Feeds:
Posts
Comments

Archive for February, 2011

Sige Na!


(Tula)

“mabuti pang mamatay nang may karangalan
kaysa mabuhay sa kahihiyan” — jose p. rizal

nakangisi bunganga ng baril
sa mga namugad sa dibdib
budhing inuod ng tusong lunggati
sige na, sige na
tubong bakal ay isubo
itutok kaya sa sentido
o itapat sa pusong baligho
labing nakangiti ang gatilyo
sa daliring nandambong ng ginto
ng bansang hilahod sa dusa
dekadekadang binaog-kinapon
ng kampon ni mammon
at nagrigodong mga panginoon.

sige na, sige na
halikang buong diin
bakal na tilin ng baril
bayaang marinig ng mga alipin
halakhak ng punglo
pasabugin ang utak at bungo
biyakin ang dibdib at puso
ganap na ikulapol ang dugo
sa mukhang kumapal
sa suntok at sampal
ng pilak at ginto
baka sakaling dangal na naglaho
muling maibalik ng patak ng dugo
sa damong nanilaw-nauhaw sa ulan
o isabog kaya ng sikat ng araw
kahit isang saglit
patawad ng libong bulaklak
decenario ng mga alitaptap.

sige na, sige na
siilin ng halik ang labi ng baril
himasin-landiin-kalbitin
nakausling tilin
bayaang wakasan ng dangal ng lagim
kahihiyang namugad sa dilim
sige na, sige na
huwag nang maglimi pa
pagkitil sa buhay
magbibigay-dangal
sa budhing niluoy
ng sakim na hangad
orkidiyas at rosas
aming iaalay
sa dibdib ng hukay
sa madilim na daigdig
ng kabaong na naghihintay.
sa mala-niyebe mong bangkay
matagal nang nalibing
sa hukay ng hirap at dusa
namatay naming pag-asa
muli naming bubuhayin
ng lagablab ng pakikibaka
mithiing banal ng mga kadugo’t kauri
muling tatanglawan ng bilyong bituin
at buwang maningning
muling madarama ng pusong sugatan
halik at haplos ng hanging amihan
buong giting at dangal
ipagpapatuloy mga paglalamay
nang sa wakas bansa’y magbanyuhay

sige na! sige na!
isubo malamig na tubo ng baril
buong giliw gatilyo’y kalbitin!

Advertisement

Read Full Post »