(Tula)
sa mahabang panahong pagkakahimbing
dumilat ka
ikaw indio
ng aking la tierra pobreza
humulagpos ka sa pagkakadena
sa bilangguan ng dalita’t dusa
tupukin ang bartolina
ng maringal na mga templong
may di maipaliwanag na mga ritwal
na ganap na lumason sa kaisipan mo
na lubos na umalipin sa kaluluwa mo.
dumilat ka
ikaw indio
ng aking la tierra pobreza
deka-dekada nang sinipsip-hinuthot
ng mga diyus-diyosan
likas na alindog ng dibdib mo
at walang humpay pang ginagahasa
ng uring hari-harian sinapupunan mo
dinarambong yaman ng baul mo
kung maaari’y limasin
pati balon ng tubig mo
sairin pati palabigasan mo.
at ngayon, oo ngayon…
mga bisig mong tinatakasan ng laman
umaararo sa malawak na kabukirang
kanilang kinamkam
mga daliri mo’y turnilyong bumabaon
sa granaheng lumiligis sa iyong katawan
sa mga pabrika ng inhustisya’t kasakiman
mapalad ka nga ba
ikaw indio
ng aking la tierra pobreza
dahil maralita ka’t nagdurusa?
sa mahabang panahong paglulunoy sa ilusyon
dumilat ka
ikaw indio
ng aking la tierra pobreza
iwaksi ang mapanlinlang na mga salmo’t himno
walang saysay ang mga lirika
walang indayog ang iwing musika
kung nananambitan ang asawa mo
kung humahagulhol ang anak mo
dahil inuulos ng gutom
mga bitukang bumalumbon.
magising ka
ikaw indio
ng aking la tierra pobreza
awitin mo
bagong mga titik ng pakikibaka
gawing melodiya
singasing ng pulbura
dagundong ng mga bomba
ganap na pulbusin
bawat kuta ng inhustisya
gibain-lansagin bawat palasyo
ng pagsasamantala
wasakin-durugin
nilumot na moog ng pambubusabos
nang sa wakas mapalaya
ang uring alipi’t dayukdok
dumilat ka
ikaw indio
ng aking la tierra pobreza!
salamat po sa paggising…
dama ko po s bawa’t linya ang malasakit s kapwa pilipino, salamat s 1 ka roger…
pede ko po bang balik balikan ang huling talata? salamat po…
Nalalaman ko po na bawa’t isa sa atin ay may pagkakaibang indibidwal (individual differences) kung kaya’t maaaring iba po ang pagkakaunawa ko. Subali’t dahil tunay na tunay na nagustuhan ko ang inyong tula, maaari po bang damahin ko ang bawa’t salita at taludtod sa pamamagitan din ng pagsubok ko na abutin ang nasa inyong kaisipan upang magkaroon po tayo ng pagkakatugma?.(meeting of the minds). Ang damdamin “mood” po ng tula ay seryoso sa pamamagitan ng mga salitang “humulagpos, tupukin,dinarambong, lumiligis, inuulos ng gutom, pakikibaka, dagundong ng mga bomba, wasakin, durugin”. Sa unang taludtod po ay sinabi mong gumising na sa mahabang pagkakatulog ang mga Pilipino. Naalala ko po ang katawagang “Indio” ay ibinansag noong panahon pa ng Kastila, ganun na pala katagal. Inisip ko pong ito ay tungkol sa nakagisnang relihiyon dahil sa mga salita sa huli “na ganap na lumason sa kaisipan mo,na lubos na umalipin sa kaluluwa mo. “. Sa pangalawa naman po, ito po yata ay sa klase ng kalakaran ng lipunan na ating ginagalawan, ang mga diyos diyosan , ang mga karapatang pantao na niyuyurakan, ang mapait ito pong nasa huling tatlong linya “kung maaari’y limasin
pati balon ng tubig mo;sairin pati palabigasan mo”, maaaring ito ay tumutukoy din sa hanapbuhay na ang kita ay sobrang liit dahil sa buwis. Sa ikatlong taludtod naman po ay ang kalagayan ng mga magsasaka , na ang kanilang bukirin na noong una’y malaya nilang nalilinang at napagkukunan ng kabuhayan, ngayo’y pilit na tinayuan ng mga pabrika, kung saan napilitan silang mamasukan upang manatiling alipin hanggang sa tumanda “mga daliri mo’y turnilyong bumabaon;sa granaheng lumiligis sa iyong katawan
sa mga pabrika ng inhustisya’t kasakiman;mapalad ka nga ba;ikaw indio;ng aking la tierra pobreza
dahil maralita ka’t nagdurusa? “. Sa pang apat naman po ay tinagurian mong musika ang talamak na tag gutom at ang musika ng kahirapan at panlilinlang “walang saysay ang mga lirika;walang indayog ang iwing musika;kung nananambitan ang asawa mo;kung humahagulhol ang anak mo;dahil inuulos ng gutom
mga bitukang bumalumbon. “ At sa huli po, nais mo pong una, “pukawin ang damdamin ng masa sa bagong pakikibaka, ikalawa, “pulbusin bawat kuta ng inhustisya”, ikatlo”gibain-lansagin bawat palasyo
ng pagsasamantala ;ikaapat “wasakin-durugin nilumot na moog ng pambubusabos “.at “nang sa wakas mapalaya ang uring alipi’t dayukdok .
Siguro po kaya ninyo ginamit ang salitang “dumilat ka, Indio” ay dahil ang ibig sabihin ng pagdilat ay ang pagtingin ng may pang unawa. (to see is to understand). Salamat po, nais ko na yata pong gayahin ang sabi ng ibang “blogger” – mapalad ang Pilipinas sa pagkakaroon ng isang Rogelio Ordoñez. Ingatan niyo po ang sarili ninyo upang humaba pa ang panahon kung saan makapagpapatuloy pa po kayong pumukaw ng damdamin ng masang Pilipino sa pamamagitan ng inyong panulat.. Muli po salamat…
Isang napakaganda, makabayan at napapanahong tula. Makabayan dahil hinihimok nitong tulang ito na imulat ng bawat pilipino nang kanilang mga damdamin at isipan sa mga pangyayari sa ating bayan na kung saan nagiging sunod-sunuran tayo sa sarili nating bayan. Napapanahon dahil alam naman natin sa panahon ngayon na mas naghaharian ang mga dayuhan kesa sa atin.
Kaya masasabi kong napakaganda ng tulang ito
Isang napakaganda, makabayan at napapanahong tula. Makabayan dahil hinihimok nitong tulang ito na imulat ng bawat pilipino nang kanilang mga damdamin at isipan sa mga pangyayari sa ating bayan na kung saan nagiging sunod-sunuran tayo sa sarili nating bayan. Napapanahon dahil alam naman natin sa panahon ngayon na mas naghaharian ang mga dayuhan kesa sa atin.
Kaya masasabi kong napakaganda ng tulang ito