Feeds:
Posts
Comments

Archive for June, 2009

Salonpas Para Sa Kanser


(Kolum — Hunyo 13, 2009)

SA KABILA ng lumalawak at tumitinding mga protesta ng iba’t ibang sektor ng sambayanan — bukod pa sa mga miyembro ng Senado na malinaw ang pansariling mga interes — laban sa iginigilgil na Con-Ass (Hole) o asamblea constituyente para baguhin ang umiiral na 1987 Konstitusyon ng bansa (tulad nang ginawa ng lehislatura ng Pransiya noong 1789-1791), at kahit napakakontrobersiyal na gawin ito kung Kamara lamang ang magsasagawa at lalabagin nito ang mga probisyon ng Konstitusyon ayon sa mga dalubhasa sa Saligang-Batas, lumilitaw na igigiit at igigiit pa rin ng masusugid na basalyos ni La Gloria sa Kongreso ang bagay na ito kahit pagbabambuhin pa ang kanilang mga ulo o kasuklaman man sila nang husto ng mulat na sambayanang Pilipino.

Natural, maliwanag ang posisyong ipinangangalandakan ng masusugid na tagahimod ng kuyukot ng Malakanyang: hindi isasaksak sa babaguhing Konstitusyon ang pagpapalawig sa termino ng panunungkulan ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo o ng sinuman pero, sa kabilang banda, gagawin namang parlamentaryo/pederal/may isang kapulungan ang sistema ng gobyerno, hindi na presidensiyal tulad nang umiiral ngayon. Samakatuwid, at malinaw na ang mga senyales, hindi imposibleng kumandidato si La Gloria bilang kongresista sa kanyang distrito sa Pampanga at, sapagkat, mayorya ng mga basalyos niya ang inaasahang miyembro ng mabubuong Parlamento at sila ang maghahalal ng Punong Ministro at seremonyal na Presidente ng Republikang Mamon, imposible pa bang maging Punong Ministro naman si La Gloria lalo’t masidhi ang ambisyon niyang makapangunyapit na parang tuko sa nakababaliw na kapangyarihan, impluwensiya’t pribilehiyo hanggang siya’y humihinga?

Napakatuso nga ngayon ang taktika ng mga diyus-diyosan ng balintunang lipunan. Una, isulong nang husto ang Cha-Cha o pagbabago sa Konstitusyon sa pamamagitan ng nilalarong asamblea constituyente o kahit kombensiyon konstitusyonal (tulad nang ginawa sa Philadelphia, USA noong 1787 o noong 1970 sa Pilipinas sa ilalim ng rehimeng Marcos). Masidhi nga ang pagisisikap na gawing parlamentaryo ang sistema ng gobyerno para maging Punong Ministro si La Gloria. Ikalawa, kung mabigong maisakatuparan ito bago mag-eleksiyon sa darating na Mayo 2010, kakandidato naman siyang kongresista ng Pampanga bilang paghahanda sa malililikhang parlamento dahil, sa anumang paraan, itutuloy at itutuloy pa rin ng mga basalyos niya ang pagsusulong sa Cha-Cha lalo na’t may basbas pa ito ng Amerika. {Gusto naman ng Amerika, sa dikta ng imperyalista nitong mga patakaran, na alisin sa babaguhing Konstitusyon ang mga limitasyon sa pagmamay-ari ng mga lupain at negosyo o mga korporasyon dito upang lubusan nang magahasa ang ekonomiya ng Republikang Mamon.) Ikatlo, at nakababahala, sukdulan nilang igigilgil sa Kongreso na mag-Cha-Cha na ngayon na, tiyak, magbubunsod at magpapasiklab ng higit pang mga protesta ng iba’t ibang sektor ng sambayanan na maaaring mauwi sa mga kaguluhan at karahasan sa buong bansa na pabor pa rin kay La Gloria sapagkat may katuwiran naman siyang ideklara ang Batas Militar (tulad nang ginawa noon ng yumaong diktador na si Marcos) at, samakatuwid, garantisadong mapapalawig ang pananatili niya sa poder — maliban na lamang kung magkudeta ang militar o matagumpay na magrebolusyon ang sambayanan.

Gayunpaman, batay sa takbo ng mga pangyayari ngayon, mukhang nakatuon na ang mata ng mga diyus-diyosan sa eleksiyong pampanguluhan sa Mayo 2010 at, kung hindi magkakagulo o SADYAING palaganapin ng mga salamangkero ang karahasan sa bansa upang maideklara ang Batas Militar, tiyak na ngang idaraos ang sarsuwela o malakarnabal na pagtatanghal ng bastardong mga pulitiko mga ilang buwan na lamang mula ngayon. Katunayan, nagkakarambola na ang mga nag-aambisyong maging kahalili ni La Gloria sa poder at, sa pamamagitan ng tuso o disimuladong mga pamamaraan, tulad ng mga bayad na anunsiyo sa telebisyon — sarili mang pera o pondo ng bayan ang ginastos — ibinabandila na nila ang kanilang mga pagmumukha at adhikaing “mapaglingkuran ang bayan” kahit hindi pa sila opisyal na kandidato at labag sa reglamento ng inutil na Comelec na mangampanya na sila ngayon pa lamang.

