(Maikling Kuwento — sinulat noong 1961 at ayaw ilathala ng komersiyal na mga magasin dahil brutal daw at hindi makatao ngunit malimit nang nangyayari ngayon.)
KANGINA, nang nakaupo pa si Andong sa harap ng simbahan ng Quiapo at nakalahad ang kanyang mga kamay sa naglisaw na mga taong waring nangalilito at hindi malaman ang patutunguhan, hindi niya naisip, kahit saglit, na lubhang nakahahabag ang kanyang kalagayan. Hindi dumalaw sa kanyang pang-unawa na sisimulan niya ang kinabukasan at marahil ang maraming-marami pang kinabukasang darating sa pagpapalimos sa pook ding iyon mulang umaga hanggang hapon.
Ngunit ngayong sibsib na at nagsisimula nang pumikit-dumilat ang neon lights sa mga gusali, at ang mga taong dati-rati’y huminto-lumakad sa mga bangketa, pumasok-lumabas sa mga restawran, sa mga tindahan, sa mga sinehan, ay nagmamadali nang umaagos patungo sa abangan ng mga sasakyan, saka iglap na lumatay sa diwa ni Andong ang katotohanang iyon; at bigla ang nadama niyang pagnanasa na ang gabi ay manatiling gabi magpakailanman at, kung maaari, ang kinabukasan ay huwag nang isilang.
Iniahon ni Andong sa kanang bulsa ng kanyang halos gula-gulanit nang pantalong maong ang mga baryang matagal din bago naipon doon; at wala siyang nadamang kasiyahan nang bilangin niya iyon, di tulad noon, di gaya kahapon, na kapag sumapit na ang gayong oras, ang kalansing ng mga baryang iyon ay nagdudulot sa kanya ng lakas at ng pananabik na makita agad ang magpipitong taong gulang na si Totong sa barungbarong na nakikipagsiksikan sa kapwa mga barungbarong na nangakalibing sa makalabas ng lungsod sa gilid ng kalawangin at malamig at mahabang-mahabang daangbakal na iyon.
Hindi niya malaman ngayon kung ano ang gagawin sa kanyang napagpalimusan. Dati-rati, inilalaan niya ang apat na piso sa kanilang hapunan at almusalan ni Totong kung hindi siya makahingi ng tira-tirahang pagkain ng mga nagpapakabundat sa mga restawran. Ibinibili niya ng pansit ang dalawang piso sa maliit na restawran ng Intsik na malapit sa palengke ng Quiapo at pandesal naman ang piso sa panaderyang nasa gilid ng tulay. Naitatago pa niya ang natitirang piso kung nahahabag ang konduktor ng bus na sinasasakyan niya na siya’y singilin pa. At ang labis sa kanyang napagpalimusan ay isasama niya sa mataas-taas na ring salansan ng mga barya sa loob ng munting baul na nasa pinakasulok ng kanyang barungbarong. Kung malaki-laki na ang halaga ng laman ng baul na iyon, nagtutungo siya sa Central Market at bumibili ng pinakamurang damit na itinitinda roon — para kay Totong, para kay Aling Petra na kalapit-barungbarong niya na tagapag-alaga ni Totong kung siya’y wala.
Tinungo niya ang kaliwang sulok ng simbahan; at umupo roon, at isinandal ang butuhan na niyang katawan sa makapal, marusing at malamig na pader nito. Naisip niya, laging madilim ang gabi sa daangbakal; halos anag-ag na lamang ang sinag ng pag-asa. Tinatanglawan lamang iyon ng nag-indak-indak na ningas ng mga gasera sa pusod ng mga barungbarong. Parang nais niyang sa bakuran na ng simbahan magpahatinggabi, panoorin ang unti-unting paglugmok ng gabi — ang pagkikindatan ng mga neon lights sa mukha ng mga gusali, ang pagnipis ng magulong prusisyon ng mga sasakyan sa kahabaan ng Quezon Boulevard, at ang pagdalang ng mga nilikhang lamunin-iluwa ng mga bunganga ng underpass. Mabuti pang doon na siya hamigin ng gabi, doon na siya bayaang matulog at makalimot at, kung maaari nga lamang, ang iluluwal na umaga ay huwag na niyang makita magpakailanman.
