruming taktika para sa interes ni Uncle Sam. Katunayan, bukod sa Iraq at Afghanistan ngayon, tuluy-tuloy ang masugid na pagkilos ng CIA sa Libya at Iran, sa Syria at Hilagang Korea at iba pang mga bansang hindi nito basta mapilipit ang leeg para mangayupapa sa altar ng imperyalismong Amerikano.

Sapagkat lumalakas ngayon sa Pilipinas ang mga puwersang makabayan at progresibo, at tumitindi ang mga protesta kontra sa imperyalistang mga patakaran ng Amerika dito, makatuwiran nga lamang asahang mag-iibayo rin ang pagkilos, pagmamaniobra, mga pakana at pakikialam ng mga ahente ng CIA sa bansa. Asahan nang sasalamangkahin nito ang eleksiyon sa 2010 — kung hindi matagumpay na mailulunsad ang Cha-Cha sa Kongreso ng mga sirkero’t payaso — matiyak lamang na tuta ni Uncle Sam ang susunod na Presidente ng Republikang Mamon.

Opo, Virginia, opo, ngayon pa lamang ay paniwalaan mo na ito! Huwag mo nang sangguniin ang iyong horoscope araw-araw. #

Advertisement

Read Full Post »