Feeds:
Posts
Comments

Archive for September, 2009

Fidel Castro: Rebolusyonaryo


(Lathalain)

SA pamamagitan ng isang nakatagong estasyon ng radyo sa kabundukan ng Sierra Maestra, madamdamin at maalab na nagtatalumpati ang rebolusyonaryong si Fidel Castro. Hinihimok niya ang mga mamamayan ng Cuba na puspusang kumilos at tuluyan nang maghimagsik para wakasan ang kasumpa-sumpang diktatoryal na rehimen ni Fulgencio Batista. Bilang protesta at isang paraan ng paglaban sa malupit, marahas, mapanikil at mapandambong na rehimeng iyong kasabuwat ng lokal na malalaking kapitalista’t asendero at ng dayuhang interes, inuudyukan niya ang mga Cubano na sunugin ang lahat ng tubuhan doon at, habang binibigyang-diin niya iyon, binulungan siya ni Ernesto “Che” Guevara, isang doktor mula sa Argentina na umanib sa isinulong na rebolusyon ni Fidel: “Sabihin mo… ang unang sunugin ay ang tubuhan ninyo.” Hindi nag-atubili si Fidel at madiin at mataginting na sinabi: “Ang una ninyong sunugin ay ang tubuhan namin!” At parang apoy na kumalat sa tuyong talahiban ang suportang inani ni Fidel mula sa masang sambayanang Cubano.

Hindi matatawaran noon ang matapat na layunin at dedikasyon ni Fidel Castro na palayain ang masang sambayanang Cubano hindi lamang sa diktatoryal na rehimen ni Batista, kundi maging sa iba pang mga puwersang umaalipin o bumubusabos sa kanila, una na sa mapandambong na interes ng imperyalismong Amerikano at, gayundin, sa pagsasamantala at inhustisya ng iilang diyus-diyosan sa lipunan — mga makasariling pulitiko, mga tusong asendero/komprador at ganid na malalaking kapitalista/negosyante na pawang kasabuwat ng naghaharing rehimen — at maitatag, sa wakas, sa buong Cuba ang isang mapayapa, maunlad at sosyalistang lipunan para sa kapakanan ng higit na nakararaming ordinaryong mga mamamayan. Sabi nga ni Fidel: “Naniniwala akong naririto ang bansa hindi para sa esklusibong kapakinabangan at pribilehiyo ng iilan, kundi ito’y para sa lahat.”

Sa panahong iyon — gaya rin sa Pilipinas ngayon — nakita ni Fidel ang maliwanag na pambansang kalagayan ng Cuba: “Sawang-sawa na ang mga campesino (peasant) sa mga talumpati at pangakong reporma sa lupa. Alam nilang walang maaasahang anuman mula sa mga pulitiko. Alam ng isang milyon at limandaang libong mga Cubanong walang trabaho bunga ng kainutilan, kasuwapangan at kakulangan ng bisyon ng lahat ng masamang gobyernong dinaanan natin, na walang dapat asahan mula sa mga pulitiko. Alam din ng libu-libong pasyenteng walang kama ni gamot sa mga ospital na talagang walang maaasahan mula sa mga pulitikong sinusuyo ang kanilang boto kapalit ng mumunting pabor — mga pulitikong nabubuhay ang mga negosyo sa tangkilik ng mga maralitang nililimusan ng mga ito ng kaunting halaga kapag halalan.

“Alam din ng daan-daang  libong mga pamilyang nakatira sa mga dampa, sa anumang masisilungan, sa mga bakanteng lote, o nagbabayad ng napakataas na renta sa inuupahang tirahan na wala silang maaasahang anuman mula sa mga pulitiko; alam din ito ng mga manggagawang pantawid-gutom lamang ang suweldo, na ang mga anak ay walang damit ni sapatos na pamasok sa eskuwela; alam din ito ng mga mamamayang nagbabayad ng kuryenteng  may napakataas na presyo kaysa halaga nito sa alinmang bansa sa mundo, o matagal nang nagpapakabit ng telepono pero wala pa rin hanggang ngayon at, sa huli, alam ito ng mga nagdusa o patuloy na nagdurusa dahil sa kanilang matagal nang miserableng kalagayan.

