Feeds:
Posts
Comments

Archive for October, 2009

Sino Ang Mga Dapat Parusahan?


(Kolum)

NAKALULUNOS ang serye ng mga larawang bumulaga sa telebisyon sa kasagsagan ng mga pagbaha sa Kamaynilaan at iba pang panig ng kapuluan bunga ng mga bagyong Ondoy at Pepeng. Para iyong mga eksena ng malagim na pelikulang nagsasalimbayan sa balintataw at mahirap basta-basta mabura sa gunita — mga bangkay na natabunan ng gumuhong mga bato at putik o nilunod kaya ng rumaragasang mga pagbaha, mga bahay na nawasak, mga pananim na ganap na napinsala, mga mukha ng gutom at dalamhati sa bubong ng mga bahay, mga musmos na nag-iiyakan, mga sumagasa sa baha malimusan lamang ng anumang tulong, mga lupasay na katawan ng mga taong nagsisiksikang parang mga sardinas sa mga sentrong-likasan, at mga nakaligtas nga ngunit wala namang mga ari-arian at kabuhayang maaaring balikan.

Nakakaantig din naman ng damdamin, at dapat mataos na pasalamatan at saluduhan, ang pagdagsa ng kung anu-anong tulong sa mga napinsala — pera, pagkain, damit, gamot, at iba pa — mula sa iba’t ibang sektor ng sambayanan, lalo na mula sa mismong masa o ordinaryong mga mamamayang laging handang dumamay sa mga kapwa nila maralita o kapus-palad. Kapuri-puri rin ang pagkilos ng mga kapwa Pilipino sa iba’t ibang bansa na nagpaabot ng anumang makakayanan upang makatighaw man lamang, kahit bahagya, sa pagdurusa ng mga biktima ng malagim na pagbaha.

Nakasusuka naman, at nakasusulak ng dugo, sa kabilang banda, ang mga buladas at pagpapabida sa harap ng gumigiling na kamera ng telebisyon ng mga opisyal ng pamahalaan, sa pangunguna ni La Gloria, habang ibinabandila ang mga pagpupulong at talakayan at ang ipinagdadakdakang mga nagawa na at mga hakbang na dapat gawin agad upang malunasan diumano, at mahadlangan sa hinaharap, ang grabeng mga kapinsalaan at problemang idinulot ng naturang trahedya. May mga pasiklab na imbestigasyon pa nga sa Kongreso upang linawin kung sino ang nagpabaya o nagkasala — at dapat managot, sa aba naming palagay, sa sambayanan: paupuin kaya sa silya-elektrika o lunurin sa baha o habangbuhay na bulukin sa bilangguan– upang makatighaw man lamang sa pagdurusang umaalipin pa rin hanggang ngayon sa mga naging biktima. Sa kabila ng magandang imaheng pilit na ipinipinta ng mga awtoridad sa mata ng opinyon publiko, halatang-halata namang naghuhugas-kamay sila sa mga nangyari, nagsasa-makabagong mga Pilato gayong, kung tutuusin, matagal na nilang ipinapako sa krus ang masang sambayanan dahil sa kanilang mga kapabayaan, katiwalian at kainutilan.

Sabi nga, magkumahog man sila ngayon sa paglalapat ng mga solusyon, huling-huli na ang lahat at patay na ang kabayo bago pa dumating ang kakaining pulot at damo. Noon pa mang nagdaang mga rehimen, at pati nga ngayon, naipon at nagkapatung-patong na ang mga kasalanan ng kinauukulang mga opisyal ng gobyerno. Hindi man lamang pinag-aralang mabuti ang magiging epekto sa kalapit na mga komunidad, maraming tusong mga negosyante ang agarang pinagkalooban ng mga konsesyon sa pagtrotroso at, higit na masama, ibinasura lamang at hindi mahigpit na ipinatupad ang batas laban sa ilegal na pagtotroso na, kalimitan,kasabuwat pa o protektado pa ng bastardo’t gahaman at makapangyarihang mga pulitiko ang grupo o kompanya ng mga ilegal na nagtotroso.