Lumalamig ang gabi, at sa kalangitan ang maiitim na ulap ay naghahabulan. Alam niyang maaaring biglang umulan, at alam din niyang masama siyang maulanan at malamigan. Mula noong sumuka siya ng dugo nang pasan-pasan niya sa palengke ng Paco ang isang malaking tablang kahon na puno ng patatas, malimit na siyang dalahitin ng ubo na naging dahilan ng pagkumpis ng dati’y bilugan at malaman niyang dibdib, ng paghumpak ng kanyang pisngi, at pagiging buto’t balat ng kanyang mga braso, at siya’y hindi na nakapagkargador. At marahil, dahil napaggugutom na si Tasya at hirap na hirap na sa paglalabada, at malimit pa silang mag-away, nilayasan siya nito isang gabi, iniwan ang noon ay mag-aanim na taong gulang lamang na si Totong. At magdadalawang buwan na, nabalitaan niya, mula sa isang kakilala, na ang kinakasama ngayon ni Tasya ay isang tsuper ng bus na nagyayao’t dito sa Maynila at Laguna.
MATAGAL na namalagi si Andong sa sulok na iyon ng simbahan, hanggang sa mapansin niyang ang sementadong bakuran nito ay inulila na ng mga paang kangina ay langkay-langkay na nagsalasalabat at nangagmamadali. Sinalat-salat niya ang mga baryang nasa bulsa ng kanyang pantalon. Malamig na malamig ang mga baryang iyon. Kasinglamig ng malapit nang pumanaw na gabi, kasinglamig ng pangungulila niya kay Tasya, at kasinglamig din ng pagdaralitang matagal nang nakayakap sa kanya. At naramdaman niyang nagiginaw ang kanyang kaluluwa, naghahanap ng timbulan, ng saglit na kaligayahan, at saglit na kapayapaan.
Humihiwa sa kanyang kamalayan ang katotohanan na mga ilang oras pa at madaling-araw na at, hindi niya maunawaan, tumitindi ang kanyang pagnanasang huwag nang makita ang umaga, at ang mga baryang nasa kanyang bulsa ay huwag nang sikatan ng araw na nasa bulsa pa rin niya. Ibig niya ngayong galugarin ang lungsod, lumakad nang lumakad, at mapadpad siya kahit saan. Ibig niyang matagpuan ang kapayapaan, kahit sa dilim ng naghihingalong gabi, kahit sa tabi ng umaalingasaw na mga basurahan, kahit sa madidilim at makikipot at mababahong mga eskinita, o kahit sa nagbabanta nang mga patak ng ulan.
Madilim na madilim na sa kalangitan, at walang maaninaw si Andong ni isa mang bituin. Lumabas siya sa bakuran ng simbahan. Parang wala sa sariling tinumbok niya ang kalye Evangelista. Saglit siyang huminto sa panulukan, at inaninaw niya ang mga mukha ng dalawang batang lalaking magkasiping sa loob ng munting kariton. At naalaala niya si Totong. Kangina pa naghihintay si Totong… natutulog na marahil si Totong.
Ginaygay niya ang bangketa, at sa suluk-sulok, hindi iilang pagal na katawan ng mga bata at matanda ang inilugmok ng gabi sa pira-pirasong karton at pinagtagni-tagning diyaryo. Lalong humihiwa sa kanyang kamalayan ang kahabag-habag niyang kalagayan. At, naisip niya, hindi na marahil magtatagal, igugupo siya ng kanyang karamdaman.
Bakit kinakailangan pa niyang mangarap nang mangarap? Masarap mangarap, ngunit mapait kung alam mong hindi na matutupad. Paano si Totong kung wala na siya?
At nang lumiko siya sa isang panulukan, isang binatilyo ang sumulpot sa dilim, lumapit sa kanya, at may inianas. At bigla ang pagbabangon ng damdaming sumuno sa kumpis nang dibdib ni Andong.
Bakit wala si Tasya?
