Posted in Tula on July 18, 2011|
Leave a Comment »
(Tula)
mukha akong tinapa
isinawsaw sa bawang at suka
sa magarbong piging
ng marangal at elitista
mukha ring itinayong estatuwa
di sanay magbarong-tagalog
lalo na ang mag-amerikana
na may kamisadentrong de kurbata
di rin sanay na walang sumbrero
para na ring hinubaran ako
ng katsang karsonsilyo
at itanghal sa publiko
tarugong iniingatan ko.
mukha akong katawatawa
sa bilog na mesa
sa tabi ng mga punyeta
di alam unang dadamputin
sa naghilerang tenidor kutsara
kutsilyo kutsarita
alin ba ang baso ko
sa kanan ba o kaliwa ko?
paano ba sasalukin hihigupin
sopa de gallina?
paano ngunguyain
ensalada de jamon y lengua?
paano maarteng hihiwain
karneng may palitada ng salsa?
o tutusukin ng aling tenidor
naglalanding mga prutas
sa platitong porselana?
hijo de puta ka ng tokwa’t hinebra!
o, diyos ni abraham
santa mariang birheng kapita-pitagan
anak lamang ako
ng hito’t tilapya sa kangkungan
suki sa carinderia sa tutuban
sanay humigop ng libreng sabaw
ng butu-butong ilang ulit inapuyan
sa mausok na kalderong bilangguan
sanay lumamutak itong mga kamay
sa dalawang mala-susong tumpok ng kanin
sa platong paraiso ng ligaya
sanay maglandi dila’t ngalangala
sa ulo’t mata ng pinangat man
o paksiw na isdang sumisid
sa laway ng bungangang
nalahiran ng ngiti’t ligaya.
bakit ba ako itinaboy ng hangin
na dumalo sa ganitong piging?
bakit ako kapiling
ng mga crema de leche
ng diumano’y masalapi’t magigiting
tapagtaguyod ng lipunang balimbing
habang maalipunga sa bukirin
paa ng mga kapatid kong magsasaka
at makalyo sa pabrika
palad ng obrero kong mga ama?
o napilitan akong maging sibilisado
naging ipokrito’t ayaw ibando
pagka-barumbado’t di pakikipagkapwa-tao
sa diumano’y mararangal na ginoo
saglit di maiwasang makipiling
sa kanilang parang mga santa’t santito
langhapin nakalilibog na pabango
ng malalanding dilag
sa inuuod nilang alta sosyedad
titigan katawang patuwad-tuwad
at mapagnasang himasin ng mga mata
kutis nilang mala-porselana
dantayan ng minamalaryang palad
mga daliri nilang kandila ang kapara
palamasin kaya
ng kamatis at itlog na pula
o isawsaw kaya
itubog sa luha’t dugo ng lupa
maging marangal na rin kaya ako
kung sila’y mga kapiling ko
o ego’y nasabik malasing
sa parangal na ibinitin-bitin?
susuubin daw ng insenso’t kamanyang
naitambak kong mga titik sa basurahan
ng mga papel ng kamalayan
dumalirot daw sa almoranas ng lipunan
at puwertang inaagasan
ng dugo ng dusa’t karalitaan
gayong silang mga diyus-diyosan
silang iilang hari-harian
ang nagpakaganid sa laman
gumahasa’t nagpasasa sa sinapupunan
ng pinakasisinta kong bayan
nagbulid sa trahedya’t kaalipinan
sa kauri kong masang sambayanan!
bakit ngayon mga titik ko’y papupurihan?
ako ba’y inuuto’t binobola lamang
dila’y unti-unting pinuputol
nang di maghayag ng katotohanan
daliri’y minamartilyo’t binabalda
nang di makasulat ng mapulbura
sumisingasing na mga linya
laban sa mga senturyon at kardinal
ng pambubusabos at pagsasamantala
o humabi kaya ng mga nota
ng bomba’t granada
upang sa wakas umawit- magsayaw
giliw kong la tierra pobreza
sa melodiya ng laya’t ligaya?
o, diyos ni abraham
santa mariang birheng kapita-pitagan
prinsipyo ko’y di ibinibenta
sa mesa ng panlilinlang at inhustisya!
kahit kalimitang tiyan ko’y kinakabag
bulsa’y inulila ng kalansing ng barya
lalamunan ma’y titiguk-tigok
sa halimuyak ng mamahaling cognac
di itatakwil ng dibdib at isip
sagradong pangarap-mithiin
ng mga kayakap ko
sa maputik-masukal na lupain
ng hilahil at sagimsim.
ngayo’y alam ko na
at inaamin ko
nagkamali ako
mea culpa, mea culpa
mea maxima culpa!
patawarin anak mong nagkasala
mapait pala’t mapakla
kahit marangya’t sagana
de putaheng pagkain nila
mabuti pa sa ponda ni karyo
sa lugmok at makulimlim kong baryo
kahit parang hayok akong aso
lalantakan ko
adobong butu-buto
saka aawitin
himno ng dangal
ng mga kauring di patatalo
di paloloko
sa kaway at hibo
sa ningning ng balatkayo
ng mga impakto’t berdugo
suubin man kami
ng usok ng mga insenso
at malugod na mga pangako
aakyatin pa rin namin
pilit aabutin
tuktok ng palo-sebo
buong giting kukunin sa dulo
korona ng hustisya’t demokrasya
laya’t ligaya
dignidad ng bayan at masa!
Read Full Post »