Feeds:
Posts
Comments

Archive for August, 2011


(Tula)

dinadalaw ka ngayon, maria
ng mga aninong walang mukha
ng mga nilikhang walang letra
mga bibig at mata
sa silid ng heringgilya
ng medisina at gasa
itinaboy ka ng hangin
mulang brumm sa belgium
hanggang sa lagunlong
ng humihiyaw na mga tambol
sa lansangan ng rio de janeiro
upang muling busbusin
ng matalas na kutsilyo
sinapupunang pinahirapan
ng banta ng kamatayan
bituka’y muling puputulan
obaryo’y inalis na noon pa man
upang hininga’y di ulilahin
ng pagaspas ng amihan
sa la tierra pobrezang
ginutay ang pusong iwanan
at ngayon
sa sumisikdong kamalayan
muli’t muling binabalikan
lupaing lunduyan ng pagmamahal
at kahit sa pangarap man lamang
madugtungan ang pakikilaban
at matanglawan ng bilyong bituin
banal na laya’t adhika
ng masang alipin ng dusa’t dalita
sa lipunang walang patumangga
sa pagsalaula sa buhay ng dukha.

nang sabihin mo, maria
hanggang nobiyembre na lamang
ang lagaslas ng hininga
at walang katiyakan
kung kinabukasa’y ngingiti pa
o masisilayan pa
mabining pagmumumog
ng mga damong nakayukayok
sa umusbong na mga hamog
o masuyong darantayan pa
ng naglalagos na sikat ng araw
sa ulilang bintanang salamin
mukhang nangulimlim
at mga matang lumalim
sa pagsisid sa dagat ng mga alaala
sa pagsalunga sa mga burol at sabana
at pagmamartsa sa lansangan ng mendiola
sa piling ng masang pinakasisinta
o, maria magdala
akong itinuring mong ama
ngayo’y pinapalakol ang dibdib
nilalaslas ng labaha ang isip
nakabilanggo yaring tinig
di madakma sa mailap na hangin
hinahabol na bawat salita’t talata
maipadama man lamang
sa katawan mong lupa
tagulaylay ng pagsinta
sa magiting na kasama!

oo, maria magdala
naiparating mo na sa akin
sagradong mga mithiin at habilin
inilululan sa mga pakpak ng langay-langayan
isinisigaw ng ragasa ng alon sa dalampasigan
pinaiilanlang ng sipol ng hangin sa kagubatan
pakiusap mo’y
huwag na huwag kang kalilimutan
ng mga nakadaop-palad at kaibigan
maglakbay ka man sa kawalang-hanggan
paano ka malilimutan
ng mga kinalinga’t dinamayan
silang iyong ipinakipaglaban
dinudusta nilang kapakanan
silang katalik ng puso mong nagmamahal
silang mga kayakap sa gabi ng paglalamay?
o, maria magdala
isa ka sa talahib ng aming mga alaala
sunugin man nang sunugin at patayin
muling uusbong sa lupain ng inhustisya
muli’t muling iindak at mamumulaklak
saanman dumaramba
pagsasamantala
sa lugaming buhay ng masa
oo, tulad mo, maria magdala
ang walang kamatayang talahib
ng aming mga alaala!

Advertisement

Read Full Post »

Isang Kutsaritang Luha


(Tula)

di ko maiiwasang alayan ka
ng isang kutsaritang luha
nang yakapin ka
ng amarilyo’t mahamog na damo
koro lamang ng mga kuliglig
musikang naghatid
sa himlayang dibdib
ng katawang-lupang
nagtigis ng dugo sa pakikibaka
upang maisulong adhika ng masa.

oo, isang kutsaritang luha
sa iyo’y pabaon
ng pusong simbigat ng mundo
muling magbabalik sa higaang papag
mga alaala ng pakikitalad
habang sinisilip kapirasong langit
sa butas na pisngi ng bubong na pawid
at ipinipinta sa telon ng isip
hubad na kariktan
ng isang lipunang walang tanikala
ng dusa’t dalita
hininga’y mabango tulad ng pinipig
sariwang binayo
sa mulawing lusong ng layang sagrado.

oo, isang kutsaritang luha lamang
sa iyong paglisan aking tanging alay
ngunit naroroon
himagsik ng diwang laging naglalamay
at sulak ng dugong laging kumikiwal
upang pagngalitin dahas ng habagat
at wasaking ganap kuta ng bagabag
bulok na imperyo ng mga katalad
sa lupaing kanilang niwakwak
isang kutsaritang luha’y
magiging perlas ding marilag
ng pangarap nating pantay na sosyedad!

Read Full Post »


(Tula — malayang bersiyon ng aking orihinal na “Will Sow Red, Red Roses”)

magtatanim ako
ng pula, pulang mga rosas
sa sumisikdong dibdib
ng kahabag-habag kong bayan
rosas na kasing pula
ng papalubog, nangungulilang araw
rosas na kasing pula
ng dugong pumapatak
sa kayumangging kamay ng sakada
nalaslas ng machete niya
sa pagpuputol
ng mga tubo sa asyenda
di lamang para may makain siya
kundi madantayan ng sinag ng pag-asa
madilim, humuhumpak na pisngi
ng naghihintay, nagdarasal na asawa
sa nakaluhod na kubong
naiilawan lamang ng gasera
yakap-yakap maulap na gulugod
ng naghilerang gulod
hinihimas, kaulayaw ng pangamba.

magtatanim ako ng pula
pulang mga rosas
rosas na kasing pula
ng masidhing galit
sa mata ng pawisang manggagawa
sa maghapon, mapang-aliping paggawa
para may maibili
ng isang balot na tinapay
ng isang kalderong mais-dilaw
ng isang latang pinulbos
inasukalang gatas
para sa nakalupasay
namayat na anak.

oo, magtatanim ako
ng pula, pulang mga rosas
sa nagdurusa’t umiiyak
ulila kong halamanan
ng mga pangarap
naninilaw dila ng mga damo
sa tigang na lupa ng kabiguan
pero gagawin kong luntian
oo, luntian
sa paghahabulan ng mga patak
ng nagbabantang ulan
o sa pag-agos ng mga luha
ng uring alipi’t dayukdok
sa ulap ma’y pilit hinahablot
paraisong laging nilulunok
ng uring gahama’t balakyot.

at kapag namukadkad na
pula, pula kong mga rosas
sa tag-araw ng malagablab
kong mga awitin
buong ingat kong pipigtalin
ang bawat bulaklak
buong suyong isa-isang hahalikan
sa tanglaw ng araw
ng umagang walang lambong
sa mga kaibigan o kaaway man
isasabog kong malugod
kaluwalhatian
ng aking mga rosas
pula, pula, pula!

Read Full Post »