(Tula)
minsan lang akong daraan
sa mundong estupido
pero karapatan ko
ayaw irespeto
sinisikil, kinakatay, pinapatay
bakit ganyan?
di naman ako kriminal
di naman ako magnanakaw
di naman ako nandarambong
ng pondo ng bayan
lupa nang may lupa’y di kinamkam
at lalong di nanggahasa ng sinuman
ako pa nga ang laging ginagahasa
ng lipunang di makatarungan
bakit ganyan? bakit ganyan?
sobra-sobra ang ipinagbabawal
sabi ng mga banal sa simbahan
bawal magmura kahit galit na
bawal magsalita nang malaswa
bakit nagkaroon pa
ng gayong mga salita?
para saan at paano iyon
mailalabas sa bunganga?
lintik na ‘yan! ano ba ‘yan!
bawal malibugan sa iba
maliban sa asawa
sila namang mga santo’t santa
puwedeng-puwedeng magnasa
magpasasa’t magpakasawa
oras-oras, maya’t maya
sa macho’t tigasing binatilyo
o sa seksi’t dalagitang mabango.
anak ng galunggong at kabayo
lintik na ‘yan! hayop na ‘yan!
karapatan lang nila
ang sagrado’t mahalaga!
bakit ganyan? bakit ganyan?
ako lang ang laging makasalanan
ako ang impakto
ako ang demonyo
impiyerno ang bagsak ko
por dios por santo
anong klaseng mundo ito?
bawal magsabi nang totoo
laban sa mga dorobo sa gobyerno
puputulin ang dila mo
bawal mithiin ang pagbabago
sa layuning lipuna’y di magago
at di dumami ang agrabiyado
pero birheng inang mahabagin
bubulukin ka pa sa kalaboso!
bakit ganyan? bakit ganyan?
dahil ba silang nagbabawal
ang iilang hari-harian
ang pinagpalang diyus-diyosan
at kaming maralita’y tungaw
layak lamang ng lipunan?
lintik na ‘yan! hayop na ‘yan!
bakit ganyan? bakit ganyan?
pati katiting kong kaligayahan
lagi’t laging pinakikialaman
pobre lamang ako
di kaya ang maluhong bisyo
di mayamang tulad ninyo
puwedeng bumabad sa casino
magpakaligaya kaya sa paraiso
sa puklong matambok
sa susong maumbok
ng kinakalantaring kalaguyo
ligaya ko’y simple lamang
ang manigarilyo lamang
para mapayapa ang damdamin
at ligalig na isipan
sa hilahil na pasan-pasan
makasulat din ng kung anu-ano
kapag nababaliw ako
pero por dios por santo
bawal manigarilyo diyan
bawal manigarilyo kahit saan
bawal sa gusaling iyan
bawal sa pampublikong sasakyan
bawal makaamoy ng usok
malulusog, mararangal na nilalang.
lintik na ‘yan! hayop na ‘yan!
karapatan daw nila iyon
pero paano naman ang karapatan ko
ang mga kagaya kong naninigarilyo?
bakit ganyan? bakit ganyan?
bakit nagkaroon pa
ng pabrika ng sigarilyo
bakit di pa sunugin ang mga ito
tupukin pati ang lumikha nito?
para di parang ketongin
ang mga gaya kong naninigarilyo
itinataboy kung saan-saan
pinagbabawalan sa maraming lugar
parang mundo lang nila ito
parang di sila mamamatay
kahit di manigarilyo
kahit di makaamoy ng usok nito
parang kami lang naninigarilyo
ang maglalaho agad sa mundo.
pero itatanong din ninyo:
bakit ganyan? bakit ganyan?
tinodas agad ng diabetes
ng alta presyon o atake de corazon
ng kanser sa atay o lalamunan
ng kanser sa baga’t bituka
sa bayag o suso o obaryo
siyang kailanma’y di nanigarilyo
o nakasinghot ng usok nito
siyang di nanigarilyo ni minsan
ay binaril naman, tinambangan
o biglang nasagasaan sa daan
nagkalasug-lasog ang katawan
nauna pang namatay
sa impaktong gaya ko
apatnapung taon nang naninigarilyo.
bakit ganyan? bakit ganyan?
siyang sigarilyo ang pamatid-gutom
ang iniiwasan ng lipunan
pati ni kamatayan
siyang sigarilyo’y iniwasan
pero nagpakabundat sa katakawan
at nagsamantalang lubusan
para yumaman nang yumaman
pundilyo nila’y hinahalikan
masaklap nga lamang
maaga silang kinakain ng libingan
at isinusuka ng kasaysayan.
bakit ganyan? bakit ganyan?
lintik na ‘yan! ano ba ‘yan?
hayop na ‘yan!
ang mundo ba’y estupido
o ako ang naloloko?
basta irespeto na lamang ninyo
ang karapatan ko
huwag lamang ang inyo
anak kayo ng galunggong
at kabayo!