Feeds:
Posts
Comments

Archive for July, 2012

Di Ako Manunulat


(Tula)

di ako manunulat
gaya ng dinadakila sa mga aklat
o sinusuob ng papuri’t pabango
sa maluningning na entablado
simple lamang akong taga-tala
ng reyalidad ng lipunang balintuna
taga-salaysay ng marawal na buhay
ng alipin ng kawalang-katarungan
ng ibinayubay ng pagsasamantala
sa kalbaryo ng luha’t dusa
ng mga karapatan at dignidad
pamunas lamang sa puwit at paa
sa dambana ng mga hari
sa pulitika’t ekonomiya.

di ako makata
sadya lamang matabil ang dila
pinagtatagni-tagni ang mga salita
laban sa imbing mga diyus-diyosang
sugapang nandarambong ng pondo ng bayan
silang dambuhalang tulisang
nakamaskarang makabayan
sa palasyo ng kalunsuran
laging isinasadlak masang sambayanan
sa kahimahimagsik na karalitaan
laging ibinibenta’y kapakanang-bayan
mahimod lamang pundilyo’t tumbong
ng dayuhang mga panginoong
pakialamero sa pambansang kasarinlan.

di ako manunulat
kompositor lamang ako
ng mga notang naglulunoy sa pandinig
hikbi ng mga ina
daing ng may pulmonyang amang
di makatikim ni aspirina
himutok ng naulilang
di makabili ni kabaong na palotsina
lagunlong ng napilipit na bituka
lagutok ng mga buto sa pabrika
kalantog ng tinuklap na mga yero
kalabog ng ginibang bahay
sa gilid ng mabahong estero
singasing ng hininga
ng pawisang magsasaka
sa kabukirang di kanya
hagulhol ng mga batang
nakalupasay sa bangketa
tagulaylay ng mga sawimpalad
saanman naghahari’y inhustisya.

di ako manunulat
pintor lamang ako ng mga larawang
nagnanaknak sa alaala
iginuguhit ng pinsel sa lona
sa pamamagitan ng pulang pintura
nakasusukang mga eksena
sa sinisintang la tierra pobreza
inuuod na mga bisig
inaanay na mga dibdib
nagdurugong mga bituka
mga tiyang sinasaksak
mga mukhang nilalaplap
inaatadong katawang hubo’t hubad
di nahilamusan ng dignidad
samantalang nilalaklak
dugo ng maralita
at pinagpipistahan
sa mesa ng kapangyarihan
ng iilang pinagpala
sinangkutsang buto’t laman
inadobong puso’t atay
sinitsarong bituka’t balat
tinapyas na mga ilong
dinukit na mga mata
ng sambayanang masa.

di ako manunulat
di ako makata
taga-tala lamang ako
taga-salaysay lamang ako
kompositor lamang ako
pintor lamang ako
at mang-aawit lamang ako
ng kahimahimagsik na reyalidad
sa ninananang lipunang
walang urbanidad ni dignidad
dahil sa iilang walang hinahangad
kundi bulsa’t sikmura nila
ang tanging mabundat!

Advertisement

Read Full Post »

Naiwan Sa Aki’y Mga Alaala


(Tula)

sa bawat paghihingalo ng takipsilim
at pagyakap ng lumuluhang gabi
habang palasong humahaginit ang ulan
naiwan sa aki’y mga alaalang
nagkukuta sa kamalayan
humihiwa sa budhing nadarang
ng ningas ng apoy sa karimlan
sumusurot iyon sa mga matang
nalulunod sa dagat ng lungkot
bawat eksena’y parang granaheng
tuluy-tuloy sa pag-ikot
nililigis himaymay ng aking puso
pinabibilis daloy ng aking dugo
nasaan ang paninindigang pinabuway
ng pingkian ng bote’t baso
at pagsalakay sa lalamunan
ng nag-uunahang mga bula ng likido?