Bilang pangangayupapa sa dayuhang mga korporasyon, at wala ring masusing pag-aaral, pinahintulutan din ang walang habas na pagmimina sa maraming kabundukan ng Republikang Mamon kaya lalong lumalala ang pagkawasak ng kalikasan. Idagdag pa nga, dahil sa nakaugaliang “lagay” o suhol at walang malinaw na pagpaplano o tinatawag na “zoning,” sinertipikahan ng tiwaling mga opisyal na industriyal ang talagang lupaing agrikultural kaya nagsulputang parang mga kabute sa mga dating palayan at maisan, lalo na sa Gitnang Luson at Timog Katagalugan, ang naghambalang na mga pabrika’t subdibisyon.

Higit na masama, hinawan at pinatag upang gawin ding subdibisyon maging ang makahoy na dalisdis ng mga bundok at dating mga burol, na mabisang pumipigil noon sa mga pagbaha. Nariyan din ang kumipot at bumabaw na mga ilog, kanal at estero na daluyan ng tubig tungo sa karagatan. Bagaman, sa kabilang banda, may inilalaang malaking pondo para sa paglilinis at pagpapalalim sa naturang mga daluyan ng tubig, pinabayaan lamang ito ng mga henyo sa DPWH (Dept. of Public Works & Highways) o kung kumilos man sila ay pakitang-gilas lamang, kaya patuloy pang naging tapunan ito ng mga basura o sinasarahan o binabarahan kaya ng nagsulputan pang mga bahay. Wala na nga yata sa bokabularyo ng mga ganid na lingkod ng bayan ang praseng “pambayan o pampublikong kapakanan” at ang paborito nila ngayong mga salita ay: “Magkakapera ba ako diyan? Magkano ang akin diyan?”

Sino nga ang dapat sisihin, at parusahan, sa mga trahedyang dulot ng grabe’t malaganap na mga pagbaha? Paano na ang mga bahay na nawasak at inanod? Paano na ang nawasak na mga tulay at kalye at iba pang imprastrukturang galing sa buwis ng nagdaralitang sambayanan? Paano na ang mga pananim na hindi na pakikinabangan? Higit sa lahat, paano na ang ibinuwis na mga buhay maging ng mga musmos pa lamang? Paano na ang mumunting pangarap ng mga pamilyang naging biktima? Kasalanan ba ito ng malakas at matagal na pag-ulan lamang? Kasalanan ba ito ng Diyos ni Abraham o malinaw ding kasalanan ng mga diyus-diyosan sa lipunan at pamahalaan?

At, kaugnay ng mga nabanggit, sa kabila ng mahigpit na pangangailangang lawitan agad ng tulong ang napinsalang mga pamilya, huwag na ang pagsasaayos sa nawasak na mga tulay, kalye, at ibang imprastruktura, bakit waring napakabagal ang pagpapalabas ng gobyerno sa P10 bilyon pondo sa kalamidad, bukod pa sa nalikom na abuloy mula sa iba’t ibang mga bansa at organisasyon? O dudugasin lamang ito ng mga palsipikadong makabayan para sa kanilang kampanya sa darating na sarsuwela ng mga hunyangong pulitiko sa Mayo 10, 2010?

Kung ang pagbabatayan tuloy ay ang pahayag kamakailan ng Peasants-USA, isang organisasyong nagtataguyod sa pangangalaga sa kalikasan at kapakanan ng mga campesino (peasant) sa buong mundo, may kriminal na pananagutan ang rehimeng Macapagal-Arroyo, ang NAPOCOR (National Power Corporation), at ang iba pang opisyal ng gobyerno sa labis na kapinsalaang idinulot ng nagdaang trahedya.

