(Tula)
sa nagpulupot
na mga baging ng cadena de amor
gagambang nakasukot
marahas-maulap na mga gunita
nagtatanod-nakaabang
sa pinto ng kamalayan
kumikislot-nagbabantay
mabalahibong mga galamay
handang silain-saputan
pangarap ng diwang naglakbay
sa ilang dekada
ng pananagimpan.
lalaya ka pa ba
mahal kong la tierra pobreza
sa pagkakasapot
ng mga gagamba?
mga gunita’y gagamba
sa nagdaop na mga palad
ng cadena de amor
habang nagpuprusisyon
sa gubat ng dilim
sa burol at talampas
ng mapagkalingang bundok
mga aninong naligo sa dugo
dahil sa mataos na pagsuyo
sa mukha mong alipin ng bagabag
at sinapupunang niluray-binaog
ng nagpista’t nagrigodong
diyus-diyosang mga panginoon!
lalaya ka pa ba
mahal kong la tierra pobreza
sa makapal na sapot
ng imbing gagamba?
gagamba mang gumagapang
umuukilkil na mga gunita
sa dibdib ng cadena de amor
sinaputan man ng pangamba
banal na adhika
ng masang inulila ng biyaya
didiligin pa rin ng hamog
nanilaw na mga damo
at di mapipigil
mga talahib sa pamumulaklak
sa alinmang burol at sabana
ng minamahal kong la tierra pobreza
di mahahadlangan
pagliliyab ng mga layak
saanmang kuta ng inhustisya
isasabog alipato ng ligaya
hanggang bawat luha’y
magiging punglo ng paglaya
sa bawat dampa ng mga inalila!
oo, pinakasisinta
kong la tierra pobreza
tutupukin din ng apoy
bawat sapot ng gagamba
sa wakas lalaya ka
gaya ng mabining hangin
sa dibdib ng kaparangan
gaya ng daloy ng tubig
sa tiyan ng kagubatan
gaya ng naglalarong
langay-langayan
sa papawiring nagdiriwang
sa matimyas na pagsinta
ng mga supling mong kayakap
kaulayaw bawat gabi at umaga
banal na adhika ng pakikibaka!