(Tula –inilathala sa PILIPINO FREE PRESS, Disyembre 18, 1968 at, kaugnay nito, pakidalaw na rin ang “Di Hinaplos ng Pasko ang Puso” — Dis. 29, 2010 sa arkibo ng plumaatpapel).
huwag mong pagmasdan
nagsayaw-sayaw na mga parol
at nagkikindatang pula, dilaw
asul at berdeng mga ilaw sa bintana
huwag mong namnamin
nakahaing hamon, keso at alak
sa iyong kumikislap na mesa.
ikaw, ikaw na may pusong kristiyano
ay dapat tumanaw sa dako pa roon…
sa pook na libingan
ng mga buhay na kalansay.
masdan mo, masdan mo
ang humpak na pisngi
ng isang batang naglalaway
sa isang mansanas
o isang kumpol na ubas…
masdan mo ang isang platong kanin
at ilang butil ng asin
na tinititigan ng matang malungkot.
sa lamig ng madaling-araw
masdan mo ang butuhang mga daliri
at gulanit na balabal
ng isang matandang
nakayukayok sa pinto ng simbahan.
sa sikat ng araw sa katanghalian
sulyapan mo ang pudpod na takong
at butas na suwelas ng sapatos
ng isang pawisang trabahador
at tingnan mo pagkatapos
ang naglulunoy na water lily
sa estero at sa ilog pasig.
sa butas-butas na bubong
ng isang dampa
subukan mong titigan ang araw
katasin mo ang pait at dusa
at madarama ng iyong pusong kristiyano
ang kahungkagan ng isang pasko!