“Alam ng mga mamamayan na daan-daang  milyong piso ang inilalabas sa bansa ng dayuhang mga korporasyon, gayundin ang daan-daang milyong pisong  dinambong ng mga mandurugas, saka ang limpak-limpak na halagang nakulimbat ng mga kinauukulan dahil sa katiwalian ng libu-libong parasitong wala namang nagawang mabuting serbisyo o naiambag na anuman para sa komunidad. xxxx Kung hindi sa mga nabanggit, maaaring ang Cuba ay maging isa sa pinakamaunlad at pinakamayamang bansa sa Amerika, walang mandarayuhan sa ibang bansa, walang disempleyo, walang halos mamatay sa gutom, walang maysakit na walang mahigaang kama, walang hindi marunong bumasa’t sumulat, at walang mga pulubi.”

Binigyang-diin pa ni Fidel: “Matagal na tayong nakikibaka laban sa gang ng mga pulitikong malinaw na walang malasakit o interes na magkaroon ng radikal na pagbabago sa bansa at, sa halip, ibinubulid pa nila ito nang husto sa kamatayan sa pamamagitan ng balintunang mga patakaran gayong labis-labis na mga biyaya ang kaakibat ng mga puwesto sa lehislatura, at ang matataas na poder na pampulitika, kakambal ang limpak-limpak na grasya, ay ginagawang panghabang-buhay o maaari kayang ipamana pa. Nakikibaka tayo laban sa mga intriga at maniobra ng mga taong nagsisipagsalita sa ngalan ng sambayanan pero wala namang malasakit  sa mga mamamayan; nakikibaka tayo laban sa bulaang mga propetang nangangalandakan laban sa rebolusyon sa ngalan ng kapayapaan gayong, sa kabilang banda, kinakalimutan nilang sa mga tahanan ay namumugad ang gutom at pangamba, at wala namang kapayapaan sa nagdaang mga taon.”

Idinagdag pa ni Fidel na “nilalason” lamang ng mga pulitiko ang kaisipan ng mga mamamayan, lalo na nga sa panahon ng halalan, sa pamamagitan ng kanilang madamdaming mga buladas at pangako pero, sa kabila ng nagdaang mga taon, hindi naman nalunasan at naputol ang ugat ng panlipunang mga problema. Sa halip, ang ibinunga pa’y “nakapanghihilakbot na pagdurusa ng mga campesino at karalitaan ng mga lungsod industriyal.” Ibinunga ng hokus pokus ng mga pulitiko ang “libu-libong pamilyang wala ni kapirasong lupa at milyun-milyong mga walang trabaho” samantala, sa kabilang banda, naglulublob sa kayamanan at karangyaan, mga propiyedad at palasyo, ang mga pulitiko. “Nariyan pa ang mga salaping dinambong, pinuhunan sa negosyo sa Cuba, sa Estados Unidos, at sa buong mundo” habang dayukdok ang masang sambayanan, dugtong pa nga ni Fidel.

Ano nga ba ang ipinagkaiba pa ng Cuba noon sa Pilipinas ngayon?

Napatalsik nga sa poder ang diktador na si Fulgencio Batista sa pamamagitan ng rebolusyong pinamunuan nina Fidel Castro, Che Guevara, Camilo Cienfuegos, at iba pang magigiting na rebolusyonaryo sa Cuba at, pagkatapos, pinairal doon ang sistemang sosyalista na nagtaguyod sa radikal na mga pagbabagong panlipunan, mulang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa, paglilinis sa gobyerno sa dating talamak na katiwalian, at pagpapairal ng pantay na katarungan para sa lahat, hanggang sa pangangalaga sa mga karapatang sibil ng sambayanan.

