(Tula)
di hinaplos
ng pasko ang puso
kahit nagsayaw
mga bituin sa punong akasya
pumikit-dumilat man
mga alitaptap
sa puno ng mangga
kahit yumakap
lamig ng disyembre
sa balat at buto
at dumaluhong man
sa hibla ng utak
at nag-usling ugat
melodiya’t lirikang panghimas
sa dusa’t bagabag
ng mga nilikhang
laging hinahabol
pag-asang mailap
singtaas ng ulap.
di hinaplos
ng pasko ang puso
lagi’t laging malakas
ang sikdo
rumaragasa
agos ng dugo
tuwing itititig
mata ng pagsuyo
sa mga larawang
ayaw humiwalay
sa kamalayang
nakikipaglamay
sa tadyak at dagok
ng lugaming buhay
ng mga kauri
kadugong dalisay.
di hinaplos
ng pasko ang puso
lalo’t naglingkisan
sa telon ng mata
mga larawang
laging nakapinta
sa araw at gabi
ng pakikibaka
mga mukhang
iniwan ng habag
nakalahad
na kinalyong palad
mga matang
malalim malamlam
laging lumalangoy
sa dagat ng dilim
mga batang
mapintog ang tiyan
kahit asin-lugaw
o hangin ang laman.
di hinaplos
ng pasko ang puso
lalo’t nakaluhod
buhay na kalansay
sa basurahang
hininga’y masansang
at nagrorosaryo
hukot na aninong
mukha ni pangalan
ay di na malaman
sa malawak na tubuhan
at bukid na walang hanggan
ng mga asenderong
walang kabusugan.
di hinaplos
ng pasko ang puso
lalo’t gumagapang sa estero
sa eskinita ng kalunsuran
katawang dugo’t laman
ay kinatas ng makina
sa bilangguang pabrika
ng mga diyos ng dusa
di hahaplusin
ng pasko ang puso
hanggang di nalalagot
tanikala
ng pang-aalipin
at pagsasamantala!
.