Feeds:
Posts
Comments

Archive for February, 2013

BALIK-TANAW SA SABAH


(Lathalain)

(Kaugnay ng umiinit ngayong usapin tungkol sa Sabah na kinaligtaan na yatang habulin ng gobyerno, matapos ang magkasunod na rehimen nina yumaong Pres. Diosdado Macapagal at Ferdinand Marcos, minabuti naming muling ilathala rito ang artikulo naming ito (unang lumabas sa PINOY WEEKLY, may petsang Setyembre 25-Oktubre 1, 2002). Pagkaraan ng naturang dalawang rehimen, lumilitaw na natulog na sa kangkungan ang sumunod na mga administrasyon mula kay Pres. Cory Aquino hanggang ngayon kay P-Noy, at ibinasura na ang paghahabol ng Pilipinas sa teritoryo ng Sabah).

ISANG BOMBANG maaaring biglang sumabog anumang oras ang isyu ng paghahabol ng Pilipinas sa Sabah. Dekada ’60 pa nang simulan ito at, batay sa datos, lumilitaw na hindi Malaysia ang dapat magmay-ari ng naturang teritoryo.

Ang Hilagang Borneo, kilalang Sabah noon pa, ay may kabuuang sukat na 29,000 milya kuwadrado, maliit lamang ng 8,000 milya kuwadrado kaysa Mindanaw. Mula sa Pilipinas, 18 milya lamang ang layo nito, ngunit 1,000 milya mula sa Kuala Lumpur, kabisera ng Malaysia.

Kung titingnan ang mapa, ang hilagang dulo ng Isla ng Borneo ang bumubuo sa sangkapat (1/4) na bahagi ng Sulu Sea at nag-uugnay sa mga isla pakanan mulang Palawan hanggang Kanlurang Bisaya, Mindanaw, at Arkipelago ng Sulu.

Ilang libong taon na ang nakaraan, isang kultural, historikal, at pang-ekonomiyang yunit lamang ang Pilipinas at ang Borneo. Ayon sa mga siyentipiko, magkarugtong ang dalawang teritoryo, mula sa iisang lahi ang mga tao, magkakulay, magkaugali at may parehong mga tradisyon.
——
ANG SOBERANYA NG SULTAN NG SULU

Dating pinamamahalaan ng Sultan ng Brunei ang Sabah. Noong 1704, bilang pagtanaw ng utang na loob nang matulungan ng Sultan ng Sulu na masugpo ang isang rebelyon sa Brunei, ipinagkaloob ng Sultan ng Brunei sa Sultan ng Sulu ang Hilagang Borneo o Sabah.

Noong 1878, pinarentahan ng Sultan ng Sulu ang Sabah kina Baron de Overbeck at Alfred Dent sa halagang 5,000 dolyar (Malaysian) na itinaas nang malaon sa 5,300.

Ipinagbili nang malaon ni Overbeck kay Dent ang lahat niyang karapatan sa ilalim ng kontrata. Isang pansamantalang asosasyon ang itinayo ng Ingles na mangangalakal na si Dent at, nang malaon, naitatag ang British North Borneo Company.

1881 — nang pagkalooban ng Karta Royal ang naturang kompanya, nagprotesta ang pamahalaan ng Espanya at ng Olandes sa gobyerno ng Bretanya laban sa pagbibigay nito ng Karta Royal sa British North Borneo Co. Binigyang-diin ng Bretanya na “NANANATILI SA SULTAN NG SULU ANG PAGMAMAY-ARI SA SABAH” at tungkuling administratibo lamang ang gagampanan ng nasabing kompanya.

1903 — hiniling ng British North Borneo Co. sa Sultan ng Sulu na magpalabas ng isang kasulatang muling magpapatibay sa dating kontratang ginawa noong 1878 (lease agreement) at tataasan ang renta.

1946 — inilipat ng British North Borneo Co. sa British Crown ang lahat nitong karapatan at obligasyon sa Sabah at noong Hulyo 10, 1946 — anim na araw matapos ibalik ng Amerika ang inagaw na kasarinlan ng Pilipinas — iginiit ng British Crown ang ganap nitong mga karapatan sa soberanya ng Hilagang Borneo o Sabah.
——-
IBA PANG MGA PATOTOO SA SOBERANYA

1737 — isang tratado (Treaty of Alliance) ang pinirmahan ng Espanya at ng Sultan ng Sulu.

1805 — isang tratado ng pakikipagkaibigan sa Espanya ang nilagdaan ng Sultan ng Sulu.

