Feeds:
Posts
Comments

Archive for August, 2010

Niligis Na Apdo Lamang Ang Asukal


(Tula)

kinatarata na ang mga sakada
sa pagsuyod ng mga mata
sa katawan ng asyenda
pinaglumot na ng mga dekada
mga daing nila’t protesta
di na makita
mukha ni anino ng tumakas na pag-asa
sumanib ba iyon
sa balumbon ng mga ulap
habang dapithapo’y namamaalam?
yumakap ba iyon sa katawan
ng karimlang humahalik
sa pisngi ng maputlang buwan
habang gabi’y nagdarasal
nakaluhod sa paglalamay?

kalansay na lamang ang pag-asa
nailibing na sa damuhan
ng tubuhang di maabot
ng mga mata
nasipsip na noon pa man
ng hayok na mga tubo
pawis at dugo ng sakada
ngayo’y parang gatas iyon
hinihigop ng asendero
mula sa susong malusog
ng bagong panganak
naglalanding dalagang-ina
o, kay tamis niyon sa dila niya
singlinamnam ng pulot-gata
sa mga birheng kinalantari niya
habang binubudburan ng asukal
ang puklong matambok
ang susong maumbok
singtamis ng pulut-pukyutang
dumaloy sa galit na utong
sa uhaw na singit at gutom na tiyan!

singpait naman ng apdong niligis
sa dila’t ngalangala ng sakada
asukal na iniluwa ng asukarera
di nito mapatamis
kapeng walang gatas
sa mahalumigmig na umaga
di nito mapawi
pakla ng bubot na bayabas
at alat ng asing iniuulam
sa malamig, nanigas nang kanin
o kinayod na tutong na humalik
sa puwit ng kalderong inulila
ng saya’t ligaya
singpait din kaya ng apdong niligis
asukal na inihalo’t tinunaw
sa tubig na maligamgam
at ipinasususo
sa bunsong mapintog ang tiyan
kahit hangin lang ang laman?

singpait ng apdong niligis
sa dila ng sakada
mga asukal pang iluluwa
ng asukarera
mapait na rin pati pawis niya
singlansa rin ng hilaw na apdo
dugong itinigis ng mga panahon
sa bawat hagkis ng machete
sa masukal na damuhan
sa bawat taga
sa pinutol at kinatas na katawan
ng laksa-laksang tubo
tatamis pa ba ang asukal
kung ni isang dipang lupa’y di kanya
at alipin lamang siya
sa malawak na asyenda?
niligis na apdo lamang ito
sa dila niya’t ngalangala!

Advertisement

Read Full Post »

Fernandina


(Tula)
nilanggam
namutla mo nang mukha
fernandina
habang nakatimbuwang
sa masukal na kakahuyan
katawang tinadtad ng punglo
di nahugasan ng tikatik na ulan
fernandina
dugong bumulwak sa dibdib sa hita at tiyan
humalik na namuong hamog
sa gilid ng mga matang nakakilala
sa pait at dusa ng buhay ng masa.
wala ni isa mang bituin ang gabing nagdaan
fernandina
nagtago pati mukha ng buwan
umiwas sa mga putok ng baril
ngunit di ka umurong
fernandina
di natinag sa pagtatanggol
di binitiwan ang gatilyo ng kalayaan
pinatakas ang nakubkob na mga kasama
alang-alang sa bansang pinakasisinta
tagulaylay ng hangin
ng giniginaw na umaga
tanging sa iyo’y nagharana
fernandina.

mananatili kang monumento sa alaala
banayad mang humalik sa lupa
mga tuyong dahon ng gunita
fernandina
muli’t muling sisibol
sa pusod ng bundok o dibdib ng lungsod
binhi ng pag-ibig sa layang pinakamimithi
habang dinidilig ng dugo
ng mga kagaya mo
fernandina
lupaing binaog ng inhustisya’t pambubusabos.
fernandina
muli’t muli kang mabubuhay
sa magkakarugtong na mga ugat
ng mga biktima’t inalipin ng uring mapagsamantala!
magniningning din ang mga bituin
sa pusikit na karimlan
manunumbat ang buwan
at aawitin ng marahas na hangin
kadensa ng martsa
ng milyung-milyong mga paa
sa bantayog ng laya…
mabuhay ka, fernandina!

Read Full Post »