Feeds:
Posts
Comments

Archive for September, 2010

Naririnig Ko Ang Iyong Panambitan


(Tula)

naririnig ko ang iyong panambitan
la tierra pobreza
lupain ng dalita’t dusa
lupaing tinigmak ng dugo
ng mandirigma ng masa
na dinusta ng inhustisya
na inalipin ng pagsasamantala
inihahatid ng naglalakbay na amihan
sa saliw ng huni ng langay-langayan
iyong tagulaylay
tumatarak, lumalaslas
sa kamalayan kong laging naglalamay
naririnig ko ang iyong panambitan
kung mga gabing nagdarasal
malungkot na buwan
kung mga umagang luhang pumapatak
mga butil ng hamog sa damuhan
kung mga katanghaliang humihiyaw
aspaltadong lansangan ng kalunsuran
kung mga dapithapong dumaramba
mga alon sa ulilang dalampasigan.

oo, naririnig ko ang iyong panaghoy
la tierra pobreza
sa dagundong ng kulog sa kalawakan
sa sagitsit ng kidlat sa karimlan
sa lagaslas ng tubig sa kabundukan
oo, naririnig ko ang iyong hinagpis
la tierra pobreza
sa bulong ng mga babaing asawa’y
nalibing sa kung saang talahiban
naririnig ko sa taginting ng mga dalangin
sa nobena’t decenario ng mga sisa
si crispin ay di na makita
ibinaon kung saan ng kampon ng kadiliman
o binulok sa mga tagong bilangguan
o naagnas sa pusod ng karagatan
wala ni anino ng kalansay.

oo, naririnig ko ang iyong panambitan
la tierra pobreza
sa tagaktak ng pawis
ng manggagawa’t magsasaka
sa lagunlong ng sikmurang walang laman
sa kalantog ng mga lata sa basurahan
sa pagtutol ng tinuklap na mga yero
sa langitngit ng tinungkab na mga tabla
sa lagabog ng ginibang barungbarong
sa gilid ng namamahong estero
mulang tripa de gallina
hanggang canal de la reina
naririnig ko ang hinaing mo
la tierra pobreza
sa binuldoser na mga bahay
sa mga lote diumano ng gobyerno
na lalong dapat mapunta sa masa
di sa mga ayala at mga kauri nila
na walang sinasamba kundi kuwarta
patayin man sa hilahil at dusa
gawin mang naglipanang aso’t pusa
milyun-milyong maralita!

oo, umuukilkil sa pandinig ko
panambitan mo la tierra pobreza
saanmang sulok ng planeta
ipinadpad ng daluyong ng dalita
mga anak mong nagdurusa
ikinalat silang parang layak
sa banyagang mga bansa
dahil kalansay na ang pag-asa
at ginutay na ang ligaya
sa lupain mong binaog
ng uring mapagsamantala
oo, la tierra pobreza
“di lahat ay natutulog sa dilim ng gabi”
at naririnig nila
iyong panambitan at panawagan
nagliliyab mga mata
ng mga anak mong magigiting
bartolina mo’y wawasakin!

Advertisement

Read Full Post »


(Malayang salin ng inyong lingkod sa tula ng makatang Rusong si Vera Ibner na ipinadala ni Ka Dan Borjal bilang alay-parangal kina Ka Alexander Martin Remollino at Ka Medardo Roda na kapwa namayapa kamakailan lamang)

Bago siya tuluyang ibinilanggo
sa kanyang mausoleo
at ulilahin ng sikat ng araw
limang araw at gabing singkad
siyang nakaburol
sa Bulwagan ng mga Columna.

Humugos ang mga tao, pumila
parang treng walang katapusan
hawak ang nakababa
namamahingang mga bandila
upang muling masilayan
ang naninilaw niyang mukha
at medalyang pula
sa ibabaw ng dibdib.

At sa kalupaan
nananalasa’t sumisikdo
ang nagyeyelong kapaligiran
waring tuluyan niyang tinangay
ang isang bahagi ng init
ng aming mga katawan.

Limang gabing walang natulog
sa Moscow
dahil sa pagtulog siya lumisan
buong kabanalang nagbabantay
ang maputlang buwan.

Read Full Post »