1836 — kinilala ang soberanya ng Sultan ng Sulu nang makipagtratado sa kanya ang Espanya tungkol sa kapayapaan, pakikipagkaibigan at proteksiyon.

1851 — muling nakipagtratado ang Espanya sa Sultan ng Sulu. Nakilala ang tratadong ito bilang “Treaty of Annexation” at ipinailalim sa soberanya ng Espanya ang buong kapuluan ng Sulu.

1878 — isa pang tratado ang pinirmahan ng Sultan ng Sulu na, sa ikalawang pagkakataon, nagbibigay-diin sa soberanya ng Espanya sa teritoryo ng Sulu.
——–
PAPEL NG ESTADOS UNIDOS NG AMERIKA

1848 — sa pamamagitan ni Komodor Charles Silker, isang tratado ang isinulong ng Estados Unidos sa Sultan ng Sulu para sa kalakalan.

Agosto 20, 1899 — sa pamamagitan ni Hen. John C. Bates, isang tratado ang pinirmahan ng gobyerno ng E.U. at ng Sultan ng Sulu. Nakilala ito bilang Bates Treaty. Sa ilalim nito, idineklara at kinilala ng Sultan ng Sulu ang soberanya ng Amerika sa Arkipelagong Jolo at sa nasasakupan nito. May mga probisyon sa tratado na kumikilala sa “gobyerno ng Sultan” na gumagarantiya sa paggalang sa Sultan at sa mga Datu nito, gayundin ang ganap na pagkilala sa kanilang mga karapatan. Pinawalang-saysay ng Amerika ang tratado noong 1904 dahil sa paglabag diumano ng mga Muslim sa mga probisyon.

Marso 22, 1915 — napilitang makipagkasundo sa Estados Unidos ang Sultan ng Sulu dahil sa pangakong patuloy silang babayaran at bibigyan ng lupa. Pinagtibay niya ang kanyang “pagkilala sa soberanya ng E.U. sa Mindanaw at Sulu.
————
MGA HAKBANG NG ESTADOS UNIDOS NA PALAWAKIN ANG SULTANATO

1. Walang kaukulang legal na mga batayan, sa pamamagitan ng Tratado ng Paris, isinalin ng Espanya sa Estados Unidos ang pagmamay-ari sa Pilipinas.

2. Hunyo 1, 1903, sa bisa ng Bates Treaty, nilikha ang probinsiyang Moro na nagbawas sa kapangyarihang pampulitika ng Sultanato.

3. Nang pagtibayin ang Batas Jones noong 1916, nabuksan sa Kongreso ng E.U. ang talakayan hinggil sa kasarinlan ng Pilipinas. Natakot na kapag nagsasarili na ang Pilipinas, baka bawiin nito ang Sabah, kaya hinimok ng British Crown si Pres. Woodrow Wilson ng Amerika na atasan si Al-Sultan Jamalul Kiram II na isuko sa gobyerno ng E.U. ang soberanya nito sa Arkipelago ng Sulu at Mindanaw.

4. Itinadhana ng 1919 Kasunduang Carpenter na kilalanin ng Sultan ng Sulu ang soberanya ng E.U. sa Mindanaw at Sulu kaakibat ang lahat ng karapatan at regulasyong ipinatutupad ng gobyerno ng Amerika sa lahat ng nasasakupan nito.

5. Sa tratadong pinirmahan ng E.U. at ng Gran Bretanya noong Enero 2, 1930, nilimitahan ang teritoryal na hurisdiksiyon ng Pilipinas.

6. Sa ilalim ng 1935 Konstitusyon ng bansa, isinama sa balangkas ng Republika ng Pilipinas ang Sultanato ng Sulu nang walang kaukulang patalastas sa gobyerno ng Sultan at labag sa kagustuhan ng mga mamamayan ng Sultanato. Ang Gobyernong Komonwelt ang nagmana mula sa E.U. ng soberanya ng Sultanato ng Sulu.
——–
MGA HAKBANG NG GOBYERNO NG PILIPINAS
SA PAGHAHABOL SA SABAH

Hunyo 22, 1962 — Ipinatalastas ng Pilipinas, sa pamamagitan ng Kagawarang Panlabas (DFA), sa UK (United Kingdom) ang paghahabol nito sa Sabah.

Setyembre 12, 1962 — Ipinaliwanag ng Pilipinas sa gobyerno ng UK ang mga batayan nito sa paghahabol sa Sabah.

Disyembre 29, 1962 — Nagkasundo ang UK at ang Pilipinas na talakayin ang isyung ito.