Noon pang 1998 nang sinisimulan pa lamang ang konstruksiyon, sabi ng Peasants-USA, tinutulan na ng mga taga-Cordillera, lalo na ng mga taga-Benguet, gayundin ng mga taga-Pangasinan at iba pang probinsiya sa Gitnang Luson, ang pagtatayo ng San Roque Dam dahil nakita na nila ang kapahamakan at kapinsalaang idudulot nito sa nabanggit na mga komunidad. Sa nagdaang trahedya, sa Cordillera na lamang at Pangasinan, 250 ang namatay at nagkaroon ng mga 40 insidente ng pagguho ng lupa, bukod pa nga sa mga ibinuwis na buhay at ari-arian sa binahang mga lugar sa Kamaynilaan, mulang Antipolo at Marikina hanggang Pasig hanggang sa mga bayan-bayan na malapit sa umapaw na Laguna de Bay.

Pinakamalaki diumanong prinsa sa buong Asya ang San Roque Dam bago itinayo ang Upper Yangtze River Dam sa China. Pinondohan ang pagtatayo nito ng $1.2-bilyon ng JBIC (Japan Bank for International Cooperation) at bahagi ng kontrobersiyal na PPA (Power Purchase Agreements) na hindi maikakailang labis na nagpataas sa singil ngayon sa kuryente. May taas itong 220 metro, may sakop na habang 1.13 kilometro, at may kabuuang sakop na 12.8 kilometro kuwadrado.

Kapag nagpakawala ito ng tubig (may kapasidad itong 850 milyong metro kubiko ng maiimbak na tubig na makalilikha naman ng 345 megawatts na kuryente), raragasa ang tubig nito sa Ilog Agno sa Cordillera at daraan sa tinitirhan ng mga tribong Ibalois at Kan-kanaey doon bago dumaloy sa mga ilog sa Gitnang Luson. Sa itaas ng San Roque Dam ang naunang itinayo noong dekada ’50 na Ambuklao Dam at ang Binga Dam na itinayo naman noong dekada ’60.

Pag-aari ang 75% ng San Roque Dam ng Marubeni Corporation at 25% ng Kansai Electric Power Co. Ltd. na nagbebenta naman ng kuryente sa Napocor. Nang manalasa ang mga bagyong Ondoy at Pepeng, ipinaratang ng Peasants-USA na kailangan nang magpakawala ng tubig ang mga awtoridad ng Napocor dahil umabot na ng 280 metro — na siyang ultimong kapasidad — ang taas ng tubig sa dam o prinsa (Okt. 4-5) pero nag-atubili ang kinauukulang mga awtoridad na pakawalan iyon nang unti-unti.

Sa labis na panghihinayang sa mawawalang kuryenteng maiimbak, hinintay pa iyong tumaas ng 288 metro saka libu-libong metro kubiko ng tubig ang biglang pinakawalan bawat segundo, kaya hindi nga katakatakang biglang grabeng bumaha sa maraming lugar na tutuluyan ng rumaragasang tubig. Alam na nga natin ang naging malagim na resulta niyon sa maraming komunidad ng bansa, lalo na nga sa Cordillera, Pangasinan at Kamaynilaan.

Bakit hindi unti-unting nagpakawala na ng tubig ang San Roque Dam noong Oktubre 4 nang 280 metro na ang taas ng naimbak na tubig niyon at hinintay pang maging 288?, mariing tanong nga ng Peasants-USA. Maliwanag, ayon sa kanila, inuna pa ang kapakanan ng negosyo bago ang kapakanan at kaligtasan ng maaapektuhang mga mamamayan at komunidad. Umiral. kung gayon, ang kasuwapangan at kawalang-puso ng mga kapitalista, gayundin ang kapabayaan at kainutilan ng kinauukulang mga opisyal ng pamahalaan kaya naganap ang nakalulunos na trahedya.

Sino, kung gayon, ang dapat managot at parusahan sa bagay na ito? Ang Diyos ba ni Abraham o ang mga diyus-diyosan sa pamahalaan at lipunan? Ayon nga sa paratang ng Peasants-USA, malaki ang kriminal na pananagutan ng rehimeng Macapagal-Arroyo, ng NAPOCOR, at ng iba pang opisyal ng burukrasya sa mahirap makalimutang nagdaang trahedya.

Paano kaya kung sila naman, kabilang ang kanilang mga pamilya, ang malunod sa baha? — #

Advertisement

Read Full Post »