Feeds:
Posts
Comments

Archive for June, 2011

Sigaw ni Claude McKay*


(Tula)

hatid ng hangin ang sigaw ni claude mckay
parang taginting ng putok ng mga baril
sa kagubatan ng dilim at sagimsim
parang sibat, tumutusok, naglalagos
sa pader ng kamalayan
bumibiyak sa bungo ng karuwagan!

“tayo ma’y mamatay,” hiyaw ni claude mckay
huwag parang mga baboy lamang
tinutugis, ikinukulong sa sabsaban
sa paligid, hayok na tinatahulan
ng mga asong nakabantay
hinahamak, marawal na kalagayan
tayo ma’y mamatay
mamatay tayong may dangal!”

“mamatay tayong may dangal
upang mahalagang dugo natin
sa pagpatak, di masayang
kahit ating mga kalaban
mapipilitang tayo’y parangalan
kahit mga bangkay
tayong nakatimbuwang!”

oo, mga kasama’t kapatid
sa ilang dekadang pakikilaban
para sa sagradong mithiin
ng masang sambayanan
sa la tierra pobrezang
dibdib nati’t tiyan
“kahit marami sila’t talo tayo
sa bilang
ipakita nating tayo’y matatapang
sa laksa-laksa nilang suntok
isang pamatay-dagok
lamang ang ating kailangan
ano na ang naghihintay na libingan?”

sumisigaw si claude mckay
kahit tayo’y wala nang maurungan
harapin nating buong giting
mga berdugo’t mang-aalipin
naghihingalo man
at hininga’y tinatangay ng amihan
piliting kumilos pa rin
at magiting na ipamukha
sa kalaban ang paglaban!
—————————————————————–
Naging katulong na patnugot si Claude McKay , isang Jamaican, ng The Liberator at ng The Masses at nagsulat din ng mga tula at nobela. Napabantog siya nang basahin ni Sir Winston Churchill noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa parlamento ng Bretanya ang kanyang sonetong “If We Must Die.”

Advertisement

Read Full Post »