At hindi niya maunawaan kung bakit sa kalagayan niyang iyon, nakuha pang sumuno ang damdaming iyon. Marahil, sapagkat siya’y may puso, may utak, may laman at buto at dugo. Huminto siya at inaninaw niya sa manipis na karimlan ang mukha ng binatilyo. Sinalat-salat niya ang mga baryang nasa kanyang bulsa at nang maisip niyang pinagpalimusan niya iyon, iglap na lumusob sa kanya ang di mawaring paghihimagsik.
“Magkano?”
Ngumisi ang binatilyo at itinaas ang kanang palad na nakatikom ang hinlalaki at nakaunat ang apat na daliri.
Iniahong lahat ni Andong sa bulsa ng kanyang pantalon ang mga baryang naroroon, dalawang ulit niyang dinaklot at iniabot sa binatilyo. Nagkislap-kislap ang mga baryang iyon nang bilangin ng binatilyo sa tama ng liwanag ng bombilya ng posteng malapit sa panulukan.
“Sobra ho ito,” sabi ng binatilyo.
“Iyo na.” Paos ang tinig ni Andong.
Magkasunod na nilamon ng madilim at makipot na eskinita na nasa pagitan ng dalawang lumang aksesorya ang yayat na kabuuan ni Andong at ng binatilyo. Tinalunton nila ang nagpuputik na eskinitang iyon hanggang sa sumapit sila sa kalagitnaan. Huminto ang binatilyo, at huminto rin si Andong.
Sa manipis na karimlan, nabanaagan niya ang ilang babaing magkakatabing nakaupo sa bungad ng isang pinto ng aksesorya. Pumako ang tingin ng mga iyon sa kanya at naghagikhikan.
Bakit wala si Tasya? Ibig niyang makita, himasin ang mukha ni Tasya. Ibig niyang madama ang init ng katawan ni Tasya.
Itinuro niya ang babaing nasa gilid ng pinto. Tumayo ang babaing iyon. Payat iyon, mataas, manipis ang labi, singkit, pango. Sumunod siya nang pumasok ang babae sa aksesorya at, sa ulunan ng radyo-ponograpong hindi tumutugtog, nakapako sa dinding ang karatulang tisa na may pulang mga titik na GOD BLESS OUR HOME.
At dinalahit ng ubo si Andong nang lumabas siya sa silid na iyong marusing at marumi at may kakaibang alingasaw at nakakalatan ng lukut-lukot na tissue paper ang mahina nang suwelong tabla. At sumanib sa sunud-sunod na pag-ubo ni Andong ang matinis na halakhak ng mga babaing nasa bungad ng pinto ng aksesorya.
MALAMIG at madilim at malungkot ang daangbakal at, sa langit, ang bunton ng makakapal at maiitim na ulap ay bibitin-bitin na lamang sa kalawakan. Ang madaling-araw ay nailuwal na ng gabing nagdaan, ngunit madilim na madilim pa at waring hindi na daratal pa ang umaga.
Kumislot si Totong nang pumasok si Andong sa barungbarong. Ibig pa niyang lumakad nang lumakad hanggang sumisigid sa kanyang kaluluwa ang lamig ng pagdaralitang hindi niya matakasan, at isasama niya si Totong upang hanapin nila ang kapayapaan, kahit sa malalaki at masinsing patak ng ulan na ngayon ay naglagi-lagitik sa kalawanging bubong ng mga barungbarong.
“Totong,” paos ang tinig ni Andong.
Dumilat si Totong, kinusut-kusot ang mga mata, tumingin sa malamlam at waring namamaalam na ningas ng gasera.
“Totong,” lumuhod si Andong sa tabi ng anak at hinimas ang payat na kabuuan ni Totong.
Bumangon si Totong.
“Me uwi kang pansit, ‘Tay?” Iginala ni Totong ang tingin sa kabuuan ng nagiginaw na barungbarong, lumungkot ang mukha nito nang mapansing walang nakapatong na supot sa mesitang yari sa pinagputul-putol na tabla.
Nangilid ang luha ni Andong.
“Ba’t ‘ala kang uwing pansit ngayon, ‘Tay? Kahapon, saka noon pa, lagi kang me uwi. Ba’t ‘ala kang uwi ngayon, ha, ‘Tay?
“Bibili tayo.”
“Senga, ha, ‘Tay?” Namilog ang mga mata ni Totong.
Tumango si Andong.