Sa kabila ng embargong pinairal ng Estados Unidos laban sa Cuba, lalo na sa larangang pang-ekonomiya, hindi sumuko hanggang ngayon ang naturang bansa sa imperyalistang mga patakaran ni Uncle Sam at hindi napakasangkapan si Fidel o nagpakatuta sa mga kagustuhan nito. Kahit sinasabing ang Cuba ang tanging bansa sa kanlurang bahagi ng mundo na hindi yumakap sa isinusulong na demokrasyang tatak-Amerika, at sa buong panahon ng rebolusyon sa Cuba mulang 1959 magpahanggang ngayon, hindi nasaksihan sa naturang bansa ang walang patumanggang paglabag sa mga karapatang pantao, ayon kay William Blum sa kanyang aklat na Rogue State. at inamin ito ng administrasyon ni dating Presidente Bill Clinton ng Estados Unidos. Sa buong Amerika Latina, nasaksihan ang kabi-kabila at garapalang paglabag sa naturang mga karapatan — “sistematiko, mga labis na pagpapahirap o tortyur, libu-libong mamamayang nangawala na lamang o desaparecidos;at gobyerno pa ang nagtataguyod sa tinatawag na mga ‘death squads’ at pagdampot sa mga itinuturing na kritiko’t kalaban ng pamahalaan; nariyan din ang pagmasaker sa mga campesino, estudyante at iba pang grupo. Pinakamasidhi pang nagsagawa nang gayon ang mga militar at kaugnay na mga tropang mamamatay-tao sa El Salvador, Guatemala, Brazil, Argentina, Chile, Colombia, Peru, Mexico, Uruguay, Haiti at Honduras pero hindi sa Cuba,” sabi pa ni Blum. Hindi naiparatang sa gobyerno ni Castro maging ng mga pinakamahigpit na kaaway ng Cuba ang gayong mga paglabag sa karapatang pantao. Sa larangan ng edukasyon at kalusugan ng mga mamamayan na isinulong ng UN (United Nations), isa ang Cuba sa may pinakamagandang rekord sa buong Amerika Latina hinggil sa pangangalaga sa mga karapatang pantao, ayon pa nga kay dating Presidente Clinton ng Estados Unidos.

Sa Pilipinas naman, sa pamamagitan ng malawakang protesta ng disgustadong mga mamamayan na naglundo sa tinatawag na EDSA 1 (hindi rebolusyon sa aba naming palagay), naibagsak nga noong Pebrero 1986 ang diktatoryal na rehimeng Marcos na pinagharian ng kabi-kabilang katiwalian at pandarambong sa pondo ng bayan, bukod sa walang patumanggang mga paglabag ng mismong Estado sa mga karapatang sibil ng mga mamamayan, at garapalang pagsalaula pa nito sa demokratikong mga proseso gaya ng mga nangyari sa Cuba sa ilalim ng rehimen ng diktador na si Fulgencio Batista.

Napatalsik nga sa poder ang diktadurang Marcos pero, masakit at nakalulungkot, wala namang naipasok at napairal na radikal na mga pagbabagong panlipunan ang humaliling demokratiko diumanong mga rehimen mula kay Tita Cory hanggang  kay La Gloria at maging kay P-Noy ngayon.  Sumidhi pa nga ang dati nang mga grabeng sakit na panlipunan — talamak na katiwalian sa burukrasya, paghimod ng pambansang liderato sa kuyukot ng dayuhang mga interes, paghahari ng mga dinastiyang pampulitika, paglabag sa Konstitusyon at pagsalaula at paninikil sa lehitimong mga karapatan ng mga mamamayan lalo na laban sa mga kritiko at kalaban sa pulitika ng umiiral na rehimen at, gayundin, laban sa mga puwersang makabayan at progresibo na patuloy na humihingi ng pambansang papagbabago na, di nga kasi, marami na ang kinasuhan, dinukot, labis na pinahirapan, ibinilanggo, nangawala na lamang at sukat at, higit na kasuklam-suklam, basta na lamang pinatay ang iba. (Tingnan na lamang ang datos ng grupong KARAPATAN kaugnay nito.)