Pero, magka-eleksiyon man taun-taon, o malimit mang baguhin ang Konstitusyon ng bansa sa bawat panahon, malulunasan ba ang grabe nang mga sakit na panlipunan mulang doble-karang hustisya hanggang palsipikadong demokrasya kung ang uri pa ring naghahari-harian at mapagsamantala ang mamamahala at uugit sa bansa, lalo’t mahigpit nilang kontrolado o monopolyo nila ang pambansang pulitika’t ekonomiya? Sabi nga, natural lamang na puspusan nilang pangalagaan ang pansarili nilang mapandambong na mga interes sa kapinsalaan ng bayan at masang sambayanan.

Sa pagpapalit ng mga rehimen sa pamamagitan ng mga eleksiyon simula pa sa panahon ni dating Presidente Elpidio Quirino hanggang sa ngayon, o pagbabago man sa Konstitusyon tulad noong 1970, o sa pamamagitan ng Edsa 1 at Edsa 2, paulit-ulit na napatunayang salonpas lamang para sa kanser ang lahat ng ito. Malinaw na kinakasangkapan lamang ng uring naghahari-harian, ng mga elitista’t kinatawan ng oligarkiya at dayuhang mga interes ang suporta ng masang sambayanan at, pagkatapos na maluklok sa poder ang mga diyus-diyosan, agad nilang inilalampaso sa kubeta ng kapangyarihan ang pambansang kapakanan, lalo na nga ang nilulumot nang adhikain ng masang sambayanan na makalaya sa kabusabusan.

Wala ngang naganap, noon hanggang ngayon, na radikal na mga pagbabagong panlipunan. Lumulubha pa nga nang lumulubha ang disempleyo at karalitaan habang sumisidhi nang sumisidhi ang talamak at garapal na katiwalian ng mga nasa poder sa salapi ng bayan. Nananatiling dayukdok at busabos o inaalipin ng gahamang mga kapitalista ang uring manggagawa habang walang sawa silang nagtatampisaw at nagpapakabundat sa pawis at dugo ng mga ito. Nakatanikala pa rin sa lupa ng mga asendero’t propiyetaryo at kumain-dili ang mga magsasaka at ni hindi man lamang mabanaagan ang tunay na repormang agraryo habang masaganang nagpipiging at nagkakamot lamang ng bayag ang mga kinauukulan sa loob ng kani-kanilang alpombradong mansiyon at palasyo. Higit pang masama, paulit-ulit na itinitihaya at ibinubukaka ang Pilipinas ng nagririgodong pambansang liderato upang ipagahasa at ipalaspag ang ekonomiya’t pambansang kapakanan sa mapandambong na dayuhang mga interes, lalo na sa masibang imperyalistang mga patakaran ng Amerika.

Sa kabila ng mga kilusan para sa isang mapayapa, malinis at kapanipaniwalang eleksiyon, ano pa nga ba ang maaasahan ng bayan at masang sambayanan sa mga halalang tulad nito na lagi’t laging kinakatawan at pinaghaharian ng dati at dati ring mga diyus-diyosan sa umiiral na lipunan gayong lumilitaw na pasimuno pa ang mga ito ng inhustisya, bentador ng pambansang kapakanan, at masugid na mga kaaway ng lantay na katarungang panlipunan? Ano pa nga ba ang maaasahan din ng bayan at masang sambayanan sakaling baguhin man ang Konstitusyon kung ang magpapasok ng mga pagbabago ay ang naturan ding uri na dumadaloy na sa dugo at nakatanim na sa mga puson at puklo ang mapagsamantalang pribadong mga interes para sa kapakanan lamang ng kanilang uri? Sabi nga, hindi makalilikha ng banal na kasulatan ang grupo ng mga impakto!

Opo, Virginia, opo: magka-eleksiyon man araw-araw, baguhin man ang Konstitusyon oras-oras, hindi magkakaroon ng radikal na pambansang mga pagbabago — lalo na sa buhay ng masang sambayanan — hanggang hindi nababago ang napakasamang balangkas ng lipunang kontrolado lamang ng iilang naghahari-harian ang ekonomiya’t pulitika ng bansa. Hanggang hindi lantay na makabayan, makatao, makamasa, maka-Pilipino at progresibo ang hahawak sa renda ng pambansang kapangyarihan o hindi tangan ng masang sambayanan ang pampulitikang kapangyarihan, mananatiling salonpas lamang para sa kanser ang naturang mga proseso at mananatiling paghaharian ng kampon ng kadiliman ang pinakamamahal nating bayan.– #

Advertisement

Read Full Post »