oo, naiwan sa aki’y mga alaala
mga gunitang tangayin man ng hangin
o ng nagngangalit na delubyo
ay muli’t muling magbabalik
sa pasigan ng kaluluwa
hindi magugutay
ng makinang lumalamon sa laman
mga larawang umiindak sa balintataw
hindi iyon iginuhit lamang
sa buhanginan ng pagsinta
kundi marmol iyong lapidang
di kayang durugin ng bomba
saanman humantong ang pakikibaka
ng mga aninong nanunulay sa kamatayan
mapasilay lamang luningning ng araw
sa lupaing tinakasan ng saya’t ligaya
at mabigyang dangal layang ninanasa.

oo, muli’t muling magbabalik
naiwang mga alaala
kahit lumalaslas sa puso
lumalaplap sa budhi
at lumiligis sa kaluluwa!

Read Full Post »

Maita (Ka Dolor) Gomez


(Tula)

nang sumilakbo sa iyong ugat
dugo ng mga sawimpalad
at dumagundong sa iyong puso
hagulhol ng mga dukha
tinalikuran mo, maita,
tanghalan ng balatkayo
itinakwil mo, maita,
ilusyon ng puting telon
mukha mo’y nahilamusan
sa bukal ng katotohanan
upang makitang malinaw
salungatan sa lipunan.

inilantad-nilitanya mo, maita,
inhustisya’t pagsasamantala
ng gahamang diyus-diyosan
ibinandila di lamang kapakanan
ng aping kababaihan
kundi maging sagradong mithiin
ng nilatigong masang mamamayan
nagmartsa ka sa kadensa
ng laksa-laksang mga paa
tinig mo’y umalingawngaw
sa lansangan ng protesta
buong giting na isinigaw:
“ma-ki-ba-ka! hu-wag ma-ta-kot!
“ma-ki-ba-ka! hu-wag ma-ta-kot!”

niyakap mo, ka dolor,
dibdib ng kabundukan
nakipagsayaw ka sa talahib
ng kumalingang kaparangan
perlas mong itinuring
mga hamog sa damuhan
bininyagan-binanyusan
ng matubig na mga linang
ng nagpuputik na kabukiran
damdamin mong nag-aapoy
at hitik sa pagmamahal
sa lupaing umaagos
luha ng dalamhati
ng inaaliping uri.

oo, ka dolor,naging armado
kang mandirigma ng bayan
laban sa mapanikil-malagim
na nagmumultong panahon
ng imbi’t sugapang mga panginoon
mga salot pa rin ng lipunang
namamayagpag hanggang ngayon
ibinilanggo ka man, ka dolor.
at dinusta ng diktadura
parang brilyanteng di natapyasan
o esmeralda pa ring kumikinang
matimyas-dakilang hangaring
magluningning bilyong bituin
sa mukha ng bayan ng dusa’t hilahil.

namaalam ka man, maita,
sa la tierra pobrezang pinakamamahal
at sa anino ng gabi inilulan
ng aliw-iw ng hanging nagdarasal
tumakas na hininga ng pagsinta
sulo ka pa ring magliliyab
sa dibdib ng sawimpalad
muhon ka ring di matitibag
sa lupain ng pakikitalad
kikiwal sa ugat ng mga api’t dukha
alimpuyo ng dugo mong mapanlikha
di mapapawi ng panahon
magiting mong mga gunita
manalasa man ang daluyong
sa burol ma’t kapatagan
bahain man ng delubyo
kanayuna’t kalunsuran
marmol kang monumento
sa puso ng pagbabago.

hanggang inhustisya’y nilulumot
diyus-diyosa’y laging buktot
at tunay na demokrasya’y binabansot
hanggang manggagawa’y alipin
ng grasa’t makina sa mga pabrika
hanggang libingan nitong magsasaka
malawak na bukid na di maging kanya
saan ka man naroroon
si maita ka man o ka dolor
ihahatid ng sagitsit ng kidlat
at nakagugulantang na kulog
himagsik ng tinig mong humihiyaw:
“ma-ki-ba-ka! hu-wag ma-ta-kot!
“ma-ki-ba-ka! hu-wag ma-ta-kot!”

Read Full Post »