Feeds:
Posts
Comments

Archive for December, 2009


(Tula)

sana’y di na magsalubong ang aming landas
sa bangketa man ng raon at avenida
lalo na sa lansangan ng protesta
at liwasan ng progresibong mga ideya
sana’y di na muling magkasalo
sa mesa ng ideolohiya
at pag-usapan pa ang pambansang katubusan
o dignidad ng masang sambayanan
ayoko nang makita ang mga putang’na!

ayoko na silang makita
silang matapang na mandirigma
sa panahon ng diktadura
silang nangalandakan ng pagkalinga sa masa
silang pambansang pagbabago ang ninasa
silang noo’y nakibaka
pero ngayong makaamoy
ng limpak-limpak na kuwarta
lahat-lahat ay ibinasura
naging tagapagtaguyod pa
ng inhustisya’t pagsasamantala
sa balintuna’t inuuod na sistema
arogante na kung magsiporma
akala mundo’y kanila na
gayong lalamunin din sila ng lupa
o sa krematoryo’y gawing abo na.

ayoko nang makita ang mga putang’na
ano pa ang karapatan nila
kundi bolahin na lamang ang masa?
magkunwaring may paninindigan pa
umastang prinsipyo’y di lumuluhod sa pera?
ang mga putang’na
ngayo’y mandurugas pa
tindero ng kasinungalingan
sa palengke ng lipunan
para makapanlinlang
sa busabos na masang sambayanan
bentador pa ng pambansang kapakanan
sa pasilyo ng kapangyarihan
magkamal lamang ng grasya’t yaman
kahit mabuhay sa kahihiyan.

ayoko nang makita ang mga putang’na
baka tumalim ang dila
biyakin mga dibdib nila’t tiyan
tadtarin ang atay at puso
paluwain ang bituka
dukitin ang mga mata
putulin ang mga kamay at paa
ataduhin ang mga bangkay
ipataba sa palay
o isabog sa lupang binaog
ng mga alagad ng pambubusabos.

ayoko na silang makita, ayoko na…
maglalagablab lamang ang utak
susulak ang dugo sa mga ugat
babaligtad ang sikmura
sa alingasaw ng katawan nila
di ko sila matatagalang pagmasdan
o kahit sulyapan man lamang
mga huwad na makabayan
mga kampon ng kasakiman
mga manlilinlang
kuwarta lamang pala ang katapat
ng kanilang yabang at paninindigan.

ayoko nang makita ang mga putang’na
lalamunin din sila ng lupa
o sa krematoryo’y maging abo na
magbabanyuhay pa rin ang pag-asa ng masa
sa patuloy na pakikibaka
hanggang lipuna’y mabago na
mapairal tunay na hustisya’t demokrasya
mapupulbos din ang uring mapagsamantala
ang mga putang’na!

Advertisement

Read Full Post »

Sugapa sa Kapangyarihan


(Kolum)

LALONG LUMIIT sa mata ng opinyon publiko ang pagkatao ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo nang maghain siya ng kandidatura sa pagka-kongresista ng Ikalawang Distrito ng Pampanga. Gaya ng maraming hunyangong pulitikong nakaugalian nang sangkalanin ang “paglilingkod sa bayan” kahit, sa katotohanan, ang pagkasugapa lamang sa kapangyarihan, impluwensiya’t sangkatutak na mga pribilehiyo ang pinanggigigilang yakapin nang husto, idinahilan ni La Gloria na “matapat” pa rin niyang layuning ipagpatuloy ang serbisyo publiko, lalo na para sa kanyang mga kabalen sa naturang distrito, ngayong magwawakas na ang pamamayagpag niya sa poder bilang Presidente ng tinatawag niyang “Matatag na Republika.”

