Feeds:
Posts
Comments

Archive for July, 2010

Ave, Ave, Pater Patrum!


(Tula — sinulat noong dumalaw sa bansa, Nob. 27, 1970, si Papa Pablo VI o Giovanni Battista Montini. Inilathala ito noong Dis. 7, 1970 sa PILIPINO FREE PRESS)

giovanni battista montini
servus servorum dei
nang iluwa ka ng alitalia
mga magnanakaw naghaleluya
viva! viva! viva il papa!
hosanna in excelsis
benedictus qui venit
in nomine domini
diyos ama, diyos anak, diyosa espiritu santa!
patawarin ang anak mong nagkasala
mea culpa, mea culpa, mea maxima culpa
nang sa kanto’y magdaan ang santo papa
ako po’y nasa kubeta
nagbebendita’t nagdaraos ng sariling misa
ave, ave, pater patrum
inodoro’y nagkumunyon
nangumpisal pa sa poon.

ave, ave, birheng maria
ipinalangin anak mong nagkasala
mea culpa, mea culpa, mea maxima culpa
ni hindi ko man lamang nakita
tiara ng santo papa
nang magpunta siya sa luneta at magmisa
ako po’y umiinom ng hinebra
sa restawran ni san da wong sa ermita
diyos ama, diyos anak, diyosa espiritu santa!
ako po’y huwag bulagin
ng mga kalmen at estampita
habang kandila’y bangkay
na naaagnas sa bawat kandelabra
kahit ako po’y di lumuhod sa santo papa
nakita ko naman
kanyang anghel de la guardia
sa bote ng la tondena
michaelem archangelum
nakaamba kumikislap na espada
sa plato ng espagheting piccolinong
may bendita ng ketsap papa.

ave, ave, pater patrum!
ako po’y nagugutom
sitsiritsit alibangbang
salaginto’t salagubang
bawat oras, bawat araw
kampana’y kumakalembang
sit laus plena, sit sonora
sit jucunda, sit decora
mag-antanda at magdasal
ave, ave, ave maria!
pari’y nagbibilang
ng pilak sa sakristiya
diyos ama, diyos anak, diyosa espiritu santa!
ipinalangin kaluluwa ng anak mong nagkasala
mea culpa, mea culpa, mea maxima culpa
krusipiho at rosaryo’y ipinanguya ko
sa basura.

santo papa, santo papa!
puto seko’t puto maya
inuuod ang kumbento’t mga mongha
bawat santo’y nakanganga
sa isusubong ostia
ave, ave, pater patrum
kalyehon ko’y inaagiw
barungbarong at estero’y nakatanghod
sa kopita’t kandelabra
araro ko’y nakapangaw sa tumana
armalite ay umaawit sa candaba
ave, ave, ave maria!
quod in carnem transit panis
et vinum in sanguinem
quod non capis
quod non vides
animosa firmat fides
diyos ama, diyos anak, diyosa espiritu santa!
kagabi, santo papa
utak ko’y talahib na naglagablab
at nagsayaw ang mga alitaptap!

Advertisement

Read Full Post »


(Tula)

S A N A!

Read Full Post »

Nang Magpaalam Ka


(Tula)

nang magpaalam ka
walang luhang pumatak
sa mahamog na damuhan
o isang butil man lamang
na sumanib sa tikatik na ulan
walang hikbing sumalit
sa langitngit ng punong kawayan
walang mapait na ngiting sumilay
sa labing nakakilala
ng mga halik ng dalamhati
isinasayaw ng hanging marahas
buhok mong hanggang baywang
di nagdaop ating mga palad
di naglapat ating mga katawan
sa mahigpit na yakap ng pamamaalam
ngunit nasa mga titig sa isa’t isa
muhon ng pakikiisa
sa matagal nang adhikain ng masa
ilang tapik lamang sa balikat
ipinabaon ko sa iyo
kalakip niyon laksang mensahe
sa iyong paglalakbay patungo
sa malayang bundok na naghihintay.

nang magpaalam ka
di isinaysay laman ng puso
di ipinaliwanag ang kapasiyahan
nakapinid labi ng mahalumigmig
at lumuluhang madaling-araw
ngunit nag-aapoy mga mata mo
para maunawaan ko
hagupit ng lintik sa isip
daluyong ng dugo sa ugat
na di sa katawan mo lamang nagwawakas
kundi sa himaymay ng laman
ng bawat sawimpalad
ng mga itinanikala sa asyenda
at malawak na kabukiran
ng mga inalipin ng makina
saanmang pabrika at empresa
o ginutay ng inhustisya
ng pambubusabos at pagsasamantala
ng di makataong lipunan
ng di makatarungang burukrasya
oo, di kailangang pabaunan
ng agam-agam o dalangin ng kaligtasan
dakila mong paglalakbay
tungo sa mabulaklak na katubusan.

nang magpaalam ka
sinasaluduhan ko ang iyong paglisan
di ko na inaasahang maririnig pa
lagunlong ng tinig mo
sa mga lansangan ng protesta
di ko na makikita
kumpas ng mga kamay mo
habang idinidiin mga punto mo
sa paglilinaw sa nilumot
nang mga suliranin ng lipunan
na humihiyaw ng kalutasan
oo, di ka na makakasalo
sa kantina ng isang platong kanin
at kapirasong ulam
oo, amanda de los reyes
di ko na inaasahang magbabalik ka pa
sa kuta ng pambubusabos
hanggang makulimlim ang panahon
at di pa sumisilay
mapulang sikat ng araw sa silangan
tulad nang ikaw ay magpaalam!

Read Full Post »