(Editoryal — unang nalathala sa PILIPINO FREE PRESS, Nob. 4, 1970, at bahagyang binago ngayon)
MAY kanya-kanya ring klase ang mga patay: may mayaman at may mahirap, o may burges at may proletaryo. Kung mahirap ka, kailangang dalhin mo hanggang hukay ang iyong karalitaan. Kung mayaman ka — nakuha mo man ang iyong kayamanan sa panloloko’t pagsasamantala — pagpapasasaan mo iyon hanggang sa loob ng iyong nitso o mausoleo.
Sino ang may sabing pantay-pantay ang tao sa kamatayan?
Kung karaniwan kang magsasaka o obrero, malamang na ang kabaong mo ay palotsina. Puntod na puntod lamang ang iyong libingan, sa sulok marahil ng isang sementeryong para sa mga anakpawis. Ang pananda sa iyong puntod — kung mayroon man — ay isang lapidang lata, ipinangangalandakan ang iyong pangalan, petsa ng kapanganakan at kamatayan. Higit sa lahat, ipinamumukha ng iyong libingan na isa kang napakakaraniwang tao, nabuhay at namatay sa kabusabusan. Maliliit na kandila, ilang bulaklak ng amarilyo’t palong-manok at krus na kahoy — ito ang mga nagpapagunita ng iyong karalitaan at pagkabusabos tuwing Todos los Santos!
Pero kung mayaman ka, siyempre pang de klase ang kabaong mo; “nangungusap sa ganda,” sabi nga ng mga taga-baryo, iyong kabaong na “pangmarangal” na tao at mahihiyang dapuan ng langaw o amuyin ng mga langgam. Siyempre pa rin, piling-piling lugar ang libingan mo, nagkakahalaga na ng daan-daang libong piso ang mismong lupa lamang, marmol ang iyong mausoleong nakalagak sa loob ng kongkretong gusaling marangyang bahay na para sa hukbo ng mga kumain-dili, at tinatanuran pa ito ng maluha-luhang sementadong anghel sa gabi’t araw.
Ipinagyayabang ng iyong libingan na hindi ka basta tao — nabuhay ka at namatay na batbat ng impluwensiya, kapangyarihan at pribilehiyo. Hindi bale na kung binusabos mo ang iyong mga manggagawa’t magsasaka, nangamkam ng mga lupain, o nandambong sa pondo ng bayan kaya ka nagkamal ng kayamanan. Tuwing Todos los Santos, kahit matagal ka nang pinagpasasaan ng mga uod o ginawang abo sa krematoryo, kailangang maglublob ka pa rin sa iyong kayamanan: naglalakihang kandila, nagliliwanag na bombilya, mamahaling orkidyas at kung anu-ano pang tanda ng karangyaan ang ipinagyayabang ng iyong libingan.
Hindi nga masamang alalahanin ang mga patay tuwing Todos los Santos pero, sa kabilang banda, karaniwan lamang na payabangan, pasiklaban ng yaman at pag-insulto sa karalitaan ang naturang araw. Sa sosyedad na ito ng pagsasamantala’t inhustisya ng iilang hari-harian o diyus-diyosan sa balintunang lipunan, higit na nangangailangan ng kalinga at pagmamahal ang mga buhay — ang patuloy na inaaliping masang sambayanan, ang hukbo ng mga binusabos na para na ring mga patay. Todos los Santos na ang bawat araw sa kanila sapagkat, araw-araw, ipinagkakait sa kanila ng uring mapagsamantala ang karapatang mabuhay bilang tunay na mga tao sa ilalim ng pantay na katarungan at lantay na hustisya sosyal.
Todos los Santos: ano ba ito?