Enero 28 – Pebrero 1, 1963 — Idinaos sa London ang unang kumperensiyang ministeryal tungkol dito. Pinamunuan ni dating Bise-Presidente Emmanuel Pelaez ang lupon ng Pilipinas, at ni Ministrong Panlabas Earl Home ang lupon ng UK.

Hunyo 7-11, 1963 — Nagpulong sa Maynila ang mga Ministrong Panlabas ng Indonesia, Malaysia at Pilipinas. Sa isang dokumentong ipinalabas nila, napagkasunduang “hindi mababale-wala ang paghahabol ng Pilipinas sa Sabah o ang anumang mga karapatang kaugnay nito” sakaling mabuo man ang Pederasyon ng Malaysia.

Hulyo 30-Agosto 5, 1963 — Nagpulong sa Maynila sina Pres, Diosdado Macapagal, Pres. Sukarno ng Indonesia, at Ministrong Panlabas Tunku Abdul Rahman ng Malaysia. Sa dokumentong ipinalabas nila, pinagtibay nila ang napagkasunduan noong Hunyo 7-11, 1963 ng kani-kanilang mga ministrong panlabas tungkol sa paghahabol ng Pilipinas sa Sabah.

Setyembre 14, 1963 — Ipinahayag ng Pilipinas ang pag-aalinlangan nito sa resulta ng misyon ng U.N. na gusto diumano ng mga mamamayan ng Sabah na manatili ang naturang teritoryo sa Malaysia.

Pebrero 5-10, 1964 — Sinimulang talakayin ng mga ministrong panlabas ng MAPHILINDO (Malaysia, Pilipinas, Indonesia) ang paghahabol ng Pilipinas sa Sabah, gayundin ang iringan ng Malaysia at Indonesia.

Pebrero 5-12, 1964 — Nag-usap din sa Phnom Penh, Cambodia, sina Macapagal at Rahman at nagkasundong dalhin sa World Court ang isyu ng Sabah.

Marso 5-6, 1964 — Idinaos sa Bangkok, Thailand, ang ikalawang masusing talakayan ng mga ministrong panlabas ng MAPHILINDO tungkol sa naturang isyu, gayundin ang banggaan ng Malaysia at Indonesia, ngunit walang napagkasunduang anuman.

Hunyo 20-22,1964 — Nagpulong sina Macapagal, Sukarno at Rahman. Batay sa napag-usapan sa Phnom Penh, ibinigay ng Malaysia ang dokumentong “Philippine Claim to North Borneo, Volume 1.” Ipinanukala rin ng Pilipinas na bumuo ng komisyong Apro-Asyano para mamagitan sa bagay na ito.

Pebrero 7, 1966 — Opisyal na ipinahayag ng gobyerno ng Malaysia na hindi nito nilabag ang Hulyo 31, 1963 Kasunduan sa Maynila at binigyang-diing patuloy na igagalang iyon.

Hunyo 3, 1968 — Naging normal ang relasyon ng Malaysia at Pilipinas.

Enero 12, 1968 — Nagpalabas ng dokumento sina Pres. Marcos at Ministro Rahman na sa lalong madaling panahon, ipagpapatuloy ang talakayan ng kanilang mga bansa tungkol sa Sabah.
———
Bago idineklara ni Marcos ang Batas-Militar, ibinunyag ni Sen. Benigno Aquino, Jr. noon ang planong paglusob ng puwersa ng gobyerno sa Sabah sa pamamagitan ng tropang Jabidah na sinasanay ng militar. Humantong iyon sa pagmasaker sa mga miyembro ng Jabidah ng diumano’y mga militar dahil nagsitutol ang mga iyon sa plano ni Marcos.

Mula sa rehimen ni Cory Aquino, Fidel Ramos, Erap Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo, at masasabing hanggang ngayon sa rehimen ni P-Noy, parang binuhusan ng tubig at lumamig ang usaping ito sa Sabah. Muli lamang itong uminit dahil sa malupit na maramihang deportasyon noon ng mga Pilipinong nandayuhan sa Malaysia, at umiinit nang umiinit nga ngayon bunga naman ng mga 400 Pilipinong nagpunta sa Sabah kamakailan at naninindigang teritoryo iyon ng Pilipinas na, malamang, baka puwersahang pabalikin sa Pilipinas ng mga awtoridad ng Malaysia.

Tuluyan ba itong magsisiklab at parang bombang sasabog sa ilalim ngayon ng rehimen ni P-Noy? O talagang bahag ang buntot sa Sabah ng ating kinauukulang walang gulugod na pambansang liderato?

Pebrero 21, 2013

Read Full Post »