Bagaman binibigyang-diin ng mga tambolero ng Malakanyang na taos sa puso ni La Gloria na paglingkuran pa diumano ang sambayanan — kahit siyam na taon na siyang naging Pangulo ng Republikang Mamon, bukod pa bilang Bise-Presidente noon — lalo lamang dumami ang nagdududang ang pagkandidato niya bilang kongresista ay bahagi ng isang makasariling planong mangunyapit habang-buhay, sa anumang paraan, sa nakababaliw na kapangyarihang pampulitika.

Kahit hindi na nga siya puwedeng kumandidato ngayon bilang Presidente, legal naman at lehitimo niyang karapatang tumakbo sa higit na mababang puwesto — senador man o kongresista, gobernador man o alkalde o konsehal o maging kapitana de barangay. Pero, sa punto ng mga kritiko, hindi na dapat gawin ni La Gloria ang gayon kung mayroon pa siyang natitirang delikadesa o pagpapahalaga sa sariling dangal at sa dignidad ng pagiging pangulo at, isa pa, kung talagang sagad-buto ang pagnanasa niyang makapanatili sa ruweda ng nakasusulukasok na pulitika, marapat lamang na magbitiw na siya ngayon sa tungkulin at, sa ngalan din ng delikadesa, binigyang-diin ng kanyang mga kritiko, hinihingi ng pagkakataong umalis na sa Malakanyang si La Gloria ngayong kumandidato na siyang kongresista, gayundin ang iba pang opisyal ng gobyerno na kumakandidato, upang hindi nila magamit ang anumang pondo, impluwensiya, pribilehiyo at kapangyarihan ng kani-kanilang puwesto laban sa sinuman, lalo na nga laban sa mga katunggali sa pulitika.

Natural, at dapat lamang asahan, wala na yatang pulitiko sa ilalim ng Republikang Mamon ang hindi naghahangad na manatili sa kapangyarihan habang panahon kaya nga, sa kabilang banda, yumabong at lumaganap ang mga dinastiyang pampulitika. Higit na masama, sino pa nga ba sa naghambalang na mga pulitiko ang may delikadesa? Sabi nga, ang delikadesa at palabra de honor ay basahan lamang nila sa pasilyo ng kapangyarihan o pamunas pa ng puwit araw-araw. Sino pa nga ba sa kanila ang marunong pang magpahalaga sa sariling dangal o dignidad o pagkatao? Malinaw na magkakabalahibo sila at sementado ang mga pagmumukha kaya, sa kabilang banda, hindi kailanman maaari silang itulad sa mga opisyal ng bansang Japan na nagbibitiw agad sa puwesto kahit miyembro lamang ng kanilang pamilya ang nasangkot sa anumang eskandalo, at lalo na nga kung sila pa mismo ang pinaratangan ng katiwalian. Kung minsan, dahil sa labis na kahihiyan sa publiko, nagagawa pa nilang magpakamatay, hindi nag-uutos na patayin ang sinumang mga kalaban at mahihigpit na kritiko.

Sapagkat kalimitang kabaligtaran ang kahulugan ng mga salitang nagmumula sa bibig ng mga pulitiko, halimbawa’y asahang kakandidato pa kapag binibigyang-diing di na kakandidato, puspusang paglilingkuran ang pansariling interes kapag sinabing matapat na paglilingkuran ang bayan, sasalaulain ang batas at demokratikong mga proseso kapag ipinangalandakang pangangalagaan at ipagtatanggol ang katarungan, ipapapatay ang mga magsasaka kapag sinabing ipatutupad ang reporma sa lupa o magpapakalunod kaya sa korupsiyon kapag ipinangakong susugpuin ito, at iba pa, at iba pa, lumilitaw tuloy ngayon na ang imposible ay maaari nang mangahulugang napakaposible.