Nanatiling palsipikado pa nga ang reporma sa lupa, dayukdok ang masang sambayanan, kumain-dili ang pamilya ng mga manggagawa’t magsasaka’t mangingisda at iba pang ordinaryong mga mamamayan na pawang biktima ng mapambusabos na sistemang kapitalista at ng iilang mga diyus-diyosan sa lipunan. Dahil sa kawalan ng oportunidad sa sariling bansa bunga na rin ng balintuna at makadayuhang mga patakaran ng gobyerno, lumulubha nang lumulubha ang migrasyon ng mga manggagawang Plipino saanmang sulok ng mundo sila itaboy ng marahas na hangin ng disempleyo’t karalitaan at napakamiserable nilang buhay.

Sa kabilang banda naman, nagtatampisaw sa pondo ng bayan, sa pawis at dugo ng mga mamamayan, at naglulublob sa grasya’t pribilehiyo at karangyaaan ang makasariling mga pulitikong nasa kapangyarihan ibenta man nila at ipagkanulo ang pambansang kapakanan. Kung tutuusin, karamihan sa kanila ang promotor pa ng inhustisya laban sa patuloy na binubusabos na masang sambayanan. Ang Pilipinas nga ngayon ang Cuba noon ni Fidel.

Sa gayong mga pulitiko, ano pa nga ba ang dapat asahan ng masang sambayanan? Sino sa mga pulitiko-asendero ang tandisang mangungunang boluntaryong ipailalim sa reporma sa lupa ang malawak niyang asyenda? Si Noynoy Aquino ba at Mar Roxas at mga kauri nila? Sino sa mga pulitiko-kapitalista-negosyante ang kusang-loob na itataas ang miserableng suweldo ng kanyang mga manggagawa upang mahango ang mga ito sa kaalipinan? Si Manny Villar ba at mga kagaya niya? Sino sa mga pulitiko ang mangangalaga at isusulong ang tunay na kalayaan at soberanya ng Pilipinas laban sa imperyalistang mga bansa tulad ng Amerika? Si Gilbert Teodoro ba na, batay sa kanyang mga pahayag, ay nangangayupapa na sa kagustuhan ni Uncle Sam, o ng iba pang mga pulitikong noon pa man, hanggang ngayon, ay tagapangalaga na ng interes ng Estados Unidos, pampulitika man o pang-ekonomiya, dito sa Republikang Mamon? Sino sa mga lider-pulitiko ang ganap na susugpo sa katiwalian sa burukrasya? Si Erap Estrada ba? Sino pa ba sa gang ng mga pulitiko ang hindi tiwali at walang bahid-dungis ng korupsiyon habang nasa poder? Si P-Noy ba at ang kanyang masusugid na basalyos?

O, Diyos ni Abraham, may aasahan pa nga ba mula sa kawan ng mga pulitiko ngayon ang masang sambayanan para sa tunay na pambansang kapakanan? Sa mga lider-pulitiko sa Pilipinas, may isa bang Fidel Castro, ang rebolusyonaryo, na matapos iluklok sa poder ay pinagsikapan namang baguhin ang napakasamang kalagayan noon ng Cuba at ng sambayanang Cubano sa pamamagitan ng pagpapairal ng radikal na mga pagbabagong panlipunan tungo sa pambansang katubusan mula sa kamay ng uring mapagsamantala’t mapang-alipin at mapaghari-harian? Sino sa naghambalang na mga pulitiko ang tunay na magtataguyod sa pambansang kapakanan — hindi ng kanilang mala-imbudong bulsa at pansariling mga interes — o totoo nga kaya, gaya nang ipinaratang ni Padre Jose Burgos sa panahon pa man ng kolonyalismong Kastila, na “ipinanganganak na parang lumot ang mga pulitikong ito sa kahihiyan at kapinsalaan ng bayan?” — #

(Mula ang ilang datos sa “Fidel Castro: Rebel-Liberator or Dictator?” ni Jules Dubois, March 1959)

Read Full Post »