Feeds:
Posts
Comments

Archive for January, 2011

Sa Estasyon Ng Paglalakbay


(Tula)

naghihilamos ng hamog
makulimlim na umaga
nginangasab ng abuhing pusa
nahuling daga sa basura
nakatanghod asong gala
sa mangkok ng lugaw sa ponda
sa sulok ng mata ko
naglalambadang dalawang anino
nakausling mga tiyan
nagkikiskisang mga katawan
umaalong mga dibdib
lumalangoy na mga bisig
sa dagat ng karimlan
anino ko’y nakahiga sa upuan
isip ko’y naglalakbay sa kawalan
pitada ng tren hinihintay
bubulaga na ang araw
sa silangang hinarangan
ng gusaling nakabara sa pananaw.

wooo! wooo! wooooo!
rikitik… rikitik…rikitik… woooo!
mga katawa’y nagkabuhay
mga bagahe’y nagbanggaan
mga paa’y nag-unahan
sa bungangang naghihintay
dugo ko’y kumiwal
sa namanhid na mga ugat
saan ako maglalakbay?
patutunguha’y di alam
pira-piraso na
mga larawang isinabog
ng sumisikdong amihan
ngunit naglalagablab pa rin
apoy ng pagsinta
sa la tierra pobreza
habang tinutupok
natuyong mga layak at damo
saanmang burol at sabana
at dinidilaan ng apoy
imperyo ng dusa’t pagsasamantala
at ako, akong manlalakbay
ng makulimlim na mga dekada
ay naiwang nakatunganga’t nakanganga
sa estasyong inulila
ng dumagundong na tren
sakay ang mga kaluluwang
maglalakbay
saanman hahantong ang pag-asa

at ako, akong manlalakbay
sa kawalan
ay muli’t muling hihimig
ng awitin ng pakikibaka
sa estasyon ng pagsinta!

Advertisement

Read Full Post »


(Tula)

ipinaputol ko ang punong kabalyero
isang taong singkad
mga pulang bulaklak
di naglagablab
di dinapuan
ni isa mang alitaptap
nanumbat lamang sa langit
nagsalabat na mga sanga
banayad na humalik
lamang sa lupa
mga dahong nangalanta.

ipinaputol ko ang punong kabalyero
tuhod ay pinalakol at minaso
nilagari sa may baywang
hanggang tuluyang tumimbuwang
butuhang mga bisig
kumalas sa hugpungan
naagnas na laman
ikinumot sa damuhan
para damo’y magluntian
magbanyuhay yaring buhay!

ipinaputol ko na
punong kabalyero
sa masukal na likod-bahay
kailan puputulin
puno ng dusa’t hilahil?
kailan lalagariin
katawan ng pang-aalipin?
kailan tutupukin
sa lagablab ng apoy
nagsalabat na sanga
ng pagsasamantala
upang maitanghal
saya at ligaya
at layang singkislap
ng bilyong bituin
singbango ng hinog
na palay
sa bukid na ginintuan
singbulas, singputi
ng mga talahib
sa burol at kapatagan?
________________________________________________

Read Full Post »