“Kelan?” Nangulimlim ang mukha ni Totong.
“Ngayon.”
Napalundag si Totong.
“Saka pandesal, ha, ‘Tay! Saka ‘yong tulad nang uwi mo noong ‘sang gabi, ‘yon bang masarap, ‘yong me lamang keso!”
Hinawakan ni Andong ang kamay ni Totong. Inakay niya ito palabas ng barungbarong. Sa labas, ang ulan ay patuloy sa malakas na pagbuhos. Ang mga barungbarong ay nagiginaw, nagsisiksikan, at waring hindi kayang bigyang-init ng nag-indak-indak na ningas ng mga gasera. Sa diwa ni Andong, nagtutumining ang isang kapasiyahan.
Masarap mangarap, ngunit mapait kung alam mong hindi na matutupad.
“Umuulan, ‘Tay. Maliligo tayo sa ulan, ‘Tay? Tuwang-tuwa si Totong.
Dinalahit ng ubo si Andong paglabas nila ng barungbarong, sunud-sunod, mahahaba. Humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ni Totong. Nagsayaw-sayaw sa kanyang katawan ang malamig na malamig na patak ng ulan. Waring nananangis ang mga bubungang yero ng mga barungbarong, tumututol sa sunud-sunod, nagmamadaling mga patak ng hindi masawatang ulan.
Uubu-ubo, pahapay-hapay na inakay ni Andong si Totong. Sumampa sila sa daangbakal. Lumuksu-lukso pa si Totong, nilalaru-laro ang masinsing mga patak ng ulan,. Tinalunton nila ang riles na iyong hindi alam ni Andong ang puno at dulo.
“Malayo pa, ‘Tay? Sa’n me tindang pansit, ha?” mayamaya’y tanong ni Totong.
“Ma…malapit na, Totong.” Pamuling dinalahit ng ubo si Andong, at lalong humihiwa sa kanyang kamalayan ang kahabag-habag niyang kalagayan.
Nagpatuloy sila sa paglakad. Lalong lumalakas ang ulan. Lalong tumitindi ang pagnanasa ni Andong na huwag nang makita ang umaga, at ang maraming-marami pang umagang darating.
Darating na ang kapaypaan… darating na iyon.
“Malayo pa ba, ha, ‘Tay?” pamuling tanong ni Totong. “Gutom na ‘ko, ‘Tay. Pansit, ha, saka ‘yong me palamang keso.”
Hindi sumagot si Andong. Naramdaman niya na waring hinahalukay ang kanyang dibdib, nagsisikip. Nangangati ang kanyang lalamunan. Muli siyang inubo, tuyot, sunud-sunod, mahahaba, at waring hindi na niya kayang magpatuloy sa paglakad. Napaupo siya sa riles, hawak-hawak pa rin niya ang kamay ni Totong at, kahit nanlalabo ang kanyang paningin, nababanaagan niya ang malungkot nang mukha ni Totong; nagtatanong ang mga mata nito, kukurap-kurap.
Yumayanig na ang riles, naramdaman ni Andong, at humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ni Totong. Tumingin siya sa pinagmumulan ng dagundong ngunit madilim pa, kahit mag-uumaga na. Ang kalawakan ay lalong pinadidilim ng masinsin at malalaking patak ng ulan na waring galak na galak sa pagbuhos.
Sa malayo, ang dagundong ng tren ay papalapit, papalakas. Yumupyop na si Totong sa tabi ni Andong.
‘Tay, uwi na tayo! ‘Yoko na sa ulan. ‘Yoko na ng pansit,” parang maiiyak si Totong.
Rikitik…rikitik…rikitik…wooo… wooo!
Papalapit iyon, papalakas, papabilis.
Dumapa si Andong sa riles ng tren. Patuloy siyang dinadalahit ng ubo. Naramdaman niyang nagwawala si Totong sa kanyang pagkakahawak.
Rikitik…rikitik…rikitik…rikitik…woooo…woooo!
“‘Tay!”
Nilamon lamang ng malakas na malakas nang dagundong ng tren ang sigaw ni Totong. Nagdudumilat sa harapan ang dalawang ilaw ng rumaragasang tren.
Read Full Post »