Sa pagkandidato ngayon ni La Gloria bilang kongresista ng Ikalawang Distrito ng dakilang nasyon ng mga kabalen, mahirap tuloy paniwalaan agad ang ipinangangalandakan ng mga salamangkero at tambolero ng Malakanyang. Ayon sa kanila, produkto lamang ng mapaglarong imahinasyon — at walang malinaw na mga batayan — ang nilalarong pambansang mga senaryo ng mga palasuri at sumusubaybay sa mala-telenobelang pulitika sa lupain ng mga Indio. Una, sabi nila, isang malaking kahangalan ang iparatang na hindi magkaka-eleksiyon sa Mayo 10, 2010 at, katunayan, dugtong nila, handang-handa na ang tanghalan ng halalan kaya nga nagkukumahog ang Comelec sa mga dapat gawin para sa isang de-makinang (automated) eleksiyon na gagarantiya diumano sa mapayapa, maayos, at malinis na prosesong magluluklok sa poder sa mga susunod na opisyal ng bansa, higit sa lahat ay kung sino nga ang hahalili kay La Gloria sa Malakanyang. Imposible, kung gayon, idinakdak nila, na mangunyapit sa pagka-presidente ang Reyna ng Malakanyang sa pamamagitan ng pagdedeklara ng Batas Militar, gaya nang ginawa noon ng yumaong diktador na si Ferdinand E. Marcos.

Pero, sa kabilang banda, may imposible pa nga ba sa Pilipinas? Limang buwan pa bago mag-Mayo 2010, at marami pang posibleng mangyari, halimbawa’y ang paglaganap ng mga karahasang pampulitika sa iba’t ibang panig ng bansa. Nariyan na nga ang kasumpa-sumpang masaker sa Maguindanao na ikinasawi ng 57 katao — peryodista ang 31 sa mga ito — bukod pa sa paisa-isang mga pagpatay kaugnay ng nakasusukang pulitika sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Sapagkat Mafioso at utak-pulbura ang maraming pulitiko, at inutil ang AFP at PNP na walisin ang nagkalat na pribadong hukbo ng makapangyarihang mga pulitiko — bagaman ipinakikita ngayon ni La Gloria ang ngipin ng batas sa kaso ng kaalyado niyang mga Ampatuan (o pakitang-tao lamang ito?), inaasahang lalaganap pa ang gayong mga karahasan habang papalapit ang eleksiyon dahil pera pa rin at baril at mga mamamatay-tao ang hindi maikakailang hukom ng bawat halalan sa bansang ito. Sa malao’t madali, hindi naman kaya sumunod ang biglang mga pambobomba sa maraming lugar? (May pambobomba na ngang nangyari sa Jolo nito lamang Dis. 5). Kung magkagayon, napakadali nang pangatuwiranang kailangan nang ipailalim sa Batas Militar ang Matatag na Republika ni La Gloria (idineklara na nga ito, Dis. 5 rin, kahit sa Maguindanao lamang) at, natural, kapag pinairal na sa buong bansa ang naturang batas, hindi na basta mapapaknit ang kanyang puwit sa inodoro ng kapangyarihan, maliban na lamang kung magkudeta ang mulat na sektor ng militar o matagumpay na magrebolusyon ang sambayanan.

Tanggapin nang suntok sa buwan na ipailalim ang bansa sa Batas Militar, imposible bang mamaniobra ni La Gloria at ng kanyang masusugid na basalyos ang resulta ng eleksiyon pabor sa kanila? Preparasyon ba para sa isang parlamentaryo-pederal-unikameral na sistema ng gobyerno ang pagkandidato ni La Gloria sa pagka-kongresista — tanggapin na ring magkaka-eleksiyon sa susunod na taon — kaya hindi rin imposibleng maging Punong Ministro naman siya sa ilalim ng bagong sistema? Sabi ng mga salamangkero ng naghaharing rehimen, hindi papayag ang susunod na Presidente ng bansa na magkagayon dahil gumastos ito nang husto at nagpakahirap sa pangangampanya maging Presidente lamang at gagawin nito ang lahat, binigyang-diin ng mga tambolero ng Malakanyang, na hadlangang maging parlamentaryo ang sistema ng pamahalaan upang hindi mauwi sa bula ang pagigi nitong Presidente.

