(Tula)
gunitain
silang binaril sa bunganga
silang pinutulan ng dila
dahil isiniwalat
mga lihim at hiwaga
sa palasyo ng mga pinagpala.
gunitain
silang minaso ang kamay
silang pinutulan ng daliri
dahil isinatitik
nanlilisik na katotohanan
sa bulok-inuuod na lipunan.
gunitain
silang dinukit ang mata
silang nilaslas ang tainga
dahil nakita mukha ng inhustisya
at malinaw na narinig
tinig ng pagsasamantala.
gunitain
silang nilagari ang tuhod
mga buto ay dinurog
dahil ayaw lumuhod
sa altar na maalindog
ng diyus-diyosang nabubulok.
gunitain
silang kinuryente ang bayag
silang nginatngat ang utong
silang pinainom ng ihi
sa inodoro’y inginudngod
dahil ayaw manikluhod.
gunitain
silang pinugot ang ulo
sinikaran-pinagulong
sa dalisdis ng kabundukan
dahil utak laging kumukulo
laban sa uring gahaman-palalo.
gunitain
silang isinimento sa dram
ipinalamon sa pusod ng karagatan
dahil di mapigilan sa pakikilaban
para sa isang mapayapa
maunlad-demokratikong lipunan.
oo, gunitain silang lahat
silang nagsipag-alay ng dugo’t buhay
sa panahon ng kanilang paglalakbay
silang “nangabuwal sa dilim ng gabi”
habang mga alitaptap ay naglalamay
at nananaghoy ang gaplatong buwan.
gunitain, oo gunitain
silang dalisay ang mithiin
silang busilak ang layunin
silang hagupit ng dusa’t panimdim
at unos at ulos ng dilim at lagim
sagradong ninasang ganap na pawiin.
lahat sila’y gunitain
mga alaala nila’y petalya ng apoy
malagablab na tatanglawan
puso natin at isipan
upang brilyanteng magluningning
bilyong mga bituin
sa landas nating tatahakin
hanggang matupok ang kumot ng dilim
at iluwal ng araw ang hustisya sosyal
progreso’t demokrasyang tunay
sa niwakwak na tiyan ng mga gahaman
sa la tierra pobrezang pinakamamahal!