Pero wala na ngang imposible sa ilalim ng Republikang Mamon. Matagal nang nabibili ang mga prinsipyo’t paninindigan, maging karangalan, sa pamamagitan ng limpak-limpak na kuwarta at masaganang mga konsesyon. Imposible ba, kung gayon, na maging Espiker muna ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si La Gloria saka puspusang isulong na mag-Cha-Cha (charter change) o pagbabago sa 1987 Konstitusyon tungo sa gobyernong parlamentaryo, hindi na presidensiyal? Sa kawan ng bastardong mga pulitiko, sino pa nga ba ang hindi nabibili sa tamang halaga?

At isaalang-alang din na nanggigigil si Uncle Sam na baguhin nga ang Saligang-Batas upang lalo nitong maisulong ang masiba nitong imperyalistang mga patakaran kung maibabasura na ang mga limitasyong pang-ekonomiyang nagtatakda ng dayuhang pamumuhunan dito para, sa kabilang banda, makapagmay-ari na sila ng mga lupain at gusali dito, 100% makontrol ang mga korporasyon at negosyo, at mapasok pa’t makalantari maging ang pambayang mga utilidades na dapat na nasa kamay lamang ng mga Pilipino alang-alang sa pambansang seguridad at makabayang ekonomiya. Hindi kaya ito ang ibinulong ni Sekratarya Hillary Clinton ng Estado ng Amerika nang makipag-ututang -dila siya kamakailan kay La Gloria? O ang pagbabago sa Konstitusyon ang pangunahing dahilan din kung bakit sinusuportahan ng mga opisyal na Amerikanong dumalaw kamakailan sa Camp Darapanan, Sultan Kudarat, ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng MILF (Moro Islamic Liberation Front) at ng gobyerno tungo sa katuparan ng BJE (Bangsamoro Juridical Entity) na, di nga kasi, malabong mangyari kung hindi pederal-parlamentaryo ang sistema ng gobyerno?

Marami pang masalimuot na mga katanungan ang dapat sagutin at linawin ng naghaharing rehimen kaugnay ng posibleng mga senaryong kinakaharap ng bansa — lalo’t kaugnay ng pagkandidato ngayon ni La Gloria sa pagka-kongresista, bukod sa sinasabing masidhi nitong hangaring mangunyapit sa inodoro sa kubeta ng kapangyarihan. Isang bagay ngayon ang hindi na mapag-aalinlanganan: tiyak, magka-eleksiyon man o hindi, puspusan at tuluy-tuloy na igigilgil ng mga basalyos ni La Gloria at ng mga tuta ni Uncle Sam ang pagbabago sa Konstitusyon at paiindakin sa Cha-Cha ang payaso’t sirkerong mga pulitiko — anuman ang mangyari o anumang konsesyon ang isupalpal sa kanilang mga bunganga o gaano mang pera ang ipalamon sa mala-imbudo nilang bulsa — maikamada lamang o maikasa ang mga baraha tungo sa katuparan ng masidhi’t nakababaliw na makasariling mga ambisyon.

Sa ngalan nga ng pagkasugapa sa kapangyarihan, wala na ngayong moral o imoral, legal o ilegal, etikal o garapal. Ano pa nga ba ang delikadesa’t kredibilidad, palabra de honor o dignidad, at prinsipyo o paninindigan basta nakataya ang masidhing pagnanasang makapanatili sa kapangyarihan mapinsala man ang pambansang kapakanan? Punyeta lamang ang katumbas ng mga iyon, at lalong hindi ikatitigatig ng konsensiya ng mga kinauukulan kung walang patumangga man nilang itambak lamang at bulukin ang sagradong mga bagay sa poso negro ng nakasusuka’t nakapaghihimagsik na pambansang pulitikang patuloy na kontrolado’t sinasalaula ng uring mapagsamantala’t diyus-diyosan tungo sa higit pang kapinsalaan ng bansa na, natural at dapat asahan, lalo namang magbubulid sa masang sambayanan sa kaalipinan at higit na miserableng pamumuhay.

Read Full Post »